Friday, September 30, 2011

Annniversaries on my mind





Flowers everywhere...



Breakfast together...

HAPPY ANNIVERSARY


HAPPY ANNIVERSARY


SA PAGKAKAHIGA sa kama, kitang-kita ni Marcia ang malaking kalendaryo sa dingding sa may pagpasok ng silid. Huwebes. Pebrero 25. Bumiling siya nang higa, saka sinulyapan nang palihim ang katabing asawa. Tulog na si Nestor.

Nagbuntong-hininga si Marcia. Sa kailaliman ng dibdib hinugot. Diyos ko, usal niya. Tulungan po ninyo ako sa pagkalamay ng aking loob. Ayoko nang masaktan.

Hinagkan ni Marcia sa labi ang asawa. "'Oy, gising na. Tanghali na."

Umungol si Nestor. Nagmulat ng mga mata. Nginitian ni Marcia ang asawa. Muli, hinagkan sa tungki ng ilong. Saka bumaba ng kama. Nang mapansin niya, si Nestor, sa pagkakahiga na ang ulo ay nakapatong sa magkasalikop na mga palad, ay matamang nakatitig sa kanya. Nakangiti. At lumukso ang kanyang puso.

"Bakit?" tanong niya, kinakabahan, nasasabik sa isasagot ng asawa.

"Wala naman," bumangon si Nestor. "Para lamang ang saya-saya mo. Ano ba mayron ang araw na ito at in the mood ka?"

Hindi napigilan ni Marcia, nasamid siya. At habang hinihimas-himas ni Nestor ang kanyang likod ay umiling-iling siya. "Wala naman. Wala."

Nang makatalikod at makapasok sa banyo si Nestor, napatawa siya. Mapakla. Wala naman, ulit niya. Kaya lamang, limang taon na ang nakararaan, ngayong araw na ito. Pebrero 25, alas seis ng umaga, sa simbahan sa Ermita, sa harap ng altar, tumayo ka't inabangan mo ako. Anibersaryo natin, Nestor. Nakalimutan mo na naman.

Mariing ipinagpag ni Marcia ang kumot na itinitiklop. Buhat sa banyo, nakikisabay sa lagaslas ng tubig sa dutsa ang malaking tinig ni Nestor. Kumakanta ng La Bamba.

Sa kabilang silid, may batang tumawag. "Mommy!" Ang kanilang panganay. Nagmamadaling tinakpan ni Marcia ang inaayos na higaan at sumugod sa anak na nagising.

Apat na taon na si Janet. Hustong isang buwan ito nang kauna-unahan nilang anibersaryo ng kasal. At hindi pa makakalimutin si Nestor. Pinapalitan niya ng lampin ito nang tawagin siya ni Nestor. Sa pagkakahiga sa kama, waring walang balak bumangon si Nestor. Tandang-tanda pa niya ang eksenang iyon. Noon.

Nagmamadaling tinapos niya ang gingawa at inilipat ang anak sa crib. Nilapitan niya ang asawa, niyukuan, at sa kunwari'y nanunuyang tinig ay nagtanong, ano po ang inyong kailangan?

Hindi na niya nakuhang iyunat ang kanyang katawan. Kinabig siya ni Nestor at padapa siyang bumagsak sa kama. Ano ba, kuno ay nagpumiglas siya.

Mahigpit siyang niyapos ng asawa, salikop ng kamay ang likod ng kanyang ulo. Ulit-ulit, hinagkan siya. At sa pagitan ng mga halik, bumubulong, happy anniversary. Happy anniversary.

Isang buwan pa lamang siyang nakapanganganak. Inilingan niya si Nestor, pinandilatan. Sabi ng kanyang obstetrician... ha, ungol ni Nestor. Wala na siya roon. Akong bahala... paano niya makakalimutan ang unang anibersaryong iyon.

Ngayon ay apat na taon na si Janet. Nasundan na ng isa pa. At limang taon na silang kasal ni Nestor. Limang taon lang, wala na sa bokabularyo ang salitang anibersaryo.

Sa harap ng hapag-kainan, napalatak si Nestor. Wow. Okey, ha, at nilantakan na nito ang omelet, ang hiwa-hiwang hamon, ang papaya.

Muli, ang buntung-hininga sa kailaliman ng dibdib hinugot. Hindi man lang nagtaka, malungkot na naisaloob ni Marcia.

Ang reception ng kanilang kasal ay ginanap sa Aristocrat sa Roxas Boulevard. Tandang-tanda pa niya ang menu. Fruit cocktail. Omelet, ham, russian salad. Hindi karamihan ang putahe, ngunit tama nang pang-almusal. Iyon nga lamang ay kung magkano ang per cover.

Noon pa lamang, naisip na niya. Tuwing anibersaryo ng kanilang kasal, gagayahin niya ang mga pagkaing inihanda sa reception. Hindi man lahat, e, ilan man lamang. At taun-taon ngang ginawa ng Diyos, lagi siyang may omelet at hamon, saka kung anuman ang prutas na napapanahon. Nang una't ikalawang taon, napapansin pa ito ni Nestor. A... Aristocrat, ha. At bibirahan nito ng kain. Saka pagdating ng hapon, pagkalabas sa opisina, nanonood sila ng sine. At pagdating ng gabi...

Nang ikatlong taong anibersaryo ng kanilang kasal, parang nakalimot si Nestor. Ngunit sa kaayawan niyang mapaganoon na lamang ang kanilang anibersaryo, siya na ang nagpaalala. Paalis na ito, palabas na ng pintuan nang kanyang hatakin. May ibubulong lang ako, kanyang sabi.

Hinagkan niya sa pisngi ang asawa. Happy anniversary, pakiramdam niya ay mapapaiyak siya sa pagdaramdam

Walang sinabi si Nestor. Inakbayan siya, mahigpit. At bumulong din. Mamayang hapon, magkita tayo. Kakain tayo sa labas. Magsisine.

Kinahapunan, sa dati nilang hintayan, sa may bangketang nasa harap ng isang tindahan ng sapatos sa Carriedo, sa gusali na dati niyang pinag-oopisinahan, nagkita silang mag-asawa. May hawak na isang maliit na supot si Nestor. Regalo ko sa iyo.

Ang laman ng supot na iniabot sa kanya ay sinilip niya. Ang nakita niya ay isang balot ng sabong mabango. Ivory. Napatingin siya sa asawa. Ngumiti si Nestor. Di ba iyan ang ginamit natin sa honeymoon. Sa hotel sa Baguio.

Karaniwang empleyado lamang si Nestor. Ang suweldo ay tama lamang sa kanilang mag-anak. Bayad sa apartment. Sa katulong. Ilaw, tubig, groseri, pamalengke, bigas, allowance ni Nestor, pambili ng kung anu-anong gamit sa bahay, paminsan-minsan ay gamot at bayad sa doktor kung may nagkakasakit na mga bata, o damit kung kailangan, at ang takdang halaga na panghulog sa bangko. Kung nagtatrabaho sana siya, baka maluwag-luwag sila. Kaya lang, nasara ang opisinang pinapasukan niya.

Ang buong suweldo ni Nestor ay intregado sa kanya. Saka niya ito binibigyan ng perang sarili para sa mga gastos na pansarili. Hindi limitado sa pera si Nestor. Kung kailangan nito, biglang may pagkakagastahan, mayroon pang paghahatakan. Babawasan ang savings, na sana, pagdating ng panahon, pang down sa isang lote sa isang subdibisyon. Ngunit totoong maliban sa allowance, wala nang pagkukunang iba si Nestor. Kaya kung dumarating ang kanyang kaarawan, o ang Pasko, o ang Valentine's day, o ang anibersaryo ng kanilang kasal, walang regalo sa kanya si Nestor.

Mayroon siyang kaibigan. Dating kasama sa opisina. Dalaga pa siya ay may asawa na ito. At siya ang saksi ng mga ibinibigay na regalo ng asawa nito. Relo noong unang anibersaryo. Napakagandang lounging robe sa Rustan's binili nang pangalawa. Kuwintas na perlas nang pangatlo. Mga handbag, damit, pabango, bukod pa sa mga roses at chocolates.

Kalabisan nang sabihin na sa kaibuturan ng kanyang puso ay nakakaramdam siya ng inggit kay Millet. Mabuti pa si Millet. Ngunit hanggang doon lamang ang pananaghili niya. Mapagregalo ang asawa ni Millet, sapagkat unang-una'y talagang maalalahanin ito marahil. Pangalawa'y talagang makuwarta. Pangatlo at hindi siya ang nakaaalam nito, kundi pati ang buo nilang opisina, medyo kaliwete raw. Ang pagreregalo raw nito, ayon sa sabi-sabi ay isang paraan ng pagbabawas ng kasalanan sa asawa.

Kaya naman hindi niya pinaghahanapan si Nestor. Wala itong pagkukunan ng mga ireregalo sa kanya, maliban kung babawasan ang suweldong iniintrega. Saka, wala itong kasalanang dapat bawasin. Mabait na asawa si Nestor.

Ang tangi lamang niyang hinihiling, bagaman at hindi niya masabi nang harapan, ay ang maalaala man lamang ni Nestor na siya ay batiin. Happy anniversary, dear. Saka, isang halik. Tapos na. Kuntento na siya. Ang kaso, ikatlong taon pa lamang ng kanilang kasal, makakalimutin na ito. Kundi pa niya ipinaalala, makaaalis ito nang hindi man lamang nalaman na anibersaryo nila.

At noon niya naisip, sa susunod na taon, sa ikaapat na anibersaryo nila, talagang-talaga, na hindi na niya ipaaalala ito. At nang dumating ang nasabing petsa, kahit pa nga naghanda rin siya ng omelet at hamon sa almusal, wala siyang sinabi. O, sige, ang sabi ni Nestor bago lumabas ng pinto ng apartment.

O sige. Tumango siya. Hinding-hindi siya makapagsalita. Mapapabulalas siya ng iyak. Hindi pa nakasasakay ng bus si Nestor ay tumalikod na siya't nagtungo sa kanilang silid. Ikinandado ang pinto. Bumira nang iyak. Na kaya lamang niya itinigil ay sa dahilang ayaw naman niyang mahalata ng katulong.

Noong binata naman si Nestor ay maalalahanin. Talaga raw ganoon ang binata, ang kuwentuhan sa opisina. Lahat ng petsa ay natatandaan. Kung kailan sinagot. Pati oras. Pati ang kulay at yari ng suot nilang damit. Alam kung saang sine unang nanood. At restorang kinainan. Pero kapag mag-asawa na, wala na... ang kwentuhan sa opisina. Noon ay dalaga pa siya at ayaw niyang maniwala. Buo ang pag-asa niyang naiiba si Nestor. Nagkamali yata siya.

Nang dumating si Nestor nang hapon iyon nang ikaapat nilang anibersaryo, wala pa rin. Pagkahapunan, nanood ito ng telebisyon. Pagkatapos ay nahiga at nagbasa ng isang Ludlum. Sa tingin niya, matatapos ang araw, hindi makaaalaala si Nestor. At wari ngang hindi. Hindi pa nagtatagal sa pagbabasa'y inapuhap na nito ang switch ng lampara sa tabi ng kanilang kama. Huwag, gumatol ang tinig niya.

Napatingin si Nestor sa kanya. Bakit. Magbabasa ka pa ba.

Bigla, sumubsob siya sa dibdib ni Nestor. Wari, binabagyo ang kanyang dibdib. Tinangka niyang magsalita. Wala siyang tinig. Inipit ng sama ng loob na bumara sa kanyang lalamunan.

Gulilat na hinawakan siya ni Nestor sa magkabilang balikat. Pilit na itinataas ang kanyang mukha. Na pilit naman niyang itinatago. Bakit, tanong nito.

Tinakpan niya ng dalawang palad ang kanyang mukha, huhuhu, napapalakas ang kanyang iyak.

Kinabig siya ni Nestor. Hinimas-himas ang kanyang likod. Bakit.

Naka... nakali.... nakalimutan mo... muli bumara ang salita sa kanyang lalamunan.

Ang alin. Ang alin, ulit-ulit na tanong ni Nestor.

Kinagat niya nang mariin ang kanyang labi. Ang... anibersaryo natin.

Ngayon, bigla, waring nanlata si Nestor.

Pagkatapos ng anibersaryong iyon, talagang binuo na niya sa loob na kalilimutan na niya ang mga ani-anibersaryo. Tinatanggap na niya. Maluwag na niyang tinatanggap, wala sa bokabularyo ni Nestor ang mga ganitong bagay. Isang kapintasan ng isang lalaking may asawa ngunit iyon lamang naman ang kapintasan ni Nestor. Mabait ito, hindi kaliwete na tulad ng asawa ni Millet, aliw niya sa sarili. Kaya nga lang, kung thoughtful ba si Nestor, a, di lalo sanang mainam.


AT NGAYON nga ay limang taon na silang kasal ni Nestor. At sarap na sarap ito sa pagkain ng omelet at hamon. Na sa kabila ng kanyang resolusyon na hindi lutuin upang lubusang mabura ang importansiya ng nasabing araw, ay niluto pa rin niya. Baka sakali, kanyang naisaloob. Basta, hindi ko na pasasamain ang aking loob. Wala nang iyakan.

Humalik si Nestor sa mga anak. "Babay, Janet. Babay, Boyet."

Saka inakbayan siya ni Nestor. "O, sige."

Sa buong maghapon, ginampanan niya ang mga gawaing araw-araw niyang ginagawa. Talagang ganoon, hindi sentimental si Nestor. At karagdagan pang dahilan. Lubhang subsob sa trabaho. Lumalaki ang pamilya, kailangang kumayod. Nalulungkot siya sa mga pangyayari, nguni't hindi siya umiyak.

Kinagabihan, nagprito siya ng manok para sa kanilang hapunan. Tutal, hindi na kakain sa labas at hindi rin magsisine. Habang siyang-siya sa pagkain si Nestor ang pag-asang hindi mamatay-matay sa kanyang dibdib ay pilit niyang iwinaksi. Masasaktan lamang ako, huwag na, kanyang usal. Talagang nalimutan na niya. Ngunit ang pag-asa'y hindi lubos na matabunan ng katuwiran. Bago matulog ay naligo si Marcia. Ang ginamit na sabon ay ang honeymoon soap nila. Ang ivory.

Ngunit si Nestor ay nagtagal sa ibaba, sa panonood ng telebisyon. Doon tuluyang tinanggap ni Marcia ang pagkatalo. Bago siya nahiga, nilapitan niya ang kalendaryo sa dingding. Huwebes. Pebrero 25. Napailing-iling siya. Malungkot na binaliktad ang dahon nito sa buwan ng Marso. Kahit hindi pa tapos ang buwan. Kahit hindi na makita ang natitirang araw nito. Paalam, Pebrero, buwan ng aking anibersaryo, bulong niya sa sarili.

Hinihila na siya ng antok, napapapikit na siya, nang maramdaman niya ang pagpanhik ni Nestor, ang payao't ditong mga yabag, ang pagtigil sa harap ng kalendaryo sa dingding. Naalimpungatan namulatan niya si Nestor, nagmamadali sa pagkuha ng nakasabit na kalendaryo.

"Hindi ka kumikibo. Muntik ko nang makalimutan!" nanunumbat ang tinig ni Nestor, habang iwinawasiwas ang hawak na kalendaryo.

"Ang alin?" bigla, gising na gising siya.

"Anibersaryo ng ating kasal bukas! Bukas!" ipinakadiin-diin ni Nestor habang ipinakikita ang hawak na kalendaryo, itinuturo ang araw at petsa rito. Biyernes. A-beinte singko. At natanto niya, na ni hindi napansin ni Nestor na ang kalendaryo ay nakalagay na sa buwan ng Marso, hindi na sa buwan ng Pebrero.

Inagaw ni Marcia ang kalendaryo. Ang binaliktad niyang dahon ng kalendaryo. Nakaalala ngang tumingin ng petsa si Nestor, mali naman ang buwan..

Pero hindi na bale. Matututo rin silang dalawa. Si Nestor, na maging maalalahanin, kalaunan. At siya, na maging tunay na pasensiyosa. Sa kabila ng lahat, ang pag-ibig pa rin ang mahalaga.

Sinapo niya ng palad ang mukha ng asawa at hinagkan sa ilong. "Happy anniversary," kanyang bati. Saka na niya ikukuwento ang malaking pagkakamali.


Pebrero 8, 1988 liwayway

Monday, September 26, 2011

HINDI MABUKSAN ANG AKING BLOG


HINDI MABUKSAN ANG AKING BLOG

(At Ilang Feedbacks)

Kamakailan, ganito ang nilalaman ng mga email na dumating sa akin mula sa ilang tagasubaybay. Muli, kailangan sigurong ilagay ang kumpletong address.

Http://www.estrella-eve.com

O kaya, mag-bookmark kayo. Habang nasa blog ko na kayo, pindutin ang “bookmark” na kahilera ng “file”. “edit” etcetera. Sunod, pindutin ang “bookmark this page”. Next time, iyong naka-bookmark na blog na lang ang klik ninyo at magkikita na tayo!

-Sabi ni Paeng: Tama ka. Nabuksan kong muli ang website at nabasa ko ang iyong kwento. Maganda. You put up a lot of philosophy in there that I am sure could guide the young ones in their choices in life.

(Sana nga, na kahit paano, may mapakinabang sa pagbasa sa blog. Bagama't kung nag-enjoy ang bumasa, matutuwa na ako. Salamat.)

-Narito pa ang isa: Oo nga 'yong una di nabuksan, pero itong huli, ok..we both enjoyed the story. Thank you so much. Hanggang sa muli!
Laging nag-aabang ng kasunod.
Bining and Baby

(Siguradong laging may kasunod, hangga't naririyan kayo!)

-Dear Eve,
Maraming salamat, nabuksan ko lahat iyong kwento sa blog na pinadala mo. Talagang enjoy ako sa mga kwento mo, lalo na iyong tungkol sa ating sariling kalagayang, be free to do, what our body can do and want to do, who cares Your memories of childhood enjoyment during rainy season, I love it!
Ka Oscar and Lilia

(Sana lang, mag-share naman kayo ng memories ninyo. Ibang-iba ang mga alaalang dala ng tag-ulan sa ating magkaka-henerasyon, sa alaalang dala ng tag-ulan sa mga kabataan ngayon. Dahil malaki na ang ipinag-iba ng panahon. Ngayon, bigla kung bumuhos ang ulan. Minsa'y napakamalakas, na bigla namang hihinto. Sunod ay sisikat pa ang araw.)

Mula kay Rollie E: Sa wakas! Nabuksan ko din ang kuwento mo at postings para sa Agosto 2011.

Kudos! Apart from the usual interesting story, I like your postings on the poems of our youth.(Sa totoo lang, karamihan ay hindi ko na matandaan, except for the Sonnet of Elizabeth Barrett-Browning!) Like ko rin ang talasalitaan. Bagama't alam ko ang kahulugan ng mga salita, I liked the way you have explained the meaning of each.

Nga pala, comment ko pa doon sa reflections mo sa 'yong birthday na sinabi mong you like the way you have become, It means you can confront your past without guilt nor regret and face the future without fear. You live the present, keep moving on, ready for life's challenges. Bihirang tao ang makapagsasabi niyan! You are at peace with yourself. Sa mga tulad mo -- at hindi kayo marami -- saludo ako! Again, my congratulations.

(Sa totoo lang, sa puntong ito ng ating buhay, anumang alalahanin o agam-agam na dinadala natin ay hindi na para sa ating sarili, kundi para sa ibang miyembro ng ating pamilya. Na maiiwanan. Otherwise, kasabihan nga ngayon, kung nalampasan mo ang sisenta anyos, ang bawat kasunod na taon dito ay matatawag nang “bonus years”. Kapag ang nalampasan ay sitenta, tawag dito ay “bonus months”. Siguro, kapag lampas naman ng otsenta, iyon ay “bonus weeks” na. At siyempre, pag nilampasan ang nobenta, “bonus days” na iyon!)

-Isang feedback tungkol sa “Usapang Tumimo sa Isipan” ang nakatatawang-nakatutuwa, para sa akin. Narito ang email niya ngunit hindi natin babanggitin ang kanyang pangalan: Mga 3 taon na siguro kaming kasal ay hindi pa ako nagkakaroon ng baby. Lagi akong target ng tuksuhan ng mga officemates. Isang araw, magpapasko nuon, maraming mga damit ng bata, laruan, etc, na inilalako sa aming office. Sabi ng isang nakatatandang officemate: "Kawawa ang isang tao riyan, titingin-tingin na lang, hindi makabili. Naku, baka maparis ka kay SORAYA, hiniwalayan ng Shah of Iran." Hindi na ako nakapagpigil. Napikon nako nang husto at sinagot ko: "Ako ho ay may pag-asa dahil bata pa ako; kayo, matanda na." Nawalan siya ng kibo.

Sa oras na 'yon ay wala sa isip ko na binastos ko siya. Natutuwa ako at nakaganti na rin ako. Kasi naman marami nang ulit na ako'y binibiro niya...Pero later on, pinagsisihan ko rin yaon at naging friendly ako sa kanya...Di naman nagtagal at naglihi ako, pero di nagtuloy at nalaglag...then, naghintay uli ng isang taon, bago nasundan, na nabuo na.

Nagsunod-sunod naman ang pagbubuntis ko - manaon. At mayron ding sinabi ang mga miron: "Naku, nang mabuksan naman, ay sinunod-sunod na. Di na yata titigil." Ay naku, sa loob-loob ko lang, ang mga tao, sala sa lamig, sala sa init.

(Agad kong sinagot ang email niya at sinabi kong hanga ako sa kanya. Matapang siya, na nasa lugar. Mayroon kasing mga tao na hindi marunong makiramdam kung nakasasakit sila. Walang mainam sa mga ito kundi sila ay sagutin. At nang magtanda! Pero siempre, sa ngayon nga, nag-mellow na tayo, mapagpasensiya na rin. Hayaan na lamang ang mga ganyang tao. Basta masaya tayo, at peace with ourselves and the world!)







Saturday, September 17, 2011

Dagdag na Talasalitaan mula kay Rollie


DAGDAG NA TALASALITAAN MULA KAY ROLLIE



Ibig ko lang makisawsaw sa talasalitaan mo, pwede ba? Di kaya maging simula ito ng isang panibagong pitak sa postings mo?

(Simulan na natin, ano pa ang hinihintay ng iba riyang tagasubaybay. Sa totoo lang, marami pa akong ilalabas na na-email noon pa. Inaayos ko lamang in such a way na maging magkakapareho ang presentasyon, tulad nang ginawa mo ngayon. Higit kasing interesting basahin kung may halimbawa at lalo pa siguro, kung sasamahan ng anekdota na danas ng sumulat o ng sinupaman. Kaya, sabi nga natin noong araw, sugod mga kapatid!)


1. banyuhay - pinagsanib mula sa mga salitang bagong anyo ng buhay. Sa English, metamorphosis. Pnakamagandang halimbawa ang paruparo na may apat na yugto ng buhay: mula sa pagiging itlog na naging larva na naging pupa hanggang maging isang adult butterfly.

(Isang kaibigang poet o makata sa Pilipino, Liwanag ang kanyang pangalan, ang unang nagsabi sa akin nito. Banyuhay! At gustung-gusto kong bigkasin ang nasabing salita. Parang nagbabadya ng pag-asa.)

2. buntala - planeta gaya ng Mars o Jupiter o Saturn, etc. na nasa ating solar system.

(Nabanggit ang Jupiter at Mars. Naalaala ko tuloy iyong awit na “Fly me to the moon and let me play among the stars, let me see what spring is like on Jupiter and Mars...)

3. lambana - isang fairy gaya ni Tinkerbell sa Peter Pan. Una kong nabasa ang salitang ito sa Liwayway sa isa sa mga nobela ni Nemesio Caravana.

(Kilala ba ninyo si Hagibis? Ang superhero ng mga Pinoy noong araw! Sa serye niya sa komiks ko unang nabasa ang lambana. At sa totoo lang, nang maliit pa akong bata, kapag naglilibot ako sa munting hardin ng aking ina, tinitingnan ko ang sanga at dahon ng mga halaman, baka may nagkukubling lambana.)

4. bantulot – pag-aalangan. Papasok ba o hindi? Tutuloy ba o hindi? Kung baga. parang indecision.

5. bantilawan - magandan halimbawa ang nilagang talong, Hindi ganap ang pagkakaluto, half-cooked, wika nga. Bantilawan ang isang taong hindi pa ganap na ganap ang pag-iisip (immature).

(O kaya ang isang plano o balak gawin na hindi lubos na pinag-isipan, nangyari ay parang may kulang, sinasabi rin ng matatanda na bantilawan.)

6. agam-agam - pagkabahala o pag-aalala sa maaring mangyari, kahit iyo'y wala pang kaganapan (anxiety).

7. hinuha - Parang hula pero hindi naman, kundi pakiramdam o pakiwari o kutob. Sa English, intuition. Madalas nating sabihin na ang mga babae ay magaling dito -- kaya nga sinasabi nating woman's intuition.

(Tunay na may tinatawag ngang woman's intuition, ngunit alam ba ng marami na halos lahat ng tao ay ipinanganak na may matalas na pakiramdam o intuition? Na nawala lamang sa katagalan ng panahon, dahil nahaluan ng makabagong kabihasnan kung saan ang lahat ng bagay ay nakukuha sa pamamagitan lamang ng isang klik, o pagpindot sa isang buton? May nagkuwento pa sa akin, na noong unang panahon daw, ayon sa kanyang nabasa, lahat ng tao ay hindi kailangang mag-usap ng berbalan, dahil nagkakabasahan sila ng isip. Ang totoo pa'y nakakausap nila o nababasa ang isip ng mga hayop! Siguro, nang pasukan na ng masama ang isipan ng iba, natuto na silang maglihim, at kalaunan, dito na pumasok na ma-debelop ang lengguahe. Kaya lamang, may mangilan-ngilang natira na malakas pa rin ang pakiramdam. Siguro nga, mga babae ito... Lalo na ang mga nanay na kapag kinutuban, baka may nangyari sa anak. O sa mga maybahay na kapag kinabahan, baka iyong asawa, e, alam na ninyo!)







Sunday, September 11, 2011

LISTAHAN NG MGA KWENTO


LISTAHAN NG MGA KWENTO DITO SA
AKING BLOG, 2008 – 2010



Nang balakin kong gawin ang listahang ito ay upang magkaroon lamang ako ng patnubay sa paglalathala ng mga susunod pang kwento. Nang simulan ko na ang pagkalap ng mga ito, naisipan kong ilagay na rin sa blog upang maging gabay na rin ng mga bagong mambabasa ng blog o ng mga dating nais magbalik-basa sa mga nakaraang kwento.

Madali lamang naman ang pagpunta sa mga nasabing kwento. Makikita mo sa ARCHIVE, na nasa gawing kanan ng blog, ang listahan ng mga taon. Klik mo lang ang taon, sunod ay ang buwan na kinaroroonan ng napiling kwento at kapag nakita mo na ang pamagat nito ay ito naman ang iyong i-klik. Voila! Naroon ka na.

Enjoy ka lang, marami kang mapamimilian.


2008 -

Pebrero 22 – Ang Pag-ibig ni Dalisay
(Noong nasa high school kayo,
nagkaroon ba kayo ng pag-ibig na tulad nang kay Dalisay?)

Marso 12 – Gaanong Porsiyento ng Pagmamahal (Isa ba kayo sa naniniwala na dapat ay fifty-fifty ang pagpapamalas ng pagtingin ng magkasintahan o mag-asawa sa isa't isa?)

Abril 1 – Labinlima lamang, Ibig nang Mag-asawa (May kilala ka bang teen-ager na ganito? O ikaw iyon?)

Mayo 2 – Karugtong ng Isang Mayo (Buwan ng bakasyon ang Mayo at minsan, dito nagaganap ang mga summer romances. Happy ending ba ang sa inyo o bitin? Kung bitin naman, nagkakaroon ba ng karugtong na kabanata?)

Hunyo 2 – Biyenan at Manugang (Biyenan ka bang mahirap pakisamahan o manugang na pasaway?)

Hulyo 7 – Iskolar (Iba- iba pala ang pakahulugan sa salitang “iskolar” ngayon. Akala ko, tawag lang ito sa mga taga-UP na iskolar ng bayan. May iba pa pala!)

Agosto 4 – Ang Ulan sa Buhay ni Lety (Tuwing tag-ulan, kapag nakasalubong kayo ng babaeng nakapayong, alalahanin ninyo si Lety. Baka sila ay may kasaysayang tulad niya. Ikaw rin...)

Setyembre 1 – Pagkalipas ng Bagyo (Malaking pinsala ang dala ng bagyo. Lalo ang kakaibang bagyo na dumadalaw sa pagsasama ng isang pamilya.)

Oktubre 6 – Hiwalay (Sa panahong ngayon, para bang napakadaling maghiwalay ang isang mag-asawa. Kaya mo ba ito?)

Nobyembre 2 – Kagabi, Marami nang Todos Los Santos ang Nakalipas (Ang sarap ng may barkada, may nakakasamang mamasyal sa paglilibot sa mga sementeryo tuwing Undas. Lalo pa, kung crush mo ang isa sa mga ito.)

Disyembre 7 – Ang Pasko ay Para sa Lahat ng Bata (Nakaranas ka na ba ng isang malungkot na Pasko?)

2009 -


Enero 7 – Ngayon, sa Pagharap sa Bagong Araw (Noon, phone pal. Ngayon, textmate. Ngunit halos pareho, minsan, sila ay may dalang problema,)

Pebrero 4 – Isang Pook, Dalawang Panahon (Dekada Cincuenta ba ang panahon mo? O martial law? Magkaiba mang panahon, magkaiba man ang dahilan, minsan, halos pareho rin ang dalang hirap at pasakit sa puso.)

Marso 8 – Larawan ng Pag-ibig (Pagmasdan ninyo ang inyong kabiyak ng puso, o kasintahan kung hindi pa kayo kasal, may nakakamukha ba siyang babae sa inyong nakaraan?)

Abril 1 – Minsan, May Isang Barkada (Ang barkadang ito noon, may barkada pa bang makakatulad nito... sa panahon ngayon?)

Mayo 3 – Ibukas Mo Lang ang Iyong Puso (Sabi nga, nakamulat ang mga mata, ngunit walang nakikita, may tainga ay walang naririnig, kaya ang nangyayari, may nakakaligtaan. Ang unang dapat ibukas ay ang puso.)

Hunyo 3 – Bago Pakasal, Bakit Di Muna Natin Subukin (Sa totoo lang, bakit nga ba hindi? Pero sapalaran ang kahihinatnan nito.)

Hulyo 4 – May Puntos ang Pag-ibig (Ang minamahal mo ba ay may ibang mahal? Naniniwala ka bang habang buhay, may pag-asa?)

Agosto 1 Frank – (Ang nakalipas na panahon ay binubuo ng mga awit at himig ni Frank Sinatra.)

Setyembre 6 – Pinakamamahal Kita, Kaya... (Kapag nagpapaubaya ka ba at ikaw ay tinanggihan, ano ang maisasaloob mo?)

Nobyembre – Remains of “Ondoy” Day Parts 1,2 and 3 (Walang posting na kwento sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre dahil sa bagyong Ondoy. Sa halip, tungkol lahat sa Ondoy ang narito.)

Disyembre – RECAP ng mga nangyari sa buwan ng Agosto, Setyembre, Oktubre, Nobyembre Ngayong Disyembre.

2010 -

Enero 8 – Umaga Na (Ikaw ang “the other woman”. May dala bang pagsikat ng araw ang iyong umaga?)

Enero 15 – May Isang Bagong Tatsulok (Sa totoo lang, nangyayari ito.)

Enero 29 – Ang Makaliligaya kay Chito (Minsan, ang isang tao ay nadadala lamang ng mga sandali. Ngunit kung maglilimi-limi at tatanungin ang sarili, matatagpuan niya ang sagot sa katanungan)

Pebrero 10 – Minsan, Isang Araw ng mga Puso (A Valentine story. Ganito ba kayo nagkakilala ng inyong sweetheart?)

Pebrero 18 – Natatandaan Mo Pa Ba? (High school days. High school romance. May ganito ka bang memories na bagahe sa pagdalo sa inyong reunion?)

Marso 12 – Ang Buhay, Iba't Ibang Uri ng Pagkain (Ang buhay mo ba ay katulad ng buhay ng lalaki sa kwento?)

Abril 9 – Bagong Magdalena (Marami sila, nasa paligid lamang natin. Mga mapangarapin na nagmadaling makamtan ang nais sa buhay.)

Mayo 15 – Sa Muling Pagiging Ina (Napapanahon na, kasalukuyan nang pinag-uusapan ang RH Bill.)

Hunyo 2 - P'wera Biro, Ha? (Kung minsan, pumapasok ang “utakan” sa
pagpasok sa sintahan.

Hunyo 26 – Katulad ng Kanyang Tatay (Bonus na kwento para sa Father's Day.)

Hulyo 12 – Isang Kumot, Isang Unan, Isang Katre – (Ayon sa matatanda, isa raw ito sa mabisang paraan upang mapanatiling nagkakasundo ang isang mag-asawa. Subukan ninyo!)

Agosto 7 – Ang Listahan ni Charo (Ang listahan ni Charo ay listahan ng kanyang mga assets at liabilities, as a person Kapag dumating sa inyo ang problemang katulad ng kay Charo, subukan ninyong gawin ito.)

Setyembre 15 – Sapagkat Mahal Kita (Si Minda ay parang sibol ng panahong ito. Marahil, kapareho niya ang gagawin mo kung matagpuan mo ang sarili sa kanyang kalagayan.)

Oktubre 3 – Sapagkat Ganyan ang Pag-ibig (Hanggang saan dapat maging mapagbigay ang pag-ibig?)

Nobyembre 2 – Kandila sa Harap ng Bahay (Kwento ng bagong sumisibol na pag-ibig sa pagitan ng dalawang musmos sa gitna ng Ikalawang Digmaan kinasangkutan ng bansa.)

Disyembre 18 – Masaya na ang Ating Pasko, Roehl (Ikaw ba ay supling ng iyong ina na kanyang dinala sa sinapupunan niya? O ikaw ay sumupling sa kaibuturan ng kanyang puso?)

Hayan, makapamimili ka na ng gusto mong basahin o pagbalikang namnamin. Kung ikaw naman ay nasa abroad, available sa www.lulu.com ang aking aklat, MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG. Sa mga kamag-anak at kaibigan, maaari akong sulatan sa eve.manunulat@gmail.com.

Ito ay kalipunan ng dalawampung kwento ng pag-ibig sa iba't ibang lugar, sa iba't ibang panahon. Makikita sa dakong kanan ng blog ang larawan ng pabalat ng aklat. Sa mga ka-henerasyon ko, ito ay isang nostalgia trip sa ating nakaraan. Sa mga kabataan, ito ay isang sulyap sa panahon ng inyong mga magulang.




Thursday, September 8, 2011

Ulan



Walang tigil na ulan, babaha sa loob ng bahay...




Lansangan ay hindi madadaanan!



Tamang buhos ng ulan, masayang halaman...


Bulaklak na naggagandahan!




Monday, September 5, 2011

BAGYO AT LINDOL SA PILIPINAS


BAGYO AT LINDOL SA PILIPINAS


May tagasubaybay na nagtanong ng tungkol sa bagyo at lindol sa Pilipinas. Naalaala ko tuloy ang kamakailan na pagdalaw ng lindol sa ilang estado sa North America. Kabilang dito ang Virginia na kinaroroonan ng aking anak at kapatid. Agad akong tumawag upang mangumusta. Ganito ang paglalarawan ng aking anak sa kanyang unang karanasan sa lindol doon. Aniya -

Kumpara sa Pilipinas, kung saan sideways ang kilos ng lindol, dito ay parang may rumble na nanggagaling sa ilalim. Akala ko'y may puputok na furnace o airconditioner o nag-stuck na washing machine. Parang may nagdaraang 12-14 wheeler truck o train sa tabi ko. Agad kong inilabas ng bahay ang aking mga anak. Isang kapit-bahay ang nagsabing lindol nga ito.

Sa kanyang email ay nagbigay siya ng link sa Washington Post tungkol sa mga impormasyon ng nangyaring lindol sa kanila, at ito ang aking nabasa:

Na ang klasipikasyon ng Virginia ay “moderate” seismic risk at ang tsansa lamang na makaranas ng isang 4.75 na lindol ay minsan sa isang dantaon (century). Ang nangyaring lindol na may lakas na 5.8 sa Richter Scale ay itinuturing nilang pinakamalakas na tumama sa kanila sapul ng taong 1897. bagama't may mahihina namang lindol na nagaganap na bahagya nang nararamdaman at hindi nagdudulot ng mga pagkasira o pananalanta.

Ngunit sa Pilipinas, iba ang senaryo. Pinalad akong maregaluhan ng isang aklat, Catalogue of Philippine Earthquakes 1589 - 1864 na ang nilalaman ay tinipong impormasyon ng mga naganap na lindol sa bansa simula pa ng Hulyo, 1589. Hindi nga pinatawad ni Ondoy ang nasabing aklat, ngunit pinagtiyagaan kong patuyuin ito. Bagama't naninikit ang mga pahina, nababasa ko pa rin naman. Kasama sa sumulat at nagtipon nito ay isa kong kamag-aral sa high school, si Rolando Valenzuela. Natatandaan kong nagbigay pa kami ng mga kopya nito sa library ng high school na pinagtapusan namin ng pag-aaral.

Noon, ang karaniwang nasasalanta ng lindol ay mga gusali at simbahan. Ang mga pari ang nangangalap ng impormasyon tungkol sa mga naganap na lindol, kaya, sa pananaliksik ng mga sumulat ng aklat, dito sila nakakuha ng mga datos.

Ang lakas o Intensity ng lindol sa Pilipinas ay sinusukat batay sa Rossi-Forel Scale of Nine, ayon sa aklat na nabasa ko. Ang ibig sabihin naman ng Intensity ay ang sukat ng lakas ng lindol batay sa epekto nito sa tao, sa mga gusali at bahay at sa mga kapaligiran. Iba naman ang ibig sabihin ng Magnitude ng lindol. Ito naman ay ang sukat ng laki (measure of size) ng paglindol. Ang Magnitude ng isang lindol ay isa lamang, kahit iba-iba ang nadamang Intensity nito.

Agosto 02, 1968 – 4:19 A.M. Isa ito sa mga lindol na ilalahad ko rito. Personal ko itong naranasan. Madaling-araw, at ginising ako ng pag-uga ng pintuan ng aming silid, parang inihahampas ang dahon sa hamba nito. Nagmula ito sa Silangang bahagi ng Casiguran na nagtataglay ng Intensity VIII at ang lindol ay nadama sa buong Luzon, Intensity VII sa Maynila at ilang bahagi ng Hilagang Bisaya. Itinuring itong isa sa mga pinakamapinsalang lindol sa nakaraang dalawampung taon na sumira sa maraming gusali. Noon gumuho ang Ruby Tower, isang gusaling may anim na palapag, mga tindahan sa una, opisina sa pangalawa at mga residencia mula ikatlo hanggang ikaanim na level. Ito ay yari sa reinforced concrete frame na buung-buong gumuho, maliban sa hilagang bahagi ng una at ikalawang palapag. Daang tao ang namatay at nasaktan sa lindol na ito.

Agosto 17, 1976 – 12:11 A.M. Isang napakalakas na lindol ang nadama, as far north as the Visayas and the southeastern tip of Luzon and as far south as Borneo. The magnitude was 7.8 on the Richter Scale, from preliminary determinations made by the National Oceanographic and Atmospheric Administration (NOAA), U.S.A. The number of people confirmed killed reached a total of 3,564. Missing were 1,502; injured were 8,256 and 12,183 families were rendered homeless. Ang lindol ay sinundan ng tsunami sa baybayin ng mga lalawigan ng Zamboanga del Sur, Lanao del Norte, Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao. Ang Sulu, Tawi-tawi at Basilan ay idineklarang mga disaster areas. Ayon sa mga U.S. Geophysicist, ang epicenter ng lindol ay nagmula 33 kilometro sa ilalim ng dagat kung saan nagko-contact ang tectonic plates ng Pilipinas at Tsina.

Wala pa sa hawak kong aklat ang nangyaring lindol kung saan parang accordion na natupi ang Hyatt Hotel sa Baguio.

Noong 1980's, may ginawa akong komiks para sa PAGASA tungkol sa bagyo, lindol at pagputok ng bulkan at ang kaakibat na disaster preparedness para sa mga ito. Ito ay SI NENENG AT ANG BAGYO, SI NENENG AT ANG BULKAN, SI NENENG AT ANG LINDOL. Ngunit mula noon, marami nang naganap na pagbabago sa naisulat ko. Halimbawa'y ang pagpapangalan ng mga bagyo.

Naisulat ko noon na ang pagpapangalan sa bagyo ay nagmula kay Clement Wragge, isang Australyano, noong ika-19 dantaon. Walang malinaw na dahilan kung bakit ngalan ng babae ang dahilan. Nang ikalawang digmaang pandaigdig, sinimulan ng mga Amerkano ang paggamit ng Army's phonetic alphabet tulad ng Able, Baker, Charlie para sa madali at mabilis na pakikipagtalastasan tungkol sa bagyo.

Ngunit sa Pilipinas, noong taong 1963, ipinasiya ng Kawanihan ng Panahon ang pagbibigay ng pangalang Pilipino na karaniwang nagtatapos sa ng sa mga bagyong dumadaan sa Philippine Area of Responsbility. Apat na grupo ng mga pangalan ang ginagamit sa iba't ibang taon na inuulit lamang tuwing ikaapat na taon. Halimbawa ay tulad ng Auring, Bebeng, Karing, Diding, Etang, Gening, etc. para sa taong 1995. Na kapag umabot ang halaga ng pinsala sa batayang napagpasiyahan ng mga awtoridad, hindi na inuulit ang pangalan ng nasabing bagyo. Tulad ng Bagyong Dading noong 1964, pinalitan ng Didang noong Mayo 1976 na muling binago at naging Ditang noong 1988. Noon ito. Ngayon ay naiba na ang mga pangalan ng bagyo, medyo naging moderno na.


Isa pang nabago ay ang klasipikasyon ng lakas ng bagyo. Noon, tatlo lamang ngunit ngayon ay apat na ito at mayroon nang Signal No. 4. Ayon sa datos na pinagbatayan ng ginawang komiks ng PAGASA noon -

Sa Public Storm Signal No. 1 – may bagyo na sa loob ng 36 na oras ay mararamdaman sa pook kung saan nakataas ang babalang ito. Ang hangin ay may 30 higit pa hanggang 60 kilometro isang oras.

Sa Public Storm Signal No. 2 – Palapit na ang bagyo. Sa loob ng 24 oras ay mararamdaman sa pook kung saan nakataas ang babalang ito ang hanging may tulin higit pa 60 hanggang 100 kilometro isang oras.

Sa Public Storm Signal No. 3 – Sa loob ng 18 na oras ay mararamdaman na sa pook kung saan nakataas ang babalang ito ang hanging may tulin na higit pa 100 hanggang 185 kilometro isang oras.

Sa Public Storm Signal No. 4 – Sa loob ng 12 na oras ay mararamdaman na sa pook kung saan nakataas ang babalang ito ang hanging may tulin na higit sa 185 kilometro isang oras. Napakamapanganib ang bagyong ito.

Kung sakaling may nabago na rin dito, hindi ko na alam sa ngayon. Ang mga nabanggit sa itaas ay ibinatay ko lamang sa mga nakalap kong datos mula sa PAGASA nang ipagawa nila sa akin ang mga nasabing komiks.

Sa kasalukuyan, mga apat na bagyo pa raw ang darating sa bansa. Halos sinasabayan naman tayo ng mga hurricane na dumadalaw sa America. Katatapos lamang ng Hurricane Irene na sinagasaan ang North Carolina, New Jersey, New York at iba pa. Katatanggap lamang namin ng balita na ang kapatid ng aking manugang na naninirahan sa Vermont ay nakaranas ng 8 feet na baha at tulad sa ginawa ng Ondoy sa atin, ngayon ay abala sila sa pag-aasikaso sa mga nasira at nabasa nilang kasangkapan at pamamahay.

Ito ang Kalikasan, kaabay natin sa ating buhay at hindi natin dapat ipagwalang-bahala. Mahalin natin at pagpalain.



















Saturday, September 3, 2011

WELCOME SEPTEMBER!!!


WELCOME THE "BER" MONTH

Onli in the Pilipins na pag sumapit na ang buwan na may "ber" sa hulihan ay Pasko na! Isang awiting pamasko ang bumati sa akin nang buksan ko ang telebisyon nang umagang ako'y magising. (Natatandaan ba ninyo ang sinabi ko noong nakaraang buwan? Na sa edad ko ngayon, kung gusto kong manood nang hanggang hatinggabi, o ang kabaligtaran nitong manood nang umagang-umaga, wala nang sey doon ang iba). Tunay na sa mga panahong ito, paminsan-minsa'y binubuksan ko ang telebisyon pagkagising (nakapag-usal na naman ako nang pasasalamat sa Itaas) at depende sa aking inklinasyon ang channel na aking pinupuntahan. At sa unang araw ng Setyembre, himig pamasko na ang aking narinig. Siyempre, masaya at natuwa ako. Kaya lamang, ang buwan ng Setyembre ay may pansariling kahulugan at kahalagahan sa akin, kaya, ibibigay ko muna rito ang karampatang atensiyon ko.

Halimbawa, tinipon ko ang mga awit na may kasamang "September" sa lyrics nito. Tara, umawit muna tayo...

SEPTEMBER SONG

Oh, it's a long long while from May to December

But the days grow short when you reach September
When the autumn weather turns the leaves to flame
And you ain't got time for waiting game

When days dwindle down to a precious few
September November,
And these few golden days I'd share with you
Those golden days I share with you.

SEPTEMBER IN THE RAIN

The leaves of brown came tumbling down

Remember in September in the rain
The Sun went out just like a dying ember
That September in the rain

To every word of love I heard you whisper
The raindrops seemed to play our sweet refrain
Though spring is here to me it's still September
That September in the rain

To every word of love I heard you whisper
The raindrops seemed to play our sweet refrain
Though spring is here to me it is still September
That September in the rain

That September that brought the pain
That September in the rain

TRY TO REMEMBER

Try to remember the kind of September

When life was slow and, oh, so mellow.
Try to remember the kind of September
When grass was green and grain was yellow.
Try to remember the kind of September when
you were a tender and callow fellow.
Try to remember, and
if you remember
Then follow (echo)
Follow follow
Follow follow follow
follow follow follow

Try to remember when life was so tender
That no one wept except the willow
Try to remember when life was so tender
that dreams were kept beside your pillow
Try to remember when life was so tender
that
love was an ember about to billow
Try to remember, and
if you remember
Then follow (echo)

Follow follow
follow follow follow
follow follow follow...

Nag-isip din naman ako ng kantang tagalog o Pilipino na may salitang "Setyembre" ngunit wala akong mahagilap, maliban sa awit na ito:

Enero, Pebrero, Marso, Abril, Mayo
Hunyo, Hulyo, Agosto, SETYEMBRE, Oktubre
Nobyembre, Disyembre...
Lubi-lubi.

Natatandaan pa ba ninyo ito?