Wednesday, October 27, 2010

Generation Gap


Generation Gap


Kamakailan ay may nabasa ako sa Lifestyle Section ng Phil. Daily Inquirer, Oktubre 23, 2010. Ito ay isang artikulo, Our Parents Back Then, na sinulat ni M. M. Manzano, na ang paksa ay “to fill the generation gap” sa pagitan ng mga anak at ng kanilang mga magulang. At ito ay sa pamamagitan ng pagkukuwento ng mga mumunting bagay na ginawa at pinagkaabalahan ng magulang nila noong kabataan ng mga ito. At ayon sa kanya, upang maisulat naman ang mga ito, marapat lamang na matuto silang makinig sa mga kwento ng kanilang magulang.

Natuwa at natawa ako sa aking nabasa sa nasabing artikulo. Naipagpasalamat ko na may nakaisip sumulat nito. Dahil ito mismo ang adhikain ng aking blog na ito – ang maiparating sa aking mga anak, kasama na ang aking mga apo, at sa kani-kanilang henerasyon, kung paano ang buhay namin noon. Ako at ang aking ka-henerasyon. Kung ano ang aming mga inaawit, ano ang aming mga sinasayaw, ano ang mga paksang aming pinag-uusapan, ano ang aming pinagtatawanan, ano ang aming binabasa, sino ang mga artista o taong hinahangaan, kung paano ang ligawan, ang pagkakaroon ng boyfriend o girlfriend, kung paano maghiwalay, paano magpakasal, mamiyenan, kung paano kami mag-relate sa aming mga sariling magulang, may generation gap ba? Tulad ngayon?

Na lahat ng ito ay masisilip, kumbaga ay mababasa between the lines, sa mga kwentong inilalagay ko sa aking blog. Dahil ang mga kwentong ito, bagaman at kathang-isip lamang ang mga tauhang gumagalaw rito, ay mapananalaminan naman kung ano ang panahong ginagalawan namin noon. Ang mga kostumbre at tradisyon. Ugali at kalakaran.

Tulad nang pag-aalaala sa mga namayapa na sa Araw ng mga Patay. Nobyembre na sa isang linggo. Naghahanda na ang lahat sa pag-uwi sa kani-kanilang lalawigang pinagmulan upang madalaw ang mga pumanaw nang mahal sa buhay, maalayan ng bulaklak at dasal, maipagtulos ng kandila sa kinahihimllayan.

Ito ang tema ng kwento ko para sa buwan ng Nobyembre. Isang kwento na magdadala sa babasa sa isang panahong maaaring naabutan ng marami sa atin ngunit hindi naman natandaan dahil sa kamuraan ng isip. Malamang na Ito ay sa bibig na lamang ng ating mga magulang narinig, o sa mga nakatatandang kapatid. Ito ay isang kwento ng pag-ibig na ayon sa humiling sa akin na ito'y isulat, ay tunay na nangyari. Sa kanya mismo. At bilang patunay, ay ipinahiram pa niya sa akin ang isang liham, sa mamula-mulang papel, sa sulat kamay ng babaing tampok sa kwento. Natural lamang na ang parteng totoo ay inilangkap ko na sa mga kathang-isip sa pagbuo ng kwento.

Fill the generation gap! Basahin ang mga kwento sa blog na ito. Sa mga bagong “maliligaw”, bisitahin ang archive. SIMULAN ANG PAGBASA SA TAONG 2008. AT MALALAMAN NINYO KUNG PAANO KAMI NOON, KUMPARA SA KUNG PAANO KAYO NGAYON...

Ngayong Nobyembre, abangan ang KANDILA SA HARAP NG BAHAY.

Sunday, October 3, 2010

SAPAGKAT GANYAN ANG PAG-IBIG


SAPAGKAT GANYAN ANG PAG-IBIG

HINAPIT ni Lea ang suot na roba bago yumuko at inalsa ang panaradong bakal ng kanilang pinto sa bakuran. Muli ang isa pang bakal ng kabiyak na dahon ng pinto. Isinunod niya ang bakal na pahalang matapos susian at matanggal ang seradura. Itinulak niya ang isang dahon. Umingit and di nalalangisan, kinakalawang na bakal. Muli ang isa pang dahon. At muli ang nakapangingilong ingit.

Nilingon ni Lea ang kotseng nagsimulang umurong mula sa garahe. Dumaan ang sasakyan sa harap niya. Hinagilap niya ang mga mata ni Tony. Nakalingon ito, sa inuurungan ng minamanehong kotse. At bumaba ang kotse sa lansangang na kaharap ng kanilang bahay. Inayos ni Tony ang sasakyan. At hindi inaalis ni Lea ang kanyang mga paningin sa asawa. Nais niyang sa pagsulyap ni Tony sa kanya bago pasibarin nito ang kotse ay nakatingin rin siya. At depende sa kanilang pakiramdaman ay sagutin niya ng bahagyang panunulis ng bibig na ang ibig sabihin ay halik ang nanunuksong pikit ng mata o kindat ng kilay ng asawa. Iyon ang kanilang sistema ng paalaman kung umagang inihahatid niya sa pintuan si Tony. Titingin muna ito sa kanya bago patakbuhin ang sasakyan.

Ang kotse ay matuling sumibad. Hindi tumingin si Tony sa kanya.

Biglang namigat an dibdib ni Lea. Ano na ba ang nangyayari sa kanila ni Tony. Galit ba si Tony sa kanya?

Ang pagdaramdam ay naging pagkayamot. Galit si Tony. Aba, kung may dapat magalit, hindi ito kundi siya. Tulad nga nang umagang iyon, sa pag-aalmusal.

Lea, sabayan mo 'ko.

Ang kumot ay itinalukbong niya upang huwag marinig ang tinig ni Tony. Ayaw niyang masira ang kanyang tulog. Antok na antok pa siya...

Lea...

Higit na malakas ang tinig. At higit na malapit. Inalis niya ang unan at hinawi niya ang kumot. Ano bang... si Tony ay namulatan niya sa tabi ng katre.

Sabayan mo naman ako, o... naglalambing wari si Tony.

Para siyang nainis. Wala akong gana, pag masyadong maaga.

Bantayan mo man lang ako, wari iba na ang tinig ni Tony.

Kung bakit lalo naman siyang nayamot. Sige... sige... 'andiyan na ko.

At umupo siya sa harap ni Tony, sa hapag-kainan, na ang kumot ay nakabalabal pa sa kanya. Eto na ko. Sige, kain na.

Marahil hindi maganda ang himig ng kanyang pagkasalita. Biglang binitiwan ni Tony ang hawak na kutsilyo't tinidor. Na gumawa ng ingay sa nilagpakang pinggan.

Know what Lea, you can make my day.. or break it.

Napatanga siya sa sinabi ng asawa. At bago siya nakasagot, mabilis na itong nakatayo at nakapasok sa kanilang silid. Na hindi naman niya sinundan. At ang pagpasok sa opisina ay kaniya na lamang inantabayanan.

Naisip niya, ano na nga ba ang nangyayari sa kanila ni Tony. Dadalawang taon pa lamang naman silang nakakasal. Iisa pa lamang ang kanilang anak. Napakaaga naman yatang dumating sa kanilang buhay ang hindi pagkakaunawaan.

Sabi ng kanyang ina. Noon. Lea hindi pa kayo lubusang nagkakakilala ni Tony. Ba't nag-aapura kayong mapakasal.

Kilala na naman natin, Ma ang kanilang pamilya. Mabuti at tinitingala sa kanilang bayan, sabi nga ng Tiyo Berto, ang sagot niya.

Ang ugali anak ang ibig kong sabihin. Hindi pa kayo nakasisiguro kung tugma ang inyong mga pag-uugali. Kung kailan lamang kayo nagkakilala.

Maituturing na whirlwind ang romansa nila ni Tony. Nagkakilala sila sa isang party. Nahalata niya, nabihag niya si Tony. At hindi niya maitanggi, naakit naman siya rito.

Mais itong tanong ko, Lea, pero sagutin mo rin, ha?

Masarap ang mais lalo't matamis, sinabayan niya ng tawa ang mais niyang sagot.

Ngunit seryoso si Tony. Naniniwala ka ba sa love at first sight, Lea?

Tinapatan niya ang pormal na tanong ni Tony. Teka muna, ano bang ibig mong sabihin sa salitang love.

Love. Pag-ibig. Na nadama para sa isang babae, sa una pa lamang pagtatama ng mga paningin. Pag-ibig. Damdaming magkakaroon lamang ng kaganapan sa pamamagitan ng pagpapakasal sa dalagang itinatangi. Kahit na ang dalagang iyon ay noon lamang niya nakita. At nakilala.

Pinilit pa rin niya ang tumawa. At magpatawa. Dahil kinukutuban na siya . At kinakabahan. Wow, how romantic naman...

Hindi madaling madala ng mga biro si Tony. Naniniwala ka ba, Lea?

Wala siyang magawa. Tumango siya.

Kinabukasan, dumating sa kanilang bahay si Tony. May dalang tsokolate..

Ba't mo nalamang gusto ko ng tsokolate? Ng brand na ito? Tanong niya.

Ganyan ang pag-ibig. Pinag-aaralan ng nagmamahal ang gusto, hilig ng minamahal, ang walang paligoy-ligoy na sagot ni Tony.

Deretsahan na rin lamang, nakilaro na siya. Huwag mong sabihin...

Pormal na naman si Tony. Sinasabi ko, Lea. Love at first sight. Nakahanda akong pakasal. Name the date.

Uminit-lumamig ang kanyang pakiramdam. Hindi ka ba natakot magsabi ng ganyan, Tony?

Bakit ako matatakot?

Tumawa na naman siya. Na baka ako sumagot ng oo, e, mapasubo ka.

Umiling si Tony. Kilala ko ang aking sarili at alam ko ang aking gusto. Sa halos lahat ng bagay. At lalo na sa babae.

Matapat magsalita si Tony. Iyon ang impresyong nakuha niya sa maikling panahong ipinagkakilala nila. Siya ay natangay.

Boyfriend mo na siya, hindi makapaniwalang tanong ng kanyang kapatid.

Huwag mong sasabihin sa mga old, ang isinagot niya.

Baka kung ano ang pamilya niyan.

Umiling siya. Walang problema. Good family sina Tony. Anong akala mo. Hindi man lang ako nagtanong.

Waring hindi nadala ng kanyang paliwanag ang kapatid niya. Pero baka lokohin ka lang. Agad-agad kang sumagot riyan. Nagpahalata ka agad.

Ito pala, ang sabi niya. Walang lokohan kami ni Tony. Nasa hitsura naman nung tao iyong sinseridad. Niyayaya na nga akong pakasal.

Pakasal. Aba'y tatatlong buwan pa lamang kayong magkakilala.

Sa konserbatibong pamilya na tulad nila, ang bagay na iyon ay kahindik- hindik, wika nga. Sabi ng kanyang ina. Lea, anak, baka hindi magkabagang ang inyong ugali. Ba't di muna kayo magkilalanan. Oras na makasal kayo'y di ka na makauurong.

Ang katwiran niya ay ang katwirang narinig niya kay Tony. Ang mahalaga ay ang pagmamahalan. Kapag may pagmamahal, napag-aaralan ang ugali. Ang pakikisama ay nagiging madali.

Ang tatlong buwang pagkikilala nila ni Tony ay hinusto nilang anim para sa ikatatahimik ng loob ng mga matatanda, bago sila napakasal. At namuhay nang sarili. At nagkilalanan ng mga ugali.

Maagang gumising sa umaga si Tony. Teka muna, ang aga pa, pipigilin niya ito. Nakabangon na't bumababa sa katre ay hihilahin pa rin niya ito.

Hahalikan siya ni Tony. Naku, itong misis ko. Kundi nga lang kailangang maaga akong pumasok sa opisina...

Ganoon si Tony. Iyong tipong tinatawag na lark. Maagang gumising dahil gusto'y maagang dumating sa opisina.. Samantalang siya naman ay iyong buhay na buhay sa gabi, iyong tipong tinatawag na owl....

Naku, e, gusto ko pang matulog. Saka masarap mag-inin sa higaan. Saka hindi naman ako pumapasok. Pinatigil na siyang magtrabaho ni Tony na natama naman sa pagsasara ng kompanyang pinapasukan niya. Hindi na siya pinapaghanap ng bagong trabaho sa bahay na lang daw siya. Na gusto naman niya.

Mahusay ang kanilang katulong. Katulong ito ng kanyang ina na ibinigay sa kanya. Areglado ang pagkain ni Tony sa umaga. Talagang hindi na siya kailangang bumangon pa upang maghanda. Kapag bihis na si Tony at napapakiramdaman niyang malapit nang umalis, saka lamang siya kikilos upang maihatid naman niya ito sa pintuan ng kanilang bakuran.

Wala akong maipipintas kay Tony, pamamalita niya sa kanyang kapatid. Nakuha kaagad niya ang aking ugali. Wala kaming pagkakagalitan.

Bakit nga hindi. Minsan lamang niyang sinabi kay Tony. Hindi ako makakatulog nang bukas ang ilaw ng lampara. Magbuhat noon, hindi na nagbabasa sa higaan si Tony. Lagi na, ito'y sa sopa sa salas hihilig at doon magbabasa ng kung anumang kailangan nitong basahin. At pagbabalik nito sa katre ay halos hindi na niya namamalayan.

Nang maglihi siya sa kanilang panganay ay hindi niya nagustuhan ang amoy ng pomada ni Tony. Pinapalitan niya. Ngunit nakapanganak na siya't gumagapang na ang kanilang anak ay ayaw pa rin niyang ibalik sa dati ang pomadang gamit nito. Nakaayawan na niya. Payag naman si Tony.

Tuwing ikalawang linggo ay dumadalaw sila sa pamilya nina Tony. Dumating ang panahong nanghinawa siya. Ang sabi niya sa asawa. Nothing personal. Nahihirapan ako. Ang liit pa ni baby. Saka kung minsan, natatapat na wala ako sa mood. E kailangang sa paghaharap-harap namin ng mga inay mo, e dapat namang masaya ako. Mahirap para sa akin. Isang ugali ko iyong hindi mapagkunwari. Kung ano talaga ang nasa loob ko, ganoon ang ilalabas ko. Kaya ang mabuti, umuwi tayo kung kailan lamang natin gusto. Hindi iyong tuwing ganoong araw, umuulan man o bumabagyo.

Dumalang ang pag-uwi nila at pagdalaw sa pamilya nina Tony.

Ang paminsang-minsang pagdadala ng mga kaibigan ni Tony sa kanilang bahay ay kaniya ring pinansin. Ito'y hindi na naulit.

At maligaya na sana siya nang unti-unti mayroon siyang napansin kay Tony. Ba't di mo ipaputol ang iyong buhok. Pareho noong una kitang nakilala.

Ang haba ng kanyang ungol. Gusto ko yata nang mahaba.

Pero gusto ko para sa iyo ang maigsing putol ng buhok.

Umiling siyang muli.

Minsan naman. Maganda naman ang pilik mo, ba't naglalagay ka pa ng false eyelashes, tanong nito.

Pero sa party lang naman ako naglalagay, katwiran niya.

Mas gusto ko ang wala, giit nito.

Pero gusto niya. At siya rin ang nasunod. Sa bagay na iyon at sa marami pang bagay na ipinansin sa kanya ni Tony. Napakaraming bagay na ang kahuli- hulihan ay ang pagyayaya sa kanya tuwing umaga na ito ay sabayan niya sa pag-aalmusal. Na katuwas sa ugali niyang mag-inin sa pagkakahiga. Matulog hanggang sikatan ng araw. Tuloy naging dahilan nang pag-alis ni Tony nang hindi man lamang siya tinapunan ng tingin.

Ugali rin ni Lea ang umalis ng bahay kapag may sama ng loob. Sa bahay nina Flor niya naisipang magpunta. Sa kasayahang idinaos kina Flor niya nakilala si Tony. Magkinakapatid ang dalawa.

“Bakit mo nalamang narito ako sa bahay?” salubong ni Flor.

“Tumawag ako sa opisina ninyo. May trangki ka raw. Kaya eto dinalaw kita.”

Tumawa si Flor. “Sarap naman. O, bakit ka nga napasyal, iyong totoo?”

Inirapan ni Lea ang kaibigan. “Dibersiyon, iha. At sa lagay, ngayong may asawa na ako, patatali na sa bahay?. Kaunting paglilibang. Pagdalaw sa dating barkada.”

“Tama ang sinabi mo,” ayon ni Flor. “Nagrereklamo na nga itong mga kaibigan ni Tony. Sina Noli, natatandaan mo? Bago kayo nakasal, laging magkakasama ang mga iyan. Sa lahat ng lakaran. Nang patali na nga itong si Tony, minsan lang silang napunta sa inyong bahay. Medyo humiwalay na yata itong asawa mo. Nasa estado na raw siya. At siyempre, pwera na ang barkada.”

Alam ni Lea ang bagay na iyon. Di ba nga sa kanyang bibig pa nanggaling ang mga salitang iyon? Nasa estado ka na, Tony. Siyempre, pwera na ang barkada.

Marami pang kwento si Flor. “O, ano kumusta bang tatay ni Tony. Balita nami'y nagkasakit. Alam mo na, itinatanong ng tatay ko, dahil magkumpare ang dalawang iyon. Tinawagan ko si Tony sa opisina dahil tiyak na makababalita ako sa kanya. Very close iyang si Tony sa magulang niya. Pero wala siya noon.”

Alam rin niya ang pagkakasakit na iyon ng kanyang biyenan. Hindi siya sumamang umuwi kay Tony. Masama ang kanyang pakiramdam, ang pagdadahilan niya. Ano na kaya ang inisip ni Tony noon. Ang umukilkil na tanong sa kanyang isipan ng mga sandaling iyon ng pakikipag-usap kay Flor.
.
Tumayo siya. “O sige, aalis na ko, Flor. Sinilip lang kita kung talagang may sakit ka.”

“Natural! Ano sa palagay mo, naglalakwatsa lang ako? 'Paris mo ngayon! O, saan pa ang lakad mo?”

“Dadaan pa ko sa downtown. Ibibili ko ng pomada si Tony.” At sa likod ng kanyang isipan, hinagilap pa kung anu-ano ang mga bagay na bibilhin niyang gusto nito, hindi iyong gusto niya.

May sinabi si Flor. Ang dating brand ng pomada ni Tony. “Talagang iyon ang paborito ni Tony. Sa akin nga madalas makibili iyan noon. Alam mo kung saan mabibili ang pomadang iyon? Sa ilalim ng Quiapo. Maraming px dun.”

Si Tony. Ang kirot ay damang-dama ni Lea. Anu-ano pang mga bagay ang ginawa at hindi ginawa ni Tony alang-alang sa kanya? Sa pakikibagay sa kanyang ugali. Sa maayos at matahimik na pagsasama nilang mag-asawa.

Kapag may pag-ibig. Dahil ganyan ang pag-ibig... si Tony ang may sabi noon. At halos sa lahat ng bagay, pinatotohanan nito ang pag-ibig sa kanya. Ngunit siya? Ano ang kanyang ginawa? May pagkabaklang nadama si Lea. Bago mawala ang pag-ibig ni Tony sa kanya... kailangang may gawin siya... o baguhin... para maipakita rito kung gaano rin niya kamahal ito... Dahil tunay na mahal niya si Tony... handa rin siyang magbago, pakibagayan ito... Sana, sana'y hindi pa huli ang lahat...

“Sige, Flor. Dadaan pa nga pala ako sa beauty parlour. Alam mo'y gusto ni Tony na ipaputol ko itong buhok ko.”

Haaay, pag-ibig, ang tawa lang ni Flor.

At may kasiyahang nadama si Lea.


(Nalathala rin ito sa Liwayway, marahil ay noong mid-70s, ngunit sa kasamaang-palad, nawala rin ang aking kopya. Salamat na lamang at nakakuha pa ako ng duplicate sa mga nahalungkat ni Ondoy.)

Friday, October 1, 2010

LOVE AT FIRST SIGHT


LOVE AT FIRST SIGHT

Nakatutuwang makinig sa mga kwentuhan ng mga pag-asawahan. Kung paano sila nagkakilala. Kung paano nagkaligawan. Love at first sight ba? O nadebelop lamang, kumbaga. Parang binhi ng halamang unti-unting kumapit ang ugat sa matabang lupa at yumabong ang mga sanga't dahon sa tulong ng sikat ng araw at dilig ng ulan. Kayo ba, love at first sight din? Do share... kwentuhan tayo. Sige na naman...

May dinaluhan akong okasyon minsan, surprise party ng isang lalaki sa kanyang kabiyak. Siempre, imbitado ang mga kamag-anak at kaibigan nilang mag-asawa. Lagi, ang inaabangan ko sa mga ganitong kasayahan ay ang inihandang programa. Natutuwa akong makinig sa mga “toasting” and “roasting” na ginagawa nila. Ang natatandaan ko sa nasabing surprise party ay ang sinabi ng lalaki tungkol sa kanyang asawa. Nang una raw niyang makita ito, agad niyang sinabi sa kanyang sarili, this is the woman I'm going to marry. Love at first sight ba ito? Parang higit pa, dahil may commitment agad siya sa sarili. Iyong ibang love at first sight, dahil nagandahan lang, at gustong magka-girlfriend ng maganda, bahala na ang kasunod na kabanata. Kilig ako sa mga naririnig na ganitong pronouncements ng mga lalaki tungkol sa kanilang napangasawa.

May isa namang kwento. Tag-ulan daw noon. Baha. At sa paglalakad niya sa kalsada sa kanilang baryo ay nasundan niya ang isang dalagang sa paglalakad sa baha ay inilililis pa nang bahagya ang suot na palda upang hindi ito mabasa. Kaya nakita niya ang makinis at maputing binti, na sa paminsang pagtaas ng palda, pati alak-alakan ng dalaga ay nasusulyapan niya. Love at first sight naman ng binti ito. At sinabi rin niya sa sarili, ito ang dalagang pakakasalan ko!

May isa pang kwento akong alam tungkol sa love at first sight. Isang reunion iyon ng mga magkakamag-aral sa kolehiyo na ginanap sa isang malaking restoran. Kasama ng lalaking dumalo ang kanyang girlfriend nang makita niya ang isang dalaga na tumawag sa kanyang pansin. Mahinhin, iyon ang tingin niya sa dalaga at nadama niyang ito ang gusto niyang mapangasawa. Gusto pala niya nang mahinhin. Sila nga ang nagkapangasawahan. Ang kwento kalaunan noong dalagang mahinhin, being mahinhin isn't synonimous with being a pushover. Na okey naman pala doon sa lalaki.

Totoo ba ang love at first sight? Sabi noong iba, ang dapat daw itawag dito ay “lust at first sight”, kasi physical attraction lamang ang karaniwang dahilan ng mga ganitong damdamin. Nagandahan sa isang babai, naguwapuhan sa isang lalaki. Ibang kategorya naman iyong humanga sa katalinuhan, o naingganya sa pagkamasayahin o pagkapalabiro, o sa kasipagan, o sa kabaitan. Dahil sa mga nasabing katangian, agad magaan at malapit ang loob sa una pa lamang pagkikita, at sa sarili ay namuo na ang isiping ito ang gusto kong mapangasawa. Parang isang uri rin ng love at first sight.

Okey sana ito kung iyong nagustuhan mong mahinhin sa unang tingin ay talagang mahinhin ay hindi pala mataray. Iyong mabait ay hindi nasa loob ang kulo. Iyong masipag ay tunay ang kasipagan at hindi pakitang-tao lamang. Dahil sabi nga, hanggang hindi raw nagkakasama nang matagal ang dalawang tao ay talagang hindi magkakakilalang mabuti. Kapag nagbubuskahan nga ang ilang mag-asawa, maririnig mo ang “birong-totoo” na kung nalaman ko lamang na ganyan ang ugali mo, di sana kita niligawan!

Naalala ko tuloy ang isang joke. Sabi raw noong lalaki, kung nalaman ko lamang na ganyan ka katanga, di sana kita pinakasalan. Sagot raw noong babai, kung ako'y marunong, di mo 'ko mapapangasawa. Tanga nga, kaya napapayag mo...

Pero, may isang tula si Shakespeare na paborito kong tunay. Ito ay tungkol sa pag-ibig, sa tunay na pag-ibig. Na maaari namang pag-ibig din na nadama sa unang pagtatama ng paningin. Ang mahalaga raw kasi sa pag-iibigan ay kung paano dadalhin ang kakulangan o kapintasan ng isang minamahal. Dahil wala namang taong perpekto. Narito ang Sonnet 116 ni William Shakespeare.

Let me not to the marriage of true minds
Admit impediments. Love is not love
Which alters when it alteration finds,
Or bends with the remover to remove:
O no! it is an ever-fixed mark
That looks on tempests and is never shaken;
It is the star to every wandering bark,
Whose worth's unknown, although his height be taken.
Love's not Time's fool, though rosy lips and cheeks
Within his bending sickle's compass come:
Love alters not with his brief hours and weeks,
But bears it out even to the edge of doom.
If this be error and upon me proved,
I never writ, nor no man ever loved.

Minsan, may nakikilala tayong mag-asawa na hindi maubos-maisip ng marami kung bakit nagkapangasawahan. Ang babai ay ubod ng puti, ang lalaki ay saksakan ng itim. Ang tangkad ng lalaki, ang pandak ng babai. Ang guwapo ng lalaki, aartistahin wika nga, pero, napaka-plain ng babai. May edad ang babai, ang bata ng lalaki. Lolo na ang lalaki, tin-edyer ang babai. Mataas na pusisyon sa opisina ng babai, ordinaryong empleyado ang lalaki. May sinasabi ang pamilya ng isa, mahirap ang napangasawa. Ang tanong ay bakitttttt?

Ang sagot? Pag-ibig. Love at first sight man o hindi, ang sagot ay pag-ibig.

Masyadong profound ang pagkalarawan ni Shakespeare sa tunay na kahulugan ng pag-ibig sa kanyang tula. Pero, sa kwento sa buwan ng Oktubre, simpli lamang ipakikita ng isang ordinaryong pag-asawahan ang kahulugan ng pag-ibig.

Abangan ang SAPAGKAT GANYAN ANG PAG-IBIG !!!