Monday, April 26, 2010

COMMENTS & FEEDBACKS APRIL 2010


COMMENTS & FEEDBACKS APRIL 2010


Marami sa mga tinanggap kong feedback ngayon ay tungkol sa Talasalitaang Bulakan. Ang mga nagpadala ay nangangako na mag-iisip
pa sila ng karagdagang ipadadala. Kaya nga naisipan kong ipunin ang mga ito, na sinusugan naman ng marami, at pagsama-samahin sa ilalim ng pamagat na TALASALITAANG BULAKAN ATBP. Balak kong ilathala ito sa katapusan ng taon. Ang madadagdag sa nasabing kalipunan ay ang mga personal na alaalang nakakabit sa mga salitang mababanggit rito. Kaya, inuulit kong muli ang pag-aanyaya sa iba pang tagasubaybay ng blog na magpadala ng mga naaalaala nilang salita, kasama ang mga gunitang kaakibat ng mga ito.

Narito naman ang ilang maiikling email mula sa inyo!


Hi Eve,
Kami ang dapat magpasalamat sa iyo. Nakababalik kami sa PI pag binabasa namin ang mga kuwento mo. Regards to A. (Jet)

(Marami akong tinatanggap na pasasalamat sa mga nagbabasa ng blog na ito pero nais kong aminin, na ang dahilan ng pasasalamat mo ay tunay na tumimo sa aking puso. Sabi mo ay nakababalik kayo sa Pilipinas kapag binabasa ninyo ang mga kwento rito. Para sa akin ay napakalaki nang “achievement” ito ng aking blog. Alam kong sa kabila ng kaunlaran at kasaganaan ng kinaroroonan ninyong kapaligiran, dumarating ang mga sandaling lumilipad ang inyong mga isip sa pinanggalingang bayan. Naalaala ko tuloy ang napag-aralan nating tula kay Miss Ladia noong high school, ang “Native Land” from “The Lay of the Last Minstrel” ni Sir Walter Scott -

Breathes there the man with soul so dead,
Who never to himself hath said,
This is my own, my native land?

Whose heart hath ne'er within him burned,
As home his footsteps he hath turned

From wandering on a foreign strand?
If such there breathe, go, mark him well;

For him no minstrel raptures swell;
High though his titles, proud his name
Boundless his wealth as wish can claim---
Despite those titles, power, and pelf,
The wretch, concentred all in self,

Living, shall forfeit fair renown,
and, doubly dying, shall go down
To the vile dust from whence he sprung,

Unwept, unhonored, and unsung.

Kaya, muli, ang pasasalamat ay sa akin.)


Dear Eve,
Thank you for your April story..! I enjoyed it ..!! How are things with you and our circle of friends ? Hope you are all doing well. Say hello to all, if you see them and to A & your kids. As always, (Puring)

(Here's extending to you , Elsie's invitation to her golden wedding anniversary celebration on June 29th. Kung uuwi ka rin lamang, itapat mo na sa petsang ito para magka-reunion tayo. Ipinasasabi niya sa lahat ng grupo nating nariyan – Lor, Angeling, Femme at sino pa ba?

Nasa proseso ako nang pagsasaayos ng mga kwento tungkol sa dormitoryo. Natatandaan mo pa ba sina Andrea at Veronica, mga pangalan ng karakter na pinili ninyo? Sampu silang dormitoryana na nagtungo riyan sa abroad at diyan nadugtungan ang naumpisahan nilang buhay sa dormitoryo. Blockbuster ito, hehhehheh! Pero, siempre, kathang-isip lamang ang lahat, maliban sa background, na natural, ang St. Catherine's Ladies Hall.

Hindi ito lalabas sa blog. Abangan ninyo... mabibili sa Amazon (wish ko lang!!!)



Ang estorya nang "Bagong Magdalena" ay maganda at bihira. Tulad nang iba mo pang kuento and lahat nang iyong sulatin ay nakaka-entertain and you don't really want to stop reading. Keep on Eve.
(Paeng)

(Nice hearing from you. I am glad that you enjoy reading my kwentos. And I also enjoy reading your “tula”. Nagising wari ang natutulog na makata sa iyong kaibuturan.)



Si Nilda.....napakaganda ang naging panuntunan sa buhay,"Aim high and hit the mark", ngunit sa hangarin niyang matupad ito agad ay may nalimutan siyang isang mahalagang bagay: ang paghingi ng patnubay sa Diyos. (CLAIRE)

(Di nga ba ito ang karaniwang nangyayari, lalo na ngayon? Gusto lahat ay instant! Mga get rich quick. Mga shortcuts to fame. Masyadong mainipin ang mga tao. Nalimutan nang “patience is a virtue”. At sa lahat ng mga life's endeavor, kailangan ang patnubay.)


I enjoyed your newest story re BAGONG MAGDALENA. It is timely and can really happen especially with the so-called JAPAYUKIS!! Good job. (From Gerry)

(Si Nilda ng kwentong “Bagong Magdalena” ay talagang “kinarir na (sa lingo ngayon ng mga bata, as in making it her career), ang pagkita ng pera sa pamamagitan ng pagbebenta ng sarili. Sobra ang ambisyon niya sa buhay. Kumbaga, by hook or by crook, gusto niyang yumaman. Parang bad politics.

Na hindi naman natin masasabi sa marami nating kababayan na nasadlak lamang sa ganoong uri ng hanap-buhay dahil sa pagsasamantala ng mga recruiter. Tunay na kaawa-awa ang kanilang kalagayan at they deserve our pity, our help, and most of all, our understanding.

By the way, baka may mai-ko-conribute ka sa talasalitaan? Iyong kinalakhan mo sa Paombong? Salamat din sa pagsubaybay.)


Going through your Talasalitaang Bulakan, I'm quite sure there are plenty more but right now I can only think of "Kebo". In fact I only heard it from my Nanay and immediate family & neighbors in Malolos. I never heard it in Guiguinto. Kebo is another "tawag" for Ninang as "Nanay" is for "Ina".. Have you or your neighbors in " Kanto Boy" used it? I've heard it from Mrs. Reyes, our neighbor, Mrs. Javier & Miss Antonio who were my aunt's co-teachers. And I haven't heard it in all my years here even from other Malolenas. Plus there is no equivalent for "Ninong" . Strange. isn't it? (From Feli)

(Yes, ginagamit din iyan sa amin sa Kantoboy. Ang Ka Seang, kapit-bahay at kamag-anak namin sa turing, kung tawagin ng kanyang mga pamangkin ay “Ebo” na sa palagay ko ay galing sa “Kebo”. Saka, may kamag-anak rin kami na naririnig kong tinatawag ang Inang ko ng “Kebo”.

Mag-isip ka pa ng ibang salita na maaaring ginagamit sa Guiguinto, pero hindi palasak sa Malolos. Para maisama natin sa gagawin kong Talasalitaang Bulakan Atbp. At salamat sa pagbisita.)


Para kay Eddie, akin ang pasasalamat sa mga padala mong feedback. Gusto ko nga ang tumatanggap ng mga comments mula sa mga sumusubaybay. Lalo pa, kung may kwento kayo na parang may kaugnayan sa inilathala sa blog.

Friday, April 23, 2010

KARAGDAGAN SA TALASALITAAN MULA SA TAGASUBAYBAY


KARAGDAGAN SA TALASALITAAN
MULA SA TAGASUBAYBAY


Dear Eve:

Kababasa ko lang ng mga blog na kasama ng kuwento mo para sa Abril, ang Bagong Magdalena.

Gustong-gusto ko ang talasalitaang Bulakan. Nagbalik tuloy sa isip ko ang mga salitang marahil ay di na uso ngayon.

Alam mo. lumaki ako sa Kapitangan, isang nayon sa Paombong. Ang aming munting bahay ay nasa tabi ng isang palayan (na sinasaka ng aking Anda at mga amain) at ng isang ilog. Maraming bungang kahoy ang kapaligiran: mangga, bayabas, atis, guyabano, balimbing, papaya, makopa, mabulo, suha, dalandan, at kung ano-ano pa. Marami ring gulay: sitaw, okra, kalabasa, pipino, singkamas, atbp. Sa ilog, mayroong kabibe, balibid, isda gaya ng dalag, hito, biya, apahap, lukaok, at sa palayan naman ay mayroong kuhol, liwalo, at kung panahon ng tag-ulan ay talangka.

Ano pa't bagama't mahirap ay sagana naman kami sa mga biyayang dulot ng kalikasan.

At dito nga sa kapaligirang ito ay marami akong natutuhang mga salita, gaya ng:

1. kiti- maliit na manok
2. guya - maliit na kalabaw/baka
3. tagiti- maliit na dalag
4. pantat - maliit na hito
5. bulig - dalag
6. kuting -maliit na pusa (alam natin ito)
7. tuta - maliit na aso (Alam na rin nating lahat ito)
8. ayap - sitaw
9. tulyapis o ipa - 'yung nakabalot sa butil ng palay (Sa English: chaff)
10. mandala - kamada (hugis cone) ng ginapas na palay
11. putat - bagong usbong na dahon ng mangga
12. liwalo - uri ng isda na kilala sa ibang lugar na martiniko

Marami pang salitang sa ngayo'y hinahagilap ko pa. Pasasaan ba't maaalala ko rin ang mga iyon, at siyempre, sasabihin ko sa iyo. 'Yan muna sa
ngayon.

Maraming salamat at kumusta sa iyong lahat.

Rollie E.

AT NAALAALA NA NIYA na kaagad ipinadala sa email.

1. alibadbad -sa English ay nausea; pakiramdam na parang masusuka dahil Sa di-masikmurang amoy, halimbawa
Example ng paggamit: Lumayo-layo ka nga sa akin at inaalibadbaran ako sa ‘yo.
2. aligasin - isang uri ng isda na ka-pamilya ng banak
3. balinguyngoy - dugo mula sa ilong na karaniwan sa mga bata, dala marahi, kung magkaminsan ng matinding init
4. baliwasan - mahabang kawayan o buho na ginagamit na talian ng bingwit
na ginagamit sa pangingisda
5. banlik - magkahalong putik at buhangin na karaniwang nangyayari sa lupa pagkatapos ng baha
6. bidbid - isang uri ng isda na ka-pamilya ng bangos
7. kilyawan - isang uri ng ibon; oriole sa English
8. dahong-palay - isang uri ng ahas na makikita sa mga palayan; maliit lamang ito nguni’t makamandag; kulay-berde
9. halawas - isang uri ng panghuli ng isda, na may mahabang hawakan at may
isang malaking bilog na net sa dulo na isinasagap sa tubig upang makahuli ng isda
10. langib - ang balat na nakatakip sa isang sugat na hindi pa ganap na magaling
11 lulungi - isang maliit at habaang isda na transparent at may matulis at mahabang bibig
12. pakaway - katig sa magkabilang gilid ng isang bangka upang maiwasan ang pagtaob
13. pituya - isang malaking bangka na ginagamitan ng tikin (pole) na nalalagyan o sinasakayan ng mga malakihang volume o quantity ng mga ani, gaya halimbawa ng tubo at singkamas
14. suwiki - isang uri ng lalagyan ng isda na yari sa kawayan na itinatali sa baywang
15. tinadtad - isang uri ng luto na sa ibang lugar ay tinatawag na dinuguan o
tinumis.

Salamat nang marami, Rollie. Alam mo bang noong araw, mayroon akong sinipi sa isang diyaryo, Manila Times siguro, na sketch ng isang bahay na yari sa pawid, nakatirik sa isang malaking sukat ng lupa na may bakod na kawayan? Sa sketch ay ipinakita rin ang kalalagyan ng iba't ibang punong-kahoy na itatanim (na pareho ng mga punong binanggit mo), ang gulayan (na siguradong organic dahil hindi gagamitan ng kemikal na fertilizer), ang kulungan ng mga alagang baboy (na darak ang ipakakain), ang silungan at pugad ng mga manok (na palay ang patuka), ang balon o posong pagkukunan ng tubig na pandilig at siyempre, ang hardin ng mga bulaklaking halaman (rosal, liryo, gumamela, bouganvilla, yellow bell, adelfa, at iba pa). Naalaala ko ito matapos mabasa ang iyong liham. Ganito kasi ang pangarap kong bahay noon. At kahit na ngayon, kaya lamang, hindi ko na kaya ang mag-asikaso ng mga gawaing kakailanganin sa pagkakaroon ng ganitong bahay at buhay.

Napakaganda at napakasarap siguro na tumira sa ganitong kapaligiran. Lalo pa at isasama mo na habang sariwa ang hanging nalalanghap ay may celfone ka pang magagamit kung may gusto kang tawagan, bukod sa landline. At may cable tv na mapaglilibangan. Saka magic sing. At natural, may computer at internet kung saan pwedeng makipag-video chat sa pamilya at mga kaibigang nasa ibang lugar. Saka nga pala, kotse!

Levity aside, di ba parang huwarang bahay at buhay ito? Malapit ka sa kalikasan at kabihasnan, may loobin ka sa Diyos, marunong makipagkapwa-tao, nagmamahal at minamahal! Di ba Paraiso na itong matatawag? Sa lupa?

Humahaba na ang listahan sa Talasalitaan. Ayon ako sa mungkahi mo na mag-ipon tayo ng mga salitang nababaon na sa limot at nalilimutan nang gamitin upang pagdating ng tamang panahon, mapagsama-sama ang mga ito at maisa-aklat, kahit pang-atin-atin lamang.

Dagdag nga ni Claire -
- hamo - hayaan mo (kagagamit lang daw nito ni Rufing sa text sa kanya)
- lulunin na ang banig - "i-roll" ang banig (ang natatandaan ko ay ang “maglatag na ng banig” kapag may gusto nang paalising manliligaw na “pumupormal”)
- maghain - ibig sabihin maghanda ng pagkain sa mesa
- mag-urong - alisin na sa mesa ang mga pinggan, atbp.

At ni Feli -
- kebo - another tawag sa "Ninang".

At pahabol na itinawag pa sa telepono mula California ni Mon -
-tungaw - isang napakaliit na kulisap? na karaniwang nakukuha sa mga damuhan o halaman na kumakapit at sumisiksik sa mga pileges ng balat ng tao o sa mga parteng masisikip at doon sumisipsip ng dugo. Pumupula itong parang itlog ng isda at natatanggal lamang sa pagitan ng dulo ng aspili o karayom. Makating-makati ito, pero parang wala na ngayong tungaw at hindi ito kilala ng mga bagong sibol na bata.

Di ba nakatutuwa ang pagbalikan ang mga lumang salita na bahagi ng ating kahapon? Kaya nga nasa proseso na ako nang pag-iipon at pagsasaayos ng talasalitaang ito. Muli, inaanyayahan ko ang iba pang mambabasa na ibahagi ang mga alam pa nilang salita at kasabihang gamit natin o ng matatanda sa atin, noon, upang hindi naman ito tuluyang mawala at upang kahit paano, may mabasa ang ating mga anak at kanilang anak na “ay, ganito pala ang salita nila noon!” Sana rin ay lakipan nila ito ng mga kwentong ibinabalik sa alaala ng mga nasabing salita.

Maghihintay ako...

Friday, April 9, 2010

BAGONG MAGDALENA



BAGONG MAGDALENA


OY... mga bata... diyan kayo sa gilid ng prusisyon umilaw. Huwag hahawak sa karo ng Birhen. Huwag sasama dito sa gitna. Hindi naman kayo ang me ari...

Makalilimutan ba niya si Bosyong? Ang ubod ng supladong sakristan sa simbahan sa kabayanan? Na porke kilala at katanguan ng mga mayayamang matatandang dalagang manang sa bayan, e, akala mo kung sino na?

Gigil na gigil siya. Yabang, yabang, yabang, bulong niya.

Pagtatawanan naman siya ni Ric. At sasawayin. Huwag kang manggigil. Papangit ka.

Ilang taon ba siya noon? Walo o siyam, nasa elementarya. Magandang batang anak ng isang labandera at isang kargador sa palengke. At malamang sa hindi, lalaki ring hindi makatatapos ng pag-aaral. At mabubuhay rin sa paglalabada., ke sabihin pang maganda siyang bata.

Pero never, sabi nga ni Miss Torres, ang kanyang titser. Huwag na huwag kayong susuko. Kung may pangarap kayo sa buhay, magsikap kayo. Huwag patatalo. Alalahanin ninyo, na nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa. Aim high and hit the mark!

Hindi pa siya malay makaintindi ng ingles ay bukambibig na niya ang kasabihang narinig kay Miss Torres. Aim high and hit the mark. Dahil ang kwento ni Miss Torres, anak-mahirap lamang ito ngunit sa pakikitira sa kamag-anak, pagtulung-tulong sa tindahan at sa bahay ng mga ito, nalibre ng kasera at nakatapos ng karera. Awa ng Diyos, ngayo'y isa nang iginagalang na guro sa baryo.

Tulad ni Miss Torres, may pangarap din siya. Makatapos ng karera, oo, puwede rin pero ang talagang gusto niya ay ang yumaman. Titser nga si Miss Torres, pero sa dyip pa rin sumasakay. Luma pa rin ang tinitirahang bahay. May refrigerator nga, hulugan naman. At mahaba pa rin ang listahan ng utang sa tindahan sa kanto.

Ang gusto niya ay mayamang tulad ng mga nakatira sa kanilang kabayanan. May kotse at tsuper. May mga palaisdaan at bukirin. Iyong kapag nagsimba't nakatabi mo sa pagkokomunyon ay mababalot ka ng kabanguhan. Iyong tipo ng mayamang nag-aari ng mga karo ng Birhen at San Jose at Sto. Sepulchrong inilalabas tuwing prusisyon kung Mahal na Araw. Na pag Biyernes Santo ay pami-pamilyang nakasunod sa likuran ng karong ari nila. Sa gitna ng prusisyon. Na iniilawan sa magkabilang gilid ng mga katulad nilang ganoon, taga-ilaw lamang. Hanggang tabi. Hindi pwede sa gitna. Magagalit si Bosyong.

“Balang araw, yayaman din ako at magkakaroon din ako ng karo,” wika niya.

“Karo ng sorbetes?” tukso ni Ric.

“Luku-luko! Karo ng Birhen,” napika niyang sagot.

“Paano ka yayaman, bibili ka ng supistik?” kantiyaw pa rin ni Ric.

Nilingon niya si Ric. Magkasunod silang umiilaw sa prusisyon. Biyernes Santo noon. Nakatapat sila sa karo ni Maria Magdalena, ari ng pamilya Santos sa bayan. Ang karo ay napapalamutihan ng mga sariwang bulaklak na calla lilies at baby's breath na galing pa ng Bagiuo at naiilawan ng mga bombilyang de ciento na nakapaloob sa kumpol-kumpol na bolang kristal at sinusundan ng karitong nagdadala ng generator.

“Ang dali lang yumaman, Ric,” aniya. “Susundin ko lang ang sabi ni Miss Torres. Aim high and hit the mark.”

Tumawa si Ric. “Walandyo, ingles 'yan, Nilda.”

Kinurot niya si Ric. Umiwas ito, umurong at natapakan ang sumusunod ditong umiilaw. Na sa pagkabigla'y nasulsulan naman ng kandila ang bisig ni Ric. Na napaso't nagkakarang at siya naman ang nasulsulan.

“Ay, kalabaw!” malakas niyang sambit.

Sinulyapan niya ang mga umiilaw sa gitna ng prusisyon. Ang mga matatanda ay patuloy nang pagrorosaryo. Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo....

Ang mga dalaga't binata ay patuloy sa mahinang pagsagut-sagot sa dasal. O pagkukuwentuhan?

Si Misis Santos, may-ari ng botika sa may palengke ay tuwid na tuwid ang tingin. Hindi sila napansin. Hindi yata sila nakikita. Maliban siyempre, ke Bosyong.

Ano ba kayo... mga bata kayo! Harutan nang harutan.!

At piping dasal niya sa sarili, pagyaman ko, Bosyong.



NASA ikaapat na grado siya nang tawagin ng kanlyang ama. “O, Nilda, magaling ka na bang bumasa ng tagalog?”

“Opo, tatang,” sagot niya.

“E, ingles?”

“Marunong na rin po.”

“Hale nga, basahin mo 'yan.” Isang lumang songhits ang iniabot sa kanya.

“Tatang, kinakanta iyan.”

“Kantahin mo.”

Isang awit ng Beatles ang pinili niya. Yesterday, all my troubles seemed so far away. Now it looks as tho they're here to stay, Oh, I believe in yesterday..

Pinutol ng kaniyang Tatang ang kanyang pagkanta, ginaganahan pa naman siya. “O, sa arithmetic, marunong ka na? Addition... subtraction... multiplication?”

Naisip niyang bigla, ang kaniyang Tatang, grade four lamang ang naabot noong araw, pero nakakaintindi rin ng lahat. Tumango siya. “Opo.”

“Nine times nine...”

“Eighty one,” sagot niya.

“Eight times eight...”

“Sixty four.” Alam pa rin niya ito.

“Six times seven...”

Medyo natagalan siya sa pagsagot. Inisip niya muna ang six times six bago niya naalala ang forty two.

“Magaling!” papuri ng kanyang ama. “Pagkatapos mo ng grade four, puwede ka nang humintong mag-aral. Marunong ka nang bumasa ng ingles at tagalog at saka magsuma. Hindi ka na maloloko. Maaari ka nang bumoto.”

“Tatang...” nanulay ang matinding pagtutol sa kanyang tinig. Lumarawan sa kanyang mga matang dagling pinangiliran ng luha.

“O, bakit?” tanong nito.

Parang hindi makalabas ang tinig sa kanyang lalamunan. Nagkakabuhul buhol ang kanyang hininga. “Gusto... gusto ko pong... makatapos mag-aral... hanggang high school.”

Naglandas ang luha sa kanyang mga pisngi. Napatingin ang ama niya sa kanya. Matagal na hindi nakaimik. Pagkuwa'y kinuha at inililis ang laylayan ng kanyang suot na damit at pinahid ang kanyang luha. “Anak, e, sino bang ayaw,” malumanay nitong wika.

Suminghot siya. “Kahit po ako paalilang-kanin.”

Muli, natigilan ang kanlyang ama. Matamang nag-isip.

Naging katulong siya sa bahay ni Misis Santos sa kabayanan, akalain ba niya. Minsang nagbakasyon ang katulong nito ay nakapaglaba ang nanay niya rito at nagustuhan kaya ginawang permanente. Nang maikwento ang pagnanasa niyang makapag-aral kahit paalila, kaagad siyang ipinatawag ni Misis Santos.

“Kung magiging mabait ka at masipag, tutulungan kita,” seryosong wika nito.

Mabait siya at masipag. Istrikto ngunit maunawaing amo naman si Misis Santos. Sa tiyaga ay nakatapos siya ng high school. Kasabay rin ni Ric na bagaman at mahirap din, ay hindi naman nila kasing-dahop sa kabuhayan. May isang amaing nakatulong dito upang makatapos. Ng haiskul.

“Ano ngayon, Nilda?” tanong ni Ric.

“Sabi ni Misis Santos, luluwas ako ng Maynila. May kapatid siya. Doon ako titira. At pwede akong mag-aral. Secretarial. Steno. Typing. Bookkekeping. Ikaw?”

Malungkot si Ric. “Dito na lang siguro sa 'tin. Sa Trade School. Vocational.”

“Ayun naman pala. Automotive ang kunin mo, di ba hilig mo 'yon. Sunod, pag sanay ka nang mangumpuni ng kotse at dyip, magtayo ka na ng sariling repair shop.”

“Sarap pakinggan,” malungkot pa rin si Ric. “Buti ka, ang suwerte mo.”

“At pag marunong na ako ng typing, papasok ako sa opisina, sekretarya. O sa banko kaya. Tapos mag-aaral akong muli.”

“At kalaunan, yayaman ka na.”

Tumawa siya. Hinampas niya sa bisig si Ric. “Talaga.”

Nang muling magsalita si Ric. “Ingatan mo ang suwerte mo, Nilda. Unti- unti lang, huwag kang magmadali.”

“Anong ibig mong sabihin?” tanong niya.

“Alam mo na, pag nando'n ka na, baka abutin ka ng inip. Ang tagal naman. Kung ano tuloy ang gawin mo, pati pag-uwi dito sa atin malimutan mo.”

Umling siya. “Hindi ako magmamadali. At uuwi ako tuwing Mahal na Araw. Sabay pa rin tayong iilaw tuwing Biyernes Santo.”

Ngunit ang pangako ay hindi niya natupad. Iba ang buhay sa Maynila. Iba ang mga tao rito. Kina Misis Santos, nasa sariling bayan siya. Sa lungsod, istranghero siya. Isang galing sa probinsiya. At madali siyang nasilaw sa kinang at kislap ng bagong kapaligiran. Dagling narahuyo ng matamis na pangako ng mga bagong kakilala.

Astang mayaman si Gabby. Kaibigan ng kaklase niya. At galante. Lagi silang ibino-blow-out sa canteen ng iskwelahan, inililibre sa sine.

Nakagalitan siya ng kapatid ni Misis Santos. “Ano pang trabaho ang magagawa mo sa bahay, Nilda, kung gabing-gabi ka na uuwi?”

Mayaman si Gabby. May kotse at may gusto sa kanya. Bakit pa siya magpapakahirap mag-aral samantalang kung mapapangasawa niya si Gabby ay mayaman na rin siya. Kay dali niyang nalimutan ang pangako kay Ric na hindi siya magmamadali.

At sumama siyang magtanan kay Gabby na hindi naman pala mayaman. Hindi ari ang dala­dalang kotse at ang talagang trabaho nito ay ang makipagkaibigan sa mga bagong saltang tulad niya. Paibigin, ariin at sa gitna ng kawalang-pagasa'y amukiin sa isang hanapbuhay na kasintanda ng panahon.

Itinakwil siya ng kanyang mga magulang. Pinanghinayangan siya ni Misis Santos at ng pamilya nito. Nabalitaan niyang umalis si Ric, hindi alam kung saan nagtungo.

Kinasuklaman niya ang kanyang sarili ngunit mayroon siyang natuklasan. Kung gagamitin niya ang kanyang isip, magkakapera pa rin siya. Tulad ng kanyang pangarap at hindi niya kailangang magtiis sa mga parukyanong dala ni Gabby. May nagbalita sa kanya tungkol sa Hongkong... Singapore...Japan.



BIYERNES Santo. Pabalik na ang prusisyon sa simbahan. May pinagkakaguluhan ang mga tao, pinag-uusyusohan. Isang bagong karo ng isang bagong imahen ni Maria Magdalena.

Ganda, bulalas ng mga nanonood.

At ang dami ng ilaw, ang liwanag! Dagdag pa ng iba.

Ang imahen... tingnan n'yo... ang lungkot ng mukha. Mas iba kesa dun sa Magdalena ni Misis Santos... Isang kung sino ang nagsabi.

Kanino ba 'yun? May nagtanong. Walang kasunod ang karo.

Ang matandang Bosyong lang, may sumabad.

Mahabang istorya niyan, may nagsalitang matanda, pero tsismis. Donasyon daw yan sa simbahan, kaya simbahan na bale ang may-ari. Kasama ng donasyon ang kung magkanong pera para scholarship fund sa mga mahihirap na gustong mag-aral. Hindi malaman kung sino ang nagbigay. Pero ang tsismis...

Sumandal si Nilda sa pagkakaupo sa loob ng kotse. Mariing ipinikit ang mga mata. Hanggang kailan kaya maitatago ang lihim ng bagong Magdalena. Natupad na rin ang kanyang pangarap noon. Ang magkaroon ng sariling karo sa prusisyon ngunit doon napuputol ang kanlyang pangarap.

Hindi siya makalalabas. Hindi niya maitataas ang kanyang noo. Hindi niya maihahantad ang kanyang mukha sa pagsunod sa likuran ng kanyang karo.

Wala na ang kanyang mga magulang. Namatay na matindi ang hinanakit sa kanya. Tinatanggap ng mga kapatid niya ang kanyang tulong ngunit malayo ang loob ng mga ito sa kanya.

Kung hindi siguro siya nagmadali... Kung nagtiyaga siya sa pag-aaral... Baka siya'y naging empleyado o maski clerk sa munisipyo.

At si Ric, baka nagkapangasawahan sila. May gusto ito sa kanya, alam niya. At kung mekaniko si Ric, sa dami ng kotse at dyip ngayon, makabubuhay na rin ito ng pamilya, mapag-aaral ang mga anak. Magkakatulungan sila. Hindi mayaman ngunit nakaharap sa kaunlaran. At magiging maligaya rin sila, natitiyak niya

Ngayon, walang Ric, walang sinuman. At ang mukha ng kamatayan ay nakatunghay na sa kanya dahil sa taglay niyang sakit. Nakahahawa at walang lunas.

O, kung maaari lamang na ulitin ang kanyang buhay...

Kung ang lahat sana'y isa lamang masamang panaginip...

Kung muling maibabalik lamang ang panahon...

Kung saan bata pa sila ni Ric, umiilaw sa prusisyon, sa tapat ng Magdalenang ari ni Misis Santos...

At ang ang supladong si Bosyong ay panay ang saway sa kanila...

Oy... mga bata...


Liwayway, Marso 20,1989

Saturday, April 3, 2010

Awit ng Papuri sa Mahal na Araw


Sikat ng umaga
Buhos ng ulan
Simoy ng dapithapon
Sinag ng buwan
Batis na malinaw
Dagat na bughaw
Gayon ang Panginoon kong
Hesus ng aking buhay

Saan man ako bumaling
Ika’y naroon
Tumalikod man sa ‘yo
Dakilang pag-ibig mo
Sa aki’y tatawag at magpapaalalang
Ako’y iyong iniibig
At siyang itatapat sa puso

Tinig ng kaibigan
Oyayi ng ina
Pag-asa ng ulila
Bisig ng dukha
Ilaw ng may takot
Ginhawa ng aba
Gayon ang Panginoon kong
Hesus ng aking buhay

******

Here's sharing with you one of my favorite songs of praise. You may go to Youtube and watch the video and listen to the song Hesus ng Aking Buhay. It's truly inspiring.

HAPPY EASTER TO ALL OF YOU!!!