Saturday, November 28, 2009

REMAINS OF “ONDOY” DAY – Conclusion (Sa Pilipino, Ondoy, Masdan ang Ginawa Mo!)

REMAINS OF “ONDOY” DAY – Conclusion
(Sa Pilipino, Ondoy, Masdan ang Ginawa Mo!)

Noong Nobyembre 26, dalawang buwan na ang nakalilipas matapos maminsala ang bagyo at bahang Ondoy sa amin. Hindi pa kami tapos magligpit. Paglilinis – halos tapos na. Ligpit – talagang hindi pa.


Nakatambak pa ang iisa-isahing hugasan, punasan at patutuyuing mga CDs at DVDs. Pwede pa raw. Pwede pang balik-balikan ang barkada ng Friends... ng Golden Girls...


Nakasalansan pa ang aking mga album ng mga larawang lumubog sa baha (sapagkat kani-kaniya kaming ligpit at imis ng kani-kaniyang gamit, kaya ako napag-iwanan ay sa dahilang higit na marami ang aking inaasikaso sa bahay).


-Ayoko pang tingnan, dahil ayoko pang makita na baka naghalu-halo na ang mga kulay ng larawang kuha naming dalawa ni Lea Salonga, nang magpakuha akong kasama siya, matapos kong mapanood ang Miss Saigon sa Broadway! Sobrang excited ako noon... nakisiksik sa maraming tao, magkaroon lamang ng souvenir photo na katabi si Lea.

-O snapshots na katabi si Robin Padilla (makinis siya sa personal) at si Herbert Bautista sa mga chance encounter naming mga magkakabarkada sa high school na mahilig kumain sa mga restaurant kung saan namin sila nakita noon sa magkahiwalay na pagkakataon! Kaming mga serior citizens, sa totoo lang, ay mga “closet” fans ng mga celebrity. Maaaring hindi naman namin sila pinapanood sa pelikula, pero, dahil alam naming sila'y artista at sikat, “kilig to the bone” din kami kapag sila ay nakita. At basta may kamera, kodakan agad siempre!

-O si Paeng Nepomuceno pagkatapos ng isang forum kung saan siya ang aming speaker! Ay, ibang klase ito, Book of Guinness world record holder sa bowling...

-O ang isang kasalan na ang ka-partner ko ay ang yumaong si Louie Beltran, ang pamosong journalist. At ang mga kasama namin sa wedding entourage ay... you name it, nandu'n sila!!!

-At siempre, ang paborito kong Pinoy Big Brother na si Robi Domingo! Na di man siya kilala ng mga Kapuso, tanyag naman siya sa mga Kapamilya! At kung ipaaalala sa kanya ang assignment niya noong high school senior siya sa Ateneo tungkol sa pag-interview niya sa isang writer, baka matandaan naman niya ako.


Ito ang mga larawang kuha with my brushes with celebrity! Winasak ni Ondoy!

At hindi pa tapos ang mga ligpitin! Nariyan pa ang mga natuyo na at nakulot na diploma sa UP ng aking mag-anak, (bukod-tangi namang ang aking diploma lamang sa UE ang natunaw, tukso nga'y wala na raw akong katibayang nagtapos ng kolehiyo, dahil ang naiwan ko lamang na diploma ay sa Malolos Elementary School. Bagaman … at may isa pa akong sertipiko na natira na pirmado ni Josefa Llanes Escoda dahil honorable mention ako sa isang baby contest noon, nineteen kopong-kopong).


Ito ang masaklap! Mga namantsahang certificates ng Palanca Awards for Literature, mga merit awards at high school diploma ng mga bata, certificates sa pagtatapos ng kung anu-anong summer activities – swimming sa Marikina Sports Center, painting sa CMLI, Prosec sa dynamic reading, ito at ang marami pang iba ay pinagbabakasakalian kong maisalba, mailagay sa folder, at kahit paano, maitabi at maitago, kahit bilang memento na lamang, kalunus-lunos man ang kanilang hitsura.


Gayundin ang mga itinabing college thesis...


Mga in-process na trabaho, mga art books...



Ilang souvenir ng mga kinuhang seminar... at pagbati sa kung ilanpung taong kaarawang ginugol sa opisinang pinagretiruhan...


At naghihintay pa rin sa aking mga kamay ay ang aking koleksiyon ng Liwayway – matiyaga, buong pagmamahal, pagmamalasakit, pagmamalaki na tinipon sa pagdaraan ng mga taon, mula sa kauna-unahang byline noong dekada sisenta. Nagdikit-dikit ba ang mga pahina nito? Huwag naman sana! Mababasa pa ba ang mga titik nito? Harinawa! Ang tanging pag-asa ko na lamang kung sakali at nawala na ang mga ito sa akin, ay ang malabong duplicate copies ng karamihan sa mga lumang kwento, tinipa sa ever reliable kong Underwood typewriter, na kahit nabasa ang kopya ay naaninaw pa rin ang mga titik. If worse comes to worst, naroon pa naman ang library ng Liwayway!


May kwento ang isa kong kaibigan na pinasok rin ng baha ang bahay. Ang koleksiyon daw ng kanyang manugang na komics kung saan ito mismo ang illustrator (parang tulad ng aking koleksiyon ng Liwayway kung saan mayroon akong mga kwento) ay inabot ng baha. Ngayon ay nakatambak ang mga ito sa isang tabi, hindi pa madisisyunan kung ano ang gagawin ng may-ari. Hindi maatim na itapon! Itapon? Talagang hindi. Kung ito ngang koleksiyon na komiks rin ng isa kong anak, na pera lang ang puhunan, pinagtiyagaang ibabad sa tubig upang huwag manikit, sunod ay isa-isang isinampay at pinatuyo...


Ngunit ang mga ibang tinipong koleksiyon – magazines, National Geographic, Time, Christmas at birthday cards, invitation sa kasal, souvenirs, playbills at kung anu-ano pa – kasama na sa mga natapon, tinangay na ng mga trak ng basura.



Maliban sa isang greeting card na matiyaga kong pinunasan, pinatuyo, na magkalasug-lasog man siguro ay sisinupin ko pa rin at hindi itatapon. Na ilalagay ko sana ang larawang nitong kuha ko, kaya lamang, nagdalawa ako ng isip dahil iyon ay isang bagay na personal sa amin...

At isang pirasong papel na inilakip sa isang pumpon ng pulang rosas na may gayaring titik: On your 35th birtday, mahal na mahal pa rin kita... (pero hindi na ako thirty-five, paano na kaya?)

At isang munti, mumurahing serbilyeta sa isang refreshment parlour sa may Azcarraga (pa noon!) na ganito naman ang isinasaad: Our love is everything that matters... (cheesy ba?)


Mayroong mga bagay na hindi kagyat nabibitiwan, kahit nakatatak na sa gunita at nakaukit na sa puso. Kahit paano, nais pa ring may nahahawakan, nakikita, na ulit-ulit mababasa, upang muling namnamin ang ligayang idinulot nito sa unang pagkakataong sumapalad ito.
Ito ang ilan sa memento na tinipon at itinago sa kailaliman ng kahon. Na sa pagdaraan ng panahon ng pagpapamilya ay nawaglit na sa alaala. Natabunan na ng mga pang-araw-araw na kaabalahan at alalahanin.

Na sa pagdating ng bahang dala ni Ondoy ay muling lumutang, pumaibabaw, nanariwa.

Na ngayon, sa gitna ng mga hirap at pagod na dulot ni Ondoy, ay naging isang maningning na tagapagpagunita na hangga at may pagmamahal... tuloy ang buhay!

Salamat.

Saturday, November 14, 2009

REMAINS OF “ONDOY” DAY – PART 2 (SA PILIPINO, “ONDOY, MASDAN ANG GINAWA MO!)

REMAINS OF “ONDOY” DAY – PART 2
(SA PILIPINO, “ONDOY, MASDAN ANG GINAWA MO!)

Sabi ng isa kong anak, “Wala na akong nakaraan!” Natawa na lamang ako, ngunit iyon din ang aking naisaloob nang aking makita ang mga nalubog na album ng mga lumang larawan.




Na ang mga kulay ay naghalu-halong parang obra maestra ng isang pintor. Iyon... ang pumasok sa aking isipan.




Naisip ko tuloy, tipikal na isip-Pilipino. May nakikita pa ring ganda sa gitna ng mga nangyaring kapahamakan.

Tulad ng paborito naming tindero ng taho, si Dante. Mahigit na isang buwan pagkatapos ng pagbisita ni Ondoy bago namin siya narinig na sumisigaw sa kalye ng “Ma'am, Sir... taho kayo riyan!”


Comfort food, sigaw ng isa kong anak na subsob ang ulo sa pagsasaayos ng kanyang mga gamit.

Kaagad namang tinawag ko si Dante at bumili ng tatlong basong taho. Habang hinahapaw niya ang makinis, pinung-pinong taho, pinapaibabawan ng sago at binubuhusan ng mapula at malapot na arnibal, nagkumustahan kaming dalawa tungkol kay Ondoy.


Tanong ni Dante, “Hindi pa kayo tapos maglinis?” habang sinusulyapan ang tambak ng basura sa tabi ng aming gate at ang pinatutuyong mga kutson at samu't sari sa harap ng aming bahay.



“Naku, hindi pa. Wala pa sa kalahati ang natatapos namin. Kayo ba?”


“Naku, Ma'am,” sagot ni Dante, “nakatira kami sa tabi ng ilog. Tinangay ang aming bahay! Halos wala kaming nailigtas! Swerte pa kayo!”


Sagot ko naman, “Ay, Dante, mas masuerte ka! Dahil wala ka nang bahay na lilinisin!”


“Tumpak ka, Ma'am!” sambot ni Dante at kami ay nagtawanan.

Larawan ba ito ng mga nasalantang Pilipino?


Noon, may nagtanong sa akin, isang Puti, kung ano ang masasabi kong “strength” o maipagmamalaking katangian ng mga Pilipino. Isa lamang ang aking naisip isagot noon. At ito ay “hospitality”. Ang pagiging “hospitable, warm, welcoming, always smiling.” Maalalahanin, masayahin, masyadong tumingin ng utang na loob. Ngunit, in the same breath, inamin ko rin sa aking kausap na ang nabanggit kong “strength” ng mga Pilipino, sa aking opinyon, ay maituturing na siya ring “weakness” ng marami. Na parang nagiging balakid sa pag-unlad. Masipag naman tayo at marunong, ang mga hindi nakaabot ng mataas na pinag-aralan ay sagana naman sa sentido komun, pero bakit hanggang ngayon, nakasadlak pa rin tayo sa ating kinalalagyan? Dahil lagi tayong nakangiti, tumatawa, okey lang?

Balik kay Ondoy...


Ano ba ang aking nakaraan? Sa isang nalasog na kahon na sinulatan ko ng MEMENTO, nakita ko ang isang listahan ng mga pinamili naming mag-asawa nang kami ay bagong kasal at nagpupundar ng mga kasangkapan sa bahay. Ang bahay ay isang apartment sa Tambo, Paranaque, sa malaking compound na ari ng mga Marquez, nakatirik sa tabi ng ilog. (Bakit ba malapit ako sa ilog? Ang bahay ng naging kasama ko sa buhay ay nasa tabing-ilog. Ang tirahan namin ngayon ay nasa tabi ng sapa. Siguro, sirena ako noong araw... kung totoo ngang may reincarnation)

Nakita ko rin ang resibo ng binayaran ko sa ospital ng Mary Chiles sa Gastambide nang isilang ko ang aming panganay. Nakatutuwang tingnan ang halaga ng panganganak noon, kumpara sa ngayon.






At ang mga hinulugan ko buwan-buwan na Encyclopaedia, na nakatulong nang malaki sa pag-aaral ng mga bata, wala na, lumubog rin sa baha, nagdikit-dikit ang mga pahina.





Itinambak namin sa tabi ng gate.



Isang nakakita ang nagtanong, “Ipinamimigay ba ninyo 'yan?”


“Aanhin mo?” tanong ko.

“Ikakalakal ko ho.” Ibig sabihin, ibebenta ng kilo-kilo.

Umiling ako at naghintay, hanggang sa mainip at ipinatawag na ang nais magkalakal upang may makinabang kahit paano. Suerte rin naman, ang dumating na kukuha ng mga libro ay nakaiintindi. Tuwang-tuwa nang makita ang mga ito. “Ito ang kailangan ng aking mga anak na nag-aaral!”
At natuwa rin ako. Ibinigay ko na rin ang malalaking diksyunaryo. Gagawan raw niya ng paraan, patutuyuin. (May pag-asa pa rin ang mga Pilipino!)

Pero, ang mga sumusunod ang itinuturing kong “treasures” sa aking buhay. Na naging biktima ni Ondoy. Mga greeting cards para sa amin, bigay kung Pasko, kaarawan, anibersaryo, Valentine, Easter at iba pang okasyon.










Ang mga ito ay ginawa ng mga mumunting kamay at daliri, ginamitan ng krayola, water color, bond paper, balahibong hinugot sa feather duster, nilakipan ng rubber band (pang-ipit ng buhok), coins (inipon mula sa araw-araw na baon), cut-outs ng magagandang damit, bag, kotse, jewelry (na gusto sanang iregalo kung may pera nga lamang sila) at sinulatan ng mga “my dearest mama”, “I love you, Mama” (na hindi ko na naririnig ngayon, na okay lang, alam ko namang they love me) at mga quotations at poem na mali-mali pa ang ispeling kung minsan. Mga biktima nga ni Ondoy na di mapapantayan ng salapi. Kung mapatutuyo ko ang ilan upang maitago, ikasisiya ko na ito.

Kaya, sa ngayon, ito na lamang ang binabalik-balikan kong basahin.

Isang liham na gawa ng isang pitong taong-gulang na bata, na supling ng aming panganay na isinilang sa ospital ng Mary Chiles noon, na siyang may regalong rubber band para sa aking pony tail minsan.

Ang sabi ng batang ito, panganay na "tubo sa puhunan" -


Dear family,



I am sorry for what happen(e)d to you. I wish you the best of Good Luck and I will pray for you.

With lots love,

Elena.

(Abangan ang mga kasunod pang nilay-nilay tungkol kay Ondoy.)


Thursday, November 12, 2009

Remains of “Ondoy” Day – 1 - (Sa Pilipino, “Ondoy, Masdan ang Ginawa mo!”






Remains of “Ondoy” Day – 1 -
(Sa Pilipino, “Ondoy, Masdan ang Ginawa mo!”

Marami nang naisulat tungkol sa mga pinsalang idinulot ng bagyong Ondoy. Mga bahay na tinangay ng rumaragasang agos, mga buhay na sa isang iglap ay naglaho. Ni sa kalingkingan ay hindi maikukumpara ang mga personal naming naranasan sa mga nangyaring ito sa iba, kaya, itinuturing pa rin namin na “mapalad” na kami... sa kabila ng lumubog na sasakyan, mga nasirang kabinet at kloset, ipinagawang appliances, mga natapong kasangkapan, gamit, pagkain, mga memento na pinakaiingat-ingatan na kinalupulan ng mabahong putik, tinunaw ng tubig-baha. Kaya patuloy ang piping dasal ng pasasalamat... sa gitna ng pagliligpit, paglilinis, pagsagip sa maaari pang isalba. Na kundi man mangyari, hagipin na lamang sa alaala ang mga sandaling kakawing ng mga nasabing bagay.

Ang dating kinagigiliwang dinggin na patak ng ulan sa ibabaw ng bubong, o pagmasid sa pag-agos ng tubig sa mga dahon ng halamang wari ay siyang-siya sa kanilang paliligo, ngayon ay may dulot nang kaba. Pangamba. Binhi ng takot. Babaha kaya? Baha na ba? Kasunod ay sipat na sa lansangan, sa munting sapa sa ibayo nito, sa kalawakan, sa namimintog na ulap na waring hindi makausad sa bigat ng dinadala. Magbabalot na ba ng mga gamit? Itataas na ba sa mesa ang mga bentilador? May bigas ba? May kandila? May baterya ang flashlight?

Ondoy, masdan ang ginawa mo... sa aming kapaligiran... sa amin... Hanggang kailan kami aalipinin ng agam-agam na ito?





Paalam, Frank Sinatra, Mel Torme, Dean Martin, Neil Sedaka, Paul Anka, Elvis! Wala na, tinangay na ng agos ng baha, dinikitan na ng malagkit na putik ang audio tapes na matiyagang tinipon sa pagdaraan ng panahon, piniling tunay upang sa pagtugtog pa lamang ng mga unang nota ay himalang ibabalik na ang mga alaala ng mga nagdaang araw. Sabi ng aking anak, itapon na ang mga audio tapes, mayroon namang CD ang mga iyan. Sa loob-loob ko, ang mga tapes na ito ay halos kasintanda ninyo... at ang mga awit na nakapaloob dito ay mga himig na inaawit ko noong araw... sa kasera, I'll be loving you eternally, with a love that's true, my dear for me...at iyong Smile though your heart is aching, smile even though it's breaking...saka iyong Three Coins in the Fountain...nang bago pa lamang akong salta sa Maynila; sa dormitoryo, sa panahon ng aking pag-aaral at pag-oopisina, I'm so young and you're so old, this my darling I've been told... at saka kalaunan, mga lovesongs ni Frank Sinatra, All or nothing at all...Bewitched, Bothered and Bewildered... Someone to Watch over me... Mga awit ng Beatles na sumaksi sa mga unang taon ng aking pagiging maybahay at ina. Kung paanong ang aking mga anak ay nagtataka kung bakit sila pamilyar at kung bakit nila nakahiligang tugtugin sa gitara at awitin ang mga himig ng grupo. Hindi nila alam, ipinaghele sila sa Hey Jude, Yesterday, Michelle at nilaro sila sa Obladi Oblada at Yellow Submarine. Mayroon ngang mga CD ito, ngunit kailangan munang mapalitan ang CD player na lumubog sa baha at isa-isang hugasan, punasan at patuyuin ang koleksiyon ko ng CDs nina Bach, Mozart, Tchaikovsky... mga big bands... Glenn Miller... Piano by Candlelight... Miss Saigon... Phantom of the Opera...Les Miserables... marami pang iba! A, ang mga alaala nilang ibinabalik! Unang tungtong sa New york. Unang panonood sa Broadway. Unang pamamasyal sa Central Park.




Sa ngayon, patuloy muna ang paglilinis at pagliligpit ng mga kasangkapan, pamimili ng kung alin ang isasama sa mga itatapong basura. At ito ang pinakamasakit sa ginagawa – ang pagtatapon.



Bagama't sa mandala ng mga alaala, naroon pa rin ang mga ito, matibay at hindi natitinag, kahit wala nang mahahawakan, mahihipo, mapagmamasdan.


(Abangan ang marami pang muni-muni tungkol kay Ondoy.)