Monday, July 27, 2009

COMMENTS & FEEDBACKS, JULY 2009


COMMENTS & FEEDBACKS, JULY 2009



MAY PUNTOS ANG PAG-IBIG

-Hi Ms. Eve,
Beautiful Morning!
Wow, your blog is very patriotic, very Filipino, very nostalgic.... All the more I feel proud to be a FILIPINO.. Its a trip down memory lane for me..I can well relate to it because I belong to "jewel citizen" group....your blog would serve as resource and reference of students taking up Filipino, Panitikan, Phil history, Phil culture and traditions, Filipino positive values and wisdom and other related subjects..I did try to make blog also and posted it in my multiply site altho it dealt mostly with my travel experiences and be a bestower of wisdom to others..
More Power to you Ms. Eve (From Miles Bernal
www.Mileslbernal.multiply.com)

(Salamat nang marami. Salamat na ganoon pala ang dating ng blog sa mga nakababasa. Paminsan-minsan ay sumasagi sa aking isipan, lalo at wala akong natatanggap na komentaryo o feedback, may nagbabasa pa kaya sa aking blog? Mabuti na lamang at mayroon akong login account kung saan ko nakikita ang mga pinanggalingan ng mga “naliligaw” o “natitisod” dito, bukod sa mga “reliables” na “self-referring/bookmarker” na siempre, binubuo ng mga kamag-anak at kaibigan. Pero, tulad nang nasabi ko na noong araw pa sa mga naunang postings, parang nahuhulog sa kategoryang ito ang aking mga taga-subaybay: silent majority! Basa lamang nang basa at enjoy naman, pero paminsan lamang kumibo. Kaya, inuulit ko, salamat sa iyo!)

-Amazing,Auntie! close to pathetic naman ang sitwasyon ni Lorna... actually its possible to be happy just being in love!! Or she can plant the seed and settle the issue then and there... he he. Pero hindi na yun magiging "literary!' I like the way your stories transport me in time. Thanks mucho! (From Arlene)

(Tama ka! It’s possible to be happy just being in love. Kaya lang, hindi kaya ito “being in love with love”. Naalaala ko tuloy ang isang lumang awit nina Rogers & Hammerstein:

Falling in Love with Love is falling for make-believe!
Falling in Love with Love is playing the fool!
Caring too much is such a juvenile fancy!
Learning to trust is just for children in school.
I fell in Love with Love one night when the moon was full
I was unwise with eyes unable to see!
I fell in Love with Love with love ever-lasting.
But Love fell out, with me !!!

Inawit din ito ni Frank Sinatra. Noong araw, awit namin ito sa dorm, lalo at ang crush pala namin, e, hindi kami crush! But life goes on… and what was true then, is still true now. The point or bottomline is – be happy :-)


-Ang saklap naman yata ng papel ni Lorna. Medyo akma sa kanya ang isang kanta, ganito:

"Mahal kita, mahal mo siya,.....mas mapalad ka, mahal ka niya, sa 'ki'y walang nagmamahal."

Yung sa gitna, di akma, he he. (From Claire)

(Ibig mong sabihin, di akma iyong lyric na “mas mapalad ka”, kasi ay namatay si Sylvia. Nakatutuwa ang mga reaction ninyo, kasi, ang kasunod na feedback sa ibaba nito ay iba naman. Pero, alam mo bang may sequel ang kwentong ito? Siempre, ilalabas ko rin sa blog sometime. Abangan din.)

-Wow, even if Sylvia didn’t survive in your story, she ended up with a luv she took with her for ETERNITY…..NICE TOUCH!!!!!!!

Ok, I know I have been silent for a while but that doesn’t mean that I have not subaybay your kwentos. You are the one that has been making me think /recollect of my past, what I missed and what I have enjoyed. Tenk you! (From SYLVIA)

(Self-explanatory, ‘ikanga o ‘ekanga, sa lenguahe natin nung araw. Siempre, natutuwa ang mga Sylvia sa mundong ito dahil “from here to eternity” ang pag-ibig sa kanila. Hindi miminsang napapag-usapan ang bagay na ito sa mga kwentuhan ng mga senior citizens. Mag-aasawa ka pa ba kapag nabiyuda o nabiyudo ka? Wow, iba-iba ang sagot. Iyong magsisipag-asawa, e, nag-asawa na nga. Iyong mga biyudang pinahahagingan ng mga palipad-hangin, e, matamang nag-iisip. Iyong mga miron sa tabi-tabi, kani-kaniyang payo: huwag na, huwag na, boyfriend na lang. Dugtong pa: mantak mong kapag nagkasakit iyon, mag-aalaga ka pa!

Pero, may nakikita naman kami na waring nakatagpo ng “pangalawang gloria”. Ikaw ba, ano’ng sey mo?

At salamat din for being one of my not-so-silent majority.)


-Matagal bago ko nabasa ang mga email at kuwento mo, kasi may problema ako sa aking computer. With Carl and Lois help, nabuksan ko rin.
I really miss pag di ko mabasa ang iyong stories.

Maganda talaga ang mga popular songs na iyong highlights sa bawat isa from Elvis to Michael Jackson and longtime favorites of the oldies Frank Sinatra.
I enjoyed reading all your love stories (From Lilia)

(Thank you. Siempre, tanda ko pa iyong mga kanta natin noon, na karamihan ay kay Frank Sinatra nga, panahon kasi ng mga sayawan, jam session, barn dance, get-together. Paborito kasi ng mga magboyfriend at girlfriend, e, sweet o slowdrag. Pasakalye pa lamang ng love songs niya, tayuan na ang mga guys, tinatawid na ang kaluwangan ng dance floor at tinutungo na ang kinauupuan ng kursunadang isayaw. Kaso, may “nakabakod” pala. Lagot na ang kay mundong ilaw! )

Sunday, July 19, 2009

MICHAEL JACKSON, ELVIS PRESLEY, FRANK SINATRA

MICHAEL JACKSON, ELVIS PRESLEY,
FRANK SINATRA


Hindi pa nagtatagal, nagtungo na SA DAKO PA ROON ang binansagan ng marami na Entertainer of all Times, si Michael Jackson. Naglabasan na sa peryodiko at sa telebisyon, mula sa mga kilalang kolumnista, artista, pulitiko, karaniwang tao – mga maybahay, empleyado, barbero, atbp. - ang maraming kwento tungkol kay Michael at sa musika nito. Na iisa lamang ang nilalaman: kung paano hinubog ng kanyang mga awit at sayaw ang panahong nilakhan nila. The Michael Jackson Era. Na sa ilang linya pa lamang ng anumang awit niya, parang agos nang bumabalik sa kanila ang gunita ng kanilang kabataan, ng kanilang mga pag-ibig, ng kanilang mumunting karanasan, ng kanilang lungkot, ng kanilang kabiguan at tagumpay. At ngayon, lubos nilang ipinagluluksa ang pagpanaw nito. At anumang hindi magandang pangyayari sa buhay nito ay hindi na mahalaga. Ang nais na lamang nilang tandaan ay ang kanyang musika. At sa pakikinig dito ay ang maglunoy sa batis ng mga gunita.

Iisa lamang ang awit ni Michael Jackson na nagkaroon ng kaugnayan sa akin. Ito ang “Give Love on Christmas Day” na kinanta nilang magkakapatid, the Jackson Five. Maliliit pa noon ang mga anak ko at ang naisip kong iregalo sa kanila ni Santa Klaus ay isang munting portable record player. Kasama ng nasabing player ay isang munting 45rpm na plaka ng pamaskong awit na ito. Tuwang-tuwa sila at sa isang mahabang panahon, naging parang Christmas anthem namin ang “Give Love on Christmas Day.” Kababasa ko pa rin ng isang email kung saan inilahad ng dating PR Officer ng Manila Hotel ang napakagandang karanasan niya nang si Michael Jackson ay buong siglang nakilahok sa pamimigay ng regalo sa 300 ulila sa Christmas Party na alay sa mga ito noong December 7,1996. In her own words, sabi niya: As Michael Jackson is laid to rest and returned to pristine condition in the afterlife, these two incredible acts of the King of Pop, volunteering for charity and unselfishly spending time with the less fortunate will forever be the way I will remember this man.

Kamakailan din, tumanggap ako sa email ng mga links sa mga jukebox hits ng iba’t ibang taon. Wow! Inumpisahan ko sa 1940 at naalaala ko ang panahon ng mga nakatatanda kong kapatid. Isinunod ko ang 1955. Panahon ni Elvis Presley at The Platters. Fats Domino at Johnny Cash.

Si Elvis. Gustung-gusto namin ang mapupungay niyang mga mata. At kapag inaawit niya ang “Love Me Tender”, na parang may kasamang buntung-hininga sa gitna ng mga lyrics, na pangit daw at hindi tamang pagkanta, sabi ng isang nakapag-aral ng boses, nagswu-swoon kami noon. At kapag ang kanta niya ay sinasabayan pa ng giling-giling ng kanyang baywang at balakang, ayyyyyyyyyyy! Bastos, sabi naman ng matatanda noon. Pero, sa lengguahe ng mga bata ngayon, dedma lang kami. No pansin, ekanga.

Nang dumating si Pat Boone, na napakaseryoso at disente ang dating, medyo nagkaroon ng kani-kanyang paborito kami. Bagama’t gusto rin namin ang mga kantang “Bernadine” at “Love Letters in the Sand” nito, diehard Elvis kami noon. Iyon din ang panahong Nida Blanca vs. Gloria Romero na kalaunan ay sinundan ng Susan Roces vs. Amalia Fuentes, at ng di kalayuang era nina Vilma Santos vs. Nora Aunor, o Vi & Bot vs Guy & Pip. Tulad ng panahon ni Michael Jackson, maliwanag ang pagkakahati-hati at dibisyon ng mga nasabing “era” na tinatampukan ng mga nabanggit na artista. At depende kung kailan ka ipinanganak at lumaki, sa isa sa mga “era” na iyon ka babagsak.

Kami, kay Elvis talaga. At sa The Platters. Iyong awit ni Fats Domino na “Blue Heaven”, ang naaalaala ko ay iyong espesyal na pambalot ng regalo ng Blue Heaven. Kapag birthday mo, o Pasko o Valentine, espesyal ang feeling mo kapag ang gift na tinanggap ay nababalot ng baby blue o baby pink na linsong linen na wrapper, sunod ay muli pang nababalot ng malinaw na cellophane at napapalamutihan ng napakagandang ribbon. Balutang-balutan pa lamang ay regalo nang masasabi. Iba ang dating. Talagang pinaghandaan ng manliligaw na nagreregalo. Mapapasagot ka tuloy ng oo, hehhehheh! Ngayon, karaniwan nang may nabibiling korteng supot na gawa sa makintab at makulay na wrapping paper. Dito inilalagay ang mga regalo. Naka-staple ito para huwag bumukas at may laso rin naman. Okey din, pero, iba pa rin ang balot ng Blue Heaven.

Noon, sa akompanya ng ukulele namin kinakanta ang Blue Heaven. Na sinusundan namin ng Simple Melody. Tanda ko pa ang lyrics nito. Won’t you play a simple melody, like my mama sang to me. One with a good old-fashioned harmony, Play some simple melody… Recent memory ko nito ay ang isang high school reunion na dinaluhan ko kung saan ang banda sa sayawan ay ang grupo ni Crispin ng Malolos. Noong araw, ang banda namin sa sayawan sa high school graduation na ginaganap sa may glorietta sa kapitolyo ng Bulacan ay si Jules and His Orchestra, na kanayon din ni Crispin. Akalain mo…

Sa paglipas ng panahon, na tinampukan ng mga Beatles, nagpabalik-balik sa buhay at kamalayan ng mga nagdadalaga at nagbibinata at mga nagiging magkasintahan ang musika ni Frank Sinatra. Mga awit at himig na walang kupas. Mga all-time favorites. Hinuhuni. Inaawit. Isinasayaw. I’ve got you under my skin. All the things you are. Bewitched, bothered and bewildered. The nearness of you. Someone to watch over me. September in the Rain. All or Nothing at all. All the way. At marami pang iba.

A, si Frank Sinatra! Na hindi mo maikakategorya na noon lamang. Dahil nilakaran nito ang iba’t ibang panahon. Mula sa sama-samang instrumento ng isang orchestra o banda hanggang sa mikroponong ayaw bitiwan ng nasa karaoke bar. I’ve loved, I’ve laughed and cried, I’ve had my fill, my share of losing. And now as tears subside, I find it all so amusing. To think I did all that, and may I say – not in a shy way, No, oh no, not me, I did it my…. BANG!

But truly, Frank Sinatra’s music is a continuing era of melody from the heart. From the innermost recesses of the mind. From underneath the skin. A tune from nowhere, familiar, yet so far away, flitting in and out of the subconscious. Bringing fragments of memories gone by.

FRANK. Ang kasunod kong kwento para sa buwan ng Agosto.

ABANGAN !!!

Saturday, July 4, 2009

MAY PUNTOS ANG PAG-IBIG



MAY PUNTOS ANG PAG-IBIG


Inalis ni Lorna ang plorerang nakapatong sa ibabaw ng hapag na nasa pagitan nila ni Raul. Nilatagan ito ni Raul ng diaryo at sa ibabaw ng diaryo ay inilagay ang kuwadradong tabla na ginagamit sa paglalaro ng scrabble. Binuklat ni Lorna ang munting kuwaderno na listahan ng kanilang mga iskor. Sa unang pahina ay nakita niya ang mababang iskor na kanyang natamo nang una siyang maglaro ng iskrabol.

“Paano ba ang paglalaro nito?” tanong niya noon kay Raul na siyang may dala nito.

“Ganito lang,” sabi naman ni Raul. “Ito ang board na siya nating pagtatayaan ng mga pitsa. May isang daang pitsa. Dalawa ang walang letra at puntos. Kapag napunta sa iyo ito, maitatakda mo rito kung ano ang kailangan mong letra para makabuo ka ng gusto mong salita. Wala nga lamang katumbas na puntos ito. Ang siyamnapu’t walong pitsa ay may mga letra at puntos. Tulad nito. Bawat letrang A, E, I, N, ay may halagang tig-isang puntos lamang. Mababa ano.”

“At itong letrang K ay may limang puntos,” agaw niya.

“At ito namang letrang Z at Q ay tigsasampung puntos,” dagdag naman ni Raul. “Ngayon, dito sa ating tayaan ay makikita mong may mga double your letter. Iyon ay triple your letter. Ang isang ito ay double your word. At iyan naman ay triple your word.”

“Alam ko na,” kanyang wika. “Kung titira ako ng aking mga pitsa, kailangang pag-iisipan ko na ang mga pitsang may mataas na punto ay dapat matapat o malagay sa mga kuwadrado na may nakasulat na doble o triple, para malaki ang aking iskor.”

“Tumpak,” nasisiyahang sagot ni Raul noon. Sinimulan kaagad nila ang paglalaro at ang unang pahina ng listahang kuwaderno ang siya ngang naging saksi nang matabunan siya ng iskor ni Raul. Ngunit matagal na iyon. Sa mga sumunod na pahina ay magaganda na ang kanyang iskor.

Sa kalagitnaan ng kuwaderno, ang isang malinis na pahina ay hinati ni Lorna sa pamamagitan ng isang guhit na patayo. Sa itaas ng unang hati, isinulat ni Lorna ang pangalan ni Raul. Raul. Kinagat ni Lorna ang puno ng bolpen. Sinulyapan niya si Raul.

Nakasandal si Raul. Nakatingin sa kanya. “Bakit?” tanong niya. Sa itaas ng ikalawang hati ng pahina ng kuwaderno, isinulat ni Lorna ang sariling pangalan.

Ngumiti si Raul. “Wala,” matipid nitong sagot, sabay dampot sa telang supot na kinapapalooban ng mga pitsa ng iskrabol. Dumukot ito ng isa. Itinihaya sa ibabaw ng hapag. Letrang S. Sylvia. Ang pangalan ay inihugis ng kumibot na mga labi ni Raul.

“Huli ka na,” kantiyaw ni Lorna. Siya naman ang dumukot sa supot ng pitsa. Letrang A ang kanyang napalaran.

Sa unang pitong pitsa na kinuha ni Lorna, nabuo niya ang salitang three. Sa gitna ng laruang tabla, inilapag niya ang mga ito, sabay bilang ng katumbas na puntos. Sa ilalim ng kanyang pangalan, isinulat ni Lorna ang bilang na 16. Muli, kumuha siya ng limang pitsang pamalit sa itinira.

Three. Tatlo. Si Raul. Si Sylvia. At siya, si Lorna. Silang tatlo ang klasikang tatsulok. Umiibig siya kay Raul. Si Raul ay umiibig kay Sylvia. Ang mapalad ay si Sylvia. May katugon ang pagibig nito kay Raul.

Silang tatlo ay magkababata. Magkasinggulang sila ni Sylvia at matanda lamang nang dalawang taon sa kanila si Raul. Magkatapat ang bahay nila ni Raul. Magkatabi ang bahay nito at ni Sylvia.

Maliit pa siya, napuna na ni Lorna na siya ang ikatlo sa tatsulok. Sa bahay-bahayan, lagi nang ang mag-asawa ay sina Raul at Sylvia. Siya, kung di man kumadre, ay tiyahin kaya ng anak-anakan ng mga ito na isang manika. Minsan nga ay tindera lamang ang kanyang papel sa kanilang laro at siya ay nainis. Ginawa tuloy siyang doktora at siya ang umasisti sa kunwaring panganganak ni Sylvia.


Alam niya, higit siyang maganda kay Sylvia. Tuwing Mayo, lagi na siyang kinukuhang sagala sa santakrusan sa kanilang baryo. Si Sylvia, minsan man ay hindi naging sagala. Taga-ilaw lamang ito. Kung minsan, tagasindi ng lusis na ipinang-iilaw sa kanya. Ngunit sa prusisyon, santakrusan man o Mahal na Araw, laging kasunod ni Sylvia si Raul.

“Ilista mo,” tinapik ni Raul ng bolpen ang kanyang kamay. Sa ibabaw ng huling letrang E ng salitang three ay may tatlong pitsang idinugtong si Raul at nabuo ang salitang care. Anim na puntos, doble… dose.

Sa ilalim ng pangalan ni Raul, isinulat ni Lorna ang bilang na 12. Care. Hanggang ngayon, naaalaala pa ni Raul si Sylvia. Wala na si Sylvia. Wala na, Raul… muli naglagay siya ng limang pitsa at nabuo niya ang salitang share at scare. Dalawampu’t limang puntos ang nadagdag sa kanyang iskor. Pumalatak si Raul. At wari, pinagbuti nito ang pag-iisip ng ititirang pitsa.

Hanggang sa high school, magkakaeskwela silang tatlo at lagi nang magkakasama. At patuloy siyang umasa sa pagdating ng panahon na mamumulat ang mga mata ng nabubulagang si Raul. Na siya, si Lorna, ang higit na karapat-dapat pag-ukulan nito ng pansin at hindi si Sylvia. Siya ang higit na maganda. Higit na marunong. Higit na maraming katangian.

Noon, sumilid sa kanyang isipan kung ano ang katangian ni Sylvia na wala sa kanya at siya namang maaaring gusto ni Raul dito. Masaya si Sylvia. Laging nakatawa. At palabiro. Madaling makipagkaibigan. Kinagagaanan kaagad ng loob.

Triple. Ibinaba ni Raul ang apat na pitsa at binuo ang salitang exurb.

Sinalubong ni Lorna ang mga mata ni Raul. “Triple!” bulalas niya, kasunod ang pagbilang. Apatnapu’t dalawa.

Sumandal si Raul sa kinauupuang silya. “Naalala ko si Sylvia.”

Nahinto sa pagsulat si Lorna. “Bakit?”

Tumawa si Raul. Mahina. “Minsan… nang maglaro kami ng scrabble, inilagay ko ang salitang iyan, exurb, at ang letrang X ay natapat sa double your letter pagkatapos ay triple your word pa, ayaw ba namang pumayag. Wala raw ganoong salita. Madaya raw ako.” Tumingala si Raul, saglit na pinagmasdan ang kisame.

“Sanay may katabi kayong diksiyonaryo.” Ipinagpatuloy ni Lorna ang pagsulat ng iskor ni Raul.

Apat ang pitsang itinira ni Lorna. Nabuo niya ang salitang down at dagdag sa kanyang puntos ang bilang ng salitang scared. Hindi pa nakakalimutan ni Raul si Sylvia. Sa bawat gawin ni Raul, kakabit ang alaala ng isang panahong pinagsamahan nila ni Sylvia. Isinulat ni Lorna ang kanyang iskor.

“Hindi mo pa siya nakakalimutan…” sinulyapan ni Lorna si Raul.

“Ang isang katulad ni Sylvia ay napakahirap makalimutan. Kung siya lamang ay naging maganda at ang kagandahan lamang niya ang umakit sa akin, marahil ay…”

“Maganda naman si Sylvia,” agaw ni Lorna.

Umiling si Raul. “Hindi nga pangit si Sylvia, ngunit dahil sa ikaw ang lagi niyang kasama at lubhang malaki ang pagkakaiba ninyong dalawa, inakala niya at inakala ko na ring hindi nga siya maganda, sa karaniwang pamantayan ng kagandahan. Kahit sa akin, maganda siya…”

“Charming si Sylvia,” walang maisagot si Lorna.

May kumislap sa mga mata ni Raul. “Pag ngumiti na si Sylvia, una nang ngingiti ang kanyang mga mata. Ang lakas namang tatawa.”

Sa kanilang dalawa ni Sylvia, siya ang higit na mabining kumilos, mahinhing tumawa. Si Sylvia, kung tumawa ay bigay na bigay, wika nga. At nakahahawa.

Pagkatapos nila ng pag-aaral sa high school, sabay-sabay silang nagsiluwas sa Maynila upang kumarera. Komersiyo ang kinuha ni Raul. Nais nitong maging Certific Public Accountant. Sa isang dormitoryo sila nanuluyan ni Sylvia. At marami silang naging kakilala. Marami siyang naging manliligaw. Si Sylvia ay isa lamang. Si Raul.

Maalalahanin si Raul. Lagi nang may pasalubong para kay Sylvia. Kung anu-ano lamang naman. Kung minsa’y sampalok na malahugot, manggang manibalang. At kung gabing patay na ang ilaw sa kanilang silid-tulugan at wari, himbing na ang kanilang mga kasamahan, saka nila kakainin ang mga dalang ito ni Raul.

Ayaw pa sana niya. “Nakakahiya, baka kung ang kanilang sabihin.”

Tatawa si Sylvia. “Ba’t ka mahihiya. Para pipitu-pito iyang bigay sa ating sampalok, hahatian pa natin sila. Ilan tayo rito sa kuwarto. Higit pang dalawampu.”

Sa kanyang sarili ay napipintasan niya ang ugaling ito ni Sylvia. Maramot, kanyang naisaloob. Ngunit si Raul, tatawa lamang si Raul kapag ikinuwento na rito ni Sylvia ang kanilang ginawa. At manunukso. Ang dadamot ninyo.

Muling nagbaba ng mga pitsa si Raul. Nabuo ang mga fa at foe at or. Tinulungan ni Lorna sa pagbilang ng puntos si Raul.

“Ba’t di ka pa mag-asawa, Lorna?” biglang tanong ni Raul.

“Walang makagusto,” bigla rin niyang tugon.

Nakatawang umiling si Raul. “Anong ginagawa ni Ben. Ni Jorge. Parehong nagpapakamatay sila sa iyo.”

Pero sa iyo ako namamatay. Ibinaba ni Lorna ang apat na pitsa. Binuo ang salitang yearn.

Ilang ulit na siyang tinanong ni Sylvia. Noon pa mang magkasama silang nag-aaral ng pagtuturo. “Sino ba sa kanila, Lorna?”

Iiling siya. “Gusto ko’y kababayan,” kanyang idudugtong.

Matagal siyang tinitigan ni Sylvia noon. Saka nagtatawang nanukso. “Kapag may nagustuhan akong iba at di kami nagkatulyan ni Raul…”

Nakalabi, kaagad siyang tumutol. “Hindi ko siya type. Huwag mong ipasa sa akin.”

Mataas si Raul. Limang talampakan at sampung pulgada. Kayumangging sunog pa nang bahagya ang kulay. Maigsi ang gupit ng buhok. Matangos ang ilong. Malaki, maamo ang mata. Pormal, walang kibo sa mga bagong kakilala. Palabiro sa mga dating kaibigan. Matalino. Palabasa. May ambisyon sa buhay. Raul. Raul.

Tatlong pitsa ang idinugtong ni Raul sa mga nakataya. Nabuo ang salitang ooze. “Baka mawili ka sa pagtuturo, Lorna… mahirap din naman ang nag-iisa sa buhay.”

Idinagdag ni Lorna ang nakuhang puntos ni Raul sa dati nitong iskor. “Kung kapalaran ko talaga ang tumandang dalaga…”

“Sabi nga ni Sylvia…” bigla napahinto sa pagsasalita si Raul. Humihingi ng paumanhin ang mga mata nito nang tumingin kay Lorna.

“Sabi nga ni Sylvia…” ulit ni Lorna, habang pinagpapalit-palit ang mga hawak na pitsa.

“Si Sylvia,” umiling-iling si Raul. “Kung di ko raw niya niligawan, tatanda raw siyang dalaga.”

“Ibig sabihin, hindi siya magkakagusto sa iba kahit pa nga ligawan siyang mabuti…” sinulyapan ni Lorna si Raul.

Tumango si Raul. “At naniwala naman ako.”

“Totoo yun. Talagang may mga taong ganoon.” At naisaloob niya, tulad ko nariyan sina Jorge at Ben, ngunit ikaw ang mahal ko. Kung di mo ako lalapitan, magpapakatandang dalaga na ako.

“Ang reklamo nga lamang ni Sylvia ay hindi ko siya binigyan ng pagkakataong maligawan pa ng iba, para naman naipakita niya sa akin na ako ang pipiliin niyang talaga. Elementary pa lang kasi tayo….”

“Hindi mo na siya pinawalan. At pagkatapos na pagkatapos sa kolehiyo ay…”

“May ugali si Sylvia na halos ibigay ang buong sarili at ibuhos ang buong panahon sa mga bagay at gawaing malapit sa kanyang puso.”

“Kaya nagpumilit ka nang pakasal kayo bago siya mawiling magturo.” Tinihaya ni Lorna ang dalawang pitsa at nabuo niya ang salitng wed.

Tandang-tanda ni Lorna ang araw na iyon. Lumapit sa kanya si Sylvia. “Sasama ka sa amin ni Raul. Witness ka namin.”

“Magtatanan kayo!” Nagulat siya.

Tatawa-tawa si Raul. “Itong si Sylvia.”

Kinawit siya sa bisig ni Sylvia. “Alam sa amin. Alam sa kanila.”

“Pero bakit?” tanong pa rin niya.

“Gusto ko’y tahimik. Walang magulo. Si Raul lamang at ako. Kayo na mga sasaksi. At ang magkakasal.”

Iba talaga ang ugali ni Sylvia. Kapalaran lamang talaga nito na magustuhan ni Raul. Marami siyang mga kakilalang lalaki na higit na gusto ang ugaling tulad ng sa kanya. Walang taas, walang baba. Hindi sumpungin. Hindi ibinubuhos nang lubusan ang loob sa anumang bagay. Hawak ang sarili. Si Sylvia ay katumbalikan niya. Si Sylvia ang gusto ni Raul.

“All out.” Ibinabang lahat ni Raul ang mga pitsa nito. Idinugtong sa nakatayang letrang H at binuo ang salitang heredity. “Plus fifty ha.”

“Talung-talo mo ko.” Pinanood ni Lorna ang paghihilera ng pitsa ni Raul.

“Si Sylvia…” nahinto ang kamay ni Raul.

“Ano?”

“Si Sylvia, talo na, ayaw pang aminin. Sige pa ang laro, kahit natabunan na ang kanyang iskor, hindi aayaw…”

“May fighting spirit…”

Tumuwid na bigla ang nakahukot na katawan ni Raul. Saka, unti- unti, lumaylay na muli ang mga balikat. May fighting spirit si Sylvia. Halos hindi marinig ang tinig ni Raul.

Hanggang sa huling sandali, nakipaglaban sa kamatayan si Sylvia. Ngunit ano na ang magagawa ng lakas ng loob nito, ng mga ngiti at tawa at dalangin, ng mga kuwento at pagbibiro sa kabila ng panghihina ng katawan na likha ng leukemia. Namatay si Sylvia. Ang maramot, laging may katwiran, malakas tatawa, ayaw patalo sa scrabble na si Sylvia. Wala na si Sylvia ni Raul. At nakita niya ang bigat ng dalamhating dinala nito.

Bata pa si Raul. At walang anak. Madali itong makalilimot. Sa kanyang puso, nag-usbong ang binhi ng pag-asa. Pagkalipas ng isang buong taong hindi pag-uwi ni Raul sa kanilang nayon, isang buong taong pagsusubsob ng ulo sa hanapbuhay kung araw at buong taong pagbubumabad sa kung saan-saan, paglalasing upang makalimot, kung gabi, dinatnan niya ito isang hapon sa kanilang tahanan.

“Kumusta?” masaya, nananabik niyang bati.

“Eto,” nakangiting sagot nito.

Nakita niya, nasa mga mata pa rin ni Raul ang sakit, nasa mga labi pa rin ang pait, na una niyang nakita nang lapitan niya ito sa pagkakatayo sa tabi ng kabaong ni Sylvia. Isang taon na bang namamatay si Sylvia? O kahapon lamang? Wala. Walang ipinagbabago si Raul.

Sa harap ni Raul hindi na niya napigil ang kanyang mga luha. Umiyak siya. Umiyak nang umiyak. Sa matinding awa kay Raul. Sa nagbabangong pagkamuhi sa kanyang puso. Sylvia. Sylvia. Ano’t pinahihirapan mo nang ganito si Raul. Anong uri ka ng tao, Sylvia. Ang mga hindi makatwirang isiping naglaro sa kanyang utak.

Naggalit-galitan si Raul. “A, Lorna. Kaya ako naparito ay hindi upang makipag-iyakan. Sabi nga ni Sylvia, huwag kong ikalungkot ang kanyang pag-alis. Huwag akong iiyak. Sabi pa ni Sylvia…”

Bakasyon si Raul. At tuwing hapon, pag-uwi niya buhat sa eskwelahang pinagtuturuan, dinaratnan na niya ito sa kanilang bahay. Upang makipagkwentuhan. Na lagi namang si Sylvia ang paksa. Sabi nga ni Sylvia. A, si Sylvia. Ang gusto ni Sylvia. Ayaw na ayaw ni Sylvia. Sylvia, Sylvia. Sylvia.

Bumili siya ng baraha. Naglaro sila ng black jack. Si Sylvia. Ang daya daya. Busted na, humihingi pa ng karta. Sinubok naman niya ang rummy. Si Sylvia. Ang daya daya, rummy na ko, pilit pa ring ibinibilang ang barahang inabutan sa kanyang kamay .. at sa scrabble…

“Tira na Lorna,” untag ni Raul . “huwag mong sabihin, aayaw ka na niyan.”

Pinaglaruan ni Lorna ang hawak na pitsa na walang letrang nakasulat. Sa pakiramdam niya, parang nais na nga niyang umayaw. Tumigil sa pakikipaglarong iyon na maliit pa siyang bata nang kanyang simulan. Larong nagmula sa bahay-bahayan nila nina Raul at Sylvia. Larong ngayon ay sa scrabble humantong.

Pinagmasdan ni Lorna ang kanyang mga pitsa. Dalawa ang letrang O, dalawa ang letrang I, isang letrang P at isang letrang U. saka ang hawak niyang blanko, ang tinatawag na wild. Walang kakuwenta- kuwenta ang mga ito. Tulad ng kalagayan ng kanyang pag-ibig kay Raul. Hindi pa nito nalilimot si Sylvia.

Inilapat ni Lorna ang blangkong pitsa sa gitna. Ngunit wala na si Sylvia. Sila na lamang ni Raul ang naglalaro. Ngayon pa ba siya aayaw.

Muli, inilapag niya ang letrang O. at ang lerang P. Ang mga ito ay idinugtong niya sa nakataya nang letrang E.


“Ano yan?” tanong ni Raul.
Itinuro ni Lorna ang blangkong pitsa. “Ito ay letrang H.”

Malakas na binasa ni Raul ang salitang nabuo ni Lorna. HOPE.

Tumango si Lorna. Oo. Hope. Ang ibig sabihin ay pag-asa. Na iyon lamang ang magagawa niya sa kasalukuyan. Ang umasa. Umasa. Umasa.

At kanyang isinulat sa kuwaderno, sa ilalim ng kanyang pangalan ang katumbas na puntos nito.


Liwayway, Hunyo 22, 1970

Wednesday, July 1, 2009

“LAROLYMPICS”



“LAROLYMPICS”


Ang Marikina City ay isa sa mga siyudad at municipalidad na naglunsad ng “Larolympics”. Ang kawangis nito ay ang “Palarong Pambansa” ngunit ang mga tampok na laro dito ay ang mga larong kinalakhan ng mga batang Pilipino. Ang layunin nito ay nang maihilig ang mga bata na lumabas ng bahay, masikatan ng araw, makalanghap ng sariwang simoy ng hangin, magtatakbo, maglaro kasama ang iba pang bata, at hindi lumaking ang alam lamang laruin ay ang mga ginagawa sa computer. Masyadong tutok ang mga mata sa monitor. At ang masama, baka kung saan-saan na nagsa-surfing.

Isa sa mga laro sa Larolympics ay ang patintero.

Kinagisnan ko nang nilalaro ito ng mga binatilyo sa lansangang-nayon, sa harap mismo ng aming bahay, sa tapat ng poste ng Meralco kung saan may ilaw, lalo na at hindi naman kabilugan ang buwan. Paboritong laro ito kapag full moon na nagsisilbing tanglaw sa mga naglalaro. Ang kalsada na hindi pa sementado noon ay minamarkahan nila ng ibinubuhos na tubig. Hindi man ako nakasali sa pakikipaglaro sa kanila, nang lumaki-laki na ako at mag-aral ay nilaro namin ito sa eskwelahan.

Noon, ang tawag namin dito ay lubigan. Kasi, lumulubig kami. Ganito ang tawag namin kapag nalampasan namin ang lahat ng mga kalaban na humaharang sa amin. Iyong nasa harapan, iyong nasa patuto, iyong naka-perpendicular sa patuto, at kung marami ang kasali sa laro, ay may pangalawa ulit na patuto. And so on… Exciting ang larong ito. Pabilisan ng takbo. Patalinuhan nang paglansi para malito mo ang kalaban. Kunwari ay lulusot ka sa kanan niya at pag nagpunta siya rito, sisibad ka sa kanyang kaliwa.

Isa pang nilalaro namin noon ay ang presong bato o tumbang preso. Gamit dito ay mga pamato o bato na ipinupukol namin upang patumbahin ang basyong lata ng gatas na carnation na binabantayan ng taya o it. Ang kailangan lamang dito ay muli mong madampot ang iyong pamato at makauwi ka sa bahay o sa linyang pinagsisimulan. Ang hirap dito, kapag napagkaisahan ka ng mga kalaro, hindi ka na makakabangon o makaaalis sa pagka-taya.

Noon, kapag ako ang hindi maalis sa pagkataya, at napansin ito ng nanonood kong kapatid, tatawagin na ako, pinauuwi na raw ako ng Inang, kakain na… at siempre, inis ako, pero ang totoo, gusto lang nilang makabangon ako.

May isa pa kaming laro noon na ang tawag namin, sa ngayon ay maituturing na hindi politically correct. Ewan kung bakit ganoon ang tawag namin dito, kinalakhan na. Nang panahon ng mga anak ko, nilalaro rin nila ito sa harap ng aming bahay dito sa subdibisyon sa Marikina, pero ang tawag nila ay agawan-base. Dalawang grupo ito na magkalaban, may kani-kaniyang base kami o bahay. Magkalayo ang mga ito. Patakbo-takbo kami sa gitna. Kapag nataga (natapik naming una) ang kalaban, iuuwi namin siya sa aming bahay. Didipa siya, parang pinahahaba ang katawan, dahil, pwede siyang isalba ng mga kasama sa pamamagitan ng pagtapik din sa kanya. Kaya lamang, kailangang lusubin ang bahay (parang kampo) ng kalabang may hawak nito. Medyo dito nadudumihan ang mga damit at katawan namin, dahil kapag kami ay nahuli, halos dapa-luhod na kami sa lupa para humaba ang aming katawan at mailigtas kami ng mga kasamahan.

Iyan ay ilan lamang sa mga larong bata namin noon. Ngunit nang maging teen-ager na kami, especially noong high school, ay iyong truth or consequence. Masaya ito, lalo at ang mga naglalaro ay may mga crush sa grupo. Mas pinipili noon ang consequence kasi, medyo tame naman noon ang mga iniuutos gawin – magsayaw, kumanta, umarte. Pero siempre, pag truth, nagkakabistuhan, lalo at may mahina dati ang loob na dito nagiging malakas ang loob na magsabi ng kanilang crush.

Kalaunan, nang nag-aaral na sa Manila, ang napagbalingan naman namin ng pansin ay ang mga card games – solitaire, double solitaire kapag may bisita sa dorm na wala nang mapag-usapan o ayaw mag-usap, lucky nine, black jack (ngayon siguro ay pusoy o tong-its na), at kung medyo matalino kuno, chess at scrabble.

Nakatutuwa iyang scrabble. Kung mag-boyfriend ang naglalaro at imaginative kumbaga, marami silang nasasabi sa kausap sa pamamagitan lamang ng mga ihinahalayhay na pitsa sa board. Ang mga saloobin nila ay lumalabas sa mga binubuo nilang salita. Mababasa ang mga damdaming kinikimkim. Pag-ibig. Sakit ng loob. Pag-asa. Lumbay.

Ito ang paksa ng susunod kong kwento sa buwan ng Hulyo.
MAY PUNTOS ANG PAG-IBIG.

Abangan ninyo. Sa mga kapanahon ko, makaka-relate kayo. Sa mga kabataan, ganoon kami noon, paano kayo ngayon? Do share…