Thursday, February 25, 2010

COMMENTS & FEEDBACKS NA NAIPON

COMMENTS & FEEDBACKS NA NAIPON


-"PINAKAMAMAHAL KITA - - KAYA," ay isa na namang "very entertaining reading material", dagdag pa ang mga poems na bahagi ng ating hi-school days- the good old days. The whole thing, the story and the poems, triggers flash back or balik alaala ng ating nakaraan, dahil iba na ang panahon ngayon. Sana marami pa ang tulad ni Noel, na naging matatag at maginoo sa huling pagsubok. (From MT) September 12, 2009 3:11 PM

(Ang totoo ay marami pa naman ang katulad ni Noel (sa ikalawang pagsubok) sa tunay na buhay. Kilala mo. Kilala ko. Kung bakit lamang agad tinatanggap ng marami rin sa kababaihan ang kapaniwalaang "talagang ganyan ang mga lalaki... nasa 'nature' nila ang 'tumuka sa lumalapit nang palay'". Kasi kapag tinanggap mo ito, at nalaman pa ng asawa mo na okey ka sa ganito, hindi malayong matukso nga sila at hindi na paglabanan ang mga dumarating na pagsubok. At least, nang unang matukso si Noel, malaya pa silang lahat. May nasaktan, ngunit walang nawasak na tahanan o kinabukasan.

Isa pa. Kapag nabalitaan naman ng ibang lalaki na ang isang kapwa nila lalaki ay tumanggi sa 'palay na lumalapit', ano ang kanilang sasabihin? Ay, mahina! Baka kuwan, alam mo na... So, 'andiyan na ang peer pressure. Tatanda na, may peer pressure pa.

Pero, kung buo ka, hindi ka madaling madadala!)


-Tama si Noel - "magaan ang buhay dahil sa alaala" For some, memories are enough to sustain us.
And thank God that you are almost fully recovered from the onslaught of Ondoy and we can look forward to more of your "kwentos".

Happy New Year to you and yours! (From EVD)

(Sa pakiramdam ko, feel na feel mo ang sinabi ni Noel na “magaan ang buhay dahil sa alaala”. At salamat sa mga pag-alaala at tawag at pangungumusta ninyo. Malaking tulong ito sa pagpawi ng aming mga pagod ng mga araw na iyon.)


-Nice to hear from you again, Eve. May the new year bring also to you and yours all the wishes you sent to us .. your readers. (From PV)

(At muli, ang aming taos-pusong pasasalamat sa inyong kagandahang-loob!)


--Dir 'Insan Eve,
Mag-nilay-nilay ka lang. W/ all these holidays coming, plus the ordeal you
just went through, you need to pace yourself. Hangad kong makabasa muli ng mga kwento mo,pero handa akong mag-intay.

Hope everything is getting in order for you. Go slow, n don't be hard on
yourself. Love, live n laugh as you have always been. Ito po yong 'insan. (From Ibs)

(Siempre, tuloy ang ligaya. May napuna nga ako sa akin at sa aming pamilya during and after Ondoy. Naroon agad ang attitude of acceptance sa nangyari. Nanghihinayang, pero nag-let go. At walang humpay na trabaho. Ang masaya, overwhelming ang support na aming tinanggap – dasal, kumusta, email, tawag sa phone, in kind, moral at financial – nakatataba talaga ng puso.

Kaya sa inyong lahat diyan, at alam naman ninyo kung sinu-sino kayo, maraming, maraming salamat na muli.)


-Kumusta na kayo diyan pagkatapos ng baha? Lagi kaming nakikibalita noong kasagsagan ng baha. Sana by now everything is back to normal. I know napakahalaga sa inyo ang mga gamit at koleksyon ninyo, di kayang tumbasan ng pera. Sana Evelyn maayos mo na ang mga nabaha mong kopya ng mga obra mong mga kuwento. Take care and God Bless you and yours. (From Baby & Ben J.)

(Mabait ang Diyos! Lumubog nga ang koleksiyon ko ng Liwayway na kinalalathalaan ng aking mga kwento. Hindi ko agad ito naasikasong buklatin. Sa halip, ang inuna namin ay ang mga nabasang damit at kasangkapan at mga dokumento. Huling priority na ang Liwayway at album ng mga pictures. Akalain ko bang matagpuan ko ang isang kalipunan ng mga duplicate copies ng mga kwento na sinulat ko sa aking lumang Underwood? At iyon namang mga nasa computer, akalain ko bang nagawan ng paraan na ang hard disc ng nabahang computer ay binasa pa ng kabibiling CPU? Ay laking pasasalamat ko talaga. Kaya... all is well that ends well... At salamat sa inyong lahat!)


-How are you doing after the flood? I heard you got hit hard. I hope you and your family are fine. We were so deep in some hospital treatment that time, but Bella kept updating us almost everyday, and we did not forget to offer prayers that you might be well taken cared off. Prayers and Thanksgiving wishes.

Hope everything is back to normal...We are taking a break ...and now we are with classmates on a Queen Mary 2 cruise. We are trying to unwind. Thanks for all the stories, a nice break for me and a time to enjoy happy thoughts of the island. Warm greetings. (From J & C PdL

(We are also happy to hear that you and yours are doing fine. Nagpapasalamat din kami sa mga pag-alala at dasal. Natutuwa ako na nag-e-enjoy ka naman sa mga kwento sa blog. Naipagmamalaki ko tuloy na kahit paano, may silbi ang aking blog postings. Hope to see you sometime, soon. Here... or there.)


-Isa na namang entertaining reading material to start 2010. Well done. Nabanggit mo ang kanyon kung bagong taon. Ang aming kanyon was made from steel cylinder, 6 inches diameter, 8 feet ang haba na nilalagyan namin ng karburo at kaunting tubig. Sa lakas ng putok, nagagalit ang aming mga kapitbahay dahil nagugulat,natatakot at nalalaglag daw ang mga dumi at agiw sa loob ng kanilang bahay. Hanggang ngayon, ito'y binabanggit sa akin ni Boy Jimenez kung kami ay nagkikita. (From Mon) January 3, 2010 6:49 AM

(Ganoon ang selebrasyon natin ng Bagong Taon noong araw. Ngayon ba, paano kayo sumalubong ng Bagong Taon diyan sa ibayo ng dagat? Naikwento sa akin ng aking anak na hinahanap-hanap niya diyan ang klase ng aming pagdiriwang na kinalakhan niya rito sa Marikina, hindi lamang ang masaganang pagkain kundi pati ang ingay ng putukan sa paligid. Kaya... ang ginagawa niya ay yayain ang kanyang pamilya na magtungo sa Alexandria upang makapanood ng fireworks.)


MGA KWENTO NG ENERO AT PEBRERO

-Ganyan ang type kong wakas ng mga kwento; yun bang hindi na kailangang i-detalye pa ang mga pangyayari. Naiiwan na lamang sa isipan ng mambabasa ang mga susunod pa. MABUHAY ka. (From CPG)

(Naalaala ko tuloy ang isa kong kakilala noong nasa dorm pa ako. Nakabasa siya ng kwento ko at tigas na katatanong kung ano ang nangyari sa dakong huli, kung nagkatuluyan ang mga bida. Tanong ko na lamang sa kanya, e, gusto ba niyang magkatuluyan. Gusto raw niya. Aba, e, nagkatuluyan kung gano'n, sabi ko. Tawa nang tawa, bitin raw siya.

Tulad ng kwentong UMAGA NA. Sa kampi sa kay Rhodora, umasa sila na ito ang pakakasalan ni Paolo. Kaso nga, bihirang mangyari iyon sa tunay na buhay. Bagaman at may kilala ako, na nangyari ito, maraming taon na ang nakalilipas. Kaibhan lamang kay Rhodora ay hindi nakisama ang dalagang ito. Kahit umibig siya at ewan, kung nagkaroon ng tuwirang unawaan sila ng lalaki, inilihim nila ang kanilang relasyon. Nang yumao ang asawa ng lalaki, pinakasalan siya nito. Kung kampi ka sa dalaga, matutuwa ka. Kung kampi ka doon sa asawang buhay pa ay may inihahanda nang kapalit, maiinis ka.

Doon naman sa kwentong MAY ISANG BAGONG TATSULOK, iba naman ang nangyari. Parang nabaligtad ang pangyayari. Iyong dating ikatlo ang magiging parang asawa, at iyong asawa ang parang magigiging ikatlo sa relasyon. Tinanggap ng tunay na asawa ang situwasyon. Humingi lamang ng isang araw. Ang dating ikatlo ang ngayon ay babalutin ng agam-agam at pag-aalaala tuwing ang lalaki ay nasa piling ng dating asawa. Ay, buhay! May nangyayari bang ganito? To some extent, sa palagay ko, ay mayroon. Ironic, in a way...

At nitong nakaraang linggo, may tumawag sa akin mula sa abroad tungkol sa kwentong NATATANDAAN MO PA BA? Medyo niliwanag niya kung sino ang naging kapalaran ni Violeta. Pero ang pilit itinatanong ng mag-asawang ito ay kung sino kaya sa tunay na buhay, ibig sabihin, sino sa mga kaiskwela namin, si RIC. Kathang-isip, ang sagot ko. At kung mayroon man, composite lamang si RIC ng iba't ibang tao.)


-At mula sa isang tinanggap na text-

Sa kwentong ANG MAKALILIGAYA KAY CHITO, at MINSAN, ISANG ARAW NG MGA PUSO, nagpadala ng text feedback si LPP. Sabi niya, WHOLESOME daw ang aking mga kwento. Ibig sabihin siguro, nanaig ang moralidad. Salamat naman kung ganoon. Sana lamang, hindi pilit ang dating nito. Layon ko pa rin ay makatotohanan ang aking mga tema at kawili-wili namang basahin ang mga kwento.


-MARAMING, MARAMING SALAMAT SA MGA MAGANDA, MALAWAK AT MABUTING KWENTO MO, EVE.

HARINAWA AY MATANDAAN KO ANG MGA KAMANGHA-MANGHANG KWENTO NA ISINULAT MO; SAPAGKAT NAKALIMUTAN KO NA ANG KINAIN KONG MASASARAP NA NILUTO NG PINAKAMAMAHAL KO SA BUHAY NA SI B--- PARA SA ALMUSAL (MGA KAUNTING PANAHON LANG O DALAWANG ORAS LANG ANG NAKAKARAAN).

OUAH ! (THAT'S FRENCH FOR "WOW !") (From Eddie)

(And I say MERCI ! Alam mo, Eddie, natutuwa akong binabasa mo pala ang aking mga kwento. Tuloy makatulong ako sa paghasa ng iyong pananagalog. Ikatutuwa ito ng iyong pinakamamahal, dahil siya ay isang taal na Bulakenya. Siguradong ipagluluto ka ng lalo pang masarap na almusal.)


--Hello Ms Eve. Thanks for the beautiful story...
The two February stories ...it's a long literary reading experience...but it's a rare occasion to reminisce yesteryears life in Pilipino...
Thanks for the experience... (From M. Bernal)

(Thank you. Salamat. I'd like to hear from you and all the other readers. Share with everyone kwentos about people that may have the same experiences and happenings as the characters in the stories you have read. We don't have to name names. We are after the lesson that can be gleaned from the experience. Baka makatulong ito sa mga babasa na nagdaraan sa mga ganoong pagsubok sa buhay. We are not moralizing, nagkukwento lamang tayo, di ba?)


Isa pang text message na di ko binubura sa aking inbox:

-Salamat sa tunay na reyna ng makabuluhang love stories. Mabuhay ka. Karangalan kong textmeyt kita. Salamat sa Diyos at sa kanyang teknolohiya. (From LTR)

(Wow! Ang tanging masasabi ko ay ito: Na akin ang karangalang kakilala at ka-textmeyt ko siya. Kumpara sa akin na sinasabi niyang hinahangaan, si LTR ay isang tunay na awtor ng mga aklat na makikita ninyo sa mga bookstores, bukod sa pagiging isang propesor ng Filipino. Taga-Angono siya.)


-Are you still submitting to Liwayway? (From Rosal)

(Buhay pa ang Liwayway. Pero hindi na ako nagpapadala ng kwento roon. Napagpasiyahan ko nang asikasuhin na lamang ang mga kwentong nailathala nila mula noong una akong magsulat hanggang ngayong 2009 at ibahagi ito sa mga hindi pa nakababasa. Sana nga, mas maraming makaalam ng aking blog, dahil sa ilang pagkakataon na nakakausap ko ang mga dating nakabasa na ng mga luma kong kwento, sinabi nilang “miss” na nila ako at “enjoy” talaga sila sa mga istorya ko noon.

Kaya, you may share my blog with others na interesado pa rin sa mga bagay na Pilipino. At may pi-Pinoy pa kaya kaysa mga kwentong nalathala sa Liwayway?)


Sa pagkakataong ito ay nais ko na ring pasalamatan ang ilang noon ay naligaw sa aking blog na wari ay naingganyong magbasa na at bumisita nang regular dito. Tulad ng taga-Germany, taga-Singapore, taga-Malaysia, at taga-UAE na nakita ko sa aking blog patrol na nag-bookmark na ng aking site. Sana'y makatanggap naman ako ng feedback mula sa inyo. Sa ibaba ng bawat posting ay makakakita kayo ng COMMENT at ito ay pwede ninyong i-click for your feedback.

Marami pa ring taga-ibang bansa ang napansin kong ulit-ulit ang ginagamit na keyword sa pagpunta sa aking blogspot, mula pa noong 2008. Salamat sa inyong lahat at para hindi kayo mahirapan, i-bookmark na lamang ninyo ang ---

eve-estrella.blogspot.com

Muli, salamat, at sana, enjoy kayo!

Thursday, February 18, 2010

KAUNTING PALIWANAG TUNGKOL SA KWENTONG “NATATANDAAN MO PA BA?”

KAUNTING PALIWANAG TUNGKOL SA KWENTONG
“NATATANDAAN MO PA BA?”


Nang isinasalin ko sa computer ang kwento mula sa duplicate copy na nahalungkat ko sa mga binaha ni Ondoy (salamat sa Dios dahil nawala na sa hiraman ang kaisa-isa kong kopya nito), wari ay nagbalik sa aking gunita ang mga araw ng pag-aaral sa high school.

Nabanggit ko na noong mga unang postings na bagama't kathang-isip lamang ang aking mga kwento, malimit na ang ginagamit kong background ng istorya ay mga lugar na totoo. Ang ikalawang kwento ngayong Pebrero na tungkol sa reunion ng magkakamag-aral ay isang halimbawa. Maliban sa karakter at paksa nito (na maaari namang nagaganap sa tunay na buhay) na hindi ko kinuha sa kaninumang buhay ng kaiskwela, ang pinangyarihang iskwelahan at school activities ay talagang true to life, wika nga, sa kahit saang high school sa bansa.

Ang nangyari tuloy, dahil sa pagragasa ng mga gunita, naisipan ko na balikan at tunghayan ang inilathala naming yearbook nang magkaroon ang klase namin ng isang grand reunion. Ang nakatutuwa ay ito:

Sa artikulo sa aming yearbook na may pamagat na GUNITA at SA PAKPAK NG MGA AWIT AT TULA na sinulat ng dalawa kong kamag-aral (ang isa ay nabanggit ko nang kaiskwelang itinuturing naming tunay na writer at poet, at ang ikalawa ay kapareho kong may literary inclination, halos pareho kami ng mga ikinukwento. Ganoon ka-true-to-life ang NATATANDAAN MO PA BA! Pero, nais ko lamang liwanagin na nang sulatin ko ang kwento at ilathala ito sa Liwayway ay noon pang kauumpisa ng dekada sitenta. Samantala, ang aming yearbook ay ginawa nito lamang taong 2003.

Lubha nga akong natuwa na naisipan ko tuloy na sipiin at isingit sa aking kwento.ang ilang bahagi ng artikulong GUNITA at SA PAKPAK NG MGA AWIT AT TULA Sana'y matuwa rin kayo... tuloy kahit paano, maingganya rin kayo na magbalik-gunita sa masasayang araw na ginugol ninyo noong high school.

NATATANDAAN MO PA BA?


NATATANDAAN MO PA BA?


HINDI pa tapos sa pagsasalita si Aida ay humahalakhak na si Elsa. Ang labingwlong taong nagdaan ay walang malaking ginawang pagbabago sa kay Elsa. Ito pa rin ang dating masayahing si Elsa. Mahipan lamang ng hangin ay nakatawa na.

“Ano ba,” tinampal ni Aida sa bisig si Elsa. Hindi naman nagbago si Aida. Dala pa rin nito ang ugaling manghampas kung nais tawagan ng pansin ang kausap.

At siya, siya pa rin ang dating tahimik, mapagmasid, palaisip na si Violeta. Ang mga tunay na sila, ang masayang si Elsa, palabirong si Aida, ang malalim, malimit na hindi maunawaang siya. Lahat sila ay hindi nabago nang labingwalong taong lumipas. Mula nang sila ay tumayo sa ibabaw ng isang malaking entablado, sa harapan ng bagong gusali ng kanilang paaralan at umabot ng kanilang diploma, katibayan sa pagtatapos sa high school, at sa maramihang tinig, ay sabay-sabay na umawit ng loyal schoolmates come together, be glad and let us sing...

(… ang finale, ang katuparan ng mga batang pangarap, the beautiful ending in a beautiful story, that unforgettable Sunday, April 20... taimtim sa paglakad... hindi malaman kung ngingiti o iiyak... pasulyap-sulyap sa magulang... habang tinutugtog ang Grand March buhat sa operang Aida ni Giuseppe Verdi... ang kaguluhan, tawanan, kamayan at yakapan, matapos ang seremonya... hawak sa kamay ang isang puting coupon bond... nakabilot.... may taling green and gold ribbons... ang simbulo ng tagumpay pagkaraan ng apat na taong pag-aaral...)

Tuloy ang hagikgik ni Elsa. “Naalaala kong bigla si...si... ano nga'ng pangalan noon? Iyong taga-Buguion. Na matangkad at...”

“Si Ichabod Crane!” bulalas ni Aida.

Sabay-sabay, naghalakhakan sila. Tawa. Tawa ng mga kabataan sa isang kabataang paksa. Paksang halos wala namang kabuluhan. O katatawanan. Nagkataon lamang na isang paksang bahagi ng isang masayang nakaraan. Isang mukhang katawa-tawa o katuwa-tuwa sa libong mga mukhang nakasalamuha. Noong araw. Noong panahong sila'y nag-aaral. Sa mataas na paaralang panlalawigan.

“Marami na raw ang nabago...” bigla, nasambit niya.

“Nasunog na raw ang old building,” wika ni Aida.

(… ang “old building” na kung saan tayo “Lumipat” noong Pebrero 15... at ang karatig nitong sawali building na sa kakapusan ng mga silid-aralan ay hinati upang maging apat o limang classrooms... hanggang ngayon, isang palaisipan pa rin sa akin kung bakit ang ilan sa ating mga kaklaseng lalaki ay namamahinga kung vacant period, sa ilalim ng old building, kahit maligo sa pawis...

… ang old building , ang sawali building at maging ang new building ay mga bahagi na lamang ng alaala. Ang old ay nasunog, ang sawali ay giniba at ang new ay inilipat ng lugar...)

“Naroon pa kaya ang triumvirate?” tanong niya.

At muli, inihit ng tawa si Elsa. “Aling triumvirate? Iyong monumentong nasa harap ng new building? O iyong tatlong diyanitor?”

“Na si Ba Magno!” muntik nang natabig ni Aida ang basong pampalamig sa ibabaw ng hapag.

“At si Ba Hilarion!”.

“At si Ba Ponso!”

“Sino ngang kongresista iyon na nagpalit ng pangalan ng ating high school?”.

Matagal silang natahimik. Bawat isa sa kaniyang mga isipin, ngunit sa iisang paksa. Panahong nagdaan. Sa paaralan sa lalawigan.

Ang mga flag ceremony sa umaga. Land of the morning ,child of the sun returning ,with fervour burning, thee do our souls adore....

Ang Panatang Makabayan...iniibig ko ang Pilipinas, na siya kong tinubuang lupa...

At ang mas mahaba, mas gusto nilang talumpati ng mga guest speakers, dahil iigsi ang oras para sa aralin nilang pang-umaga....

Ang inaabangang pag-awit ng Glee Club at paghawak ng baton ni Misis Santiago...

Ang ngayon ay obsolete ng kanta, friendly with America, let her always be, heaven watch the Philippines and keep her forever free....


Nabigla si Violeta sa naramdamang tampal sa kanyang bisig. Ang mga mata nina Aida at Elsa ay nakapako sa kanya. “Ano'ng sagot mo?” sabay tanong ng mga ito.

Napatawa siya. “Ano bang tanong n'yo?”

Saglit na nagtinginan ang dalawa. Saka makahulugang tumango-tango. Si Elsa. Hindi nakangiti at pormal na pormal ang nagtanong. “Dadalo ka ba sa ating reunion?”

Bigla ang mukha ni Elsa ay napalitan ng larawan ni Ben. Si Aida, ni Ric. Sunud-sunod ang kanyang pag-iling. Ewan. Ewan...


SI BEN AT SI RIC ay matalik na magkaibigan. Noon. Sila ni Ric ay mag- steady. At silang tatlo ay magkakamag-aral. Mula elementarya. Doon sa central. Sa tapat ng templo ng mga mason. Hanggang high school.

Ang unang taon sa high school ay sa lumang munisipyo nila ginugol. Doon sa tabi ng ilog. Ang dati ay malalim at maluwang na ilog na gumagapang sa kahabaan ng baryo Tampoy. Sa matandang gusali na yari sa bato at tisa, tulad ng ilan pang natitirang bahay sa Barasoain, Ang gusaling kung tawagin ay presidencia, ang relik na gusali na giniba upang ang lugar ay pagtayuan daw ng gasolinahan, na ipinatigil ang paggiba ng isang historical society ng Bulacan, ang gusaling hanggang ngayon ay giba pa rin at hindi pa naipaayos. Doon. Doon sila nag-first year nina Ben at Ric. Trese siya. Katorse ang dalawa.

(… ang naiibang amoy ng ilog sa tabi ng Casa Real, lalo na kung high tide... ang Casa Real ang naging saksi sa ating unang pagkikita noong first day ng high school years at sa loob ng halos walong buwan ay naging pangalawang tahanan para sa atin...

… ang panananghalian natin nang taong iyon... ang karamihan ay sa palengke, ang iba'y sa mga tindahan at karinderya sa paligid-ligid at ang iba ay sa kanilang mga bahay... samantalang buhat sa radyo (de-kuryente, kaibigan, dahil ang transistor ay ilang taon pa bago natuklasan) ay naririnig natin ang mga soap operang “Gulong ng Palad” at “Ilaw ng Tahanan”... at bago maghapunan naman ay may “Prinsipe Amante”.)

Pinakamarunong sa kanilang tatlo si Ric. Bagaman at hindi ito ang nasa ulo ng klase. Magkapareho na siguro sila ni Ben. Ngunit daig siya ni Ben sa numbers. At sa kabisahan naman ay talo niya ito. Kung minsan, pati si Ric.

May kani-kaniyang ugali ang mga guro tungkol sa sitting arrangement ng mga iskwela. Si Miss Reyes ay lagi nang ayon sa taas ng grado sa iksamen. Ang pinakamataas ang pinauupo sa kahuli-hulihan. Kaya, hindi na rin naglalalayo ang upuan nilang tatlo. Si Mrs. Gonzales naman ay ayon sa unang letra ng apelyido. At sapagkat siya ay Reyes, si Ric ay Santiago at Santos naman si Ben, may mangilan-ngilan lamang na nasasalit sa kanilang hilera,.

Mag-steady nga-sila ni Ric. Ngunit si Ben lamang ang nakaaalam. Wala nang iba. Si Ben ang taga-abot ng sulat ni Ric, kung may gustong sabihin ngunit hindi naman siya makausap. Si Ben ang ganire. At si Ben ang ganoon. Kung tutuusin ay madalas pa niyang kausap si Ben kaysa kay Ric. Pero, iyon naman ang gusto niya.

Noong panahong iyon, hindi uso ang makipag-steady nang trese anyos lamang. At iniilingan ng lahat ang mga tinedyer na babai at lalaki na laging magkadikit at nagbubulungan ng mga sweet nothings. Noon... ang mga trese anyos ay naglalaro pa. Kaya siya, kasama ang kabarkadang sina Aida at Elsa, suot ang kanilang bloomer na pang PE, ay tigas na kaluluksong-tinik. Doon sa may tabi ng ilog. At kung pagod na sila, ay uupo sila sa bangkito ng tinderang si Dely, sa tabi ng post office. At magkukwentuhan. At maghahagakgakan. At maghuhubad ng pump shoes at magpapahangin ng mga paa.

Kung minsan ay nakakalaro nila ang mga lalaki. Si Ben at si Ric. Si Edy na taga-Guiguinto. Si Roland na taga-Catmon. Si Resti na taga-San Juan. Naglulubigan sila. Sa kondisyong kaunting ingat sa pagtaga ng mga lalaking nakataya sa lumulubig na babae. At kadalasan, nagpre-presong pung sila. At hanggang sa pagliko ng kalsadong patungong baryo ng Caingin ay nakararating sila sa pagtatago.

Bago natapos ang taon ng aralan, lumipat sila sa may kapitolyo. Sa kalakihan ng paaralang panlalawigan. Sa kalawakan ng mga damuhan. Sa kaliliman ng naglalakihang puno ng mga akasya sa paligid. Sa mataas, maluwang na grandstand sa provincial athletic grounds. Sa mga karihang naghilera sa highway. Beinte nire. Beinte noon. At diyes na kanin. At daan...libong istudyante.

(… nang sumunod na mga taon, ang mga boys na may baong nakabalot sa dahon ng saging ay sa Agronomy, Horticulture, Automotive o sa Grandstand kumakain, na kadalasan ang ulam ay itlog, prito o hardboiled, tuyo, tinapa o pritong bangos, come to think of it, wala pa yatang tilapia o galunggong noon... swerte na kung makapagbaon ng pritong baboy, tapang baka o adobong manok minsan isang buwan... samantalang ang mga girls na may baon din ay sa cafeteria o sa loob ng mga rooms kumakain... at 'yong mga “can afford” ay matatagpuan kung tanghali sa mga karinderia sa harap ng provincial capitol at ang paborito ng marami ay ang turu-turo ni Ka Pisang... biro mo, sa halagang beinte sentimos lamang, may minudo o apritada ka na, kaning bagong saing, mainit na sabaw at malamig na inumin.)

Sa mga unang pagkakataon, dumalas ang paglapit sa kanya ni Ric. Na lubha naman niyang ikinatuwa. Ang kanilang grupo, silang tatlo at saka sina Aida at Elsa ay isang kilalalng barkada. Marurunong . Mga guwapo. Mga guwapa.

(… ang gulo, ang tawanan, ang biruan ng mga barkada... kung nagkakatipon while munching peanuts, feasting on butong pakwan, drinking coca-cola, Goody Rootbeer or Mission Orange (ang beer, rum, gin at lalo na ang drugs ay hindi pa bahagi ng sessions ng mga kabataan noon), at sharing secrets...)

Sa malimit na pag uusap, unti-unti, may nasilip siya sa katauhan ni Ric.

“Mataas ang pangarap ko sa buhay,” sabi nito.

“Kasama ba ako roon,” biro niyang tanong.

Makahulugan ang sagot ni Ric. “Kung gusto mo bang sumama.”

Di kasi namang gusto niya. Sapagkat mahal niya si Ric. Mahal na mahal. Isa pa'y wala namang masama sa ambisyosong tao. Kaya, tumango siya. Oo... oo.

Kasama si Ric sa unang lima nang magbigayan ng card. Sila ni Ben ay sa huling lima ng sampung nanguna.

Sophomores. Sa old building . Medyo nagkahiwalay ang grupo. Madalas na wala si Ric. Maraming extra-curricular activities. Si Ben ay bihira na ring sumama.

Ang pangalawag taon sa high school ay ang taon ng pagkakaroon ng damdaming ako... kami ay kabilang sa paaralang ito. Tse, hitsura lang ng mga juniors. Akala mo naman kung sino. Pero crush nila ang mga lalaking seniors. Si Ador. Ang puti. Ang balbon na si Rading . Ang palabating si Tony.

Isang taong nawala sila ni Ric. At ni Ben. Ang dalawa, sa kapwa nito mga lalaki. Nahuhubog, nalilinang ang pagkalalaki. Siya, sa kanyang mga kaiskwelang babai, sa kanilang hindi maikakailang pagbabago. Sa pagiging tunay na babae.

Sweet violets, sweeter than the roses,
covered all over from head to toe...

May ibinubulong si Ric. I love you. I love you. My sweet violet...

Juniors prom.

(… at ang memory ng ating first dance... kailan nga ba ang ating unang sayaw, kailan ito naganap, kailan natin ito naranasan? Marahil, iba-ibang pagkakataon ang ating first dance... ngunit sigurado, walang pagkakaiba ang mga sayaw... kung hindi slow drag, marahil ay waltz, cha cha, mambo... gayundin ang mga awit... You're Breaking my Heart, No Other Love, Kiss of Fire, Cold, Cold Heart, Tennessee Waltz, I Went to your Wedding...

… at malilimot ba natin ang “sen-sen” na nakababad sa bibig upang kahit malapit, dahil nagsasayaw, ay hindi maka-offend ang pagbulong ng mga sweet nothings...)

Nagsayaw sila ni Ric. Ngunit minsan lamang. Abalang abala si Ric. Chairman ito ng kung anong committee. At kasapi sa kung saan pa.

Panay ang sayaw sa kanya ni Ben. ”Ihinabilin ka ni Ric sa akin.”

Umingos siya. Masama na ang kanyang loob. Lalo na nang sabihing hindi siya masasabayan sa pag-uwi ni Ric. “Sorry, Violet. Kailangan pa ako dito. Si Ben na lang.”

Si Ben na naman.

“Sorry Violet,” sabi ni Ben.

“Bakit?” nagtataka niyang tanong.

Nagkamot ng batok si Ben. At nagtawa. “Kasi, kasi alam kong mas gusto mong kasabay si Ric.”

Umungol siya. “Busy lagi.”

Nang ikatlong taon sa high school, lumipat na sila ng building . Sa bago. Sa tabi ng pambansang lansangan. Paharap sa dakong hilaga. Kita ang mga nagyayao't dito na mga sasakyang galing sa Baguio, sa Ilokos. At ang mahaba, kumikiwal na tren.

“Mahal kita. Ikaw lamang .. “ ang sabi ni Ric.

“Kung totoong mahal..” hindi na niya nasundan ang kanyang sasabihin. Barado na ang kanyang lalamunan.

Ang dahilan. Opisyal ng PMT si Ric. Ngunit hindi siya ang kinuhang sponsor nito. Ang ikinatuwiran pa ay napasubo sa pagtango sa anyaya raw na birong totoo ng anak na dalagita ng kanilang prinsipal. At ang sabi pa, nariyan naman si Ben. Gusto ka niyang kunin, nahihiya lamang sa akin.

Isinali pa si Ben. Iginawa pa ng istorya si Ben.

Siya ang naging sponsor ni Ben. At pinagbuti niya ang kapit sa bisig ni Ben. At pinanay niya ang ngiti at tingala sa kay Ben. At nang matapos, nagtaka pa siya. Dahil enjoy siya.

Kasama pa rin sila sa sampung nanguna sa pangatlong taon. Ngunit si Ric ay pumangalawa na. Noon, sa unang pagkakataon ng kanilang high school romance ni Ric, nakadama siya ng pangamba. Tumataas si Ric, tulad ng pangarap nito para sa sarili. At parang siya ay naiiwan. Sa tingin niya, iba na ang ginagalawang daigdig ni Ric. Gayong pareho sila ng seksiyon. Ang una. Pareho silang miyembro ng mga organisasyon sa paaralan. At kapwa kasapi sa staff ng pahayagan.

Seniors na sila. Isang taon na lamang. Isang taon na lamang sila. Ni Ric. Gayon ang pakiramdam niya sa sarili. Samantala, patuloy ang nakatatawa nilang relasyon ni Ric. Natatawa na lamang siya. Dinadaan niya sa tawa. Dahil kung hindi...

At hindi siya makapagreklamo kina Aida at Elsa. Gayon siya katahimik. Isa pa'y ipinagmamakahiya niya ang sarili sa kalagayang alanganin. Nagmamahal, pero parang hindi naman masyadong minamahal. Sa pagdaraaan ng mga araw, nakabuo siya ng pasiya.

At natapos ang taon ng aralan. Ang apat na taon sa high school. Apat na taon nila ni Ric. Wala na ang mga last minute quiz at pagmamartsa sa initan. Ang paggawa ng bag na rafia at pagluluto ng adobo sa home economics. Ang pagtitinda sa school cafeteria. Wala na ang sigawan at kantiyawan kung may laban ang team ng basketball o volleyball o softball sa mga athletic meet. O ang walang habas na palakpakan sa mga oratorical contest. Wala na sila ni Ric. Alam niya. At sa gabi ng graduation, pagkaraan ng isa, dalawa nilang sayaw, nag-usap na lamang sila.

“Mabuti pa Ric, buti pa'y hiwalay na tayo.”

Ganon lang. Akala niya'y hindi niya masasabi, dahil sikip na sikip ang kanyang lalamunan at nais magbara ng kanyang ilong sa nagbabantang pag-iyak..

Humingi ng paliwanag si Ric.

“Kasi, alam mo, possessive yata ako. Mapaghanap. Gusto ko kasi sa boyfriend iyong... iyong may panahon lagi. Para sa akin.”

Nagbuntong-hininga si Ric. “Doon ako kulang, Violet, pero, mahal naman kita. Naniniwala ka, di ba?”

Hindi kaagad siya nakasagot. Kalaunan, sabi niya. “Ewan. Kasi, ang talagang gusto ko'y nakikita ko ang pagmamahal na iniyuukol sa akin.”

Hinintay niyang sabihin ni Ric na magbabago ito. Magpaliwanag na kaya lamang ito walang oras para sa kanya ay sa dahilang nag-aaral pa sila. At mangako na darating din ang panahon para sa kanilang dalawa. Dahil kahit na may alinlangan siya, kahit hindi siya nakatitiyak, bibigyan niya ng pagkakataon ang apat na taon nilang unawaan.

Ngunit hindi kumibo si Ric. At iyon ang simula ng kanilang paghihiwalay. Sa katapusan ng apat na taon nilang pag-aaral sa high school. Apat na taon nila.


SA REUNION, wala si Ric. Wala pa nang sila ay dumating. Ngunit nangako raw
na darating kasama ang asawa. Si Ben ay kasalamuha ng mga lalaki. Nagkakatuwaan. May binubuska. Kaiskwela nilang si Ver. Wari ito ay binata pa rin at ayaw patali.

Sa pagitan ng pag-aasikaso sa pagkain ng dalawang anak na kasama, at sa pakikipag-usap kina Elsa at Aida, sinusuyod ng tanaw ni Violeta ang buong paligid. Ang grupo nina Ben ay kinabibilangan ng sampung nanguna sa kanilang pagtatapos. Ang nagtapos sa PMA na si Nestor, ngayon ay kabilang na sa mga mataas na opisyales ng yate ng pangulo ng bansa. Ang doktor na si Orlan. Si Romeo na professor sa isang graduate institute. Ang arkitektong si Fidel. Ang tanyag na manunulat na si Lamberto. Ang wala lamang ay si Ric.

Abala ang mga babae sa pagpapakain sa mga kasamang anak. Sa paghabol sa mga tumatakbo. Sa pagsaway sa mga nag-aaway. Next time, sabi ng isang kaiskwela, hindi natin isasama ang mga tsikiting, di tayo makapag-tsismis!

At tulad nang dati, ang mga malapit sa guro noong araw ay siya ring kausap ng mga guro sa ngayon. Ang mga musa at sweetheart noong araw ay siya pa ring pinagkakaguluhan ng mga lalaki ngayon. At hindi naiiba sa kalakaran ng mga reunion ng mga dating magkakamag-aral, ang mga asa-asawa ng mga ito, mababae o malalake, ang siyang nasa likuran. Tagapakinig. Tagatawa. Ang ibang mga listo o lista ay nakikisagot.


Isang lumang awitin ang pumapailanlang, nakikisingit sa di magkamayaw na ingay at tawanan sa paligid. I was dancing with my darling to the Tennessee waltz, when an old friend I happened to see...

(Gunitang binubuhay, kamalayang ginigising... damdaming pinupukaw. Di ba't bumabalik sa alaala ang nakaraang kahapon sa tuwing maririnig natin ang mga himig at nota ng mga awit ng ating kapanahunan?)

“Mommy.... “ ang iniinom na softdrink ay tumapon sa dibdib ni Eric. Nakadama si Violeta ng pagkayamot. Binihisan pa naman niya nang husto ang anak , dahil gusto niya, kapag nagkita sila ni Ric...


SA MAYNILA, magkakaiba sila ng pinasukang pamantasan nina Ric at Ben. Ngunit si Ben lamang ang madalas na nakaalalang dumalaw sa tinitirahan niyang kasera. Wala na si Ric. Bagaman at lahat ng balita tungkol dito ay alam niya. Dahil sa kina Aida at Elsa. Iba na naman ang girlfriend ni Ric, Violet.

Nagkibit siya ng balitkat. Hayaan mo siya.

Sumabad si Elsa. Alam mo na, e collect and collect, and then, select.

Nagtawanan sila. Noon ay kay dalas niyang maisip, marahil, hindi siya makatagpo ng isang katulad ko. Marunong . At maganda. Ngunit alam niyang pang-aaliw lamang ng loob ang kanyang ginagawa. Sapagkat ayon sa mga balita, sa bawat pagpapalit ng kasintahan ni Ric, ang babae ay higit ang ganda at dunong sa sinundan. Nasaktan siya. Hindi lamang niya matalos kung ang kanyang pride. O ang kanyang pusong umiibig.

Sabi ni Elsa. “Mahal mo pa ba siya, Violet?”

Matagal na inisip niya ang sagot. “Hindi na. Talagang hindi na. Ngunit hindi ko pa rin siya makalimutan. Marahil dahil sa ako ang nakipagkalas sa kanya. At hanggang ngayon ay iniisip ko pa kung tama ang aking ginawa. At kung mauulit ang mga pangyayari ay maiba ang aking desisyon.”

Iba naman ang sinabi ni Aida. “Ambisyoso si Ric.”

“Anong koneksiyon?” tanong naman ni Elsa.

“Kung hindi si Violeta ang nakipagbreak sa kanya, siya ang makikipag-break, hindi mo ba nakikita ang pattern?” tumawa pa si Aida.

Ang pattern na sinasabi ni Aida ay hindi kaagad niya nakita nang siya ay nasa high school. Sapagkat bata pa siya at hindi pa hinog ang kanyang pag-iisip. Ngunit ito ay maliwanag niyang nadama. At ang damdaming ito ang nag-udyok sa kanya na makipagkalas kay Ric. Ang kawalang-panahon para sa kanya, ngunit may panahon sa mga bagay na makapagpapalawig sa mga pansariling pangarap. Noon, sa high school, ang mga pakikihalubilo sa mga taong nasa itaas. Kaibigan, kaanak, ng mga guro at prinsipal...

Si Ric ay hindi nga niya nagawang limutin kaagad. Si Ric ang kanyang unang pag-ibig. At ang larawan nito ang naging huwaran niya sa paghanap ng tatanggaping mangingibig. Anong sasabihin ni Ric kapag nakita nito si Bert. Baka magtawa ito. Marunong si Bert, pero hindi naman guwapo. Marunong at guwapo si Nonoy, pero garil namang managalog. Marunong at guwapo at taal na tagalog si Ariel, pero...

“Ano ka ba?” minsa'y sinabi ni Ben. “Ang hinahanap mo ba'y boyfriend o panlaban kay Ric.”

Ang sagot niya. “Iyong ang mga katangian ay halos katulad ng kay Ric. Plus iyong wala sa kanya na hinahanap ko. At siyempre, iyong mahal ko at mahal ako.”

Hindi naglaon, natagpuan niya ang lalaking hinahanap niya. At nagulat pa siya. Dahil hindi naman pala kailangang magkasama-sama ang mga katangiang hinahanap niya. Mahalaga lamang ay mahal na mahal siya. At mahal na mahal niya ito.

Sa kabila ng lahat, nagdalawa pa rin ang kanyang loob sa pagdalo sa reunion. Kinantiyawan siya nina Elsa at Aida nang magkita-kita sila bago dumating ang okasyon.

“Baka sabihin na lang ni Ric, in love ka pa rin sa kanya.” sabi ng mga ito.

Kay layo sa katotohanan. Samantala, ngingiti-ngiti lamang ang kanyang asawa. Hindi lihim dito ang kanilang nakaraan ni Ric. “Dadalo ba tayo?” tanong nito.

“Gusto mo ba?” sagot niya.

Tumawa ito. At nanukso. “Bakit ,natatakot ka ba? Kay Ric? Sa kanyang asawa?”

Inirapan niya ang kanyang asawa. “Ba't ako matatakot sa kanila?”

Ang totoo. Natatakot siya sa kanyang sarili. Sa magiging reaksiyon niya sa muling pagkikita nila ni Ric. Baka may magising sa kanyang sarili. Isang tulog na damdamin. Hindi pag-ibig, sapagkat natitiyak niyang wala na siyang ganitong saloobin para sa kay Ric.

Ang ikinatatakot niya ay ito. Ang madilat ang kanyang mga mata sa katotohanang nagbago na pala si Ric. Na ang hinahanap niya dito noong araw ay matatagpuan na niya rito ngayon. At sa gayong pangyayari ay makadama siya ng panghihinayang. Sa mabilis na pagpapasiyang ginawa. Noong gabi ng kanilang graduation. Labingwalong taon na ang nakalilipas. Kung magkagayon ay paano ang kanilang pagsasamang mag-asawa. Mahal niya ang kanyang asawa. Mahal na mahal. Kaya parang ayaw niyang magkita sila ni Ric. Ayaw niyang makadama ng pagbabago sa sarili. Sapagkat ayaw niyang magkaroon ng batik ang kanilang matamis na pagmamahalan. Ayaw niya. Para sa kanyang asawa.

“Kailangang dumalo tayo,” pasiya nito.

At naisip niya, kailangan nga. At tumango siya. Anuman ang mangyari, anuman ang maging kahinatnan, saka na lamang siya mag-iisip kung ano ang gagawin. Sa ngayon... ang lahat ay pinaghandaan niya. Mula sa barong-tagalog na isusuot ng kanyang asawa hanggang sa medyas ng mga bata. At ang may cutwork na tela na ipinatahi niyang pantsuit.

Sila nga ay dumalo. Ngunit bago sila lumakad, bago sila lumabas ng silid ng kanilang tahanang mag-asawa, inakbayan siya nito at pinisil sa balikat at may ibinulong. Ito lamang ang tandaan mo. Mahal kita. Iyo ang aking buong pag-unawa.


"VIOLET!"

Tinanaw ni Violeta ang dalawang lalaking lumalapit sa kanya. Si Ben. At si Ric. Higit na mataas, higit na guwapo, higit ang pagtitiwala sa sarili na ibinabadya ng imbay ng mga bisig at ngiti ng mga labi, si Ric. Inakbayan ni Violeta ang kalapit na anak. Malamig na malamig ang kanyang palad sa mainit na batok ni Eric. At may kung anong lilipad-lipad sa loob ng kanyang sikmura.

Labingwalang taon, mula noon. Sila ni Ric. Sila nina Ben. Sa lumang minisipyo sa tabi ng ilog, sa pagbaba ng tulay. Si Ric na walang panahon para sa kanya. Si Ben na matiyagang taga-alalay niya, tagasunod, kasama. Isang sayaw sa Juniors Prom. Sorry, hindi kita maihahatid. Sorry, hindi ako makatanggi sa anak ng prinsipal.

At hindi man lamang tumutol si Ric sa ginawa niyang pakikipaghiwalay. Hindi man lamang nangakong magbabago. At ang uri ng kanyang hinahanap na pag-ibig. Ang pag-ibig na laging may panahon, kahit sandali, para sa isang minamahal.

May tiwala na ang kanyang ngiti nang abutin ang kamay ni Ric. Alam niya, nakapako sa kanila ang mga mata ng mga nasa paligid. “Violet, hindi ka nagbabago. Sweet violet, sweeter than the roses...” bati nito.

Tumawa siya at sinulyapan si Ben. Na tumawa rin at sumuntok sa bisig ni Ric “Nasa pagdadala iyan, pare ko...”

Nginitian at kinausap ni Violeta ang maganda at ismarteng asawa ni Ric. At nawala sina Ric at Ben sa grupo ng mga kalalakihan upang magbalik lamang kaagad at magpaalam. “Aalis na kayo!” takang-takang tanong ni Violeta sa asawa ni Ric.

Si Ric ang sumagot. “Gusto ko lamang talagang makarating dito. Kahit saglit. Pero may kompromiso ako ngayon.”

Ang ngiti ng asawa ni Ric ay may kasamang bahagyang taas ng kilay. “Golf,” sabi ito.

“Well...” nagtawa is Ric. “Sa golf links ginagawa ang mga importanteng disisyon, hija, at ang kalaro ko yata ay ang may ari ng...”

Naisip ni Violeta, labingwalong taon, wala pa ring malaking ipinagbago si Ric. Ito pa rin ang dating si Ric. Na ang mga mata ay laging nakatuun sa mga bagay lamang na maaaring mapakinabangan. Hindi na bale ang iba na kung tutuusin, hindi naman masama. Kaya lamang, hindi ganoon ang pangarap niyang buhay.

Naramdaman ni Violeta ang isang marahang pisil sa kanyang balikat. At nalingunan niya si Ben. Nakangiti. Ang dati pa ring si Ben. May ibinubulong, mahal.

At tumango siya sa asawa. Oo, Ben. Mahal.

At umiling siya. Hindi. Walang pagbabago. Ikaw lamang.


LIWAYWAY, HUNYO 1971

Wednesday, February 10, 2010

MINSAN, ISANG ARAW NG MGA PUSO

MINSAN, ISANG ARAW NG MGA PUSO

BINITIWAN ni Elsa ang hawak na valentine card. Pinagmasdan niya ang lalaking nakatayo sa tuktok ng hagdanang pababa sa card section ng Shoemart Makati. Ang limang taong nagdaan ay walang dinalang pagbabago sa kaanyuan ni Daniel. Matikas pa rin ang tayo nito. Magandang magdala ng damit.

Saglit na pinaraanan ng tingin ni Elsa ang sarili. Wala rin naman siyang malaking ipinagbago. Slim pa rin siya. At sapagkat maliit siya, petite, wika nga, ay talagang cute, papuri niya sa sarili. Muli, ibinalik niya ang pansin sa pinamimiliang valentine cards. Si Kupido, may hawak na palaso. Kulay rosas na bulaklak. Kulay pulang rosas, isang pulang balloon, may nakasulat na I love you. Hindi mapigilan ang sarili, muling hinanap ng kanyang mga mata si Daniel. Naroon pa rin si Daniel, ngunit may ibang tinitingnan.


LIMANG taon na ang nakaraan, boyfriend niya si Daniel. Isang buwan bago dumating ang araw ng mga puso, ex-boyfriend na niya ito. Laking sisi sa kanya ng kaibigang si Noemi. “Kung kailan malapit ang valentine, saka ka nakipag break. Pambihira ka talaga.”

Nagkibit siya ng balikat. Pero hindi maawat si Noemi. “Paano ang wedding plans ninyo.”

Parang batang pinaliwanagan niya ang kaibigan. “Iyon nga ang dahilan. Nagsimula na siyang magplano tungkol sa kasal at waring hindi pa ako handa. Hindi pa sigurado sa sarili. I just want to be fair.”

“Hindi ka in love sa kanya,” usig ni Noemi.

“Nakadalawang taon kami. Two solid years. Pero parang kulang. Parang may hinahanap akong wala. Alam ko, ako ang may diperensiya. At inamin ko ito sa kanya. Alam ko rin, naunawaan niya ako. Pero siyempre, masakit rin para sa kanya. I felt like a heel.”

Sunud-sunod ang iling ni Noemi. “Wala ka nang matatagpuang tulad ni Daniel. Guwapo. Matalino. Good family. Magandang hanapbuhayl”

Ngumiti na lamang siya. Maganda rin naman siya. Marunong. Angkang may sinasabi sa kanilang probinsiya at okey rin ang trabaho. Good match talaga sila ni Daniel. Pero alam niya ang ibig sabihin ni Noemi. Hindi siya minemenos nito. Ayon sa statistics, higit na marami ang mga babae kaysa sa mga lalaki. And that's that.

Bisperas ng araw ng mga puso ng taong yaon, tumawag sa kanya sa telepono si Daniel. Nangungumusta. May hinihiling. “Elsa, puwede ba? Valentine na...”

Kay lalim ng kanyang buntong-hininga at kay haba ng kanyang paliwanag. “We've been through that, di ba. Akala mo siguro, Dan, hindi masakit sa akin ang ginawa kong ito. Mahal kita, alam mo 'yon, pero nang simulan mo nang banggitin ang pagpapakasal... I had to think things over. Marriage is a commitment. Kailangang kapuwa tayo nakatitiyak sa ating niloloob. Hindi lamang ikaw. Ako rin.”

“So, loveless valentine pala ako ngayon,” matamlay na wika ni Daniel.

Ewan niya kung bakit niya sinabi iyon. Matay man niyan isipin, hindi niya mawari kung ano ang nagbunsod sa kanya upang sabihin iyon kay Daniel. “Alam mo bang loveless rin si Noemi ngayong Valentine?”

Nang sumagot si Daniel, parang naiba ang tinig nito. “Noemi is a very nice lady.”

Bakit nga hindi. Gayon ang himig ng tinig ni Daniel. Bakit nga hindi.

Nang Valentines Day na yaon, wala siyang valentine. Sa unang pagkakataon, sa loob ng marami-raming taon, ni wala siyang tinanggap na card o bulaklak o regalo. Wala siyang manlilligaw. Alam ng marami na boyfriend niya si Daniel. Wala pa sigurong nakababalita na break na sila. At hindi na nga tumawag si Daniel sa kanya. Na okey naman sa kanya. Baka kasama si Noemi, sinunod ang sinabi niya. Naisip lamang niya, napakalaki pala ang kakulangang hinahanap-hanap niya sa pag-iibigan nila ni Daniel na ang ganoong pangyayari ay ni hindi nakabahala sa kanya. Siguro, naging magnobyo lamang sila ni Daniel dahil good match sila. Pero talagang may kulang. Na hindi naman niya matuunan ng daliri kung ano.

Napagpasiyahan niya sa araw ng mga puso na hindi siya uuwi nang maaga sa bahay. Buo na ang kanyang plano. Maglilibot siya. Sa Rustan. Tutuloy ng Quad, sa tindahan ng mga isda at aquarium, pusa't aso, mga ibon. Pagkatapos ay sa National Book Store. Saka mag-a-ice cream sa Magnolia. Pupunta sa Edsa, kukuha ng bus monumento, bababa ng Cubao, uuwi ng Marikina.

Siya nga ay naglibot. At talagang enjoy siya. Sa pagtingin-tingin sa mga designer bags at designer shoes at sa naggagandahang accessories na hindi halos niya pansin ang mga tao sa kanyang paligid. Nang magsukat siya ng isang bestido, nagulat pa siya nang sabihin ng saleslady. “Ipakita ninyo sa boyfriend ninyo. Tiyak, magugustuhan.”

Boyfriend, anong boyfriend ang tanong ay inihugis ng kanyang mga labi, ang pagtataka ay nasa kanyang mga mata.

Humingi ng paumanhin ang saleslady. “Akala ko'y boyfriend ninyo. Ang lalaking iyon... kangina pa sa tabi ninyo. Pinagmamasdan ang bawat kilos n'yo. Nakangiti pa. Parang siyang siya.”

Ang lalaking sinasabi ng saleslady ay higit na matangkad kay Daniel, tsinito, kulot ang buhok, very casual ang porma. Isang bagay ang kaagad na tumawag ng kanyang pansin sa kaanyuan ng nasabing lalaki. Kahit nag-iisa ito, nakatayo sa harap ng isang iskaparate na may nakadispley na manikin, para bang napakaganda ng iniisip na wari tuloy, sa anumang saglit ay mamumutawi ang isang ngiti sa mga labi nito.

Bigla niyang naisip, bakit nag-iisa ang lalaking ito gayong araw ng mga puso. Katulad rin kaya niya na walang valentine. Guwapo naman at maganda ang personalidad. Iyon bang tinatawag na easy charm, magaan. Bakit nga kaya?

Mula sa Rustan ay nagtuloy siya sa Quad, sa tindahan ng mga aklat. Nawala na sa kanyang loob ang lalaking kulot. Isang magandang valentine card ang nakaakit sa kanyang pansin, damdamputin na niya nang may nakasabay siyang kamay na kukuha rin dito. Naurong ang kanyang kamay at napatingin siya sa katabi. Ang lalaking kulot.

Ngumiti ang lalaki. “Ladies first,” anito.

Pinigil niya ang kanyang ngiti. “Sa iyo na lang,” kanyang sabi.

Bahagyang nandilat ang singkit na mga mata. “Aba, huwag, kawawa iyong mama. Hindi tatanggap ng card. Kahit huli na, better late than never.”

Nagkibit siya ng balikat. “Hayaan na. Wala na.” Tuloy-tuloy ang kanyang sagot, hindi na niya mabawi.

“Wala na?” nagbibiro pero nag-aanyaya ng tugon ang tinig.

Bigla ang paggitaw ng pangamba, ng pag-aalaala. Elsa, aniya sa sarili, anong nangyayari sa iyo. Baka akala ng lalaking ito, kung anong klase kang babae. Aba...

Sinulyapan niya ang katabing lalaki. Talagang matangkad ito. Hanggang balikat lamang siya. Nagtama ang kanilang mga paningin. Ngumiti ito. Alanganin. “Sorry, very presumptuous of me,” hingi nito ng paumanhin.

Ewan kung ano ang nangyari sa kanya, napangiti na rin siya. Okey lang, para bang ganoon. Na kaagad sinamantala ng lalaki. “I'm Roy. Roy Asuncion. Lahing Nueva Ecija. Tubong Quezon City.”

Ewan pa rin kung ano ang nangyayari sa kanya. “I'm Elsa,” maigsi niyang sagot.

Sa Quad pa rin, sa Magnolia, sa harap ng isang malaking supot ng barquillo at tigalawang scoop ng gold label para kay Roy at flavor of the month para sa kanya., nagkuwentuhan sila. Kung makipag-usap si Roy, palagay ang loob, para bang kaytagal na niyang kakilala. At sa kabila ng iwing pag-aalaala, nadarama niyang natatangay siya, naaakit na magtiwala.

“Takot ka pa ba sa akin?” tanong nito

“Bakit ako matatakot?” ganting tanong niya.

Si Roy. “Wala ka ngang dapat ikatakot. And believe me, Elsa, natutuwa ako na pumayag kang makipagkilala sa akin, isang istranghero. Wala kasi sa hitsura mo ang pumapasok sa ganitong sitwasyon.”

Umiling siya. “Nagtataka nga ako.”

“Pero bakit? Anong nag-udyok para ka pumayag. Sabagay, naguwapuhan ka siguro,” pagbibiro nito.

Humulagpos ang pinipigil niyang hagikhik. “Bumabagyo,” aniya.

Tumawa si Roy. Pagkuway nagseryoso. “E, ano nga?”

Waring napakaimportante kay Roy ang dahilan kung bakit siya pumayag, kaya nag-isip siya. “Madali lamang ang sagot,” nginitian niya si Roy. “At home ako sa iyo. Ewan kung bakit. Basta ganoon.”

Huminga nang malalim si Roy. “May ikukuwento ako sa iyo Elsa, huwag kang magtatawa. The story of my life. Bakit nag-iisa ako ngayon gayong Valentines Day.”

Sa loob-loob niya, narito ang sagot sa kanyang mga tanong. Nagpatuloy si Roy. “Nagbreak kami ng girlfriend ko. Walang malaking awayan, just a cooling off. Alam ko, sa likod ng pagiging civil niya, ako ang sinisisi niya. Para raw hindi ako interesado sa aming relasyon. Hindi ko maitanggi iyon. Dahil totoo.”

“May iba?” tanong niya.

Umiling si Roy. “Wala. Kaya lang, parang... parang may hinahanap ako na wala sa aming relasyon. Parang may kulang.”

Bigla ang pagsikdo ng kanyang dibdib. Naalala niya si Daniel. Ang dahilan ng kanyang pakikipagkalas dito. Mandin ay nalarawan sa kanyang mukha ang kanyang iniisip. Nagulat pa siya nang mapunang matamang nakamasid sa kanya si Roy. “Ikaw rin, ganoon.”

Hindi siya sumagot at nagpatuloy si Roy. “Nagdalawa na nga ang damdamin ko noon. Ang relasyon kasi namin, hindi lamang parang may kulang, kundi mabigat pa ring dalhin. Ewan ko kung naranasan mo na iyon.”

Napatango siya. Tumango-tango rin si Roy. “Kung sa mga kaibigan nga, mayroong sa una pa lang pakikiharap ay magaan agad ang dugo, parang matagal nang kakilala, e, di dapat, lalo kung nobya mo. Kaya, ayun, we parted ways. E, Valentines Day, walang date, namasyal na lang ako. At nakita kita. At nang makita kita ay kaagad kong naalaala ang isang kuwento na aking nabasa. Isang kuweno tungkol sa mga taong bilog.”

Napatingin siya kay Roy. "Taong bilog?”

Tumango si Roy. “Oo, Elsa, tungkol sa mga taong bilog.”

At mataman siyang nakinig kay Roy. “May isa raw uri ng pag-ibig na pambihira. Ito ang tinalakay ni Aristophanes, isang manunulat ng dula, sa symposium ni Plato. Ayon kay Aristophanes, nang unang panahon, walang lalaki at walang babai. Ang mga nilikha sa daigdig ay mga taong bilog na apat ang bisig at kamay, apat ang hita, binti at paa at dalawa ang mukha. Ngunit dumating ang panahon na ang mga taong bilog na ito ay hinati ni Zeus. At naiba ang anyo ng mga tao. Nagkahiwalay sila. Paminsan-minsan, may mga taong naghahanap at natatagpuan naman ang kalahati ng kanilang pinagsimulang nilikha. Ito ang mga taong nagnanais na sila'y laging magkapiling. Araw at gabi ay magkasama. Mga taong nagtuturing na silang dalawa ay isa lamang. At sa lagi lamang na pagsasama nagkakaroon ng kaganapan ang sarili.”

Tumigil sa pagsasalita si Roy. “Mula nang mabasa ko ang kuwentong ito, sumilid sa isip ko kung posibleng matagpuan ko ang kalahati ng aking pinagsimulang nilikha. Ang aking dating girlfriend, hindi siya, natitiyak ko. At nang makita kita...”

“Kuwento lang iyan, Roy,” mabilis niyang wika.

“Kuwento nga lang, pero, ikaw, hindi mo ba nanaising matagpuan ang kalahati ng pinagsimulan mong nilikha. Halimbawa nang totoo ito?” tanong ni Roy.

Saglit siyang nag-isip. “Siyempre, gusto ko rin.”

“Elsa...” seryoso si Roy. “I'd like to be your friend. Pwede ba? May magagalit ba?”

Tumango siya. Pwede. Umiling siya. Walang magagalit. Si Roy, totoo kaya ang ikinuwento nito? Si Daniel. Sigurado siya. Hindi ito ang kalahati ng kanyang pinagsimulan. Si Roy. Ewan niya. Para siyang nalilito. Napakabilis ng mga pangyayari. Ito yata ang pinakamakulay na araw ng mga puso sa kanyang buhay. Wala siyang valentine, pero heto, narito at kumakain ng ice cream, kaharap ang isang taong dalawang oras pa lamang ang nakararaan ay isang istranghero sa kanyang buhay.

Sumakay sila ng bus papuntang Monumento. Kasama niyang bumaba sa Cubao si Roy. Sinabayan siya hanggang sa makasakay ng dyip patungong Marikina. Ngunit bago ang lahat ng ito, may ibinigay si Roy sa kanya. Isang pulang balloon, binili sa isang nakasalubong na tindero. At kahit kakatuwa ang ayos niya, hindi niya pinawalan ang lobo. Iniuwi niya ito sa kanilang bahay.



ANG valentine card na may disenyong isang pulang-pulang lobo na may nakasulat na I love you ay muling dinampot ni Elsa, ngunit higit na mabilis ang isang nakasabay na kamay. Kilala niya ang kamay. Tiningala niya ang kulot na buhok, singkit na mga mata at nakangiting labi. Si Roy. Ang limang taon ang nakaraan ay isang istranghero sa kanyang buhay. Na minsan, isang araw ng mga puso ay nakipagkilala sa kanya at nakipagkaibigan. Na dalawang taon pa lamang ang nakalilipas ay kasama niyang lumuhod sa harap ng altar, nakatali ng kanyang dibdib. A, ewan niya kung si Roy ang kalahati ng kanyang pinagsimulang nilikha. Ang alam niya maligaya siya sa piling nito. At ang hinahanap niyang kulang sa pag-iibigan nila ni Daniel ay dito niya natagpuan.

Si Daniel. Sumulyap si Elsa sa may tuktok ng hagdanan. Wala na si Daniel.

Pebrero 17, 1986

Saturday, February 6, 2010

DALAWANG KWENTO SA PEBRERO 2010


DALAWANG KWENTO SA PEBRERO 2010


Dalawang kwento para sa una at pangalawang buwan ng bagong taon, iyan ang isa ko pang pangako. Kailangang masaya naman, sabi nga ng aking insang si Ibiang. Kaya naghanap ako ng pang-valentine para sa Pebrero 14 at isang pang-high school reunion.

Valentines Day na nga sa isang linggo. Tulad nang nabanggit ko sa nakaraang posting, kahit paano, bawat isa sa atin ay nakaranas ng katangi-tanging valentines sa ating buhay. Marahil, kahit paano, may isang makababasa ng kwento na makaka-relate sa karanasan ng aking bida.

Bakit naman high school reunion? Kasi, karaniwan nang nagdaraos ng reunion tuwing Enero o Pebrero ang mga nagtapos sa high school na nais makapiling ang mga kaiskwelang nasa abroad. Bukod sa hindi na peak season ang Pebrero at makatitipid sa plane fare ang mga ito, na ang natipid na dollar ay baka idagdag sa kanilang contribution sa pagdiriwang ng reunion, ay medyo malamig-lamig pa ang panahon at tuloy hindi lubhang maaalinsanganan ang mga mahal nilang kaiskwela.

Iyang high school reunion ay talagang kakaiba. Para talagang nababalik sa pagkabata ang magkakaiskwela. Lumalabas ang mga natural – ang mga malulutong na halakhak na halos makita na ang kaluluwa sa luwang ng bibig sa pagtawa (deskripsiyon ito ng isang kaiskwelang lalaki); mga kantiyawan at tuksuhan at biruang palipad-hangin sa mga dati na palang may unawaan (MU kumbaga), mga bulungang/tsismis na hoy, tingnan mo, ang ganda niya nung araw, pero ngayon, mas maganda tayo, di ba?; ang katwiran ng mga lalaki kung bakit gumanda ang mga babaing kaiskwela samantalang parang mukhang matanda na sila, dahil daw sa make-up at sa mga can afford, botox; at siguro, ang talagang dahilan ng masayang high school reunion ay ang malalim na pagkakakilala ng bawat isa. Alam ang pinagdaanan, ang pinagmulan, walang maitatago. Maaring mayaman ngayon o tanyag, pero nuong araw, pare-pareho lamang na wala, bihira yata ang mayaman noon na sa public school nag-aaral. At alam iyon ng lahat. Kahit paano, lumalabas na equalizer iyon tuwing reunion. Kahit sa ngayon, napakalaking bagay iyon.

Isa pang kapansin-pansin sa mga reunion, lalo iyong mga 10th, 15th hanggang 25th anniversary, ulit-ulit ang paksa ng kwentuhan – siyempre iyong mga nagdaang high school days. Sa muling pagrereunion ng susunod na taon, iyon na naman ang pag-uusapan. Na nakagalitan ng ganoong titser si kuwan, na nanligaw at binasted ni kuwan si ano, na nanonood pala ng sine sa bayan ang magboyfriend noon na sina kuwan at ano, at marami pang ibang iyo't iyon ding paksa.

Dahil kay Ondoy, nahalungkat ko tuloy ang mga nakatago kong kopya ng Liwayway na nababad sa baha nito. Nalaman ko tuloy na may mga kwento pala akong hindi ko naipagtabi ng kopya. Mabuti at nakita ko ang mga duplicate copies, na kahit basang-basa ay nabasa ko pa naman. Isa rito ang ilalagay ko sa blog ngayong Enero. Ito ay tungkol sa isang high school reunion. Hindi ko na maalaala kung kailan ito lumabas sa Liwayway. Ang tanging natatandaan ko ay tungkol ito sa aming paaralan sa Bulacan, kaya nang malathala ito ay nagpalipat-lipat na ng kamay ng mga nanghiram, na sa kasamaang-palad ay hindi na naisauli sa akin.

Marami sa mga nagtapos sa aming paaralan ang makaka-relate dito. Ewan lang kung may mga kamag-aral sila na nahahawig ang buhay sa mga karakter ng aking kwento. Kung sakali at mayroon, di ko sinasadya iyon. Nang isulat ko ang kwento ay baka dekada sitenta pa.

Sa isang linggo ay abangan ninyo ang kwentong pang-Araw ng mga Puso, ang MINSAN, ISANG ARAW NG MGA PUSO. Nalathala ito noong Pebrero 17, 1986.

Sa susunod na linggo naman ay ang pang-reunion na may pamagat na NATATANDAAN MO PA BA? At natitiyak kong maiingganyo tuloy kayo na magbalik-gunita sa inyong mga sariling high school days. Na madali naman ninyong magagawa. Magpatugtog lamang kayo ng mga usong awit noon. Na sa aming kaso ay Too Young, Tennessee Waltz, No Other Love, Never, Come What May, Just say I love Him, Boulevard of Broken Dreams, Autumn Leaves, A kiss to Build a Dream on, Botch-a-mi, at ang paborito ng aming barkada na....

Goodbye, I hate to see you go
But have a good time...
So long, I'll miss you, dear, I know
But have a good time.
When you're tired of being reckless and carefree
Remember that I'll be waiting
To welcome you home
So, have a good time.