Friday, August 26, 2011

SI TABA


SI TABA


PUNA ng mga kasama niya sa opisina. Taba-tabatsoy mo na, Anna.

Napahumindig siya. Excuse me, I'm just pleasantly, deliciously, lusciously plump.

Five two na one hundred and fifty pounds, may sumabad.

Nandilat si Anna. Oy, one forty lang, give and take a few pounds.

Sabay-sabay ang lahat, overweight pa rin. Sayang, ganda mo pa naman...

Kumibit ang balikat ni Anna. Okey na rin, tutal me boyfriend na ako. And he loves every inch of my body.

Nagsiungol ang kanyang mga kaharap.


HINDI naman talaga siya ganoon kataba. Nagsimula lamang ito nang huling taon niya sa college. Nang nagkahiwalay sila ng boyfriend niyang si Roy. Mataas ang kanyang pride. Ayaw niyang masabing dinamdam niya ang pag-iisplit nila. Kaya sa halip na magmukmok ay nagkain siya nang nagkain. Pizza, hamburger, ice cream, chocolates, cakes, palabok, mani, chocnuts... at para siyang hinipang lobo sa paglaki. Si Michael na kanyang kababata ang unang nakapuna nito. Nagkita sila sa simbahan. "Hoy, Ann, di kita nakilala," ang bati nito.

"Bakit, akala mo kung sinong artista, ano," sagot niya.

Tumango si Michael. "Oo, si Nanette Inventor."

Kinurot niya nang mariin si Michael. Ang tawa nito, pero seryoso nang muling magsalita. "Ba't di ko na nakikita iyong kuwan mo. Break na ba kayo?"

Hinarap niya ang kababata. "Tsismoso ka 'no. Sinisilip mo pala ang bisita ko pagdalaw sa akin."

Parang napahiya si Michael. "Hindi naman," saka idinugtong, "wala na bang talaga?"

Napabuntung-hininga siya. "Wala na."

Sinilip ni Michael ang kanyang mukha, "E, di sawi ka pala, Ann."

Tinaasan niya ng kilaly si Michael. "Titigan mo akong mabuti, Michael. Ito ba ang mukha ng sawi. Ha, Michael?"

Pauwi sila noon, galing ng simbahan. Huminto sa paglalakad si Michael. Tumigil rin siya lumayo nang bahagya si Michael sa kanya, hinagod siya ng tingin. Pagkuway muling nagpatuloy sa paglakad. Walang sinabi.

"Ano? Ano?" Tanong niya.

Sinulyapan siya ni Michael. "'Wag kang magagalit, Ann, sa totoo lang, ang taba mo."

Ngumiti siya kahit inis. "Mataba, kasi maligaya. A case of good riddance. Wala nang sakit ng ulo."

"Exciting ang buhay pag may sakit ng ulo paminsan-minsan."

"Bakit, di ko naman sinabing hindi na 'ko hahanap ng iba."

Muli siyang sinulyapan ni Michael. Sulyap na nagsasabing makakita ka naman kaya... sa taba mong iyan...

Tumikhim siya at nagsimulang tumula. "Sabi nga ni Shakespeare, love is not love, which alters when it alteration finds..."

"Anong koneksiyon?" tanong ni Michael.

Para siyang titser na nagpaliwanag sa estudyante. "Ibig sabihin, kung tunay ang pag-ibig, kahit ako'y mataba, iibigin pa rin ako. O kung magkasintahan na kami at tumaba pa ako nang tumaba, hindi aariing kapintasan iyon. Hindi magbabago ang pag-ibig sa akin."

Umiling si Michael. "Ang labo. Para sa akin, iba ang kahulugan ng tunay na pag-ibig."

"Ano?" tanong niya.

Matagal na nag-isip si Michael. At seryosong-seryoso nang magsalita. "Ang tunay na pag-big, ang hangad ay ang kapakanan at kalusugan ng minamahal."

Napatingin siya kay Michael. Sinalubong nito ang kanyang tingin. Siya'y kinindatan, kasabay ang bahagyang ngiti. "Sige..."

Saka niya napansin, nasa harapan na pala sila ng magkatapat nilang bahay. Papasok na siya sa kanilang gate nang marinig niya ang sigaw ni Michael, nanunukso, "Mag-reduce ka. Ann..."

Pinapag-isip siya ng sinabi ni Michael. Binagabag. Ngunit noon naman dumating sa kanyang buhay si Elmer. Na niligawan siya. Na ipinagtaka niya. Kahit alam niyang maganda siya, hindi naman siya bulag para hindi mapansing may katabaan na talaga siya. Gusto pa nga niyang mainis kay Elmer. "Bakit ako? Ang daming seksi diyan..."

Si Elmer. "Hindi ko kailangan ang seksi. Ang alam ko, mahal kita."

"Mataba ako," tuwiran na niyang wika.

"Gusto ko nang mataba," tuwiran din nitong sagot.

Mabait si Elmer, tapos din ng pag-aaral, may hanap-buhay. Kung ikukumpara kay Roy na una niyang kasintahan, nakalalamang si Roy. At si Michael. Kung bakit pumasok si Michael sa kanyang isipan nang panahong yaon, pilit niyang inihanap ng kasagutan. Dahil akala ng Michael na iyan, wala nang magkakagusto sa kanya, porque mataba siya. Doon nga masusukat ang tunay na pag-ibig. Sa kabila ng kanyang katabaan, mukhang mahal na mahal siya ni Elmer. At naramdaman niya, mahal na rin niya si Elmer. Na laging may bitbit na pagkain tuwing dadalaw sa kanila. Na tuwina'y ibino-blowout siya sa mga bagong bukas na restoran. Alam ni Elmer kung saan may masarap na cake at pastries. Kung aling imported na chocolate ang talagang natutunaw sa bibig. Enjoy siya kay Elmer. Patuloy siya sa pagtaba, ngunit hindi nababahala. "Gusto ko sa babae, malusog," lagi nitong sinasabi.

"Ang taba ko na," kunwa'y tutol naman niya. "Hindi na nga ako tinitingnan ng mga lalaki," dugtong pa niya.

Kaybilis ng sagot ni Elmer. "Gusto ko nga iyon. Gusto ko, ako lang ang titingin sa iyo. Gusto ko, ako lang ang titingnan mo."

Ang narinig ay may kinanting pagkabahala sa kanya na dagli naman niyang nalimutan. Sabi ni Elmer, "May bagong bukas na restaurant sa Jupiter..."

Si Michael. Nagkita silang muli paglabas sa simbahan. Sabay na naglakad pauwi. "Saan ka ba nagtatago at ngayon lang kita nakita," tanong niya.

"Narito lang ako. Ikaw ang laging bisi, may bago yata."

Tumawa siya. "Akala mo, walang magkakagusto, ano. E, nakatagpo ako ng mahilig sa malusog."

Umiling si Michael. "Hindi ka malusog, Ann. Mataba ka."

Inis na siya. Hindi iyon kapintasan para kay Elmer."

"Reduce, Ann, for health reasons."

"Wala naman akong sakit. Wala akong nararamdaman."

"Wala pa, pero hihintayin mo pa bang magkaroon?"

"Ang negative mo naman..."

"Ann, your bathroom scale wouldn't lie. Overweight ka."

"E, ano ngayon," inis na siyang talaga.

Ngunit parang hindi napansin ni Michael ang kanyang pagkainis. "Sa height mong five two, ang ideal weight mo ay between one hundred three to one hundred twenty six pounds."

"Alam na alam mo, ha!"

Tumigil sa paglakad si Michael. Napilitan din siyang huminto. "Natatakot ako para sa 'yo, Ann. Ang mga taong overweight ay kandidato sa pagkakaroon ng hypertension, diabetes, heart disease..."

"Basta ba, makikilibing ka..." bigla para siyang nakadama ng lungkot at muli siyang humakbang, higit na mabilis.

Habol si Michael. "Anna... Anna... I care for you, can't you see..."

Lalong bumilis ang kanyang lakad. Anong ibig sabihin ni Michael. I care for you, can't you see.

"Tingnan mo 'ko, Ann," pigil ni Michael at napilitan siyang huminto. "Alam mo bang nagpupunta ako sa gym tatlong beses isang linggo. Naka-enrol ako sa isang fitness center. I walk and jog and eat the right food. I feel great. At gusto ko, ganun ka rin."

"Bakit? Tingin mo ba, I don't feel great," naghahamon ang tanong niya.

"Ikaw lang ang makasasagot niyan," sagot ni Michael. Hindi na sila nag-imikan hanggang makarating sa kani-kanilang bahay.


EWAN niya kung naapektuhan siya ng pag-uusap nilang yaon ni Michael. Nang mga sumunod na araw, parang naging kapuna-puna sa kanya ang angking katabaan. Ang kanyang leeg, malapit-lapit na niyang hindi makita. Ang kanyang baywang at balakang, iisa siguro ang sukat. Ang kanyang dibdib, mabigat na ring dalhin. Ang kanyang mukha, parang enseymadang-Malolos. Hindi na nga siya tinitingnan ng ibang lalaki, pero di iyon problema, may Elmer namang tumitingin sa kanya. Pero nang magbrown-out sa Makati at kinailangang umakyat siya sa hagdan, hanggang tenth floor, noon siya natakot. Hindi siya makahinga. Para siyang nauupos na kandila. Tumigil na siya sa ikaapat na palapag at hindi na tinangkang pumanhik pa sa kinaroroonan ng kanilang opisina.

Noon niya binanggit kay Elmer ang pagpasok sa isang fitness center. Nagulat siya, nabahala, nakadama ng pagkabigo sa naging reaksiyon ni Elmer. "Bakit pa. Mahal kita kahit ganyan ka."

"For health reasons," sagot niya. Hindi pa rin niya makali-kalimutan ang tila sasabog na dibdib sa matinding pagkahapong nadama nang magbrown-out sa Makati.

Tiningnan siya ni Elmer, umiling. "Vanity," wika nito. "Pareho ka rin pala ng iba, Anna. Gusto'y seksi, maging tampulan ng pansin. O baka gusto mong maligawan pa ng iba."

Nag-init ang kanyang mukha. Parang umakyat lahat ang dugo niya sa ulo. "Diyos ko, Elmer, hindi mo ba naiintindihan ang kuwento ko sa 'yo. Na hindi ako halos makahinga sa pagod dahil sa katabaan ko."

Nakatingin sa malayo si Elmer. "Ang nanay ko Anna... kasing ganda mo. Pero seksi pa rin kahit nanganak na ng lima. Tuksuhin. At magulo ang naging buhay namin. Lagi silang nag-aaway ng tatay. Lumaki akong ganoon..."

Elmer. Elmer. Ang awa ay nanulay sa kanyang tinig. At malinaw niyang naunawaan ang lahat. At nakabuo siya ng pasiya. Ang isang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng isa ring pagkakamalli. Nagkamali siya nang ang kahungkagang bunga ng pagkawala ni Roy ay takpan niya nang pagkaing walang ayos. At ang kanyang katabaan ay maling maging panakip din sa kakulangan ng pagtitiwala sa sarili na nadarama ni Elmer. Hindi pag-ibig ang nadarama nila sa isa't isa.

Naalala niya si Michael at ang pakahulugan nito sa tunay na pag-ibig. Agad niya itong tinawagan. "Pwede ba, samahan mo 'kong mag-enrol d'yan sa fitness center na pinupuntahan mo?"

Yes yes yes, ulit-ulit na sagot ni Michael.


May 18, 1992 LIWAYWAY

Wednesday, August 24, 2011

TULANG PANG-HIGH SCHOOL


TULANG PANG-HIGH SCHOOL


Isang tagasubaybay ang wari ay naghahanap ng mga tulang pang-high school. Noong nasa high school kami, at ito ay marami nang taon ang nakalipas, may subject kami na ang tawag ay English & Literature. Kasama rito ang pag-aaral ng grammar na ang isa sa mga paborito namin ay ang diagramming. Ito ay ang pag-analisa sa isang mahabang sentence sa pamamagitan ng diagram at tukuyin ang gamit ng bawat salita rito. Kung alin ang subject, ang predicate, ang object, and article, preposition at kung anu-ano pa na dapat ilagay sa dapat kalagyan sa pamamagitan ng diagram.

Isa pang paborito namin ay ang Literature. Hanggang ngayon ay natatandaan pa namin sina Silas Marner at Ichabod Crane. At higit sa lahat, ang mga ipinamememoryang tula, na marami sa amin, hanggang ngayon, ay nakatatanda pa sa mga ito.

Sino ang makalilimot sa “The Passionate Shepherd to His Love” ni Christopher Marlowe -

Come live with me and be my love
And we will all the pleasures prove
That hills and valleys, dales and fields,
Or woods and steepy mountains yields.

And we will sit upon the rocks
Seeing the shepherds feed their flocks
By shallow rivers, to whose falls
Melodious birds sing madrigals.

And I will make thee beds of roses
And a thousand fragrant posies,
A cap of flowers, and a kirtle
Embroidered all with leaves of myrtle;

A gown made of the finest wool,
Which from our pretty lambs we pull;
Fair lined slippers for the cold,
With buckles of the purest gold;

A belt of straw and ivy buds
With coral clasps and amber studs;
And if these pleasures may thee move,
Come live with me and be my love.

The shepherds swains shall dance and sing
For thy delight each May morning:
If these delights thy mind may move,
Then live with me and be my love.

Naaalaala pa namin kung paano ito bigkasin ng aming guro. Parang ninanamnam ang bawat salita. Nag-aanyaya. Halina, mahal... At ang mga batang puso namin ay nangarap na sana, may isang talisuyong darating sa aming buhay at kami ay yayayaing sumama sa kanya.

Ipinakabisa rin sa amin ang “Native Land” from the Lay of the Last Minstrel ni Sir Walter Scott -

Breathes there the man, with soul so dead,
Who never to himself hath said,
This is my own, my native land?

Ang ilang stanza sa Elegy Written in a Country Churchyard ni Thomas Gray -

Let not ambition mock their useful toil,
Their homely joys, and destiny obscure;
Nor grandeur hear with a disdainful smile
The short and simple annals of the poor.

The boast of heraldry, the pomp of power,
And all that beauty, all that wealth e'er gave
Awaits alike th' inevitable hour: -
The paths of glory lead but to the grave.

Gayundin ang “The Daffodils” ni William Wordsworth - na sa unang pagkakataon, sa isang pagtungo ko sa USA, ay nakakita ako ng bulaklak na ito, hindi ko napigilan ang hagilapin sa isip ang stanza na ipinakabisa noon ng aming guro -

I wandered lonely as a cloud
That floats on high o'er vales and hills,
When all at once I saw a crowd,
A host of golden daffodils,
Beside the lake, beneath the trees
Fluttering and dancing in the breeze.

E, si “Abou Ben Adhem” ni Leigh Hunt? Isang panahong itinuring ko siyang idolo. Tanda ko ang isang bahagi ng tulang ito tungkol sa isang anghel na nakita niyang nagsusulat sa isang ginintuang aklat:

Exceeding peace had made Ben Adhem bold,
And to the presence in the room he said,
'What writest thou?' - The vision rais'd its head,
And with a look made of all sweet accord,
Answer'd, “The names of those who love the lord,'
'And is mine one?' said Abou. 'Nay, not so,'
Replied the angel. Abou spoke more low,
But cheerly still; and said, 'I pray thee, then,
Write me as one that loves his fellow men.'
The angel wrote, and vanish'd. The next night
It came again with a great wakening light,
And show'd the names whom love of God had blest,
And lo! Ben Adhem's name led all the rest.

At kapag kami naman ay dinadalaw ng lungkot (kuno, maarte rin naman ang mga teen-ager noon, walang kaibhan sa mga teen-ager ngayon), at natingala sa langit, nakakita ng sumisilay na tala pagkalubog ng araw, may tula na agad kaming naiisipang bigkasin, ang “Crossing the Bar” ni Alfred Tennyson -

Sunset and evening star
And one clear call for me!
And may there be no moaning of the bar,
When I put out to see.

---- ---

Twilight and evening bell,
And after that the dark!
And may there be no sadness of farewell;
When I embark;

At ang huling stanza ng “Invictus” ni William Ernest Henley -

It matters not, how strait the gate,
How charged with punishments the scroll,
I am the master of my fate:
I am the captain of my soul.

Ngunit halos lahat ay memorized by heart ang “Sonnets from the Portuguese” ni Elizabeth Barrett Browning! Ito ang paborito ng mga may crush noon.

How do I love thee? Let me count the ways.
I love thee to the depth and breadth and height
My soul can reach, when feeling out of sight
For the ends of Being and Ideal Grace.
I love thee to the level of every day's
Most quiet need, by sun and candlelight...

Na tinatapos sa “and if God choose, I shall but love thee better after death.” Pero siempre, noon ito, noong mga bata pa na very idealistic ang tanaw sa mundo.

Ngayon, may naiba man, may isang bagay pa rin na hindi nagbago sa aking paningin. Na aking pinaniniwalaan. Pinanghahawakan. Ito ay ang “Sonnet CXVI” ni William Shakespeare -

Let me not the marriage of true minds
Admit impediments. Love is not love
which alters when it alteration finds,
Or bends with the remover to remove.
O no! It is an ever-fixed mark
That looks on tempests, and is never shaken;
It is the star to every wandering bark,
Whose worth's unknown, although his height be taken.
Love's not Time's fool, though rosy lips and cheeks
within his bending sickle's compass come;
Love alters not with his brief hours and weeks,
But bears it out even to the edge of doom.
If this be error and upon me proved,
I never writ, nor no man ever loved.

Ganda, di ba? Kaya lamang, sa kwento kong “Si Taba”, hindi naniniwala rito si Michael nang i-recite sa kanya ito ni Anna. Bakit kaya?

Abangan “Si Taba!”





























Sunday, August 21, 2011

August 21, 2011 - A Special Day


These are the golden years...
These are the days of love...
As each new dawn appears...
Love stays in view!

Friday, August 19, 2011

ROBI DOMINGO, MULI


ROBI DOMINGO, MULI


Agosto 18. Bago mananghali. Tumanggap ako ng text mula sa kaiskwela ng aking asawa. Taga-California ito na ngayo'y nasa Guiguinto at doon na naninirahan. Isang Robi Fan, na napanood siya sa Pinoy Big Brother noon at everytime may news tungkol kay Robi, agad sinasabi sa akin dahil alam niya ang kuwentong minsan isang panahon ay nakilala ko si Robi habang istudyante pa sa Ateneo at may assignment tungkol sa Creative Writing siguro. Sabi niya sa text: Tune in kay Kris. Interview sa bahay ni Robi.

Agad ko namang binuksan ang telebisyon at nakita ko nga sila sa magandang bahay nina Robi. Nasa kusina sila at tinitikman pa ni Kris ang Oreo na binalot sa pancake batter or something. Masarap daw, naiiba. Kasunod nito ay inilibot ni Robi si Kris sa mga kuwarto sa bahay. Sinilip ang Master's bedroom kung saan may ekstrang sofa sa tabi ng bed. Nakatutuwa. Ang sabi ni Robi, doon raw siya pinahihiga kung minsan at nahihiling ng kanyang mga magulang na doon siya matulog, kasama pa rin ang bunso niyang kapatid. Sabi nga ni Kris, parang bonding ng pamilya. Dito masisilip kung anong uri ng samahan o relasyon ang pamilya nina Robi.

Ipinakita rin niya ang kanyang sariling kuwarto, ang maayos na salansan ng kanyang mga damit sa kabinet, ang koleksiyon ng kanyang mga sombrero. Pinaringgan din niya si Kris ng tugtugin sa kanyang organ.

Sa interview, naitanong ni Kris kung saan napupunta ang kinikita niya sa showbiz. Ang sagot ni Robi? Ibinibigay niya sa kanyang Mommy! Typical Filipino set-up. At binibigyan siya ng “baon” na isang libo isang linggo. Nagulat pa si Kris dahil aniya'y mahal ang gasolina, e, nagmamaneho ng kotse si Robi. Sabi naman ni Robi ay charge ang kotse sa credit card. At may baon din siyang snack paminsan.

Tinanong pa rin ni Kris kung ano ang balak ni Robi sa hinaharap. Kung itutuloy ang showbiz o tatapusin ang kursong medisina, na propesyon kapwa ng kanyang mga magulang. Sabi ni Robi, kung may magandang oportunidad sa showbiz, titigil siya ng isang taon para dito, ngunit definitely, tatapusin niya ang pag-aaral kung saan niya gagamitin ang kanyang naipong pera. Sa tanong ni Kris na kailan siya magpapagawa ng sariling bahay, ang sabi ni Robi ay pagsapit niya siguro ng 30 hanggang 35 anyos, doon na siya mag-iisp tungkol dito, dahil gusto muna niyang maging stable na siya at nasa ayos sa kanyang propesyon bago magbalak ng malaking proyekto.

Labis kong ikinatutuwa ang mga nakita at narinig sa interview ni Kris kay Robi. Nang makita ko si Robi noong istudyante pa lamang siya ay nabanggit nga niyang medisina ang kukunin niyang kurso pagkatapos ng high school. Ngunit hindi nga naglaon at napabilang siya sa reality show na Pinoy Big Brother. Naisip ko lamang noon, kapag nawili ito sa showbiz, baka malimutan na ang kanyang pag-aaral. Salutatorian pa naman yata siya noon. Sayang, sa loob-loob ko. Sa pagdaraan ng mga araw, sa manaka-nakang panonood ng telebisyon kung saan natatapatan ko siyang lumalabas, o sa paminsan-minsan pagbasa sa mga diyaryo at magasin kung saan siya ang isinulat, agad kong tinitingnan kung tuloy pa ba ang kanyang pag-aaral... Tuwing napupunta ako sa Medical City at natatanaw ko ang building ng Ateneo sa tabi nito, naiisip ko siya, dahil nabanggit pa rin niya noon na dito siya papasok.

Sa panahong ito, na iba't ibang uri ng mga kabataan ang nakakasalamuha ko, hindi ko maiwasang maalaala ang unang impresyon ko nang makilala ko si Robi. Ito ay mababasa sa aking blog dito, Mayo 16, 2008 (Robi Domingo, Atenista sa Pinoy Big Brother) at Enero 02, 2009 (Robi Domingo, My Brush with a Celebrity). Hindi ako nagkamali ng pagkakilala sa kanya, na isang magalang, mabait na bata. Mababakas pa rin ito sa kanyang mga kilos at pananalita, kahit gumagalaw na siya sa loob ng industriya ng showbiz.

Kaya, natutuwa akong lubos sa pagkapanood sa magandang interview ni Kris kay Robi. Sa magaling na pag-i-interview ni Kris. At sa nag-text sa akin. Salamat.

Tuesday, August 16, 2011

USAPANG TUMIMO SA ISIPAN


USAPANG TUMIMO SA ISIPAN


Tulad ng remembering moments, sa ating buhay ay mayroon ding mga mumunti o maiigsing pag-uusap na natatanim sa ating isip. Hindi naman sa talaga nating tinandaan ito para huwag malimutan. Na tulad ng pag-aaral ng leksiyon noong araw. Tunay lamang na ito ay kusang tumitimo at natatanim sa diwa. Kaya lamang natin natatanto na ganito nga pala ito, ay sa mga panahon o sandaling bigla na lamang itong gigitaw sa ating isipan. Maliwanag. Parang ibinabalik tayo sa panahon. Waring naririnig pa natin ang mga tinig. Nalalarawan ang eksena. Nababasa ang mga damdaming noo'y nadarama. Maaaring katawa-tawa. O katuwa-tuwa. O may kirot na dala. Lumbay. Tagumpay. Kasiyahan.

Naisip ko lamang ang mga ito nang magising ako nang maaga isang araw at sa aking pagkakahiga ay biglang sumulpot sa isipan ang isang eksena... ang isang usapan...

-Nakatatawa. Bagong tapos ako sa kolehiyo. Nagbabakasyon pa, bagama't nakikibalita na sa mga kakilala kung saan makakakita ng trabaho. Nang may nakapagsabi, isang dating kaiskwela sa UE, na nangangailangan raw ng bookkeeper ang kanilang opisina, isang hindi kalakihang kumpanya. Agad akong pumunta rito, kasama ang isang kaibigan sa dormitoryo. Unang tingin pa lamang sa akin ng may-ari ng opisina, alam kong hindi niya ako type na kunin. Nagustuhan pa nga niya iyong kasama ko (maganda!) Iyon pa man, kinausap niya ako, tinanong ng mga usual na tanong. Wala raw naman pala akong experience magtrabaho... at sa himig ng kanyang tinig, e, parang tinatapos na niya iyong pag-uusap namin.

Kaso, wala naman siyang sinasabi na dahil wala akong karanasan sa trabaho ay hindi niya ako kukunin, kaya hindi ako umaalis sa pagkakaupo sa harap ng mesa niya. Ilang sandaling ganoon ang situwasyon namin.

Kalaunan, sabi na lang, "Tingnan ko nga kung maganda ang penmanship mo, baka parang kinalkal ng manok." tulad raw noong kaiskwela kong empleyada niya na nagsabi sa akin ng tungkol sa pangangailangan nila ng bookkeeper.

Kaya nagsulat naman ako ng biodata ko. Pangalan. Address. Birthplace. Birthdate. Kursong tinapos. Etcetera. At ibinigay ko sa kanya. At ang sumunod ay ang usapang hindi ko malilimutan.


Mr. M: Taga-Malolos ka pala. Marami akong kilala doon. Si Ben Reyes, kilala mo?

Ako: (Maraming Reyes sa Malolos). A, oho, barkada ng kapatid ko. (Later ko na lamang nalaman na iba iyong sinasabi niya.)

Mr. M: (Dumating ang pagbasa sa araw ng aking kapanganakan, at sa malakas na tinig...) P_t___g 'na! Ka-kumpleanyo pala kita (pareho kami ng birthday)! Matalino ka kung ganoon! Sige, umpisa ka na sa Lunes.

At doon nagsimula ang kabanata ng aking buhay-empleyada. Walang IQ o psychological exam. Walang medical exam. Basta, swerte lang, magkapareho kami ng birthday ng aking magiging boss. Sa palagay ko nama'y hindi ko siya binigo sa kanyang assessment sa akin :-)

-Nakakatawa pa rin. Binabantayan ko ang panganay kong anak na bagong pasok sa kindergarten. Katabi ko ang isa ring Mommy na nagbabantay. Siempre kwentuhan muna, hanggang umabot sa siyanga pala... nagpakilalanan kami. At ganito naman ang aming usapan.

Ako: Evelyn ako. Sebastian. Bago lang dito. Bulacan kami talaga.

Sinabi niya ang kanyang first name, sunod ay ang apelyido.

Siya: Malvar ako. Batangas.

Ako: (nagbibiro) E, di kamag-anak mo si Gen. Malvar. (Ganito naman ang natural na takbo ng usapan ng bagong magkakilala. Kumbaga kung ang apelyido ay Marcos o Aquino, bibiruin agad, e, di kamag-anak mo si Presidente! Na mas malamang na hindi kaysa oo. Kaya lang, ganito ang sagot niya.)

Siya: A, oo. Iyong biyenan ko ay anak ni Gen. Malvar.

Natawa ako (pero sa totoo lang, medyo napahiya, hehheh). Pero narito ang isa pang usapang nakatatawang/sobrang nakahihiya. Ashamed talaga!

-Imbitado kaming magkakaiskwela sa high school sa piano recital ng anak ng isang kaiskwelang lalaki. Pagkatapos ng recital, nang papunta na kami sa reception, dalawa kaming babae ang napasakay sa kotse na sinasakyan rin ni George Canceco, ang bantog na songwriter, na kamag-anak noong asawa ng aming kaiskwelang nang-imbita. Excited kami. Kinakausap kami ni Canceco.

Sabi namin, naku, favorite namin ang mga kanta mo.

Itinanong ngayon ni Canceco kung alin ang pinakagusto namin.

Bilang sagot, sabay pa kaming kumanta ng aking kasama: Ikaw lamang ang aking iibigin, magpakailanman...

Nakupo, ang tawa ni George Canceco. Sabi niya, e, hindi akin iyon. Kay Hernani Cuenco iyon, Gaano Ko Ikaw Kamahal!

Talagang hiyang-hiya kami, pero wala kaming magawa, nasa loob kami ng kotse na tumatakbo. (For info naman ng makababasa nito, si Hernani Cuenco ay kapatid naman ng isa naming kaiskwela na aming maestra sa choral group ng klase. At saka para makabawi, agad namang kumanta ulit ang aking kasama ng ...

Ngayon at Kailanman... Sumpa ko'y iibigin ka ngayon at kailanman, Hindi ka na mag-iisa ngayon at kailanman... Asahan may kasama ka...


-Mayroon mga dayalog na nakatatawa kapag naalaala at mayroon namang mga dayalog na nakapagpaisip tuwing sasagi sa isipan ngayon. Tulad ng kwento ng isang kasama sa dormitoryo. Isang kaibigan niya ang dumadalaw, regular, sa kanya sa dorm. Kaibigan lamang niya ito at sa totoo nga'y may nobya na. Ipinakita pa sa kaniya ang larawan ng babae. Nagkwento rin tungkol dito. Pero minsan, tinanong siya ng kanyang kaibigan kung sa kanyang palagay ay iyon na nga kaya ang tamang babae para dito. Na sinagot lamang niya ng kibit ng balikat dahil hindi naman niya kilala ang nobya ng kanyang kaibigan.

Sunod, ito ang sinabi ng kanyang kaibigan: Sabihin mo lang kung ayaw mo sa kanya at i-bre-break ko siya...

Na ipinagtaka ng kasama ko sa dorm, pero hindi niya lubusang binigyan ng pansin o halaga o kahulugan o kasagutan. Naisip lamang niya, bakit? Bakit ibabatay sa kanyang kagustuhan ang relasyon nito sa nobya. Pero, bata pa siya noon at marami pang ibang pinagkakaabalahan sa kanyang buhay teen-ager. At inari niyang biro ang sinabi nito, dahil kung seseryusohin niya ang sinabi nito, parang may ibang kahulugan. Ngayon, kapag naalala niya ang nasabing dayalog, iisa pa rin ang kanyang tanong. Bakit? Ito ba'y birong totoo?

-May isa pang dayalog na halos katulad nito na kwento ng isa pa ring kaibigan. Mayroon daw siyang kaibigang matalik. Magkasundo sila. Parang complementary ang kanilang personalidad. Sa kwentuhan. Sa mga lakaran. Sa biruan. Sa musika. Sa paningin ng iba, good match sila. At akala nga siguro ng marami ay magkasintahan sila. Bakit madalas pa niyang marinig ang kanta noon na “don't throw bouquets at me, don't please my folks too much, don't laugh at my jokes too much, people will say we're in love....

Pero ang kaibigan kong ito ay sigurado na wala silang relasyon. Hindi naman nanligaw ang binata sa kanya, kahit dinadalaw siya o tinatawagan o inaalaala sa mga okasyon, kaya enjoy lamang siya. Ni hindi niya naisip na sana'y ligawan siya. Dahil kapag dumaan ito sa kanyang isipan, hindi maliwanag ang nadarama niya para dito. Sabi nga niya, she was just living the moment. Hanggang isang gabi ng pagdalaw sa kanya, masinsinan siyang kinausap nito. Seryosong usapan. Na nang ikinukwento niya sa akin ay hindi naman niya masabi ang iksaktong dayalog.


Because it was more of a facial, body language ang namagitan sa kanila. Halos hindi raw makapagsalita ang kanyang kaibigan. Seryosong-seryoso sa pakikipag-usap. Parang hindi makapa ang salitang sasabihin. She just got the impression na nakikipaghiwalay ito sa kanya. Sabi nga ay not so much in the words that he uttered, but in the words that remained unsaid. Na parang, the end na ng kanilang relasyon. (At hindi na nga sila nagkita pagkatapos noon.)

Dumb as she was, ang amin niya sa akin, tumango na lamang daw siya nang tumango, meaning she understands. Nauunawaan niya. Okey lang. Pero hanggang ngayon, kapag naiisip niya ang gabing iyon, iisa rin ang tanong niya. Bakit siya parang bine-break, e, wala naman silang relasyon. It never entered her mind na mayroon. Talagang nakapagpapaisip.

Mayroon ding mga tipong one-liner akong naaalaala na hindi lamang tumitimo sa isipan kundi nagiging batayan pa nang pagbabago sa buhay ng isang tao. Tulad nang nangyari sa akin at sa mga sumusunod na tipong-payo, pero nabanggit lamang sa mga kaswal na usapan mula sa mga kaibigan at pamilya:

-Ako, prangka. Kung gusto ko ang isang tao, malalaman niyang gusto ko siyang kasama o kaibigan. Open ako sa pagpapakita ng feelings ko. (Teen-ager kami noon. Somehow, nag-rub on sa akin ang sinabing ito ng aking kaibigan. Kaya after that, may bahagyang pagbabago sa akin. Kapag okey ka sa akin, mararamdaman mong okey ka sa akin. Dati, parang masyado ang mental reservation ko. Although, kung iniisip ko ito ngayon, ang bottomline talaga ay self-confidence. Kung buo ito, wala talagang problema sa mga interactions.)

-Nasasabi mo lamang iyan, kasi ay hindi mo pa ito nararanasan. (Ito ang sabi sa akin nang magkomentaryo ako na mabuti pang matulog kaysa magpuyat na kasama ang barkada, dahil noo'y wala pa akong barkada. Nasa edad akong alanganin noon, hindi na bata pero hindi pa dalagita. At totoo nga iyon. Dahil basta matino ang barkada, walang magiging problema. Dahil dito'y natutuhan ko rin ang umunawa ng damdamin ng iba. Agad kong nailalagay ang aking sarili sa kanilang kalagayan, sa kanilang nararanasan. Ang resulta nito, hindi ako naging “judgmental”.

-Don't go with the mob rule. Hindi ngayon at lahat ay gumagawa noon, gagaya ka na. Hindi ngayon at ang marami ay ganoon ang opinyon, ay sasama ka na rin doon. Matuto kang mag-isip para sa iyong sarili. (Ito ay sinabi sa akin nang tumira ako sa dormitoryo. It shaped me in a big way that I handed down this bit to my own children.)

-Moderation is the rule. (Lumaki naman talaga akong “moderate” sa mga bagay-bagay, except at being happy and positive, at sa pagtawa na bigay na bigay na sabi nga ng ilang kaibigan ay patented,.)

-Don't get discouraged receiving rejection slips. Keep on writing. (Sa nagsabi sa akin noon, na bumalik na sa kanyang “pinagmulan”, salamat, salamat, salamat. Ang kanyang sinabi ang naging alalay ko't tungkod sa aking pagsusulat.)

-Inggit lang kayo! (Mga bata pa kami nang sabihan nito, nang may pinagtsi-tsismisan kaming ibang tao. Dahil dito, natutuhan kong ihiwalay ang “inggit” sa talagang “isyu” na pinag-uusapan. Isa pa, sa aking sarili ay naanalisa ko na ring iba-iba ang inggit. May tinatawag na pananaghili. Mas maganda, mas marunong, mas mayaman – maaaring madama ito ng isang tao kung hindi siya ganito, but if one doesn't wish these people ill, human trait lamang ang managhili. Magsikap na lang na makamtan ang pwedeng makamtan, at tanggapin ang hindi. Ngunit may tinatawag na masamang inggit. Ito ang nagtsi-tsismis ng hindi totoo, para lamang mapasama ang isang taong kinaiinggitan.)

Iyan ang mga salitang binitiwan sa mga kaswal na usapan na hindi man tinandaan ay natanim sa isipan. At kahit sa munting paraan, ay nakatulong sa paghubog sa aking katauhan.

-Pero ang huling ito ay nakatutuwa. At happy ending. Isang kabarkadang lalake ang isinama ako sa pagsundo sa kanyang girlfriend. Nagpunta kami sa graduation ng isang pinsan. Dinatnan namin doon sa bahay na pinuntahan namin ang kaniyang ina, tiya at mga pinsan at ang isa pa niyang kapatid na kabarkada rin namin, kasama rin ang girlfriend nito. Dahil magkakababayan kami, agad kong binati at tinukso ang Inang nila.

Ang sabi ko: Uyyy, narito lahat ang mamanugangin niya... (na ang tinutukoy ko ay ang dalawang dalagang nobya ng mga binata niya, na ikinatawa nito nang husto)

At nangyari ngang naroong lahat ang mamanugangin niya. Ang girlfriend ng dalawang anak na binata. At... siyanga pala, tatlo nga palang binata ang mga anak niya na pawang kabarkada namin.

Gets n'yo? :-) :-)

Tuesday, August 9, 2011

TALASALITAAN NG MGA TAGASUBAYBAY


TALASALITAAN NG MGA TAGASUBAYBAY


Mula sa mga nagtatanong at humihingi ng kaunting paliwanag tungkol sa mga sumusunod na salita (as of July 31, 2011), sana'y makatulong ang sasabihin ko rito. Inaanyayahan ko rin ang iba na ibahagi ang kanilang nalalaman sa mga salitang nabanggit, alalaon baga'y naiibang kahulugan na karaniwan nang nangyayari, batay sa lalawigan o pook na pinanggalingan ng gumagamit. Email lang ako sa

eve.manunulat@gmail.com

Simulan natin sa -


-damuko- Ano raw ba ang damuko. Ang damuko ay kamag-anak ng alimango, alimasag at talangka. Ito ang pinakasimpling paglalarawan dito. Mas malaki ito sa talangka at maliit sa alimasag. Makapal at mas magaspang ang talukap nito sa talangka at mamerde-merde ang taba o aligi. Medyo mapait-pait pa, sa pagkatanda ko, kaya hindi ko nagustuhan noon. Wala na akong nakikitang damuko ngayon. Dahil nabanggit ang talangka, nais ko na ring isingit na “miss” ko nang mabuti ang “burong talangka” at ang aligi nito, kasama ang “aspalto” sa talukap nito na “pinapala” ng kuko ng hinlalaki, isinasawsaw sa maasim na sukang-Paombong na may hiniwang luya, at ihahalo (hindi ko gagamitin ang talagang termino) sa mainit na kanin! Ayyy...

-gumitaw- Minsan, sa iyong pag-iisa, may maririnig kang awit. Goodbye, I hate to see you go, but have a good time... Unang nota pa lamang ng kanta, agad nang gumitaw sa iyong alaala ang mga nagdaang araw ng iyong kabataan. Ibig sabihin, biglang sumulpot sa isip mo ang larawan ng isang ex. Hindi lamang awit ang magbubunsod nang paggitaw sa isip ng anuman. Pwedeng halimuyak ng bulaklak, tulad nang sampagita. Agad nang gigitaw ang gunita ng mga santakrusan sa probinsiya. O pabangong Chanel No. 5. Regalo ng nobyong hindi nakatuluyan.


-ipilig- Alam mo ang sensasyon na parang may malamig na bagay na humagod sa likod mo? May kilabot na gumapang dito? Napapapilig ka. Tipong kinilig o medyo kuminig. Nangyayari rin ito kung may narinig kang sinabi sa iyo na lubhang nakaapekto sa damdamin mo. Parang isang reaksiyon, napapapilig ang iyong ulo.

-kinikilatis- A, dito pumapasok ang mga manliligaw na sa unang pagdalaw sa nililigawan ay kinikilatis ng mga magulang. Ibig sabihin, pinagmamasdang tunay, kahima't palihim lamang. Tinitingnan kung paano kumilos – baka magaslaw; magsalita – magalang ba sa matatanda, baka malakas tatawa; mukha bang seryoso, hindi manloloko; at sa talagang mahigpit na mga magulang at pamilya, may pinag-aralan ba, may hanap-buhay, mabuting pamilya ang pinagmulan.

-kinatay- Ginagamit ito sa paglapa ng karne ng baboy o baka o manok. Pinaghiwa-hiwa at pinaghiwa-hiwalay. Nariyan na ang sirloin, tenderloin o lomo, at iba-iba. Kung pista sa mga baryo noong araw, uso ang magkatay ng baboy. Mula sa kinatay na baboy, pwede nang magdinuguan at mag-menudo at mechado at iba pang mga “do” na karaniwan nang handa, lalo at hermano pa sa pakakaining banda ng mosiko.

-kalaunan- Halimbawa, ang isang pag-asawahan, kalaunan ay magkakaanak. Ang isang nag-iipon ng pera, kalaunan ay lumalaki ang savings sa bangko. Ang isang sugarol, kalaunan ay nalulustay at naipagbibili ang lahat ng kanyang kabuhayan. Kapag may ginawa kang isang bagay, kalaunan, aanihin mo ang bunga ng iyong ginawa. Pag may isinuksok, may dudukutin. Pag may itinanim, may aanihin.

-likas- likas siyang masayahin; likas na masipag; likas na maganda ang tinig. Kumbaga ay natural sa kanya. Sabi nga ng isang magulang, pare-pareho naman ang pagkapalaki niya sa kanyang mga anak, ngunit talagang may likas na maalalahanin. Nasasabi tuloy na “ipinanganak siyang ganyan!”

-nalamuyot- ito ay nababasang “nalamuyot ang kanyang kalooban”. Halimbawa, nagpapaalam ang isang anak na gusto nang mag-asawa, pero ayaw pa ng mga magulang dahil bata pa ito. Sa kapapakiusap ng anak, sa paglalambing niya, sa paggawa ng mumunting bagay na ikasisiya ng mga magulang, “nalamuyot” rin ang kalooban ng mga ito at tuloy pumayag nang mag-asawa ang anak. O isang asawang nagkasala sa kanyang kabiyak. Nagalit siyempre. Pero, sa ipinakitang pagsisisi ng nagkasala, nalamuyot rin ang kalooban ng pinagkasalahan at tinanggap na ang pagbabalik nito.

-nakaismid- kapag sinabing nakalabi, larawan ito ng nakalabas ang labi na medyo nakasimangot (negatibo ang dating); Ang mga batang nakagalitan, agad nang lalabi na matutuloy sa pag-iyak; kapag nakaismid, larawan ito ng parang nakabiting ngiti na nakatutuya o nanlalait (negatibo rin ang dating); Karaniwang umiismid ay mga taong sa palagay nila'y mas magaling sila sa iba.

-nahihimlay- ginagamit ito sa taong pumanaw na. Parang Himlayang Pilipino, isang sementeryo sa Metro Manila. Kung poetic naman ang dating, tulad nang nakalagay sa back cover ng aking aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig -

Minsan, sa ating buhay, May Isang Pag-ibig

Sa puso'y nakahimlay at nananahimik,

Sa indayog ng tula at lambing ng awit

Kusang gumigising sa pagkakaidlip.

Ibig sabihin ng nakahimlay rito ay natutulog o nakabaon na sa kaibuturan ng puso (na in effect, nakalibing rin ang kahulugan) at hindi na inaalala, dahil siguro, ang pag-ibig niyang ito ay hindi naman niya nakatuluyan.

-nagmamaliw- kung walang pagkamaliw ang iyong pag-ibig, ibig sabihin, hindi ka magbabago kailanman; ngunit para sa isang taong salawahan, na marupok ang pag-ibig, anumang damdamin niya para sa iba ay agad nagmamaliw o nawawala o kumukupas.

-nakasamyo- samyo ay ginagamit sa mga halimuyak ng bulaklak o pabango; kapag pagkain ang tinutukoy, karaniwang gamit ay nakaamoy; ito ring huli ang ginagamit sa mga hindi kanais-nais na amoy.

-nasubhan- ang isang siga na pinagdiringas ng mga tuyong dahon, kapag inulan o nabuhusan ng tubig, agad nasusubhan ang apoy. Namamatay ang dingas. Kung ginagamit sa panitikan, nasubhan ang nag-iinit na damdamin ng isang lalaki sa pakikipag-ulayaw sa kanyang bagong kasintahan nang gumitaw sa kanyang isip ang larawan ng asawa at mga anak.

-napadpad- ginagamit sa mga sasakyan sa tubig na inabot ng unos, tinangay ng malalaking alon patungo sa kung saan, hanggang sa napadpad sa isang isla. Kung minsan naman, ginagamit rin ito ng isang taong hindi isinilang sa isang lugar ngunit doon na naninirahan. Kapag siya ay natanong, isinasagot niyang siya ay napadpad lamang doon. Ibig sabihin, napunta doon, sunod ay doon na nanirahan, nagustuhan na niya. Tulad namin, kami ay padpad lamang sa Marikina, dahil taal kaming taga Bulacan. Sa bagong lingo, kami ay immigrant sa Marikina. Pero emigrant from Bulacan.

-pinapag-ulap – karaniwang ginagamit ito sa paglalarawan ng emosyon ng isang tao na mababakas sa kanyang mukha. Halimbawa, pinapag-ulap ang mukha ng isang dalaga ng balitang nakita ang kasintahan niyang may kasamang ibang babae. Ulap is cloud. Parang natabingan ng ulap. Nawala ang kislap ng mga mata, ang ngiti sa mga labi. Tulad rin kapag natabingan ng ulap ang mukha ng buwan o araw, nawawala ang liwanag.

-pagtatalusira- a, kapag nabalitaan ng isang dalaga na ang kanyang kasintahan ay nakitang may kasamang ibang babae, pagbibintangan na nito na nagtatalusira ang lalake sa kanilang sumpaang sila lamang, wala nang iba. Ibig sabihin, ang pagtatalusira ay pagsira sa isang pangako o usapan. Napipinto na ang kanilang paghihiwalay dahil sa pagtatalusirang ito kung hindi magpapatawad ang dalaga.

-pagbibistay- noong araw, mayroon mang mga kiskisan ng palay, karaniwan nang bawat nagsasaka ng bukirin ay may pag-aaring lusong (mortar) at pambayo (pestle) sa kanilang bakuran. Dito nila binabayo ang palay na sa pagkabasag ng bawat butil ay nahihiwalay ang ipa sa bigas. Ilalagay nila ito sa bilao at tinatahip kung saan ipinalilipad sa hangin ang mga ipang ihinihiwalay sa bigas. Ang pagbibistay naman ay ang kasunod na ginagawa dito kung saan iniikot-ikot ang bilao, paitsa-itsa ang laman, para naman mahiwalay ang medyo nadurog na bigas (binlid) sa mga buo pa. Siempre, iba ang presyo ng bigas na maraming binlid, kaya sa talagang buung-buo ang butil.

-pagsaulan- kay Balagtas naman ito galing. Kung pagsaulan kong basahin sa isip ang nagdaan araw ng pag-ibig... Ibig lamang sabihin, kung pagbalikan sa alaala...

-suwiki- na swiki ang talagang tawag sa amin. Kapartner ito ng salakab. Mga gamit ng nangingisda. Ang salakab at swiki ay kapwa gawa sa kawayan. Sa halip na hulihin ng kamay ang isang lumalangoy na isda, sasalakabin ito at saka kukunin upang ilagay sa loob ng swiki. Kapag napaloob na sa swiki ang isda, hindi na ito makalalabas, kasi, may saraduhan ito. Isinusukbit ng mangingisda ang swiki sa may dakong balakang niya upang huwag makasagabal sa pananalakab. Parang isang klase ng basket na may saraduhan at walang tangkay o hawakan.

-sinalibad – Karaniwan nang naririnig ito sa mga taga-baryo, na kasunod ang salitang lintik. Sinalibad ka ng lintik! Ito ay kapag ang nagsasalita ay may kagalit o kasamaan ng loob na pinag-uukulan nito. Ibig lamang sabihin, “to be struck by lightning” sa ingles. Tamaan o daanan o hagingan ka ng kidlat.

-salat – dalawa ang kahulugan nito, batay sa gamit. Kung pandiwa, salat o salatin, ay kapa o kapain. O haplos o himas, depende kung kumilos iyong daliri o kamay na ipinangsalat. Ang isa pang kahulugan nito ay kakulangan, tulad nang salat sa yaman, salat sa ganda, salat sa materyal na bagay.

-sinaklot – Ang kanyang buong katauhan ay sinaklot ng pangamba. Ang kanyang puso ay sinaklot ng takot. Ibig sabihin, binalot o napuno ng pangamba o takot.

-sinusugan – dinagdagan, lalo at isang kasulatan ang pinag-uusapan. Sa isang usapan naman, ibig sabihin nito ay inayunan o pinangalawahan, at dinagdagan na rin, ang mungkahi o panukala ng ibang tao.

-tikin – isang mahabang kawayan na ginagamit ng mga namamangka o nasa kasko o baroto, na itinutukod sa nadaraanang ilog, para matulungan at mapabilis sa pag-usad ang bangkang sinasakyan. Gamit rin ito sa kasabihan sa baryo kapag may handaan. Sa mga nakadulog sa mesa, sasabihin ng maybahay, “kumain kayong mabuti, umabot kayo ng ulam”. Ang mga putahe ay karaniwan nang nasa gitna ng mesa. Isasagot naman ng mga inaalok sa pagkain ay ganito: Huwag kayong mag-alala at mahaba ang aming tikin. Ibig sabihin, kung gusto nila ang nasabing ulam, makukuha nila ito. Klaseng metaphor ang gamit sa salitang tikin. O personification? Iyong abilidad na umabot ng ulam sa gitna ng mesa ay ihinalintulad sa haba ng kanyang tikin (bisig).

-talusaling – sensitibo. Parang damong makahiya, masaling lamang ang dahon ay dagli nang tumitiklop. Sa tao, bahagyang mabiro ay agad nasasaktan o napapahiya. Lubhang manipis, madaling tablan ng salitang hindi niya gusto.

-tungtong – na nasa titulo ng aking kwento sa buwan ng Hunyo. May Kasukat na Tungtong. Noong araw, ang gamit sa pagluluto ng sinaing ay palayok. Ito ay may takip o suklob, na ang materyal ay pareho rin ng palayok at kalan noon. Isa pang tawag sa suklob ay tungtong. Kasabihan ng matatanda na lahat ng palayok ay may kasukat na tungtong, kaya lahat raw ng babae ay may katapat o kapalarang lalake. Kaya nga lamang, kung minsan, sa kaso ng palayok, may nababasag na tungtong, kaya, sa tunay na buhay, mayroon ding hindi nakapag-aasawa. Sabida...

-unab – ay paghuhugas ng bigas. Unaban ang bigas.

-uripon – ito, sa panahon ni Amaya, ang tawag sa mga alipin o manggagawa sa kanilang banwa o pamayanan o komunidad.

Sa kasalukuyan, ito ang mga salitang inihahanap nila ng kahulugang kanilang mauunawaan. Sana naman ay makatulong ito sa mga naghahanap.

Hanggang sa muling talasalitaan.



Wednesday, August 3, 2011

AGOSTO 2011


AGOSTO 2011


Buwan na naman ng Agosto. Isang taon na naman ang nadagdag sa lahat ng may kaarawan sa buwan ito. Sa pagkakataong ito ay nais kong mabasa ninyo ang ilang “excerpts” sa isang artikulo na tinanggap ko sa email tungkol sa “pagtanda”, na isinalin ko sa tagalog.

Ang magbilang ng kaarawan na aabot ng kung ilang dekada, sa aking palagay ay isang katangi-tanging regalo na dapat ipagpasalamat at ipagsaya. Sa ngayon, sa unang pagkakataon sa aking buhay, dama ko na ako ang taong nais kong maging ako!

Ngayon, sa kasalukuyang edad natin, naging isa man tayo sa mga pangarap natin noong maliit pa tayo (maging doktor, abogado, inhinyero, pulis, bumbero o titser), ang mahalaga ay kung sa pakiramdam natin, tayo ay ang tayo na gusto nating maging. Siyempre, hindi ang pinag-uusapan dito ay ang mga reklamo natin sa dumaraming kulubot ng mukha, lumalapad na noo o maputing buhok, ang hindi maitagong bilbil o malaking tiyan at lumalapad na balakang, ang kumakatog (minsa'y namamaitsa pa) na pustiso! Nakatatakot namang talaga ang humarap sa salamin kung minsan. Ibig ko lang sabihin, hindi ko ipagpapalit ang kasalukuyan kong buhay – ang aking pamilya, ang mga kaibigan at kaiskwela – sa hitsura at anyo ko nang ako'y bata pa. Sa pagdaraan ng mga taon, naging maunawain ako, hindi lamang sa iba, kundi higit sa aking sarili.

Sa kauna-unahang pagkakataon, itinuring kong kaibigan ako! Ang aking sarili. Ngayon, kung gusto kong kumain ng cake o ice cream o kapiraso pang litson, kumakain ako. Siempre, in moderation. Kung medyo pagod at tinatamad magluto, nariyan ang telepono, tumawag sa delivery. Sa edad na ito, binibigyang-layaw ko ang aking sarili. Kung tinatamad maglinis, e, di manood na lamang ng telebisyon! O kaya, e magpuyat sa pagbabasa ng Harry Potter o Twilight (for the nth time) o sa pagsubaybay sa telenobela, saka matulog hanggang tanghali kinabukasan para makabawi, aba, e wala nang sey doon ang iba. Akin na ang karapatang gawin ang mga bagay na itong gusto ko, na wala naman akong sinasaktan o inaapi. Marami na akong nakitang mga kakilala at kaibigan na lumisan sa daigdig na ito nang biglaan nang mandin ay hindi pa nila nararanasan (ayon sa kanilang naiwang mga kaanak) ang kalayaang dulot ng mga taong sumapit sa kanilang buhay.

Aawitin ko ang himig ng aking kabataan (Elvis Presley, the Beatles, Frank Sinatra). Isasayaw ko ang indak na aking kinasanayan (boogie, cha cha, waltz, slowdrag). At kung nais kong gunitain at muling damahin ang pait ng isang naglahong pag-ibig (sa totoo lang ay wala akong maisip na ganito ka-grabe, ang pagkakaroon ng mga crush noong araw ay isang masayang karanasang nababalik-balikan ko sa isip), ito'y aking gagawin, nang walang guilty conscience sa kasalukuyang kaisang-palad.

Kasama ng aking mga anak at apo sa pamamasyal sa tabing dagat, walang kiyeme akong magsusuot ng aking one-piece swimsuit na panahon pa ng kopong-kopong ang istilo (may peplum). Hindi ko papansinin ang palihin na tingin at ngiti ng iba, tatanda rin sila!

Totoong may pagkakataong malilimutin na ako. Sa pagkakatayo sa puno ng hagdanan, hindi ko alam kung ako'y papanhik o bababa. Sa harap ng nakabukas na refrigerator, ako ba'y may kukunin o may inilagay. Pagpasok sa kuwarto, ano ba ang aking gagawin? Ngunit talagang ganyan, madali naman itong remedyuhan. Bumalik lamang sa dating kinatatayuan, at voila! Maaalaala mo na kung ano ang nalimutan. Isa pa, mayroong mga bagay namang higit na makabubuting limutin. Tulad ng mga hinanakit at sama ng loob na bunga ng walang katuturang bagay.

Natural lamang na tayo ay nakaranas ng pagkabigo, ng siphayo, ng matinding kalungkutan. Sino ba ang hindi nagdaan dito – na namatayan ng isang mahal sa buhay, pamilya o kaibigan o kahit isang alagang hayop. Ngunit ang mga karanasang ito ang nagpapatibay sa ating sarili, nagbibigay ng lakas, nagpapalawak sa unawa.

Dama kong ako, tayong mga umabot sa kasalukuyag edad, ay tunay na pinagpala. Mapalad na narating ang ganitong gulang na buong palalong sinusunong ang abuhin o pinilakang buhok, na buong pagmamalaking ipinamamalas ang malalalim na guhit at gatla sa mukha na bunga ng mga ngiti at halakhak na laging kaakibat sa tuwina. Sa pagdaraan ng mga taon, hindi na tayo nababahala ng mga sabi-sabi ng mga taong walang magawa. Kilala na natin ang ating mga sarili. Ang tunay na ako, ang tunay na tayo. At mahal natin kung anuman o naging sinuman tayo ngayon.

I like being old. It has set me free. I like the person I have become. I am not going to live forever, but while I am still here, I will not waste time lamenting what could have been, or worrying about what will be.

At ngayon buwan ng Agosto, Maligayang Kaarawan sa iyo... sa inyo... at higit sa lahat... sa akin :-)