Friday, July 27, 2012

MAHIRAP BA AKONG MAHALIN, Unang Kabanata


Tulad ng aking pangako, inilalathala ko ngayon dito sa blog ang isang bahagi ng unang kabanata ng nobelang MAHIRAP BA AKONG MAHALIN na kasalukuyang inaayos namin na maipalimbag sa susunod na buwan.

Ang nobelang ito na nalathala sa Lingguhang Liwayway noong 2001-2002 ay umiikot sa pag-ibig ng dalawang binata sa iisang dalaga.  At ng isa pang dalaga sa isa sa mga binata.  Na talaga namang nangyayari sa tunay na buhay.  Ngunit ang situwasyong kinasangkutan ng apat na ito ay hindi ninyo nanaising mangyari sa inyong sarili.  Bagama't sa kaibuturan ng inyong puso, marahil, hindi ninyo maiiwasang ilarawan na kayo ang nasabing dalaga na pinag-uukulan ng mataos na pagmamahal ng dalawang binata.  Ngunit paano naman, kung kayo ang ikalawang dalaga? O ikaw ang isa sa dalawang binata?  A... malapit nang ilabas ang aklat na ito.  Abangan na lamang ninyo!

Narito ang BIRU-BIRO KUNG SANLAN, ang una sa labingwalong kabanatang  bumubuo dito.
 

MAHIRAP  BA  AKONG MAHALIN?
  

1.  Biru-Biro Kung Sanlan

      NASA kalagitnaan nang ginagawang pagluluto si Natalie nang tumunog ang telepono.  Dinampot niya ito at sinagot.  “Hello...”

     “Natalie?”  Si Leny ang nasa kabilang dulo ng kawad.
    
     Pinahid ni Natalie ang pawis sa kanyang noo.  “O, Leny, bakit?”
    
     “May ginagawa ka ba?”  tanong ni Leny.
    
     “Nagluluto.  Bakit?”  ulit niyang tanong.
    
     “Mayro’n akong balita, and I want you to be the first one to know.”
    
     Seryoso si Leny, napuna ni Natalie at medyo siya kinabahan.  “Bad news?”
    
     Si Leny.  “Hindi naman.  Depende sa ‘yo.”
    
     Huminga nang malalim si Natalie.  “Ano ‘yon?”
    
     “Darating si Kuya Benjoe!”  Hindi na nagpaliguy-ligoy si Leny.   “Next week, sa birthday ni Tatay.”
    
     Matagal na hindi nakahuma si Natalie.  Nablangko ang kanyang utak.
    
     “Natalie?”
    
     “Leny...”
    
     “Okey ka ba?”
    
     “Okey naman.”
    
     “I had to tell you.”
    
     “Thank you.  I appreciate it.  Sino na ba’ng nasabihan mo?”
    
     “Ikaw pa lang.  Katatawag lang sa akin.  Kabababa ko lang ng telepono.  Naisip ko agad ikaw.”
    
     “Salamat ulit, Leny.  Pero, bakit daw napaaga?  Next year pa’ng selebrasyon nina Tatay.”
    
     “Tinanong ko nga.  Sabi, saka na lang daw niya ikukuwento, pagdating dito.”
    
     Muli  napahinga  nang malalim si Natalie.  “Leny, sa palagay mo kaya, natuloy…”
    
     Si Leny.  “I hope not.  Huwag naman sana…”
    
     “Kasama ngang lagi sa dasal ko iyan.”
    
     “O, sige,  tawagan na  lang tayo...”  patapos na wika ni Leny.
    
     Ibinaba ni Natalie ang telepono at binalikan ang ginagawa nang muling tumunog ang telepono.  “Natalie, ako ulit,”  tinig ni Leny.   “Nalimutan ko palang sabihin iyong message ni Kuya Benjoe sa iyo.”
    
     “Sa akin!”  parang biglang sumakit ang ulo ni Natalie.
    
     “Gusto ni Kuya Benjoe na magkausap kayo pagdating niya.  Kayong dalawa lang daw.  O, sige…”  nagmamadali si Leny, parang ayaw nang marinig kung anuman ang kanyang sasabihin.   
    
      Hindi na niya itinuloy ang ginagawa.  Ipinagbilin na lamang sa katulong kung paano ito tatapusin. Pumasok siya sa kuwarto pagkaraang magbilin na huwag siyang gambalain dahil masakit ang kanyang ulo.  Kung may tawag sa telepono ay itanong na lamang kung sino at kung ano ang mensahe.
    
      Nahiga sa kama si Natalie hindi upang matulog kundi upang linawin ang pag-iisip, payapain ang damdaming ginulo ng tawag sa telepono ni Leny.  Darating si Benjoe!   Kung tutuusin ay hindi naman balita ang pagdating nito.  Natural lamang na umuwi ito.  At magkita sila.  Alam naman niya iyon.  Kaya lang... bakit gusto siyang kausapin nang sarilinan.  Silang dalawa lang daw!
    
     Bilib na rin siya kay Leny.  Na agad naisipang pagsabihan siya.  Para marahil maihanda niya ang kanyang kalooban.  Talagang maaasahan si Leny.  Isa itong tunay na kaibigan.  Sabagay, alam rin naman ni Leny na ito ang pinagsimulan ng lahat, maraming-maraming taon na ang nakalilipas.  Ang promotor, kumbaga.
    
      BATCHMATE sila ni Leny sa unibersidad.  Lista ito at matalino.  Popular sa kampus.  Siya nama’y galing sa probinsiya.  May pagka-reserved.  Walang kibo at pangiti-ngiti lamang.  Pero, hindi siya silong sa mga kamag-aral.  Matalino naman siya at maganda.  Talaga lamang na hindi madaling pumalagay ang kanyang loob.  Tipong mailap.
    
     Si Leny ang unang lumapit sa kanya.  “Saan ka umuuwi, Natalie?”  tanong nito at sinabi niya.
   
     “May probinsiya ka ba?”  muling tanong na sinagot rin niya.
    
     Tanong, sagot.  Tanong, sagot.  Napatawa si Leny.  “Nakakatuwa kang nakakaintriga, Natalie.”
    
     Medyo tumaas ang kanyang kilay.  “Bakit?”
    
     “Kasi, parang pinagtitiyagaan mo lang akong sagutin,”  wika ni Leny.  “Parang napaka-independent mo.  Parang kuntento ka nang mag-isa.  Nagkakagulo na kami’y parang bale wala sa iyo.  Ayaw mo bang makisama sa amin?”  ang tanong pa.
    
     “Taga-probinsiya ako,”  sagot niya.
    
     Ang pagtataka’y lumarawan sa mukha ni Leny.  Ano’ng koneksiyon, wari’y isinasaad nito.
    
     “Bago kami makipagkaibigan...” nagdalawang-isip siyang ituloy ang sasabihin.
    
     Mabilis sa pakiramdaman si Leny na sinalo ang kanyang sasabihin.  “Kinikilala muna ninyo,”  walang malisya sa tinig ni Leny.   
    
     Pero, naging defensive na rin siya.  “Hindi naman.  Kaya lang, sabi ng Nanay ko, iba’ng probinsiya, iba’ng Maynila.”
    
     “At hindi dapat magtitiwala agad sa mga bagong kakilala.”
    
     Pinigil niya ang kanyang ngiti.  “Bakit mo alam?”
    
     Ngumiti nang todo si Leny.  “Alam mo, kasi, taga-probinsiya mo rin ang Nanay at Tatay ko.”
    
     “Siyanga?”  nanulay ang interes sa kanyang tinig, may namintanang tuwa sa kanyang mga mata.  Narinig na niya iyon noon.  Na kapag bago raw salta sa Maynila ang isang istudyante, tuwang-tuwa ito na makatagpo ng kahit na sinong ka-probinsiya.  Kahit hindi kababayan, basta’t parehong lalawigan.  Ibig sabihin, pareho ng salita, pareho ng kaugalian.
    
     Tumango si Leny.  “Kaya lang, dito na sila lumaki at nagkatagpo.  Pero, dala pa rin nila ang ugaling-probinsiya, dahil doon sila pinalaki ng kani-kanilang mga magulang.  Kaya sa pamilya namin, nagmamano kami sa matatanda.  At namumupo sa pakikipag-usap.  Kuya at Ate ang tawag sa nakatatandang kapatid.  Laging nagsasama-sama, nagtitipun-tipon.  Big deal ang reyunyon sa aming pamilya.  Pag may okasyon, lalo’t bertdey ni Lola o Lolo noong nabubuhay pa ang mga ito, hindi pwedeng absent.  Gano’n daw sa probinsiya n’yo.  Importante ang pamilya.  At isa pang napakaimportante na idinikdik na tunay sa aming ulo, kapag daw may sinabi ka, o ginawa, dapat ay panindigan mo.”
    
     Natawa siya sa mahabang diskurso ni Leny.  “Akalain mo...”  pakiramdam niya’y pumalagay na ang kanyang loob kay Leny sa narinig na sinabi nito.
    
     “O, pasado na ba ‘ko sa ‘yo ngayon?”  prangkang tanong ni Leny.
   
     Muli siyang natawa, mas malakas.  Tinukso tuloy siya ni Leny.  “Marunong ka palang tumawa nang malakas.”
    
     Humabang lalo ang kanyang tawa.  “Oo naman...”
    
     “Ang hinhin mo kasi,”  sabi ni Leny, na sinundan nang pagkunot ng noo at pag-iisip.  “May boyfriend ka na ba, Natalie?”
    
     “Naku, wala,”  mabilis niyang sagot, parang nanghilakbot.
    
     “O, bakit ganyan ang reaksiyon mo?  Masama ba’ng mag-boyfriend?” 
    
     “Hindi naman,”  sagot niya.  “Pero, sa akin, bawal pa ang mag-boyfriend.  Bawal magpaligaw.”
    
     “Mapipigil mo ba ’yung ligawan ka?”  tanong ni Leny.  “Sa ayaw mo’t sa gusto, maliligawan ka, basta’t kursunada ka ng isang tao.”
    
     “E, di basted mo agad para di magpatuloy, sabi ni Nanay,”  wika niya.
    
     “'Sus, ang lupit n'yo naman,”  puna ni Leny.  “Bakit naman gano’n?”
    
     “Mahigpit, e...”
   
     “Sobra naman yata.  Ano ba’ng dahilan?”
    
     Napabuntong-hininga siya.  “Mahabang istorya.”
    
     Matagal siyang tinitigan ni Leny.  “Kapag ready ka na, pwede bang ikuwento mo sa akin?”
    
     Saglit lamang siyang nag-atubili.  “Bakit hindi.”  At si Leny naman ang hinarap niya.  “Ikaw, may boyfriend ka na?”
    
     Tumango ito.  “Dati.  Wala na ngayon.  Cool off na kami.  Break na.”
    
     “Bakit?”  Tanong niya.
    
     Kumindat si Leny.  “Kasi, bagong iskwela ito.  Malay mo, baka makatagpo ako rito nang higit kaysa kanya.”
    
     “Salbahi ka,”  wika niya.
    
    Tinitigan siya ni Leny.  “Ikaw rin, sa ganda mong ‘yan, tiyak na makakakita ka rito.”
    
    Umiling siya.  “Bawal nga, di ba?  Pero, darating din ako riyan...”
    
    Natigilan si Leny, waring may binubuo sa isip.  Pagkuway tumango.  “Tama, huwag ka munang magboyfriend, Natalie.  Pag  pwede ka na, mayro’n akong ipakikilala sa ‘yo.”
    
    “Naku, sino namang Poncio Pilato ‘yon?”  pakikilaro niya.
    
    “‘Oy, hindi kung sino lamang ‘yon, Natalie... Dalawang guapong binata!  Sabi nga'y walang tulak-kabigin!"

    “Naku, tigilan mo nga ako.”


***

Natalie... Leni... at kung sinuman ang ipakikilala nito!  Sa nabasa ninyong bahagi ng unang kabanata ay may masisilip na kayong wari ay mamumuong tatsulok!  Ngunit ito ay hindi pangkaraniwang tatsulok.  Tuklasin sa nobelang MAHIRAP BA AKONG MAHALIN!  Malapit na!


Monday, July 23, 2012

“MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG”: ISANG PANANAW


Ang feedback na ito na nais kong ibahagi, kasama ang aking sagot sa ilan niyang katanungan ay tungkol sa aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig.  Ito ay nagbuhat at sinulat ng isang Kababayan, Kamag-aral, Kaibigan.  Kaya kung halatang biased siya sa nasabing pananaw, pasensiya na po ang ibang babasa.

Nakatutuwa ang kanyang sinulat.  Nakatataba ng puso.  Kaya kapag ako'y inaalihan ng pagkatamad sa pagsusulat at wari ay nilisan ng aking musa, binabalikan ko ito.  Na matapos kong basahin ay nasasambit ko sa sariling --- okey naman pala ako! 
 
“MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG”:  
    ISANG PANANAW - R. Estrada


    Kababayan.   Kamag-aral.  Kaibigan.  Ganyan ang relasyon namin ni Evelyn L. Estrella - Sebastian sa loob ng maraming, maraming taon.   May common denominator kami:  ang hilig sa pagsusulat.  

(Sa totoo lamang, ang sumulat ng pananaw na ito ay ang isa sa dalawang kamag-aral kong hinahangaan at itinuturing na tunay na manunulat.  Di ba noon, sabi ko nga, ako ay isa lamang storyteller.) 

    Nakapagpalathala na ako ng mga kuwento at lathalain sa ilang babasahin -  Kislap. Aliwan, Bulaklak.  Nguni't  noon pa man, pangarap ng bawa't manunulat   – kasama na ako roon – ang makapagpalathala sa nangungunang lingguhang magasin, ang Liwayway. Karangalan ng sinumang manunulat ang masabing sumusulat siya sa Liwayway.

    Nagpadala ako ng ilang kuwento sa Liwayway.  Resulta:  mga rejection slips.  Dakong huli, napagod na ako.  At tinamad. At hindi na nagpursige.

    Marahil, nakatanggap din ng rejection slips si Evelyn (totoo po iyan, maraming beses din)Nguni't di gaya ko, di siya sumuko. Resulta: naging kuwentista at nobelista siya ng Liwayway. At hindi lamang iyan.  Naabot din niya ang tuktok na maaring maabot ng isang manunulat: nagkamit siya ng  gantimpalang Palanca.  Hindi miminsan. kundi makailan. Di ko nagawa ang nagawa niya, di ko naabot ang naabot niya.  Naiinggit ba ako sa kanya?  Oo, mangyari pa.  Nguni't pagkainggit na may paghanga, may pagmamalaki.  Pagka't kababayan ko nga siya, pagka't kamag-aral ko nga siya, pagka't kaibigan ko nga siya. Alam ko namang hindi niya ipagdaramot ang makibanaag ako sa kanyang kinang. 

    (Nang una akong manalo sa Palanca, tunay na parang nakalutang ako sa ulap.  Lubos kong ikinatuwa at ipinagmalaki, kahit palihim sa harap ng iba, pero lantaran sa harap ng pamilya, na nagawa ko ito.  Ngunit ang mga sumunod na pagkapanalo ay iba na ang dating sa akin.  Ikinatutuwa ko ito sapagkat alam kong ipinagmamalaki ako ng aking pamilya, kamag-aral, kaibigan.  Ikinalulugod kong nabibigyan ko sila ng isang magandang dahilan na makapagmalaki.  Minsan lamang na tahasan akong nagmalaki, pero, kasama pa rin dito at tangay ko ang aking mga kaiskwela.  Sa isang reyunyon ng isang malapit na kaibigan na malimit akong tuksuhin (tuksuhan lang, di naman totohanan) na higit na magaling ang kanilang klase kaysa sa klase namin, dahil siguro mas maraming accomplished alumni sa kanila, tinanong ko lamang siya:  Mayroon ba silang Palanca Awardee?  Tawa lamang niya at walang naisagot!  Kasi, wala!)

    Ang kalidad ng mga sinulat namin ay magkaibang-magkaiba.  Honda o Toyota ang sa akin sa kanyang  Mercedes Benz.  (Sana'y totoong kotse na itong  pwede kong gamitin!)

    Sa pagbasa ko ng kanyang mga kuwento, kailanman ay hindi ako binigo ng kaibigang Evelyn. Ang mga nilikha ng kanyang isip at panulat ay nanatiling -  at mananatiling  – halimbawa ng sensitibong estilo ng pagsulat,  hindi pilit, hindi contrived. Bawa't salita, bawa't pangungusap, bawa't talata ay tila batis na ang daloy ay malamig at dalisay, at tuloy-tuloy ang lagaslas.

    Tulad nga ng kanyang aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig na kalipunan ng mga kuwento na karamihan ay nalathala sa Liwayway.  May tatlong bahagi ang aklat. Ang una'y  may pamagat na Sa Dormitoryo, ang ikalawa nama'y tinawag niyang Sa Iba't Ibang Panahon at ang ikatlo'y ang klasikong  Sa Isang Pook, Dalawang Panahon.  Ang huli ay nagkamit ng unang gantimpala sa maikling kuwento sa 1987 Palanca Awards for Literature Contest.

                    I.  SA  DORMITORYO

    Mahihinuha, di man sabihin, na kasera si Evelyn sa isang dormitoryo nang mag-aral siya sa Maynila. Ang dormitoryo ay nasa pusod ng university belt. Sa dormitoryong ito nabuo ang composite ng iba't ibang babae sa kanyang mga kuwento  May mga recurring characters, gaya halimbawa ni Ate Nene na siyang namamahala ng dormitoryo.  Bawa't isa'y makatatayo sa sarili nitong merits, wika nga. Nguni't higit na maganda at makabuluhan ang kabuuan ng labindalawang kuwento sapagka't parang damit na tinabas ang bawa't bahagi  na nang matabas na  ay tinahi at naging isang bestidang makapagpapatingkad sa kagandahan ng sinumang magsusuot nito.

    Ang unang kuwento na may pamagat na Bawat Buhay, Isang Kasaysayan ay pasakalye ng sumunod pang mga kuwento.  Ang huli sa labindalawa na may pamagat na Ate Nene ay sumagot sa maraming katanungang naiwang nakabitin sa sinundang sampu pang kuwento.

    Ang huling kuwento ay tungkol sa pagkamatay ni Ate Nene. 

    Iniwanan ni Evelyn sa kanyang mambabasa  ang pag-iisip sa closure ng kuwento ng isang karakter, na para bang sinabing, “Kayo na ang bahalang magtapos ng istoryang ito!”

    May puna lang ako sa unang bahagi ng aklat.  Hindi na-explore ni Evelyn ang istorya ni Chita sa kabila ng pahiwatig nitong “Iyong buhay ko na lamang ang di mo alam.”  Isa pa, sa ganang akin, dapat sana'y naisulat din ni Evelyn ang buhay ni Ate Nene.  Sa likod ng bawa't damontres ni Ate Nene, marahil ay may nakatagong lihim.

(Tunay na hindi ko isinama ang istorya ni Chita bilang isang buong kwento, ngunit sa kanya at sa iba pang kaibigang dormitoryana na bumasa at babasa pa ng aklat, maliwanag ang pira-pirasong yugto na nagsasalaysay ng kanyang buhay at pag-ibig na masasalamin sa ilang talata, sa ilalim ng pangalan ng ilang karakter sa aklat.

Si Ate Nene?  Naku, damontres, makakagalitan ako noon!  Kaya, hindi na lang.)


                     II. SA IBA'T IBANG PANAHON

    Ang ikalawang bahagi ng aklat ay may pitong kuwento na ang anim ay nalathala sa Liwayway.  Higit akong naka-relate dito sapagka't karamihan ay may pamilyar na  setting:  mga baryo at mga bayan sa lalawigan. At naglalarawan ng mga kaugaliang Tagalog.  Kaya lamang, tila naligaw sa kalipunan ang Mayo-Disyembre 

(Bagaman at may partikular na baryo at bayan akong nasa isip nang gawin ko ang mga kwento, alam kong ang mga kaugalian at kalakaran sa mga ito ay hindi naiiba sa marami pang baryo at bayan sa iba pang lalawigan sa Pilipinas.  Mahal na Araw, Santakrusan, Todos Los Santos, mga reyunyon.  May istorya rin ng mga immigrant na nagbabakasyon sa Pilipinas, kaya ang kwentong Mayo-Disyembre ay masasabing hindi naman naligaw sa kalipunan.

Sa mga typographical/grammatical error na napuna mo, tulad ng dobleng “l” sa Hollly Ghost, mga nagkukulang na letra sa mga salita, hindi pagkalagay ng kudlit sa ibang-iba'ng, tatlong – tatlo'ng, at iba pa, hingi ko ay paumanhin sa lahat nang bumasa at babasa pa.  Kasi, lubha akong excited sa unang pagpapalathala ng aklat na MINSAN...na marami akong hindi naisaayos.  Pero, sabi mo nga, maaari itong iwasto sa susunod na pagpapalimbag.

Sa kasalukuyan, ang inaayos ko ay ang pagpapalimbag ng aking nobelang, MAHIRAP BA AKONG MAHALIN.  Ulit-ulit ko na itong binabasa at sana'y nakita ko na ang mga typo errors.

Kay R. Estrada, salamat nang marami sa magandang feedback na ito.  Sana ay huwag kang magsawa sa pagpapadala ng mga artikulong nakakatulong sa mga istudyanteng bumabasa sa blog, tulad ng iyong Uyayi at Kundiman.  Muli, salamat!)

    Sa lahat ng tagasubaybay, abangan na ang susunod kong aklat!   MAHIRAP BA AKONG MAHALIN?  May kilig factor daw ito, komentaryo ng isang sumubaybay sa Liwayway noong 2001 at na-in love siya sa bida.  Kaya, abangan na ito.

At sa mga hindi pa nakabibili ng unang aklat na MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG, mag-order na kayo.  Maganda itong panregalo sa darating na Pasko!    

Monday, July 16, 2012

SI DOLPHY AT ANG KA PICANG


SI DOLPHY AT ANG KA PICANG

Sabi ng mga kasama ko sa bahay nang mabanggit kong isusulat ko si Dolphy sa aking blog, tumutulad raw ako sa iba na nakikisakay sa kasalukuyang interest ng madla sa pumanaw na King of Comedy.  Malamang na ito rin ang sasabihin ng iba.  Ang tanging sagot ko rito ay... excuse me!  

Bago pa po lumabas ang maraming kwento ng mga na-interview tungkol sa encounter nila kay Dolphy, naisulat ko na rito, noon pang 2009, kung paano siya naging bahagi ng aming buhay.  Bisitahin ang Archive na may petsang Enero 02, 2009 at basahin ang artikulo tungkol kay ROBI DOMINGO: My Brush with a Celebrity kung saan ko isinulat  ang sumusunod:

Si Dolphy? Very proprietary ang feeling namin kay Dolphy, dahil si Dolphy ay pamangkin ng Ka Picang na asawa ng Ka Jose na anak ng Amang Puten na kinalakhan naming parang kamag-anak sa Malolos. Ang Ka Picang ay taga-Bigaa, ngayon ay Balagtas na, at tagaroon ang kalahian ni Dolphy (pinsang-buo siya ng Papang ni Dolphy)! Lumaki akong laging si Dolphy ang takbuhan ng tagaroon sa amin kapag kailangan ang mga magpapalabas sa stageshow tuwing katapusan ng santakrusan. Kaya sikat ang lugar namin noon sa dami ng mga artista. Isa pa, ang mga anak ni Dolphy ay laging nagbabakasyon noon sa Ka Picang at kalaro pa ng aking pamangkin (na niligawan pa yata noong isa!)


Ito ay noon ko pa isinulat, 2009.  Hindi miminsang nabanggit ko siya rito sa aking blog, kaalinsabay ng mga artikulo ko tungkol kina Michael Jackson, Elvis Presley, Frank Sinatra at iba pa.  Sapagkat hindi naman kami partial sa mga madramang pelikulang tagalog o palabas sa telebisyon, tanging mga comedy films lamang ang pinapanood namin.  Kay Dolphy lumaki ang aking mga anak.  Kina John at Marsha.  Kung paanong ako at ang aking barkada sa Malolos, kapag katapusan ng santakrusan sa aming lugar noon, ay inuumaga sa panonood ng mga artistang hakot ni Geogie Quizon, kapatid ni Dolphy, sa imbitasyon ng kanilang Tia Picang. 

Si Dolphy?  Minsan, maririnig na lamang namin, nariyan anya si Dolphy, kina Ka Picang, dinadalaw ang kanyang mga anak, nagdadala ng mga gamit at pagkain.  Ang mga anak niya noon – sina Boy, Junior, minsan, pati si Sally, kasama ang mga pinsang sina Max, Engki, Andong, Melissa, ay mahilig magbakasyon sa bahay ng Ka Picang na masasabing one bedroom affair lamang,  Maliit, pangkaraniwan, isang ordinaryong bahay sa probinsiya, ngunit kinalulugdang puntahan ng kanyang mga anak, pati ng kapatid niyang si Jimmy.    Agad-agad naman kaming magtutungo sa bahay ng Ka Picang, ngunit hindi naman kami lumalapit.  Buhat sa malayo, tinatanaw namin si Dolphy, puting-puti ang suot na amerkana, disenteng-disente, pormal, parang hindi marunong magbiro.  At tuwang-tuwa na kami.

Sa masasayang araw ng aming teen-age life na binubuo ng mga pag-ilaw sa santakrusan sa baryo at sa inaabangang katapusang piyesta nito na pinasasaya ng pagdating ng mga artistang inimbita ng magkapatid na Quizon para pumunta sa amin, kasama namin ang alaala ni Dolphy, at hanggang ngayon, ang alaala  niyang ito ay dadalhin namin.  Hindi lamang kami tagahanga ni Dolphy.  Dahil sa Ka Picang, sa kanyang Tia Picang, parang kamag-anak na rin ang turing namin sa kanya.  Lalo pa siguro, kung idaragdag ko rito ang kwento ng aking pamangkin!  But that is another story.

Sa mga nakabasa ng aking aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig, naroon din at nabanggit ko si Dolphy, kasama ang ngalan ng Ka Picang sa kwentong Balik-Dapit sa Santakrusan.

Kay Dolphy, salamat sa mga alaala!

Thursday, July 5, 2012

SAMPUNG PAYO SA MGA NAIS TUMANDA NA MALAKAS ANG KATAWAN

Nang nakaraang buwan ay tinanggap ko ang isang email na may pamagat na ---

SAMPUNG PAYO SA MGA GUSTONG TUMANDA NA MALAKAS ANG KATAWAN

Nabasa ko na ito noong araw, ngunit naisipan kong ipadala pa ring muli sa mga kakilala. Nang tumanggap ako ng samu't saring feedback, napagpasiyahan kong ilagay ang mga ito sa aking blog, kasama ang ilang muni-muni. 

1. Huwag agad bibitawan ang iyong trabaho. Maging abala hangga’t maari.  Ito ang magpapanatili sa iyong kabataan na labis ninyong ikaliligaya.

Sabi ng isa, kaya raw ayaw yatang mag-retiro ng kanyang asawa, lalo pa't pwede pang i-extend ang pag-oopisina ay sa dahilang ayaw nitong magkasama sila sa bahay.  Una siyang nagretiro.  Ano raw ang gagawin nila maghapon?  Magtitinginan na lamang? 

Sa nagsabi nito, maikwento ko na nga ang isang pag-asawahang kapwa retirado na.  Dahil mahal ang kuryente para sa aircon, lagi sila sa mall.  Nakaka-excercise na sila sa paglalakad-lakad, doon na rin sila kumakain sa food court.  Matuto lamang mamili ng ulam na hindi mamantika.

Isa pang pag-asawahan ang gumawa ng paraan para hindi magkainisan.  Hindi sila nag-uusap.  Hindi nagsasama sa isang kuwarto.  Kung nanonood ng telebisyon ang isa, nasa computer iyong asawa.  Hindi natatapos ang trabaho sa bahay maghapon.  Kani-kaniya sila ng pinagkakaabalahan.  Pero magkasama sila sa pagkain at pagtulog at iba pang bagay. 

Sa madali't sabi, kung kailangan nang magretiro at bitiwan ang trabaho, may paraan din para lumigaya.

2. Hangga’t maiiwasan, huwag makitira sa mga anak na may pamilya na. Kumuha ng isang lugar na matitirahan. Panatilihin ang iyong kalagayan upang makaiwas sa pakikipagtalo sa iyong anak at manugang. Ang makitira sa kanila ay magiging sunod-sunuran ka na lamang, hindi makakapag-decision sa sarili at mawawalan ng karapatan na labis mong ikalulungkot.

Feedback ng isa, na kung hindi maiiwasan at talagang kailangang pumisan sa mga anak, magtiis na lamang daw, hehehe!

Pinakamaganda talaga ay magkaroon ng sariling pamamahay at kung walang matitirahan ang anak at manugang, sa iyo sila makitira.  At sila ang dapat makisama!  Huwag lamang maging monster-in-law. 

3. Hawakan ng mahigpit ang iyong baul. Kung magbibigay ng pera sa anak, yung kaya mo lamang at laging magtira ng malaking bahagi para sa sarili mo. Ang libro de bangko na may laman ay magandang kaibigan sa iyong katandaan.

Ang sabi ng nakausap ko, hindi raw pala niya matitiis ang kanyang anak, sa kabila ng pasiya niyang hawakan ang kanyang pera.  Totoo ito, ngunit sabi nga, dapat din niyang tingnan ang kanyang sarili.  Matanda na siya at walang aasahang iba.  Baka dumating ang panahong siya ang manghihingi o manghihiram.

May naalaala pa akong kasabihang laging nababanggit ng isang kaibigan na payo raw ng kanyang magulang:  Neither a borrower nor a lender be; for loan oft loses both itself and friend, and borrowing dulls the edge of husbandry. Na siyang payo ni Polonius sa kanyang anak na si Laertes, sa Act I, Scene 3 ng Hamlet ni William Shakespeare.  Siempre, sa panahon ngayon, pwede namang mangutang sa mga bangko.  Kung kayang magbayad.  Huwag lang five/six. 

4. Huwag masyadong maniwala sa iyong anak na nagsasabing kayo ay aalagaan. Madalas ang mga nagbabanggit niyan ay siyang mga hindi gagawa. Ang mabuting anak ay hindi nagbabanggit ng anuman at ang masamang anak ay kailanman hindi tutupad ng pangakong binitiwan. 

Una kong naisip, may masama bang anak?  Wala naman siguro.  Maraming dahilan, pangyayari sa buhay na nagsasama-sama upang kung minsan, ang isang anak ay kumikilos nang “hindi mainam” kumbaga.  Unawain bago humusga.

Sa puntong ito ng ating buhay, hindi nga natin alam kung may mag-aalaga sa atin pagdating ng panahong hindi na natin kayang mamuhay nang mag-isa.  Panalangin na nga lamang na sana ay mayroon.  O marami tayong pera na pambayad sa mga nursing home.  Tunay na mayroon na rin palang mga nursing homes dito sa Pilipinas, pero ang mahal din ng bayad.  May nakapagkwento nga sa akin na mismong dito sa Marikina ay mayroon.  Maganda raw, maayos, tahimik ang kapaligiran, may medical assistance, kaya lang medyo may kamahalan.

Kasabihan na rin iyong kaya raw dapat mag-asawa ay para magkapamilya at nang may mag-aalaga sa katandaan.  Sa nakikita ko ngayon, na kahit sampu ang anak mo, kung nasa abroad lahat, wala ring mag-aalaga sa iyo.  At least, may pambayad naman siguro sa caregiver.  At may hindi nag-asawang inalagaan naman ng kanyang mga pamangkin.

May nagsabi pa, kailangang may pera ka, para kahit paano, may tinatanaw ang mga mag-aalaga sa iyo, na baka sila ang pamanahan mo. 

Kung wala kang pera at mabuti ang iyong ugali, wala kang problema.  Tiyak na may titingin pa rin sa iyo.

5. Upang manatili kang masaya, panatilihin ang pakikipagkaibigan at magdagdag pa hangga’t maaari. Humanap ng mga kaibigan na mas bata saiyo. Ang mga matatanda kasi ay malapit nang mamahinga at ikalulungkot mo nang labis ang paghahanap ng kapalit. Sumali sa mga magagandang asosasyon, grupo, kooperatiba, o apostolada.


Sa parteng ito ay actual experience ang mga nag-share.  Mag-attend sa mga high school reunions upang manatiling masaya, sabi ng isa na idinugtong pang ito ang dapat na ika-labing-isang payo.  Preferably, high school reunions.  Dahil, ito ang panahon ng iyong kabataan.  Kahit sisenta, sitenta o otsenta ka na ngayon, kapag ang kaharap at kausap mo ay mga kaiskwela sa high school, parang time machine, bumabalik ang panahon!  Biruan, kwentuhan, tawanan, tuksuhan... nalilimutan mo ang iyong edad.  Ang sixty ay nagiging sixteen!  Ang seventy ay parang seventeen!  Otsenta ay eighteen!  Siempre, pumapasok rin sa usapan ang kumikirot na tuhod, gout sa paa, varicose vein sa binting magaganda noon, mga gamot na iniinom sa high blood, diabetes, operasyon, bypass, etc.  At least, laging may bagong pinag-uusapan, hindi iyong good old days lamang. 

Sabi pa ng isa:  Dapat ka talagang dumalo sa reunion o sa mga miting ng kaklase, dahil kung hindi, ikaw ang pag-uusapan, kumbaga ay pulutan sa inuman.  Gusto mo ba iyon?

Totoo ring nakakalungkot ang paglisan ng ilang kaibigang nauna nang nagtungo Sa Dako Pa Roon.  Ito ang tawag namin sa mga namayapang kaiskwela.  Pero talagang ganoon ang buhay. 

Pero alam ba ninyo na ang pagsama at pag-aalaga sa mga apo (apostolate o apostolic, wika nga) ang siyang nagpapabata sa atin?  Huwag lang akuin ang pagpapalaki sa mga ito.  Hindi mo na iyan responsibilidad.  Bilang mga lolo at lola, taga-spoil ka na lamang at silang mga magulang ang taga-disiplina.

Ganito ang aming klase sa high school.  Hindi na nga namin pinag-uusapan kung ilang taon kami, pwera na lang kung may kantiyawan sa blow-out.

6. Maging maayos, laging maganda, malinis at mabango. Ang katandaan ay hindi dahilan upang ikaw ay maging madungis at nanlilimahid. Sila ay di dapat na mandiri saiyo kaya’t pangalagaan mo ang iyong sarili.

Tama.  Pero huwag namang makiuso sa mga damit ng kabataan.  Ibagay rin sa edad ang mga isusuot.  Mas maganda ang dating ng disente at malinis na pananamit, kaysa sa mga modernong hindi naman bagay.  At kung hindi naman allergic sa hairdye, tunay na nakakabata ito. 

7. Maging abala sa paggawa ng kabutihan sa kapwa. Asikasuhin sila upang asikasuhin ka din nila ayon sa “law of ripple effect”. Huwag kalilimutan magdasal sa araw-araw.

Sa mga may maluwag ang kabuhayan, parang higit na madali ang pagtulong sa kapwa, financially.  Ngunit sa tama lamang sa pangangailangan ang kabuhayan,  ano ang maitutulong sa kapwa?  Your time, your friendship, advice when sought, companionship when needed, little things, comforting words, prayers.  Sabi nga ng isang kaibigan, exercise the three degrees of mercy:  first,  the act of mercy of whatever kind;  second, the word of mercy – and if you cannot carry out a work of mercy, assist by words; third, prayer – if you cannot show mercy by deeds or words, do so by prayer.

8. Huwag panghimasukan ang buhay ng iyong mga anak. Hindi sapagkat anak mo sila ang lahat nang magugustuhan mo ay magugustuhan din nila. Alalahanin mong nagbabago ang panahon.

Tunay na iba na nga ang panahon.  Ngunit sa mga bagay na matibay ang iyong pananalig o paniniwala, maging matibay ka sa pagpapayo.  Liwanagin lamang na iyon ay opinyon o mungkahi mo lamang na nais mong ipaalam sa kanila, pero sila pa rin ang magpapasiya.  Minsan kasi, hindi rin naman nila alam lahat, na dahil sa iyong gulang at maaring nadaanan mo na, may insight silang mapupulot.  Bahala sila.  Buhay nila iyon, pero, hindi ka nagkulang.

Mabanggit ko rito ang homeschooling.  Ang aking mga apo ay homeschooled.  Ibig sabihin, hindi sila pumapasok sa iskwelahan, kundi sa bahay lamang sila tinuturuan ng sariling magulang.  Parang individualized ang instruction, ayon sa kapabilidad, interest, bilis ng pagkatuto ang sistema ng pagtuturo.  Na kung sa loob ng isang classroom, isang sistema lamang ang ginagamit, kaya iyong mga mahihina ay naiiwanan, at ang marurunong ay naiinip naman.  Noong una, may misgivings ako rito at maraming tanong.  Na naipaliwanag naman sa akin.  Ngayon ay nakikita ko ang mga magagandang kabutihang bunga nito.  Ibig kong sabihin dito ay maging bukas tayo sa mga pagbabago na galing sa ating mga anak.

9. Huwag ipagyabang ang iyong katandaan. Hindi sapagkat ikaw ay lumilinya na sa 80 ay napakarunong mo na. Isaisip mo na hindi mo taglay ang lahat ng karunungan sa mundo. Huwag isipin na ang katandaan ay kalayaan upang maging inutil, ulianin at wala ng silbi sa buhay. Makipag paligsahan sa lahat ng bagay para may dahilan ang bawat pagising mo sa umaga.

Do the crossword puzzle and suduko.  Attend sosyalan, huwag tamarin.  Manood ng sine, sitcom, teleserye sa telebisyon, magbasa ng libro, kumanta ng kahit lumang kanta, at kung pwede, iyong bagu-bago nang bahagya, magbakasyon para maiba ang ambiance. Mag-computer kahit email lamang para makakonek sa taga malayong kaibigan.  Matutong mag-text, tweet, facebook. 

10. At sa wakas, huwag maging makulit. Huwag ikuwento ang nakaraang panahon nang paulit-ulit. Huwag ikukumpara ang mga bagay-bagay na makakasakit ka sa kapamilya. Huwag maging mapaghanap. Matuto kang mag-puri ng magandang nagawa ng kapamilya upang manatili ang magandang samahan. Hangga't kaya, magbasa nang magbasa ng dyario, libro at makinig sa mga talakayan sa radio. Ang “imaginative mind” ay malayo sa Alzheimer’s disease.

Ang tumatanda raw ay talagang nagiging makulit.  Bagaman, sa tingin ko, may taong makulit talaga, kahit bata pa.  Paulit-ulit rin daw ang matatanda.  Palagay ko naman, nagiging paulit-ulit kasi ay nagiging malilimutin, kaya inuulit ang nasabi na.  Ito ang tinatawag na kakulitan.  Minsan naman, hindi ka naririnig, kaya tanong nang tanong, ulit nang ulit.  Kasi, mahina na ang tainga  Pero lahat nang ito ay dala ng katandaan o pagkakasakit.  Kung nakikita natin ito sa iba, sa kasambahay, sa mga kaibigan, maging maunawain tayo at mapagpasensiya.  Dahil, kalaunan, maaaring matagpuan rin natin ang sarili sa ganitong kalagayan. 

May nabasa ako noong araw tungkol sa isang matandang lalaki na patuloy na dumadalaw sa isang home na kinaroroonan ng kanyang asawa na may alzheimer's disease.  Na hindi na siya nakikilala, ngunit patuloy pa rin siya sa pagbisita rito.  May nagtanong kung bakit niya ito ginagawa, ganoong hindi na pala siya nakikilala nito.  Simpli lang ang kanyang sagot:  “Hindi na nga niya ako kilala, ngunit siya ay kilala ko.”  Ito ang tinatawag kong tunay na pag-ibig!

Naalaala ko tuloy sa kwentong ito ang isang tula ni J. Ford (1872).  Na may pamagat na ---

Will You Love Me When I'm Old? 

 I would ask of you, my darling,
A question soft and low,
That gives me many a heartache
As the moments come and go.

Your love I know is truthful,
But the truest love grows cold;
It is this that I would ask you:
Will you love me when I'm old?

Life's mourn will soon be waning,
And its evening bells be tolled,
But my heart shall know no sadness,
If you'll love me when I'm old.

Down the stream of life together
We are sailing side by side,
Hoping some bright day to anchor
Safe beyond the surging tide.

Today our sky is cloudless,
But the night may clouds unfold;
But, though storms may gather round us,
Will you love me when I'm old?

When my hair shade the snowdrift,
And mine eyes shall dimmer grow,
I would lean upon some loved one,
Through the valley as I go.

I would claim of you one promise,
Worth to me a world of gold;
It is only this, my darling,
That you'll love me when I'm old.


Sa mga makababasa nito, na ka-henerasyon namin, o sa mga kabataang sa malao't madali, ay darating din sa pagiging seniors, sana'y makatulong ang mga nabanggit na payo.


PS/ Masyado akong na-touch noong inilagay kong poem, kaya't kahit hindi naman ako makata at ang ginagawa ko lamang ay mga tulakis, naisipan kong isalin sa tagalog ang tula ni J. Ford na “Will You Love Me When I'm Old”.  Hindi iksakto ang pagsasalin, ngunit umaasa akong, kahit paano ay nakuha ko ang sentimyento ng nasabing tula.  Paumanhin kay J. Ford.

Mahal, ako ay may tanong
Na sana ay sagutin mo
Dahil laging agam-agam
Dala nito sa puso ko

Ako ay naniniwalang
Pag-ibig mo ay totoo
Ngunit kung ito'y manlamig
Mamahalin pa ba ako?

Umaga ng ating buhay
Dapit-hapon kalaunan
Subali't di malulumbay
Kung ako'y iyong mahal.

Magkasamang nilalakbay
Malawak na karagatan
Sa pag-asa na daraong
Ligtas sa kapahamakan.

Aliwalas nating langit
Kapag dinalaw ng bagyo
Pagmamahal ba sa akin 
Ay di pa rin magbabago?

Kapag buhok ay puti na
Mata ay di na malinaw
Sa aking paglalakbay
Kailangan ko'ng aakay. 

May hiling ako sinta
Ginto ang katumbas nito,
Sana hanggang sa pagtanda
Mamahalin pa rin ako.






 

Sunday, July 1, 2012

MORE PINOY HENYO TIPS


MORE PINOY HENYO TIPS

Katatapos lamang ng finals ng Intercollegiate Edition ng Pinoy Henyo sa telebisyon, isang programang aming sinusubaybayan dahil kaaliw-aliw, katuwa-tuwa at mayroon pang natututuhan sa panonood.

Kasama kami sa sumisigaw kapag madaling nahuhulaan ang sagot.  Kasama rin kami sa sumisigaw ng “Tanga! Tanga! Tanga!” kapag naroroon na sa bingit ng tamang paghula ay biglang iiba ng landas, kumbaga, at tuluyang maliligaw ang contestant.  Siempre, alam naman naming mahirap ang nakaupo doon at kasali, at tiyak rin naming kung kami ang nakasalang, magpa-panic rin kami at hindi makasasagot.  At kami ang masisigawan ng “tanga!” bagama't di namin maririnig.

Naglagay na ako ng ilang postings tungkol sa Pinoy Henyo.  Nagbigay pa nga ako ng mga tips.  Sa statistics ng blog na ito, ang entries tungkol sa Pinoy Henyo ang madalas nilang bisitahin. 

Narito ang ilang kapansin-pansin na dapat pag-aralan ng mga may balak sumali. 

Halimbawa:  Tungkol sa BAGAY ang pinahuhulaan.  Paano mo “aatakihin” ang paghula rito.

1. Sa loob ng bahay?  Ang sagot ay oo.

2. Ingles?  Tagalog?  Tandaan na ang sagot, dahil dito na magdedepende ang ibang sasabihin.  Para hindi ulit-ulit na itatanong kung Ingles o Tagalog, samantalang nasagot na ito.  Sayang ang oras.
Kapag na-establish na kung Ingles o Tagalog, stick to it na at huwag nang ulit-ulitin ang pagtatanong.

3. Parte ng kayarian ng bahay? Ibig sabihin, kisame, sahig, bintana, haligi, dingding, etc.  Isa-isahin na ang parte ng bahay kung sagot ay oo.

4. Nasa loob ba ng kuwarto ng bahay ito? Ibig sabihin ay kung nasa sala, komedor, kusina, banyo, kuwarto o silid-tulugan, etc. kung sagot ay oo.

5. Kung silid-tulugan o kuwarto ang sagot, gamit ba sa pagtulog? Kama, katre, kutson, banig, kulambo, unan, kumot, punda, etc.  O appliance?  Ibig sabihin, aircon, bentilador, alarm clock, lamp o lamp shade, radio, television, dvd player, component, etc.
6. Kung banyo, gamit ba sa katawan? Sabon, shampoo, lotion, toothpaste, toothbrush, suklay, tuwalya, bimpo, etc.  O kategorya ng balde, tabo, bathtub, gripo, dutsa, etc.  Saan ika-kategorya ang tubig?

7. E, kung kusina?  Appliance ba?  Refrigerator, gas range, gas o electric oven, microwave, toaster, freezer, mixer, blender, etc.  Gamit sa pagluluto?  I-kategorya agad na ang gamit sa pagluluto ay tulad ng kaldero, kawali, palayok, kalan, etc. kung malaki.  Kung gamit sa pagluluto at maliit, i-kategorya sa mga sandok, siyense, kutsaron, chopping board, kampit, kutsilyo, frying pan, kettle, etc.  Kung mas maliit, posporo!

8. Kung sala o komedor, ituun muna kung furniture.  Ito ay mesa, center table, dining table, silya, sofa, etc.  O decorasyon?  Papasok dito ang kurtina, mga paintings, pictures, flower vase, figurines, chandelier.  NOTE: Laging iisipin ang general concept ang itinatanong, iyong gamit ng kalahatang mga tao, dahil kung gagawing standard mo ang iyong sarili o ang gamit ninyo sa bahay, baka iba kayo.  May telebisyon kayo sa kuwarto, pero sa iba, ang telebisyon nila ay nasa sala.

9. Kung ang partner na sumasagot ay nagkamali ng sagot, English pala, ay nag-oo siya sa Tagalog, dapat ay magkaroon ng understanding ang parehas para makabalik sila at maitama para hindi masayang ang oras.
Ganito rin ang gawin kapag nagkamali ng kategorya.  

Kung ang pinahuhulaan ay sa labas ng bahay, agad naiisip ng contestant ay transportation.  Na madaling i-categorize.  Gamit sa lupa? Himpapawid? Tubig?  Laruan ba?  Kasi, kung laruan o pang-sports, nariyan ang skates, skateboard at iba pang kauri nito.  O kaya ay saranggola.  Kung hindi laruan, proceed na sa iba pang tanong.

1. Kung sa lupa, isa, dalawa, tatlo, apat, o maraming gulong?  Depende sa sagot, go from there.  May gamit bang makina?  Baka kariton, trysikad, bisikleta, etc.  Maraming sakay, sampu pataas?  Tatlo pataas?

2. Kung sa tubig, malaki?  Barko, cruise ship, cargo ship, submarine, ferry, etc.  Kung maliit, bangka, baroto, yate, lantsa, etc.

3. Kung sa himpapawid, malaki ba?  Eroplano, helicopter, etc.
    
Pero, marami ang nasa labas ng bahay na hindi transportation.  Building o gusali ba ito? Pinupuntahan ng mga tao?  Bata? Eskwelahan o school,  bangko, park, sinehan, mall, simbahan? 

Pwede ring i-kategorya sa kung ano ang gamit nito:  Gamit sa pag-aaral?  Gamit sa pagtatrabaho?  Gamit sa pagtuturo?  Sa pagluluto?  Sa pagkain?  Sa paglilinis?

Napakaraming maipapahula sa kategoryang BAGAY.  Mag-usap kayo ng inyong partner sa klase ng kategorya at things that will fall under this. 

Gamit sa katawan?  Jewelry ba?  Cosmetics?  Damit? O sapatos at kauri nito.  Ang kwintas o singsing o hikaw ay isinusuot, pero pag-usapan na babagsak ito sa sariling kategorya na jewelry.  Ang wrist watch ba ay jewelry? Kapag isinusuot, tiyakin na damit o sapatos o sombrero lamang ito.

Functional na gamit?  Gadgets like celfone, i-pad, etc.  Wallet, pera, tseke, credit card, ID, salamin o eyeglasses o contact lens – kung maliliit ang size.  Kung bigger, handbag ba?  Uri ng bag?

May napansin kami sa ilang contestant sa ilang napanood na.  Tungkol ito sa pagkain.  Tinanong niya kung solid, sagot ay oo.  Tinanong kung isda, sagot ay hindi.  Tinanong kung karne, sagot ay oo.  Baka ba?  Hindi.  Baboy ba?  Hindi.  At tumigil na doon iyong nagtatanong, lumipat na ng ibang tanong.  Bakit hindi itinanong kung MANOK BA?  Kasi, putahe nga ng manok ang huhulaan.  Dapat ay lulubusin ang mga tanong.

Heto pa.  BAGAY ang tanong.  Gawa ba bakal?  Hindi.  Gawa sa plastik?  Hindi.  Gawa sa leather?  Papel? Hindi.  Tumigil na rin.  Bakit hindi itinuloy kung gawa sa tela, na siyang magtuturo kung ano iyong ipinahuhulaan. 

Kung PAGKAIN at prutas, kung itatanong kung gaano kalaki, dapat, may understanding sila ng concept ng size.  Kasing-liit ba ng kalamansi?  Pag excited na ito, baka kalamansi ang sagot.  O kaya ay ubas, lanzones, sinigwelas, duhat o iba pang kasingliit nito.  Size ba ng apple?  Baka dalandan, atis, santol, mabolo, tsiko, etc.  Malaki?  Bilog?  Pahaba?  Kulay – pag-usapan kung iyong labas o loob ng prutas.  Ang pakuwan ay berde sa labas, pula o dilaw sa loob.  Magkaintindihan kayo!

Minsan, TAO ang pinahuhulaan.  Pangalan, totoong tao.  Artista ba?  Hindi.  Kung HINDI ang sagot sa artista, athlete, newscaster o media, bayani, baka naman pulitiko. Na kung oo ang sagot, itanong kung presidente, buhay o patay, babae o lalake.

Minsan naman, pagkain na gulay na nasa bahay-kubo.  Kung natukoy na kung alin at excited na iyong sumasagot, baka English ito, lalo at hindi naitanong sa simula.

At huwag ding kalilimutan, sa tanong na LUGAR, ang mga kalye ay hindi LANDMARK.  Ang landmark ay tulad ng Intramuros, Luneta, Rizal Park, Ifugao Rice Terraces,  at iba pang kauri nito.  Magaling ang mga kabisado ang regions, pero kung hindi, pag-aralan na lamang ang kung ano ang nasa Luzon, Visayas at Mindanao.  Kung probinsiya o siyudad o landmark o kalye.  Ang EDSA, Aurora Blvd., Espana, Roxas Blvd. ay kalye sa NCR.  Kung NCR, itanong kung Metro Manila at kapag oo ang sagot, isa-isahin na ang mga ito.  Isa pa, kung kalahatan ba ang lugar, baka ang sagot ay Philippines o Pilipinas, Luzon, Visayas, Mindanao, United States of America, UK, etc.

Well, nakatutuwa lang na manood at magpayo.  Sa totoo lang, nag-try na kami sa bahay at hindi rin kami makahula agad-agad.  Marami rin kaming sinasayang na oras sa ulit-ulit na pagtatanong.

Pero sa magagaling, sana'y makatulong ang mga obserbasyong ito.  Good Luck sa marami pang Pinoy Henyo contestants na sasali at panonoorin namin!

Congratulations din sa mga taga-University of Santo Tomas, Pinoy Henyo ng Intercollegiate Edition. Galing ninyo!  Hanga kami sa inyo!