Tuesday, May 29, 2012

MAY ROGEL? WALANG BEBET...


MAY ROGEL?  WALANG BEBET...

ANG  tumunog na telepono ay inangat ni Loida.  “Hello...”

“Loida...”  Tinig ni Rogel.

Sumandal sa sopa si Loida.  Tiningala ang maputing kisame.  Pinagmasdan ang mga pinlight sa kanyang tapat na siyang nagbibigay liwanag sa kinaroroonan niyang malamig, nakukurtinahang silid.  “Sweetheart...”

Si Rogel.  “I'll be there, honey.  Be beautiful.”

Bigla may naalala si Loida.  “Rogel.  Rogel, sweetheart?”

Ngunit wala na si Rogel.  Nakababa na ang telepono nito.  Di ba't sinabi na nito ang pamamaalam.  Si Rogel.  Hindi nito sinasabi ang karaniwang bye.  Sa halip, ibinubulong ito.  I'll be there. honey.  Be  beautiful.  At dagli na nitong ibababa ang telepono.  Hindi na hinihintay ang kanyang sasabihin.  Na kay Rogel ang huling salita.  Darating ako, mahal.  Magpaganda ka.  At ang lahat-lahat ng mga tawag ni Rogel sa telepono ay natatapos sa gayong mga salita.  Mga tawag na dumarating kahit umagang-umaga.  Katanghalian kaya.  O sa kalaliman ng gabi.  Na iisa lamang ang kahulugan.  Na siya, si Loida ay nararapat na maging magandang-maganda.  Maligo at maging napakabango.  Sapagkat kailangan na naman siya ni Rogel.

Siya, si Loida Martin. Dalaga, tapos ng karera, isang mahusay na sekretarya, ay babae ngayon ni Rogel.  Ni Rogelio Sanchez, may asawa, mayamang mangangalakal, ang dating pinaglilingkuran niya.

Binalingan ni Loida ang kanyang kapatid.  “Darating si Rogel.”

“Kung gayo'y aalis na kami, Loida.  Bebet, babay na sa Tita Loida.”

Nilapitan ni Loida ang kapatid na nagsimulang sumamsam ng mga nakakalat na lampin, bote ng gatas at laruan.  “Bumalik uli kayo bukas, Ate.”

“Titingnan ko.”

“At isama mo uli si Bebet.  Ha, Bebet, sama ka sa mommy mo.”

Ang sanggol na wala pang isang taon ay humagakgak na parang kinikiliti.  May aninong lumambong sa magandang mukha ni Loida.  Na hindi napalis, manapa'y naragdagang lalo nang makaalis ang panauhin niyang mag-ina.  Ulap ng kinikipil na lungkot na nagpalaylay sa mabilog, makinis na balikat.  Nagpabigat sa mga hakbang. Nagpahigpit sa paghinga't nagpabara ng lalamunan.

Damdaming dinala ni Loida hanggang sa paglulunoy ng wari'y napagal na katawan sa maligamgam na tubig ng kanyang paliguan.  Mabango't malahiningang tubig na nagpabilis ng daloy ng kanyang dugo.  Na kalaunan ay nagpasigla sa kanyang pakiramdam.  Saglit na nagpalimot sa dinadala niyang lihim na kalungkutan.

Darating si Rogel.  Kailangan na naman siya ni Rogel.  At marahil... marahli, ang kailangan niya ay ibibigay na rin ni Rogel.  Dahil mahal siya, iniibig siya ni Rogel.


BINATA pa si Rogel nang harapan niyang makilala.  Di pa niya ito nakikita nang personal ay matagal na rin naman niyang nababalitaan.  May pangalang sumisikat si Rogel sa larangan ng pangangalakal.  Kalakal na minana sa namayapang ama.  Kalakal na ang tanging sanib ay ang pinakamatalik na kaibigan ng magulang.
.
Maganda siya't matalino.  Ang uri ng sekretarya na kailangang-kailangan ng isang katulad ni Rogel.  Na masipag at laging abala.  Sa pagpriprisinta niya sa pangangailangan ni Rogel, kaagad siyang natanggap.

Umibig siya sa binata sa una pa lamang pagkakita rito at sa pagsisimula niya sa trabaho ay nagsimula na rin siyang mangarap.  Mumunti, magaganda, nakakikiliting pangarap.  Ano kaya't mapansin niya ako.

Pinag-ibayo niya ang sipag.  At ang sarili ay hindi pinabayaan.

“Miss Martin, may gagawin ka ba mamayang paglabas sa opisina?”

Ang tanong ni Rogel ay nakabigla sa kanya.  Sa abot ng kanyang kaalaman, iisa lamang ang kahulugan niyon.  Matagal siyang hindi nakahuma.  Kalaunan.  “Sir, e...”

Nakatayo si Rogel sa tabi ng kanyang mesa.  Bahagyang nakadukmo.  “Maraming trabaho, pero I feel like going out. How about having a working dinner with me tonight, Miss Martin.”

“Sir,”  ang tinig ay ayaw lumabas sa kanyang lalamunan.

Tumuwid ang katawan ni Rogel.  Binitiwan ang isang lapis sa kanyang hapag.  At ilang papeles.  “It's settled then.  Tapusin mo ang mga to at tamang-tama, paglabas natin ay doon na tayo tutuloy sa kakainan.”

Tandang-tanda niya ang pook na iyon na noon lamang niya napuntahan.  Malalaki, malilinaw, naiilawang akuwaryum na nakahilera sa dingding.  Naggagandahang mga isda.  Tropical fish, sabi ni Rogel.  Sa isang sulok, may tumutugtog sa organ.  Isang tugtuging gusto niya.  The Girl from Ipanema.  At nawili siya sa pakikinig at di niya tuloy namalayan ang pagtayo ng isang weyter sa kanilang tabi.  At ang pagtatanong ni Rogel kung ano ang gusto niyang inumin.

Lumikot ang kanyang mga mata at kumibot ang mga labi.  Ano ba ang kanyang iinumin.  At sasabihin na niya ang fresh orange nang magsalita si Rogel.  “Bigyan mo siya ng sangria.  Ako'y...”

Sangria?

Hinawakan niya ang mabilog, manipis na baso na may hiniwang kahel na nakaipit sa labi at may lulutang-lutang na cherry na nakatusok sa toothpick.  Tumigingin siya kay Rogel.  Ngumiti ito.  “It's nothing,” ang sabi nito.  “Fruit juices.  Wine.”  Sumimsim siya.  Matamis-tamis.  Na maasim-asim. Na mapait- pait.  Masarap.

Iyon ang kulang sa kanya.  Maganda siya.  At matalino.  Mahusay na sekretarya sa teorya at sa praktis.  Makabago.  Lamang, bihira, halos hindi siya nakalalabas.  Sa mga kainan.  Sa mga aliwang panggabi.  Doon siya kulang.

Pinagmasdan niya ang weyter sa pagbababa ng mga baso at kubyertos sa kanilang hapag.  Ang sala-salang yantok na lalagyan ng tinapay.  Ang nakabilot, berdeng serbilyeta.  Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa palamuting bulaklak na yari sa kapis at sa iindak-indak na ilaw ng pandak na kandila sa loob ng isang makapal na baso.  Dinama niya ang lamig ng paligid.  Pinakinggan ang tugtog.  Binusog ang mga mata sa kariktan ng lumalangoy na isda sa loob ng akwaryum.  Ito.  Ganito ang buhay na gusto niya.  Sa piling ni Rogel.

Hanggang ilapag ng weyter sa harap niya ang isang malaki, maputing kabibi.  Crab ala newburg.  Napatingin siya kay Rogel.  “Natikman ko na 'yan.  At nasarapan ako.  I took the liberty, ako na ang pumili para sa iyo.”

Sumubo siya.  At hindi siya nasarapan.  Ngunit hindi nagpahalata.  Pinilit niyang kaunti lamang ang matira.

Natapos ang gabing iyon na wala silang napag-usapan na tungkol sa opisina.  At wala rin tungkol sa kanilang sarili.  Halos hindi sila nag-uusap.  Napagwari niya na talaga lamang na gusto ni Rogel na kumain sa labas nang may kasama.  Ang isiping iyon ang nagpabigat sa kanyang pakiramdam.  Na kaya lamang nawala ay nang ihatid siya ni Rogel sa kanyang tinutuluyan.

“Nabusog ka ba?”

Tumango siya.  “Oo, sir.”

Tumawa si Rogel.  “Sa muli nating paglabas, ang itatawag mo sa akin ay Rogel.  Di bale na ang sir sa opisina, pero sa labas, ang gusto ko'y Rogel.  Ha, Loida?”

Pakiramdam niya ay bigla siyang sinapian ng napakataas na lagnat nang sandaling iyon.  Damang-dama niya ang init sa may leeg, sa may puno ng tainga.  “Ho, e, kayo ang masusunod, sir.”

Uhmmmmm.  Umungol si Rogel.

“Rogel...”

Nang gabing iyon, bago siya natulog, pinagbalikan niya sa isip ang lahat ng naganap sa kanilang dalawa ni Rogel.  At ang mumunti, magaganda, nakakikiliting pangarap ay lumaki, higit na naging makulay, lalong naging nakakikilig.  Na patuloy na lumaki at gumanda sa kabila ng pangyayari kinabukasan.  Sa loob ng opisina ay matunog na Miss Martin ang tawag sa kanya ni Rogel, pormal ito sa pagsasalita, at wari, hindi sila nagkasama sa pagkain sa labas nang sinundang gabi.

Ngunit muling naulit ang pagkaing iyon.

“By the way, Loida, you're still unattached.  Walang magagalit.”  Kumumpas ang kamay ni Rogel.

Mataman niyang inisip ang sagot sa tanong nito.  “Kung sa magagalit, mayroon.  Ngunit wala isa mang may karapatan o binigyan ko ng karapatan na magalit.”

Ngumiti si Rogel sa kanyang mga mata.  Ngunit wala itong sinabi.  Isa mang salita na magpapahiwatig ng damdamin nito sa kanya.  At siya ay matiyagang naghintay.  Habang patuloy ang buhay.  Ang pormal na palagayan sa opsina.  Ang unti-unti, tumatamis na pagtitinginan sa labas.

“Alam mo bang napakaganda mo, Loida?”

Parang mabubuhol ang kanyang paghinga.  Sa kanyang isipan, ano ang ibig mong sabihin. Rogel? Magsalita ka.  Magsalita ka.  “Siyanga,” ang tanong niya.

“Mapalad ang lalaking magkakamit ng iyong pag-ibig.”

Sa kanyang kaibuturan, iyo ang aking pag-ibig, Rogel.  Magsalita ka lamang.  Iyung-iyo, Rogel.  Naghuhumiyaw ang kanyang puso.

Ngunit walang sinabi si Rogel.  At muling nagpatuloy ang buhay.  Ang dalawang uri ng palagayan nila ni Rogel.  Hanggang sumapit ang gabi ng kanyang kaarawan.  At anyayahan siya nito.  Kumain din sila.  At nagsayaw.  Wala pa ring binanggit na anuman si Rogel, ngunit marahil, ang gusto nitong sabihin ay ipinahihiwatig na sa higpit ng pagkahapit sa kanyang likod.  Sa makamkam na pisil sa kanyang palad.  Sa marahang pagkiskis ng pisngi nito sa kanyang noo.
Iniibig siya ni Rogel.  Marahil.  At nang gabing iyon, ang mga pangarap niya ay may kulay na ng katotohanan.

Saka nag-asawa si Rogel.  Biglang-bigla.  Ni walang paunang balita.  Walang maringal na seremonyas at malaking pagdiriwang.  Isang araw na hindi siya pumasok dahil sa isang pagkakasakit, dumating na lamang si Rogel sa opisina na may kasamang babae.  Isang magandang babae.  Ipinakilala sa lahat.  Kanyang asawa.

Ang balita ay sa telepono niya tinanggap.  “Maniwala ka, Loida.  Nabigla kami.  Lalo ako.  Dahil alam ko, ako lang ang nakaaalam, di ba, na madalas ka niyang anyayahan sa labas.”

Ang pagbabangong-puri ay kaagad niyang nadama.  “Nothing between us, Mona.  Sabi ko nga sa iyo noon, working dinner ang tawag ni Ro.. ni Mr. Sanchez doon.”

Ewan niya kung napaniwala niya si Mona, ang kaibigan niya sa opisina na hindi siya nabigla o nagdamdam kaya sa pagkapag-asawa ni Rogel.  “Maputi ba siya na singkit?”  Nais niyang palabasin kay Mona na alam niya, kilala niya ang naging asawa ni Rogel.

“Maputi siya, pero hindi singkit,”  ang sagot ni Mona.

“A, baka iyong anak ni JE.”  Ang sinabi niya ay isang hula, bagaman at alam niyang may anak na dalaga si Mr. Enriquez, ang sosyo sa negosyo ni Rogel.

“Siya nga.  Tama ang sinabi mo.  Anak ni JE ang napangasawa ni Mr. Sanchez.  Alam mo pala.”

At marahil, sa dakong huli ay napaniwala rin niya si Mona tungkol sa relasyon nila ni Rogel.  Hindi nito alam, walang nakaalam sa pait ng kanyang pagluha.  Bakit ginawa sa kanya ni Rogel ang gayon.  Kung nahalata nito ang kimkim niyang pag-ibig, bakit waring siya ay pinaasa pa rin.  Bakit hindi sinira ang kanyang loob.  Hindi pinansin.  Ano't pinatikim pa siya ng mumunting ligaya.

Isang linggong hindi siya nakapasok sa opisina.  Nang siya ay gumaling, sa paghaharap nila ni Rogel nang sarilinan, kaagad siyang kinausap nito.  “Iyon ay isang matandang usapan, Loida.  Pag-isahin ang pamilya upang huwag nang mapasaibang kamay ang negosyo.  Hindi ako maaaring umiwas.”

“Bakit mo sinasabi sa akin.”  Nabasag ang kanyang tinig.  Hindi na niya naituloy ang sasabihin.

Mahigpit siyang hinawakan sa magkabilang bisig ni Rogel.  Pagkuwa'y sinapo ang kanyang baba.  Pilit na itinaas ang kanyang mukha.  At hindi niya naikubli ang kanyang pagluha.  Napapikit siya.

“You love me. Loida.  Mahal mo ako.”  Umuunawa ang tinig ni Rogel.

Ang sinabi ni Rogel ay hindi tanong.  Ang sinabi nito ay isang pangungusap.  At hindi niya napigil ang pagtango.  Oo. Oo.  Mahal kita.  Habang patuloy na humihilam sa kanyang mga mata ang bumabalong na luha. Habang nawawalat ang kanyang dibdib sa tindi ng kapaitang nadarama.

“Kailangan kita, Loida.” 

Malinaw niyang narinig ang bulong na iyon ni Rogel.  Sa papalapit na tinig.  At naramdaman niya ang mga labi nito sa kanyang labi.  Ang hindi niya mapigil na pagganti.  Rogel.

Pinagbitiw siya ni Rogel sa tungkulin.  Tumutol siya.  Umiling si Rogel.  “Kung talagang gusto mo ay ihahanap kita ng trabaho sa ibang opisina.  Samantala, hihinto ka.  Mananatili ka sa tinututuluyan mo.  Ako ang bahala.”

Ako ang bahala...
 
Nang una niyang marinig ang mga salitang iyon sa bibig ni Rogel ay waring nais niyang mawalan ng ulirat sa kahihiyang nadama sa sarili.  Maliwanag ang katuturan niyon.

Nanatili siya sa tinutuluyang dormitoryo.  Bakasyon, aniya sa mga kasamahan.  Hanggang isang gabi ay dumaang saglit si Rogel.  Maraming ibinigay.  Ang hiniram na libreta ng mga iniipon niya sa bangko.  Hindi niya mapaniwalaan ang halagang nadagdag doon. At mga susi.

Ang susi ay para sa isang magandang kotse, maliit, tamang-tama sa kanya.  At ang isa ay para naman sa pintuan ng isang munti ngunit magarang bunggalo na nakatirik sa isang katamtamang laki ng lupa sa puso ng isang mamahaling subdibisyon.  Na ang mga ilaw ay tago at ang mga kurtina ay mula sa kisame hanggang sahig.  Na ang buong kaluwangan ng sahig ng kanyang silid ay nalalatagan ng malambot na alpombra.  At ang lahat ng mga kasangkapan ay pawang pangunahin ang uri.

“Ngunit  ang kailangan ko lamang ay ikaw, Rogel.  Ang iyong pag-ibig.”

“Pero hindi mo ako maaangking lubos. Loida.  At nais kong mapaligaya ka.  Kahit sa ganito man lamang na pamamaraan.”

Sapagkat iniibig niya si Rogel, kahit hindi niya ito naangking lubos, naging maligaya na rin siya.  Nakagamayan niya, nasiyahan siya sa maalwang uri ng pamumuhay na ipinagkaloob ni Rogel sa kanya.  Bahay.  Kotse.  Mga damit at alahas.  Mga primera klaseng kainan at aliwang panggabi.

May isang panahong naging maligaya siya.  Na ang buong buhay ay nakatuon sa tunog ng telepono.  Sa tinig sa kabilang dulo ng kawad.  I'll be there honey.  Darating ako.  Be beautiful.  Maging maganda ka para sa akin.

At ang ritwal ng pagpapaganda upang masiyahan si Rogel ay kaagad niyang sisimulan, matapos maibaba ang telepono.


TUMAYO si Loida sa harap ng pantay-taong salamin na bumubuo ng isang bahagi ng dingding ng kanyang ayusang silid.  Ilang taon na nga mula nang una siyang tunayo sa harap ng salaming iyon at pagmasdan ang kanyang sarili.  Dalawa... tatlo... maraming taon na.  At wala siyang malaking ipinagbago.  Naroon pa rin ang yaman ng dibdib.  Ang lindi ng baywang.  At lantik ng balakang.  Ang kinis ng balat.  Ang lambot ng katawan.  Ang guhit na nagmumula sa kanyang pusod pababa ay likas, pumupuyong mga balahibo.  Hindi katulad ng guhit sa tiyan ng kanyang kapatid.  Ang mommy ni Bebet.

“Karaniwan na sa mga nagsilang na ang magkaroon ng guhit na tulad nito.”

Ang guhit ay mamula-mulang maitim-itim.  Waring isang mahaba, tuluy-tuloy na gurlis na nagmumula sa pusod, pababa.

“Pero bakit kaya?” ang tanong niya.

Hindi alam ng kanyang kapatid ang sagot.  “Siguro lumaki ang tiyan, nabanat nang nakapanganak na at lumiit hindi na nanauli ang balat.”

Naisip niya noon.  Magkaroon din kaya siya ng guhit na tulad ng sa kanyang kapatid?  Alam niyang hindi.  At umiiwa ang lumbay na kanyang nadama.

Nasisiyahan na nga sana siya sa buhay niya sa uri ng pag-ibig ni Rogel kundi sila nagkitang magkapatid.  At magkadalawan.  At ito ay matapos ang isang mahabang panahon ng pagtatakwil sa kanya ng kanyang mga kaanak sa lalawigan sa ginawa niyang pakikisama kay Rogel.

“Krus mo, dalhin mo.” Ito ang naging damdamin ng kanyang pamilya.  At unti unti ang malamig na pakikitungo ng mga ito sa kanya ay nanauli sa dati.  Nakuha pa siyang dalawin paminsan-minsan ng kanyang may asawang kapatid na nasa lunsod.

Marahil sa mga pagdalaw na iyon ang pinagsimulan ng kakaiba niyang saloobin sa dinadalang kalagayan.  Ang pagdalaw ng kanyang ate, kasama ang pinakamaliit na anak.  Si Bebet.

Isang malusog na sanggol si Bebet.  Na may mabibilog, maiitim na mata.  Na nang una niyang marinig ay walang alam sabihin kundi ma-ma-ma at pa-pa-pa.  Si Bebet na kay higpit hahawak ng daliri.  Na kapag nahagip ang kanyang hinlalaki ay kaagad itutuloy sa bibig na waring balak kagatin.  Ng gilagid.  Hahaha!  Napapalingon sa lakas ng kanyang halakhak ang katulong niya sa bahay.  Si Ate Loida.  Natutuwa sa baby.

Baby. Sanggol.  Niya. Sariling kanya.  Ang kawalan niyon ay isang mapait na katotohanang nagdudumilat sa kanya.

Sabi ng kanyang ate.  “Mabuti na rin naman iyang wala kayong anak ni Rogel.  Maghiwalay man kayo... pagdating ng panahong...” magising ka, salitang hindi nito isinatinig, “ay walang malaking problema.  Kung makatagpo ka man ng iba  na gustuhin kang pakasalan sa kabila ng mga nangyari na sa buhay mo...”

Ngunit napagpasiyahan na niya ang kanyang hinaharap.  Noon pa mang una siyang tumango, sumama kay Rogel.  Ito ang kanyang pag-ibig, ang kanyang buhay, ang kanyang kaligayahan.  Kung dumating ang panahong maghiwalay sila, masisiyahan na siya sa mga gunita.  Ito ay nang di pa niya nakikita si Bebet ang kanyang pamangkin.

“Nais ko ng isang Bebet, Rogel, sweetheart.  A baby of my own.  Upang mahalin.  Arugain.”

Sa pagkakahiga ay hindi kumilos si Rogel.  Tuwid na tuwid ang pagkakatingin nito sa kisame.  At bumangon siya.  Lumuhod sa tabi ni Rogel.  Dinukwang ang mukha nito.  Pabirong hinagkan sa mga mata.  Sa ilong.  Sa bibig

Kinabig siya ni Rogel.  At idinikit ang mukha niya sa dibdib nito.  Hinimas-himas ang kanyang ulo.  “Ayokong magkaroon ng kaagaw.  Ako na lang ang iyong anak.  Bakit mo pa nanaising magkaroon ng anak.”

Ang kanilang usapang iyon ni Rogel ay nauwi sa biruan. Sa tawanan. Sa pagmamahalan.

Ngunit waring nagising na ang kanyang pagkaina.  Wala nang pagkapigil ang pagtubo ng kasiya-siyang damdaming iyon na sumilang sa mga ngiti at kawag ni Bebet.  Damdaming magkakaron lamang ng kaganapan kung papayag si Rogel.

At muli inungkat niya.  “Nakalulungkot ang nag-iisa.”  Sapagkat matagal na ring pinatigil siya sa pagtatrabaho ni Rogel, inuuwian na lamang ng ilang gawain sa opisina na ipinaaayos sa kanya.  “Nakaiinip sa bahay.  Kung may anak tayo, Rogel...”

Marahil mainit ang ulo noon ni Rogel.  Maraming problema sa opisina.  “Talaga bang iyon ang dahilan, Loida?  Malungkot ang nag-iisa?”

Iba ang tinig ni Rogel.  May nais palabasin.  At napamaang siya.  “May iba pa bang magiging dahilan?  Maliban doon?”

Nakatalikod si Rogel sa kanya.  Hindi niya nakita ang mukha nito nang magsalita.  “Naisip ko lamang.  Baka... baka nais mong makasiguro.”

Daig pa niya ang sinampal.  Sapagkat sa kaibuturan ng kanyang sarili ay ni hindi niya naging damdamin ang bagay na iyon. Na ngayon ay waring isinusumbat ni Rogel.  Sunud-sunod ang ginawa niyang pag-iling.  “Hindi, Rogel, hindi!”

Hindi pa rin humarap si Rogel sa kanya.  “Baka nais mo lamang na ako'y matalian.  To secure your future.  Mapangalagaan ang iyong hinaharap.  Pero huwag kang mag-alala, Loida.  Ang bahay at lupa ay nasa iyong pangalan.  Pati ang kotse.  Ang lahat-lahat ng iyong mga gamit.  I am a very generous man.”

Kumikinig ang kanyang tinig.  “Hindi, Rogel. Hindi!  Ang kailangan ko ay isang anak.  Isang sangla ng iyong pag-ibig sa akin.  Kung talagang iniibig mo nga ako.  Hindi ko kailangan ang mga ibinibigay mo sa akin.  Ikaw.  Ang isang bahagi ng iyong sarili.  Ng iyong puso.  Ng iyong pag-ibig.  Ito ang kailangan ko Rogel.”

Noon lamang sila nagkasagutan ni Rogel.  At kaytagal na hindi ito tumawag.


HUWEBES.  Ang rosas na pildoras na itinuturo ng itim na palaso sa tanging lalagyang plastik ay kinuha ni Loida, inilagay sa palad, matamang pinagmasdan.  Sa gitnang-gitna nito ay may nakatatak na isang munting bituin.  Sa kabaligtaran ay ang pangalan ng kompanyang gumagawa nito.

Kumibot ang kanyang mga labi.  Paano kung itapon kita ngayon.  At sabihin ko sa kanyang, oo, hindi kita nakalimutang lunukin.  Ikaw ay magiging isang Bebet.
Ngunit ang rosas na pildoras ay ipinatong rin sa dila, inagos ng tubig na ininom ni Loida. 

Ikaw lamang makapagpapasiya, Rogel,
ang bulong sa sarili. Ang pag-ibig mo ang nangangailangan ng patunay.  Isang anak na kusang ipagkakaloob.  Ito lamang, Rogel.  Kung talagang mahal mo ako...

Mahal nga kaya siya ni Rogel?

Na nagsabi noon.  Pinakamamahal kita, Loida.  Kailangan kita sa aking buhay.  Ang aking pagkapag-asawa ay isang matandang usapan at ang aking pagkapayag ay isang pagkakamali.

Kung totoong mahal, kung totoong mahal siya at kailangan ni Rogel sa buhay nito, dalaga siya at binata pa noon si Rogel, bakit pumayag itong pakasal sa iba.
Matandang usapan. Upang ang negosyo ay huwag nang mapasaibang kamay.

Naroon na ako, Rogel at hindi kita masisisi.  Ngunit kung akong talaga ang mahal mo, bakit mo ayaw magkaroon ng anak sa akin? 

O mahal mo lamang ako at kailangan sa ganitong uri ng pamumuhay.  Isang babae.  Maaaring isa sa mga iba pang babae.  O Rogel, bakit ayaw mong magkaroon ng anak sa akin?  Bakit?  Bakit?

“Bakit ano?”

Gitlang napalingon si Loida.  Hindi niya namalayan, dumating na si Rogel at nakapasok na sa kanilang silid.  Narinig pati ang tanong ng kanyang puso na sa tindi ng damdamin ay kanyang naisatinig.

“Bakit ano?” ang muling tanong, kasabay ang hawak sa baywang, ang masuyong himas sa buhok, sa nakangunot na noo, kasunod ang matimyas na halik sa mga mata, sa ilong, sa bibig.

Pumiglas si Loida.  Ang kanyang pag-ibig ay humihingi na ng kaganapan.  At siya ay nangusap.  “Kung totoo ngang mahal mo ako, Rogel, na tulad ng iyong sinasabi sa akin, nais kong patunayan mo.  Bigyan mo ako ng anak.”

Umiling si Rogel.  “Ang sagot ko noon ay hindi.  Ngayon ay hindi pa rin.  At asahan mong hindi ito magbabago kahit na sa hinaharap.  Sasalimuot ang ating buhay pagkakaroon natin ng anak.  Maaaring hindi pa ngayon. Ngunit sa darating na panahon.  Kung malalaki  na ang mga bata.  At magsimula nang magsipag-away.  Sa mga materyal na interes.”

Napahinga nang malalim si Loida.  Alam niya, dalawa na ang anak ni Rogel.  At muling nagdadalang-tao ang asawa. 

Lumapit si Rogel kay Loida.  Muling kinawit ng bisig ang baywang.  Habang nagsasalita, kayrami pang sinabi ni Rogel tungkol sa mga ilehitimong anak, ay patuloy na pinagagapang ang kamay sa likod, sa batok, sa leeg ni Loida.  Bumubulong.  Humahalik.  Nagnanasa.

Sa pananaw ni Loida ay lumabo-luminaw ang larawan ni Bebet.  Ng isang Bebet.  Yumakap siya kay Rogel.  Mahigpit.  Pinakaiibig niya si Rogel. Ngunit talos niyang ang sandali ng pagpapasiya ay malapit na.  Hindi na niya alintana ang katayuang siya ay nagkakasala sa mata ng Diyos at lipunan.  Nais lamang niya ng isang Bebet. 

At dalawa lamang ang kanyang pamimilian.   
Si Rogel?  Ngunit walang Bebet.  Walang sangla ng pag-ibig.  Walang pag-ibig!

O wala nang Rogel?  At wala ring Bebet.  Isang dalagang may pinagdaanan.  Mag-isang makikitunggali sa buhay.  Sa paghihintay ng tunay na pita ng puso.

Lumuwag ang pagkakayakap ni Loida kay Rogel.

Abril 10, 1972  LIWAYWAY


 

Uyayi ni Apo

Ang Uyayi ni Apo

Matagal-tagal rin bago dumating sa aming buhay ang unang apo.  Hindi kaagad biniyayaan ang aming anak ng supling kundi makalipas ang ilang taon.  Kaya nang dumating ito ay agad kaming nagtungo sa kanyang kinaroroonan upang siya ay masilayan, makalong, maipaghele.

Kontra sa kinalakhan at itinuro ng mga magulang at biyenan ng aming kapanahunan, na huwag laging kakalungin ang sanggol upang huwag itong mawili (at di ka na, anya, makakatrabaho kung lagi mong hawak ito dahil ayaw pababa!), iba ang sinusunod na sistema ng mga bagong ina, na kinabibilangan ng aking anak.

Touch parenting
.  Iyan ang paliwanag niya.  Hangga't gusto ng sanggol na hawak siya, kalong siya, yakap siya, ganito ang dapat gawin ng isang ina.  Isipin na lamang daw na sa loob ng siyam na buwan ay nasa loob ng sinapupunan ng ina ang nasabing sanggol, matatantong secure na secure ito na bahagi siya ng kanyang nanay.  Kaya, kapag nasa labas na, dapat ay ipadama pa rin sa kanila ang seguridad na iyon.  Hanggang dumating ang panahong ang sanggol na ang magdidisisyong humiwalay, na kaya na niyang malayo, paminsan-minsan sa mga bisig ng kanyang ina.

Ang nangyari, sa loob ng humigit-kumulang na limang buwang paglalagi namin sa piling ng unang apong ito, lagi namin siyang hawak, kalong, yakap.  Kung hindi makatulog ay inaawitan.  Ng mga uyaying kinagisnan.  Meme na bunso, sa iyong duyan, babalik na 'gad ang iyong tatay...

Nang maisipan kong gumawa ng uyayi na personal para sa kanya lamang.  Nilapatan ko rin ito ng simpling himig at simpling lirika, na ang sinasambit lamang na paulit-ulit ay ang kanyang pangalan na sinusundan ng tunay kang mahal, mahal kang tunay.  Sampung taon na rin ang nakalilipas mula nang mangyari ito at nalimutan ko na hanggang, minsan, sa isang pag-uusap at kwentuhan sa skype, ay nabanggit ito at inawit ng aking apo.  Nakatutuwa rin.  Sayang lang at walang record ito na mailalagay ko sa aking blog, ngunit sa halip, ang ibabahagi ko na lamang ay isang uyaying Pilipino na inawit ng pangalawa kong apo.

Ikinagagalak kong ibigay at i-share ang uyayi ng aking pangalawang apong isinilang at lumaki sa abroad, ngunit marunong magbasa ng Tagalog, kahit paano'y nakakaintindi at nakapagsasalita nito kapag inaayudahan, at istudyante ng Paaralang Pinoy sa Springfield, VA na ang pinag-aaralan ay kultura, tradisyon, awit, sayaw, atbp ng Pilipinas, kung saan isa sa mga volunteer-teachers ang kanyang ina.

Tuesday, May 22, 2012

UYAYI


UYAYI

Ano ba ang uyayi?  Maaaring ang salita ay banyaga sa karaniwang tao na magsasabing malalim itong tagalog, ngunit sa katotohanan, hindi man natin talos na ganito ang tawag, halos lahat tayo ay pamilyar sa kung ano talaga ang uyayi.  Dahil ito ang kauna-unahang awit na narinig natin sa mga unang sandali ng ating buhay.  Ito ang himig na hinuhuni ng ating ina kapag kalong tayo at ipinaghehele.  Ito ang awit na unang natutuhan ng mga batang babaing nagbabahay-bahayan, yakap ang kanilang manika, ginagaya ang kanilang nanay sa pagpapatulog sa kanilang anak.  Meme na bunso, pipikit muna, ang iyong mata, meme na bunso ko...

Tuloy masasabi nating ang
uyayi at ang ina ay iisa.

Kaya ngayong buwan ng mga Nanay, narito ang isang artikulo tungkol sa uyayi buhat sa pagsasaliksik ng isang masipag na tagasubaybay ng blog na ito, si Rolly E.  Una na ang pasasalamat ko sa mga sharings at kontribusyon niya na nakatutulong sa mga istudyanteng bumabasa nito.


                    UYAYI

Kadalasa'y binabaybay din ang salitang ito na Oyayi.

Sa Ingles, ang Uyayi ay lullaby.  Walang salitang-ugat ang salitang uyayi.

Di ko rin alam ang origin.  Samantala, ang lullaby ay batay sa dalawang salitang Ingles: lull at bye. Ang lull ay “ang saglit na katahimikan bago muling lumakas ang isang daluyong o bagyo”, samantalang ang by ay batay
sa bye-bye na nangangahulugan naman  (bukod salitang-bata ng pamamaalam)  ng “paghiga o pagtulog.”

Ang  uyayi isang uri ng awit na kinakanta sa pagpapatulog ng isang bata habang ito ay nasa duyan o sa bisig ng nagpapatulog o kaya'y tinatapik-tapik sa pagkakahiga sa kama o banig.  Ang duyan ay maaring itinaling kumot o kaya'y gawa sa kawayan na inuugoy hanggang ang bata ay mahimbing.

Noong ating kapanahunan, karaniwan nang ang ina ang naghehele o nagpapatulog sa bata.  Sa totoo lang, hinahanap-hanap ng bata ang banayad na tinig ng ina, kasabay ng pagsuso sa dibdib nito. Isa itong tanawing naiguhit na ng mga pintor, naiukit na ng mga eskultor at naisamusika na ng mga kompositor.

Isa sa di-malilimutang awit ay ang “Meme Na Bunso”, isang lullaby-folksong na ang mga titik ay ganio:

        Meme na bunso, sa iyong duyan,
        Babalik na agad ang iyong tatay,
        May uwing kendi, at saka barong magaganda,
        Mayroon pang laruan.

        Ang nais ko'y 'wag mong kamtan,
        Hirap kong tiniis sa buhay,
        Pag lumaki na'y mag-aral
        Upang mapakinabangan.

Bahagi ng uyayi na ito ang pagpapahiwatig ng kahalagahan ng edukasyon na marahil ay nasa sub-conscious na ng bawa't bata kaya isa sa mga pangarap niya paglaki ay ang makapag-aral.

Nguni't may gaganda pa ba sa uyaying “Sa Ugoy ng Duyan”?  Ito ay komposisyon ng dalawang National Artists: ni Lucio San Pedro (musika) at Levi Celerio (titik.)   Ganito ang mga titik.  (Kantahin ninyo kung alam ninyo ang mga nota.   Madarama ninyo ang tamis, ang pait, ang pagmamahal, ang pangungulila.)

        Sana'y di-magmaliw ang dati kong araw
        Nang munti pang bata sa piling ni Nanay
        Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal
        Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan.

        Sa aking pagtulog na labis ang himbing
        Ang bantay ko'y tala, ang tanod ko'y bituin
        Sa piling ni Nanay, langit ang buhay
        Puso kong may dusa, sabik sa ugoy ng duyan.

        Nais kong matulog sa dating duyan ko, Inay . . .
        Oh, Inay . . .

Sa isang blog na nabasa ko tungkol sa awit na ito ay sinasabing:  “The lyrics are sweet and melancholy and they are from the position of an old man who looks back longingly on the memories of being held by his mother.  The pains of the adult world are so strong that this person wishes to be in his mother's arms again, listening to the song that she used to sing . . .”

Ayon sa iba pang blogs/websites, ang musika ay isinulat ni Lucio San Pedro noong 1943, sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (Ang akala ko ay nasulat ito noong mga dakong 60's or 70's.) Ang uyayi  ay inialay ng maestro sa kanyang ina na si Soledad Diestro na madalas niyang naririnig na humihimig noon habang nagpapatulog nga mga anak.  Isasali sana ni Mang Lucio sa isang kompetisyon ng mga awit nong panahon ng Hapon  nguni't wala siyang makita  na tagatitik (lirisista)  na magbibigay-buhay sa musika. Hanggang makatagpo niya si Levi Celerio noong 1948 sa isang barko na pauwi sa Pilipinas.  Naging inspirasyon kay Mang Levi ang paggalaw ng mga alon sa dagat na wari ba siyang iniuugoy.  Naisulat niya ang mga titik sa loob lamang ng labinlimang sandali na ang kabuuan ay siyang hinihingi ng musika.

Ilan sa mga mang-aawit na nag-record  ng “Ugoy ng Duyan” ay sina Lea Salonga, Regine Velasquez, Aiza Seguerra,Ogie Alcasid, Loboc Children's Choir at Irma Potenciano.  Kasama ng huli (na-i-record noong 1979) ang London Philharmonic Orchestra sa pagkumpas ni Redentor Romero. Ang musika ay siya ring tema ng pelikulang Sakada ni Behn Cervantes.


Isa rin sa pinakamagagandang uyayi na natuklasan namin ay English – ang Summertime, musika ni George Gershwin at titik naman nina Ira Gershwin at DuBose Hayward.   Ang awit na ito ay hango – at pinakapopular na bilang – sa Porgy and Bess, isang opera na ang mga gumanap ay mga aktor na African- American.

Unang itinanghal ang Porgy and Bess sa New York noong 1935, at hindi ito kinilalang legitimong opera kundi noon lamang 1976 nang ipalabas sa Houston Grand Opera, kung saan kinilala itong isang ganap na tagumpay.

Ang bersyon sa pelikula ay itinanghal ng Columbia Pictures noong 1959 nq tinampukan nina Sidney Poitier, Dorothy Dandridge at Sammy Davis, Jr.

Kabilang naman sa nagsa-plaka nito ay sina Ella Fitzgerald at Louis Armstrong.

                   Summertime

            Summertime, and the livin' is easy
            Fish are jumpin' and the cotton is high.
            Your daddy's rich and your ma's good lookin'
            So hush, little baby, don't you cry.
            One of these mornings
            You're going to rise up singing
            Then you'll spread your wings
            And you'll take to the sky.
            But till that morning
            There ain't nothing can harm you,
            With daddy and mammy standing by.


         
Uyayi.  Ang kwento para sa buwang ito ay tungkol sa isang babaing nais maging ina.  Isang babaing nais magkalong ng isang sanggol na ipaghehele, aawitan ng isang uyayi.  Ngunit may balakid ang mithi ng kanyang puso.  Bakit kaya?

ABANGAN!!!      May Rogel?  Walang Bebet!

     

Sunday, May 13, 2012

ANG PAMANA


Ngayong Araw ng mga Ina, narito ang isang tula na marahil, noong nag-aaral pa tayo ay ipinakabisa ng ating guro.  Maraming istudyante ang nanalo sa mga declamation contests na ito ang kanilang ginamit na tula. Ngunit ang tanong ay ganito:  Sino sa atin ang nakatatanda pa ng tulang ito, mula sa una hanggang sa huling taludtod?  Ngayon!

Kamakailan, dumalo kami sa isang pagdiriwang ng kaarawan ng isang kapit-bahay.  Kagagaling lamang niya sa isang malubhang pagkakasakit, na tunay na ikinabingit ng kanyang buhay, kaya pagsapit ng kanyang kaarawan, ay inimbita ang mga kamag-anak na nagmula pa sa probinsiya, pati mga kaibigan at kapit-bahay bilang pasalamat sa kanyang paggaling.  Anupa't malaki itong pagdiriwang.

Sa pagkakataong ito, ang butihing asawa ng may kaarawan ay tumula.  Isang tula na parangal sa kanya, hindi bilang asawa, kundi bilang INA ng kanilang mga anak.  At ang septuagenarian na ito, na machong-macho kapag jogging at marathon ang pinag-uusapan ay buong damdaming binigkas ang ANG PAMANA ni Jose Corazon De Jesus.  Na kung noong high school niya kinabisa, ibig sabihin ay tanda pa niya sa kabila ng higit pa sa limampung taon.

ANG PAMANA

Minsan ang ina ko’y nakita kong namamanglaw,
naglilinis ng marumi’t mga lumang kasangkapan.
Sa pilak ng kanyang buhok na hibla ng katandaan,
Nakita ko ang maraming taon noong kahirapan
Sa guhit ng kanyang pisnging lumalalim araw-araw,
Nakita kong ang ina kong tila mandin namamanglaw
At ang sabi itong piyano’y sa'yo ko ibibigay
Ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan
Mga silya’t aparador sa kay Tikong ibibigay
Sa ganyan ko hinahati itong ating munting yaman.

Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng aking mukha.
Tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa
Subalit sa 'king mga mata’y may namuong mga luha
Ni hindi ko mapigilan at hindi ko masansala
Naisip ko ang ina ko, ang ina kong kaawa-awa
Tila kami ay iiwan na’t may yari ng huling nasa.
Na sa halip na magalak sa pamanang mapapala
Sa puso ko ay dumalaw ang malungkot na gunita
Napaiyak akong tila isang kawawang bata’t
Niyakap ko ang ina ko at sa kanya ay winika.

Ang ibig ko sana Nanay, ika'y aking makapiling at
Huwag ko nang makitang ika’y nalulungkot mandin
Oh ina ko, ano ba at naisipang paghatiin 
ang mga kayamanang maiiwan mo sa amin?
Wala naman, yaong sagot, baka ako ay tawagin,
ni Bathala nang mabuti malaman mo ang habilin
itong piyano, mga silya at salamin,
pamana ko na sa inyo, mga bunsong ginigiliw.

Ngunit Inang ang sagot ko, ang lahat ng kayamanan
at kasangkapan ay hindi ko kailangan.
Aaanhin ko ang piyano kapag ika’y namatay
ni hindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay.
Ang ibig ko’y ikaw, inang at mabuhay ka na lamang
ililimos ko sa iba ang lahat ng ating yaman,
ni hindi ka maaaring pantayan ng daigdigan,
ng lahat ng ginto rito,
pagkat ikaw o ina ko, ika’y wala pang kapantay.