Thursday, July 22, 2010



KWENTONG PULIS SA TELEBISYON


Kapapanood ko lamang sa tv na maglilibot raw ang kapulisan sa mga paaralan upang tulaan ang mga batang mag-aaral. Opo, tutula sila ng mga tulang nagpapakilala ng kung ano ba ang maaasahan sa isang pulis.

Isang babaing pulis ang nagbigay pa ng halimbawa ng kanyang tula na ang natandaan ko lamang ay ang nagsasabing sa kanan ng uniporme ay mababasa ang kanilang pangalan, sa dakong kaliwa ng dibdib ay ang kanilang tsapa, na nasa tapat ng puso, sapagkat sila ay matapat. Na sila ay katulong ng bayan sa pagsugpo ng kasamaan. Na sa totoo lamang, ang kanilang “boss”, tulad ng pangulo ngayon ng bansa, ay ang taong bayan.

Ang kanilang tula (ayon sa halimbawang narinig ko) ay parang pagpapakilala ng kanilang sarili sa mga bata. Upang mabura ang maling impresyon ng marami sa kapulisan. Naisip ko tuloy na gumawa ng tulakis (tawag ko sa tula-tulaan na malimit kong gawin, pang-alay sa mga kaibigang may kaarawan) na tumutukoy naman sa larawan ng isang pulis na siyang dapat makintal sa isipan ng mga kabataan. Ito ay isang simpling tulakis, na tama lamang para sa mga nasa mababang paaralan – ang tunay na mga kabataan.

Katuwaan lamang, ano kaya't pagkatapos tumula noong pulis ay sagutin naman siya ng isang bata nang ganito:


ANG KAIBIGAN KONG PULIS

Ang kaibigan kong pulis
Ay maliksi at mabilis,
Sa paghuli sa kawatan
Ay subok ang kanyang tapang.

Hindi siya umiiwas,
Hindi siya kasabwat,
Ang kaibigan kong pulis
Ay pulis na matapat.

Ang pulis kong kaibigan
Ay laging maaasahan.
Handang magbuwis ng buhay
Kung ito ay kailangan.

Hindi siya duwag,
Hindi siya mayabang,
Ang pulis kong kaibigan
Ang batas ay kanyang alam.

Ang pulis kong kaibigan
Ay dakila at marangal,
Isang tunay na huwaran
Dapat nating pamarisan.

E. L. Estrella, Hulyo 12, 2010

Monday, July 12, 2010

ISANG KUMOT, ISANG UNAN, ISANG KATRE


ISANG KUMOT, ISANG UNAN, ISANG KATRE


IYON ang kauna-unahan nilang pag-aaway na mag-asawa. Iyong away na tunay. Hindi iyong karaniwang mumunting alitan o tampuhan na nagsimula sa tuksuhan o kantiyawan. Sa loob ng kulang-kulang na dalawang taon nilang pagsasama, iyon ang unang pinakamalaki nilang hindi pagkakaunawaan.

Hindi pa siya nagalit nang ganoon. Si Lorie. “Sana'y sinabi mo muna sa 'kin bago ka tumango.”

Galit din si Nap. “Bakit? Hindi na ba ako maaaring magpasiya nang sarili? Kailangan bang ikonsulta kong lahat sa iyo?”

Bumalikwas sa pagkakahiga si Lorie. Hinarap, tinunghayan ang nakahigang asawa. “Hindi ko sinasabing ikonsulta mong lahat. Ngunit may mga bagay na kailangang makarating sa aking kaalaman.”

Tumagilid nang higa si Nap. Patalikod kay Lorie. “Tulad ng mga bagay na may kinalaman sa kuwarta?”

Bahagya, tumaas, bagama't pigil pa rin ang tinig ni Lorie. “Tama. Ang suweldo mo'y kuwarta ko rin. Ikaw nga ang kumita noon, pero iyon ay atin. Ang anumang labis sa ating gastos, lalabas na ipon natin. Sa ating dalawa. Kaya hindi mo dapat ipaggalantihan ang sobrang iyon. Tinanong mo muna sana ako. Baka mayroon akong pinaglalaanan.”

Bigla, bumangon sa pagkakahiga si Nap. Hinarap siya. “Nagtataka ako sa iyo Lorie. Kung makapagsalita ka, akala mo ibang tao ang pinautang ko noong sobrang iyon sa ating suweldo. Aba'y partido mo 'yon. Sarili mong kapatid na nangangailangan. E, kung nagkataon pala na partido ko ang napautang ko, e, di lalo na sigurong hindi matatapos ang maririnig ko sa iyo.”

Natutop ni Lorie ang kanyang dibdib. Parang hindi siya nakahinga sa narinig sa asawa. Nang magsalita siya'y hindi niya napigil ang pagkatal ng kanyang tinig. “Hindi totoo iyan. Hindi. Kung.. .kung... nalaman kong nangungutang sina Kuya, tatanggi ako. Sasabihin ko ang dahilan. Na ang mga ipon nating iyon ay inilalaan natin sa darating kong panganganak. Hindi ba... hindi ba... kalalapit lang sa atin ng mga nanay... mga nanay mo. Nanghihiram sana sila ng kung magkano. Tinanggihan mo. Tinanggihan natin sila. Ngayon, kung mabalitaan nilang nakahiram ang mga Kuya ko sa atin, ano'ng sasabihin nila. May pinipili ako nang pahihiramin. Tiyak na ang iisipin nila ay ako ang nagpilit na mapahiram ang mga Kuya ko. Hindi nila iisiping ikaw ang nagpahiram. Ako ang sisisihin nila. Ako'ng ibang tao. Manugang lang nila. Hindi anak.”

Hinila ni Nap ang nakatiklop na kumot sa dakong paanan. Ikinadkad. Ibinalot sa katawan. “O, sige, tama na. Gabi na. Matutulog na 'ko.”

Ang galit, sama ng loob at hinanakit na nadarama ni Lorie ay dagling napalitan ng pagkainis. Isang di matingkalang pagkainis sa inasal ng asawa. At hindi niya napigil ang sarili. Mahigpit niyang hinawakan ang dulo ng kumot na nakabalot kay Nap at buong lakas, nagngingitngit na hinila, kasabay ang paghiga. Si Nap ay natalupan.

Saglit lamang na hindi nakahuma si Nap. Pagkuwa'y ano ba't iyong hatak na iyon sa unan, bagsak ang ulo ni Lorie na buti at may kutson ang katre.

Niyakap ni Nap ang mahaba, malambot at malaking unan. Nakatagilid, patalikod, malayong-malayo ang pagitan na parang ayaw madaiti kay Lorie.

Nagtalukbong ng kumot, tumalikod at nagpakatabi-tabi naman sa gilid ng katre si Lorie na para bang ayaw marinig, makita o maingki man lamang sa kapiling na asawa.

At lumipas ang magdamag. Kapwa hindi naidlip ang dalawa. Lumalamig, lumalamig ang hanging pumapasok sa nakaawang na durungawan. Unti-unti naginhawahan si Lorie sa pagkatalukbong na ang dakong ilong lamang ang nakalitaw. At unti-unti rin, namaluktot na sa ginaw si Nap.



SABI ng kanilang kinonsultang doktor na kapatid ng isa nilang kaibigan. “Tama ang inyong ginagawang ito. Ang pakikipag-usap at paghingi ng payo tungkol sa family planning, kasabay ang balak ninyong pagpapakasal.”

Si Nap ang nagpaliwanag. “Kasi ho, doktor, ayaw naming maparis diyan sa iba na taon-taon ay nanganganak ang babae. Halos hindi na makaugaga. Umiinit tuloy ang ulo, pati asawa'y nasisinghalan at siyempre, away ang kinauuwian.”

Tatawa-tawa lamang siya habang nagsasalita si Nap.

“Kaya nga,” sabi ng doktor, “ang masasabi ko ay ito. Sapagkat napagpasiyahan na rin lamang ninyo ang pagpapalawig ng pagitan ng mga bata o spacing sa inyong pagpapamilya, ang pinakamainan na magagawa ninyo ngayon ay ang pagbili ng tama o wastong kasangkapan sa bahay.”

Nagkatinginan sila ni Nap. Anong ibig sabihin ng doktor.

“Ang ibig kong sabihin,” nagpalipat-lipat ang tingin ng doktor sa kanilang dalawa na parang nabasa ang kanilang iniisip, “ang dapat ninyong bilhin na kama o katre para gawing higaan ay hindi ang karaniwan nang matrimonial bed. Iyong malaking-malaki na para sa dalawang katao o mag-asawa.”

“E, alin ho ang dapat?” sabay pa sila ni Nap.

“Ang dapat ay iyong katreng pang-isahan na tao lamang. Tig-isa kayo. Paglalapitin lamang kung gusto at papaghiwalayin kung ayon sa panahon ay dapat magkalayo.”

Natawa sila ni Nap.

Ngunit hindi nakangiti ang doktor nang magpaliwanag. “Ang kainaman ng magkahiwalay na higaan, lalo na sa panahong hindi dapat magsiping ay ang pagkabawas ng tukso na magkaroon ng ugnayan o sexual contact. Sa panahon ng ovulation o pagbaba ng itlog o egg cell, natural na sa isang babae, lalo't may asawa at may karanasan na, ang maghanap.”

Pigil na pigil ang ngiti ni Nap. Palihim, kinurot niya ito.

Nagpatuloy ang doktor. “Iyon ay natural. Sapagkat kaya tayo biniyayaan ng gayong damdamin ay upang matupad ang di maitatatuwang batas ng kalikasan na pagpapalawig ng buhay, sa pamamagitan ng mga supling.”

Sa pormal na pagsasalita ng doktor ay napalis ang kanilang mga ngiti.

“Kaya upang maiwasan ang tukso ng ugnayan sa panahong ito ng obulasyon, na ang babae ang masugid, na maaaring hindi ipinahahalata ngunit siyempre higit na malambing sa asawa, mabuting simula ang magkahiwalay na higaan o katre. Ngayon, kung panahong libre, pwede ring pagtabihin, hindi ba?”

Bago sila ikinasal ni Nap, nagaygay nila ang kahabaan ng Abenida Rizal at kung anu-ano pang kalye at napasok ang malalaking tindahan ng mga muebles.

Si Nap ay may nagustuhang isang magandang matrimonyal. Makapal ang kutson. “P'wede na ito, Lorie, ano?”

Inirapan niya si Nap. “Hindi naman ganyan ang bibilhin natin, di ba?”

Bumulong si Nap. “Alam mo, Lorie, naisip ko lang. Hihirapin ako ng kahihila at katatabi ng ating magkahiwalay na katre. Biro mo 'yong masasayang kong lakas...”

Kinurot niya si Nap. “Tumigil ka nga. Tenang umuwi't bukas na lang tayo humanap.”

Saka niya nakausap ang kanyang lola na ina ng kanyang nanay. “Ang tanging maipapayo ko sa iyo, Lorie, sa pag-aasawa mong ito ay ang sumusunod. Huwag mo sanang pagtatawanan, anak, dahil marami nang pamilya ang lumigaya sa sistemang ito.”

Naisip niya, ano kaya'ng sasabihin ng kanyang lola. Bawal ang magsiping sa unang gabi?

“Ganito, Lorie, ang gawin mo. Ang bilhin ninyong higaan ay iyong malaki na pandalawahan. Para lagi kayong magkatabi. Kung siya ay ginabi nang uwi at ikaw ay naunang naidlip, malalaman mo kung anong oras siya dumating.”

“Ay lola, ang hinahanap nga namin ay iyong magkahiwalay na katre. Para sa aming family planning,” at nagtawa siya nang nagtawa.

Umiling ang kanyang lola. “Ang lintik na pamily palaning na iyan, e, magagawa rin ninyo kahit kayo magkatabi sa isang katre. Sistema lang. Tingnan mo ako't aanim lang na magkakapatid ang iyong ina nang panahong uso ang dose- dosena. Kaya makinig ka.”

Nagbigay siya at nakinig.

“Isang katre matrimonyal. At isang malaki, mahaba, malambot na unan. Isa lamang para sa ulo. Walang para abrasador. Magpagawa ka sa nanay mo. Alam niya iyon.”

Umungol siya. “'La, hindi ako sanay nang may kasalo sa unan.”

“Aba'y magsanay ka, Lorie. Kung gusto mong maging tagumpay ang iyong pagsasama. At eto pa. Ang gagamitin ninyong kumot na mag-asawa ay isang malaki lamang. Hindi tig-isa. Kundi isang malaki na pandalawahan.”

Kumunot ang kanyang noo. “'La, bakit? Pwede na iyong isang katre at isang unan, pero isang kumot, lagot na ang family planning.”

Nagkibit ng balikat ang kanyang lola. “Ikaw ang bahala, Lorie. Nasa iyo ang pagsunod. Ang sa akin ay payo lamang ng isang pauwi na sa isang papunta pa lamang.”

Doon natapos ang kanilang pag-uusap na magnuno at ewan niya, para siyang tinablan kung papaano. Medyo kinabahan siyang hindi niya matanto. Hanggang sa makausap niya ang kanyang ina.

“'Nay, totoo ba 'yong sinabi ng lola? Tungkol sa kumot, unan at katre? Kontra sa family planning iyon e.”

Tumangu-tango ang kanyang ina. “Sa akin ay tumama ang payo ng iyong lola.”

“Sa paanong paraan, 'Nay?”

Tumawa ang kanyang ina. “Sa maraming paraan. At di ko na sasabihin sa iyo. Sa malao't madali ng inyong pagsasama ay malalaman mo rin. At iyong ikasisiya.”

Nag-isip siya . At nagpasiya. “Kung ikaw ang masusunod, Nap, ano talaga ang gusto mo? Ang iisang katre para sa atin. O ang dalawang magkahiwalay?”

Ang tawa ni Nap. “Kung ako ang masusunod, aba, ang gusto ko'y single o pang-isahang katre para sa ating dalawa, para lagi tayong...”

Kinurot niya nang kinurot si Nap. “Loko mo.”

Kaya ang binili nilang katre ay ang malaki, may makapal na kutsong matrimonyal. At ang ipinagawa niyang unan ay malaki rin, mahaba at malambot. At ang kanilang ginamit ay isang malaking kumot.

Ang mga unang buwan ng kanilang pagsasama ni Nap, kahit siguro maikli ang unan at maliit ang kumot, pupuwede na rin sa kanila. Lagi, nakaunan siya sa bisig ni Nap. Kasi nakasiksik siya rito. At si Nap, na sanay pala sa abrasador, siya ang ginawang abrasador. Laging nakadantay.

Sa kabila nang lahat, ang family planning ay hindi nila nakaligtaan. Ang sabi niya. “Kapag ang suot ko'y padyama at hindi nightie, at ang higa ko'y patalikod sa iyo, ang ibig sabihin, hindi pwede.”

Tukso si Nap. Pero sa kabila nang lahat, naparaan pa rin nila ang mahigit na isang taon bago siya naglihi. At ang buwan ng paghihintay sa pagsisilang ng kanilang panganay ay mga buwan ng pagtitipon sa labis sa di rin naman kalakihang suweldo ni Nap. Kuwartang kailangan na pambayad sa ospital, sa doktor, sa mga hindi sukat akalaing mangyayari. Na halimbawa baga ay maging caesarean, sa halip na normal na panganganak.

Kuwartang ipinagkait nila sa nanghihiram na nanay ni Nap. Si Nap ang mahigpit na tumanggi sa katwirang hindi naman apurahan ang pangangailangan ng kaniyang ina at kung pahiramin may hindi aabot ang pagbabayad sa panahong ipagsisilang niya. Na baka sila maalangan sa pagbabayad sa gastos. Walang ibang pagkukunan. Kaya tumanggi sa sariling partido. Na kahit sinabing nauunawaan sila, kahit paano ay alam niyang medyo sumama rin ang loob. At ngayon. Pinautang ang kanyang kapatid. Ang kanyang kuya. Anong sasabihin ng kanyang biyenan?



IBINABA ni Lorie ang kumot hanggang dibdib niya. Dumampi ang malamig na simoy ng hangin sa kanyang mukha at siya ay kinilig. Maginaw. Naalala niya si Nap. Na walang kumot. At... at si Nap. May sipon nga pala si Nap.

Narinig ni Lorie ang pinipigil ngunit hindi mapigil na ubo na gawa marahil ng makating lalamunan. Si Nap. Pumihit ng higa si Lorie. Bigla ang paghapdi ng kanyang mga mata sa namalas na ayos ng asawa. Namamaluktot sa ginaw si Nap. Dagli, bumangon si Lorie. Kinumutan ang nanlalamig na asawa. At sa pagkakatalikod, niyakap niya ito. Di nga lamang siya masyadong makalapit. Dahil sagabal ang kanyang malaking tiyan. Nap... Nap...

Dahan-dahan, wari ay atubili pa rin, wari ay nakikiramdam sa mga pangyayari, tumihaya si Nap. At pumihit, paharap sa kanya. Iniunat ang bisig. Isang hudyat na iaalsa niya ang kanyang ulo upang umunan kay Nap. Upang mapalapit dito. Sa dibdib nito.

“Lorie, Lorie, sorry kangina. Tama ka. Di ako dapat tumango agad kay Kuya. Kasi, alam mo, Lorie, gusto ko talagang mapagbigyan ang Kuya mo. Dahil sa lahat ng mga kapatid mo, parang hindi siya malapit sa akin.”

Sumiksik si Lorie sa dibdib ni Nap. “Hindi totoo 'yan. Sabi ng nanay ko, sa lahat raw ng bayaw, ikaw nga ang gusto ni Kuya. Gusto kasi noon ang pormal na katulad niya. Pero, sorry din kangina, Nap. Nabigla ako. Kasi, nakakahiya talaga sa mga nanay mo. Ako nga'y ingat na ingat sa relasyon namin, pagkatapos mangyayari ang ganoon.”

Naramdaman ni Lorie, humigpit ang pagkakayapos ni Nap sa kanya. “Sige matulog na tayo. Kung anuman ang dapat gawin para maituwid ang mga nangyari ay bukas na natin isipin. Lorie, mahal na mahal kita...”

Matagal nang tulog si Nap, naghihilik na ito ay gising pa rin si Lorie. Sa kadiliman ng paligid ay pilit inilalarawan ang anyo ng kanyang lola. Wari, ay kinakausap.

Tama ka, Lola. Tama ang iyong sinabi, Lola. Kung dalawa ang aming katreng higaan ni Nap, kung magkahiwalay kami sa pagtulog, hindi niya kakailangin ang aking kumot, hindi ko kakailangin ang kanyang unan. At hanggang kailan tatagal ang aming mga alitan. Sino ang mauunang lalapit. Ano ang idadahilan sa paglapit. Tama ka, Lola. Tama ka. At salamat.

(Ang kwentong "Isang Kumot, Isang Unan, Isang Katre" ay nalathala sa Liwayway noong 1970s. Naipahiram ko ang sipi ng Liwayway sa isang ikakasal na kakilala noon na hindi naman naisauli sa akin. Mabuti na lamang at natagpuan ko ang duplikadong kopya ng manuskrito nang magligpit kami ng mga binaha ni Ondoy. Kung nakatulong ang ipinahiram kong kwento sa ikakasal noon ay hindi ko alam. Pero sa huling balitang tinanggap ko, magkakaapo na sila.

Inilagay ko rin dito ang listahan ng mga kwentong nalathala sa blog noong taong 2009. Kung nais ninyong magbalik-basa, all you have to do is CLICK at the title.)

Thursday, July 8, 2010

FAMILY PLANNING


FAMILY PLANNING


Narito ang tanong: Nang nagbabalak ba kayong mag-asawa, nasa isip ninyo ang family planning? Sa palagay ko'y hindi. Karaniwan nang napag-uusapan ng magkasintahan ay kung ano ang gusto nilang maging unang anak, kung lalake o babae. At kung ilan. Ngunit kung paano ang sistemang gagawin para malimitahan ang bilang ng mga anak ay halos hindi napapasok sa kanilang usapan.

Ngunit ngayon, mapapansing ang mga kabataang mag-asawa ay humihinto na sa isa o dalawang anak lamang sa kanilang pagpapamilya. Bunga raw ito ng pagkamulat sa katotohanang mahirap ang buhay ngayon at magastos ang magpaaral, lalo na at ang pipiliing eskwelahan ay iyong mahuhusay at eksklusibo. Subalit makikita lamang ang ganitong situwasyon sa mga nasa middle class o above middle class na populasyon. Dumako ka sa mga naghihikahos sa buhay at tunay na naglalaro sa lima, anim o higit pa ang mga anak.

Ten years ago, ang unang comprehensive version ng House Bill 8110 o “The Integrated Population and Development Act of 1999” ay isinumiti sa kongreso. Noon ay mga 75 million ang bilang ng populasyon ng Pilipinas. Walang nangyari rito. Ngayon, na ang bilang ng mga tao sa bansa ay umaabot na sa 94.3 million, mayroon muling bagong bill, ang RH Bill 96, o “Reproductive Health, Responsible Parenthood and Population and Development” na ipinasok sa kongreso. Ayon sa proponents ng bill, ito ay tungkol sa “freedom of informed choice wherein parents, couples and women enjoy the liberty or option of choosing from a menu of modern-natural and artificial family planning methods which are medically safe, legal, accessible, affordable and effective.”

Natural lamang na naging kontrobersiyal ito at lumabas ang maraming pros and cons mula sa halos lahat ng sector ng lipunan. Mauuwi raw ito kalaunan sa pag-legalize ng abortion ayon sa mga tutol dito. Na malaking no-no sa isang bansang ispirituwal na tulad ng Pilipinas. Na pinabubulaanan naman ng mga may akda ng nasabing bill.

Sa susunod na kwento na ilalabas ko sa blog, bida ang family planning, pero, ibang klase naman. Ang magpapakasal na magkasintahan ay nais sumunod sa ipinapayong paraan ng pagpa-family planning, pero pasok si LOLA. Yes! Si Lola. Na ibinabasura ang family planning. Pero, bakit?

Abangan ninyo ang isa sa mga kwentong nasagip ko sa kuko ni Ondoy. Narito ang kasagutan. Ang pamagat ng kwento?

ISANG KUMOT, ISANG UNAN, ISANG KATRE !!!

Sunday, July 4, 2010

COMMENTS AND FEEDBACKS, JUNE 2010

COMMENTS AND FEEDBACKS, JUNE 2010


Sa dormitoryo noong araw, halata kung sino ang mga manliligaw na dumadalaw sa mga nakatira rito. Regular ang pagbisita ng mga ito. Na karaniwan ay dalawa o tatlong beses isang linggo. Halata rin kung hindi pa magkasintahan ang dumadalaw at ang dinadalaw, dahil kung maupo sila ay magkaharap at may mesita sa pagitan nila.

Ngayon, kung may pagkakaunawaan na ang dalawa, halos araw-araw nang makikita si Binata sa dormitoryo. Kabatian na niya ang maraming dormitoryana. Malakas na siya sa receptionist, sa “boy”, sa mga katulong. Karaniwan nang magkatabi na sila sa pag-upo ng kanyang dinadalaw at paborito ng marami ay ang sofa. Saka, kapag may sosyalan sa dormitoryo, tulad ng Acquaintance Party, Valentines Party, siya siempre ang ka-partner.

Ngunit may pagkakataon din na hindi malaman ng mga nakakakita kung ano ang relasyon ng dumadalaw at dinadalaw. Kapag tinanong ang dinadalaw, ang isasagot ay “kaibigan lang”. Na totoo naman. Pero, halos araw-araw ay dumadalaw ang nasabing kaibigan. At minsan ay magkatabi rin sa upuan. At sa mga sosyalan ay siya ring iniimbita. Ano kaya sila talaga?

Talagang nangyayari sa tunay na buhay ang paksa ng kwento ng Hunyo na P'WERA BIRO, HA? Maaaring iba nga lamang ang pamamaraan kung paanong ang isang pagkakaibigan ay natutuloy sa tunay na pagmamahalan bilang magkasintahan. Isang kaibigang babae ang nagsabing I met him halfway. Mayroon namang nagsabing basta na lamang nagturingan silang magkasintahan, dahil natagpuan nila ang mga sarili na nag-aalalahanan, at kalaunan, nagseselosan na.

Naalala ko tuloy ang isang kaibigang lalaki, na noon ay nagtanong sa amin kung paano nagsabi ang boyfriend namin ng kanilang niloloob. Harapan daw ba, sa pamamagitan ng sulat, o telepono. Ang tanong niya ay sinagot ng isa sa amin nang patanong din. Ang sabi, what if he told me personally. Sagot lang niya ay he is someone who knows what he wants. At naisip namin, so the boyfriend knows what he wants, at ako 'yon!

Narito ang ilan sa mga feedback na tinanggap ko tungkol sa mga postings ng Hunyo.


-Galing ng strategy ng dalawang tunay namang nagmamahalan: "kung nagbibiro ka man, pasensya na lang. Hindi kita pawawalan." (CLAIRE)

-Nabasa ko rin iyon June na kwento. Maganda at marami ay ganito ang ending sa mga magkakaibigan sa friendly terms sa simula. Keep sending , I enjoy all your kwento, very entertaining and relaxing for me to read , especially the details of the conversation and settings. (LILIA)

-Hello! Kumusta na kayo? I hope wala namang maysakit and everybody is up and about. I just read your kwento for June and I enjoyed it. Yun ding mga sharings ay nakakatuwa . Keep it up and also your translation of the poem ay tila tugmang tugma at ang ganda ganda. Keep up the good work and more power to you. Di ka pa rin kumukupas!! Regards and God bless. Love, (C.M. )


Tungkol sa translation ng tulang what makes a dad, ikinatuwa naman ito ng nagpadala sa akin ng nasabing tula. Kinilabutan pa raw siya at naluha. Kumbaga ay na-touch siya. At may sumigunda ring nagkomentaryo at nag-email sa akin na kinilabutan rin siya at naluha. Pero sa ibang kadahilanan: hindi raw niya naintindihan iyong... para sa kanya, na isang GI, ay malalalim na pananalita. Sabi ko nga sa kanya, he made my day. Ang tawa ko talaga. Akala ko pa naman, na-touch rin, iyon pala, walang naintindihan.

Naitanong ko sa nakaraang posting ito: Did we build enough memories for them (our children) to go back to? And did we share with them memories of our “kabataan”? Narito ang isang feedback tungkol dito.

THANK YOU VERY MUCH FOR INCLUDING MY E-MAIL ABOUT MY FATHER IN YOUR LATEST BLOG.

IN CONNECTION WITH YOUR QUESTION, "KUNG MAALALA KAYA TAYO NG ATING MGA ANAK PAGDATING NG PANAHON”... I THINK THEY WILL NOT FORGET THE LOVE AND CARING YOU HAVE SHOWN THEM.

IN OUR CASE, EVE, WHENEVER WE GO ON VACATION (SINCE THEY WERE BABIES UP TO THIS TYPING), WE TRY OUR BEST TO TAKE THEM ALONG WITH US, JUST LIKE ON 1/08 WHEN MY WIFE AND I AND OUR 3 CHILDREN WENT TO THE PHILIPPINES, INCLUDING OUR 2 GRANDSONS. WE ALSO GET TOGETHER OFTEN FOR LUNCH OR DINNER AT RESTAURANTS OR AT OUR RESPECTIVE HOMES, WHERE WE TALK AND TALK AND SMILE AND LAUGH TO OUR HEARTS CONTENT. WE THANK GOD VERY MUCH FOR MAKING IT POSSIBLE. IT MAKES US CLOSER TO EACH OTHER, AND THIS CLOSENESS WILL CONTINUE TO LINGER ON FOR A VERY LONG TIME, EVEN WHEN WE ARE CALLED BY GOD, BECAUSE OF "CHERISHED MEMORIES." (EDDIE)

Naitanong kong minsan sa aking mga anak kung natatandaan nila ang pamamasyal namin sa Luneta, pagpunta sa Pagsanjan shooting the rapids, pag-ikot sa Laguna Lake sakay ng aming Volkswagen at mga panonood ng sine, pagkain sa restoran noong maliliit pa sila. Halos walang detalye silang natatandaan, ngunit alam naman nilang ginawa namin iyon. Dahil sa ilang kuha ng litrato sa album na natitingnan nila noon, pero wala na ngayon, tinangay na ni Ondoy. Naihimutok ko tuloy na parang balewala pala iyong mga paghihirap namin. Maganda ang paliwanag ng mga anak ko rito. Na ikinasiya naman ng aking loob.

Sabi nila, maaari ngang hindi nila natandaan ang mga nasabing family activities noong maliliit pa sila, ngunit, na-imbibe naman nila ang resulta nitong emotional security na naging bahagi ng kanilang personality make-up. Lumaki silang walang masyadong hang-ups.


At okey na sa akin iyon.