Tuesday, May 17, 2011

Artista sa Palengke ng Marikina


Araw ng pamamalengke ko at ang van ng GMA ang bumulaga sa aking paningin pagdating ko dito. Bakit, tanong ko sa aking nakasalubong. Shooting daw ng "Blusang Itim". Siempre nainteresado rin naman akong makakita ng artista. Kahit bihira akong manood ng sine (maikli lamang ang listahan ng mga artistang pinapanood ko - Nida/Nestor at Dolphy noon, Hilda Koronel, Vilma Santos, Nora Aunor, Juday at ilan pa sa mga pelikulang panalo lamang sa filmfests), aminado akong "kilig" pa rin akong makakita ng mga celebrities.

Tanda ko pa noon, nang madalas kumain ang barkada namin sa mga restoran, nakita namin si Robin Padilla, ay naku, iba siya sa personal, makinis at mukhang mabango (hindi ko naman naamoy). Nagpakuha agad kami ng picture.

Minsan naman ay si Herbert Bautista, di pa siya pulitiko noon, nagpakuha rin kami. Si Eric Quizon ay nakita ko rin nang malapitan, pero, walang picture, masyadong maraming nakapaligid sa kanya. Isang komedyante ang nasundan ko sa pagpanhik sa Ali Mall noong araw. Agad kong tinawag at nang lumingon siya, nahiya ako, kaya hindi ako nagpahalatang ako ang tumawag sa kanya. Mula noon, tuwing makakakita ng artista ang mga kasama ko, hindi nila sinasabi sa akin. Pero, kapag talagang paborito ko ang na-encounter ko, ay, naku, walang makapipigil sa akin.

Tulad nang palabas kami sa Kamayan sa EDSA noong araw pa rin. Ang nasalubong namin ay ang mga players ng Ginebra. Si Jawo! Kaso, natalo sila noon kaya hindi ko alam kung paano ko siya babatiin. Ang ginawa ko na lamang ay kunwari, nalingon ako sa kanan, hindi ko siya nakita, kaya "nagkabungguan kami, balikat ko, braso niya". Sabi ng mga anak ko, buti raw, hindi ako "nabalya". Pero, maligaya na ako noon.

Iilan lamang naman ang paborito ko sa mga celebrities. Isa na nga si Jawo sa basketball. Si Tony Velarde at Lito Molina ng Jazz Friends. Sina Nida at Nestor at Dolphy dahil masaya. Sa husay sa pag-arte ay sina Hilda, Vilma at Nora. Isama na ngayon sina Angel A. at Iza C. At si Robi Domingo ng Pinoy Big Brother noon (may istorya ito). Pero, as a rule, sabi nga, basta celebrity, may kilig pa rin.

Tulad nitong weekend na nakaraan. Galing kami ng probinsiya at dumaan sa isang restoran sa Guiguinto, sa Eurobake. Sarap na sarap ako sa halo-halo, sobrang init kasi, nang pumasok ang isang grupo sa restoran. Walang make-up, medyo may kalusugan nang tunay, ngunit naroon pa rin ang kariktang inihalintulad kay Elizabeth Taylor noon, si Amalia Fuentes ang latest celebrity kong nakita. Wow! Pero, kunwari, hindi ko rin siya pinansin, kahit, ang inupuan niyang silya sa kanilang mesa ay paharap din sa akin. All the while, nagkukuwentuhan silang magkakagrupo, ako naman ay ni hindi sumusulyap sa kanilang lugar. Nang aalis na kami, heto na at lumabas na ang pagka-fan ko sa mga artista, medyo nagpahuli ako nang lakad sa aking mga kasamahan. Noon ako tumingin sa kay Amalia at noon naman siya tumingin sa amin. Nakangiti siya. Agad akong humakbang ng ilang hakbang palapit sa kanya, pero huminto rin sa kalagitnaan.

Saka ko sinabi, "I just want you to know, I am your fan!"

Na sinagot niya nang isang matamis na, "Salamat po!"






Saturday, May 14, 2011

"TIPS" PARA SA LARONG "PINOY HENYO"


PINOY HENYO

Maraming klase ang manonood ng telebisyon. Mayroong mga diehard, na sa isang channel lamang nakatutok; mayroong palipat-lipat ng channel, depende sa paboritong artista o newscaster o teleseryeng sinusundan; mayroon ding mga trigger happy o laging hawak ang remote control na kapag commercial na, e, iisa-isahin na ang sangkaterbang channel, lalo't may cable. Kami siguro ay maaaring i-katergorya sa ikalawa, na palipat-lipat depende sa gustong panoorin... at sa ikatlo, kung may naunang nakahawak ng remote control.

Pero medyo nagkakaisa kami, kapag segment na ng Pinoy Henyo ang pinag-uusapan. Isa ito sa mga paborito naming contests sa telebisyon na ginamit na rin namin sa mga class at family reunion. Sa totoo lang, sinubukan naming maglaro nito sa bahay. Iisip ang kapartner ko ng isang bagay na huhulaan ko. Akala lamang nating manonood ay madali ito. Kapag pinapanood natin ito at medyo nalilito ang sumasagot, ay napapasigaw tayo ng “hoy, ang tanga-tanga mo!” Nakaka-tense pala. Sobra. Akala ko nga, madyi-dyinggel ako sa tension at sa katatawa, kapag walang maisip isagot.

Kaya, minsan, naisipan kong gumawa ng guide para sa gustong sumali sa larong ito. Kumbaga ay “How to play Pinoy Henyo at Baka Sakaling Manalo!”

Una: ALAMIN ANG LAHAT NG KATEGORYA – Tao, Hayop, Bagay, Pangyayari, Lugar, Pagkain, (Person, Animal, Thing, Event/occasion, Place, Food.

Ikalawa: ALAMIN ANG KLASIPIKSYON ng bawat isa -

TAO – Pangalan ng tao/taong totoo/komiks o fiction;

1. Pangalan ng tao/taong totoo
-BUHAY (presidente/nasa gobyerno, artista, newscaster, athlete, nasa news ngayon, matanda, bata, tamang edad, babae, lalake);
-PATAY (bayani, presidente, artista, babae, lalake, bata, matanda, pareho rin ng sa buhay);
-IBANG BANSA (pareho rin ang itatanong kung buhay o patay);
-KOMIKS O FICTION (foreign-superman, etc. o local – Darna, etc.)

2. Propesyon ng tao – vocational ba o may degree; tagalog o ingles, isa-isahin na ang mga propesyon.

3. Parte ng katawan ng tao – tagalog/ingles/internal/external
-ULO (utak, buhok, anit, kilay, pilikmata, mata, ilong, pisngi, tainga, bibig, labi, nguso, dila, ngipin, ngala-ngala, leeg, batok);
-GITNANG KATAWAN (baga, puso, atay, kidney, small/big intestines – mga internal; dibdib, balat, pusod, baywang, braso o bisig, siko, kili-kili, balikat, kamay, palad, daliri/klase ng daliri, kuko - external);
-BAYWANG PABABA (tiyan, sikmura, balakang, puwet, singit, hita, tuhod, alak-alakan, binti, paa, sakong, talampakan, bukung-bukong, lulod)

HAYOP – Nasa lupa/tubig/himpapawid/lupa at tubig/lupa at lumilipad;

1. LUPA - walang paa (ahas at kauri)-2-4-maraming paa, maliit as in daga, katamtaman as in aso, malaki as in elepante, nasa bahay; nasa farm; nasa zoo; nasa wild;
2.TUBIG - malaki/maliit, isda, shell, pumapatay ng tao, kinakain ng tao;
3.HIMPAPAWID - insekto, klase ng ibon, malaki, maliit;
4.LUPA/TUBIG - ex. Pagong, buwaya;
5.LUPA/LUMILIPAD - ex. Ipis
6.NASA MGA PUNO – unggoy; butiki sa kisame

BAGAY – Nasa loob ng bahay/nasa labas ng bahay/gamit ng tao

1. SA LOOB
-Parte ng bahay (bubungan, dingding, haligi, hagdan, etc.)
-Nasa loob ng bahay na gamit ng tao/saan lugar makikita:
-SA PAGLULUTO-kategorya ng mga kaldero/palayok, o utensils like sandok/siyense, o appliance like ref, freezer, gas oven/range, microwave, toaster, etc.
-Sa PAGKAIN – silverware like spoon and fork, chinaware like pinggan, platito, tasa, etc. placemats;
-
SA PAGLILINIS – mop, walis, duster, detergent, sabon, tubig, dustpan, bunot o vacuum cleaner, basahan o trapo;
-FURNITURE like mesa, silya, etc;
-APPLIANCES/electrical gadgets like bentilador, aircon, videoki, computer, celfone, etc.
-GAMIT PERSONAL at kung saan makikita, kuwarto o bathroom– liquid like perfume, lotion, shampoo, deodorant; solid like suklay, brush, toothbrush, sabon, etc.; made of what material – tela like dress, plastic, leather like shoes, wallet, bag; metal like jewelry;
-GAMIT SA PAG-AARAL tulad ng libro, lapis, bolpen, etc.
-GAMIT SA PALILIGO, PAGLALABA, PAGLALARO

2. SA LABAS NG BAHAY – poste ng kuryente, uri ng sasakyan, sa kalsada o lumilipad, 2-3-4-maraming gulong, helicopter o jet plane o eroplano, saranggola.

PANGYAYARI – Historical or religious events, o social occasions.

1.Historical – June 12 o Araw ng Kalayaan; Rizal Day, etc.
2.Religious – Pasko, Mahal na Araw, Biyernes Santo, etc.
3.Social – graduation, birthday, anniversary, etc.

LUGAR - Sa Pilipinas o Abroad, siyudad o probinsiya, tourist spots

1. Sa Pilipinas
- Metro Manila – isa-isahin nang lahat ang nasa Metro Manila – Makati, Manila, Marikina, Mandaluyong, San Juan, Pasig, Pasay, etc.
-Luzon – Kung North (magmula na sa Norte papuntang Bulacan; kung tourist spots – Banawe Rice Terraces, Baguio, Hundred Islands, Subic, Bataan Dambana ng Kagitinan, etc.); Kung South – (magmula na sa Calabarzon,);
-Visayas - Cebu, Bohol, Iloilo, Samar, etc.
-Mindanao – Davao, Cagayan, Palawan, etc.

2.Tourist Spots – Alamin muna kung nasaang lugar, Luzon, Visayas o Mindanao, then isa-isahin na kung Boracay, Palawan, etc.

3.ABROAD – Continente o bansa o siyudad; Asia, Europe, America, Middle East, Africa, etc.; Tourist spots ba like Statue of Liberty, Twin Towers, Eiffel Tower.

PAGKAIN - alamin muna kung kinakain ito sa almusal, tanghalian, miryenda o pulutan, hapunan; Pag nagkaalaman na kung kailan kinakain, tanungin na kung ito ay -
-Prutas -gulay -karne -isda -condiments o panimpla -carbohydrates -dessert o himagas, kakanin, o iniinom. Kapag alam na kung kailan kinakain, tanungin na kung ito ay -

1. ULAM – May sabaw – nilaga, sinigang, tinola, etc.; May sarsa - menudo, mechado, asado, kare-kare; Mga Prito – chicken, porkchops, litson kawali, litson baboy, manok, isda; May sahog na gulay – pakbet, kare-kare, lumpia, etc.

2. PRUTAS – Anong kulay – berde, pula, dilaw, orange, kulay sa loob, kulay sa labas, may isang buto o marami, wala, bilog, pahaba as in papaya, maliit as in duhat, sinigwelas, magalas o makinis ang balat, malaki as in pakuwan, langka.

3. GULAY – nasa bahay-kubo; wala dito – pipino, cauliflower, sayote, isinasama sa pakbet, sa lumpia, salad, etc.

4. KARNE – Chicken, porkchop, steak, embutido, lengua

5. ISDA – Ordinaryong isda -bangus, tilapia, dilis, tuyo; Espesyal – lapu-lapu, tuna, salmon

6. ALMUSAL – hotdog, ham, corned beef, kape, tsokolate, gatas, keso, mantekilya, tinapay, pandesal, champorado, lugaw, sinangag

7. TANGHALIAN AT HAPUNAN– mga ulam at kanin

8. MERIENDA – Sa restoran – hamburger, hotdog, halo-halo, ice cream, siopao, mami; Sa bahay – tinapay at peanut butter, etc.; Binibili sa palengke o tindahan – kakanin like puto, kutsinta, sapin-sapin, palitaw, ginatan, mais nilaga o inihaw, kamotecue, bananacue, barbecue, etc.

9. PANIMPLA/CONDIMENTS – suka, patis, toyo, asin, paminta, mga herbs, bagoong. PULUTAN – sa beer, balot, chicharon, etc.

Hindi madali ang manalo sa Pinoy Henyo. Kailangang hindi magpa-panic. Buo ang loob. Naka-focus. Kung nasa Luzon at oo na sa Norte, huwag nang pumunta sa Boracay. Kung Metro Manila at siyudad, huwag nang pumunta sa Cubao o Divisoria. Kung parte ng katawan at nasa ulo, isa-isahin na ang parte ng labas at loob ng ulo. Kung nasa Pilipinas, huwag nang magpunta sa abroad. Vice versa. Kung hindi babae o lalake o Pilipino o foreigner, baka parte ng katawan. Huwag kalilimutang itanong kung ingles o tagalog. Kapapanood lamang namin na ang tanong ay FEET at ang sagot ng humuhula ay PAA, na sinagot ng kanyang kapartner ng OO na. Pero hindi pa rin nakuha at nagpunta pa sa tuhod, sa alak-alakan at kung anu-ano pa. Nasayang ang oras.

Halimbawa lamang, saan pwedeng i-categorize ang tuyo o tinapa. Pagkain - almusal - isda - tuyo o tinapa! Na-established na pagkain, itanong kung kailan kinakain at simulan sa almusal (oo na agad rito). Itanong kung ulam sa almusal, kung oo ang sagot, itanong kung isda o karne o iba pa (keso, mantekilya, pritong itlog o omelet, peanut butter). Pag oo sa isda, tuyo o tinapa o pritong bangos o anupaman ang kasunod na. Kung karne, itanong kung ulam sa kanin o tinapay.

Praktis ang kailangan at mula ngayon, maging obsevant o palamasid sa mga bagay-bagay sa paligid.

Magbasa ng diyaryo o manood ng telebisyon, makinig sa radyo, dahil baka ang current events o pangyayari ang pahuhulaan – tsunami sa Japan, Osama Bin Laden, Manny Pacquiao, etc.

Pag-aralan ang mapa ng Pilipinas para malaman kung anu-anong probinsiya ang nasa North at kung ano ang nasa South.

Ito ang ikinagusto namin sa Pinoy Henyo. May natututuhan kahit papaano. Iyong mga nalilimutan na dahil sa katagalan, muling naaalaala. Tuloy napapansin namin na napakarami na palang mga kabataan ang nakalilimot o walang alam sa geography ng Pilipinas. Buti pa ang isang segment nito kung saan ang mga kasali ay mga batang nasa elementarya na honor students. Ang galing-galing nila!

O, rebisahin na ninyo ang aking guide at balatuhan ninyo ako pag nanalo kayo!











Friday, May 6, 2011

WAKASAN O DUGTUNGAN



ANG KWENTO NGAYONG MAYO,
KAUNTING PALIWANAG


Katuwaan lamang ang pagkasulat ko sa kwentong ilalagay ko sa aking blog ngayon. May hawig sa tunay na buhay at pag-ibig ng karaniwang tao. Ganoon namang talaga ang pag-ibig, pare-pareho ang dating sa lahat ng nilalang. Lalo iyong mga first love. Na nangyayari noong high school. Pati ang mga problemang kaakibat nito, magkakamukha rin. Kaya, masasabing halos lahat tayo, minsan isang panahon, nagdaan sa ganitong situwasyon. Kaya tuloy, kapag nabasa ng ilan ang nasabing kwento, akala ay sila ang tinutukoy. Ito rin ang dahilan kung bakit atubili akong isama ito sa aking blog.

Ang nakatutuwa noon, pero, baka hindi na ngayon, ang ginamit ko pang mga pangalan nang ipalathala ko ito ay mga pangalan ng kilala ko't mga kaibigan. Gusto nila, kaya sunud-sunuran naman ako. Sabi nga, katuwaan lamang. Ang saya-saya pa nga namin noon, nagtutuksuhan pa.


Subalit ngayon, para wala nang usapan, napagpasiyahan kong baguhin ang lahat ng mga pangalang ginamit ko noon. Sa kanilang nakaaalam kung sinu-sino sila, makikilala nila ang kani-kanilang sarili. At alam rin nila, na kung may tatamaang katotohanan sa nasabing kwento, mayroon ding mga pangyayaring hinabi lamang ng aking malikhaing isipan.

Kumbaga ay isang “disclaimer”. Anumang pagkakahawig sa totoong tao o totoong pangyayari, ito ay nagkataon lamang at hindi po sinasadya. Narito na ang nasabing kwento.


WAKASAN O DUGTUNGAN


WHAT a night, bulalas ni Toti.

Kaya lang, bitin, reklamo ni Ellen.

Hindi pa naman tapos, sambot ni Ollie.

Natural, may karugtong pa, paliwanag ni Ally.

Tigil nga kayo, saway ko. Ang barkada, kung mag-usap, parang hindi kaharap ang pinag-uusapan. Ngunit mukhang okey lang kay Jeric. Ngingiti-ngiti, tatangu-tango. Wala ring sey si Rowena. Ngingiti-ngiti rin. Kaya lang, panay ang iling.


Kalalabas lamang namin ng Tipanan sa Manila Pen. Kung saan nagpasikat ng boogie at chacha sina Jeric at Ally. At non-stop na nagsayaw ng sweet sina Jeric at Rowena. Bago ito ay nanggaling na kaming mag-dinner sa ibang hotel na experience of a lifetime para kay Ally. Aba, e, pagsilbihan ka ba naman ng mga bunnies. Sabi nga ni Ally, naku, Nene, napakaganda naman ng katawan mo, ba't di ka mag-artista. Bira nga ni Ollie, kung puwede lang itakwil itong si Ally, nasa 5-star na, astang promdi pa rin. Pati preparasyon ng caesar's salad, inusisang mabuti, palibhasa'y tinablan na. Bago kasi nag-dinner ay nag-cocktail muna. Sa tuwa ni Ally sa blow-out ni Jeric, panay ang ginawang tungga. Kaya simula pa lamang ng dinner, malagihay na.

Nasa lobby kami ng hotel. Nag-uusap-usap kung sino ang sasama sa kung sino. Ang mag-asawang Toti at Ellen, magkasama, uuwi sa probinsiya. Si Ollie ay pauwing South Super. Si Rowena ay sa Antipolo. Si Jeric ay naka-book sa Silahis. Si Ally ay sa Sampalok. Ako ay sa Marikina.

Parang dispatcher na namahala si Ally. Si Ollie ang maghahatid sa akin. At ever, the incurable romantic, ikaw Rowena, ay ihahatid ni Jeric.

No, no, no. mabilis ang sagot ni Rowena. Ako'y susunduin at ako na ang bahala kay Eve. Ikaw, Ally ang ihahatid ni Jeric.

Lahat ng mga mata ay napako kay Rowena. Paano ang karugtong, wari ang tanong. Ang tawa ni Rowena. Nasusundan niya ang isip ng mga kaharap. Tapos na. The end. Wala na, saad ng kanyang tawa. Kay Jeric naman bumaling ang grupo. After this beautiful evening, wala nang karugtong? Tanong ng mga mata.

Si Jeric naman ang tumawa. At kinilingan, kinindatan si Rowena. You heard what the lady said. Ano pa ang masasabi ko.


JERIC, Rowena, Toti, Ollie, Ally at ako, magkakaiskwela, barkada sa high school, sa probinsiya, karatig ng Maynila. Ngunit sina Jeric at Rowena, elementary pa lamang ay magkamag-aral na, higit na matagal ang pinagsamahan. Nineteen forgotten pang talaga. Noon bang ang usong komersiyal sa radyo ay cenvoco, mantikang pantahanan, malinis, mura't malinamnam. Nang ang mga nakasahimpapawid na dula sa radyo ay Ramon Selga, Ilaw ng Tahanan, at Gulong ng Palad sa tanghali at Prinsipe Amante sa gabi. Nang ang idolo ng mga bata ay si Hagibis. At ang mga iskursiyunistang nagsisimba sa Antipolo kung Mayo ay nagtutuloy na magpiknik sa Balara at La Mesa Dam.

Ayon sa kuwento ni Rowena nang nasa high school kami, higit na may kabuhayan sina Jeric kaysa sa kanila ngunit sa dami nang magkakapatid nito, hagad din sa gastos ang mga magulang. Nagkataon pang bunso si Jeric, kaya ito ang nakasapol ng hirap ng mga kakulangan sa maraming bagay. Na marahil, siyang ugat ng di pangkaraniwang ambisyon nito. Dahil buo na ang balak sa hinaharap ni Jeric. Maghahanap ng trabaho pagkatapos ng high school. Kung puwedeng pagsabayin ang aral at trabaho, lalong mainam. Kahit na clerk, mensahero, diyanitor.

Bakit ka ba nagmamadali, usisa ni Ollie.

Ang sagot ni Jeric. Gusto kong yumaman. Hindi lamang mayaman. Kundi napakayaman. Hindi tulad ni Tatang, ang pag-aari ay mga bangkang pangisda lamang. Gusto ko'y may bahay na rito, mayroon pa rin sa Amerika. Kahalu-bilo ng matataas na tao rito sa atin at pati sa ibang bansa. Araw-araw na suot ay amerkana. Laging nakakurbata. Florsheim ang sapatos. Cadillac ang kotse. May tsuper na sarili.

Hoy gising na, singit ni Ally.

Ngunit hindi maawat si Jeric. Hindi lamang iyan, dahil very successful ako, kukunin akong maging guest speaker sa kung saan-saang conferences at convention.

O, sige, ako nang unang mang-iimbita sa iyo, sambot ni Toti. Pwede ka bang maging guest speaker ng graduation sa high school na ito kapag ako na ang principal.

Inilahad ni Jeric ang palad kay Toti. Ikasa mo, kapatid. Sikapin mo lang na maging prinsipal sa lalong madaling panahon. I'll be a millionaire before I'm forty.

Ayos, ako naman ang pumasok. Basta blow-out mo kami pagdating ng araw na 'yon.

Sinabi mo, thumbs up na sagot ni Jeric.

Lakas ng tawanan namin. Si Rowena lamang ang walang imik. Kung ano ang nasasaloob, walang nakakaalam.

Sa college nagsimula at panayang dumalaw kay Rowena si Jeric. Iyong dalaw na may kulay, hindi dalaw barkada. Kadalasan nga ay may bitbit na pasalubong. Isang supot na mani na binili sa may kanto ng Quezon Boulevard. Tatlong tuhog ng bananacue na nakabalot sa wax paper, binili sa may Lepanto. Tatlong pulang rosas galing Quiapo.

Si Rowena. Uyyyyyy... tatlo. Bakit tatlo?

Si Jeric. May ibig sabihin ang tatlo, Weng. I love you...

Nanliligaw ka sa akin, bulalas ni Rowena.

Dalawang taong singkad, matiyagang dumalaw si Jeric kay Rowena, kasabay ang iba pang manliligaw ng dalaga. Walang sinabi si Rowena kay Jeric ngunit iba ang pakitungo niya rito kaysa sa iba. Higit na matamis. Nang dumating ang ikatlong taon ng pag-aaral sa kolehiyo, bigla, ang panayang dalaw ni Jeric ay naputol. Walang liham, tawag sa telepono o anumang balita, parang bulang naglaho, wika nga. At isang bahagi ng sarili ni Rowena ang wari ay nawalan ng buhay.

Nang makalipas ang ilang buwan, isang tanghali ay walang abog na dumating sa kaserang tinutuluyan si Jeric. Anong nangyari sa iyo, usisa ni Rowena.

Kay haba ng kuwento ni Jeric. Tumigil na akong mag-aral. Nakakuha ako ng trabaho sa base. Naipasa ko ang lahat nilang iksamen. Maganda ang aking posisyon. May bago akong kakilala na alam kong makatutulong pagdating ng panahon. Marami akong natutuhan. Ito na ang simula, Weng. The oportunities are there, waiting for me. Kailangan lamang ay sipag, tiyaga, lakas ng loob. Damang-dama ko, I'm at the threshold of my dreams.

Mua noon, minsan isang buwan o dalawang buwan, dumarating si Jeric, bitbit ang mga pasalubong na binili sa px. Mga tsokolate, tela, pabango at kung anu ano pa. Bibiyahe mula Olongapo sa umaga, darating ng tanghali sa kasera, isa, dalawang oras na makikipagkuwentuhan kay Rowena, at muli, lalarga. Kailangan ako sa trabaho, ang sabi. At maiiwan si Rowena sa ilang umuukilkil na katanungan. Bakit laging tanghali kung siya ay dumalaw? Sino ang kanyang pinupuntahan pagkaalis dito? Trabaho nga kaya? O may iba. Hindi lamang ako.

Ang mga tanong na hindi isinatinig ay natulad sa kalawang na sumira sa bakal. Bumuwag sa pagtitiwala. At sapagkat walang pormal na ugnayan, ang walang linaw na relasyon ay natapos nang pagayon lamang. Nabalitaan ni Rowena, wala na sa Pilipinas si Jeric. Nasa America na raw.

Hanggang kailan makapaghihintay ang isang puso? Isang buwan. Tatlo. Lima. Hustong labing-isang buwan at tatlong linggo, tinanggap ni Rowena ang katotohanang wala na si Jeric. Hindi tulad nang unang mawala, sa pagkakataong ito ay tuluyan nang naglaho ang binata sa kanyang buhay. Sarado na ang aklat. Tapos na.

At patuloy ang buhay. Unang nag-asawa si Toti. Nanirahan sa probinsiya, nagturo sa dating high school. Sunud-sunod na nag-asawa si Rowena, ako, saka si Ollie. Nagpakatandang-dalaga si Ally, hindi malimutan ang kanyang katangi-tangi o katanga-tangang pag-ibig. Bihira kaming magkita-kita. Una't huli ay nang mag-reunion nang nakaraang taon. Ang saya, kaya lang ay kulang ang barkada. Wala si Jeric. Nasa states daw, mayaman na, mayroon nang pamilya. Iyon lamang ang balita. Kibit lamang ng balikat si Rowena. Okey na ang kanyang buhay, may apat na anak, nasa abroad ang asawa, may posisyon siya sa opisina.

Nang makalipas ang ilang taon ay hangos na tumawag sa telepono si Toti. Imbitado kita, Rowena. Ang buong barkada. Sa graduation dito sa high school.

Principal ka na, hula ni Rowena.

Tama, excited si Toti.

At guest speaker mo si Jeric.


PAWISAN si Jeric sa suot na amerkana. Kay ganda ng kurbata. Anong kintab ng sapatos. Dapat, nag-barong siya, bulong ni Ally kay Rowena. Siniko ko si Ally. Nakatingin sa amin si Toti, nasa entablado, kasama ng iba pang opisyales ng iskwelahan. Pssst, saway ni Ollie sa amin, ang gulo ninyo.

Nagsasalita si Jeric. Ang paksa ng kanyang talumpati ay tungkol sa Acres of Diamonds. Sa isang taong sa pagnanasang yumaman ay ipinagbili ang lupang minana sa mga magulang. Nagtungo sa malayong bayan na inakala niyang madudukalan ng brilyanteng inaasam. Hindi niya alam, ang lupang tinalikuran ang kinaroroonan nang hinahanap na yaman. Kaya panghuling sabi ni Jeric sa mga kaharap na estudyanteng magsisipagtapos nang hapong yaon. Bago kayo umalis, tingnan munang mabuti ang inyong kapaligiran, ang inyong iiwanan. Baka ang hinahanap ay nasa tabi lamang huwag isiping kailangang umalis upang magtagumpay. Laging itanim sa isip na nasa inyong sarili, sa inyong sariling kakayahan ang ikapagtatagumpay. Dito man sa atin. O sa iba mang bayan.

Principal na nga si Toti. Naging guest speaker niya si Jeric. At nang gabing yaon, ang pangakong blow-out ni Jeric para sa barkada, maraming taon na ang nakararaan ay tinupad. Noon nga tinablan si Ally, kaya lalong naging mausisa. Pati ang nakalipas nay pilit pa ring hinalukay.

Jeric, di ba lumigaw ka kay Rowena, ang tanong.

Ngumiti si Jeric, sabay sulyap kay Rowena. Guilty.

Kumumpas si Ally. Ba't hindi kayo nagkatuluyan, e, ganoong gusto ka rin niya.

Nabitin ang ngiti ni Jeric, hinanap ng mga mata si Rowena. Totoo?

Napatingin kaming lahat kay Rowena. Totoo, mabilis na sagot nito.

Kumunot ang noo ni Jeric at nang magsalita ay iba na ang tinig. But why didn't you tell me then?

Nakataas ang mga kilay na sinalubong ni Rowena ang mga mata ni Jeric. Hindi mo naman 'tinanong. I remember too well you never asked me.

Never asked you, my God. Kailangan pa bang itanong. Dalawang taong singkad na niligawan kita. Nang nasa Olongapo ako, kung ilang oras akong nagbibiyahe, makita at madalaw ka lamang.

Minsan isang buwan, o sa dalawang buwan. At tanghali pa. Malay ko kung may iba kang pinupuntahan pagkatapos.

Trabaho lang, Weng. Walang iba.

Isa pa 'yang trabaho mo. Masyado kang preoccupied sa pagyaman mo, na- insecure tuloy ako. Parang hindi ako bahagi ng iyong mga balak sa hinaharap.

If you had those feelings then, ba't hindi ka nagsalita, nagtanong.

Noong panahong 'yon, ang mga babae'y hindi nagtatanong.

O, my God, waring tinakasan ng lakas na sumandal ng upuan si Jeric, iiling iling. What a waste. And all those years I had the diamonds in my hand.

Tahimik kaming lahat. Kaming mga miron na naging saksi ng isang confrontation, many years too late. Nang bigla, tinukop ni Ally ang kanyang bibig, pinipigil ang nagwawalang ngawa, habang nag-uunahang naglandas ang luha sa mga pisngi.

Hoy, saway ni Ollie.

Sorry, at dagling pinahid ni Ally ng table napkin ang kanyang mga mata. Naalaala ko lang kasi ang aking tanging pag-ibig, ang dugtong pa. Iyon lamang at hagalpakan kami. Muli, bumalik ang buhay sa aming mesa. Bagaman at may naiba. Waring nagkaroon ng kakaibang sigla.


NAKAALIS na sina Ollie, Toti at Ellen. Kami na lamang ni Jeric, Rowena at Ally ang naiwang magkakaharap sa isang mesa sa lobby. Nagdidiskusyon. Post mortem, wika nga.

Si Ally ang naapektuhan sa lahat. Now what, tanong niya kay Rowena, kay Jeric.

Now what na ano, sagot ni Rowena. Jeric here is married.

Nauna kang nag-asawa, singit ni Jeric.

Hindi namansin, nagpatuloy si Rowena. And I'm happily married with wonderful children. May dapat pa bang itanong?

Sunud-sunod ang iling ni Ally. What a waste, ulit-ulit.

Dumating ang binatang anak na sundo ni Rowena. Nagpakilalanan. Nagpaalaman. Bago lumakad ang kotse, may itinanong si Jeric. When I'm in town, coud I call on the barkada for dinner or something...

Ngumiti lamang si Rowena. Hindi sumagot. At bigla kong naisip, abangan... ang susunod na kabanata.



Mayo 23, Liwayway.

Thursday, May 5, 2011

Larawan ng Summertime




Kailangang magpagupit nang maigsi...


Magbakasyon sa probinsiya, sa lumang bahay...


Dumungaw at pagmasdan ang pamumulaklak ng puno sa harap ng bahay...


Kumain ng mangga...

Add ImageDumalo sa mga fiesta at mag-enjoy sa hipon at dinuguan...

at roast chicken...


Magmiryenda ng kutsinta ni Aling Citang ng Sta. Isabel...



Bumili ng dirty ice cream...


at taho...



Bago magpahinga ay magpinta muna ng obra maestra....



At habang namamahinga, magsawa sa pagmamasid sa magagandang bulaklak sa paligid...



At sa paru-paro na palipat-lipat sa talulot ng mga bulaklak...

Kayo, ano ang larawan ng summertime sa inyo? Share naman...


Sunday, May 1, 2011

Summertime


SUMMERTIME


Mayo na naman! Bakasyon grande ng mga istudyante. Mother's Day. Flores de Mayo. Santakrusan. Outing sa beach. Picnics. Pasyalan. Kwentuhan. Balikbayan. Reunion. Kantahan.

Kapag summer, ito ang mga awit na pumapasok sa isip ko. Mga lumang kanta tungkol sa Mayo na ni hindi lumalabas kapag hinanap ko sa google. Flowers are blooming in May, flowers that speak of romancing, hearts that are carefree and gay, beautiful moments together... Ni hindi ko matandaan kung sino ang kumanta nito. Pero ang naaalaala ko ay matinding sikat ng araw, mainit na simoy ng hangin, tugtugan sa piyano, pretend you're happy when you're blue, it isn't very hard to do... at ang paborito ng isang kaibigan, why don't you believe me, it's you I adore...at maghapong ginugugol sa pakikipagkwentuhan sa barkada tungkol sa mga lihim na crush na itinatago sa mga letra at numero na pinagbabalik-baliktad para huwag mahulaan.

Nabanggit ko ang pagkanta, nitong mga nakararaang araw ay may pinagkaabalahan akong tunay. Iyong mga nabaha kong CD na koleksiyon ko ng mga awit nina Frank Sinatra, Mel Torme, Doris Day, Beatles, Nat King Cole, The Rat Pack, Mitch Miller, Paul Anka, Neil Sedaka, Gershwin, Mancini, Mantovani, Big Band, mga Arias, best chorus, Mozart, Bach, Rachmaninoff, Vivaldi, etcetera... na pinatiyagaan kong hugasan, linisin at patuyuin, ay isa-isa ko nang sinusubukang patugtugin upang malaman kung alin ang sira at nang maitapon na ;-(

Nakatutuwa ang pakikinig sa mga lumang awit. Sa ayaw mo at sa gusto, may kakantiin itong gunita, may huhuguting alaala na siguro ay sadya mo nang ibinaon sa limot, may gigisinging masasayang sandali sa nakalipas na magpapangiti, minsan nga'y magpapahalakhak pa sa iyo.

Ang maganda nito, sa paghalukay ng iyong isipan sa mga nakaraang araw, nagiging aktibo ang iyong utak. Kumbaga ay na-e-ehersisyo. Mainam ito sa mga seniors... itinataboy nito ang alzheimer! Kaya, subukan ninyo. Simulan sa paborito ninyong singer. O siguro, kahit na sinong singer, kung alin ang madampot na CD. Pareho ko. Na dahil wala na ngang label ang mga CD na hinugasan, hindi ko na alam kung ano ang laman, basta pinatugtog ko na lamang. Ito ang isa sa mga narinig ko.

Red sails in the sunset, 'Way out on the sea
Oh! carry my loved one, Home safely to me.
He sailed at the dawning, All day I've been blue
Red sails in the sunset, I'm trusting in you
Swift wings you must borrow, Make straight for the shore
We marry tomorrow, And he goes sailing no more.
Red sails in the sunset, 'Way out on the sea
Oh! carry my loved one, Home safely to me.

Ang ibinabalik na gunita nito sa akin ay ang matrapik, noon pa, na Espana, C. Lerma, Azcarraga. Nagre-review kami sa UE para sa CPA Board exams. Nakatira ako sa isang kaibigan na ang pamilya ay nangungupahan ng apartment sa may Craig Street. Isa sa mga perpendicular na kalye noon sa Espana ay ang Washington kung saan naman nakatira iyong boyfriend ng kaibigan kong ito, sa pagkakaalam ko. Gabi-gabi, tumatayo kami ng kaibigan ko sa may balkonahe ng tinitirahan naming apartment at inaabangan namin sa pag-uwi ang boyfriend niya na nag-aaral sa Mapua noon. Tanaw buhat sa kinatatayuan namin ang Espana at pagdaraan ng nasabing boyfriend, wala lang, magtitinginan lamang sila, iyon na, tapos na. Ang sweet, hindi ba? Young love, talaga naman! And they live, and are still living happily ever after in the land of milk and honey.

Ang kaibigan kong ito ay may isang pinsang lalake na mahusay na gitarista, taga-Negros Occidental sila. Wala siyang background sa pag-aaral ng piyano, hindi raw siya marunong bumasa ng nota, o marunong man, ay hindi ito ang ginagamit niya sa pagtugtog. Oido lang. Nakita ko kung paano siya nagsimulang tumipa ng piyano sa bahay ng aking kaibigan. Tugtog lamang siya nang tugtog, hinahanap ng mga daliri ang tamang kombinasyon ng mga chords, habang pinakikinggan ng mga tainga ang malinaw, madulas na tunog. Sila ay isang musical family, magaling ding magsiawit. Isang nakatatandang kapatid na lalake ang narinig kong inawit ang Red Sails in the Sunset. Kasabihan nga ng panahong iyon, ang boses nito ay plakang-plaka. Nat King Cole na Nat King Cole. Si Ely, ito ang pangalan ng magaling na gitaristang pinsan ng kaibigan ko ay naging isang mahusay ring piyanista. Isang mahabang panahong tumugtog siya sa mga hotel, hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi sa ibang bansa pa rin. Isa sa mga anak niya ay kinilalang mang-aawit dito sa bansa.

Ilang buwan lamang akong tumira sa Craig at nang matapos ang review at napasok ako sa trabaho, bumalik na ako sa dormitoryo. Ngunit tuwing naririnig ko ang Red Sails in the Sunset, buung-buo ibinabalik ng himig ang mga araw na ginugol ko, kasama sila.

Ibang CD, ibang kanta, iba namang alaala. Narito ang ilan na magkakakabit ang mga gunitang ibinabalik.

I know a dark secluded place.
A place where no one knows your face.
A glass of wine a fast embrace.
It's called Hernando's Hideaway ole!
All you see are silhouettes.
And all you hear are castanets.
And no one cares how late it gets.
Not at Hernando's Hideaway ole!

***

Smile though your heart is aching
Smile even though it's breaking
When there are clouds in the sky, you'll get by
If you smile through your fear and sorrow
Smile and maybe tomorrow
You'll see the sun come shining through for you

Light up your face with gladness
Hide every trace of sadness
Although a tear may be ever so near
That's the time you must keep on trying
Smile, what's the use of crying?
You'll find that life is still worthwhile
If you just smile...

***

I'll be loving you eternally
With a love that's true, eternally
From the start, within my heart
It seems I've always known
The sun would shine
When you were mine
And mine alone
I'll be loving you eternally
There'll be no one new, my dear, for me
Though the sky should fall
Remember I shall always be
Forever true and loving you
Eternally

Theme ito ng pelikulang “Limelight” na tungkol kay Charlie Chaplin. Eternally. Na kapag nagkakalukuhan, ay sinasabing Internally. Kung double entendre ito ay ewan, kasi inosente/ignorante pa ako noon. Pero, sabi nga, feel na feel namin kapag kinakanta ito.

Kapag naman hindi namin nakita ang aming crush, ang kinakanta namin noon ay Smile. Kami iyong mga disisais anyos na bagong salta sa University Belt nang panahong hindi pa iyon nagiging venue ng mga rally sa Mendiola.

At ang Hernando's Hideaway ay para namang bagay na bagay na tinitirahan kong kasera noon, pre-dormitory days. Visualize: Lumang-lumang bahay sa Legarda, katapat ng Legarda Bowling Alley, malapit sa kanto ng Azcarraga at Mendiola. Nasa ikalawang palapag kami. Ang ilalim nito ay mga tindahan. May maliit, mahigit isang metro siguro ang luwang, na eskinita o paraan na siyang lagusan namin para makarating sa hagdanan na papanhik sa aming tirahan. Sinauna ang yari ng bahay. Yari sa tabla. May dalawang kuwarto sa kanan na ang isa ay para sa aming mga babaeng nangangasera at ang isa ay pinauupahan sa magkakapatid na may nag-aaral at nagtatrabaho na. May kani-kaniyang bintana ang dalawang kuwarto kung saan masisilip ang lagusan. Ngunit madilim ang pinaka-sala o silid-tanggapan dahil walang bintana rito. Ang mga bintana ay nasa eksklusibong mga kuwarto na gamit ng may-ari ng bahay at ng kanyang pamilya. Ito ang nakaharap sa kalye ng Legarda. Sa kaliwa naman ng sala ay ilang baitang na hagdan paakyat sa mezzanine na tulugan ng mga lalaking nangangasera rin, na karaniwan ay kapatid o pinsan ng mga babae o halos kababayan ng lahat (panay taga-Malolos). Sa kaliwa nang pagpanhik ng hagdanan ay ang komedor at isa pang kuwarto na pinauupahan rin sa iba namang pamilya. Nasa dulo ang kusina, banyo, asoteang sampayan ng mga nilalabhang damit at iba pa.

Parang Hernando's Hideaway talaga.

Mataas pa ang talaksan ng aking CD na patutugtugin. Sabagay, nag-uumpisa pa lamang naman ang summer. Nostalgia trip talaga ito. Meanwhile, sa aking Magic Sing, ang kinakanta ko naman ngayon ay ...

Summertime, and the livin' is easy
Fish are jumpin' and the cotton is high...
Your daddy's rich and your mamma's goodlooking
So hush-a-bye, baby, don't you cry...

One of these mornings
You're going to rise up singin'
Then you'll spread your wings
And you'll take to the sky
But till that morning
There's a'nothing can harm you
With daddy and mamma standing by...

Kaya ngayong bakasyon grande, hindi lamang ng mga istudyante, kundi at lalo ng mga seniors, sa tunay na kahulugan ng salita, dahil retirado na sila, magkantahan na lamang tayo at mag-reminisce. Minsan nga, naisip ko na sa pagre-reyunyon o sleep-over ng isang barkada ng mga seniors, ganito siguro ang magandang gawin. Magpatugtog ng isang CD, tapos magpaikot ng bote, parang Truth or Consequence noong araw, sunod ang matapatan ay magkukwento ng mga alaalang ibinabalik sa kanya ng tugtog. Parang okay, ano?

So, ngayon, habang wala pang reyunyon, kani-kaniya munang patugtog at reminisce. Ito naman ay kung tapos na nating pagkwentuhan ang kasal nina Prince William at Kate Middleton ng Britanya.


Oh, my, ang sweet naman ng kanilang tinginan...