Saturday, February 12, 2011

HAPPY VALENTINE TO ALL !

VALENTINE ARAW-ARAW


VALENTINE ARAW-ARAW


KAPAPASOK pa lamang ng Enero, hindi pa naaalis sa pagkasabit ang parol, hindi pa nakakalas at naililigpit ang christmas tree at manaka-naka'y may naririnig pang putok ng rebentador sa paligid, ay panay na ang parinig ni Linda kay Joey.

Aniya, “Wow, ang bilis nga naman ng panahon. Nu'ng isang linggo lang, 1988 pa. Ngayon 1989 na. Enero ngayon, sa isang buwan, Pebrero na.”

“Natural, kasunod ng Enero'y Pebrero,” komentaryo naman ni Joey.

Medyo nainis si Linda sa asawa, pero pinayapa pa rin ang loob. At itinuloy ang parinig. “Akalain mo, Valentine na naman...”

Palihim na sinulyapan ni Linda si Joey. Patuloy ito sa pagbabasa ng peryodiko. Wa epek.

My funny valentine, sweet comic Valentine, you make me smile with my heart. Your lips are laughable, unphotographable...

Wala pa rin, subsob pa rin ang mukha ni Joey sa binabasa. Parang walang naririnig na kanta.

Sentimental at romantika si Linda. Iyong tipong gustong nakatatanggap ng regalo kung Pasko, kaarawan, anibersaryo at kahit walang okasyon. Kahit na anong regalo, hindi kailangang mamahalin. Basta at maalaala lamang siya. Kahit sabon. Kahit bulaklak ng damo. Kahit kabibe.

Kaya nga ba sa kabila ng sampung taon nilang pagsasama ni Joey, hindi pa rin niya maiwasang balik-balikan sa alaala si Orly. Ang una at tangi niyang naging boyfriend bago napangasawa si Joey.


ORLY. Wala na yatang taong hihigit pa sa pagkamaalalahanin nito. Ito ang kaagad niyang napuna sa unang pagkikilala nila ng binata. Sa loob ng bus. Standing. May nakasabit hanggang estribo. Pero talagang kailangan niyang makarating sa Baclaran. Huling Miyerkoles ng kanyang nobena. Nakahihiya mang aminin at wala naman siyang balak umamin, ipinagnonobena niyang ligawan sana siya ng kanyang crush, seatmate niya sa Cost Accounting.


Hindi na raw uso ang Boy Scout, kaya nang parahin niya ang bus, nakahanda na siyang tumayo. Nang isang lalaki ang nag-alay sa kanya ng upuan. “Miss, dito na kayo.”

Siempre, natuwa siya. “Thank you, thank you,” sabi niya, sabay upo. Maraming aklat na dala ang lalaking nagpaupo sa kanya. Siya naman ang naghandog ng tulong dito. “ Akina ang mga dala mo,” kanyang wika.

“Baka ka mabigatan,” pasumala nito.

“Nakaupo naman ako,” nakangti niyang tugon.

Orlando Marcelo, nabasa niya sa sulok ng takip ng aklat. UE. Kapareho pala niya. Ano kayang college, bakit hindi sila nagkikita. Ngani-ngani na niyang buklatin ang kandong na libro. Nang mapansin niya ang konduktor.

“Baklaran, mama. Galing Quiapo.”

Kinindatan siya ng konduktor, sinulyapan ang lalaking nagpaupo sa kanya. “Bayad na, Miss.”

Nagsalubong ang kanilang mga mata ng lalaki. “Doon rin kasi ang punta ko,” sabi nito.

“Ba't mo nalamang doon ako,” tanong naman niya.

“Panahon ng final exams ngayon, panay sa simbahan ang puntahan ng mga istudyante.”

Kahit bahagya, nakadama rin siya ng pagkapahiya sa sarili. Iba kasi ang dahilan niya sa pagsisimba. Wala tuloy siyang maisagot liban sa thank you ulit.

Sa Baklaran, hindi na siya hiniwalayan ni Orly. Alalay siya sa paglakad. Iniiwas sa maraming tao. Natapos ang nobena nang hindi niya nasabi ang kanyang petisyon. Ang buong kamalayan niya ay nakatuon sa binata na waring taimtim na taimtim naman sa pagdarasal. Nang sila ay pauwi, ibinili siya ni Orly ng sampagita.

“Ilagay mo sa ilalim ng iyong unan para mabango, maganda tuloy ang mapanaginipan mo. Ako,” saka tumawa si Orly.

At mula noon, tuwing Miyerkoles, lagi na siyang binibigyan ni Orly ng sampagita, natigil lamang nang sila ay magkahiwalay. Kaya basta nakasamyo siya ng bangong sampagita, lagi nang kasunod ang alaala ng binata.

Hindi siya niligawan ng crush niyang kaiskwela. Si Orly ang lumigaw sa kanya. Sinasamahan siya sa Baclaran tuwing Miyerkoles at dinadalaw sa tinutuluyang kasera tuwing Sabado. Sabi nga ng kanyang mga kasama, parang nagrorosaryo. Glorious at Joyful. Nang mabanggit niya ito kay Orly, binigyan kaagad siya ng rosaryo. At ang sabi. “Linda, hindi lamang glorious mystery at joyful. Pati sorrowful. Nasa sa iyo 'yan.”

Naunawaan niya ang ibig sabihin ng binata. Araw-araw pwede itong dumalaw sa kanya. Kung papayag siya. Dinama niya ang kanyang sarili. Hulog na ang loob niya sa binata. Kuhang-kuha nito ang kanyang kahinaan. Sucker siya, basta very thoughtful ang isang tao sa kanya.

Si Orly bukod sa dalaw, lahat na ng misteryo ng rosaryo, may tawag pa sa telepoho. Sa umaga. Good morning Linda. Nakatulog ka ba kagabi. At sa gabi. Good night Linda. Sweet dreams. Ako sana ang mapanaginipan mo.

Si Orly sa UE. Kapag nagkasalubong sila, laging may iniaabot. Kadalasan ay tsokolateng kisses. Ito ay nang panahong ang mga px ay doon lamang sa palengke sa ilalim ng tulay ng Quiapo at siempre sa Dau natatagpuan. Pagdating niya sa kasera, hulas na ang tsokolate. Tukso nga ng kanyang mga kasama. “Sagutin mo na Linda. Humuhulas na ang pag-ibig niya sa iyo.”

Valentines day nang sagutin niya si Orly. At mula noon, tuwing katorse ng bawat buwan, dinadalhan siya ng bulaklak na rosas nito. Laging tatlo. I love you. Bukod sa sampagita. At marami pang iba. Mga love poems na ginugupit sa kung saan-saang magasin. Pasalubong kapag nauwi ng probinsiya.

Wala na nga siyang mahihiling pa. Si Orly ang kabuuan ng isang katangi-tanging kasintahan. Kapag ikaw ang kaharap, ikaw lang ang wari ay nakikita. Kapag ikaw ay nagsasalia, parang ikaw lamang ang naririnig. Very loving. Very thoughtful. At hindi plastik. Talagang natural ang ugaling ito.

Na siyang pinagsimulan ng kanilang mga away.

“Nakita kita,” sumbat niya. “Kasama mo si Alma.”

“Nagpatulong lang. Sa registrar,” ang sagot.

Matulungin, okay. Pero iba na ang usapan nang ipagparangalan ni Alma ang isang tuhog na jasmin sa kanya. Bigay ni Orly.

Laking tampo niya sa kasintahan. “Bakit mo siya binigyan ng jasmin.”

“Paborito raw niya ng jasmin. Nagkataon namang may tanim ang tiyang ko nito,” sagot ni Orly.

“E, bakit ako, hindi mo binibigyan.”

“Hindi ko alam na gusto mo.”

Mula noon, binibigyan na rin siya ng jasmin ni Orly. Nang muli, nakita niyang may kasamang ibang babae si Orly. Nagpasama lamang daw, sa kung saan. Nainis siya, ngunit nakapagpigil pa rin. Nang dumating ang panahong madalas na hindi nakadalaw ang binata sa kanya sa kadahilanang may tinulungan o sinamahang kung sinu-sino. Ang katangiang ikinagusto niya kay Orly ang siya ring naging ugat ng kanilang paghihiwalay. Mabait. Maalalahanin. Sa lahat ng tao. Kahit kangino. Kung tutuusin ay hindi naman masama. Kaya lang, naglected naman siya. At hindi siya makapapayag nang ganoon. Buti pa'y wala na.

Matagal bago siya muling umibig. Nabalitaan niya, kung nakailan na si Orly nang ipinalit sa kanya bago ito nag-asawa. At kay Alma. Siya ay kay Joey.


JOEY. Mabait kung mabait si joey. At matalino. Kaya niya nagustuhan. Palabasang tulad niya. Isang intelektuwal. Magkasundo sila kaya lang, nang mamahagi siguro ng katangiang pagkamaalalahanin ang Diyos, bahagya nang naabutan si Joey. Karaniwan lamang ang pagkamaalalahanin nito. Kung baga sa iskuwela ay average lang. At nang maging mag-asawa sila ay nabawasan pa. Bukod sa naging praktikal pa. Noon ngang kaarawan niya, heto na si Joey. “O, eto ang pera, hindi ko alam ang gusto mo. Ikaw na ang pumili.”


Sa mga ganoong pagkakataon, maaalaala niyang muli si Orly. Ilan bang pocket book ang naibigay ni Orly sa kanya na hindi naman niya gusto. Pero, iba pa rin iyong nakabalot na regalo. Hindi perang nasa sobre.

Kung Pasko naman. “O hayan ang bonus ko. Buung-buo. Bilhin mo na ang gusto mong regalo.”

At kung Valentine. Nang magboyfriend sila, oo. Records at libro na kasama siya nang bilhin. Okey sa kanya iyon. Kaso nang maging mag-asawa na sila, sorry, wala nang sound. At doon, doon niya muling naalaala si Orly. Hugos na ang mga gunita ng nagdaan nilang kahapon nito. Iyong kahon ng tsokolateng black magic. Social telegram ng rcpi. Tatlong pulang rosas sa parihabang kahon. Tapos, sasakay sila ng taksi, kakain ng fried chicken sa Max's sa Quexon City. At habang sila ay nasa loob ng sasakyan, kakantahan pa siya. My funny valentine, sweet comic...

Wala naman siyang ibang reklamo kay Joey. Kung magiging maalalahanin lamang ito, kahit bahagya. Sabi naman ng isang kaibigan nang maidaing niya ang problema. “Sa iyo manggaling ang paraan. Turuan mo.”

Dalawang araw bago dumating ang Valentine, kinausap niya si Joey. “Sa Valentine, treat kita Joey. Kumain tayo sa Max's...”

“Okey,” ang sagot. Bakit ba heto na naman ang mukha ni Orly. Kung ito siguro ang napangasawa niya, ito ang magyayaya sa kanya. Sa Max rin, for sentimental reasons. At tiyak, tatanggap siya ng roses at chocolate mula rito. Ay, kay lalim ng kanyang buntong hininga.


ARAW NG MGA PUSO. Sa Max sa Greenbelt sila nagpunta dahil sa Makati nag-oopisina si Joey. Puno ang restoran nang sila'y dumating . Binulungan siya ni Joey.

“Daming kumakain. Bumili na lang kaya tayo ng lechong manok dun sa may Queen”s at umuwi tayo.... at manood ng beta.”

Ang irap niya'y tinugon ng kindat ng asawa. “Relax ka lang. May mababakante na.”

Nakatuun ang kanyang mga paningin sa isang mesa. Nakabayad na ang lalaki. Naghahanda nang tumayo ang magandang babaing kasama nito. Iniabot ng lalaki ang isang kahon. Tsokolate, tiyak. At ang parihabang kahon na kinalalagyan ng mga pulang roses. Tatlo. I love you. Uy, may pinagpag pang dumi sa balikat ng babae. Inalalayan sa pagtayo. How sweetah. How very loving ng lalaki.

Nang makilala ito ni Linda. Ang lalaki ay si Orly. Ang napaka-thoughtful na si Orly, may kasamang ibang babae sa araw ng mga puso. Hindi si Alma. Hindi ang asawa. Roses and chocolates. Diyos ko, salamat po. Ipinag-adya mo pa rin ako.

Binalingan ni Linda ang asawa. “Sige... bumili na lang tayo ng litsong manok. Umuwi na tayo...”

“After the lechong manok...” nanunukso ang tinig ni Joey.

A, si Joey. Na hindi kasing maalalahaning tulad ni Orly, ngunit dama niyang siya lamang ang mahal, na nag-iisa siya sa buhay nito. Si Joey na siya ang kasama sa araw ng mga puso. A, kay Joey, araw-araw ay Valentines Day. Wala mang bulaklak. Wala mang tsokolate. Bastat hindi nawawala ang pinakaimportante. Pagpapahalaga. At pag-ibig.


LIWAYWAY, January 11, 1989

MULA SA ILANG MAMBABASA


Minsan, May Isang Pag-ibig


Pakisabi from Paeng of California: Enjoy ako sa libro ni Eve.

Sa telepono mula kay Amalia of New York: Inabot ako ng a las dos ng madaling-araw sa pagbabasa ng libro. Ang sabi ko sa sarili, ang talim! Ang talim-talim ng isip ni Eve! Tinawagan ko agad si Mon. At sinabi ko rin sa kanya: Ang talim!

Salamat sa pagbasa ninyo. At Amalia, believe na rin ako sa ginamit mong pang-uri upang ilarawan ang nabasa mo. Umiiwa ba sa damdamin? May nasasaling bang gunita? Ang talim! Madadagdag na ito sa mga iniipon kong feedback: Addicting, sobrang enjoy, page turner, kilig, sulit na sulit, balik-balik, etcetera...

Muli, salamat sa inyong nakabasa na ng libro. At paalaala lamang, huwag ninyong ipahihiram sa iba ang libro! Sabihin ninyong bumili sila ng sarili nilang kopya. But do spread the word!

Thursday, February 10, 2011

MAMBABASA MULA SA CALIFORNIA AT VIOLETA VILLAGE, PHILIPPINES


Minsan, May Isang Pag-ibig
Text Message Mula sa isang Mambabasa

Finished reading -
sobrang addicting -
gusto ko pa
pero tapos na!
Kailangan
more books!

Emma

Well, iyan ang tinatawag nating short and sweet! Salamat at nagustuhan mo. More books, 'ikamo? The next one will not be a collection of stories. It will be a novel. The title? MAHIRAP BA AKONG MAHALIN? Pero, matagal pa iyon. Sa ngayon, gayahin mo na lamang ang isang mambabasa na inulit na lamang ang buong libro.

At abangan ang monthly posting ng kwento dito. Sa isang linggo, siempre, pam-Valentine!

Muli, salamat.

Monday, February 7, 2011

MAMBABASA MULA SA VIRGINIA AT CALIFORNIA


MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG
MULA SA MAMBABASA

Nagkausap kami sa telepono ng taga-Virginia at ikinuwento niya sa akin na dahil kilig na kilig siya sa mga kwento sa libro (dahil siguro nagtira siya sa dormitoryo), bumili pa siya ng ekstra at ipinadala sa kaiskwela niyang taga-California. Batch '56 ito sa high school na pinagtapusan ko rin sa probinsiya, Marcelo H. del Pilar High School sa Malolos. Lalaki ang kaiskwela niyang ito.

Kamakailan, nagkausap silang magkaiskwela at hindi matapus-tapos ang kwento ng taga-California sa naging “epek” sa kanya ng mga nabasa sa libro. Dahil siya, si Restie ay taga-Kanyugan sa Malolos, pamilyar siya sa mga lugar na nababanggit sa kwento. At napaiyak daw siya. Na sa simula ay pinapahid lamang niya ng tissue, pero kalaunan ay kumuha na siya ng bimpo! (wow naman! Bolahan na yata ito!) Tuloy pinansin siya ng kanyang asawa at sinabing “ako naman nga ang babasa...”

Tawa nang tawa ang taga-Virginia at isip nang isip kung alin kayang kwento ang nakakaiyak. Pero, narito raw ang pruweba. Ang libro ay naipahiram sa isa na naman nilang kaiskwela, Batch '56 din, dating taga-New Jersey, na lumipat na sa California. Lalaki din. At iyon din ang “epek”... may nakanti sa kanilang damdamin na talagang nagpatulo sa kanilang luha.

Naisip ko lang, siguro, na-homesick lamang sila nang todo-todo sa mga bagay at kaganapang-Pinoy, kaya ganoon ang kanilang reaksiyon. O iyong mga kwentong barkada ay may ibinalik na malungkot na alaala sa kanila.

Sa mga mambabasang ito, salamat sa inyong lahat, kahit pa nga pinaiyak ko kayo! At sa inyong mga papuri, ay lalong salamat, pero hindi ko na ilalagay dito, dyahe naman. Ang tanging masasabi ko ay ITO: huwag na ninyong ipahiram sa iba ang libro. Bumili na kayo ng para sa inyo at ekstrang kopya na panregalo sa gusto ninyong makabasa pa nito :-) tulad ng ginawa na ng mga unang nakabasa na nag-repeat order, at ginagawa pa ngayon, tulad ng sumusunod.

POSTSCRIPT Mula sa Isang Mambabasa

Alam mo ba na kagabi, inulit ko yung libro, from cover to cover dahil kay Boy (Angel), kay Romeo and Juliet, at sa "Isang Pook, Dalawang Panahon". Ang nangyari, nilahat ko na. Puede pa ngang ulit ulitin, dahil sa maraming dahilan. Yung ilang mga tagpo, me hawig sa buhay ho, yung ibang pook, ganuon din, at seguro, kaya ang mga naramdaman ko ay bunga ng pagkasaling sa ilang bahagi ng aking nakaraan. Pati yung mga masasaya, yung mga harutan at biruan sa dormitoryo dahil, nagdorm din ako for 7 years. Ang tawag sa dorm namin ay White House kasi painted white... Hindi ko makakalimutan ang mga iyon.

A friend wants the book. Sabi ko, kung gusto niya, I can pass mine to him at ako na lang ang o-order uli para sa akin. I wonder kung nag-shi-ship sa Pilipinas, para derecho na sa kanya. Belated birthday gift ko na lang... Gustong-gusto niyang mabasa yung libro mo.

Iyon ang nasa isip ko noong binalak kong tipunin ang mga kwento sa isang libro. Gawing handy ito, madaling bitbitin o itago. At mabalik-balikang basahin, as the mood moves you.

Na nangyayari na nga...

MAMBABASA MULA SA CANADA


Minsan, May Isang Pag-ibig
Mula sa isang Mambabasa

Dear Eve:


I received the book sent to me and kaninang madaling araw, mga bandang alas 4:10, natapos ko ang libro. Matagal bago ako nakatulog, halos umaga na. Lubha akong naapektuahn ng istorya nina Alma, Neneng, Ibarra at yung I Hate Airports. Si Juliet.

Hay naku, Eve, sa gitna ng mga istorya, merong mga bahagi na nakakanti ang puso ko. Me hawig sa aking nakaraan. At yung mga descripton... sa places na so vivid, detailed, na malinaw kong nakikita sa aking isipan kung saan 'yun. Yung mga kaganapan... lalo na sa atin yung Undas, pista, at mga pagtitipon... ay malinaw kong nakita. Tunay kang kahanga-hanga. Wala akong pagsisisi na inumaga ako sa pagbabasa ng libro mo. Nag-enjoy ako talaga !!! I am proud of you.

Again, congratulations for a great job. More power to you!

Ruby

Salamat, salamat, salamat at nasiyahan ka! Lubha kong ikinatutuwa na page-turner daw ang MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG. Na kapag naumpisahang basahin ay ayaw nang bitiwan dahil gusto nang malaman kung ano ang nangyari sa kasunod.

Naisip ko lang, baka naman dahil panahon natin iyon... lengguahe natin... ugali't gawi natin... Kaya, may nakakalabit na bagting ng gunita sa atin. Pero, ganito rin kaya ang magiging reaksiyon ng mga kabataang makababasa nito? Maiinteresado kaya sila na malaman kung paano tayo noon? Paano tayo makipagkaibigan? Umibig? Magmahal?

Na sa simula't sapul ay siyang dahilan ng pagsusulat ko sa blog na ito. Ang maipaabot sa ating mga anak at sa kanilang mga anak ang isang panahong ginalawan natin. Isang panahong darating ang araw na wala nang makaaalala.

Na siya ring dahilan ng pag-iipon ko sa mga kwento sa isang libro. Na madadala kahit saan. Madaling bitbitin. Na mababalik-balikan sa twina... sa mga sandali ng pag-iisa... at pamamahinga, kung kailan waring nais pumailanlang at maglakbay ang isipan sa mga araw na nagdaan.

Muli, salamat! Ipabasa mo ang libro sa iyong mga anak. At ikwento mo sa iba ang tungkol dito, para sila bumili :-)

Friday, February 4, 2011

IT'S VALENTINE AGAIN, DEAR...

HAPPY VALENTINE !

Uy, Valentines na naman... ano ba ang huling Valentine gift na tinanggap mo? O ibinigay mo? At kailan ito nangyari? Ano ba ang huling Valentine na kanta na ipinarinig sa iyo ng iyong Valentine? O inawit mo sa kanya? At kailan rin ito?

Sa mga ka-henerasyon ko, ang sagot bang narinig ko ay isang malalim na buntung-hininga? Na may kasabay na ayyy, naku... no comment!

Noong araw, sa dormitoryo, big deal ang Araw ng mga Puso. Tatlo lamang namang okasyon ang isiniselebra namin noon. Ang Acquaintance Party na ginaganap tuwing Hulyo na kasisimula ng semestre sa kolehiyo at maraming newcomers sa dorm. Ginagawa ito para magkakila-kilala ang dati at bagong dating na dormitoryana, gayon din para mabistahan, kumbaga ang mga kaibigan nilang iimbitahin, na kalaunan ay siyang kadalasang bumibisita sa kanila. Ang ikalawang okasyon ay ang Christmas Party na para sa mga nakatira lamang doon. Ang ikatlo ay ang Valentines pagdating ng Pebrero. Optional na ang excursion na ginagawa pag Mayo ng mga nagsa-summer classes.

Sa Valentines Party sa dorm, bago ang aming damit, na karaniwan ay may susun-susong petticoat sa ilalim ng maluwang na palda. At nagpapaayos rin kami ng buhok, naka-tiss (tease?) kung may pambayad sa parlour sa itaas ng Cunanan Bookstore sa tabi ng UE. Kung wala, ise-set na lamang na pa-pincurl o roller na binasa ng serbesa para magkaroon ng body, sunod ay iti-tiss, saka lalagyan ng spraynet. Okey na rin, pero natural, iba iyong gawa ng talagang beautician. Beehive na beehive ang dating. O kaya ay naka-flyaway, na parang Jacqui Kennedy style.

Simpli lang din ang handa sa party. Softdrink at sandwich na may palamang chicken spread at isang balot na matamis na biscuit, siguro Marie. Nasa loob ito ng brown bag. Ayos na ang refreshment. Ang sounds naman noon ay kinontrata sa Raon, Hi-Fi Music na ang mga tugtog sa 45 at longplay na boogie (Calendar Girl, Little Brown Jug, Tweedlee Dee) at sweet/slowdrag (Only You, Shadow of Your Smile, Moon River) Kapag tango, ang tugtog ay Kiss of Fire at La Cumparcita.

Pero siempre, iba ang paghahanda sa araw na ito ng mga may boyfriend. Tanda ko pa noon, pagpasok pa lamang ng Pebrero, nag-uusap na ang mga ito (mga empleyada na at may sueldo) at nagtatanungan kung ano ang magandang panregalo. Uso pa noon ang pagbibigay ng leather belt na may magandang buckle na kundi kulay ginto, e, kulay pilak. Sa Avenida Rizal Symporium karaniwang nabibili ito. Leather wallet din sa Valleson makikita O kaya ay cigarette lighter, hindi pa masyadong bawal noon ang pagsisigarilyo. Lahat ng ito ay may engraved pang pangalan nilang dalawa, saka date.

Karaniwan namang tinatanggap nila ay belo. Uso pa noon sa pagsisimba ang nagbebelo. Itim na lace. O scarf. Panyolito. ID bracelet na may engraved ding pangalan ng binibigyan at nagbigay. Pasadyang pamaypay. Pabangong Chanel #5. Handbag. Cardigan. Na pawang espesyal ang giftwrapping. Blue Heaven pa. Noon, sikat ka kapag ito ang balot ng regalo mo. Pambalot pa lamang, mahal na.

Ang pagreregalo noon, tulad rin ngayon, ay depende sa degree ng relasyon ng magnobyo. Kung bago pa lamang, bongga ang regalo, kasi ay nagpapasikat, kumbaga. Alam na marami ang magtatanong kung ano ang regalo niya. Bagaman, mayroon namang nakikiramdam pa. Pa-long play, longplay record ni Frank Sinatra o Jack Jones muna (wala pang CD noon). O kaya ay libro. Book of poems. Ni Jose Garcia Villa. Ni Rolando Carbonel.

At siempre, red, red roses at chocolates!

Ay, inggit kaming mga istudyante sa mga kasama sa kwarto na tumatanggap ng idini-deliver mula sa Esperanza's na long-stemmed American Roses, na nasa loob ng mahabang kahon. Tapos ay lumalabas ang mga ito at kumakain sa Aristocrat o Bulakena sa Dewey Boulevard, na susundan ng panonood ng sine sa Avenue o Ideal. Iyong iba ay sumasakay sa Motorco, iyong double-decked na sasakyang nagyayao't dito sa kahabaan ng Dewey.

Iyong medyo konti ang budget ay sa Max sa QC naman nagpupunta. At iyong talagang wala, lalo ang mga istudyante, ay sa dorm na lamang nagpapalipas ng Valentines matapos magmiryenda sa canteen sa tapat ng UE. Palabok at coke. At kung sa cafeteria pa sa loob ng UE, malamang ay hopiang munggo at pineapple juice sa plastic na baso. Pare-parehas na nakaupo ang mga ito sa sala, magkakatabi. Nagbubulungan ng sweet nothings. At iyong iba, kinakantahan ang girlfriend nila., My Funny Valentine... sweet comic valentine...

Ang romantic naman... noon...

E, ngayon ba, kumusta na tayo? May natitira pa bang kahit katiting, kamunting romansa sa ating buhay? Iyon bang dumadalaw sa atin noon at nagreregalo at tayo ay kinakantahan, na siya ring naging kaisang-palad natin, at kasama sa nakaraang ilanpung taon, nareregaluhan pa ba tayo? Kahit isang balot ng Palmolive. O Dove naman, para medyo class. O naabutan ng kahit bulaklak ng katuray. O nakakantahan kaya? Kahit maputi na ang buhok ko...

Feedback naman diyan tungkol sa inyong Valentine noon... at ngayon... Ito ang paksa ng aking kwento ngayong Pebrero. Abangan ninyo!!! At aabangan ko naman ang email ninyo sa eve.manunulat@gmail.com