Tuesday, May 25, 2010

COMMENTS & FEEDBACKS, MAY 2010




COMMENTS & FEEDBACKS, MAY 2010



Medyo kontrobersiyal ang tema ng kwento ng buwan ng Mayo. Abortion. Lalo na ngayon na pinag-uusapan ng lahat ang isyu ng Reproductive Health dito. Narito ang mga komentaryong tinanggap ko tungkol sa kwento.

-Very timely ang kwento mo na may pangyayari tungkol sa abortion. Iyan ngayon ang mainit na talakayan/sermon sa mga simbahan. Matutuwa ang simbahan kung malaman niyang may mga tao pang natatauhan bago gawin ang pagpapalaglag ng "bubuwaning binhi". (Claire)

(Sa aking kwento ay natauhan nga si Nora. Pero sa ilang nababasa sa diyaryo at napapanood natin sa telebisyon, na mga “binhi” o sanggol nang buhay na buhay na natatagpuan sa mga basurahan, hindi ang kwento ni Nora ang realidad. At sa mga nangyayari ngayon, ano ang sanhi, ano ang ugat ng lahat ng ito? Ano ang kulang, ano ang dapat ituro, ano ang dapat gawin? Minsan, maisip man natin na kumilos, hindi natin alam kung saan magsisimula, bagaman naniniwala ako, na bilang tao, bilang magulang, kung nagampanan natin ang ating mga tungkulin sa ating mga anak, naipasa sa kanila ang pagpapahalaga at pagkilala sa tama at mali, kahit paano, masasabi nang iyon ang kontribusyon natin. Na ang bottomline ay ito: ang family unit ang unang-unang responsible sa paghubog sa tamang values na kalalakhan ng isang bata.)


-Horaaay, Bravo, maganda at tama lamang sa kasalukuyang panahon. The story dwells on a hot/divisive social issue of the time. Gusto ko ng ending, my kind of ending - the pro-life choice. (MT)

(Si MT ay tumawag pa sa telepono upang sabihin lamang ito: na pro-life siya, sa gitna ng kapaligirang taliwas dito. Ang tanging masasabi ko ay ito: Abortion stops a beating heart! Na nasa plackard na dala ng aking apo.)


-Dear Eve: Napakaganda ng huling kuwento mo tungkol kay Nora. Bagama't predictable, naroroon pa rin ang sensitivity that always characterizes your stories: mga salitang piling-pili at nanunuot sa puso, paghahanay ng mga pangyayari na pinanday na ng mga taon ng karanasan bilang isang kuwentista, mga diyalogong matipid nguni't makabuluhan at laging bahagi ng isang magandang kabuuan. Ay, Eve . . . wika nga, isa kang alamat.

(Dear R: Huwag mo akong tatawaging alamat, parang ang tanda-tanda ko na! At dahil tayo ay tunay namang magkakilalang lubos, humihingi ako ng dispensa sa iba pang makababasa nito sa aking sasabihin sa iyo; Na bagaman at natutuwa akong tanggapin ang papuri mo... and I quote “mga salitang piling-pili at nanunuot sa puso, paghahanay ng mga pangyayari na pinanday na ng mga taon ng karanasan bilang isang kuwentista,”... gusto kong ipaliwanag na ang kwentong SA MULING PAGIGING INA ay nalathala sa Liwayway noong Disyembre 15, 1969. Ibig sabihin, sinulat ko ito mga dalawa o tatlong buwan pa bago ang petsang ito at ang katotohanan, sa aking buhay-kwentista, ay ikapitong kwento ko pa lamang ito, sa mahigit sandaang naisulat (nasaan ang karanasan?). Naiisip ko tuloy na baka mas maganda akong sumulat noon kaysa ngayon. Bagaman din at sabi noon ni Net (hi, there!), gusto niya ang mga kwento ko ngayon. Bottomline pa rin nito, e, nagyayabang ako, dahil napupuri mo ako, e alam mo namang hangang-hanga rin ako sa pagsusulat mo. Matagal ko nang inamin na kayong dalawa ni Net ang mga idolo ko.)

Ilan pa kayang Nora ang mayroon ngayon? Marahil, kaunti na lang. Sapagka't iba na ang panahon ngayon. Halos ang buhay ay wala ng
halaga. Sa nga nababasa ko, pangkaraniwan ng nakikita ang mga fetus sa loob ng palikuran, sa basurahan . . . iniiwan ng mga walang pusong ina.

Sa Quiapo, ang mga panalangin sa Poong Nazareno ay nakikipagtimpalakan sa pag-aalok sa labas ng simbahan ng mga tinderang may mga tindahan ng mga pampalaglag ng bata: dahon, ugat, mapapait na inumin . . . At makapagtatanong ka rin sa mga tinderang iyon kung saang lugar makapupunta ang isang nagdadalang-tao upang alisin ang buhay sa kanyang sinapupunan.

Iyan ay nangyayari sa ating panahon. Saan kaya tayo hahantong? (RCE)

(Nangyayari nga ito sa ating panahon...ngayon! Ang tanong ko ay ito: nangyayari din ba ito sa ating “kapanahunan”... noon? Na parang hindi na binabagabag ng konsensiya ang mga inang nagtatapon ng anak o nagpapalaglag nito? Noon, tunay na malaking batik sa isang babae ang magkaanak nang walang asawa, kaya ang kanilang karaniwang ginagawa ay ang umalis at mangibang-pook, doon isilang ang kanilang sanggol, doon palakihin, o kaya ay ipamigay kaagad. May isang panahon na sa Hospicio de San Jose, may isang himlayan ng sanggol na nais iwanan sa nasabing ampunan ng kanilang sawing-palad na ina. Kung mayroon mang nagpapalaglag, marahil ay hindi karamihan. O hindi lamang nalalagay sa diyaryo... o dahil wala pang telebisyon noon? Kaya hindi natin nalalaman.

Ngayon, may alam akong mga asosasyon na kumukupkop sa mga kababaihang nasa ganitong situwasyon. Marahil, makabubuting maipaalam ito sa lahat. Di kaya?

Ngunit, tulad nang nabanggit mo tungkol sa isang “study” ng mga nagtatrabaho sa isang bagong industriya sa bansa ngayon, “na pampalipas oras o pampaantok lamang ang sex” na ang resulta tuloy ay “mga sakit at pagkabuo ng buhay na kinikitil naman sa makahayop na paraan”... ano ba ang ating magagawa rito? Babalik at babalik tayo sa “upbringing” at sa “family unit”. Sana, kung tama ang pagkapalaki sa kanila, hindi sila makakaisip gumawa nang ganoon. Sana...

Meanwhile, nangyayari ang lahat nang ito... ngayon!)


-Thanks for the " kuwentos " I'm really enjoying every one of it.
Please give my regards to all specially you & your family. I'm on my way to Europe.. for a vacation.. I need a real break.. ha ha ha.. (PC)

(Salamat din at enjoy ka sa kwento. Sarap mo naman, pa-Europe-Europe na lang! Kami, e, pa-SM-SM lang! Joke only... enjoy Europe! Question: Kailan ka uuwi?)


Ang isang lubos kong ikinatuwa sa mga tinanggap na feedback ay ang nagmula sa isang kapatid.

-Dear Eve,
I enjoy reading your story about "Ina" . I like the happy ending on this.
Salamat at nandito rin and picture ng Inang. Wala kaming copy nito.
Pakikita ko sa mga apo ko.
Maganda rin ang mga poem tungkol sa " INA"
Love, Lilia and Oscar

At sa darating na buwan ng Hunyo, isang masayang kwento ang ibibigay ko sa inyo. Masyado na tayong nagiging seryoso nitong mga nakararaang buwan.

P'WERA BIRO, HA!... iyan po ang titulo ng aking kwento. Abangan!


Friday, May 21, 2010

SHARING MEMORIES - BAGONG MAGDALENA


Thank you very much for your stories. It makes me relive the days of my youth spent with my beloved Lola and reading her Liwayway...Till I started reading your stories I really didn't know that Liwayway is still around.

"Bagong Magdalena" truly touched a chord as we have the "Magdalena" for the procession of Barasoain Church. After the Holy week she is kept inside a glass cabinet in my room hence I always called her my roommate. During the Holy week procession, all of the female cousins and relatives are with Maria Magdalena while the male relatives are with "Panalangin" (Agony in the Garden). as Tatay's family has "Panalangin" also. I remember how we have to say the rosary throughout the Holy Thursday & Good Friday processions and be there at the "Salubong" at the crack of dawn Sunday morning as Magdalena is there too.

Ba Senyong was in charge of her and Mahal na Birhen and he always wanted (in fact I sometimes think demanded) her dressed up well and the flowers in the karosa always looking new. We had to go into a generator after so many "pundis ng ilaw" which upset us but I think Ba Senyong. more. I still remember the sting of the "patak nang kandila pag nalingat ka" inspite of the cardboard at it's base and the route of the procession.

I went back after many years of absence and noticed the change- it didn't pass through karsadang munti (which to my surprise is now R. Valenzuela after Lolo Pinong) but went to Liyang. Guess these are all progress but I do miss the good old days. Thank you for keeping me reconnected and updated. It truly is a pleasure to read your kwentos.


Baby (Violeta)



Salamat, Baby sa iyong "sharing". Tunay na isang pagbabalik-gunita ito para sa lahat. Magaling ka ring magkwento at sana, kung ang mababasa mo sa aking blog ay may gigisingin sa iyo na mga alaala ng nakaraan, isulat mo itong muli. Ganito rin ang hiling ko sa mga iba pang tagasubaybay. I invite all of you to make this an interactive blogsite and bring to the present generation of our children and grandchildren, NA KUNG PAANO SILA NGAYON, GANOON TAYO NOON...

Eve





Saturday, May 15, 2010

SA MULING PAGIGING INA


SA MULING PAGIGING INA



SAGLIT na inalis ni Nora ang suot na salaming may kulay at pinunasan ng hawak na panyolito. Maalikabok, matao at napakamasasakyan ng pook na iyon. Parang usad ng pagong ang takbo ng taksing kaniyang kinalululanan.

“Ganito bang talaga rito araw-araw?” hindi niya napigilang itanong sa tsuper.

Napailing ang tsupser. “Matrapik hong talaga, pero sobra naman ngayon. Parang me nakabara sa unahan.”

“Baka aksidente,” sumilip si Nora sa labas ng durungawan ng sasakyan.

Waring sagot, buhat sa malayo ay umalingawngaw ang matinis na tunog ng serena. “Dito na lamang kaya ako, “ aniya sa tsuper.

“Mabuti pa ho,” sagot nito.

Sa paglalakad sa bangketa, ang salaming may kulay ay muling isinuot ni Nora at ang pagkatali ng suot na bandana ay hinigpitan. Sa kanyang ayos, marahil ay wala nang makakakilala pa sa kanya, naisaloob niya. Ang makapal na medyas ay upang itago ang mapulang balat sa kalamnan ng kanyang binti.. ang bandana'y upang ikubli ang malago at itim na itim niyang buhok. Ang salaming may kulay ay para di makita ang kanyang mapupungay na mga mata. Ang ngayon ay namumugtong mga mata. Kung ang mga bagay na madaling pagkakakilanlan sa kanya ay natatakpan, sino pa kaya ang magsasabing siya ay si Nora. Wala na marahil. Maliban kay.. . Rene.

Bumagal sa paglalakad si Nora sa pagkagunita kay Rene. Ang paghihimagsik ay muling bumangon sa kanyang puso. Ang luha ay muling nagbantang tumakas sa kanyang mga mata. At ang sama ng loob ay isang namumukol na bagay sa muling bumara sa kanyang lalamunan.

A, Rene...


KAHAPON, gabi na nang dumating si Rene. Napakain at napatulog na niya ang mga anak. Walang kakibu-kibo at waring mainit ang ulo ni Rene. Ngunit higit ang init ng kanyang ulo. At sa palagay niya'y higit na mayroon siyang dapat ipag-init ng ulo.

Mag-iisang buwan nang ang kanyang hinihintay-hintay ay hindi dumarating. Ang bawat araw na lumipas ay may katumbas na kaba ng dibdib. At taimtim na dasal. Diyos ko naman, huwag muna po. Ang paminsan-minsan niyang pagkahilo tuwing umaga nitong nakaraang linggo ay pilit niyang inihahanap ng dahilan. A, marahil ay di siya natunawan ng pagkain. Ngunit ang pagsama ng kanyang katawan nang maamoy niya ang bawang na bagong hulog sa mantika... ang amoy ng pomada sa buhok ni Rene... ng pampaligong sabon.. at ang kangina'y di na niya napigilang pagduwal at paglalabas sa lahat ng kinain ay siyang nagbigay katiyakan sa kanyang kinatatakutang mangyari.

Napaiyak siya. Diyos ko, Diyos ko, hindi naman sa ayaw ko, pero... at di matapos-tapos ang kanlyang pag-iyak. Kaya lamang siya tumigil ay nang ipaalam ng katulong sa bahay na umiiyak ang pinakamaliit niyang anak. Ang pinakabunso na wala pang limang buwan. Na hindi na bunso, dahil mayroon na namang kasunod.

Sa buong maghapon ay di niya nagampanan ang ilan sa dati niyang gawain. Nahiga na lamang siya at pinayapa ang sarili. Nag-iisip. Naghahanap ng lunas. Ang naisip na lunas ay nilimi-limi. Tinimbang-timbang, upang maging madali ang pagpapaliwanag kay Rene kapag sila ay napag-isa na.

Ngunit di kumikibo at mukhang mainit nga ang ulo ni Rene nang dumating buhat sa opisina. Ang pangyayaring ito ay waring nagdadag pa ng init sa kanyang kalooban at lalong nagpakulo sa kanyang damdamin. Ang mga pambungad na pangungusap ay parang bulang naglaho. Di na niya nalimi ang mga salitang kung saang lupalop niya nahagilap at sa mga labi ay namulas.

“May masama akong ballita sa iyo...”

Nahinto sa paghitit ng sigarilyo si Rene. Tumingin sa kanya. Nagtatanong ang mga mata. Nakangunot nang bahagya ang noo. “Masama?” ang ulit nito.

Sinalubong niya ang tingin ng asawa. “Masamang... hindi naman masama.” Binasa niya ang kanlyang nanunuyong labi.

Umungol na waring nayayamot si Rene at siya ay nagsiklab. “Ang ibig kong sabihin.. ako po ay naglilihi na naman.” Pinakadiin-diin niya ang salitang naglilihi.

“Naglilihi,” ulit ni Rene. “Naglilihi! Ibig mong sabihin... na naman!” hindi niya maunawaan ang damdaming nakalarawan sa mukha ng asawa.

Tumango siya. At tumawa si Rene. Tumawa nang tumawa. At pinanlabo ng luha ang kanyang mga paningin.

“Pinagtatawanan mo ba ako? Wala ka bang sasabihin?” gumagaralgal ang kanyang tinig.

Huminto sa pagtawa si Rene. “Nagtatawa ba ako?” tanong nito na sinundang muli ng tawa. “Sorry, ha. Kaya lang ako natatawa, ang bilis-bilis, ano.” Umiling-iling si Rene at siya ay nakaramdam ng malaking habag sa sarili. Hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng kanyang luha.

Maraming pagkakataon sa buhay nilang mag-asawa na ang pagluha niya't pagtatampo ay tinutumbasan ni Rene ng masusuyong hagod sa likod, matatamis na halik at nakaiigayang bulong ng pag-ibig, ngunit sa ngayon ay waring iba si Rene. Hindi ito kumibo at nagpatuloy lamang sa paninigarilyo.

Ang kanyang habag sa sarili ay napalitan ng paghihimagsik. Naisip niya. Ito ...ito ang palad ng mga babaing may asawa na tulad niya. Ang maglihi. Manganak. Mag-alaga ng bata. At muling maglihi. At manganak. At mag- alaga ng bata. Samantalang ang mga lalaki'y tumawa lamang nang tumawa. At humitit ng sigarilyo.

“Mayroon akong sasabihin,” sa patag na tinig ay kanyang simula. Napahid na niya ang mga bakas ng luha sa kanlyang pisngi. “Mahalagang-mahalaga.”

Ibinuga ni Rene ang usok ng sigarilyo. Kumibot ang mga labi nito, waring pinapagpapatuloy siya sa pagsasalita.

At siyay nagpatuloy. “Lagi ka sa opisina. Hindi mo alam ang hirap ng nasa bahay. Totoo ngang may katulong tayo.. .naglilinis, naglalaba, namamalantsa, katuong kong nagluluto at nag-aalaga sa mga bata. Ako...pagkagising, aasikasuhin ko na ang almusal ninyong lahat. Mayroong mga bagay na di ko ipinagkakatiwala sa katulong lamang. Ang pagpapakain ng mga bata, pagtuturo nang pagkain nang nag-isa at di na sinusubuan. Pagpapaligo.. pagbibihis... pagsaway kung nag-aaway.. pagpapatahan sa mga umiiyak... pagpalo at pagdisiplina sa matigas ang ulo...'

Biglang nagsalita si Rene. Nagdidilim ang mukha nito. May talim ang tinig. 'Nagrereklamo ka ba. Nora?”

Mataas ang kanyang tinig nang siya ay sumagot. Naghihimagsik. ''Di ako nagrereklamo. Nang mag-asawa ako, alam kong ganito ang buhay na papasukin ko. Kaya lang,” humina ang kanyang tinig, gumaralgal, “kaya lang, apat na taong kasal tayo, apat ang anak natin. Maglilimang taon tayong kasal, maglilima ang anak natin. Taun-taon, nanganganak ako. Di sa ako'y nahihiya.”

Tiningnan niya ang di umiimik na asawa. “Ba't ako mahihiya'y may asawa naman akong tao. Yung iba nga riyan, walang asawa'y nanganganak. Kaya lang taon-taon, may lamping nakasabit sa ating sampayan. May batang uha nang uha sa ating bahay. Di na ako naalis sa pagpapalit ng lampin. Sa paglilinis ng...” pinagtiim niya ang kanyang mga bagang. “Kahit anong paligo ang gawin ko, amoy maanggo ako dahil sa gatas. Mapanghi dahil sa ihi. Di na ako naalis sa daster na maluwang...”

Padaskol na binuksan ni Rene ang iba pang bintana. Naalinsanganan dahil sa ang sinasabi niya'y totoo, kaniyang naisaloob.

At siya'y nagpatuloy. “Kung malabas ako ng bahay ay dahil mamamalengke lamang. Bihira na akong mapunta sa downtown. Maliligaw na siguro ako doon. Baka mahuli pa ako ng jaywalking. Di ko na alam ang hitsura ng mga sine. Di pa ako nasasakay sa escalator...” tumawa siya nang hungkag.

Si Rene ay di man nangiti. Bagong sindi na naman ang sigarilyong hinihitit nito. “Saka noong minsan, nasalubong ko sa may palengke iyong isa kong dating kasamahan sa dormitoryo. Mukhang dalaga pa rin hanggang ngayon, samantalang nauna pa yung nag-asawa sa akin.”

Napaungol si Rene. At kanyang nasakyan ang ibig sabihin nito. Muling nadama niya ang pag-iinit ng kalooban. “Alam kong nasa sa akin ang bagay na iyon. Ngunit maski naman anong ingat ang gawin ko sa katawan ko, kung taon-taon ay nanganganak ako... kaya naisip ko, para di naman ako maluma at tumanda kaagad nang wala sa panahon... maghahanap ako ng trabaho. Kahit magkano ang sweldo..”

Mabilis ang pagkasagot ni Rene at naisip agad niya na mataman pala itong nakikinig. “Sinong tatanggap sa iyo? Maternity leave kaagad.”

Huminga siya nang malalim. “Ito nga ang mahalagang sasabihin ko sa iyo. May nakapagkwento sa akin, minsan, tungkol sa... sa isang doktor. Ang bata'y...”

“Ano?” waring di humihinga si Rene nang magtanong.

“Ipalalaglag ko,” aywan niya kung saan nanggaling ang kanyang tinig.

“Nababaliw ka na ba, Nora?” ipinagdiinang isinulsol ni Rene ang hawak na sigarilyo sa sinisera. “Nasisira ka na ba?”

Humakbang siya nang palapit sa asawa. “Oo oo. Nababaliw ako. Sira ako. Pero lalo kang baliw at sira kapag di mo ako pinayagan. At sinasabi ko... sa ayaw mo at sa gusto... gagawin ko. Bukas na bukas rin. Ipalalaglag ko. Ipalalag...”

Sinapo niya ang kanyang kaliwang pisngi. Napatigalgal siya. Matagal bago gumuhit sa kanyang kamalayan ang ginawa ni Rene sa kanya. Sinampal! Sinampal siya ni Rene! Ni Rene. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa mga palad. Humagulgol siya nang iyak. Walang katapusang pag-iyak sa buong magdamag.



NAGHAHABULAN ang mga paa ni Nora sa mabilis na paglakad. Malapit na siya sa kanyang patutunguhan. Yaon ay isang beauty parlour sa harapan. Ang manggagamot na kanyang kailangan ay nasa kalooban nito. May tutukuyin siyang pangalan. Ito ay may itatanong. May isasagot siya. At magkakaunawaan sila. Kung may dala siyang sapat na salapi, noon din ay matuturukan siya ng pampalaglag ng sanggol. Kung higit sa iniksiyon ang kailangan, may munting silid operahan sa likod ng beauty parlour. Iniksiyon lamang ang kanyang kailangan isang buwan pa lamang na mahigit ang bata sa kaniyang sinapupunan.

Bata. Babae kaya ito. O lalake na namang tulad ng apat na sinundan. Kamukha kaya niya? O ni Rene.

Rene... muli niyang hinaplos ng palad ang pisnging sinayaran ng kamay ni Rene. Ngunit wala na ang sakit doon. Ang latay na naiwanan ay nasa kanyang puso. Ang kirot na naramdaman ay kaniyang iwinaksi at binilisan niyang lalo ang paglalakad.


Kanginang umaga, bago pumasok sa opisina ay kinausap siya ni Rene. Nora... ang hina ng tinig nito ay nakikibagay sa gaan ng dantay ng palad na humagod sa kanyang likod. “Nora, nabigla ako kagabi.”

Kinagat niya ang kanyang labi. Hindi siya kumibo. Ano ang masasabi ng isang babae sa asawa niya na nagbuhat sa kanya ng kamay.

At nagpatuloy sa pagsasalita si Rene. “Masyado akong pagod kagabi. Saka, mainit ang aking ulo. Maraming trabaho sa opisina. Isa pa'y binigla mo rin ako sa sinabi mo. Walang-wala sa hinagap kong maaari mong isipin ang bagay na iyon... ni sa panaginip, Nora...”


“Tanghali na, Rene...” putol niya sa pagsasalita ng asawa. “Huli ka na sa pagpasok.”

“Marami pa tayong pag-uusapan, Nora...”

“Wala na,” umiling-iling siya. “Wala na. Tapos na kagabi.”

“Nora, pakinggan mo ako,” sumasamo ang tinig ni Rene. “Inaamin kong mayroong mga bagay akong ipinagkulang sa iyo. Alam kong maraming mga pagkakataong ang sarili ko lamang ang aking inaalala. At nauunawaan ko ang iyong damdamin. Ngunit mapag-uusapan ang bagay na ito at malulunasan sa ibang paraan. Hindi man ang isang ito na ating kinakaharap, ay ang iba pang darating. Kaya, Nora, ipinakikiusap kong huwag mong ituloy ang iyong balak. Alang-alang sa kanya... at sa iba pa nating anak. Alang-alang sa ating dalawa. Alam kong pag nangyari iyon, ay mahihirapan tayong magbalik pa sa ganitong palagayan. Magsisilbing multo iyon na di natin matatakasan. Mawawalan tayo ng katahimikan.”

Dumantay ang mga kamay nito sa kanyang balikat. Bumaba sa kanyang mga bisig. Humigpit sa pagkakahawak. Saka, lumuwag. “Mahal na mahal kita, Nora...” at ito ay tumalikod.

Ngunit buo na ang kanyang pasiya. Pagkaalis ni Rene ay nagbihis siya upang tuparin iyon.



ANG silid na kinaroroonan ni Nora ay airconditioned ngunit sa wari niya, siya ay nilalagnat sa matinding damdamin na nararamdaman. Pinapawisan pati ang kanyang mga palad..

“Dito kayo maghintay,” wika ng babaing sumalubong at kumausap sa kanya.

Umalis ang babae at napag-isa si Nora. Ipinikit niya nang mariin ang kanyang mga mata at pilit na pinayapa ang sarili. Ang lindol sa kanyang dibdib ay humupa. Dumilat siya. Ang mga paningin ay gumala sa kabuuan ng silid, humantong at hindi iniyalis sa isang nakapinid na pinto.

Naroon ang manggamot na kanyang kailangan. May inaasikasong pasyente. Isang katulad niya na taon-taon manganak? Isang dalagang nagtiwala at pagkatapos ay iniwanan? Isang hostess na nagbibili ng aliw? Hostess? Katulad ba niya ay isa na lamang kalapating mababa ang lipad? Nakaramdam siya ng pagtutol.

Ang pintuan ng silid na kinaroroonan ng doktor ay bumukas. Lumabas ang isang babaeng nakaputi. Saglit na huminto sa tapat ni Nora. “Matatagalan pa ang doktor.”

Pinilit ni Nora ang isang ngiti. Tumalikod ang babae. Lumabas ng silid. Ibinaling ni Nora ang mga paningin sa silid na pinanggalingan nito. Bukas ang pinto. Naiwanang bukas ang pinto. Ang buong katauhan ni Nora ay waring hinigop ng isang bagay na nakapatong sa ibabaw ng isang hapag sa panig ng silid na nakikita buhat sa kanyang kinauupuan. Yaon ay isang bandeha. At sa bandeha ay nakalagay ang isang...

Noon lamang nakakita ng bubuwaning binhi si Nora at nagimbal ang buo niyang kalooban. Yaon ay larawan ng isang kalunus-lunos na nilalang. Alangang tao. Alangang... a, maaaninag na ang hugis ng mga bisig na sa pagkabaluktot ay waring giniginaw. At ang mga kamay na ang mga daliri ay dikit-dikit pa, waring nakaduop at nagdarasal. Ang nakayukong ulo... ang bago pa lamang nagkakahugis na mukha.. ang mga matang... mata nga ba iyon... na nakatitig sa kawalan... napahahabag.

Ina ko... ina...


Waring may isang kamay na dumaklot sa puso ni Nora. Narito ako, anak. Narito ako. Dumantay ang palad niya sa kanyang tiyan.

Sa tabi ng bandeha, ibinaba ng isang nakaguwantes na kamay ang isang bote na maluwang ang bibig. Ang doktor. Ngunit mula sa kanyang kinaroroonan ay kanlong ang mukha ng doktor. Ang mga nakaguwantes na kamay lamang ang kanyang nakikita. At hawak ng kamay ang isang surgical tong. Inipit nito ang bubuwaning binhi at isinilid sa garapon. At hagupit na lumatay sa buong kamalayan ni Nora ang tanong. Gayon lamang ba ang buhay?

Napahumindig si Nora sa nadamang pagtutol. Hindi. Ngunit walang tinig na namulas sa kanyang mga labi. Isang hindi matingkalang lamig ang gumapang sa kanyang gulugod. Kinilig siya. At ang lamig ay namuo at namukol sa kanyang sikmura.

Sa loob ng garapon ay hindi nagbago ang ayos ng bubuwaning binhi. Sa pagkakayuko ay halos mag-abot ang ulo at katawan. Waring higit lamang kalunus-lunos ang anyo. Lubusan nang napag-isa at napabayaan. Ina ko. Ina...

Ang lamig sa sikmura ni Nora ay sumabog. Ang asim na umakyat ay nalasahan niya sa kanyang bibig. Tumayo siya. Tutop ang mga labi. Binuksan niya ang pinto palabas sa pasilyo. Nasalubong niya ang babaeng nakaputi. Doon doon, wika nito nang mapansin ang kanyang ayos na tutop ang bibig at masusuka.

Tumango si Nora ngunit nang makatalikod ang babae ay mabilis niyang tinunton ang daang palabas sa silid na iyon. Pagsapit sa labas ng gusali ay pinara niya kaagad ang isang nagdaang taksi at inihimatong kung saan siya ihahatid. Sa loob ng taksi, inilabas niyang lahat ang laman ng kanyang sikmura sa isang dala-dalang plastik sa supot, habang halos maghalo ang luha at pawis sa kaniyang mukha sa nararamdamang sama ng katawan.

Pagkatapos ay sumandal siya sa upuan ng taksi. Pumikit. Hinagod ng palad ang tiyan.

Narito ako, anak. Narito ako... bulong niya sa sarili.

At naroon sa kanyang tinig ang taimtim na pagsisisi.

Naroon na rin ang kabuuan ng damdamin ng isang ina,

na hindi makapapayag na ang kanyang anak

ay malagay na lamang

sa loob

ng isang

garapon.


LIWAYWAY, DISYEMBRE 16, 1969



Monday, May 10, 2010

Halalan sa Marikina, Mayo 2010



DITO PO SA AMIN
HALALAN AY FIESTA

TINDAHA'Y NAGKALAT
SA MGA KALSADA


MAY KENDING MATAMIS
PARA SA NAKAPILA


O KAYA'Y SA-MALAMIG


SA UHAW NA UHAW NA!!!


ANO NAMA'NG MANGYAYARI
PAGKATAPOS NG PIYESTA?



SA SAMU'T SARI'NG NAKASABIT
SA MGA KALSADA


ANO PA KUNG HINDI
KALAT NA SANGKATERBA


BUTI AT MASISIPAG

MGA TAONG MARIKINA!!!

Wednesday, May 5, 2010

MAYO 10, 2010 – ELEKSIYON



MAYO 10, 2010 – ELEKSIYON


NOONG araw, ganito ako magsimula ng kwento sa aking mga anak, na pagdaka'y magpapaalala agad sa akin ng aking mga magulang na ganoon din magsimula ng kwento sa akin.

Noong araw, ikalawang Martes ng buwan ng Nobyembre, tuwing ikaapat na taon, ang halalan para sa pangulo ng bansa at ng iba pang opisyales ng bansa. May reelection noon ang presidente. Tig-apat na taon ang isang termino niya. Dalawa lamang ang partido, Liberal at Nationalista.

Iba ang atmospera ng halalan sa probinsiya. Palibhasa ay kilala at kadalasan nga ay kamag-anak pa ang mga kandidatong tumatakbo sa mga pusisyon, tulad ng pagka-mayor ng bayan. Lumaki ako na ang mayor na kung ilang ulit na nahahalal (walang probisyon noon sa kung ilang beses pwedeng kumandidato) ay tagaroon sa amin, ang bahay ay kahilera ng bahay namin, at ang asawa ay kamag-anak namin.

Sa aking pagkatanda, ang miting o pulong ng mga kandidato ay walang siraan, walang uriratan ng mga baho ng pamilya, walang anupaman, at parang bihira pa ang barilan o patayan. O hindi ko lamang nababalitaan, dahil di pa ako mapagbasa ng diyaryo, wala kaming telebisyon, at panay ten top hits lamang ang pinakikinggan sa radyo.

Pero, masaya ang eleksiyon sa amin. Exciting dahil nga sa kamag-anakan ang kandidato at inaabangan ang pananalo nito. Ang mga serye nang pagpupulong ay natatapos sa isang malaking miting de avance, kung saan pumaparada sa mga camino real ang mga kapanalig ng isang kandidato, may dalang mga sulo na nagsisilbing tanglaw sa kanilang paglalakad. Nagtatapos ang nasabing parada sa isang lugar na siyang pagdarausan ng kanilang panghuling malakihang pulong o miting de avance. Wala pang artista noon na sasayaw o kakanta sa entablado, pawang talumpati lamang ang maririnig. Minsan, may banda ng musiko na nagpaparinig ng kanilang mga martsa.

Sa election eve, o sa gabi bago ang araw ng eleksiyon, may tinatawag ang mga matatanda na gapangan. Ibig sabihin, lihim na pakikipag-usap sa mga taong alanganin pa o di kaya ay hindi pa nakapipili ng iboboto. Ito rin ang tawag sa pakikipag-usap sa mga nasa kabilang partido na waring nagdadalawa ng loob sa pagboto sa kanilang kasamahan. Anupa't gapangan nga itong tunay.

Sa central school na malapit sa aming bahay naroroon ang aking presintong pagbobotohan. Nang bumoto ako sa kauna-unahang pagkakataon, nakadama rin ako ng kakaibang damdamin. Feeling adult, kumbaga. Kasi, napapansin na ako ng mga lider ng kandidato. Sa loob-loob nila, isang boto rin ito. Pero, siempre, given na rin, noong panahong iyon, kung sino ang iboboto ko. At sa pagtatapos ng araw ng halalan, naroon na ang pananabik sa paghihintay ng resulta ng botohan.

Sa aming lugar, halos hindi natutulog ang mga katandaan sa pag-aantabay ng kinahinatnan ng halalan. At kami namang mga natulog na, ay ginigising sa madaling-araw ng mga paputok ng kwitis, na nagbabadyang nanalo ang aming kandidato. Na kahit hindi pa tapos ang bilangan, ay nag-concede na ang kalaban, dahil malinaw na malinaw na ang trend ng mga boto.

Noon iyon, iba na ngayon. Ang ganda at inam ng noon at ngayon ay nasa kani-kaniyang pananaw. Ang mga pagbabago ay ginagawa upang mapabuti ang isang situwasyon. Kung nangyari ang adhikaing ito ay masasabing nasa proseso pa, hindi pa natatanaw ang tunay na kalalabasan.

May nagtanong nang minsan sa akin kung ano ang mga katangian ng nais kong mamuno sa bayan, maging pangulo man ito, o isa lamang gobernador o mayor ng isang lugar.

Isa lamang ang naisip kong nais kong katangian ng mga ito: Na sana, sa kanilang panunungkulan, ang kapakanan ng mga tao lamang ang kanilang isaisip.

Kung paano? Ganito: Natural na may proyekto ring naumpisahan o nagawa na ang sinundan nilang administrasyon, gaano man kasama ang mga taong ito sa kanilang pananaw, na kung minsan ay bunga lamang ng pagkakaiba ng kanilang partidong kinaaaniban.

Kung ang mga proyektong ito ay nakabubuti sa mga tao, IPAGPATULOY nila. Huwag buwagin, huwag sirain. Tulad nang mga lansangang nasemento na ay muling tutungkabin, upang masabi lamang na sila ang nagpaayos nito.

Kung may mga dinatnang taong gobyerno na mahusay magtrabaho sa kanilang tungkulin, huwag tanggalin sa kanilang pusisyon, kahit ang mga ito ay kapartido ng kalaban.

Tama na ang mga mali ay huwag tularan, dapat ngang usigin kung may sapat na pruweba. Ngunit kung may mabuting ginawa, IPAGPATULOY LAMANG.

Sa maraming pamamahalang nagdaan, ito ang isang malaking kapintasan ng bawat mahalal: ang burahin ang nagawa namang mainam ng pamunuang pinalitan. KAYA WALANG KATAPUSANG PAGPAPAGAWA AT PAGPAPAGIBA ANG NANGYAYARI, LALO NA SA MGA INFRASTRUCTURE. Sa madaling salita, a vicious cycle.

Pero, kung tutuusin, simpli lamang naman. Dito na kasi papasok ang reconciliation at statemanship ng isang politician. Pero, magagawa kaya ito ng sinumang mananalo?

KAYA, NGAYONG MAYO 10, 2010, GAMITIN NATIN ANG ATING KARAPATAN SA PAGBOTO!!! AT ANG IBOTO NATIN AY ANG KANDIDATO NA MAAARING MAKAGAWA NITO.



Monday, May 3, 2010

MAYO: BUWAN NG MGA INA


MAYO: BUWAN NG MGA INA


Mayo na naman! Noong araw, kapag sumapit na ang buwang ito, panay na ang kanta namin ng flowers are blooming in May, flowers that speak of romancing, hearts that are carefree and gay, beautiful moments together...

At ang Mayo ay bakasyon... santakrusan... barkada... iskarsiyong simba sa Antipolo at piknik sa La Mesa Dam o Balara...

Ngunit ngayon, ang buwan ng Mayo ay buwan rin ng mga ina. Noon, sa aking pagkatanda, ang Mother's Day ay sa unang Lunes ng Disyembre ginagawa. Pinaglalagay kami ng bulaklak sa damit, nakaperdible sa dakong balikat, kulay puting bulaklak kapag ulila na sa ina, at may kulay naman, kapag buhay pa ito.

Sa elementary, karaniwan nang may programa din, kung saan may tumutula ng tungkol sa mga ina at ang pinakapaboritong kantahin ay -

Mama, I miss the days when you were near beside me,
Mama, those happy days when you were here to guide me
Safe in the glow of your love
Sent from the heavens above
No one can ever replace
The warmth of your tender embrace
Oh, Mama, until the days
that we're together once more

I live in this memory,
until the days
that we're together
once more.


Kapag nabanggit ang salitang ina, ang naaalaala ko ay ang aking sariling ina at ang aking anak na isang ina na rin. Hindi ako, bilang ina.

Kapag inisip ko kung ano ang natatandaan ko sa aking ina, walang gaanong partikular na bagay akong naaalaala. Alalaon baga'y mga grandeng bagay na ginawa niya o ibinigay sa akin. Ang alam ko lamang ay kung ano ang aking nadama noon... na siya kong napagbabalikang gunitain ngayong wala na siya.

Na lagi... naroon siya... naaasahan... nalalapitan... kaya lumaki akong walang pangamba...

Hindi ko narinig ang aking ina na ako'y pinuri nang harapan, ngunit lumaki akong buo ang paniniwala na ako'y kanyang ipinagmamalaki.

Kung ihahambing ko naman ang aking sarili sa aking anak na isang ina na rin, walang kurap kong masasabi na higit siyang seryoso sa kanyang pagiging ina, in the sense na talagang pinag-aaralan niya ang mga bagay-bagay upang magampanan ito. Noon ay isang libro lamang yata ang aking nabasa tungkol sa pagpapalaki ng anak, ngunit ang aking anak ay higit ang dami ng pinagkukunan ng mga ganitong kaalaman.

Sinabi ko na lamang sa aking mga anak, na sa abot ng aking makakaya, ginawa ko ang sa palagay ko ay dapat kong gawin, in order not to be remiss in my duty as a parent (paborito kong expression ito kapag may sermon ako sa kanila) sa pagpapalaki sa kanila. At kung sa palagay nila ay kulang o mali ang mga nagawa ko, huwag nila itong ulitin, bagkus ay baguhin, pagdating ng panahon ng pagpapalaki sa sarili nilang mga anak.

Ngayong buwan ng Mayo, tungkol sa isang ina ang aking kwento. Ito ay isang kwento na akala ko ay lubusan nang nawala, dahil wala akong naitagong kopya ng Liwayway. Na kahit anong buklat ko naman sa mga duplicate copies ng kwentong sa aking lumang Underwood ginawa, ay hindi ko pa rin makita.

Hanggang dumating si Ondoy...

At sa aking pagtatapon at pagliligpit, mula sa kung saan, wari ay lumutang ang ilang piraso ng onion skin paper na duplikado ng kwentong. SA MULING PAGIGING INA. Ang nawawala kong kwento, bulalas ko. At ang mga basang papel ay ibinilad ko at pinatuyo sa araw. Na di naman kaagad nailigpit. At ang kwento ay muling nawaglit! Matagal ko ring hinanap. At di nakita.

Hanggang nitong mga huling araw, muli ko siyang nasilayan.

Ngayong Mayo, abangan ang kwentong ito: SA MULING PAGIGING INA.

Samantala, narito ang dalawang tula, o sabihin na lamang nating katha, hindi ko alam, ngunit ito ay tungkol sa mga ina.

Ang una ay assignment ng aking anak noong elementary o high school siguro, tungkol sa kanilang ina, na siempre, ako ang tinutukoy. Na sa akin rin ipinagawa, kasi, manunulat daw ako. Kaya ang nangyari, ako ang gumawa ng tula tungkol sa akin, bagaman at parang sa punto de vista ng aking anak. Medyo mataas naman ang kanyang nakuhang grade dito. Tungkol doon sa tula, masasabi kong medyo gano'n nga ako nang bahagya...

1.

May inang mabait, masipag, tahimik.
Lagay ng pamilya, laging nasa isip
Sa kanyang aklat, burado ang tsismis
Buhay sa piling niya, tila baga langit.

Ngunit ang nanay ko, siya ba ay ano?
Mabait ba siya? Ayaw patatalo!
Siya ba'y masipag? Magaling magmando!
Minsan ay tahimik. madalas, makwento.

Ngunit ang alam ko, kami ay mahal niya,
Busog sa pangaral kami sa tuwina.
Sa aking paglaki, huwaran ko siya
Ito ang nanay ko, kaibigan, ina!


Ang ikalawa ay tungkol sa aking Inang (Siya ang nasa larawan nang siya ay dalawampu't tatlong taon gulang.) Na sinulat ko nang kamamatay lamang niya at sariwa pa sa aking alaala ang kanyang mga huling araw, kung kailan pinanawan ng siya ng kanyang diwa.


2.

Sa sulok ng kasuluk-sulukan,
ang ina ng ina, ay ina, ay anak.
Sa mandala ng alaala.
Ang tuyong dayami ay sariwang uhay
na hitik sa bunga ng ginintuang palay.
Sanggol pa ang araw.

Malabong estero ay batis na malinaw,
Pinanalaminan.
Pinilakang buhok, kapara ay gabing
balot ng karimlan.
Kislap ng bituin ay wala sa langit
kundi nasa matang
wala na ngang ilaw.

Kay tamis ng ngiti! Kay lamyos ng tinig...
na ang hinuhuni'y isang lumang himig,
na walang simula't walang katapusan,
waring naghihintay ng isang kasabay.

Sino ka? Bakit ako narito?
Ang tanong ng ina na anak
sa anak na ina.
Ako ang anak mo na pinakamaganda!
Ito ang bahay mo. Dito ka nakatira.

Ulit-ulit ang pag-iling,
hapo na ang ulo'y
ayaw pang tumigil,
ang luhang nangilid sa mata'y
naglandas sa pisnging kulubot,
hikbi ay abut-abot.

Para mo nang awa,
ako ay ihatid ...
kay Tatang...
kay Inang...
sa aking kapatid...


Tandang-tanda ko, Agosto 17, itinawag sa akin na hindi na raw nakakakilala ang aking ina. Wala siyang sakit, malakas, naglalakad. Setyembre 11, siya ay pumanaw. Ang mga huling araw ay ginugol sa malimit na pag-idlip, kalaunan, tumatagal na pagtulog. Hanggang sa tuluyang namaalam.

Isang pag-alaala sa aking ina, sa lahat ng ina, hindi lamang ngayong araw o buwan niya, kundi sa lahat ng sandali.