Friday, June 22, 2012

MIDYEAR BIG ANNOUNCEMENT !!!


MIDYEAR 
BIG ANNOUNCEMENT !!!

Sa susunod na buwan, ilalathala ko rito sa blog ang unang kabanata ng aking nobelang Mahirap Ba Akong Mahalin.  Kumbaga sa pagkain, ay patikim.  Kung sa pelikula sa sinehan, ay ang tinatawag nating pakita. 

Ito ay kwento ng pag-ibig, ng pambihirang pag-ibig.  At ng pagsasamahan sa isang pamilya. Simpling kwento ng buhay, ngunit may dalang salimuot na nilulutas ng mga tauhan sa isang paraang hindi pangkaraniwan.  At kung tutuusin, ay di kapani-paniwala!

Ang nasabing nobela na nalathala sa Lingguhang Liwayway noong 2001-2002 ay kasalukuyang isinasaaklat at maaaring mabili na sa publisher na lulu.com pagpasok ng buwan ng Agosto.  O sa aking anak, sa mga bumili sa kanya ng unang aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig.  Lahat ng detalye tungkol sa pag-order ng aklat ay ilalagay ko at mababasa rito.

Muli, inaasahan kong tatangkilikin ito ng mga bumili at nakabasa ng aklat kong Minsan, May Isang Pag-ibig,  na patuloy pa ring mabibili sa lulu.com.

Tulad nang naunang aklat, ang nobelang Mahirap Ba Akong Mahalin, ay mababalik-balikan sa tuwina at hindi pagsasawaang basahin sa mga sandali ng pagpapahinga o pagninilay-nilay tungkol sa buhay, pamilya at siempre, pambihirang pag-ibig!

Mahirap Ba Akong Mahalin?

Ito ang katanungang sasagutin ng nobela.

ABANGAN!  MALAPIT  NA! 

ANG LUMANG BAHAY


ANG LUMANG BAHAY


Naramdaman niyang may palad na humagod sa kanyang noo.  Iminulat niya ang kanyang mga mata.  Madilim ang kinaroroonan niyang silid ngunit may liwanag na nagmumula sa dakong pintuan.

“Nanay,” mahinay na tawag ng nakatunghay sa kanya.

Si Adora, ang kanyang bunso.  Itinaas niya ang kanyang kamay na ikinulong nito sa mga palad.  “Maiiwan ka muna namin. Nanay.  May family day sa opisina nina Bing, hanggang hapon.  Kasama namin ang mga bata. Pero, narito naman si Manang, saka si Bebe.  Nanay, silang bahala sa 'yo.  'Nay...”

“Gusto ko nang umuwi.”

Pinisil-pisil ni Adora ang kanyang kamay, parang walang narinig.  Naisip tuloy niya kung nagsalita nga ba siya.  Tumikhim siya.  Wari namang may tunog na lumabas sa kanyang lalamunan.  “Gusto ko nang umuwi,” ulit niya.

Lumapit ang mukha ni Adora sa kanya, ang bibig nito sa dakong tainga niya.  “Sa'n mo gustong umuwi, Nanay?”

“Sa atin.”  Sa kanyang balintataw ay naglaro ang larawan ng bahay.

Bubong na pawid.  Pairap na yero. Dingding na tabla, maluluwang na bintana na may katugong bentanilya sa ibaba.  Dalawa ang hagdanan.  Isang nakapaukit sa sala, sa istilo ng mga kabahayan ng panahong sinauna.  Ang ikalawa'y nasa kusina.

Nagbuntung-hininga si Adora.  'Wala na'ng bahay natin, Nanay.  Nagiba na.”

Hinila niya ang kanyang palad.  Inalis sa pagkakahawak ni Adora.  “Hindi,” mariin niyang sabi.  “Naroon pa.  Napanaginipan ko pa nga kagabi.”

Matagal na hindi umimik si Adora.  Pagkuwa'y muling hinaplos ng palad ang kanyang noo.  “Sige, Nanay.  May aayusin pa 'ko.”

“Gusto ko nang umuwi,” hinaing niya.

Ngunit tumayo na si Adora.  Sa bukas na pinto ay anino na lamang ng mga taong padaan-daan ang nakikita niya.  Sa labas ng bintana, unti-unti nang lumiliwanag ang paligid.  Ipinikit niya ang kanyang mga mata at naidlip siguro siya.  Wala na ang mag-anak ni Adora nang dalhan siya ng almusal ni Manang.

Si Manang.  Mahigit nang dalawampung taong kasama ni Adora sa pamamahay.  Ang bunso ni Adora na inalagaan nito ay magtatapos na sa kolehiyo.  Kapamilya na.  “Gusto ko nang umuwi.”  Ito naman ang hinarap niya.

Nahinto sa paghahalo ng oatmeal si Manang.  “Sa probinsiya?”

Tumango siya.  “Sa aming bahay.  Napunta ka na dun, di ba?”

Sumandal sa kinauupuang silya si Manang.  “Magandang bahay n'yo dun, Nanay.  Tanda ko pa.  Lalapad ng tablang sahig sa sala.  At ang kintab.  Ang dulas.”

Ang panganay niyang si Jun ang maliit pa'y inatasan na niyang magbunot ng sahig.  Gawaing lalaki 'to, sabi niya.  At si Adora ang tagalampaso.  Tigas na kalalaro ng magkapatid pagkalinis.  Halinhinan sa pagsakay sa basahang panlampaso at halinhinan din sa pagtulak o paghila sa isa't isa.


“Si Jun?” tanong niya kay Manang.

“Si Kuya Jun?” ulit nito.  “Ay, malilimutin na si Nanay.  Di ba nasa Isteyt?”

Nilukuban siya ng lumbay.  “Baka di na kami magkita.”

Kumunot ang noo ni Manang.  “Si Nanay, nagbiro na naman.”

“Baka di na niya ako abutan.”

Umungol si Manang.  “Kundi kayo kakain, di na nga kayo aabutan ni Kuya Jun.  Siya, kain na Nanay at marami pa akong gagawin.”

Hindi siya napilit kumain ni Manang.  Napilitan itong iligpit ang dalang pagkain.  “O, kulilingin n'yo ang kampanilya pag me kailangan kayo,” bilin nito.

Ibinaling niya ang kanyang ulo sa gawing durungawan.  Sa siwang ng nakabukas na salaming jalousie ay tanaw ang mataas na pader na bumabakod sa lote nina Adora.  Nilulumot na pader.  Ipinikit niya ang mga mata.

Ang layo ng bahay sa kaharap sa lansangan ay halos dalawang metro lamang,  may pantay-taong bakod na yari sa kawayan.  May tarangkahan na upuan ng mumunting batang kinabibilangan ni Adora habang nanonood sa paglalaro nina Jun ng larong lubigan, habulang-taga o presong bato.  Ang bahay ay nakatapat sa poste ng Meralco kaya't kahit walang buwan, hindi nawawalan ng mga batang naglalaro o nagkukuwentuhan sa harap nito. 


Walang ayos na hardin.  Dalawang malalagong puno ng palmera sa magkabilang gilid ng tarangkahan.  Puno ng santang puti, mabango ang bulaklak nito, sa kaliwang sulok ng bakuran, katabi ang isang puno ng kulay-rosas na gumamela na malalaki ang petal.  Dilang baka sa gilid ng bahay, katapat ng kuntador ng ilaw na ang makapal na dahon ay punong-puno ng mga inukit na pangalan ni Adora at ng mga kaibigan nito ng panahong may mga lihim nang pinag-uusapan.  Mga liryo sa gilid ng bakod na kasipagan ang pamumulaklak kung Abril, tamang-tamang pang-alay sa mga nagsisipagtapos ng pag-aaral.  Nakahilerang masetera ng mga rosas na may iba't ibang kulay, lagi niyang pinauusukan, halos kulambuan.  Na pinalitan niya ng boungainvillea nang ito naman ang nauso, higit na madaling alagaan.  

At ang mataas, matinik na cactus na ang pambihirang bulaklak na kasinlaki ng kamaw ay bumubukadkad lamang sa madaling-araw, nakatanim sa gitna ng hugis-bituing linya ng gakamaong batong-buhay na nagbuhat pa sa kung saang kabundukan, ipinauwi para sa kanyang hardin ng isang tao... kilalang kilala niya ang taong ito.  Ngunit bakit hindi niya maalala ang pangalan.  Ang mukha'y hindi niya mailarawan.

Dumilat siya.  Kaharap niya ang closet ng damit, saka tokador na walang salamin, may nakapatong na telebisyon, ipinalagay ni Bing, baka gustong manood ni Nanay, ang sabi.  Na inilingan niya. Naiingayan siya sa mga palabas sa telebisyon.  Pinagmasdan niya ang kisame ng kinaroroonang silid.  Kumurap kurap siya.  Pilit may hinahagilap sa gunita.

Pagpanhik sa hagdanan, ang unang nabubungaran ay isang malaking salamin.  Sa kaliwa ay malaking pintuang patungong komedor na ang magkabilang dingding ay may palamuting sanga-sangang sungay ng usa, sabitan ng sombrero ng taong iyon na di niya maalala kung sino.  Pero alam niya, matangkad iyon.  At maputi.

Sa kanan ay kabuuan ng sala, tanggapan ng mga bisita.  Naroon ang muwebles na narra.  Magkaharap na silyang tumba-tumba sa tabi ng bintanang malapit sa kalsada.  Nasa gitna nito ang kuwadradong mesa kung saan siya gumagawa ng sulat.  Kaya lang, hindi niya maalala kung sino ang kanyang sinusulatan.  Pero natatandaan niya, sa makinang Singer sa tabi ng bintana sa gawing hardin, doon niya tinatahi ang mga damit ni Adora.


“Adora...” inaninaw niya ang mukhang nakatunghay sa kanya.

“Si Bebe 'to, Nanay.  Wala si Ate.  Kain na kayo, hapon na. Tulog kayo nang tulog.  Di na kayo nag-almusal, di pa kayo nananghalian.  Kagagalitan kami ni Ate.”

“Si  Jun?”

“Nasa State si Kuya Jun, Nanay.”

“Hindi na niya ako aabutan.  Uuwi na ko.”

“Naku si Nanay, saan naman kayo  uuwi?”

“Sa aming bahay.  Maglilinis pa nga ako ng mga kuwarto.  At komedor.  Kailangang isisin ng pakiling ang mga pasamano.  Mamamalengke pa ako.  Magluluto.  Darating na siya..

“Sino'ng darating?  Manang...” humahangos na lumabas ng silid si Bebe.

Kumunot ang kanyang noo.  Sino nga bang darating.  Pumikit siya. Para siyang hinihila ng matinding antok.

Maputing-maputi ang pasamanong bagong isis ng pakiling.  Ang makintab na sahig na kawayan sa komedor at dalawang kuwarto ay pinadulas niya ng panlampasong binulay sa dahon ng saging.  Natatakpan na ng puting kubrekama na may burdang baging at bunga't dahon ng ubas ang malapad na sulihiyang katreng bakal.  Sa katreng ito niya ipinanganak sina Jun at Adora.  At ang puting kubrekama ay ginagamit lamang niya kapag may espesyal na okasyon.  Tulad din ng mga kubyertos na pilak.  Inilalabas lamang niya kapag may bisita.  Pero alam niya.  Hindi naman bisita ang darating.

Nasa gitna siya ng kusina, sa tapat ng hagdanang di miminsang kinahuhulugan nina Jun at Adora sa di mapigil na paghahabulan.  Nilapitan niya ang banggerang pinagtatauban ng mga bagong hugas na baso't pinggan.  


Sunod ay hinarap ang malaking yerong lababo na nakapaharap sa matayog at malabay na puno ng akasya.  Mula sa kinatatayuan ay tanaw niya ang kawayanan sa duluhan ng bakuran.  May sigang umuusok, malapit sa balong tambakan ng samu't saring basura.  Balon na dati ay taguan nila noong panahon ng digmaan.  Hinukay ng mga kapitbahay sa pamumuno ng matangkad at maputing lalaking iyon.

Ang mga pinamili niya ay nasa malaking banggera na kinaroroonan ng kalambang inuminan.  Ano nga ba ang kanyang lulutuin.  Talong. Repolyo, sigarilyas, puso ng saging, bataw, buntot ng baka, niyog na kukudkurin at gagatain, palapot sa kare-kare, isang inobasyong itinuro ng lalaking iyon sa kanya, natutuhan sa mga bayang kinadestinuhan sa paghahanap-buhay.  Biglang nagliwanag kanyang mukha.  Ang lalaking iyon ang kanyang sinusulatan.

 
Ngayon ay nasa harap siya ng malaking salamin na nasa pinto ng antigong aparador sa kanilang silid-tulugan.  Nakapaligo na siya, suot ay housedress na bulaklakin, may senepa sa laylayan.  Ayos na siya sa pagdating ng kanyang hinihintay.  Ang huling dampi ng  esponghang may pulbos na Maja sa kanyang pisngi ay nagawa na niya.  


Sa kusina ay iniinin na ang kanin sa palayok, mabango sa ihinalo niyang dahon ng pandan.  Luto at nagisa na rin ang bagoong na sawsawan ng kare-kare.  Tamang-tama ang pagkahinog ng atis na napitas niya sa mga punong nakatanim sa palibot ng bahay.

Sa pagkakatayo sa tabing-bintana ay kitang-kita niya ang paraan sa gilid ng bahay sa ibayo ng lansangan.  Dito sila nakikiraan mula sa kalsada nila patungong kalsadang malaki na kinaroroonan ng paaralang sentral at daanan ng mga sasakyan.  Dito mangagaling ang matangkad, maputi, balingkitnitan ang katawan na lalaking iyon...


Ang una niyang nakita ay ang makintab na sapatos na itim, nakakanlungan ng malabay na sanga ng kaymito ang mukha nito.  Sunod ay ang puti, de-hilong pantalon.  Nang magtama ang kanilang mga paningin ay ngumiti ang lalaki at lumitaw ang mga biloy nito sa pisngi.  


Nabalot ang kanyang puso ng katuwaan, ang kanyang buong kalooban ng walang hanggang kapayapaan.  Dumating na ang kanyang hinihintay.  Ang susundo sa kanya sa kanilang bahay, na ulit-ulit, sinasabi niya kay Adora na nais niyang uwian, balikan. 

Na kinaroroonan na niya ngayon.


Mula sa malayo, narinig niya ang nananangis na tinig ni Adora.
  Nanay! nanayyy...

Ngunit para kay Adora ay pinid na ang kanyang mga labi, hindi na niya maimumulat ang kanyang mga mata.


Samantala, pumapasok na sa bakuran ang sumusundo sa kanya.  Sa kanilang lumang bahay.  Ang Tatay ni Adora.  At may takbo pang tinungo niya ang hagdanan upang ito'y salubungin..........................................................


Abril 21, 1997 Liwayway

Saturday, June 16, 2012

HUNYO 17, 2012 - ARAW NG MGA AMA

Malugod ko kayong inaanyayahan na muling bisitahin at basahin ang magagandang "sharings" tungkol sa kanilang mga ama ng mga tagasubaybay nitong blog noong Hunyo, 2010.  Magtungo lamang sa Archive at i-click ang 2010, saka piliin ang buwan ng Hunyo.  Pagkatapos ng kwento ay makikita ang mga nasabing sharings.

Bilang pasakalye, narito ang isang tula tungkol sa mga AMA.

Saturday, June 19, 2010
WHAT MAKES A DAD
When I requested for sharings from readers of reminiscences of their fathers, I received the poem below from EVD, from an author unknown. It is one lovely poem and I felt I just have to translate it into Pilipino. I hope you will also find the translation as moving as the original.

 

WHAT MAKES A DAD

God took the strength of
a mountain,
The majesty of a tree,
The warmth of a summer sun,
The calm of a quiet sea;
The generous soul of nature,
The comforting arm of night,
The wisdom of the ages,
The power of the eagle's flight.
Then God combined
these qualities,
When there was nothing
more to add,
He knew His masterpiece
was complete,
And so He called it "DAD!"

(Author Unknown)


(Translated by Eve for this blog only)

Kinuha ng Diyos
tatag ng kabundukan,
at sa punongkahoy ay
kamaharlikaan,
ang
masiglang init ng naghaharing araw.
Sa dagat na tahimik ay
kapayapaan,

Buhay na mapagbigay ng saganang kalikasan;
mapagpalang bisig ng gabing mapanglaw,
At sa mga pantas ay
katalinuhan,
Sa agila sa himpapawid ay
lakas at tibay.

At lahat ng ito ay pinagsama-sama
Ng Diyos sa langit - kanyang
Obra-maestra
Nang ito'y matapos at kanyang makita,
Kanyang pinangalanan,
Tinawag niyang
AMA.


HAPPY FATHER'S DAY SA LAHAT!

 

Tuesday, June 12, 2012

SI AMA, ANG LUMANG BAHAY


SI AMA, ANG LUMANG BAHAY

Ang isang lumang bahay ay maihahalintulad sa isang magulang. Na pinagmulan.  Ang bahay na sinilangan at nilakhan.  Kubo.  Gawa sa pawid at kawayan.  Tabla, tisa at yero.  Bato.  Anupaman.  Na sa pagdaraan ng mga taon ay iginupo na ng panahon.  Winasak ng malupit na unos.  At lindol.  O simpling kapabayaan ng may-ari. Ngunit sa alaala ay hindi napaparam.  Muli't muli, ginugunita, binabalik-balikan.  Sa pag-iisa sa sariling katandaan, nauusal-usal, noong araw, sa aming bahay.

Tulad rin ng pagsingit sa isipan ng alaala ni Amang.  Ni Tatang.  Tatay.  Papang.  Na marahil ay kay tagal nang wala sa ating piling.  Kung dati ay nasa lalawigan at nadadalaw paminsan-minsan nating mga taga-lungsod, ngayon ay wala na.  Marahil ay namayapa na.  Kapara ay ang lumang bahay ng ating kamusmusan.  Na baka wala na rin.  Dinaanan ng bagong lansangan.  Naipagbili na at natayuan ng iskwelahan o gusaling pang-komersiyal.  O kung naroon pa ay baka kalansay na lamang ng dating larawan nito.  Hagdang bato na walang pinatutunguhan.  Putol na't wala nang aakyatan.  O baka naman haliging matayog pa rin sa pagkakatayo, ngunit wala nang sahig o dingding o bubong na kaalakbay.

Ang buwan ng Hunyo ay buwan daw ng pagpapakasal.  At ng mga ama, ang haligi ng tahanan.

Ano ang natatandaan mo sa iyong Tatang?  Sa inyong lumang tahanan?

Napansin ko, sa statistics ng mga bumibisita sa blog na ito, marami ang hanggang ngayon ay dumadalaw sa entrada ng tungkol sa remembering my father.  Nakikipagpaligsahan ito sa dami ng mga bumibisita sa postings na tungkol sa Amaya, Pinoy Henyo at Santakrusan.  Masarap kasing alalahanin paminsan-minsan ang nangakaraang araw sa piling ng ating mga magulang.  Ngayong magulang na rin tayo, hindi lamang dahil may mga anak na, kundi, pati sa gulang, medyo magugulang na rin :)  Tuloy nasasabi-sabi natin, naku, kung buhay si Tatang, hindi pupwede 'yan...  Kami noon, 'sang tingin lang, 'sang tikhim lamang niya, tigil na kami sa anumang kaguluhan na ginagawa!

Nagrerebelde tayo noon sa sobrang kahigpitan nila.  Ngunit sa pagbabalik-tanaw, ngayon natin nauunawaan, na kaya tayo matino at nakarating sa maalwang kalagayan ngayon, ay dahil sa kanilang mabuting pagkapalaki sa atin.

Hindi ako mauubusan ng kwento tungkol sa aking Amang.  Unang-una na nga, ay siya ang nagturo sa akin na umawit sa saliw ng gitara na siya ang tumutugtog.  Kasunod nito ay siya rin ang nagturo sa aking tumugtog ng gitara, ipinasadya pa niya sa Pampanga ang isang katamtaman ang laking-gitara para hindi mahirapan ang mga daliri ko sa pagtipa.  Siya rin ang nagturo sa akin ng isang matandang awit na ako lamang yata ang nakaaalam, dahil wala pa akong nakakausap na alam awitin ito.  Na ngayo'y itinuro ko sa aking apo. Titingnan ko kung mailalagay ko ito ngayon para sa mga makababasa na baka alam awitin ito.  Sabihin lang sa akin, para hindi naman ako nag-iisa...

Ang ama ay tulad sa isang lumang tahanan.  Tayong sumunod na henerasyon sa ating mga magulang, ngayon ay nakakalat na halos sa buong mundo.  Kung hindi man, wala na tayo sa lalawigang sinilangan. May ilan na lamang na natitira. Kadalasan, narito na sa Kalakhang Maynila ang karamihan.  Nasa mga subdibisyon.  Nasa condo ang ilan,

Ngunit ano ba ang natatandaan natin sa ating lumang bahay?  Gawa sa pawid ang bubungan?  Ang sahig ay kawayan?  Yero, tabla at bato ang iba?  O sama-samang materyales ng mga nabanggit na. 

Kamakailan, dumalas ang pag-uwi namin ng probinsiya dahil sa isang pangyayari.  Tinaasan ang lansangan sa harap ng lumang bahay ng pamilya ng aking kasama.  Dahil ito ay sa kanya iniwan, sa kanya rin naatang ang lahat ng responsibilidad na pagyamanin ito.  Na dahil sa pagtaas ng kalsada, lumubog lahat ang mga bakuran ng mga bahay sa nasabing lugar.  At ito ang aming inasikaso – ang pagtatambak ng ilang bahagi ng bakuran, pagpapataas ng bakod, pagpapaayos sa gate, at mga iba pang pagawain.  Anupa't malaking gastusin, na nang may nagtanong na isang businessminded na kamag-anak, na ano raw ang magiging kapalit ng mga nasabing investment kumbaga, wala kaming naisagot kundi just taking care of a heritage!  Walang ROI o return on investment :( pero feeling good about it :)

Kasi, may napuna ako kapag naglalagi kami ng kahit ilang araw sa nasabing lumang bahay.  Parang iba ang kilos ng aking kasama.  At home siya.  Grounded.  Bahay niya iyon.  At kahit paano, parang may sumisilay o  lumalabas na gawi at pananalita  siya na bahagi ng kanyang dating personalidad na somehow, waring nabawasan ng mga nagdaang taon.    Nakatutuwa.  Nakasisiya.

Kapag umuuwi rin kami, para raw kaming nasa States.  Dahil walang kasambahay na nauutusan ng mga gawaing-bahay.  Si ako na ang nagluluto, naghahain, naghuhugas ng pinggan (nag-uwi ako ng sandamukal na paper plates), sumasaglit sa palengke, nagwawalis-walis at lampaso.  Pero, himala yata! O epekto iyon ng pagtira sa kanilang lumang bahay, may mga chores na ang kasama ko ang gumagawa.  Tulad ng pagsasara ng mga bintana at pinto at gate sa bakuran, pagtingin sa mga gripo kung nakasarado, etc.  na excuse me, sa aming sariling bahay ay sa iba nakapaubaya.

Masaya rin ako sa lumang bahay na ito.  Kung noong araw ay nakakaramdam ako ng salagimsim dahil sa mga lumang larawan ng mga ninuno sa mga sinaunang kuwadro sa dingding na waring sinusundan ang aking bawat kilos, ngayon ay hindi na.  Kung bakit nag-iba na ang aking pakiramdam, hindi ko alam.  Pakiramdam ko lamang ay naka-tune in na ako sa ispiritu ng bahay. Naroon na ang harmony.  Naalaala ko tuloy nang una akong mapunta sa bahay na ito at nakita ko ang katabing ilog.  Agad kong nasambit, ang sarap sigurong tumira rito!  Sa totoo lang, ni sa hinagap, ni hindi ko naisip na darating ang panahong titira nga ako rito.  Tabing-ilog ang bahay at sabik ako sa ilog, dahil sa hindi kami marunong lumangoy, bawal na bawal sa amin ang lumapit sa ilog.  Kaya naman, gustung-gusto ko ang ilog, ang dagat... noon!  Nature-lover, kumbaga.  O baka, kung totoo ang reincarnation, e, sirena ako noong araw... 

Isang liko lamang mula sa lumang bahay na ito ng aking kasama ang kinaroroonan naman ng aming bahay.  Ngunit hindi na ito ang lumang bahay na sinilangan at nilakhan naming magkakapatid.  Noong mid-fifties ay tinayuan na ito ng bagong bahay, na siempre, luma na rin ngayon.  Ngunit sa aking alaala, nananatili pa rin, malinaw na malinaw, ang larawan ng dating bahay na yari sa dingding na tabla at sahig na tabla at kawayan, at bubong na pawid.  Kahit sa aking panaginip, ang bahay na ito ang gumigitaw.

At  ngayong Hunyo, na buwan ng Ama ng tahanan, ito ang paksa ng aking kwento: ANG LUMANG BAHAY, na may kinalaman rin sa Ama ng nasabing tahanan.