Wednesday, October 26, 2011

Gustong Mag-alaga ng Tigre


GUSTONG MAG-ALAGA NG TIGRE


Kung ang hinahanap mo'y isang dalagang habang tinitigan ay lalong gumaganda, nariyan si Marcia. Kung iisa-isahin mong titigan ang bawat parte ng kanyang sandaan at sampung libra na limang talampakan at apat na daling kabuuan, ay wala ka namang mapupunang katangiang higit sa karaniwan. Iyon ang nakapagtataka kay Marcia.

“Ilang taon ka na ba, Marcia?” ang tanong ko.

Ikinumpas ni Marcia ang kanyang kamay na wari bang may binubulas na kulisap. “Ang dalaga'y hindi tinatanong kung ano ang edad, Kuya.”

“Tumatanda ka nang dalaga. Marcia,” ang ulos ko.

Napabalikwas si Marcia. Isang tinging matalim at astang nagpatingkad sa tigas ng guhit ng mga panga at walang kasali-salitang nilayasan ako.

At ang mga tingin ng mga singkit na matang iyon at asta ng prominenteng pangang iyon ang hindi nagustuhan ng mga naging kasintahan ni Marcia. Mga kilos na palaban. Hindi mahapayang gatang. Ikaw, e. Kung ano ka, e. ganoon ang mga pahiwatig.

Ngunit si Marcia nga ay lalong gumaganda habang tinitigan. Marami ang nahahalina at ito'y di nawawalan ng talisuyo. Ang totoo'y may kasiya-siyang disposisyon naman si Marcia. Magandang ngingiti. Nakakikiliting tumawa. Nakaiigayang tingnan kung lumakad, kumilos, maupo, kumumpas. Buhay ang tinig kung mangusap. At alam ang sinasabi. Hindi bolera. Talagang palabasa at malawak ang kaalaman sa mga bagay-bagay.

Ito si Marcia habang hindi naiinis at walang ikinagagalit. O wala pa kayong pinagtatalunan. Pero, kuwidaw, oras na nagtsoke na kayo, lalabas na ang natural. Hindi mo matatalo, lalo na't alam niyang siya ang tama. Hindi mo rin mauuto. Paniningkitan ka ng mga mata niya. At siyempre, ikaw na lalaki ka, hindi mo matatanggap na talo ka na sa diskusyon ay titingnan ka pa na parang wala kang silbi.
Kaya laging naghihiwalay si Marcia at kung sinuman ang kasintahan nito. At ito ang aking malaking problema. Gusto ko nang mag-asawa ngunit naipangako ko sa sariling hindi ako lalarga hangga't hindi pa nakatatagpo ng makakaisang-palad si Marcia. Dadalawa kaming magkapatid, ulila nang lubos, ang kapisan lamang ay isang maykaya, pero tumatanda na ring ale.

Isang gabi ay nilapitan ako ni Marcia. “Talaga bang disidido ka nang mag-asawa. Kuya?”

Kumibit ang balikat ko. “Medyo naiinip na si Chato.”

Nakapangalumbabang tiningnan ako ni Marcia. “Hindi naman kita pinipigil. Narito naman ang tiya.”

“Tulad nang nasabi ko, labas dito ang tiya. Tayo ang magkausap. At ikaw muna, bago ako.”

Kaylalim ng buntung-hininga ni Marcia. “Hindi yata ako makatagpo ng talagang gusto ako.”

Si Romy ang unang kasintahan ni Marcia. Kung talagang gusto siya ni Romy at kung talagang gusto niya si Romy ay isang bagay na hindi tiyak. Ngunit sila ay naging magkasintahan. May mutuwal na atraksiyon, kung ganoon.

Ngunit hindi ko masyadong kursunada si Romy. Dahil mukha itong pikon. Parang walang pasensiya. Hindi ito magtatagal at mag-aaway, naisip ko noon. Di nga't kaagad nangyari. Sa walang kakwenta-kuwentang bagay.

“Gusto yata akong ikulong. Ayaw raw niya ng babaing layas nang layas. Para sa mga amiga ko lamang ako nagpupunta.”

“Kung mahal mo siya, siguro naman ay maluwag sa loob na susundin mo ang kanyang gusto,” ang aking wika.

“At kung mahal naman niya ako, mauunawaan niyang gusto ko ring nakakasalamuha ang iba ko pang kaibigan,” ang sagot.

At minsan pa.

“Huwag daw akong dumalo sa party nina Zeny.”

“Ano ang reklamo?” ang tanong ko.

Dumabog si Marcia. “Naroon daw ang kapatid ni Zeny. Si Edgar.”

“Seloso,” ang puna ko.

Umiling si Marcia. “Hindi. Talaga lamang na ganoon si Romy. Lagi akong tinetesting kung ako raw ay mapasusunod niya. Sapagkat ganoon daw ang gusto niya sa babae. Masunurin.”

At natural na hindi sumunod si Marcia. Ang ginawa pa ay kung alin ang ayaw. Dumalo sa parti nina Zeny at hindi nagtagal, pumapanhik na ng ligaw sa amin si Edgar.

Mukhang responsible si Edgar. Siya ang tipong maaari kong pag-iwanan ng isang kapatid. Tapos ito ng karera at may matatag nang hanapbuhay. Ang totoo'y gusto nang mag-asawa ni Edgar. Ngunit ayaw pa ni Marcia.

“Gusto ko munang makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho,” ang katuwiran.

“Ano ang kanyang sabi?” tanong ko.

“Handang-handa na raw siya at gusto na niya at kung di raw ako magbabago ng loob ay....”

Nasa huling taon na nang pag-aaral sa kolehiyo si Marcia at kung gusto pa niyang magtrabaho pagkatapos at ayaw pa niyang mag-asawa ay hindi ko naman pipilitin. Sa kabilang dako'y hindi ko rin naman masisisi si Edgar kung gusto na nitong mag-asawa.

Sa ikalawang pagkakaaon, nawalan na naman ng kasintahan si Marcia. At dito na ako pumasok.

“Sa loob ng nakaraang panahon, marahil naman ay hindi mo ako mapipintasan Marcia,” ang sabi ko.

“You're da bes,” ang bira at naisaloob ko, kung ito nga'y nobya ko, malamang na hindi ko patuluyan. Kung sumagot, hindi kanais-nais.

“Ang ibig kong sabihin, siguro naman ay matatawag na akong maunawaing kapatid. Kahit na bata ka pa'y hinayaan na kitang mag-boyfriend, basta ilalagay nga lamang sa lugar ang lahat,” ang patuloy ko.

“Go straight to the point, Kuya,” ang sabi at naisip kong talaga ngang iiwan si Marcia ng kasintahan nito. Walang pasensiya. Hindi marunong maghintay sa mga boladas ng kausap. Hindi maalam magbigay ng kunsuwelo.

“Okey,” ang pormal kong wika. “Nakadalawa ka na at di mo nakasundo. Gusto ko naman sana na bago ka pumili ng ikatlo ay pakaisipin mo munang mabuti. Kahit na sa panahong ito ay di lubhang napipintasan ang babaing nagbibilang ng nobya, kahit paano ay mainam na rin ang malinis ang reputasyon.”

Nakinig naman si Marcia. Tapos na ito sa kolehiyo at nag-oopisina na nang muling pumili ng magiging nobyo. Si Vic. At boto na ako kay Vic. Nang muling mangyari ang dating mga pangyayari.

“Hihinto raw ako sa pag-oopisina pag mag-asawa na kami.”

“Kaya niya marahil ang magpamilya,” ang paliwanag ko.

“That is beside the point,” matabang na sagot ni Marcia. “Ipinaliwanag ko sa kanyang sayang naman ang aking pinag-aralan. At kahit paano ay makatutulong din ang aking suweldo. Saka higit sa lahat...” napatigil si Marcia.

“Ayaw mong tumigil sa bahay,” ang salo ko.

Tumango si Marcia. “Iyon ang pinaghiwalayan namin.”

Beinte tres lamang si Marcia nang magkalas sila ni Vic. At ngayon ay beinte sais na ito. Ako naman ay treinta'y dos at naiinip nang talaga ang aking kasintahan. Ngunit waring nadala na si Marcia. Parang tinabangan na sa aking pakiwari

“Sa mga nagkakamali sa iyo ngayon, wala ka ba namang nakukursunadahan,” pabiro ang pasok ko sa suliraning kaharap naming magkapatid.

May nagdaang kislap sa mga mata ni Marcia. “Sino?” tanong kong nabuhayan ng loob.

Muling nalambungan ng lungkot ang mukha ni Marcia. “Ayoko nang mabigong muli.”

“Pero kung talagang mahal mo siya.”

“Mahal,” maigsing sagot ni Marcia.

“Puwes, huwag mong sikilin,” ang payo ko. “Ang tandaan mo'y ang mga leksiyon ng nakaraan. Ang totoo'y masyado kang matalim, Marcia.”

“Matalim,” medyo naningkit ang mga mata ni Marcia.

“Ang kutsilyo lamang ang dapat na matalim. Ang babae, kapag nagsalita ay hindi dapat na iiwa. At hindi kontrabida. Dapat ay pasensiyosa. At masunurin.”

Matagal na nagmuni-muni si Marcia. Kapagkuwa'y tumangu-tango. “Marahil nga'y may katwiran ka.”

Nakatutuwang ang napili ni Marcia ay kursunada rin naming lahat sa bahay. Lalo na ang aking tiya na matagal nang nag-aalala sa buhay at pag-ibig ni Marcia.

Si Ramon. Na kay Ramon ang lahat ng katangiang mainam sa nakaraang mga kasintahan ni Marcia. At wari namang tinotoong iwaksi ni Marcia ang mga kapintasang pinagkagalitan nila ng mga dating kasintahan noon.

Ang mga kuwento niya.

“Kung sabihin daw ba niyang huminto ako sa pag-oopisina, papayag ako. Ang sagot ko'y kung iyon ang gusto niya, hihinto ako.”

“Anong sabi?” nasasabik kong tanong.

Kumunot ang noo ni Marcia. “Hindi umimik. Saka noong minsan, sinabi sa aking huwag ko nang isusuot iyong isa kong mini. Natural, hindi ko na nga isinuot.”

“At hindi rin umimik pagkatapos,” ang hula ko.

Lumalim ang kunot ng noo ni Marcia. “Totoo iyon. At ang nakapagtataka, nang sabihin niyang ipipisan niya ako sa kanyang pamilya matapos kaming ikasal at pumayag ako, para ba siyang nainis.”

Ang kutob ng loob ko'y hindi nagkabisala. Isang hapon ay dinatnan ko sa bahay sina Marcia at Ramon sa isang situwasyong ang nakakawangis ay bulkang nagmumunti-muntikanang pumutok. Nakakahiya mang aminin ay naupo ako sa patyo sa karatig ng sala at nakinig sa kanilang usapan.

Si Marcia, sa malumanay na tinig, “Sabihin mo nang ayaw mo na sa akin at di kita pipigilin. Nang magdahilan kang masakit ang ulo mo'y nakita kitang kasama mo si Susan.”

“Bakit di mo ako sinita?” tinig ni Ramon.

Sinita. Ang sabi ko kay Marcia noon, ayaw ng lalaki nang sinisita. Kung magkukuwento ang lalaki, magkukuwento ito kahit hindi mo usisain, paliwanag ko pa.

Muli, si Ramon. “Akala ko noon, nakita ko na sa iyo ang mga katangiang hinahanap ko sa isang mapapangasawa.”

Si Marcia, sa pigil na tinig. Ngunit sa himig na kilalang-kilala ko na. “Aber, anong mga katangiang iyon? Maganda? Mabait? Masunurin? Ganoon ba? Nakalimutan mo na ba na noong pigilin mo akong magsuot ng mini ay sumunod ako. Hindi ko isinuot kahit na gustug-gusto ko. Sinabi mong ipipisan mo kamo ako sa mga magulang mo. Tumutol ba ako? Hindi. Dahil gusto mo. Kahit na mas gusto kng nagsasarili tayo. Hindi ako kumibo.”

Sa nababasag na tinig ni Marcia ay nakisabay ang mariing tinig ni Ramon. “Bakit ka napapigil? Bakit ka hindi tumutol? Bakit ka hindi kumibo?”

“Ano'ng ibig mong sabihin?” may nanulay na magkahalong inis at ngitngit sa tinig ni Marcia.

Si Ramon. “Kung kailangan ko ng pamunasan ng paa... if I need a doormat... ay pupunta ako at doon hahanap sa supermarket, Marcia. Naiintindihan mo ba?”

“Aaa....” tinig ni Marcia. Ngunit wala namang kasunod. Ang narinig ko”y ang lagapak ng tsinelas nito sa mga baitang papanhik sa itaas sa kanyang silid. At ilang saglit pa'y kaharap ko na si Ramon. At di ko alam ang sasabihin.

Hindi ko inaasahan ang kanya namang sinabi. “Kailan ba kami pwedeng pakasal?”

Ang pagkalito ay nalarawan marahil sa aking mukha. At si Ramon ay nagpaliwanag. “Mahal ko si Marcia. At kasama kong minahal ang ugaling yaon na siyang kabuuan ng kanyang likas na panghalina. Kung bakit siya nais supilin ng mga nauna niyang kasintahan ay siyang hindi ko matanto. Matagal ko na siyang kakilala. At nagtataka nga ako at parang naiba siya. Nagbago.”

“Kagagawan ko,” napapahiyang sagot ko. “Akala ko, ang lahat ng lalaki ay pareho ko. Gusto ko ng masunurin,” ang dagdag ko pa.

Ngumiti si “Ramon. “Sinunod ka ni Marcia dahil gusto rin niya ang kanyang ginagawa. Mahal ako ni Marcia, ito'y nadama kong totoo. Kaya ninais kong mapalabas ang kanyang natural. Ninais kong mawala sa kanya ang pretensiyon. Pinagalit ko siya. At nakita mo sana. Walang sinabi, pero ang mga mata. At ang asta. Parang tigre!”

“At gusto mong mag-alaga ng tigre!” napapangiti kong tanong.

“Kulang lamang siya sa palo,” pabiro, kasabay ang tawang wika ni Ramon.

At buong kasiyahang nausal ko sa sarili. Okey ka, bayaw...


LIWAYWAY, Marso 25, 1974







Monday, October 24, 2011

Man's Best Friend

Si Nancy, ang aso ng aking kamusmusan... matalino at matapang, ngunit may katutubong kabaitan... kasama sa larawan ang kanyang amo, ang aking Amang.


Si Odie, mistisong Spitz at kung anu-ano pa, nakikipagkwentuhan kay Mai-Mai, ang aming mynah.



Masasayang araw nang pakikipaglaro kay Tanya...



Si Tanya, isang biktima ni Ondoy, sa mga huling araw niya...



Si Buffy, nang siya ay isa pang baby, antukin, ngunit malambing...



Si Bossing, Bulakenyo, halaman ko ang paborito, walang pakialam sa mundo, galit sa magdia-diyaryo...



Si Gaia, aka Ligaya, tahimik, malalim, ngunit sa ilang oras ng aming pag-alis ng bahay, parang piyesta sa pagsalubong kapag kami'y nakita...

Nakakuha ako ng lumang larawan nina Gasti at Peewee, ngunit malabo, kaya hindi ko na lamang inilagay. Iba-ibang aso, iba-ibang katangian, ngunit para sa amin, dala nila ay aliw at kaligayahan.

Friday, October 21, 2011

KAYO BA AY MAY ALAGA SA BAHAY?


KAYO BA AY MAY ALAGA SA BAHAY?

Aso... pusa... bibe... unggoy... pagong... ahas... tigre?
Napatunayan na sa isang pag-aaral na ang pag-aalaga ng hayop, lalo na ng aso o pusa ay nakatutulong sa kalusugan ng isang tao. Nakakababa raw ng presyon ng dugo dahil nakaka-relaks silang kasama (huwag lamang pasaway dahil baka high blood lalo ang abutin). Ngunit totoong ginagamit na ang mga aso sa pagdalaw sa mga ospital at pagdalaw sa mga bata at matatandang maysakit.

Lumaki ako sa isang kabahayan na may mga alagang aso at pusa. Bukod sa kalapati, manok, baboy, gansa at bibe. Noon, ang mga bahay sa probinsiya ay hindi pa ang kalaunan ay nausong bungalow. Karaniwan nang bahay ay ang mga may silong na kung minsan ay nababakuran dahil nagsisilbing taguan o imbakan ng palay o talaksan ng kahoy na panggatong. Dili kaya ay hilera nang nakasabit na pugad ng manok na pinangingitlugan o pinaghahalimhiman ng sisiw. Ito ang mga nakikita sa mga kanayunan o baryo. Sa poblacion o kabayanan, ang mga bahay ay karaniwan namang dalawang grado na ang silong o ibaba ay mga establisimento tulad nang tindahan o kalakalan. Nabanggit ko ito dahil noon, ang aming alagang aso ay nasa itaas ng aming bahay at hindi nakakawala sa bakuran.

Ang unang aso sa aming bahay ay isang asong lokal o katutubong Pinoy. Hindi siya kalakihan, balingkinitan kumbaga ang pangangatawan. Dalawa ang kulay ng kanyang balahibo, kabuuang puti at tila mapang nakabalatay sa katawan at bahagi ng mukha na itim na itim. Ang maganda sa kanya ay ang kanyang malago, mahaba ang balahibong buntot na puting-puti naman.

Isang anekdota ng asong ito, na ulit-ulit na naisasalaysay sa pagdaraan ng mga taon, ay ang pagkakataong nagtungo sa bahay namin ang bantog na aktor na si Rogelio dela Rosa, ninong sa binyag ng aking pinsan. Nagbabakasyon noon ang aktor sa bahay ng aking pinsan. Nakita ni Rogelio si Darling. Ito ang pangalan ng aming aso. Nagustuhan niya ito at inalok kami na bibilhin niya, kung payag kami. Na magalang namang tinanggihan ng panganay kong kapatid na siyang kausap niya. Kung bakit napunta si Roger sa aming bahay noon ay “another story”, 'ekanga nga ng mga taga-Malolos.


Ang sumunod naming aso ay si Terry, isang mistisong terrier, kung anong klase, hindi namin alam. Hindi ko na matandaan ang hitsura niya, ang alam ko lang ay napakatapang niya at kung ilan na ang mga nakagat. Nakatali siya sa may kusina ng matanda naming bahay, sa tabi ng hagdanan, tabi ng banggerang sabitan ng mga nahugasang pinggan at baso, at sa tabi ng yerong lababo na may inuminang banga na may gripo.

Kilala si Terry sa aming neighborhood. Kapag nakawala ito at nakapanaog ng hagdan, hahabulin na niya ang mga manok na gumagala sa paligid. Sa kabi-kabila ay maririnig na ang sigawan na “nakawala si Terry... nakawala si Terry!”


Ngunit si Nancy, isang purebred German Shepperd ang aso ng aking kabataan. Anak raw ito ng isang intelligence dog, ayon sa aking Amang na siyang nag-uwi nito mula sa kinadestinuhan sa Baguio City. Mayabang ako noon. Kami lamang yata ang may asong tulad ni Nancy sa aming lugar, at kahit na sa karatig. Kaya ko ito alam ay sa dahilang nang mahusto sa gulang si Nancy, inihanap ito ng makaka-mate para magkaroon kami ng tuta, ngunit walang may ganoong aso sa aming lugar.

Matalino si Nancy, alam niya ang hierarchy ng pamilya. Kapag naroon ang aking Amang, siya ang amo ni Nancy. Kapag umalis na siya upang magtungo sa destino, ang aking Inang ang amo ni Nancy. Sa aming magkakapatid, alam din niya kung sino ang susundin. At marunong na siya ng sit, lie down, don't eat, shake hands. Up, down.

Itim ang kanyang kulay at brown sa dakong dibdib at paa. Tayo ang kanyang mga tainga at mahaba ang kanyang buntot. Sa ilalim ng katre ng aking Inang siya natutulog ngunit paggising niya, agad nang kasunod na lalabas si Nancy.

Ang nakatutuwa kay Nancy, kapag kauuwian mula sa destino ng aking Amang, wari ay nalalaman niya ito. Sa araw at oras ng kanyang pagdating, alisaga na si Nancy, balik-balik na sa paglalakad sa kabahayan, dudungaw sa may bintana at waring alam niyang malapit na ang kanyang hinihintay. Di nga kalaunan, humihinto na ang kinasasakyan ng aking Amang at hindi na magkamayaw sa pagsalubong, hindi lamang kami, kundi pati si Nancy.


Hindi nakapagtataka na nang magkaroon ako ng sariling pamamahay, ang una kong naisipan ay ang mag-alaga ng aso, (bukod sa pusa, itik, lovebirds, goldfish, pagong). Isang tuta na maputing krema ang balahibo ang una naming aso na pinangalanan ng aking mga anak ng Casper. Sa kasamaang-palad, sabi nga ay being true to its name, agad pumanaw si Casper at naging multo na nga. Sabi tuloy ng kanilang Papa, ang susunod na aso ay siya ang magpapangalan.


Gasti ang ipinangalan ng aking asawa sa ikalawa naming aso, nanggaling sa binaligtad na salitang “Tigas”, para raw mahaba ang buhay. Na totoo rin naman. Malinis na “light brown” ang balahibo ni Gasti na lumaking mabait sa amin, at kahit na sa iba pang hayop naming alaga, ngunit matapang sa mga taong lumalapit sa aming gate. Galit siya sa mga kartero at magdia-diaryo. At sa magnanakaw.

Minsan, may nagnakaw ng bisikleta sa aming kapit-bahay sa aming likuran na sa aming bakuran dumaan. Walang tantan na pagtahol ang ginawa ni Gasti at walang tigil na pagtakbo, paikot-ikot sa aming bakuran, na ikinagising namin at hindi na ikinatulog hanggang kinaumagahan. Noong umaga ko natuklasan na may saksak ng icepick sa dakong balikat ito na buti na lamang at hindi niya ikinamatay.

Tulad ni Nancy sa aking Inang noon, si Gasti ay laging nakasunod sa akin, nakabantay kung ako ay nagbubungkal o nagtatanim sa munti kong hardin. At ang hindi ko malilimutan sa kanya ay ang mga pagkakataong wari ay giliw na giliw siya sa akin at ako ay kanyang kinakagat sa aking bisig. Iyong maliit na kagat na halos magkadaiti ang ibaba at itaas na mga ngipin, ngunit hindi naman itinutuloy, kaya hindi man nagmamarka sa aking balat, hindi ako nasasaktan. Tulad sa isang kaibigan, hinding-hindi ko malilimutan ang aso naming ito.


Kasabay na aso ni Gasti ay sina Ali at Marble. Ali dahil panahon na ni Muhammad Ali noon at si Marble, na magandang aso, kulot ang mahabang balahibo, dahil kakulay ng paborito naming ice cream. Kapag nag-away ang dalawang ito, si Gasti ang kanilang pinag-aawayan, talagang hindi namin maawat, kailangang bombahin pa ng tubig.

Marami pang sumunod kay Gasti tulad ni Datung (Datung dahil ibig sabihin raw nito ay kuwalta), na halos kamukha niya ang kulay ngunit higit na maliit ang pangangatawan, kaya di kataka-takang napakataas nitong lumundag. Laking takot ko nang bumuwelo pa ito minsan at nilundag ang bakod sa aming likod-bahay at lumipat sa aming kapit-bahay kung saan may alagang sasabunging tandang. Pati ako ay napaigpaw ng bakod para lamang mahuli si Datung.

Si Chris na kasunod ni Datung ay regalo ng aking mga anak sa akin isang Pasko, kaya Chris ang kanyang pangalan. Kasunod ni Chris ay si Aliw na binili ko sa bangketa sa Escolta. Napakalaking aso nito, parang bariles ang katawan. Kakulay at halos kamukha siya ni Gasti.

Pangarap ko na noon pa ang magkaroon ng asong puting-puti ang kulay ng balahibo at kalaunan, natupad rin ito. Binigyan ako ng isang kaibigan ng tutang Japanese Spitz. A, si Peewee, ang pangalang ibinigay ko rito, ay nakuha ko nang isang buwan pa lamang kaya gumigising pa ako ng madaling-araw upang painumin ito ng gatas. Mayroon akong munting bote at munting tsupon at powdered milk na ang brand ay tulad sa ibinigay ko sa aking anak noon. Nagtiyaga ako sa pag-aaruga rito. Kasama namin siya sa aming kuwarto at nang lumaki at nakakalundag, natutulog siya sa dakong paanan ko. Alam ko ring paminsan-minsan, unti-unting itinutulak ng aking katabi si Peewee upang bumaba ng kama. Na kapag nababa nga, ay bumabalik namang muli.

Ganoon ang aming buhay ni Peewee, na hanggang sa pag-uwi sa probinsiya ay isinasama ko, na miss na miss ko nang ako'y nagbakasyon sa aking kapatid sa Virginia, na isinama ng loob ng aking mga anak na una ko pa raw kinukumusta kapag ako'y tumatawag sa telepono... hanggang dumating ang aming paghihiwalay habang siya ay nasa pangangalaga ng aming beterinaryo. Ayoko nang pagbalikan ang dahilan ng kanyang maagang pagpanaw. Ngunit ang aking panangis ay narinig hanggang sa aming mga kapit-bahay. Ewan, nakatatawa siguro sa iba, ngunit, kahit sa aking pag-iisa, o kahit sa paglalakad, sa mga araw na sumunod sa pagkawala ni Peewee, maalaala ko lamang ito ay tutulo na ang aking luha.


Noon ako inuwian ng aking anak ng isang tuta. Bucktooth siya. Medyo maliit na tayo ang mga tainga. Makalawang na puti o krema ang balahibo, na madalang pa noon. Payat at kumpara kay Peewee, masasabing pangit si Odie, ang ipinangalan naman dito, galing sa asong kasama ni Garfield.

Naibsan ang aking pangungulila kay Peewee dahil may asikasuhin na naman ako. Isang asong lumaking malagung-malago ang balahibo, lalo ang dakong paikot ng leeg na animo “mane” ng isang leon. Hindi siya kalakihan, ngunit proporsiyunal ang kanyang katawan at matikas ang kanyang tindig. Sa madaling-sabi, naging guapito rin si Odie nang magbinata. At naging palikero pa!

Kaiba sa mga naging aso namin (maliban kay Gasti), very close sa akin si Odie. Hindi man siya nakakasampa sa aming katre, sa may pinto naman ng aming kuwarto siya humihiga sa gabi, kaya paggising namin sa umaga, siya ang bubungad sa amin pagbukas ng aming pinto. Paborito kong marinig ang ungol niya kapag gusto niyang lumabas ng bahay para may gawin. Haharap siya sa pintuan at uungol na parang nagsasalita.


Isang pangyayari ang namagitan sa pag-asawahang may-ari ng ina ni Peewee na nagbunsod sa paghihiwalay ng mga ito. Ang ina ni Peewee ay ibinigay sa akin at may isang panahon na pito ang asong Japanese Spitz na alaga namin. Na ang tatay ay si Odie.

Nang mawala silang lahat, nagkaroon ako ng isang uri ng asong pinangarap ko rin. Dachshund. Ibinigay ito ng isang kabarkada sa kolehiyo na ang pangalan ay Antonio, kaya ang tuta ay pinangalanan ko ng Tanya, dahil isa itong babae. Brown ang kulay ni Tanya, mahaba ang laylay na tainga, makintab ang nakadapa at hapit sa katawan na balahibo. Isang asong malambing at napakabait na pumapayag yakapin, bali-baligtarin, himasin. Nakasabay ni Tanya kalaunan si Buffy, isang asong taga-Calamba, inuwi ng aking partner galing sa isang kasama sa trabaho.

Hindi naglaon ay nadagdag din si Bantay.
A. maganda ang istorya ni Bantay. Umuulan noon, masungit ang panahon. Sabi ng aking anak, “Mama, may tutang naliligaw, nasa tapat ng ating bahay.”

Agad naman akong lumabas ng kalsada at nakita ko ang may kalakihan na ring tuta, ngunit di pa matatawag na ganap na aso, na ang kulay ay dirty white na may batik na bilog-bilog na grey. Para bang pekeng dalmatian.

“Ay, kawawa,” sabi ko.

“Kunin natin,” sabi ng anak ko.

“May nagmamay-ari diyan, nakalabas lamang ng gate,” sabi ko naman.

“Nauulanan,” katwiran ng anak ko.


Ayaw kong masabing kinuha ko ang tuta, pero dahil nauulanan at naaawa kami, binuksan ko ang aming gate. Dyaran! Pumasok ang tuta sa loob ng aming bakuran. Takbo agad ito sa may patio at sumuot sa ilalim ng isang mesa. Agad naming isinara ang gate at nagtimpla ako ng gatas ebaporada, ibinigay sa gilid ng sinuutan ng tuta. Unti-unti lumabas ito at ininom ang gatas. Tinuyo ko ang basa niyang balahibo at hinimas-himas.

Sa simula, ito ay mailap, ngunit kalaunan, naging maamo na. Malimit ko siyang kalungin at ito ay wari niyang natandaan. May panahong malaki na siyang aso, mabigat at di ko na kayang buhatin, ngunit nais pa rin niyang kumalong o kumandong sa akin. Siya ay tunay na naging bantay ng aming tahanan. Pero, sa unang linggo ng kanyang pagdating, nilibot ng aming kasambahay ang mga kalye sa paligid at ipinagtanong ang may-ari sa kanya, ngunit wari, siya ay talagang para sa amin.


Sina Tanya, Buffy at Bantay ay biktima ni Ondoy. Kasama namin silang nabaha. Kung kami sa pamilya ay umalis ng bahay nang umabot na sa dining table ang lalim ng baha, at umakyat ng aming bubungan, tumawid ng isa pang bubungan ng katabing kapit-bahay upang makarating sa ikatlong bahay na may ikalawang palapag, isa sa aking anak ang nagpaiwan upang mabantayan ang tatlong aso. Sama-sama silang nasa ibabaw ng mesa habang hinihintay ang paghupa ng baha. Hindi naglaon, isa-isang dinapuan ng sakit ang tatlong aso, halos sunud-sunod na pumanaw. Hinding-hindi namin sila malilimutan.

Sanay kaming may kasamang aso. Sa isang pag-uwi sa Bulacan at pagdalo sa miting ng mga kaklase sa high school, bumalik kami sa Marikina na dala na si Bossing. Isang aso who lives up to his name na bossy. Para siyang pusa na lalapitan ka kung gusto niya at di ka papansinin kung wala siya sa mood. Iba siyang tumingin. Iba ang kanyang mga mata, parang wolf. Naka-slant. Siya ang aso namin ngayon.

At saka si Ligaya. Si Ligaya ay isang hiwaga. Ang talaga niyang pangalan ay Gaia, na earth goddess daw. Ngunit mas gusto kong tawagin siyang Ligaya. Ang kanyang angking kabaitan ay may hatid na ligaya sa aming pamilya.

Galing si Ligaya sa isang rescue and rehabilitation center. May misgivings ako nang iuwi siya ng aking anak dahil malaki na siya, baka may bad habits na, baka mangagat. Ngunit kahanga-hanga siya. Siya lamang ang asong hindi nagkalat sa loob ng bahay. Siya ay turuang lumabas upang gawin ang dapat gawin. Madali siyang nadisiplinahan ng aking anak. O dati na siyang disiplinado. Tunay siyang well-behaved. Hindi siya lumalakad nang nauuna sa aking anak, nauupo kapag inutusang maupo, madaling sawayin.

Sa amin, siya ay naging palaisipan. Saan kaya galing si Ligaya? Parang sanay siya sa isang tahimik na pamamahay. Mga matanda ba ang dati niyang kasama? Lagi siyang nakaupo o nakahiga sa kung saan naroroon ang aking anak o kung wala ito, ay sa isa sa amin. Parang ayaw niya nang maingay, naghahanap ng mapupuntahan kapag malakas ang tugtog o palabas sa telebisyon. Tinatahulan niya ang nagsisigawang mga bata sa kalye sa tapat ng aming bahay. Ang dati bang nagmamay-ari sa kanya ay galit sa magugulong bata? At takot siya sa malakas na buhos ng ulan. Karaniwan na sa mga aso ang takot sa kulog, ngunit si Ligaya ay waring balisa kapag umuulan.

Biktima rin ba siya ni Ondoy? Nawala siya o nakawala nang nananalasa si Ondoy at baha sa buong paligid?
Minsan, hindi ko mapigilan, tinatanong ko siya, sino ka ba, Ligaya? Saan ka ba nanggaling?

Na para namang inaasahan kong siya ay sasagot. Bagaman at tumitingin siya sa akin na para bang nauunawaan ang aking sinabi.


Masarap mag-alaga ng aso o pusa, mga hayop na karaniwang inaalagaan. Ngunit sino ang makagugustong mag-alaga ng tigre?


Abangan ang kwento ng buwan ng Oktubre...

Na tungkol sa isang GUSTONG MAG-ALAGA NG TIGRE !!!

Sunday, October 16, 2011

Latest Feedback sa Minsan, May Isang Pag-ibig, Talasalitaang Bulakan, Amaya, atbp.


Latest Feedback sa Minsan, May Isang Pag-ibig,

Talasalitaang Bulakan, Amaya, atbp.


Kamakailan, nagdiwang ng kanyang kaarawan ang isang kaanak. Nagkaroon ng salu-salo na dinaluhan ng kanyang pamilya at malalapit na kaibigan. Ang taong ito ay matalino, mapagbasa, malawak ang pang-unawa at isang mag-aaral ng kalikasan ng tao. Tapos siya ng Edukasyon, major sa Pilipino at Psychology.

Kapag nagsalita siya at sinabing maganda o marunong o may sinasabi o dating ang isang tao, maaasahan mong may katotohanan ito, bagama't sa ibang pagkakataon, pumapasok rin naman ang “bias” dito, depende sa kanyang pananaw na batay sa kanyang kinalakhan o kinaugalian. Ngunit sa kabuuan, masasabing obhektibo siya. Bilang pinakamatanda sa angkan, repository siya ng mga mumunting anekdota ng pamilya. Kaya naman, may pabirong nagbansag sa kanya at nilagyan ng dot com ang kanyang pangalan na ikinatawa ng lahat.


Ang ibinigay kong regalo sa kanya ay ang aking aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig.

Ilang araw, matapos ang kanyang kaarawan ay nagkausap kami. Sinabi niyang nabasa na niya ang mga kwento sa unang bahagi ng aking aklat.

O, ano, tanong ko.

Maganda, sabi niya. Maganda. Kaya pinipigil ko ang aking sarili, inuunti-unti ko ang pagbasa. Otherwise, mapupuyat ako.

Sabi pa niya, Maganda ang iyong style, gusto ko. You can write about mundane things and yet, you make them interesting to read. Your style is quite different from the usual, na umpisa pa lang, alam mo na ang ending. Sa iyo, alam ko man na ganoon ang ending, how you arrive at that end... ang kakaiba.

Because... sabi ko naman, hindi formula ng story writing ang sinusunod ko. Dahil hindi ko ito alam, hindi ako nag-aral, oido lamang ang pagsusulat ko. Komentaryo nga ng isang kilalang manunulat sa akin, I break the rules.

Heto naman ang isa pa niyang komentaryo: May napansin lamang ako, aniya. Heto na, sa loob-loob ko. Sa isang kwento, mali ang pagkagamit mo ng panlapi sa isang pandiwa.

Sa kanyang sinabi ay naalala ko ang aking Amang. Lumaki ako sa isang kabahayan, na kapag mali ang bigkas o gamit ng salitang tagalog, pang-araw-araw man ito, ako ay pinupuna at iwinawasto. Kaya ngayon, sa aming pamamahay, sa aking mga anak, dala ko rin ito. Aywan ko lamang kung tumitimo. Mukhang hindi masyado...

Nakalulungkot nga na hindi na alam ng mga batang istudyante ang mga tuntuning sinusunod sa balarila. Ni hindi na nga yata alam kung ano ang balarila. Kung noong araw, kayang-kaya at paborito naming subject ang Pilipino, nababalitaan ko ngayon na ang mga bata ay hirap na hirap dito, lalo na raw ang mga nag-aaral sa eksklusibong paaralan. Ironic, di ba?

Minsan ay tinanong ako ng aking anak kung ano ang pagkakaiba ng gamit ng may at mayroon, ng daw at raw, ng rin at din, ng nang at ng. Ang mga ito ay natatandaan ko pa at ginagamit. Ngunit sa totoo lamang, paminsan-minsan, nagiging biktima na rin ako ng maling kalakaran sa pagsusulat at pagbigkas.


Hangad ko na lamang sa pagsusulat sa aking blog ngayon, ay makapagkwento at makipagkwentuhan. Kung ang mambabasa ay may matutuhan (hindi matutunan na palasak na palasak nang bigkasin nang ganito at tinatanggap na raw sa ganitong baybay at bigkas) at may mapupulot na aral, ay matutuwa na ako. Kung sila ay nasiyahan at naaliw, masasabi kong may naiambag na ako, kahit katiting, sa aking kapwa. Na ayon nga kay Shamcey Supsup (kababasa ko lamang sa diyaryo), anuman ang iyong opisyo o trabaho, basta at ginagawa mong ang layon ay makatulong sa kapwa, public service na iyon, hindi na kailangang pumasok pa sa pulitika (dahil tinanong siya kung balak niya ito). Gusto kong isipin na may bahid ng public service ang aking ginagawa. Public service sa mga istudyante na alam kong bumibisita dito sa blog.

Kaya, baka hindi pa kayo nakababasa ng aking aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig, humayo na at bumili. Maganda raw ito, sabi ng kaanak kong kritiko :-)

At ayon naman sa aking blog statistics, number one ang Amaya sa mga tagasubaybay na interesado sa mga hindi pangkaraniwang salita na ginagamit rito na noon ay inilathala ko. Tulad ng bana. Para bang may romansa ang paggamit nito, ang aking bana, sa halip na ang aking asawa. Ito'y tulad rin ng pagsasabi ng ang aking maybahay. May pagsuyo, kumbaga.

Tulad rin ng salitang sandil (kung ako'y nagkamali ng dinig, pakiwasto ninyo ako). Ang sandil ay ang iba pang asawa ng rajah, bukod sa tunay at unang kabiyak nito, na tinatawag na hara o harah.

Malapit na ang Undas, ang Todos Los Santos. Panahon na naman upang gunitain ang mga kaanak at kaibigan nating nagtungo na sa sulad. Ngunit ano ba ang kaibhan nito sa saad. Tulad ng banwa at puod. Magkaiba ba sila? At ang ibig sabihin pala ng pangalan ni Bagani, ang anak ni Rahah Mangubat, ay mandirigma. Baka nais ninyong dagdagan ang Talasalitaan ni Amaya, sulatan ninyo ako.

Ang Amaya ay isang bagong karanasan sa telebisyon para sa akin. Ang dayalog nilang gumagamit ng salitang tulad ng hinampo sa halip na hinanakit o sama ng loob na karaniwang ginagamit, dalamhati o lumbay sa halip na lungkot, nalulugod o naaaliw sa halip na natutuwa o nasasayahan – ang nasabing dayalog ay parang nagiging natural na sa pandinig ng nanonood. Nasasanay na ang tainga sa mga nasabing salita. At ako'y natutuwa. Nasisiyahan. Dahil sa totoo lamang, minsan sa panonood ko ng balita sa telebisyon at narinig kong nagkaroon ng bakbakan ang mga sundalo at taong labas, ako'y inaalihan ng pagkaasiwa. Ano ba ang maaaring ipalit sa bakbakan? Labanan? Paglalaban? Sagupaan?

At sa talasalitaang-Bulakan, patuloy akong tumatanggap ng mga karagdagang salita na naghihintay na lamang ng kaunting pagsasaayos. Abangan din ang mga ito. At baka may nais kayong idagdag, email lamang ako sa ---

eve.manunulat@gmail.com

Hihintayin ko kayo...








Friday, October 7, 2011

Good Morning, Teacher


GOOD MORNING, TEACHER!


Natatandaan pa ba ninyo ang kauna-unahan ninyong araw nang pagpasok sa iskwelahan? Ako'y tandang-tanda ko pa. Limang taon ako noon. Kasama ng aking Inang, nagtungo kami sa Malolos Elementary School na malapit lamang sa aming bahay. Dinala niya ako kay Miss Pangindian, isang kamag-anak na teacher.

Sabi ng aking Inang: Irene, baka pwede na itong bata...

Tinanong ako ng titser: Ilang taon ka na?

Palihim akong nagbilang ng daliri sa aking kamay: Payb...

Sabi ng titser: Bata pa ito, Nana Maria.

Sabi ng Inang ko: Saling-ket.

At doon nagsimula ang aking edukasyon. Saling-ket. Ito siguro ang equivalent ng mga nursery, kinder at prep ngayon bago maging grade one. Pero, sama-sama nang lahat ang mga ito noon. Sa saling-pusa!

Kaya lamang, kilalang istrikto si Miss Pangindian. Isa siya sa mga itinuturing noon, sa lenguahe ngayon ng mga istudyante sa kolehiyo, na terror kumbaga. Sa Grade 2 ay si Mrs. Javier, isang kamag-anak rin. At sa Grade 6 ay si Mrs. Gatchalian. Mga terror na kinatatakutan ng mga musmos. Kaya, ang nangyari, madalas na ayokong pumasok sa iskwela. Minsan, ikot ako nang ikot para mahilo at maidahilan na may lagnat ako. Kaso, hindi ito nakalulusot. Sa madali't sabi, naging Grade 2 ako. Kung ano ang final grade ko, di ko na matandaan. Baka pasang-awa lamang. Ibig sabihin, seventy-five!

Pero masasabi kong mula Grade 4 hanggang Grade 6 nag-bloom naman ako. Lagi nang Section One. Late bloomer yata. Ang Grade 5 adviser namin at guro sa Pilipino, si Miss Villegas, ang paborito kong teacher. Tandang-tanda ko na may kwento siyang nalathala sa Lingguhang Liwayway noon na ulit-ulit kong binasa. Noon ko sinabi sa aking Inang na paglaki ko, magsusulat rin ako sa Liwayway. Buong-buo ang aking paniwala sa aking kakayahan na magagawa ko ito. Talk about desire, belief and expectancy. Mga factors na nasa likod ng tagumpay ng isang minimithi. Subconsciously, natanim na ito sa aking kaibuturan. Gusto ko, naniniwala ako sa aking kakayahan, inaasahan kong mangyayari. Kaya kahit walang pormal na leksiyon sa pagsusulat, kahit walang masasabing naging mentor, natupad rin ang pangarap kong makasulat.

Sa high school, ang paborito kong guro ay istrikto rin. At kamag-anak na naman. Pero sa kanya, walang kama-kamag-anak! Ito ay si Miss J. Ladia, ang teacher namin sa English & Literature. Hanggang ngayon, kabisado ko pa ang ilang linya ng mga poems na ipinamemorya niya sa amin. Come Live With Me by Christopher Marlowe -

Come, live with me and be my love...
And we will all the pleasures prove
That valleys, groves, hills and fields,
woods or steepy mountain yields.

And we will sit upon the rocks
seeing the shepherds feed their flocks
by shallow rivers to whose falls
melodious birds sing madrigals.

And I will make thee beds of roses
and a thousand fragrant posies
a cap of flowers, and a kirtle
embroidered all with leaves of myrtle.

A gown made of the finest wool
which from our pretty lambs we pull;
fair lined slippers for the cold
with buckles of the purest gold;

a belt of straw and ivy buds
with coral clasps and amber studs;
and if these pleasures may thee move,
come live with me and be my love.

Sa kolehiyo naman, ang naging paborito namin ay ang Cost Accounting professor namin na si Prof. D. Pasion. Dahil bukod sa magaling siyang magturo, istrikto rin, pero laging nakangiti, ipinakikita ang kanyang malalim na dimples. Ang natatandaan kong sinabi niya noon nang napansin niyang mahiyaing sumagot o kimi ang mga istudyante, parang takot sa mga teacher ay ito: “Nauna lamang kaming ipinanganak, kaya kami ang nariritong nagtuturo at kayo ang istudyante. Wala kayong dapat ikahiya.”

Noong 1993, itinakda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization ang ika-5 ng Oktubre na World Teachers' Day. Dito naman sa Pilipinas, sa halip na isang araw lamang, ginawang buwan ng mga guro ang Setyembre 4-Oktubre 5. Kalimutan na natin na marami sa ating mga guro ay nasa ibayong dagat na hindi pagtuturo ang trabaho. Isaloob na lamang natin, na sa kanilang ginagawang pagpapakasakit para sa kanilang pamilya, may itinuturo silang leksiyon sa lahat, lalong-lalo sa mga kinauukulan sa pamahalaan. Na sana, hindi na nila kailangang umalis ng bansa upang magkahanap-buhay.

Sa puntong ito ay nais kong batiin ng isang Happy Teachers' Day ang isang kilala kong Teacher/Mama, isang ina na hino-homeschool ang kanyang mga anak. Lifted from her blog (with permission) are the following entries -

Three reasons it is good to be alive and homeschooling.

1) Seeing the girls read, and read, and read some more. Then right after, requesting that we go to the library to, what else? Get more books to read!

2) Going to Mass on a weekday, just because, or celebrating a solemnity or a favorite saint's feast day.

3) Doing Botany at Green Springs Garden, or learning about animals at the National Zoo, or finding out how gargoyles look like by going to the National Cathedral. We're in DC and we don't just live here, we LIVE here.

At isang halimbawa ng ginagawa ng teacher/mama na ito -

The shortcut to nature will be Botany, and an entire year's worth of it too. Instead of dipping into different and minute amounts of a variety of science topics, we'll focus on plants: growing and harvesting them; watering, or not, and finding out why they failed to thrive; smelling, touching, and hopefully, marveling in them. With the help of one book to guide us, plenty of cut-and-paste for the younger one and experiments for the older one, this shouldn't be too stressful. (At hands-on silang nag-garden sa likod-bahay nila. Ginampanan nila ang bawat step ng pagtatanim, pagdidilig, pag-aalaga sa mga halaman, hanggang sa pag-ani ng mga bunga nitong carrot, sili, pipino at iba pa. Kasama na rin sa leksiyon ang pagtungo sa mga park at pag-aaral sa mga halamang nakatanim doon, at pati na ang mga scientific names ng mga ito.)

Religion will be plenty of read-alouds, a favorite activity gone the wayside as the girls learned to read silently. I am hoping that years of reading aloud to them will put me back on track easily. Same with coming up with cute crafts, which nobody is ever too old to do!

Filipino? Short of a complete immersion, learning the language and appreciating the culture can only come in spurts: festivals that inspire girls to want to be more brown than white. In the absence of those fun fairs during the colder months, books and CDs will have to do. Ang Mahiwagang Biyulin is still being copied and memorized, and if Joseph Esmilla can inspire, we'll play violin music during our weekly Tsokolate at Tagalog afternoons. Fall may be harvest time in north America but in our house, we'll be collecting vegetables by way of Bahay Kubo and Gusto ko ng Gulay. (Paborito kong kwento tungkol sa pag-aaral nila ng Pilipino ang pagpapaskel ng lyrics ng "Lupang Hinirang" sa dingding ng isang kuwarto sa bahay na lagi nilang pinupuntahan.)

Math isn't making me nervous but I'm a-quiver to find out how these fun lessons will turn out. I expect a year of sanity spiced with some craziness, and hope that these girls will learn along the way. (Sa pagbili sa tindahan at sa pagbabayad, hinahayaan ang mga bata na sumahin kung magkano ang sukli sa kanilang ibinabayad. Kung saan pumapasok ang mga fraction sa paghati-hati sa isang pizza.)

They've tinkered with the piano for more than a year, and learned enough on their own to play simple piano pieces. But today, we started formal lessons, complete with Theory, Technique and Artistry, and Performance. After a few minutes on the piano for basic keyboard identification and fingering exercises, which both found too easy already, we moved to the table for theory lessons. It was a fun way to remember what they know; use of colored pencils, though optional, added variety.

Today was our first day of basketball. P.E., at least before cold weather sets in, will never be the same again. This good workout gave them ruddy cheeks, a good sweat, and some surprisingly coordinated body movements. (Kasama na rito ang swimming at dance lessons. Pumapasok na rin sa art & crafts ang painting, drawing, potmaking, knitting, crocheting, sewing.)

At dahil binisita sila ng lindol at bagyo ngayong 2011 -

There's nothing like a "hurriquake" to get the girls tuned in to this year's Science. Or Geography. Somehow, weather is included in our study of maps and mapping, and also in astronomy. The girls are quick to cite tidbits about retired hurricane names, or the difference between a hurricane and a typhoon (none!) now that we've entered hurricane season. They ask to have the weather books from the library extended for another three weeks.

Leksiyon kapag panahon ng Easter at Advent at nang mag-first communion -

In six weeks, the girls will be going to First Confession. I don't remember much from 2nd grade, and nothing at all from the sacraments I received that year. Preparing the girls had given me an opportunity to understand, at a 2nd grade level the basics of the Church's teachings. With an eye towards appreciating this great gift. Without the stress of performing.

For the next six weeks, we'll start talking in earnest about the sacrament: examination of conscience, sorrow for sin, purpose of amendment, confession of sins, penance, and the mechanics of the sacrament. We'll read and narrate the familiar parables: the prodigal son, the lost coin, the vine and the branches, the lost sheep. At night, we'll start saying the Act of Contrition --

Easter - As of today, it will be a study of the Easter Vigil Mass... hymns and the order of that Mass. Bits and pieces of prior years' work will now come together: the Litany of Saints, the Paschal candle, all 9 Bible readings, and the Liturgy of the Eucharist (pretty much all of their First Communion studies), plus new things that they've seen but were too young to understand: the Baptism of Catechumens and Confirmation of Candidates, and the Service of Light. By the end of six weeks, they would have gone through copywork and projects and lessons because I couldn't leave it alone. And they'd have to learn hymns on top of it all!

Advent - With Advent comes a new Marian hymn to learn: Alma Redemptoris Mater. Piano lessons has fallen by the wayside but the tinkering continues. Between this new hymn and learning the round, Dona Nobis Pacem, we have our Latin and Advent music lessons ready-made for us. For their enjoyment, I've borrowed The First Noel, A Child's Book of Christmas Carols to Play and Sing. The girls will be ready to show off by the time Christmas comes!

At bukod sa Teacher/Mama na ito, nais ko ring batiin ng Happy Teachers' Day ang mga volunteer teachers ng Paaralang Pinoy sa Virginia, na matiyagang nagtuturo sa mga Fil-Am kids ng mga awitin, sayaw, tradisyon, kaugalian, at wikang Filipino. Nakatataba ng puso ang makatanggap ng balita at makapanood ng video ng mga batang isinilang at lumalaki sa America na umaawit ng “Ako ay Pilipino”, “Pasko na Naman”, “Saranggola ni Pepe” at nagsusumikap na makapagsalita at makipag-usap sa wika ng kanilang mga magulang.

MABUHAY KAYO! MGA TUNAY NA GURO SA PUSO, DIWA AT GAWA!