Monday, January 24, 2011

BALIK-TALASALITAAN

Napansin ko na marami sa mga naliligaw sa aking website, ang karaniwang referrer o keyword ay mga salitang itinatanong kung ano ang kahulugan. Napagpasiyahan ko tuloy na ipunin ang mga ito at sagutin o bigyan ng kaunting paliwanag para naman makatulong doon sa mga nagtatanong... na karaniwan ay nagmumula sa Germany, UK, Middle East, Australia, Asia at USA.

Ulit-ulit ko nang nababasa, ano raw ba ang ibig sabihin ng sangkutsa. Paano raw ba ang pagsasangkutsa. Siguro, nag-aaral itong magluto, o kaya ay namimiyenan. Tulad nang paggigisa, sinisimulan ang pagsasangkutsa sa pamamagitan ng bawang sa mainit na mantika, na kapag mamula-mula na (hindi sunog) ay susundan ng sibuyas, na kapag lanta na ay dadagdagan ng kamatis (kung ito ang nasa recipe). Kasunod na inilalagay rito ay ang mga hiwa-hiwang karne ng baboy o baka o manok, depende sa kung ano ang lulutuin. Dito pumapasok ang pagsasangkutsa. Sa utay-utay na apoy, hintaying lumabas ang mantika ng inilagay na karne. Unti-unti rin ang paglalagay ng tubig na pagkakalutuan o pagkakalambutan ng karne. Huwag biglain na isang tabo agad ang ilalagay na tubig. Maaaring lumambot nga ang karne, pero hindi lalabas ang natural na katas. Iyong proseso ng unti-unting paglabas ng katas ang epekto ng pagsasangkutsa. Na nagpapasarap sa niluluto :-)

Mula sa Germany, may nagtanong kung ano raw ang dikin. Ganito iyon. Kapag naluto na iyong sinangkutsa, ang hahanguing kawali ay sa dikin ipapatong. Bilog ito, may diameter na mga six or more inches at width na 3 inches. Butas ito sa gitna. Noong araw, napupuno ito ng dumi ng uling dahil maiitim ang puwet ng kawali at palayok na ipinapatong rito. At noong araw pa rin, kapag may patatlong gabi o pasiyam sa patay, ginagamit ang dikin na parang korona ng hari sa larong Juego de Prenda.

Kapag in love ang isang tao at halimbawang nagkita sila ng kanyang itinatangi, at nagdaop (nagkamay sila at nagkadaiti ang kanilang mga palad) ang kanilang mga palad, doon niya mararamdaman ang pagsikdo ng kanyang dibdib. Bibilis ang tibok ng kanyang puso. Kakabahan siya. Kasunod nito ay mauumid ang kanyang dila. Ibig sabihin, hindi siya makapagsasalita. Pero malamang na ang kanyang damdamin o pagnanasa sa itinatangi ay masubhan o parang baga o apoy na nabuhusan ng tubig, kapag nalaman niyang may madilim pala itong nakaraan. Kaso, tsismis lamang pala ito ng mga dalahira. Mga taong mapaggawa ng mga maling balita na ikasisira ng reputasyon ng iba.

Ang matinding sikat ng araw ay ikaluluoy ng mga orchids sa hardin. Ang mungkahi o suhestiyon ng hardinero ay lagyan ng green net na parang kulambo ito para masala o mabawasan ang tindi ng araw. Dahil malaking trabaho ang mag-alaga ng maseselang halaman, ang isang tao ay maaaring manghinawa kalaunan. Ibig sabihin, tumigil na sa pag-aalaga ng ganitong uri ng mga halaman. Nangyayari rin ang panghihinawa sa mga kaibigang masyadong sosyal, kung ikaw ay taong tahimik. O panghihinawa sa isang asawang iresponsable, na tuluyan nang hihiwalayan. Lalo pa't nasukol mo itong may iba pang ginagawang hindi kanais-nais. Ngayon, kung magaling naman itong maglambing, baka malamuyot ang iyong loob at makisama kang muli. Karaniwan sa mga babae ay malambot at maawain kaya madaling malamuyot o madala ng pakiusap ang kalooban.

Ang kauuwian nito ay magkakasundo kayo at kalaunan, baka magkasaliw na kayong aawit ng inyong theme song. Together again... Okey ito, basta huwag lang kalilimutang umusal-usal ng panalangin sa tuwina. Iyang panalangin na talaga namang paulit-ulit, kahit pabulung-bulong na sinasabi ay mabisa at dinidinig sa Itaas. Huwag ka lamang sanang aabutin ng panghihimamad o katamaran, na para ka bang hinihilang humilata at huwag nang kumilos o magsalita.

Ewan ko kung ano ang ibig itanong sa ibig sabihin ng salat. Ang maralita ay salat sa yaman, ang pangit ay salat sa ganda. Ang opposite o katuwas nito ay sagana sa yaman o sa lenguahe sa kalye ay saksakan ng ganda. O ubod ng ganda. Pero ang pagsalat sa isang bagay ay nangangailangan ng paggamit ng daliri. Tulad nang pagsalat sa pitsa ng mahjong. Pagdama ng palad o pagsalat sa leeg o pisngi ng isang bata para malaman kung ito ay may lagnat.

Ano ba ang bikaw? Klase ito ng isda, na kapag malaki ay tinatawag nang mamali. Medyo kahawig ito ng bangos, pero mas makitid. Masarap na prito o sarsiado ang bikaw.

Ang ayungin naman ay ang tinatawag na lukaok sa Bulacan. Masarap na pangat ito. Medyo maitim ang kaliskis at hindi lumalaking tulad ng bangos. Kapag lumaki na ito ng mga sandangkal at itlugan pa ay tiyak na mahal ang kilo.

Ang lulungi ay isa ring uri ng isda na karaniwan nang sa mga ilog natatagpuan. Maliliit itong isda na parang may espada sa bibig, matulis.

May nagtanong pa. Ano raw ba sa Ingles ang paghihimulmol? Ang paghihimulmol ay ang pag-aalis o pagtatanggal ng balahibo ng isang kakataying manok. Noong araw na wala pang nabibiling malinis o kinatay na manok sa palengke o groseri, ang mga manok ay buhay kung bilhin. Kapag bispera ng Pista o Pasko, magkakatay na ng manok sa maraming kabahayan. Una muna ay tatanggalan ng balahibo ang dakong leeg ng manok, tatampa-tampalin, saka unti-unting gigilitin ito, dahan-dahang patutuluin ang dugo sa pinggang nalalatagan ng bigas. Ang bigas na ito na magdidikit-dikit dahil sa dugo ay isinasahog kalaunan sa lulutuing dinahong-silihan o tinola o sinigang. (Parang ang lupit, ano? Ayaw nito ng SPCA.) Kapag wala nang buhay ang manok, ulit-ulit itong inilulubog sa kumukulong tubig sa kaldero. Kasunod nito ay madali nang mabubunot ang mga balahibo hanggang maging makinis ang balat ng manok. Ang prosesong ito ang tinatawag na paghihimulmol. Na sa Ingles ay tinatawag na dressing the chicken. Nakatatawang ang isang hubad sa balahibo na manok ay tinatawag na dressed chicken!

Ito naman ay hindi tungkol sa talasalitaan. May isang bumisita na ang referrer o keyword ay SA PAG-IBIG, PAREHAS ANG LABAN. Para sa kaalaman ng ibang mambabasa, ito ang titulo ng una kong nobela na inilathala sa Liwayway noong 1989-1991. At tulad ng aking librong MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG, na isang koleksiyon ng dalawampung kwento, ang nasabing nobela ay balak ko ring isa-aklat sa hinaharap, pagkatapos na maipalimbag ang isa ko pang nobelang MAHIRAP BA AKONG MAHALIN. Pero medyo matatagalan pa ito. Unahin muna ninyong bilhin ang MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG ;-)

At sana, sa muling pagbisita ng mga mambabasang naligaw sa aking website ay makatulong sa kanila ang ginawa kong balik-talasalitaan. Sa mga hindi ko kilalang mambabasa mula Germany, Singapore, Taiwan, Hongkong, UAE at UK, ngunit nakita kong mga bookmarker ko na, ayon sa aking blog account, sana ay makadaupang-palad ko kayo, kahit sa email lamang. Email me at eve.manunulat@gmail.com

Natutuwa rin ako sa mga bumibisita mula sa Brunei, Bahrain, France, Uruguay, Qatar, Saudi Arabia, Republic of Moldova, Mauritius, Sweden, Norway at sa mga suki na mula USA, Canada at Australia! Talagang all over the world na ang mga Pilipino!

Mabuhay tayong lahat! Salamat sa inyo!

Tuesday, January 18, 2011

NGAYON... ANG MAHALAGA

NGAYON... ANG MAHALAGA

Duweto sa pagtawa ang mag-asawang Edwin at Ludy. At sa nakahahawang tawa, sino ang hindi mapapasunod. Ang pauntul-untol na halakhak ni Jun, na kinukurot ni Rose. Ang mu-ha-ha-ha ni Chito na tinatampal ni Perla. Lahat sa harapan ay nagtatawa. Kasama na si Rudy. Siya man, si Linda, ay nakatawa rin. Bagaman at pilit.

“Alin, 'oy...” at namaywang si Ludy. “Ikaw nga riyan, inaraw-araw mo ako ng dalaw, kaya sa awa ko sa yo, sinagot na kita kahit wala akong gusto sa iyo.”

“'Sus, ako nga riyan ang naawa sa iyo, kaya kita niligawan.” ganti ni Edwin

“Pareng Edwin...” sabad ni Chito, “ganyang-ganyan din ang nangyari sa amin ni Perla. Tinutukan ba naman ako ng tatay niya, ano pang magagawa ko.”

Nakisagot si Jun. At naisip ni Linda, bakit napunta rito ang aming usapan. Alam na rin ni Linda ang sagot sa sariling tanong.


TUWING ikalawang Sabado ng gabi, kinagawian na ng kanilang grupo ng mag asawang Edwin at Ludy, Chito at Perla, Jun at Rose, at sila nga ni Rudy, ang magsama-sama. Katuwaan lamang. Minsa'y manood ng sine. Dutch lagi, para walang usapan. Ang meryenda ang tokahan. Kadalasa'y laro naman ng bowling. Losers pay. O kung nagkakatamaran, pipili na lamang sila ng bahay at doon lalagi, magkukuwentuhan ng hindi totoo.

Nang Sabadong ito'y napagkaisahan nilang maglaro ng bowling. Ayaw manood ng sine ni Rose. Puro bomba raw ang palabas sa Cubao, ayaw naman niyang madagdagan ang kanyang mga tsikiting. Sa downtown nama'y mahirap ang parking.

Sa kasamaang-palad hindi sila natuloy ng paglalaro. Nakalimutan ni Edwin na magpareserba at puno lahat ang mga alley. Sakay ng kani-kanilang kotse, inisa isa nila ang malalapit na bolingan. Puno ring lahat. Kaya napagkaisahan na lamang nila na magkainan kina Chito. At palabas sila sa huling bolingan nang maganap ang matagal na niyang pinangangambahan. Nakasalubong nila ang isang grupo. Mukhang mga pag-asawahan ding tulad nila. At kasama sa grupo si Cora. Na maganda pa ring tulad nang dati. Kagandahang hindi nakaligtas sa paningin ng lahat ng mga kasama niyang lalaki. Na ikinapagtamo ng mumunting kurot mula sa mga kaalakbay na asawa.

Nabigla siya sa hindi inaasahang pagkikita nila ni Cora. Si Rudy ang unang nabuhayan ng loob. “Cora, kumusta.”

“Mabuti,” sabi ni Cora. At ipinakilala sa kanila ang asawa nito, si Rino, na narinig na niya ang pangalan kay Rudy. Dahil si Rudy at si Cora ay dating magkasintahan.

Ayaw maniwala nina Jun. Ang pilya ay si Rose. “Huwag mong sabihing naging girlfriend mo 'yon, Rudy.”

Tatawa-tawa si Rudy. “Hayan si Linda at buhay. Itanong mo.”

“Totoo, Linda?” tanungan nina Perla.

Tumawa siya kasabay ang saloobing sana, sana'y natural ang tunog ng tawa niya. “Oo. Alam mo naman 'yang asawa ko, deadly sa girls.”

Doon nagsimula ang kanilang usapan tungkol sa mga nakalipas na romansa. Heto na si Edwin at ikinuwento ang isa niyang naging girlfriend na talaga namang ubod ng ganda. Seksing seksi pa. Kung bakit nga lamang napapikot siya kay Ludy. Tigas na angal ni Ludy. At kantiyawang umaatikabo. Naku, malamang na hindi makasiping itong si Edwin ngayong gabi.

Nagsasakayan na sila sa kotse, pauwi, ay tuloy pa rin ang kantiyawan. Siya naman at si Rudy ang naharap. “Naku, Rudy, ang lagkit ng tingin mo kay Cora kangina. Palagay ko'y selos iyang katabi mo.”

“Magtigil kayo,” nakangiti niyang saway.

Umugong ang tawanan. “Tinatablan na si Linda. Naku, malamang na outside the kulambo ngayon si Pareng Rudy.”

“Wala kaming kulambo, Chito. Screened yata ang bahay namin,” ganti niya.

Tawanang muli. “Talaga Rudy. Masama na'ng timpla.”

At natapos din ang biruan. Umusad ang kanilang kotse. Kumaway siya ng paalam.


KASIMBILIS ng takbo ng kotse ang daloy ng gunita. Magkasama sila sa opisina ni Rudy. At magkaibigang matalik. Gayon ang damdamin sa kanya ni Rudy, alam niya. Bagaman at higit sa isang kaibigan ang saloobin niya rito. Iniibig niya si Rudy. Isang pag-ibig na pinakalilihim niya.

Walang kasintahan si Rudy at ang bagay na iyon ay sapat upang umasa siya. At masiyahan sa kanilang kalagayang dalawa. Paglabas sa opisina'y isinasakay siya ni Rudy sa kotse nito at inihahatid sa kanila. Total, madaraanan ko naman ang sa inyo saka, wala naman akong pupuntahan ngayon gayong lagi ang katwiran ni Rudy. Walang bahid ng ano mang damdaming tulad ng kanyang nadarama.

Dumating pa ang panahong dumalaw sa kanila si Rudy. Nakihalubilo sa kanyang pamilya. Nakitawag ng tatay sa kanyang tatay. At nanay sa kanyang nanay. Darating nang alangan sa oras, makikikain. Naging isa sa pamilya. Parang anak,, sabi ng kanyang mga magulang. Parang kapatid, ang sabi niya. Na alam niyang hindi totoo.

Nakilala rin siya sa bahay nina Rudy. Nakasundo niya ang mga kapatid nito. Naging paborito ng mga pamangkin. Kinagiliwan ng mga magulang. Inireto pa siya sa kung kaninong binata, na bagay na bagay raw sa kanya. Na tinawanan lamang niya. Sapagkat iisa lamang ang lalaking my pitak sa kanyang puso. Si Rudy. Ang bulag sa kanyang mga katangian na si Rudy. Hanggang kailan kaya siya maghihintay.

Saka dumating si Cora sa kanilang buhay. Napasok itong kalihim ng hepe ni Rudy. Nagkalapit ang dalawa. Siya naman ay kinuha ng kanyang amaing malakas sa bangko, isang pagkakataong hindi niya natanggihan. Doon nagwakas ang kanyang pag-asa.

Nadadalaw pa rin paminsan-minsan si Rudy sa kanilang bahay. Upang magkuwento sa kanya tungkol kay Cora.

“Sinagot ka na ba?” kanyang itatanong, “baka may boyfriend.”

Iiling si Rudy. “Wala raw. At pinag aaralan pa niyang mabuti kung ako na nga.”

“Hayun naman pala at may natatanaw ka na.” Sa pakiramdam niya, parang pinipiga ang kanyang puso.

Ang malaking kasiyahan ay nakakintal sa mukha ni Rudy. “Kapag nagkataon, ibo-blowout kita, Linda.”

“Sinabi mo, ha...”

At tinutoo ni Rudy ang pangakong blow-out. Na nasayang lamang. Dahil kapwa sila hindi nakakain. Si Rudy, sa labis na kaligayahan. Siya, sa pait ng kabiguan, na pilit, at wari naman, ay napagtagumpayan niyang ikubli.

Hindi naman siya nakalimutang ganap ni Rudy . Naalaala pa rin nito ang kanyang kaarawan. May regalo pa rin kung Pasko. May friendly card kung Valentine. Ang hibla ng pagkakaibigan ay hindi lubusang nalagot. Kundi ba nama'y siya ang unang pinagtapatan ni Rudy ng balak nitong pag-aasawa.

“Mamili ka, Linda,” sabi ni Rudy. “Veil, cord, or candle sponsor?”

Noon pa may gusto na niyang umiyak sa harap ni Rudy. Sa halip, ngumiti siya,
“Pero, Rudy, hindi ikaw ang dapat mamili noon. Si Cora.”

“Alam ni Cora na magkaibigan tayo. Gusto rin niyang maging miyembro ka ng aming wedding entourage.”

Hindi kaagad siya pumayag. Tinanong niya si Rudy. “Set na ba ang date ninyo. Namanhik na ba ang tatay at nanay mo?”

Umiling si Rudy. “Nag-uusap pa lamang kami ni Cora. Hindi pa alam sa kanila. At hindi pa rin sa amin.”

“Naku,” at tumawa siya. “Magsabi ka nga muna sa inyo bago mo ako imbitahing sponsor.”

Iyon ang huli nilang pag-uusap ni Rudy tungkol sa inaasahang kasal. Na hindi natuloy. Si Cora ay sumamang magtanan kay Rino ang dating kasintahan nito. Hindi na ito pumasok sa opisina. At muli, dumalas ang pagkikita nila ni Rudy.

Sa telepono. "Linda, hintayin mo ako sa opisina n'yo. Daraanan kita.”

“Ha, e...” gusto pa niyang tumutol.

“Linda... please.”

At sa nakikiusap na tinig ni Rudy, paano siya makatatanggi?

“Kaibigan kita, Linda. You'll help me forget.”

Naging sunud-sunuran siya kay Rudy, alipin ng damdaming nagtatangi. Sumama siya sa pasyalan. “Madalas kami rito sa tabing-dagat ni Cora.”

Nagtanong siya. “Hindi ka ba nasasaktan. Naririto ka'y hindi naman siya ang kasama mo?”

Tumingin sa malayo si Rudy. “Nais ko ngang mapatungan ang gunitang iyon. Darating ang panahong kapag naisip ko ang dapit-hapon sa tabing-dagat, hindi na si Cora ang maaalala kong kasama. Kundi ikaw.”

Nanood din sila ng sine ni Rudy. “Trust me, Linda,” sabi nito

At sa panonood ng sine ay dumating ang panahong hinawakan ni Rudy ang kanyang kamay. Na hindi niya tinutulan. At lumabas silang hindi nag-iimikan.

Dumating ang araw na hindi na nababanggit ni Rudy ang pangalan ni Cora. Nawala na sa mga mata nito ang bahid ng lungkot. Si Rudy ay ang dati nang si Rudy noong hindi pa dumarating sa kanilang buhay si Cora.

Saka nagtanong si Rudy sa kanya. “Ano'ng isasaloob mo, Linda, kung yayain kitang pakasal sa lalong madaling panahon?”

Nabigla man siya'y nakapag-isip pa rin ng marapat na sagot. “Ano pa, kundi ang isiping nais mong patunayan sa iyong sarili na lubusan mo na ngang nakalimutan si Cora. At magagawa mong pakasal sa iba.”

Malungkot na ngumiti si Rudy. “At naisip mo ring napaka-selfish ko. I'm forever using you. Para sa aking sariling kabutihan. Which is partly true. Inaamin ko.”

Hinawakan ni Rudy ang kanyang kamay. Tinunton ng hintuturo nito ang namumughaw na mga ugat sa kanyang kamao. At ang malalim na guhit sa kanyang palad. “Ngunit maniwala ka kaya, Linda, na sa kabila ng damdaming binanggit ko, talagang nais kong makaisang-palad ka. Maniwala ka kaya kung sabihin kong natutuhan kitang mahalin, Linda. Isang pagmamahal na iba kaysa iniukol ko kay Cora. Pagmamahal na...”

Hindi niya napigil ang sarili. Pinutol niya nag pagsasalita ni Rudy. At kasabay ang pagtango, “Naniniwala ako. At pumapayag. Ano naman ang isasaloob mo?”

Kumislap ang mga mata ni Rudy. At tumawa. “Ano pa? Ikaw ang da bes. At bukas din, papupuntahin ko ang mga tatay sa inyo. At mamahalin kita. Paliligayahin sa abot ng aking makakaya. Maniwala ka, Linda.”

Ikinasal sila ni Rudy. Isang marangyang kasal. Naghanimun sa magagandang pook sa Kabisayaan at Mindanao. Nagpatayo sila ng isang munting bahay sa loteng ari ng mga magulang ni Rudy sa isang mahusay na subdibisyon. At nagkaroon sila ng anak. Isa, dalawa. Naging tatlo.

Nagkaroon din sila ng mga bagong kakilala. Na naging malapit na kaibigan. Kumpadre at kumadre. Isang munting grupo ng mga pag-asawahang nagnanais namang makalaya sa hirap at pagod sa pag-oopisina sa buong sanlinggo. Mga inang nais namang makawala sa pagkatali sa bahay. Sina Edwin at Ludy. Chito at Perla, Jun at Rose. Sila ni Rudy..

Sa buong panahong ipinagsama nila ni Rudy, wala siyang masasabi rito bilang isang asawa at ama ng kanilang mga anak. Maalalahanin si Rudy. At ang kapusukan nito na may katambal na giliw ng pagmamahal sa mga pagkakatong nais nitong ipadama ang pagmamahal sa kanya, ay hindi isang pagkukunwari lamang. Maliwanag niyang nadama na tunay ang damdamin ni Rudy sa kanya. Ngunit sa kabila noon, ang pangamba sa muling pagkikita nina Rudy at Cora, pagkagising ng isang nahihimlay o namatay nang damdamin na magiging daan ng pagkawala ng pag-ibig sa kanya, ay isang nakaambang patalim sa kanyang puso.

Pagkikitang nangyari na nga. At sa pagkakasandal ni Linda sa malambot na upuan ng kotse, pilit niyang pinagbalikan sa alaala kung ano ang naging reaksiyon ni Rudy nang makita si Cora. Kumislap ba ang mga mata nito? Naging masigla ba ang katawan? Natuwa, lumigaya at muling nasilayan ang dati at tunay na pag-ibig? Nawalan ng kibo? Dahill... dahil nagsisisi na.

Saka niya napansin, nakahinto na ang kanilang kotse. Sa tabing-dagat. At pinagmamasdan siya ni Rudy. “Ba... bakit. Bakit tayo narito?” kanyang tanong.

Ngumiti si Rudy. “May sasabihin ako sa iyo. At dito sa tabing-dagat na madalas nating pasyalan noong araw, dito ko nais sabihin sa iyo.”

Sinenyasan siya ni Rudy . At umisod siya ng upo, palapit sa asawa . Naramdaman niya ang bisig nito sa kanyang balikat. Ang pisil ng kamay sa kanyang bisig. At narinig niya ang mahina, ngunit maliwanag nitong tinig.
'Alam mo, Linda, may unang pag-ibig at may pangalawa. May pangatlo din. At maaaring may pang-apat pa. Ngunit para sa akin, ang ngayong pag-ibig ang pinakamahalaga. Sapagkat ito ang tunay kong pag-ibig. Ikaw iyon, Linda. Sapagkat saan ka mapapapunta kundi ikaw ang tunay kong pag-ibig. Maaaring ikaw lamang ang naging panlimang pag-ibig. Isa pa, naniniwala akong ang pag-ibig ay tulad ng halaman. Lumalalim ang ugat, yumayabong ang mga sanga, sa mabuting pag-aalaga. Ganoon ang pag-ibig ko sa iyo.”

Nakalilito ang paliwanang ni Rudy. Ngunit ang hindi masundan ni Linda sa salita ay naunawaan na niya sa gawa. Sa mariing halik sa kanyang mga labi na siyang katapusan ng paliwanag ni Rudy.

September 20, 1971, Liwayway

Saturday, January 15, 2011

IKAW BA ANG UNA? O IKAW ANG HULI?


IKAW BA ANG UNA? O IKAW ANG HULI?


Minsan, nagkakwentuhan ang isang barkada. Kung paano nila nakilala ang kanilang mga naging asawa. Nakatutuwang makinig sa ganitong usapan.

Sabi ng isa. Pinalaki raw siya ng kanyang asawa. Magkapit-bahay sila, nasa elementary siya, Grade Six, at nasa college na ito. Kabarkada ng kanyang kuya kaya lagi sa bahay nila. Iyon pala, may kursunada na sa kanya. Hinintay lang na makarating siya sa high school at niligawan na siya. At dahil crush naman niya ito, sinagot agad niya. Kaya ang nangyari, pagkatapos na pagkatapos niya ng kolehiyo, hindi na siya nakapagtrabaho, napakasal na sila.


Ibig sabihin, komentaryo ng mga kaharap, first love mo siya. Pero, ikaw ba ang first love niya?

Nag-isip ang tinanong. At sumagot. Siya ang first love ko. Pero, ewan lang, kung ako ang first love niya. Although wala naman akong nabalitaang niligawan niya o naging girlfriend. Saka sabi niya sa akin, talagang nang makita niya akong lumalaki, nadisisyunan na niyang ako ang pakakasalan niya.


How romantic naman, may buntung-hininga pang wika ng barkada.

Nang may magtanong ulit. Alin ba ang mas gusto ninyo? Kayo ang first love ng napangasawa ninyo? O maging last love nito? Na siyang pinakasalan.

At ang ibig sabihin ng last love ay may naging girlfriend o mga girlfriends ito bago mo napangasawa, paglilliwanag ng isang kaharap.

Dito na nagkagulo ang diskusyon. May isang ang gusto ay siya ang maging first love, kasi raw, first love never ever dies.

May nagpatotoo naman nito. May kakilala raw siya, na iyong first love na kaiskwela nito sa high school, hanggang ngayon na marami nang anak sa napangasawa, ay naaalaala pa rin iyong first love at hindi malimut-limutan.

Sa totoo lang, may sumambot, mahirap din ang kalagayan ng ikaw ang last love na siyang pinakasalan. Lalo at katatapos lang makipag-break sa girlfriend nito. Lagi mong naiisip, rebound lang ba kaya ka nagustuhan. Nalulungkot at ikaw ang napagbalingan. O napansing kursunada mo siya... at nadebelop tuloy...

Oo nga... oo nga... ayunan ng magkakaharap. Mahirap nga.

At ito ang paksa ng aking kwento para sa buwan ng Enero. ABANGAN ninyo...
At habang nag-aabang, pagbalikan na rin sa isip, kung ikaw ba ang una? O ikaw ang huli?

Pero, teka sandali, nabasa na ba ninyo ang aking libro? Minsan, May Isang Pag-ibig? Tapos na ang regaluhan ng Pasko, pero malapit na ang Valentines. This is a book for all seasons. Kaya, order na...click na sa www.lulu.com o sa buy now! :-)

At salamat sa mga bumili na! ;-)

Friday, January 14, 2011

Minsan, May Isang Pag-ibig - Mambabasa Mula Ohio


Minsan, May Isang Pag-ibig

Mula sa Isang "Mambabasa"

Dear Eve, Ha ha ha! you should have heard or seen me and Angeling giggling when Angeling was reading to me the stories. I let her read to me cause, as you know I'm so lazy reading now. Once I'm off, and took off my eye glasses, I don't want to put it back on. Anyway, just as if Angeling and I were at the dorm past our bedtime, that Ate Ne, Zeny or Kambal will come to room 4 to tell us go to bed and keep quiet, ha ha ha,, Angeling & I on the phone, she in New York, me in Ohio...laughing as loud as we can, she, reading and me listening... can you believe that, on the phone past midnight. I think it's almost morning when we hang up...about 2 or 3 in the morning !!!

With regards to whom to give the extra copy, I prefer you give it to Nena.. I hope she remembers me.. isn't she the one ... whose boy friend's name was Freddie? hmmmm .. not sure but, I know her, I remember her well, when I was new in the dorm, she was my next bed neighbor.


Another 2 persons I would love to have the book next time that Diane will send extra copies to you, (Philippines) are: ha ha ha I know you will be surprised that I remember these two: Our boys "Romy & Emo”... are they still around??

Do you remember, when you, Femme or Chita, asked Romy, why he calls everyone of you, by your first names, but me! ... come to think about it, yes... Romy calls all of you by your first name... but he calls me, "Miss Cayabyab". I myself wonder too...He probably thinks that I'm an old lady then huh? lol... remember that, Eve? ha ha ha... funny isn't it ??


Well anyway...next time Diane sends you extra copies... those are the other persons I want to have copies of your book... it will be my compliments and sign of gratitude for the good service they've done to me, when we were young! I will make arrangement with Diane to just send me the bill, ok?

Take care and please give my regards and love to all of our friends, specially our group, my prayers that all of you will have good health... please tell Chita I love her...
Puring

(Thank you so very much for your generosity. I will try to get in touch with these people you have in mind and as soon as I make connection, I will tell you and Diane so that when somebody comes home for a visit, maipadala niya ang iba pang mga libro. Yes, I will call Nena and give her the book and tell her it came from you. And of course, Chita's copy, too.

I can imagine Angeling and you, giggling into the night and the wee wee hours of the morning, reminiscing the good old days. Dormitory days. And I know that whatever we did then at St. Catherines also happened in other dormitories and kasera and even apartments in Legarda, Gastambide, P. Campa, Doroteo Jose and all other old houses turned students' abode while studying in schools along the university belt. Ang saya talaga noon!

Romy is the tall and lanky, fair-skinned boy/helper in our dorm. Emo is also Imo or Gerry, the boy who finished high school and went on to college, someone told us. Sa sinumang dormitoryanang kasama namin noon, na nakaaalam kung saan makokontak ang dalawang ito, please email me. eve.manunulat@gmail.com

Muli, salamat, Puring!)


Sunday, January 9, 2011

Minsan, May Isang Pag-ibig – Mambabasa Mula New York


Minsan, May Isang Pag-ibig

Mula sa Isang Mambabasa


A las tres ng hapon sa Pilipinas. A las dos sa New York. Isang tawag sa telepono ang tinanggap ko. Mula sa isang dating kasama sa dormitoryo. Sa hello pa lamang ay nagkakilalanan na kami at ang tawag ay nagsimula sa hagikgik na di mapatid-patid at kwentong naisisingit sa hagikgik.

Nag-order na ako ng dalawang libro mo. Ang isa ay ibibigay ko sa isang kaibigan na tumira rin sa dormitoryo sa may UST. Totoo ba ang kwento ni VERONICA? Tinawagan ko si ----- at sa answering machine ay tinawag ko siyang Veronica, Veronica, Veronica! Pero wala siya, baka nakauwi na riyan sa Pilipinas para dumalaw. Si Puring naman ang tinawagan ko at hindi pa pala siya nakaka-order, pero balak niyang bigyan si Chita. Tawa kami nang tawa habang ikinukwento ko sa kanya ang mga nabasa ko na. Pinilit niya akong basahin sa telepono ang kwento ni ANDREA. At binasa ko naman, with feelings. Kasi, noong maliit pa ako, mahilig na akong magbasa ng Liwayway. Malabo ang mata ng aking Ingkong at ako ang tagabasa niya. Kapag nga malungkot ang binabasa ko ay umiiyak pa akong talaga. Ganito rin ang nangyari nang dumating ako sa kwento ni ATE NENE. Hatinggabi nang basahin ko ito at umiyak rin ako.

Angeling

(Salamat sa pagbili ng aking libro. Tawagan mo ang iba pang mga taga- dorm at sabihang bumili rin sila. At sa iba pang mga Pilipino diyan. I'm sure na makaka-relate sila sa mga istorya - santakrusan, Mahal na Araw, Todos Los Santos, atbp. At, Angeling, waring hindi mo pa nababasa ang ibang kwento sa libro. Para ka pala nina Femme at Nita na ulit-ulit binabasa, pabalik-balik sa mga kwento sa dormitoryo at nagtatanungan kung sino kaya si Shirley? Sino kaya si Alma? Sa totoo lamang, ang isang kwento ay nagmumula lamang sa isang munting ideya na pinalalago ng malikhaing isipan ng isang awtor. Bow!)

Saturday, January 8, 2011

MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG - Mambabasa Mula Florida


Minsan, May Isang Pag-ibig
-
Mula sa Isang Mambabasa


NAPAKA-GAGANDA NG SHORT STORIES NA BINASA KO SA LIBRONG BINILI KO KAY LULU. CONGRATS, YOU REALLY DESERVED THE PALANCA AWARD AND "MORE". NATAPOS KO IN TWO DAYS OF ON AND OFF READING. VERY ENJOYABLE. THANKS.

HAVE A HAPPY AND HEALTHY NEW YEAR. REGARDS AND WARM GREETINGS FROM FLORIDA.

CESAR/JET

(Salamat at nagustuhan ninyo. Siyanga pala, huwag ninyong ipahihiram ang libro ninyo sa iba. Sabihin ninyong bumili sila ng kanilang kopya! At hindi po ito biro... )

Thursday, January 6, 2011

Hyacinths to Feed My Soul



Hyacinths to Feed My Soul


Kahapon ay nagdaan kami sa SM-Marikina mula sa isang pinanggalingan sa Makati. May binili ako sa groseri. Isang item lamang na kailangan. At sinabi ko sa aking kasama na nagtanong kung anu-ano ang aking bibilihin na “kung ano lamang ang aking kailangan, ang siya kong bibilhin!”

At lumabas kami ng groseri, dala ang kaisa-isa kong binili. Dalawa pala, kasi naalaala kong wala kaming tinapay. Paglabas ng groseri ay nadaanan ko, nalingapan ang tindahan ng mga gitara. A, may gitara na ako sa bahay. Regalo ng aking anak, marami nang Pasko ang nakalipas. Pero, huminto pa rin ako. Nag-left turn kumbaga. Pumasok sa tindahan. Nagtanong. “May ukulele ba kayo?”

Mayroon daw. At isang kulay asul na ukulele ang kinuha. Galing, gawa sa Cebu raw. Binitiwan ko ang nakasupot na tinapay sa ibabaw ng isang keyboard. Hinawakan ang ukulele. Kinala-kalabit ang mga plastik na bagting nito. “Itono mo nga,” ibinalik ko ang ukulele sa nagtitinda.

May kinuha siyang gadget na ikinabit sa dulo ng ukulele na kinakabitan ng mga bagting. At itinono nga niya at nang matapos ay muling iniabot ito sa akin. Agad ko namang kinalabit ang bawat bagting, mula sa una hanggang sa ikaapat. Kasabay ang sarili kong pamamaraan ng pa-awit na pagtono na natutuhan ko noong araw: Unang bagting – nanay; Ikalawang bagting – tatay; Ikatlo't ikaapat na bagting – Kaning-baboy! Ayos na! At hinuni ko na ang Little Brown Gal, kasabay ang tugtog sa ukulele.

At nagtawaran na kami sa bilihan. Nang magkasundo ay nagbayaran, umuwi na kalaunan dala ang dalawang item na siya lamang kailangan na binili sa groseri.

At isang bagong ukulele! Na kailangan ba?

May naalaala ako rito.

If of thy mortal goods thou art bereft,
And from thy slender store two loaves alone to thee are left,
Sell one, and with the dole
Buy hyacinths to feed thy soul.
- Moslih Eddin (Muslih-un-Din) Saadi (Sadi),
Gulistan (Garden of Roses)

My ukulele! My hyacinths!