Saturday, June 25, 2011

PANGITAIN NI ONDOY


PANGITAIN NI ONDOY

Narito na naman ang mga baha. Kaming taga-Marikina, may dalang pangamba at masidhing takot ang pagdatal ng tag-ulan. Bagaman at sa ngayon, hindi lamang kami ang nababahala dahil sa nakikita sa telebisyon at nababasa sa peryodiko, laganap na sa kapuluan at buong daigdig man, ang panganib na dulot ng walang tigil na pag-ulan na nauuwi sa mga pagguho ng lupa, pag-apaw ng mga lawa at ilog, at malawakang pagbaha, huwag nang isama ang tsunami na dulot ng lindol.

Nitong nakaraang linggo, ang payapang daigdig namin ay binulabog ng sunud-sunod na bagyo. Pinakahuli na sina Egay at Falcon. Hindi nga tuwirang tumatama sa bansa, ngunit may dalang mga malalakas na buhos ng ulan. Pabugsu-bugso, ngunit naroon ang ngitngit na kimkim ng kalikasan. Bubuhos nang pagkalakas-lakas na kung wala kang dalang payong o kapote at inabutan ka sa gitna ng daan, naligo ka na nang wala sa oras. Sunod ay biglang hihinto, na para bang ikaw ay kinukutya.

Pero may suot ka mang kapote, kung di naman kaya ng dala mong bisikleta, hihinto ka rin at maghihintay na humupa ang baha.


Ang pinakahuling karanasan ko sa nangyaring pagbaha ay ang hindi makauwi ng bahay, kundi halos ikalawa na ng madaling-araw.

Ngunit paminsan-minsan, may nasisilip pa rin akong nakatutuwang senaryo ng mga pagbaha. Tulad nang katuwaan ng mga batang naglalaro, naghahabulan, lumalangoy sa baha sa tapat ng aming bahay.





At eksenang nakatataba ng puso, tulad ng isang empleyado ng City Hall, na tuloy sa pagpulot sa inaanod na basura sa kalsada na tangay ng umaagos na tubig.




Sino ka man, saludo ako sa iyo! Mabuhay ka!

Saturday, June 18, 2011

MAY KASUKAT NA TUNGTONG


MAY KASUKAT NA TUNGTONG

HINDI makapaniwala si Cindy sa kanyang narinig. Sabi ni Albert, sorry, Cindy, I want out.
Si Albert, kumakalas sa kanya. Bine-break siya. Dropping her like hot potatoes.

My God!
As you wish, mabilis niyang sagot. Alangan namang maghabol siya.

At sino bang Albert iyan.
Matangkad. Six footer. Manlalaro ng basketball sa kolehiyo. Guwapo. Popular sa kampus. Kinahuhumalingan ng marami. At magaling magsayaw. Kaya nga sila nagkakilala ay nagkapareha sila, isang bakasyon, sa isang cotillon. Debut ng barkada niyang si Liza. Sabi ni Liza, ang hirap mo namang ihanap ng ka-partner, Cindy. At hindi dahil matangkad siya sa karaniwan, kundi dahil marunong siya. Salutatorian siya noong high school. Dean's list sa college.

Ano naman ang kinalaman ng aking IQ diyan, ang angal niya.

Pero hindi maawat si Liza. Masyado kang accomplished, Cindy. Presidente ng isang malaking organization sa campus. Marunong tumugtog ng piano, organ, gitara at flute. Nag-ballet, nag-Hawaiian, nag-jazz. Nag-CMLI painting, nag swimming lessons, nag speechpower, nag-speed reading, mahilig sa plays ng Rep, sa mga show sa CCP. Mula Lady Bird series noong grade school ay nagdaan lamang sandali sa Hardy Boys at kaagad tumuloy kina Ludlum, no Mills & Boons please. Sa Gone with the Wind ay kay Scarlet O'hara nag-identify. Sa madali't sabi, sa lengguwahe ng kanyang Lola Saning, wala siyang makasukat na tungtong, kahit pang-cotillon lamang. Hanggang iharap ni Liza sa kanya ang pinsan nitong si Albert.

Para sa isang manlalaro ng basketball, magaling sasayaw si Albert. Iyong rhythm, sa pag-dribble, dala rin sa pagsasayaw. One, two, three, one, two, three, magaling magdadala ng kapareha sa waltz. Para pa niyang nariring ang nakakaindak na Emperor Waltz. Tarari rari rara raran, tariraran, taran tantan...

Dalawang buwan silang nagpraktis para sa cotillon ni Liza. At sa buong panahong ito ng pagsasama at pagsasayaw at pagkakainan at pagkakatuwaan, nagkahulihan sila ng loob ni Albert. Niligawan siya. Sa gabi ng debut, sinagot niya. Oo. At sinabi pa niya. Sana, Albert, ikaw na ang aking tungtong.

Tungtong? Tanong ni Albert. Anong tungtong?

Tumawa siya. Hayaan mo. Pagdating ng panahon, ipakikilala kita sa Lola Saning ko. At malalaman mo kung ano ang ibig sabihin ng tungtong.


ANG kanyang Lola Saning ay Nanay ng kanyang Mommy, na ipinanganak, lumaki, nagkaasawa't nagkaanak at hanggang ngayon ay naninirahan pa sa probinsiya. Sa mga panahong walang klase, lagi silang ibinabakasyon ng kanyang Mommy sa lumang bahay ng kanyang lola at lolo sa probinsiya. Pagbabalik nilang magkakapatid sa Maynila, kay tutunog na ng kanilang mga po at opo. May halik na sa pisngi na kanilang kinalakhan ay may nadagdag pang amen sa kamay na natutuhan. Kasama pa ang maraming bagong salitang nadagdag sa kanilang bokabularyo. Sabi ng kanyang Lola Saning, lahat daw ng palayok ay may kasukat na tungtong. Ito ay nang pagtalunan minsan, kung magkakaasawa pa ang tumatandang guro sa paaralan sa tapat ng kanilang bahay.

Oo, sabi ng kanyang lola. Basta ba at makakatagpo nito ang nakatakdang binata na magiging kapalaran.

Ang sagutan nila, e, di hindi pala siguradong may kasukat na tungtong si Miss Santos.

Sagot naman ng kanyang lolo, mayroon ding kasukat, nawawaglit lamang. Ang tawanan nila.



NANG dumating ang pasukan, naging pamilyar na tanawin silang dalawa ni Albert sa kampus. Kapag may praktis sa basketball si Albert, matiyaga siyang maghihintay rito. Kung siya naman ang may miting sa organization nila, si Albert naman ang nag-aantabay sa kanya. Kapag may laro sa ULTRA ang paboritong team ni Albert, naroon na sila. Kung may gusto siyang panoorin sa Fort Santiago, sumasama naman si Albert sa kanya. Noong una. Kalaunan, nagdadahilan na. May praktis daw.

Nagmiting ang opisyales ng kanilang organization. Nagkaisa sila sa stand na laban sa tuition fee increase ng iskwela. Sasama sila sa rally. Iyon ang una nilang mahigpit na pagtatalo ni Albert.

“Kayang-kaya naman ang increase, ano pa naman ang reklamo ninyo,” anito.

“Hindi naman para sa amin ito. Para sa ibang walang kakayahan,” sagot niya.


Nakokornihan si Albert sa tinatawag na relevance. Ang sabi pa. “Noong nariyan si Marcos, galit kayo. Ngayong wala na si Marcos, galit pa rin kayo. Noong nakaraang regime, panay ang reklamo sa human rights violations. Ngayong demokrasya na, tuloy pa rin ang reklamo ninyo sa human rights violations.”


“Paano, mayroon pa rin,” agaw niya.
Umiling-iling si Albert. “Ang sabihin mo Cindy, kahit ayos na ayos na ang bansa, tiyak na may masisilip pa rin ang mga taong tulad ng nasa organisasyon ninyo. Pa-relevance, sabi nga.”

Sumilid sa isip niya, makitid si Albert. Ang tangkad pa naman. At kay guwapo. Sayang.

Pero doon lamang naman sila nagtatalo ni Albert. Basta at sa mga disco at debutants ball sa Mandarin, Club Filipino, okey na kasama ito. Perfect partner sila. Very handsome couple, komentaryo nga ng isang expat sa lobby ng Manila Pen. Na naulinigan ni Albert, binulungan kaagad siya. Pedophile yata, Cindy... at iyon lamang ang isa pang saving grace ni Albert, ang sense of humor nito.

Mahigit ding isang taon na on sila ni Albert. Sa kabila ng marami nilang incompatibilities, nakatagal sila nang ganoon. Basta at hindi nila pinag-uusapan ang pulitika o lipunan o militar o NPA o si Balweg o si Olalia o PCGG o CARP.

Ngayong pinagbabalikan niya ng tanaw ang nakaraan, napakalaki pala ng ginawa niyang pagbibigay kay Albert. Dahil siya ang nagtikom ng bibig. Hindi bumanggit ng mga kontrobersiyal na bagay. Si Albert ay patuloy sa sariling mga kuwento. PBA. Purefoods. San Miguel. Kung saan hindi rin siya makakibo. Kasi, Anejo siya. Wala silang konbersasyon ni Albert. One way lagi ang usapan. Kaya sila nakatagal ng mahigit na santaon. At ngayon, siya pa ang inunahang makipag-break. My God, si Albert, bulag! Good catch siya, inayawan. Siya, si Cindy, mataas ang IQ, dean's list, aktibo. Tinalikuran ni Albert. Matangkad nga't guwapo, pero hangang doon lamang. My God, nagtampo siya sa steak.



NAGBAKASYON siya sa kanyang Lola Saning. Nagulat, natuwa siya sa balita nito. May asawa na si Miss Santos, ang matandang dalagang guro sa katapat na iskwelahan.


Sabi ng kanyang lolo. “Nagkita rin ang palayok at ang katapat na tungtong.”

“Pero, sino ang napangasawa ni Miss Santos?” tanong niya

"Kasamahan niyang titser na nabiyudo,” sagot ng kanyang lolo.

Napailing siya. “Second hand na tungtong pala ang natagpuan niya.”


Umungol ang kanyang Lola Saning. “Bago man o luma, kung may katapat kang tungtong, may katapat ka.”


ALAM niya, mahihirapan siyang makita ang katapat niyang tungtong. Sabi nga ni Liza, nang malamang nag-break sila ni Albert. “Ay Cindy, kailangang ipalit mo kay Albert ay mas mataas, mga 6'1 o 6'2. Mas guwapo. Mas popular sa kampus. Mas magaling sumayaw.”

Saan naman siya makakakita ng ganoong tao. Isa pa, masyado siyang naging conscious sa nangyari sa kanila ni Albert, na tuwing may makikilala o makakausap siyang matangkad at guwapo, at the back of her mind, iniisip na niya kung iyon ang katapat niyang tungtong. Karaniwan tuloy, simula pa lamang ay stilted na ang konbersasyon, palpak ang kinauuwian. Nang muling magpasukan sa iskwela naging bising muli si Cindy sa mga aralin at extracurricular activities. Dumaan ang mga araw at buwan at mga semestre, at hindi man siya nainip, tapos na sila nina Liza ng college. Papalaot na sila sa daigdig ng mga yuppies. Kung saan marahil ay maraming higit ang mga katangian kay Albert.


SA kompanyang napasukan ni Cindy ay nakasama niya si Andrew. Kapuwa sila bagong tapos sa kolehiyo, kapwa may karangalan nang magtapos, kapuwa aktibo sa kampus nang nag-aaral pa. Maganda ang mga mata ni Andrew at malakas ang dating ng personalidad. Ngunit bahagya lamang ang kataasan nito sa kanya. Ito agad ang kanyang napansin, kulang sa sukat ang binata. Hindi puwedeng pamalit kay Albert na six footer.

Marahil iyon ang naging dahilan kung kaya't naging mabuti silang magkaibigan ni Andrew. Naging malapit sila sa isa't isa bunga ng pagkakaunawaan sa maraming bagay, pag-usap na may tinutungo, pagtatalong may kinauuwian, pagkakatuwaang walang balatkayo, tuksuhang kapag nagkapikunan ay binabawi ng pagso-sorry, hindi ko na uulitin o pagbibigay na may kasamang pambubuska na sige, panalo ka, talo ako, baboy ka, etcetera, etcetera....


Sa isang pistahan sa probinsiya, inimbita niya si Andrew, ipinakilala sa kanyang Lola Saning. Bago sila bumalik sa lungsod, binulungan siya ng kanyang lola. “May kutob akong nakita mo na ang katapat mong tungtong, Cindy.”


Ang lakas ng kanyang tawa.
Kaagad nyang nalimutan ang sinabi ng kanyang lola.

Samantala, patuloy na nahuhulog ang kanyang loob kay Andrew. Tumitibay, tumatamis ang kanilang pagsasamahan. Hanggang maghiwalay sila't lumipat ng ibang kompanyang mapapasukan si Andrew. At sa pusisyong iniwanan ni Andrew ay pumalit si Carl, matangkad, guwapo at marunong. Na kaagad nanligaw sa kanya. Kaagad niyang naalala si Albert at si Llza. Between Albert and Carl, no contest, wika nga. Ngunit wala siyang makapang pagtatangi sa binata. Iba ang hinahanap-hanap ng kanyang puso.


NANG tumawag si Andrew, ang sa kanyang standard ay pandakaki na si Andrew, at hilinging magkita sila upang maisakay siya sa bagong kotse nito at upang maihatid siya sa kanilang bahay dahil may mahalagang sasabihin sa kanya, ang naalaala niya ay ang kanyang Lola Saning.

Sana, ang dasal niya, sana ay totoo na ang kutob ng loob ng kanyang lola.
Na si Andrew ang katapat niyang tungtong. Dahil ito ang mahal niya.

Liwayway, Nobyembre 21, 1988

TANONG: Kayo ba, natagpuan na ninyo ang "kasukat ninyong tungtong?" Share naman... email me at eve.manunulat@gmail.com

Thursday, June 16, 2011

JUNE HAPPENINGS


JUNE HAPPENINGS


150th NI DR. JOSE RIZAL - JUNE 19, 1861 – JUNE 19, 2011

Kinagisnan ko nang bayani si Jose Rizal. Ang una kong masasabing “encounter” sa kanya ay nang manalo ako sa isang oratorical contest sa Pilipino noong Grade V ako na sinalihan ng mga iba't ibang elementarya sa buong Malolos. Balagtas Day noon. Pinalad naman akong manalo at ang naging gantimpala ko, bukod sa tropeo para sa eskwelahan namin, Malolos Elementary School, ay tatlong aklat. Ito ang Noli Me Tangere, El Filibusterismo at Urbana at Felisa. Ang nangyari, hindi pa man ako tumutungtong sa high school ay naging pamilyar na ako sa mga nobelang ito ng bayani. Sa murang edad ay kinagiliwan ko nang basahin ang mahahaba niyang “narrative” na naglalarawan ng panahong iyon nina Maria Clara at Ibarra. Para ko pang nakikita iyong mga lansangan, mga bahay, pananamit at pagkilos ng mga karakter niya sa aklat. Masasabi kong nagkaroon ako ng “koneksiyon”.

Ngunit lumipas ang mga taon at si Jose Rizal ay naging isang malabong larawan na lamang ng isa sa mga bayaning napag-aaralan sa eskwelahan. Hanggang nakabasa ako ng kolum ni Ambeth Ocampo, isang historian. Sinubaybayan ko ang lahat ng mga sinulat niya tungkol kay Rizal, biniling lahat ang mga aklat niya tungkol sa bayani (at iba pang bayani – Mabini, Aguinaldo, Bonifacio) para sa aking sariling munting Filipiniana library, at bumili pa rin ng mga ekstrang kopya na ibinigay ko sa aking anak na nasa abroad upang hindi niya malimutan ang kanyang pinagmulan.

Nakatutuwa. Ngunit sa kababasa ko sa mga aklat tungkol kay Rizal – na nagsimula sa Rizal Without the Overcoat, hanggang sa Paglilitis sa kanya, kasama pati ang mga sulat niya sa kanyang pamilya, nadama ko, na si Rizal ay hindi lamang ang bayaning nababasa sa aklat at napag-aaralan sa eskwela.

Ewan kung paano ipaliwanag ito, ngunit naramdaman ko, na si Rizal ay isang tunay na tao! Of course, totoong tao siya! Ibig kong sabihin, parang isang taong pisikal kong nakilala o nakadaupang-palad. Ganoon siya naging "ka-totoo" sa aking pandama. May dugo, may laman, kumikilos, nagsasalita. Na ayon sa kanyang mga sulat sa kapatid, ay nagpapayo, nagbibilin ng mga paboritong pagkain. Parang ikaw. Parang ako.

Ganoon ka-effective ang mga sinulat ng historian na si Ambeth Ocampo tungkol sa kanya. Alam kaya ni Ambeth ito? Salamat, Ambeth! Salamat, salamat!

Ngayon ay dumako naman tayo sa isa pang happening ngayong Hunyo...


FATHER'S DAY - JUNE 19th

Ang Fathers's Day ay hindi lamang para dakilain, parangalan at alalahanin ang mga amang pinagkakautangan natin ng buhay kundi pati ang mga lalaking tumayong magulang natin, kumupkop at nagkalinga, nagpaaral at tumulong sa ating pangangailangan. Ito ay ipinagdiriwang tuwing ikatlong Linggo ng buwan ng Hunyo.

Ang Father's Day ay nagsimula noong 1909 nang mapag-isip-isip ni Sonora Louise Smart Dodd na kung pinararangalan at inaalala ng lahat ang kanilang ina, marapat rin siguro na gawin ito sa kanilang ama. Ang ideyang ito ay lumaganap sa Spokane, Washington hanggang nagsimula ang unang selebrasyon noong June 19, 1910, na mismong kaarawan ng ama ni Louise. Naging permanente ang selebrasyon nito noong 1972 sa panahon ni Nixon ng USA, matapos ang deklarasyon na ipagdiwang ito tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo sa panahon ni Lyndon Johnson.

Bayaan ninyong ilagay kong muli ang isang tulang tinanggap ko at inilathala na rin sa blog na ito nang nakaraang taon. Napakaganda nito.

WHAT MAKES A DAD

God took the strength of a mountain,
The majesty of a tree,
The warmth of a summer sun,
The calm of a quiet sea,
The generous soul of nature,
The comforting arm of night,
The wisdom of the ages,
The power of the eagle's flight,
The joy of a morning in spring,
The faith of a mustard seed,
The patience of eternity,
The depth of a family need,
Then God combined these qualities,
When there was nothing more to add,
He knew His masterpiece was complete,
And so,

He called it ... Dad

~~Author Unknown.~~

Ang ganda, pero, napaka-serious, di ba? Kaya, para matawa naman tayo nang bahagya, narito ang isa pang tula tungkol sa mga “fathers” at huwag sana silang mapipikon!

FATHER - by Edgar A. Guest (1909)

My father knows the proper way
The nation should be run;
He tells us children every day
Just what should now be done.
He knows the way to fix the trusts,
He has a simple plan;
But if the furnace needs repairs,
We have to hire a man.

My father, in a day or two
Could land big thieves in jail;
There’s nothing that he cannot do,
He knows no word like “fail.”
“Our confidence” he would restore,
Of that there is no doubt;
But if there is a chair to mend,
We have to send it out.

All public questions that arise,
He settles on the spot;
He waits not till the tumult dies,
But grabs it while it’s hot.
In matters of finance he can
Tell Congress what to do;
But, O, he finds it hard to meet
His bills as they fall due.

It almost makes him sick to read
The things law-makers say;
Why, father’s just the man they need,
He never goes astray.
All wars he’d very quickly end,
As fast as I can write it;
But when a neighbor starts a fuss,
’Tis mother has to fight it.

In conversation father can
Do many wondrous things;
He’s built upon a wiser plan
Than presidents or kings.
He knows the ins and outs of each
And every deep transaction;
We look to him for theories,
But look to ma for action.

HAPPY FATHER'S DAY!!!

Monday, June 13, 2011

SAMU'T SARI - 2011


SAMU'T SARI



Kapag binibisita ko ang aking Blog Patrol Stats, nakikita ko doon kung saan-saan nanggaling ang mga nag-goo-google na napapadpad sa aking blog. Sila iyong may mga itinatanong, may hinahanap, may gustong liwanagin na bagay-bagay. Pumili ako ng ilan na nais kong sagutin o talakayin o bigyang-paliwanag ngayon dito.

Dito ko rin nadidiskubre ang mga bagong self-referring bookmarkers. Sila iyong nag-bookmark na ng aking website http://www.estrella-eve.com sa kanilang computer, para anytime na gusto nilang mag-tsek kung may bago akong postings, iki-click na lang nila ito at hindi na kailangang isulat pang muli ang nasabing address. Kaya ko naman alam na bago sila ay sa dahilang ang pinagmulan nilang bansa ay wala akong kakilala na pinagsabihan ng aking blog na ito. Labis kong ikinatutuwa ito dahil ibig lamang sabihin, somewhere out there, may nakagugusto naman ng aking inilalathala rito. Uunahin ko nang pasalamatan sila -

Bookmarkers Club ni Eve

1.Kuwait – na nagtanong tungkol sa kumanta sa chorus tungkol sa “kaibigang butiki sa kisame.” Maraming kumanta ng tungkol sa butiki, pero iyong lyrics ng OPM na “Kiss A Me” ng Agaw Agimat ay naglalaman ng tungkol sa “butiki sa kisame”.

2.Russian Federacion – wala kang itinatanong, pero nakita kong self-referrer ka na. Salamat!

Salamat din sa mga naunang self-referring/bookmarkers from Singapore, Hongkong, Mauritius, United Arab Emirates, Taiwan, Germany, Italy, Japan at sa mga kaibigan at kamag-anak mula USA, Canada, Australia, Brunei at siyempre, Pilipinas! Sa mga naliligaw na mula Northern Marianas, Uzbekistan, South Africa, UK, Peru, Austria, Bahrain, Denmark, Uruguay, Sweden, Saudi Arabia, Qatar, France, Norway, Republic of Maldova, Czech Republic, Austria ---- bookmark na kayo!

DAGDAG – TALASALITAAN (para sa mga nagtanong ng kahulugan ng sumusunod na salita)

1.tumimo – kung literal, ibig sabihin nito ay tumama o tumusok, halimbawa ay isang palaso na tumimo sa dibdib o anumang parte ng katawan na tinamaan nito; mga salitang masakit na tumimo sa puso, ibig sabihin ay nakasakit ng damdamin, o nakapagpa-isip sa pinagsabihan.

2.Sumumpong – Sa halimbawang sumumpong ang ubo, ibig sabihin, inatake ng pag-ubo; sumumpong ang sakit na hika, ibig sabihin, inatake ng paghingal at hirap sa paghinga.

3.Manugang – ang napangasawa ng anak ng isang mag-asawa ay tinatawag na manugang. Kung paanong ang nasabing mga mag-asawa ay tinatawag na biyenan ng kanilang manugang. Ang mga magulang naman ng manugang at ng napangasawa nito ay tinatawag na magka-balae. Ang kapatid na lalaki ng napangasawa ay tinatawag na bayaw, ang kapatid na babae ay tinatawag na hipag. Ang asawa ng bayaw o hipag ay tinatawag namang bilas.

4.Malungkot – ang opposite nito, may nagtatanong, ay masaya.

5.Bunot ng sahig – na sa ngayon ay napalitan na ng floor polisher, sa mga can-afford. Ito ay mula sa bunga ng niyog. Ang magulang (hindi iyong mura na pinagmumulan ng buko juice o buko salad) na niyog na buo pa at kasama pa ang matigas na balat at bunot (ang ginagawang coirflex sa mga kutson) ay nilalagare nang makinis. Itinitira rito ang pinakabunot na siyang madadaiti sa sahig na binubunot or being polished. Siempre, naalis na rin ang laman nito na siya namang nagiging copra.

6.Hagikgik – isang uri nang pagtawa, na mas mahina sa halakhak. Halos sarado ang bibig kapag humahagikgik ngunit dahil sa pagpipigil ay gumagalaw naman ang mga balikat at ulo sa paghagikgik. Ang halakhak kasi ay malakas, nakabuka ang bibig, buong katawan ay kasama sa paggalaw, halos napapaluha na, at kung minsan nga, iyong iba na incontinent, napapa-jingle na.

7.Sagwil – ibig sabihin ay balakid. Ano ang balakid? Isang bagay na humaharang o nakapipigil sa isang binabalak. Halimbawa, ang malaking sagwil sa kanyang pagtungo sa ibang bansa ay ang kawalan ng pera o ang pangambang baka mag-asawa sa iba ang iiwanang kasintahan.

LARONG PINOY HENYO

Marami na ang bumisita dahil sa inilathala naming “tips” para “baka sakaling manalo” sa larong Pinoy Henyo. Patuloy kaming nanonood nito at talagang hanga kami sa mga istudyanteng ilang segundo pa lamang ay nahuhulaan na ang salita. Kaya lamang, dismayado rin kami kapag malapit na malapit na sa salitang pinahuhulaan ay saka pa nagpa-pass ang contestant. Dapat kasi, kung “oo” na nang “oo” ang kapartners sa salitang “intestine”, huwag nang pumunta sa atay. May isa pang napanood kami, itinanong kung insekto, sagot ng kapartner ay oo. Ingles daw ba, oo rin ang sagot. Alitaptap daw ba. Naku, umu-oo na ngang Ingles, nag-alitaptap pa. Okey, tinanong na kung firefly, sigaw na nang sigaw ang kapartner, oo, pwede, oo! Dragonfly daw ba? Ay, naku, nasabing lahat ang fly-fly-fly, pwera ang tamang “butterfly”. Exciting ang manood nito. Relak lang kung high blood...

ISANG POOK, DALAWANG PANAHON

May humihingi ng buod ng kwentong Isang Pook, Dalawang Panahon. Ang kwentong ito ay nalathala sa blog noong Pebrero, 2009. Ang buod nito ay masisilip na sa mismong pamagat ng kwento. May isang pook, isang dormitoryo sa University Belt, na pinangyarihan ng dalawang magkalayong panahon na ang nagsisilbing tulay ay ang taong naging bahagi ng nasabing pook at ng mga kaugnay na panahon.

Ang kwentong ito na nagtamo ng unang gantimpala sa 1989 Carlos Palanca Awards for Literature ay kasama sa dalawampung kwento na tinipon ko sa isang aklat, ang Minsan, May Isang Pag-ibig na mabibili sa www.lulu.com, ang publisher nito sa USA. Mabibili ito thru lulu at reasonable lamang ang shipping charges kung nasa USA ang bibili, medyo namamahal kung maiiba ng lugar. Sa mga nasa Pilipinas, magpabili na lamang sa mga anak o pamilyang naroon. Pwedeng bayaran thru Paypal, hindi kailangan ang credit card. Nasa aking blog ang instructions.

May nagtanong rin kung ano ang mga nilalaman ng Minsan, May Isang Pag-ibig. Ang nilalaman nito ay inilathala ko rin sa blog noong Disyembre, 2010. Muli, aking inilalagay rito para sa mga interesado.

Ano nga ba ang mababasa sa MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG?

Ang libro ay binubuo ng dalawampung kwento ng pag-ibig. Puppy love ng isang teen-ager, first love, romantic love, unselfish love, the greatest love of one's life... na nakatitiyak akong bawat isa sa atin, minsan isang panahon, ay ating naranasan... ikinaligaya... iniluha... napagtagumpayan kimkimin at itago sa liblib ng ating puso...

na ngayon, ay inaanyayahan ko kayang dalawin at bisitahin at muling namnamin, sa pamamagitan ng pagbabasa sa MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG... sa NILALAMAN nitong mga kwento... na nagmula sa ilalim ng bubong ng isang DORMITORYO sa may Claro M. Recto Avenue, dating Azcarraga Street sa Maynila... na natapos at nakakita ng kaganapan sa pagiging IMMIGRANT sa America.

Narito sila, na bumubuo sa...


Bawat Buhay, Isang Kasaysayan............
Andrea ng Ohio, sa Chicago...................
Veronica ng Chicago..............................
Corazon ng Florida................................
Helen ng California, sa Washington DC.
Ofelia ng Queens, New York...................
Gloria ng Queens, New York..................
Edna ng Baltimore.................................
Sonia ng New Jersey..............................
Shirley ng Sacramento, California.........
Alma ng San Francisco, California........
Ate Nene ng Dormitoryo........................

Sila ang bumubuo ng unang bahagi ng libro. Sumusunod pa ang mga kwento ng iba't ibang nilalang, sa iba't ibang panahon. Kaya, get hold of a copy now! Magandang panregalo ito sa Pasko. O Valentines. O sa birthday. O sa iba-iba pang okasyon! Go to www.lulu.com. Search for MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG, ni Evelyn L. Estrella-Sebastian.

Isang paborito kong feedback tungkol dito mula sa isang kaiskwela (understandable ba?) ay apat na beses niyang binasa ang libro from cover to cover. Mula sa isang hindi kakilala na taga Australia na pinahiram ng libro ng isang kaibigan: May kinanting gunita ang isang kwentong kahalintulad ng kanyang buhay.

Iba't ibang feedback. May humihingi na ng kasunod. Sa mga ito, abangan ninyo ang aking nobela na may pamagat na Mahirap Ba Akong Mahalin? Maganda ito, may kilig factor, pero, saka na iyon.

Isang nakatutuwang feedback ay mula sa New York na nagsabing ipadala ko raw ang libro sa isang TV director sa ABS-CBN (na kapit-bahay nila sa Paombong) dahil magandang teleserye ito. Naku, maraming artista ang kakailanganin nito at masyadong maraming iikutang lugar, East at West Coast ng USA... Sabi nga ng isang nag-feedback, naiibang uri raw ng "travelogue" ang libro, may mga buhay at pag-ibig ang mga nilalang na nasa loob ng kwento.
Sinong artista kaya ang magandang lumabas na Andrea? O Veronica? Ang dami nila...
Ano nga kaya? Why not?

PAARALANG PINOY

Ano raw ba iyong Paaralang Pinoy? Nabanggit ko itong minsan nang maikwento ko ang aking mga apo na ipinanganak at lumalaki sa abroad. Isang grupo ng mga volunteers ang nagsama-sama at nagkaisang magdaos ng klase kahit isang araw sa isang linggo, na magtuturo ng mga bagay Pilipino o Pinoy sa mga batang may dugong Pilipino ngunit lumalaki sa kapaligirang malayo sa kinagisnan at kinahubugan ng kanilang mga magulang. Kani-kaniyang inclination, expertise o interest ang mga volunteers na kasama rito. May nagtuturo ng tungkol sa music & arts, dance, history, geography, customs and traditions, etcetera. Lumalakad na sa ikaapat na taon ang paaralang ito. Ang mga bata ay exposed na sa mga kapwa bata na kasamang umaawit ng Lupang Hinirang at Pasko na Naman, nagsasayaw ng Banga na turo ng isang dating Bayanihan dancer, marunong nang bumati ng Magandang Umaga o Hapon.

IBANG KLASENG TANONG

-Keyword ng isang napunta sa blog: Paano raw ba manganak ang serena? Sa totoo lang, hindi ko alam. Dalawang klase kasi ang isda na natutuhan ko nang may munting acquarium pa kami sa bahay. Iyong nangingitlog na kapag napisa ay nagiging isda... at iyong tinatawag na live-bearer, na kung makita ko na sa tubig, ay mumunting isda na sila. Ewan kung saan pumapasok ang kategorya ng serena. Levity aside, totoo bang may serena? O ito'y isa lamang myth?

-Tanong naman ng isa: May libro raw ba ng kulam para sa isang masamang biyenan. Ay, naku, naman, relak ka lang. Huwag naman. Kung may hindi man kayo pagkakaunawaan ng iyong biyenan, daanin ninyo sa mabuting pag-uusap. Natural kasi sa mga biyenan ang magselos sa nakikitang pagmamahalan ng kanilang anak at ng napangasawa nito. Akala nila ay nabawasan na ang pagmamahal ng kanilang anak sa kanila. Na maling-mali. Ang asawa ay asawa, ang magulang ay magulang. Magkaibang-magkaiba ito. Ngunit totoong matagal bago matanggap ng ibang magulang na iba na ang estado ng kanilang anak kapag nag-asawa na. May sarili na itong buhay, pamamahay, at pamilya. They must let go. Ang kailangan lamang ay magkaunawaan.

Marami pa akong na-e-encounter kapag binibisita ko ang blog patrol. Mga keyword na siyang naghahatid sa kanila sa aking website. Sana, iyong mga naliligaw rito ay tuluyan nang mawili at bumisita nang lagi. Huwag kalimutan, www.estrella-eve.com. At bumili rin ng aking libro!

Thursday, June 9, 2011

TULANG PANG-HIGH SCHOOL REUNION


TULANG PANG-HIGH SCHOOL REUNION


May nagtanong kung ano raw ang magandang tula sa isang high school reunion. Ang pagtula ay isinasama talaga namin sa programa ng aming high school reunion, pero ang tulang ginagamit namin ay iyong medyo nakatatawa at bagay sa mga senior citizens na bumubuo ng aming klase. Kung nabibilang kayo rito, baka pwede na ito. Kung hindi naman, magagamit ito ng mga magulang ninyong seniors.

Ang tulang ito ay nanggaling sa isang tulang ingles na narinig kong binigkas sa isa ring alumni homecoming. Nakakuha ako ng kopya na isinalin ko naman sa tagalog, binawasan, dinagdagan, ibinagay sa mga alam kong makaririnig nito. At ito ang kinalabasan.

OKEY PA RIN TAYO

Kung ako ay kukumustahin n’yo
Ito lang ang maisasagot ko -
May arthritis dalawa kong tuhod
May rayuma sa paa, masakit ang kuyukot.

Madalas kapusin itong hininga ko,
Mahinay ang pintig nitong aking pulso,
Tataas, bababa, presyon ng dugo ko,
Sa kabila nito, okey pa rin ako.

Ngipin ko’y lagas na, ito ay pustiso.
Ako’y nagdidiyeta, dahil high blood nga ako
Sapatos kong suot, dapat ay malambot
Dahil kung matigas, paa’y mamamaltos

Halos gabi-gabi ay bibiling-biling
Ang aking pagtulog, hindi na mahimbing
Mayro’n ngang katabi, mayro’n ngang kasiping
Mayro’n bang nangyari? Di ko sasagutin!

Problema pa sa umaga, sa aking paggising
Isipan ay litang, kakakain ng aspirin
Epekto sa akin, naging malilimutin
Pero, kumustahin n’yo… ako'y okey pa rin!

Ang moral o leksiyon ng lahat na ito
Sa mga MATATANDA NA KATULAD NINYO
Ay laging magsabi ng OKEY LANG AKO
At ang mga sakit n’yo ay huwag ikwento!

Ako ay okey, okey na okey ako…
Kahit maputi nang lahat ang buhok ko
Kahit na na ako'y tawaging... Lolo... Lolo...
Hinding-hindi ako maghuhuramentado!

Old age is golden, iyan ang sabi nila
Buhay ay easy-easy, pag aking naalala
Ngipin kong pustiso, nasa loob ng tasa
Salamin sa mata, nasa ibabaw ng mesa.

Bawal na ngang baboy, bawal na ang karne
Bawal na ang gimik, pati ang babae,
Bawal ang matamis, bawal ang maalat
Bawal na ang alak, bawal na ang lahat!

Ngunit kahit na, lagay ko'y ganito
Ay masasabi kong maligaya ako
Sa pagkakaroon, kaiskwelang tulad n’yo –
Mabait, matulungin, maganda at guwapo!

Kaya sa pagbabasa nitong mga diaryo
Itong obituary, unang titingnan n’yo
Kapag di nabasa, ngalan natin dito
Ibig lang sabihin, OKEY PA RIN TAYO!

Isinalin sa tagalog ni Eve/August 15, 2009











Monday, June 6, 2011

BUWAN NG HUNYO, BUWAN NG KASALAN


BUWAN NG HUNYO, BUWAN NG KASALAN


Buwan ng Hunyo. Parang synonimous sa June Bride, kahit ayon sa statistics, higit na maraming ikinakasal kung buwan ng Disyembre. Ang June kasi, naka-rhyme sa honeymoon. At ang daming kantang may moon.

By the light of the silvery moon, I want to spoon, to my honey I'll croon love's tune. Honeymoon, keep on shining in June, your silvery beams will bring love dreams, we'll be cuddling soon, by the silvery moon.

Ito ang mga unang kinakanta namin noon sa saliw ng tugtog ng ukulele. Na susundan pa ng we were sailing along the moonlight bay... pero noong nasa high school kami, isang paboritong awitin ng isang pares na miyembro ng Glee Club ay ang Song of Songs na awit ni Perry Como.

Do you recall that night in June when first we met,
do you remember love the words we spoke,
have you forgotten all the tender vows we made,
in the silent magical moonbeams light,
Gone are the golden dreams with summer roses,
and all of our tenderest vows were made but to be broken,

song of songs, song of memory
and broken melody of love and life,
never more to me can that melody,
fill the heart with the joy once it knew.
O night of bliss, night of June and love,
beneath the stars amid the roses,
oh dream of delight that faded at dawn,
oh song of songs, o night of bliss
when you were my whole world of love.

Ganda, di ba? Sa mga kabataang hindi kilala si Perry Como, basahin na lamang ang lyrics at nakaka-inspire na. Para bang inuudyukan kang balikan iyong una ninyong pagkikita ng sinumang nagmamay-ari ng iyong puso ngayon.
Noong una kayong nag-eyeball, wika nga sa lengguahe ngayon. Noong panahon namin, love at first sight nga, kapag sa unang pagtatama pa lamang ng paningin ay alam mo nang ito na, ito na nga!

Ngunit may mga pagkakataong hindi ganito ang pangyayari. Karaniwan kasi, sa isip ng isang babae o ng isang lalake, bumubuo na siya ng kabuuang larawan ng taong gusto niyang maging kapalaran sa buhay.
Siyempre, una muna iyong pisikal na kaanyuan. Kami noon, dahil hindi naman kami mga guwapa, ang hinahanap namin ay iyong may personalidad. Ayaw naming sabihing guwapo ang gusto namin, kahit iyon na nga ang lihim naming gusto, sino ba'ng ayaw ng magandang lalake, pero di nga namin ito sinasabi kasi ay di naman kami kagandahan, ibig sabihin, may bikas din, sabi ng nanay namin.

Noon, ang kahulugan ng may personalidad sa amin ay matangkad, matangos ang ilong, maganda ang tikas o tindig, hindi hukot, maayos magdala ng damit, (nakaparagan ang polo), malinis ang sapatos (makintab, bagong shine), hindi marumi ang kuko sa kamay, pag ngumiti, e, okey ang ngipin, hindi madilaw, at good conversationalist.

Noon, ibig sabihin ng good conversationalist, ay maraming alam na mapag-uusapan, hindi lamang current events na mababasa sa diyaryo, naririnig sa radyo, napanood sa telebisyon o sine, kundi mga nabasang libro, mga ideyang hindi pangkaraniwan, history, science at kung anu-ano pa. Pero higit sa lahat, dapat, good listener din ito. Ibig sabihin, pinakikinggan naman ang sinasabi mo, hindi iyong puro siya na lamang, hindi ka na makasingit.

At may sense of humor. Importante ito. Hindi pikon. Magaling magbibiro sa iba, pero kapag siya ang biniro, e, parang sibuyas na kay nipis.


Isa pang importante na isinasaalang-alang noon, kahit sa likod lamang ng isip ng isang babae o lalakeng naghahanap o naghihintay na dumating ang magiging katali sa buhay, ay iyong family background. Sabi kasi, kung halos pareho raw nang pinagmulan - pamilya, kultura, edukasyon, relihiyon – higit na malaki ang posibilidad na maging tagumpay ang pagsasama. Natatandaan ko ang isang kasama sa opisina noon na balak ligawan ang isang kakilala ko, ang itinanong niya sa akin ay kung may alam akong sakit na maaaring manahin sa pamilya ng nasabing babae. Sabi ko'y wala, dahil wala naman talaga akong alam, maliban sa parang mahina ang pandinig ng nasabing dalaga. Okey raw iyon, kung iyon lang. Awa ng Diyos, sabi nga ng matatanda, nauna pang lumisan sa mundong ito ang nagtatanong tungkol sa sakit ng napangasawa naman niyang babae.

Given na siempre sa mga hinahanap iyong may trabaho. Kung parehong naghahanap-buhay, higit na mabilis ang asenso sa buhay, bagama't kung nag-oopisina rin ang babae, inaasahan pa ring areglado ang bahay at pagpapalaki sa mga bata. Isang maganda sa panahon ngayon ay ang shared parenting, kung paanong hands-on na rin ang mga tatay sa pag-aalaga at pagpapalaki sa mga anak.

Ganoon kami noon, most of us, siguro. May personalidad (pisikal), good conversationalist (mental), family background (kasama na ang edukasyon, relihiyon, etcetera). Pero siempre, iyong magaganda talaga, hanap nila ay iyong guwapo, kung paanong ang mga guwapo, hanap ay magaganda. Iyong mga pangit na naghahanap ng maganda, e, para sa improvement daw ng lahi.

Ito ang mga pre-requisites, kumbaga, noon, at maski siguro ngayon, sa mga nasa edad nang naghahanap ng makakasama sa buhay. Siempre, iba pa rin ang hinahanap ng mga teen-agers o iyong hindi pa naman balak mag-asawa. Kung boyfriend ang gusto, tiyak na iba ang criteria nila. Magaling sumayaw, kilala ang mga banda, marunong mag-internet, maglaro ng games, may facebook, twitter, etcetera. Iyon pa man, darating at darating ang araw na unti-unting mababago ang katangiang hinahanap nila. Dito na sila puspusang maghahanap.

Alam ba ng marami, na ayon sa pag-aaral, karaniwan nang ang isang babae o lalakeng nasa edad na, kapag may nakilalang tao, agad nang isinasailalim ito sa kanyang listahan o checklist ng posibleng mapapangasawa? At ang susunod na aksiyon ay depende sa kinalabasan ng kanyang pagsusuri.

Marami rin ang tama na o iyong tinatawag na swak na swak na ang mga katangiang hinahanap, pero, parang may kulang pa at hindi pa rin maatim na sagutin ng matamis na oo ang kanyang manliligaw. Talagang diyan pumapasok ang itinitibok ng puso.

Abangan ang susunod na kwento sa buwan ng Hunyo.