Thursday, June 25, 2009

COMMENTS & FEEDBACKS, HUNYO 2009

COMMENTS & FEEDBACKS, HUNYO 2009


BAGO PAKASAL, BAKIT DI MUNA NATIN SUBUKIN



-Akala ko ba naman, kung ano ang susubukin. Sa loob ko lang, aba'y hindi yata wholesome ito....until I finished the story. Sama ng isip ko, ano? Sorry..... (From CPG)

(Nang unang lumabas ang kwento sa Liwayway, iyan din ang sinabi ng isang kakilala sa akin. Akala ko, anya, kung ano na! Iyon ay taong 1972. Pero, sa totoo lang, nangyayari ang ganitong situwasyon. Iyong pagsubok na maghiwalay muna. Mas mainam naman ito, kaysa magtuluy-tuloy sa isang relasyon na may nadaramang alinlangan. Kaya lamang, kailangan ring humanda sa maaaring mangyari. Halimbawa, baka dumating ang panahong gusto mong bumalik, pero wala ka na palang babalikan. Masaklap ito.)


-Talagang ina-abangan ko ang istorya dahil nais kong malaman ang ibig sabihin ng "Bakit Di Muna Natin Subukin". Ang nasa isip ko ay subukan muna ang "live-in". Mali or taliwas ang nasa isip ko. IPAG-PAUMANHIN. Overall, ang kwento ay maganda at nakakaaliw. Kailan ang kasunod? (From MT)

(Sa panahong ngayon, parang nagiging karaniwan na ang “living in” kahit na rito sa Pilipinas Katwiran nila ay para madali ang pakikipaghiwalay kapag hindi nagkasundo. At dahil hindi legal ang diborsiyo sa Pilipinas, sa abroad sila nagpapakasal para doon din magdiborsiyo.

Ewan ko lang, pero kung tatanungin ng mga magpapakasal ang mga pag-asawahang tatlumpo, apatnapu, o limampung taon nang kasal, malalaman nilang ang relasyon ng isang mag-asawa ay talagang dumadaan sa mga mumunting alitan (sa pera, sa pagpapalaki ng mga bata, sa mga in-laws, sa trabaho, sa mga kaibigan, etc.) at sa hindi pagkakasundo, bahagyang panghihinawa sa isa’t isa, pagkainis, o paminsan, sa pagkakaroon ng atraksiyon sa iba, lalo at natapat sa panahong magkagalit o nagtatampuhan sila.

Ngunit ang lahat nang ito ay lumilipas. Parang tubig na lumilinaw, huwag lamang lalabusawin sa pamamagitan ng mga hakbang na pagsisisihan kalaunan. Halimbawa ay sa pagbibitiw ng mga masasakit na salita. O sa pagdadala ng ikatlong persona sa relasyon na bubuo ng isang tatsulok at tuluyang maghihiwalay sa dalawang taong pinag-isa ng matrimonyo.)


-Para yatang bitin o meron akong na-miss? Nakaka-awa naman si George! (From BL)

(Iyan ang gusto ko sa iyo, talagang “feel na feel” mo ang kwento. Pero, talagang ganyan ang buhay, di ba? Ang papel ni George sa buhay nina Rhia at Bert ay parang bilang “eyeopener”. He may be a good catch, pero sa kabila nito, nadama ni Rhia na talagang si Bert ang gusto niya. Kaya, bumalik siya rito. At nangyayari talaga ito. May kakilala akong ganyan. Bueno, huwag mo na akong tanungin kung sino ito!)


-Regards to all. And thanks for your very entertaining kuentos. You're just like wine -- gets better as it ages! Missing you all. (HT)

(Thank you. Miss your family, too. Tanda ko pa noong bago tayo sa Marikina, noon nadiskubre ni Boy na ako pala ay nagsusulat sa Liwayway, na ako ang may kwento noong tungkol sa tinamaang low-cost housing sa SSS. At magkapit-bahay tayo! Natuwa naman ako na ang mga tagahanga ko at mambabasa ay CPA at executive pa!)


-Good day po! Nakakatuwa po pala basahin ang inyong blog...halos purong Tagalog. Salamat po sa pag preserve ng ating kultura kahit modern ang medium. Dadalaw po ako ulit sa blog nyo. Na share po sa akin ito ni Wendy na kasamahan ko sa trabaho. Regards po kay AS! (From ZB)

(Salamat din sa pagbisita mo. Sana nga, lagi ka nang dadalaw dito. You may also share the blog address with others who may be interested in Pinoy-things, kwentong-Pinoy, and all that. Sabi ni Devi, she visits the blog also. Si Lynlyn din. Si Weng din noon, ewan lang kung hanggang ngayon. My blog is open to reader’s input, comments and feedback. Parang interactive baga. Kasi, minsan, may kwento o reflections dito na somehow, may connection din sa buhay ninyo. Do share.)


-Hi Tita Evelyn! Gud evening po. Totoo at sang-ayon ako sa sinabi ni Zaida na nakakatuwang basahin ang iyong blogs...dami kong napupulot na magandang halimbawa. Tunay na nakaka-relate din ako sa iyong mga kwento at naaaliw pa kamo sa mga lugar at pangalan na ginagamit mo sa iyong mga pagsulat. Sa totoo lang pabalik-balik ako at paulit-ulit kong binabasa ang iyong mga isinulat dito. It's an honor for me and I'm proud to tell everyone na "musmos" pa lamang ako ay kilala ko na si Evelyn Estrella. (WSD)

(Musmos ka pa lamang ay kilala na kita! Mabuti na lamang at hindi alam ng nakararami kung ilang taon ka na! By simple arithmetic, malalaman nila tuloy kung ilang taon ako, although hindi ko naman ipinagkakaila na SC na ako at entitled na sa 20% discount ang binibili kong gamot sa Mercury at mga pagkain sa restoran.

Nabanggit ko na nga noon na ang mga ginagamit kong background ng aking mga kwento ay mga familiar places, with familiar sights and sounds and peopled by familiar names. May ginawa nga akong kwento noon na ang pangalan ng lahat ng karakter ay hango sa pamilya ninyo. Isang Gabing Walang Telebisyon. Nakasama pa nga ito sa anthology ng mga Women Writers na inilabas ng Ateneo Publishing. Ang pangalan ng libro ay “Ang Silid na Mahiwaga”. I remember, binigyan ko kayo ng isang kopya.

By the way, kung alam mo ang address ng mga pinsan mo sa California (Myrna), do tell them about this blog. I’m sure, they will be interested. And share and send feedbacks. Salamat !!!)

Wednesday, June 24, 2009

AKO AY PILIPINO - Paaralang Pinoy, Virginia, USA

At pinadalhan nila ako ng isang video kung saan ang mga bata ay umawit ng isang awit Pilipino. Naisip ko lamang: kung ang mga kabataang nasa ibayo ng dagat ay nakadarama ng ganitong damdamin, hindi kataka-takang ang mga kabataan na narito mismo sa bansa ay higit na makaramdam nang ganito. Dahil higit nilang dama ang pulso ng bayan. Dahil mulat na sila ngayon sa mga nakikita sa paligid, sa pamahalaan, sa lipunan.

Ako ay Pilipino - video

Monday, June 22, 2009

SA PAKPAK NG MGA LUMANG AWIT



SA PAKPAK NG MGA LUMANG AWIT




Recently, I received my order for a 5-CD Music from the 60s from Reader’s Digest. And an appreciation gift of an ice candy tray for being a valued subscriber. And… the chance to win, heh heh heh, six million pesos in the coming draw! I first tried the Party Favorites.

Let’s Twist Again – Ay, naku, napaindak ako nang di oras. Feeling nasa dorm ako. Acquaintance Party. July. Tanggal ang mga partitions ng Rooms One and Two, making one big ballroom with chairs set in a curving line following the sides of the room. Dito kami umuupo, nakahilera, nagpapaypay, nagbubulungan, naghihintay ng lalapit na magsasabing, may I dance with you? Ang mga balloons ay pulu-pulo nang nakalagay sa suluk-sulok. Na siempre, may isang partikular na lobo na kapag natapatan ng isang magka-partner ay may premyo silang natatanggap.

I could still picture the dormitoryanas before the party, their hair in rollers, some in pincurls, ironing their dress at the lone “kabayo” in the dining room, or giving each other a manicure. Nakalinya ang maliligo sa banyo. Panay ang ring ng telepono. Iyong mga empleyada na de-sweldo, ala Jacqueline Kennedy na ang hairdo, naka-fly away, galing sa parlour sa tabi ng UE. Ang komite sa Refreshment, gahol na sa pagbabalot ng sandwich na ang palaman ay cheese pimiento at mayonaise, binabalot ng kwadradong napkin, tapos ay ipinapaloob sa maliit na brown supot. Ang panulak na softdrink ay coke.

Makahapunan, datingan na ang mga bisita. Iyong may boyfriend, iyong kanilang boyfiend, siempre. Iyong wala, e, iyong kanilang mga Kuya o pinsan o kapit-bahay sa probinsiya o kabarkada sa high school o sa kolehiyo. Iyong ibang talagang walang maimbita, sumasama na ring makiupo upang manood kuno, pero nagbabakasakali pa ring may mag-may I dance with you! Na matapos ang kunwari ay patumpik-tumpik na huwag, hindi, ayoko… e, sasama rin pala!

Pinakamabiling tugtog na sinasayawan, lalo na ng mga magboy-friend, ay iyong sweet o slowdrag. Doon na sila nagchi-cheek-to-cheek. Magkadaiti ang mga pisngi hanggang noo, lalo at halos magkasintaas sila. Kung sobra ang taas ng lalaki, yumuyuko ito nang bahagya at napapatong ang baba sa tuktok ng kasayaw (kaya dapat naliligo bago ang party). Ang hawakan ng kamay noon, iba pa, hindi tulad ngayon na sa leeg nakapulupot ang mga bisig ng babae at magkasalikop naman sa baywang nito ang mga bisig ng lalake. Noon, nasa balikat lamang ng lalaki ang kaliwang kamay ng babae at romantic na iyong idinadaiti ng lalake ang magkahawak nilang palad sa tapat ng kanyang dibdib. At halos hindi sila umaalis sa kinatatayuan, pauguy-ugoy lamang, habang ang plakang 78rpm ay umiikot sa turntable at ang magkakasabay ng tinig ng The Platters ay umaawit ng Only you can make this world seem right, only you can make the darkness bright…Sabi nga ng roommate kong taga-Paombong, anak ng tinapa!

Let’s Twist Again! Ang sayaw na twist noon ay para lamang spagheting pababa at spagheting pataas ngayon na naging hit sa Eat Bulaga ng Channel 7, pinatanyag ng mga Sexbomb Dancers. Kaya kung tutuusin, ahead of the times pala kami noon, iba nga lamang ang tugtog.

Ay, naku… talagang ang musika ay malaki ang kahalagahan sa ating buhay. Isipin mong makarinig ka ng isang himig, dagli na nitong ibinabalik ang mga alaalang nakabaon na sa limot.

Tulad nito. Sabi ng doktor sa akin. You need to exercise. Brisk walking is recommended. But I am an owl and I sleep late. Getting up early in the morning is a no-no. So, paano? May nagpayo, magsayaw ka na lang! Sayaw? Ano, uupa pa ako ng DI? Hindi, sagot sa akin. Mag-isa ka lang. Ano, mag-isa! Aba, e, baka akala ng makakita… In private, sa tagong lugar…

Naisip ko, may katuwiran. So, now, in the few times that I exercise, I do cha-cha in the privacy of our bedroom or the patio overlooking my small garden. I put in my player a non-stop cha-cha CD which is a collection of old songs. So while I cha-cha the hour away, I let my imagination soar and recapture memories gone by through the music I dance to. Some of which are as follows -

Day O – This was in the late Fifties. That was the time I loved playing the guitar and the ukulele, strumming the moments away, singing “Little Brown Gal”, “Blue Moon”, “Heart and Soul”, “Sinisinta Kita”. I remember being with a new barkada whose members were all fond of music and most were gifted with good voice. We sang songs by Jerome Kern, Sigmund Romberg, kundiman and pops. That’s Elvis and Sinatra for me.

Seven Lonely Days – Panahon din ito ng dormitory life (halos sampung taon akong nagtira dito). At tulad nang naunang recollections sa unahan ng posting na ito, just the word “dormitory” and I am swamped with memories of fifty or so “dormitoryanas” and their bitter sweet experiences of living in the dorm. How their lives inspired me to weave poignant stories to tell. And led me to write a sort of Ode to Dormitory Life that gave me my first Palanca award (February 2009 posting).

Never On Sunday – If ever there is a theme song for writing, this is mine. I could not remember why or how it became so. I just got the urge or inspiration to write (then) whenever I hear the song. The memory it conjures is a small eskinita somewhere in Azcarraga, now Claro M. Recto, near the Hollywood Theatre and Quezon Boulevard. It was known then as Calero where the publishing company putting out Liwayway Magazine, was located.

And there are so many other old songs that I sing and dance to…
that make me smile and happy...
and nostalgic…
and sometimes sad,,,
and wistful.

Kayo ba, anong awit ang kapag inyong narinig
ay kagyat na nagbabalik ng mga gunitang
matamis…
malungkot…
mapait…

Monday, June 15, 2009

HUNYO 12, ARAW NG KALAYAAN

HUNYO 12, ARAW NG KALAYAAN

Kamakailan, naging paksa ng usapan sa aming hapunan ang Araw ng Kalayaan. Katatanggap ko lamang kasi ng isang email na naglilitanya ng mga kamalasang umabot at umaabot sa bansa, mula kay Lapu-lapu hanggang sa kasalukuyan. Hindi maganda ang dating nito sa mga kasama ko sa bahay, bagama't may bahid ng katotohanan. Dahil, masyadong negatibo raw. Panay iyong hindi maganda ang mga sinabi. Sabi nga, think negative and you invite the negative. Kaya nga may nagsabi, hindi ko lamang mahalungkat kung sino ---

"Watch your Thoughts, they become Words;
Watch your Words, they become Action;
Watch your Actions, they become Habits.
Watch your Habits, they become your Character.
Watch your Character, it becomes your Destiny."

Input naman ng isa sa kasambahay ko: Na ngayon, kanyang nadarama, kanyang naririnig, kanyang nakikita, ang isang nagbabangong damdamin sa mga tao sa paligid na wari ay matatawag na binhi ng pagpapahalaga o pagmamalaki sa pagiging isang Pilipino. May pagbabago nang nagaganap.

Tanong pa niya: Dahil ba sa isang Manny Pacquiao na muling pinarangalan bilang Boxer of the Year sa America? Dahil ba kay Brilliante Mendoza na nagkamit ng Award bilang Best Director sa katatapos na Cannes International Film Festival? Dahil ba kay Charice Pempengco na naging bida sa talk show nina Oprah at Ellen, na nakisalamuha, nakipagduweto sa mga tanyag na mang-aawit? At muling naungkat, dahil din kay Lea Salonga ng Miss Saigon fame, nagkamit din ng mga awards sa pag-awit? Bayanihan at Madrigal Singers? Mga estudyanteng nanalo sa mga debate, math at science? At sa mga Fil-Am na sina Nicole ng Pussycat Dolls, si Arnel Pineda, Apl.de.Ap. ng Black Eyed Peas? Si Efren Bata Reyes ng billiard. Paeng Nepomuceno ng bowling. At marami pang iba, tulad ng mga awit at tee-shirts ni Francis M…

At huwag kalilimutan ang EDSA 1 at 2. Kaya nga lang, may kasamang pulitika ang mga ito, tuloy hindi naka-relate lahat ang mga mamamayan dito, samantalang sa mga nauna ay wala. Lalo na kay Pacquiao. Matanda at bata, babae at lalake, mahirap at mayaman, nasaan mang dako ng mundo, magkaibang relihiyon, partido. Iskwelahan – lahat, ay nagkaisa para sa kanya. At nang siya ay manalo, proud to be a Filipino talaga!

Iyon nga lamang ba ang dahilan? O talagang dumating na ang panahon. Unti-unti, tulad sa isang halaman, ang butong binhi na inihasik noon, daang taon na ang nakalipas, ay nag-uugat na. Tumitibay na ang pagkakakapit sa lupa dahil sa ito ay nadidilig. Yumayabong na ang mga sanga at dahon. Ang tagal kung iisipin… sandaan at labing-isang taon na ang nakalilipas mula nang lumaya ang Pilipinas.

Personal kong karanasan na masasabing patotoo sa nangyayaring ito. Mga kakilalang kabataang nagtungo sa ibang bansa upang mag-aral o maghanap-buhay, nagkaasawa, nagkapamilya doon. May dilemma sila, how could they reconcile their being nationalistic sa pamumuhay sa ibang bansa, ibang kultura, ibang lahat?

Kanilang kwento:

Mula sa pagsilang ng aking mga anak, sa wikang Pilipino ko na sila kinausap. Sa mga tagulaylay na kinalakhan ko sila ipinaghele. Hindi pa sila marunong magsalita, naiintindihan na nila ang mga sinasabi ko sa kanila, kahit Tagalog ang gamit ko. Puti ang kanilang ama.

Pinadadalhan ako ng aking ina ng mga children’s books sa Pilipino. Binabasahan ko sila nito, na kahit hindi nila naiintindihan ang bawat salita, ay nasusundan naman nila dahil sa mga larawan at ilustrasyon.

Habang natututo sila ng pagbasa sa English, kasabay kong itinuturo ang Abakadang Pilipino. Madali nilang natutuhan ang pagbasa ng Tagalog. Ang po at opo, salamat po, makiraan po, magandang umaga, hapon, gabi, ay naging bahagi ng kanilang lumalagong bokabularyo.

Ipinaskel ko sa aming banyo ang isang malaking papel na kinasusulatan ng mga titik ng “Lupang Hinirang”. Sa gulang na 2 at 4 na taon, alam na itong awitin ng aking mga anak, bago pa nila natutuhan ang anthem ng bansang kinaroroonan namin.

Sabi pa nila:

Hindi naman kailangang kalimutan ang pinagmulan. Sa ayaw at sa gusto namin, ang lahat dito sa bagong bansang kinaroroonan namin ay aariin nilang kanila. Ngunit marapat lamang na madama rin nila na sila ay mga Pilipino. O ang mga magulang nila ay galing ng Pilipinas.

Tuwing Independence Day ng Pilipinas, dinadala ko ang buong pamilya sa mga selebrasyon nito. Doon nila nakikita ang kapwa Pilipino namin. Nakikita ang mga sayaw, naririnig ang mga awit-Pilipino. Ngunit hindi ito sapat, alam namin.

Naisipan namin na magsama-sama at magtulungan na magkaroon ng isang tipong-paaralan kung saan namin maituturo ang lahat na bagay-Pilipino. Awit, sayaw, kultura, tradisyon, panitikan, at iba pa.

At pinadalhan nila ako ng isang video kung saan ang mga bata ay umawit ng isang awit Pilipino. Naisip ko lamang: kung ang mga kabataang nasa ibayo ng dagat ay nakadarama ng ganitong damdamin, hindi kataka-takang ang mga kabataan na narito mismo sa bansa ay higit na makaramdam nang ganito. Dahil higit nilang dama ang pulso ng bayan. Dahil mulat na sila ngayon sa mga nakikita sa paligid, sa pamahalaan, sa lipunan.

Ilang taon nang tuwing buwan ng Hunyo (Mayo pa lamang), ay nagsasabit na ako ng bandilang Pilipino sa harap ng aming bahay. At kapag tinanong ko ang aking sarili, dito ko lamang ba maipakikita ang aking pagka-Pilipino? Sa buong panahon ng aming pagkita sa aming empleo ay nagbayad kami ng buwis. As a rule, sumusunod kami sa batas, hindi sumusuhol kapag nahuli ng pulis… ano pa ba? A, sa totoo lang, wala na akong maisip! Sapat na ba ito? Alam kong hindi. Kayo ba?

Ngunit dama ko, totoo nga, nag-iiba na ang ihip ng hangin!

Wednesday, June 3, 2009

BAGO PAKASAL, BAKIT DI MUNA NATIN SUBUKIN?



BAGO PAKASAL, BAKIT DI MUNA NATIN SUBUKIN?



SIYA, si Rhia ang nagmungkahi. Noon. Nabigla si Bert. “Bakit kailangan pa nating gawin iyon?”

Matatag ang kanyang pasiya. “Upang tayo ay makatiyak. Sa ating damdamin. Sa ating sarili.”

Si Bert ay napapayag din niya. Ngunit halatang napilitan lamang ito. Pinagbigyan lamang siya.

At bago napag-usapan at naitakda ang kanilang kasal, sinubok nga nila ni Bert ang kanilang napagkayarian.

Kapitbahay at kaeskwela niya mula sa elementarya si Bert. Kalaro sa bahay- bahayan kung Sabado’t Linggo na walang aral. Kasama sa patintero’t moro- moro sa kalsadang nasa harap ng kanilang bahay nang panahong iyon na wala pang traysikel at bihira pa ang diyepning nagdaraan. Maski sa taguan, kung gabing maliwanag ang buwan, kung saang silong sumiksik si Bert, naroon din siya.

Noon pa man, may pagkamalisya na ang mga bata. “‘Eto na’ng nobyo mo, Rhia…”

“Anong nobyo?” Sinong nobyo?” inis niyang tanong.

“Si Bert, sino pa?”

“A, si Bert…” at wala na ang kanyang pagkainis.

“Uyyy…” tukso ng mga ito. Habol kaagad siya ng pangungurot.

Si Bert ay tinutukso rin ng mga kalaro. At kay Bert siya natuto. Hindi nito pinapansin ang mga pang-uulok. Kung baga sa siga, lalo pang pinag-aapuy.

“A, si Rhia, talaga naman liligawan ko ‘yan paglaki namin.”

Kaya ang nangyari, pati na ang kanilang mga magulang ay nagkalokohan. Pamamalengke ay daraanan ng ina ni Bert ang kanyang nanay. “Balaeng Norma, aba’y tayo na’t baka bilasa man, e, wala tayong datnan.”

Sa elementarya, sa iba’t ibang baitang nang pag-aaral, hiraman sila ng libro ni Bert. Ang Homeland nito. Ang English Fundamentals niya. Si Bert pa rin ang tagadrowing niya ng mga takdang aralin sa Elementary Science. Si Bert pa rin ang hinihili niyang maghakot ng mga sako ng ipa mula sa kiskisan hanggang sa eskwelahan. Mantak mo iyong tigsasampung sako ng ipa ang bawat nag-aaral. Para matambakan ang malalalim na kanal sa bakuran ng paaralan. Para magamit sa idinaraos na athletic meet. At kung wala. A, stupid, sasabihin ng kanilang guro, sapagkat noo’y magaan pang nakapagmumura ang mga titser sa mga estudyante. At kinig na ang kanilang tuhod sa pagsunod. At siyempre, si Bert ang lagi niyang napapahirapan.

Siyempre pa rin, kung may idinaraos na mga palatuntunan sa paaralan, tulad ng Arbor Day, Balagtas Day, at kung anu ano pang mga araw na dinarakila, at mayroon din lamang mga batang pagsasayawin ng folkdance, tiyak, sila ni Bert ang pinagpapareha. Iyang La Jota Moncadena ay master na nila ni Bert.

At lumaki sila sa gayong palagayan. Si Rhia at si Bert. Si Bert at si Rhia. As unto the bow the cord is, so unto Bert is Rhia, ang takbo ng mga biruan.

Valentines Day. Nasa high school na sila ni Bert. “Rhia…”

Inabot niya ang kahong ibinibigay ni Bert. “Ano ‘to?” ang tanong niya, kasabay ang pagbubukas.

Isang malaking-malaki, makapal, may mapulang kutson na hugis puso, lasong pelus na Valentine card. Binasa niya. To a very special girl. At ang mga sumusunod na nilalaman ay tungkol sa kinikimkim na pag-ibig na noo’y ipinagtatapat.

Umungol siya. At tumawa. At hinampas ng kahon si Bert. Ganoon lamang. Mag-steady na sila. Si Bert ang kauna-unahan niyang manliligaw. Katorse siya. At naging kauna-unahan ding kasintahan. Sa gulang ding labing-apat.

Narinig niya ang pag-uusap ng kanyang ina at ng isang kapitbahay. Ang bata pa ni Rhia, di ba ninyo pinagbabawalan?

Sabi ng kanyang ina. Naku, bakit ba namin papansinin iyon, e, para puppy love lamang. ‘Wag ka’t mamaya, e, lilipas na iyon.

Kaya tinanong niya si Bert. “Kailan kaya lilipas itong nangyayari sa atin. Bago matapos ng high school o pagkaraan ng graduation?”

Ang sagot ni Bert. “Sa lagay ba’y may balak ka pang makipag-break sa akin?. Di ba ang usapan natin, pagkatapos ng college, magsisilbi, saka mag-iipon, ang katapusa’y kasal.”

Kasal. Second year pa lamang sila sa high school. Ang layo na ng iniisip ni Bert. Hindi na lamang siya kumibo.

Ang pagmamahal na nadarama niya para kay Bert ay hindi ang uri na nagpapamula ng pisngi at nagpapasasal ng tibok ng puso. Tulad ng nadarama ng kanyang kaibigang si Idia kapag nakikita ang crush na si Lando. “Ay, Rhia, nandiyan na. nandiyan na…”

“Sino?”

“Si Lando. Huwag kang maingay. Nakatingin dito. Diyos ko po, Diyos ko po!”

Tutop ang dibdib, hindi magkantututo si Idia. Abot ang buntunghininga. At ganoon na lamang ang kanyang pagtawa. Pagtatawang nauuwi sa pag-iisip . sa matamang pagmumuni muni. Bakit ako, walang ganoong nararamdaman kapag nakikita ko si Bert. Mahal ko kaya siyang talaga? At mahal din kaya niya akong talaga?

Sa high school, sabay sila sa pagpasok, sabay rin sila sa pag-uwi. Sa mga sayawan, hindi lamang si Bert ang kauna-unahan at kahuli-hulihan niyang sayaw, kundi si Bert ang tangi niyang kapareha sa lahat ng tugtog. Kahit sa pagkain sa kantina, kasama pa rin niya si Bert. Wala siyang nadaramang pagkayamot, ngunit hindi rin naman siya excited. Nasisiyahan lamang siya sa kanyang katayuan at kalagayan. May nagmamahal.

Nagbilang ng manliligaw si Idia. Saka si Emma. Si Myrna. Si Cynthia. “Masarap ba?” ang minsan ay hindi niya napigil na itanong.

Nagtawanan ang kanyang mga kaibigan. “Ito namang si Rhia, akala mo hindi naligawan.”

Sa loob-loob niya, ligaw na ba iyong ginawa ni Bert. Nag-abot lamang ng Valentine card. Ni hindi siya napadalhan ng love letter nito. Kasi naman, ipinahalata kaagad niya na may gusto rin siya. At noon din. Mismo.

Nakatapos sila sa mataas na paaralan. At kapwa nag-aral sa kolehiyo. A, sa mga kolehiyo’t pamantasan ay maraming prospect. Ngunit no dice. Iisa ang kursong kinuha nila ni Bert. Commerce, at iisa rin ang kolehiyong pinasukan. At silang dalawa ay nakilala rin ng lahat na magkasintahan. Ang mga lalaki ay ilag na sa kanya. Wala nang kulay ang mga tingin at salita. Ang mga babae naman ay hindi na nagpapatsarming kay Bert.

“Nakakainggit ka, Rhia,” sabihan ng kanyang mga kasamahan sa dormitoryo.

“Bakit naman?” ang tanong niya.

“Mahal na mahal ka na ni Bert ay gustung-gusto ka pa sa kanilang pamilya. At si Bert naman, ng iyong pamilya.”

Mapalad nga marahil siya. Na kay Bert na ang lahat ng katangiang karaniwang hinahanap ng isang babae sa nais na makaisang-palad. Matangkad at makisig, lalaking-lalaki ang personalidad. May angking talino at likas ang kabaitan. Maalalahanin. Tapat. At tunay na ipinagmamalaki niya ito. At itinuturing na mapalad nga siya. Kaya ang pagdating ng panahon ng katuparan ng kanilang mga balak aly matiyaga na lamang niyang hinintay.

Hanggang sa makadaupang-palad niya si George.

“Rhia, si George. George, si Rhia.”

“Hi,” sabi niya.

“Hello,” bati naman nito.

Hindi naman guwapo si George. Di hamak na may hitsura si Bert. Pero si George, muy simpatico. Ba’t pag ngumiti ay may biloy pa sa pisngi.

“Rhia, pwede bang dumalaw.” Tumatawa pati mata ni George.

Naramdaman niya, nag-iinit ang kanyang pisngi. Namumula siya, alam niya. Pero bakit. Kasabay ng tanong, napansin niya ang halos mag-abot na tibok ng kanyang puso. Anong nangyayari sa kanya?

Hindi niya napigil ang pagtango. Dalaw lang pala..

Dumalaw si George. At muli pang dumalaw. At natural lamang na di maiiwasan ang pagtatagpo. “Si Bert, si George.. George, si Bert.”

Nagkamay ang dalawa. Nasa mga mata ni Bert ang hindi maisatinig na tanong. Ano ang pakay mo kay Rhia.

Nasa mga ngiti ni George ang pagtanggap sa kaharap na hamon. Siya pala. Siya pala si Bert. Ang nababalitaan kong boyfriend mo. Pero boyfriend pa lang. hindi pa kayo kasal, Rhia…

At nasa pag-iinit ng kanyang mukha at panlalamig ng mga palad, nasa ayaw lumabas na tinig sa kanyang lalamunan at nasa wari ay panlalaki ng kanyang dibdib na namuno sa isang kakaibang uri ng kasiyahan, ang daloy ng pagmamalaki. Bert, si George. Ang ibig niyang sabihin, hindi ikaw lamang Bert. May iba pa. si George. At si… at… kung sino pa ang darating. Bakit nga hindi

Naunang umalis Geroge. At hinintay niyang ungkatin ni Bert ang tungkol kay George. Ngunit wala itong sinabi. At wari, siya ay nabigo. At sa kanyang kabiguan, siya ay nag-isip. Anong uri ng tao at kasintahan itong si Bert. Talaga ba niya akong mahal. Siya ba’y mahal ko ring talaga. Bakit ganito ang damdamin ko sa kanya. Parang hindi ganap. Parang… a, paano ako makatitiyak.

Saka nagyayang pakasal si Bert. “Tapos na tayo ng pag-aaral, Rhia.”

Mayroon pang maidadahilan. “Pero wala pa tayong trabaho. Hindi pa tayo nakapagsisilbi.”

Nakakita ng trabaho si Bert. At siya. Sa malalaking kompanya. Matatag. At muli, ang pagyayaya. “O, ano, Rhia?”

“Kaunting panahon na lang, Bert.” Parang nawawalan na siya ng pag-asa.

Saka niya narinig ang awit na iyon. Tinutugtog sa isang jukebox. Sa isang munting kainan na pinagmemeryendehan nila ni Bert. You try somebody else, I’ll try somebody else, and when we’re through, we’ll both be blue, we’ll be back together again.

“Pakinggan mo, Bert. Pakinggan mo.”

You try painting the town. I’ll try acting the clown. We’ll travel fast, but it won’t last, we’ll be back together again.

“Narinig mo, Bert?”

“Ano’ng ibig mong sabihin. Rhia?”

“Iyong awit, ang ibig kong sabihin. Bakit di muna natin subukin? Bago tayo pakasal, bakit di muna tayo maghiwalay? Upang tayo ay makatiyak sa ating damdamin. Sa ating sarili. Bert… Bert… mula noong araw, tayo nang dalawa. Walang iba. At ako, ni hindi ko naranasang maligawan. Huwag kang magagalit, pero hindi ako nagkarooon ng karapatang pumili, dahil wala akong pamimilian. Ikaw lang, Bert. Lumaki akong may tatak. Girlfriend ni Bert. Hindi mo kasalanan, Bert. Hindi natin kasalanan. Talaga namang gusto natin ang isa’t isa. Pero kapag tayo ay napakasal, hindi na tayo makauurong, Bert. Kaya nga, sabi ko, tulad ng sinasabi sa awit, why not try somebody else? At kung talagang tayo ang magkapalaran, kung hindi natin madadala ang paghihiwalay, babalik tayo sa isa’t isa, Bert. Hindi ba? Ha?

Naghiwalay sila. Sa malaking pagtataka ng lahat ng kanilang mga kakilala’t kaibigan. Nagkaroon nga siya ng mga manliligaw. Pwede na siyang mamili.

Saka niya nabalitaan. Dumadalaw, madalas pumasyal si Bert kina Anna. At alam niya, matagal nang mya lihim na pagtingin si Anna kay Bert. Kapag nagtapat si Bert, kung di pa nakapagtatapat, tiyak na sasang-ayon si Anna. Kaagad. Di na magdadalawang loob. At ang pagpapakasal ng dalawa ay isang nagdudumilat na katiyakan



NAPABALIKWAS sa pagkakahilig sa sopa si Rhia. Busina na nga ba ng kanilang kotse ang kanyang naulinigan. Muli, ang busina. At tuluy-tuloy nang tumayo, tinungo ni Rhia ang pinto.

“O, napuyak ka pa ng paghihintay. Sabi ko matulog ka na lang. Si Lydia naman ang magbubukas ng gate,” ang bati nito.

Tumawa si Rhia, kasabay ang kapit sa bisig ng asawa. “Nanood ako ng tv. The Best Things in Life are Free.”

“Siyanga. Maganda ba? Hindi ko napanood ‘yon noon.”

“Maganda. At alam mo, doon pala sa pelikulang iyon kinanta ang theme song natin.”

“Alin?”

Isinara ni Rhia ang pinto ng kanilang silid-tulugan. Sumandal dito at mahinang umawit, you try somebody else, I’ll try somebody else...

Ang tinig ni Rhia ay nasabayan ng sipol. And when we’re through, we’ll both be blue, we’ll be back together again.

Napakulong si Rhia sa nagmamadaling mga bisig. At sa pagitan ng mga halik, “Bata pa ako noon at walang isip… nang makipaghiwalay sa katangi-tanging lalaking iyon…”

“Ang ginawa mo’y hindi kawalan ng isip. Manapa’y patunay ng isang hinog at magulang na pag-unawa sa mga pangyayari.”

“Pero natakot ako. Nang nabalitaan ko ang tungkol kay Anna. Noon ko nadama, hinding-hindi ko mapapayagang mawala siya sa aking buhay. Ang mapakasal siya sa iba. Sukdulang maglumuhod ako sa pagbabalik sa kanya.”

“Hindi na kinailangang maglumuhod ka sa kanya. Ikaw lang talaga ang kanyang pag-ibig. Pero ngayon, hindi ka ba nagsisisi, Rhia?”

“Sa pagbabalik sa iyo? A, hindi, mahal kong Bert. Hinding-hindi.”


Liwayway, Pebrero 1972

Monday, June 1, 2009

Buwan ng Hunyo, Buwan ng Pagpapakasal




Buwan ng Hunyo, Buwan ng Pagpapakasal


Nakagisnan na nating ang buwan ng Hunyo ang favored month ng pagpapakasal ng mga magnobyo. Noon. Pero, ayon raw sa statistiko ngayon, Disyembre ang paboritong buwan nila sa kasalukuyan. Ako ay Setyembre ang pinili kong buwan.

Noon, kapag ang naipong pera ng boyfriend ay sapat na para sa isang simpling kasalan at nasa edad na sila (ang bracket ay 21-29), nag-uusap na sila nang masinsinan tungkol sa pagpapakasal. Ito naman ang karaniwang criteria ng pagpapakasal noon (at kahit naman ngayon, as a rule), ang financial readiness.


Noon nga ay simpli lamang. Bayad sa simbahan, kasama na ang uri ng bulaklak na gusto mo sa aisle, tulad ng puting calla lilies, na hindi naman kamahalan.

Bayad sa reception, na kundi sa Bulakena ay sa Aristocrat sa may Dewey Boulevard, gaano na ba ang per person noon, wala pang limang piso, yes! Wala pang limang piso. Limang piso rin ang minimum daily wage.

Bayad sa photographer, at kung taga-Malolos ka, Guiguinto, Bigaa, abot na ng Meycauyan, o Paombong, Hagonoy, Calumpit, e, siempre, si Topico, ang paboritong photographer ng Bulacan ang kinokontrata.

Bayad sa trahe na sa isang kakilala ipinatatahi, sa Divisoria binibili ang tela at mga lace at borloloy na pang-applique.

Bayad sa amerkanang isusuot, ito pa ang uso noon.

Bayad sa singsing, na sa isang kakilala ring taga-Meycauayan binibili, para maka-discount.

Mga iba pang mumunting bayarin. At siempre, pondo para sa pang-honeymoon sa Baguio. At bago malimutan, tama na rin ang naipon sa joint account (kung parehong nagtatrabaho) para pambili ng mga unang appliances sa titirahang apartment (kamang may kutson, sala set na rattan ng Baughman's, apatang dining set, kusinilyang de gaas, saka na ang ref at tv kalaunan).

Tunay na isang simpling kasalan!

Pero, ngayon, ibang-iba na. Kapag gusto mo ng kasalan sa simbahan at may hotel reception, kahit sasabihin mo pang simpli, humanda ka.

1. Kailangan mo raw ng wedding coordinator.

2. Isang taon ang kailangang preparasyon.

3. Tandaan na may simbahang fully booked at kung sakaling may susunod na ikakasal sa iyo, magmadali na kayo sa kodakan at naghihintay na ang bagong pares ng ikakasal sa may pintuan.

4. Halaga pa lamang ng mga bulaklak para sa aisle, kung roses o orchids, libu-libo na, at kung kasama ang igagayak sa hotel (may hotel na hindi ito sagot), daang libo na.

5. May kodakan na, may video pa. Kung may album na kasama at pasunod na nakakwadro, daang libo rin iyan.

6. Kailangang may quartet na tumutugtog sa simbahan, pwera pa iyong talagang choir sa misa. Ngayon, pwedeng ito na rin ang quartet sa reception.

7. May program pa sa reception, may emcee, may powerpoint, may presentation. Noon, iitsa lamang ang bouquet at kung sino ang makasalo, susunod raw ikasal. Saka, magsusubuan ng cake pagkatapos magbunutan ng favors.

8. Bago malimutan, ang mga singsing at aras.
Ang mga give-aways. Ang imbitasyon! One month before, dapat naipamigay na.

9. Mga ninong at ninang na dapat personal na pagsasabihan. Maid of honor, best man, minsan, may best woman pa. Mga bridesmaids at groomsmen to assist you in your needs. Mga secondary sponsors – to light your path (candle sponsors), to clothe you as one (veil), to bind you together (cord), to carry your symbol of love (ring bearer), to carry your symbol of treasure (may dala ng aras), to carry your symbol of faith (may dala ng bible) to shower the aisle with flowers (siempre, mga flower girls, na kung bago pa lamang lumalakad ay kasabay ang mga mommy)

10. Bentahe ngayon ng mga ikakasal ay napakaraming hotel at resort na pamimilian para sa reception at sa pagdarausan ng honeymoon. Pera lamang ang kailangan.

Napakarami pang rikositos sa pagpapakasal ngayon, bukod sa pinakaimportante na seminar at lisensiya na dapat kunin sa tamang panahon na hindi magagahol.

Marami akong kakilala na napakasal nang sila lamang dalawa, kasama ang mga ninong at ninang, sunod ay nagtungo sa isang restoran at doon kumain ng tanghalian o hapunan, imbitado ang pamilya lamang. Wala nang bulaklak, wala nang programa, wala nang anupaman. Ang mga iba rito, na kasabayan ko noon, sa awa ng Diyos, mag-asawa pa rin hanggang ngayon.

May nadaluhan rin naman ako na magarbo ang kasal, hiwalay na, may kani-kaniya nang pamilya.

Ngunit hindi ang mga gastusin sa kasal ang paksa ng aking susunod na kwento para sa buwan ng Hunyo. Bagaman at tungkol din ito sa pagpapakasal. Ito ay tumatalakay sa kahandaan ng isang pareha sa pagsuong sa buhay may-asawa. Handa na ba sila? May nadarama pa bang alinlangan? O may kailangan pa muna silang gawin bago pakasal? Upang makatiyak.

Sabi nga ni Rhia kay Bert sa kwento ng Hunyo, Bago Pakasal, Bakit Di Muna Natin Subukin?

Abangan.