Saturday, May 30, 2009

COMMENTS & FEEDBACKS, MAYO 2009



COMMENTS & FEEDBACKS, MAYO 2009


IBUKAS MO LANG ANG IYONG PUSO

-Kahit anong pangyayari ang ilarawan mo sa iyong kwento, maging malungkot man o masaya, ay kawili-wiling basahin....Mabuhay ka! ...(From CPG)

(Kailan ko ba isinulat ang kwentong ito? Marso, 1974. Hay, ang bata ko pa pala noon. Bakit nga ba parang pawang malulungkot ang mga nalathala kong kwento noon? Siguro, “hinahanap” ko pa ang aking sarili, kumbaga noon ay puno pa ng “angst”. Pero, pangako, ang mga susunod na ilalagay kong kwento ay medyo masaya naman. Para hindi na rin magreklamo ang isa kong mambabasa na lagi ko raw siyang pinaluluha. Wow, at least, masasabi kong isa ako sa mga babaing nagpaluha sa kanya, hindi vice versa – joke only!!!)


-Napaka-ganda at naka-aaliw. Kapag- sinimulan mong basahin, hindi mo titigilan hanggang hindi tapos. Nakaaantig ng damdamin, lalo na ang kanyang pagbalik, matapos ang labinlimang taong paglayo at pagtalikod sa kanyang anak na musmos at sanggol pa lamang nang kanyang iwan sa kanyang mga magulang. Nasayang ang labinlimang taon of "bonding" ng isang ama sa kanyang anak, at anak sa kanyang ama. May kasabihang "ang oras, araw, taon na mawala, ay hindi na maiba-balik or makikita pang muli." Personal comment ko, "parang bitin, sana may karugtong pa. (MT)

(Parang bitin! Alam ko ang ibig mong sabihin. Gusto mo kasing malaman kung ano na ang kinahinatnan ng pagsasama ng mag-ama. Pero sabi nga noong ama, marahil, kung ikukwento niya ang kamusmusan ng ina ng bata, ang kanilang pag-iibigan noon, marahil, kahit paano ay mauunawaan nito kung bakit siya umalis, kung bakit nakuha niyang iwanan ito. Na ang dahilan ay pag-ibig sa asawa!

Ngunit sa panahong ito ng mga OFW, mga overseas workers, hindi immigrants na karamihan ay petitioned ng mga naunang abenturerong mga magulang o anak, kundi mga guro na nagdo-domestic helpers sa abroad, mga skilled workers, waiters sa mga cruise ships, mga nurses – hindi pag-ibig ang dahilan ng pag-alis, kundi economics. Kay raming kwento ang nasa likod ng mga OFW. Mga simpling kwento ng buhay, hindi iyong puno ng drama na napapanood sa telebisyon o ipinalalabas sa sinehan. Kundi kwento lamang ng kalungkutan ng mga anak na hindi nakatitikim ng kalinga ng kanilang ina o ama na naghahanap-buhay sa abroad. Mga tin-edyer na walang inang iiyakan kung may problemang kinasusuungan, o amang mapagtatanungan ng mga bagay-bagay na gumugulo sa isip. Nakalulungkot isipin…

For a change, abangan ang susunod na kwento na medyo masaya naman. At salamat. Huwag sana kayong magsasawang magsabi na patuloy pa naman palang binabasa ninyo ako,)


Sa mga tagasubaybay kong mga taga-Australia, isa lamang ang kaibigan kong tagaroon, ngunit napansin kong marami nang nag-bookmark na paulit-ulit bumisita, maraming salamat.

Gayundin sa mga taga-Canada, Germany, UAE, Singapore at UK, thank you.

Kay dear Weng ng Brunei Darussalam, salamat sa pagtitiyaga mong basahin mula sa unang blog posting. Ilang oras ka yatang nakaupo sa harap ng computer mo. Balik-balik pa, nakita ko sa login account ko. Siguro, naka-relate ka doon sa ibang kwento, dahil closer to home ito. I hope you’ll keep on reading my blog and do share with others over there who are still interested in “anything Pinoy” !!! You may email me for your comments.

At siempre, salamat din sa mga regular readers ko from USA and the Philippines! I would like to announce that I am hatching an idea of compiling some of my kwento for publication in a pockebook form. Hindi pa ninyo nababasa ito, dahil sa labindalawang choises ko ay lima ang still unpublished.

Wait lang kayo… lalo ang mga taga-abroad!



Sunday, May 3, 2009

IBUKAS MO LANG ANG IYONG PUSO



IBUKAS MO LANG ANG IYONG PUSO



Sa ngayon ay ito. Isang pangarap. Na mailahad ko ang nakadakot na kamay. Na maalis ko ang pagkasumping ng mga daliri. At mapanatili ko ang ngiti sa mga labi at kislap sa mga mata…

Ang ngiting napigil sa mga labi ay kislap na naglaro sa mga mata. “Tama. Magbabalik ako. Oo. Magbabalik ako.”

“Paano?”

“Maraming paraan. Ibukas mo lang ang iyong puso. At magugulat ka. Matutuwang hindi ako lubusang nawala sa iyo.”

Napahinga ako nang malalim. Nais ko mang siilin ng halik ang mga labi ni Liza o haplusin ng daliri ang talukap ng kumikislap niyang mga mata ay hindi ko magawa. Sa pagitan namin ay isang hapag. Sa ibabaw ng hapag ay mga baso at bote ng inuming pampalamig, basong suksukan ng serbilyeta, bote ng ketsap, at ang platong kinalalagyan ng sandwich na may palamang hotdog, ang paborito namin ni Liza, sa munting miryendahang iyon sa Morayta.

Kagagaling lamang namin ni Liza sa sine, noon. Isang pelikulang ang tema ay pag-ibig. Sa pelikula, namatay ang bidang babae at nabaliw ang bidang lalaki sa tindi ng dalamhati. At sa loob pa lamang ng sinehan ay nadama ko na ang pagbabagong naganap sa isipan ni Liza. Ito ay sa pakikipagkalas ng kanyang nakasumping na daliri sa aking mga daliri. At sa kasunod na pagpapaloob ng kanyang nakadakot na kamay sa aking palad. Natatakot si Liza. Kay Liza, lagi nang nakalagay ang sarili sa papel ng naiiwanan. Kanyang lagi ang pangamba ng isang nawawalan.

“Ano kaya ang gagawin ko kung mawala ka?”

Sa loob ng taksi, hinapit ko ang katawan ni Liza at inihilig sa aking balikat ang kanyang ulo. Hindi ako umimik. Ang katanungan niya ay may ginising na takot na paminsa’y nadarama, ngunit aking ipinagwawalang-bahala. Paano kung si Liza ang mawala. At gumatol ang aking tinig. “Paano kung ikaw…”

May pagtatakang lumarawan sa mukha ni Liza. “Hindi ko kailanman naisip ang bagay na iyon. Na daramdamin mo rin…”

Hindi ko man nais, may pilantik ang lumabas na mga salita sa aking bibig. “Sa tuwina’y laging sarili mo lamang ang iyong naaalaala. Ang iyong takot, ang iyong sakit, pangamba o pagdaramdam. Hindi mo na naisip na kung ano ang damdamin mo sa akin ay ganoon din ang damdamin ko sa iyo. Na kung mawawala ka, ang sakit na madarama ko’y kasing-hapdi rin ng sakit na madarama mo kung ako ang mauna.”

Sunud-sunod ang ginawang pag-iling ni LIza. “Hindi ko alam. Hindi ko talagang naisip kailanman…”

Pinisil ko ang palad ni Liza. “Ngayon ay alam mo na.”

Hindi na kumibo si Liza. Matagal bago siya nagsalita. “Takot lamang ako, pero matitiis ko. Matatanggap ko. Di ba talagang sanay ako sa ganoon? Ngunit ikaw…”

Nginitian ko si Liza. “Ayokong isipin.”

Bigla ang paglilliwanag ng mukha ni Liza. “Alam ko na. Magbabalik ako. Tama. Magbabalik ako. At magugulat ka.”

Ilang buwan matapos sabihin ni Liza sa akin yaon, isang gabing kagagaling namin sa loob ng sine na ang pelikulang itinanghal ay tungkol sa isang walang maliw na pag-ibig, umalis si Liza at ako ay iniwan.

Labinlimang taon pagkatapos na ako ay kanyang lisanin, nagising ako sa katotohanang ang pangako ay kanyang tinupad. Si Liza ay hindi nawala.



SI Liza ay isang ulila na nasa tangkilik ng isang ale. Magkapit-bahay kami ngunit hindi magkalaro. Matanda ako nang limang taon sa kanya. Bukod dito’y talagang hindi naglalaro si Liza kahit ipagtabuyan ng kanyang ale. Nais pa ni Liza ang maupo sa tarangkahan at manood at sumigaw at pumadyak at magtatalon sa humahagibis kong paglubig sa larong patintero sa lansangang nayon na noon ay di pa malay daanan ng mga traysikel. Kaylakas sisigaw ni Liza. Kaytunog ng kanyang tinig.

Dahil sa bigay na pagsigaw at sa kasiya-siyang alon ng halakhak ni Liza kaya ko siya napuna, lubusang napag-ukulan ng pansin. Sapagkat si Liza, ulila, pitong taon, tahimik na bata, bata pa ay isa nang palaisipan. At ang paglaki ni Liza ay aking matamang nasubaybayan.

Nakita ko si Liza sa araw-araw na pagwawalis ng malaki rin namang bakuran na kinatitirikan ng kanilang bahay. Isang atang na trabaho, magaang, na bigay ng kanyang ale. Walis, walis, walis. Ang puluhan ng walis na tinting ay itataktak sa haligi ng bahay o sa puno ng nakabuwal na mangga. At muli, walis, walis, walis. Sa ilalim ng punong saging ay hihinto, titingala. At ako ay magtataka.

Minsan, hindi ako nakatiis. “Oy, Liza, anong tinitingnan mo riyan?”

Nagulat si Liza. Tumakbong papasok ng bahay. Ang sagot sa tanong ko ay nalaman ko rin pagkalipas ng maraming taon.

Dahil magkalapit ang aming bahay, patuloy na nasubaybayan ko ang paglaki ni Liza. Mga kilos niya’t gawi. Ang pangangalumbaba niya sa malapad na pasamano ng durungawan nila, kung hapong buhos ang pag-ulan. Ang ngiting bigla kung sumilay sa kanyang mukha, kung may natatanawang katuwa-tuwa. Ang nakikisaliw na halakhak sa gumuguhit na halakhakan ng mga batang nagtatatakbo sa lansangan, naliligo sa malakas na ulan. Ang seryosong paggawa ng bangkang papel na pinilas sa pahina ng lumang Liwayway, ang pagdukwang sa bintana’t paghahagis ng bangka sa umaapaw na kanal sa gilid ng lansangan. Ang matinis na tili kung maayos na tinangay ng matuling agos ang bangka-bangkaan.

Naging bahagi ng aking umaga ang pakikiraan ni Liza sa aming bakuran, para madaling makarating sa paaralang pinapasukan sa ibayo ng lansangang nasa likod ng aming bahay. Ang pakandi-kandirit niyang paglakad. Ang paglundag sa tarangkahan na wari ay nagluluksong-tinik. Ang pagsasalisod ng mga bato, pagpulot ng isang naiiba ang kulay o hugis.

Nakita ko si Liza sa tahimik na pagkakaupo sa buwal na mangga kung hapong palubog na ang araw, sa walang kurap na pagmamasid sa mga ginintuang kulay na unti unting kinukumutan ng abo ng takip-silim. Ang paglaki’t pagliit ng buwan ay nasundan ko sa panunungaw ni Liza kung gabing bago siya matulog.

Nakita ko si Liza sa kanyang tahimik na paglaki. Ngunit narinig ko lamang siya nang kami ay magkalapit. At maging magkaibigan. Salamat sa isang tutang mahaba at kulot ang puting balahibo.

Ang ganda, narinig ko isang umagang pinakakain ko ang tuta sa tabing hagdanan sa aming kusina.

Nalingunan ko si Liza, panay mata. Ang paghahangad ay malinaw kong nabasa. “Talaga?” ang tanong ko.

Kagat-labing tumingkayad si Liza sa tabi ko. Alanganing iniunat ang bisig, tangkang haplusin ang makapal na balahibo ng tuta. “Huwag,” ang saway ko.

Bigla, natiklop ang bisig. Namimilog ang mga matang humatak sa aking mga paningin. Ang luhang dumating ay banaag lamang. Ang hapdi ng pagkabigo ay nasa laway na ayaw magdaan sa lalamunan

Halos mabulol ako sa pagpapaliwanag. “Kumakain siya. Di dapat hawakan. Baka mangagat. Mahirap makagat ng aso, Liza. Naku, Liza…”

Noon ko unang nakita ang paborito kong ngiti ni Liza. Ang pigil na ngiti sa mga labi, na makawawala at kislap na maglalaro sa mga mata. Sampung taon si Liza noon. Labinlima ako.

Si Puti, ang pangalang ibinigay ni Liza ay naging kanya, nang umaga ring iyon ay kanyang iniuwi sa kanila. Kay Puti sumupling ang matimyas na pagpapalagayan namin ni Liza, noon ay pangkaibigan at walang kulay.

At unti-unti narinig ko ang tinig ni Liza.

“Tumitingala ako sa ilalim ng mga punong-saging dahil inaabangan kong mahulog ang mutya.”

“Naniniwala ka roon?” ang usisa ko,

Tumango si Liza. “Naniniwala ako, na kapag lubos ang pananalig sa isang bagay, kahit anong bagay, may katuparan.”

Napatango ako at nagpatuloy si Liza. “Kaya ako laging nakayuko sa paglakad at nagsasalisod ng mga bato. Kasi, baka ako makapulot ng batong engkantado.”

“Kung makapulot ka nama’y ano ang balak mong hilingin?”

Saglit lamang na nag-isip si Liza. Ang sagot sa tanong ko ay alam na niya. Marahil, ang katanungan ko’y katanungan na niya. Noon pa man ay nasagot. “Malungkot ako. Ulila. Nag-iisa. Nais kong maging masaya. Maligaya.”

“Mabait naman ang iyong tiya. Mahal ka niya,” ang naisipan kong sabihin.

Tumango si Liza. “Mabait siya. At mahal ako. Pero, naaalaala ko ang aking mga magulang. Siguro, talagang ganoon. Ang wala ay laging nasasaisip.”

Kaya siya laging nakatingin sa papalubog na araw. Kayganda. Parang nadarama niya, kapiling niya ang kanyang mga magulang. At sa pisngi ng langit, sa nagkurap kurap na mga bituin, sa pinilakang sinag ng buwan, sa mahinhin at tinatamad na pag-usad ng mapuputing ulap, sa tikatik, sa ibinubuhos na ulan, sa matuling agos ng tubig sa ilog, sa hampas ng alon sa dalampasigan.

Noon pa man, di pa man malay sumingit sa aking isipan ang kahulugan ng aking mga kilos, itinalaga ko na ang aking sarili na maging tanod sa paglaki ni Liza. Taos ang aking paniniwala sa sariling kakayahan na maagapayan si Liza sa pagpalaot sa buhay. Ang buhay na kaibayo ng kanyang ginagalawan na may batong engkantado, malay mo, o mutya ng saging, sino ang makapagsasabi?


ANG pagsasamahan namin ni Liza ay hind kataka-takang isa lamang ang kauwian. Nang magdalaga siya ay nasumpungan ko ang sariling umiibig sa kanya. Ito ay ipinagtapat ko kapagdaka. At ngumiti siya. Pigil. At kasabay nang pagkislap ng mga mata ang pagtango. Oo. Oo. mahal din kita. Maligaya ako. Maligayang maligaya.

At kasunod nito ay nangalumbaba. Hanggang kailan?

Sa kabila ng lahat, si Liza ay walang malaking ipinagbago. Siya pa rin ang pipituhing taong bata na nakaupo sa tarangkahan at tahimik na nanonood ng patintero. Sumisigaw, pumapadyak, tumatalon, ngunit hindi kasali sa laro. Nasa labas ng marami. Nag-iisa, sa paghihintay ng kanyang mutha, ng kanyang engkantadong bato.

Sa bago naming palagayan, pilit, dahan-dahan, isinali ko siya. “Nabubuhay ka para sa akin,” ang sabi ko.

“Natatakot ako,” ang bulong.

“Narito ako.”

“Baka ka mawala,” ang tinig ng pangamba. Noon ko lamang naunawaang lubos. Ang pag-iisa, kahit nalulungkot. “Ang mga magulang ko, mahal ko, nawala sa akin. Hindi ko ninais na magkaroon ng malapit na kaibigan. Baka mawala sa akin. Ikaw, baka ka mawala..”

“Hanggang ako’y mahal mo, hindi ako mawawala sa iyo, “ aking alo.

“Totoo?” ang tanong.

“Totoong-totoo. Mamatay man…”. At sa biglang pagkunot ng kanyang noo, ay isinunod ko, “ang kapitbahay natin.”

At magkasaliw kami sa pagtawa.



HINDI pa tapos sa pag-aaral sa kolehiyo si Liza ay kaya ko nang magpamilya. Napakasal kami. Namuhay nang sarili. Si Liza, sa kabila ng kanyang pagkamapangarapin ay isang praktikal, may sentido komung maybahay. Maalam magpalakd ng pamamahay. Ang tirang kanin ay naisasangag. Ang tumigas na prito ay nahihimay, naisasama sa ginisang munggo. Malinis ang bahay. Kaayaaya ang paligid. May magandang tinig na sumasabay sa mga awitin sa radyo. Masayang mukhang sumasalubong pagbukas ng dahon ng pintuan. At kung gabi, mapagkandiling bisig na kakalong sa hapong katawan.

Ang buhay sa piling ni Liza ay isang awit. At tinapik ko ang aking dibdib at binati ang sarili. Kaypalad mo lalaki. Wala kang kasing- palad.

Saka sisingit ang kaba. Isang ligaw, di maunawaang pagkabakla.

Naglihi si Liza. “Nais ko’y babae, kamukha mo,” ang sabi ko.

“Lalaki ang gusto ko, katulad mo,” ang sagot.

“Babaing pigil ang pagngiti. Kumikislap ang mga mata. Isang makabagong Mona Lisa,” patuloy ko.

“Lalaking maunawain, bukod sa matalino at guwapo.”

“Babaing pambahay, pero seksi…”

Kayhaba ng tawanan. “Tayo’y miyembro ng Mutual Admiration Society.”

At ang paglilihi ay madali. Walang masamang sikmura sa umaga. Walang pagkahilo. Walang pananamlay.

“Kung ganyan nang ganyan, makakasandosena tayo.”

“Daming deduction sa income tax..”

“Kaso’y kung maliit ang gross…”

“Lalaki din iyon. Di tayo lalaging ganito,”

“Maaari tayong umalis.”

“Umalis?”

At nagtungo ako sa embassy, nagtanung tanong.

“Isasama mo ako? Ang ating baby?” ang tanong ni Liza.

“Natural, pasusunurin kita.”

“Mauuna ka>” Muli, ang pangamba.

“Kailangan,” ang paliwanag ko. “ Kailangang matatag na ang lagay ko roon bago kayo magtungo.”

“Natatakot ako.”

“Kung ayaw mo…”

“Gusto ko. Basta’t magkasama tayo.”

“Hindi kaagad agad…”

Matagal bago tumango si Liza. Nang pumayag ay naghain ako ng aplikasyon. Naging isa sa maraming ang mga mata ay nakatuun sa isang lupang pangako.

Dalawang buwan, tatlong buwan, apat na buwan. At kumilos ang baby sa sinapupunan ni Liza. “Family na tayo,” ang natutuwang sabi.

Patuloy ang mga araw ng pagtitipon para sa darating na pagsisilang. Ang pambili ng telebisyon ay saka na lang. Samantala, magsine na lamang.

At kami ay naging laman ng mga sinehan. Kasama na ang pasyal. At ang pagmimiryenda sa mga paboritong kainan. Bibingka sa Cubao. Nena's. Mami at siopao sa Quezon Boulevard. Mamon Luk. Camaron con hamon sa may Plasa Sta. Cruz. Panciteria National. Halo-halo sa Espana. Little Quiapo. At footlong hotdog sa Morayta. Brownderby.

Sa Morayta. Doon sinabi ni Liza na magbabalik siya, akoy babalikan niya, kung siya ang mauunang umalis. At makailang buwan lamang matapos niyang sabihin iyon, ako ay kanyang iniwan.



“BABAE ang inyong anak,” tinig ng doktor.

Si Liza? Ang tanong ay nasa mga mata ko.

Umiling ang doktor.

Liza, ang bulong ko, Liza, ang tawag ko. Liza. Liza. Liza. Ang pangako mo, Liza. Magbabalik ka. Babalik ka, Liza. Hihintayin kita, Liza, Liza….

“Tingnan mo ang iyong anak,” sabi ni Nanay.

Umiling ako. Ayokong makita.

“Wala siyang kasalanan sa nangyari. Kung mayroon mang nagkasala, ang tsuper.”

“Narinig ninyo ang nangyari. Kung paanong ipinagsanggalang ni Liza ang kanyang katawan upang maligtas ang batang iyan. Na naging sanhi nang higit niyang pagkakasugat na siya niyang ikinamatay.”

“Talaga ng Diyos…”

Tinanggap ko ang pagkawala ni Liza nang may dalawang pasubali. Ang una ay ang pagkakatiwala sa aking mga magulang ng pagpapalaki sa aking anak na halos ay ayaw kong masilayan. Ang ikalawa ay ang pananangan sa pangako ni Liza na siya ay magbabalik. Kung paano, hindi ko alam. Ngunit sa kabuuan, ang pananalig na ito ang tungkod na umakay sa akin sa pagdaraan ng panahon. Hanggang tawagan ako tungkol sa aking aplikasyon.



SA Amerka, ang paglimot ay hindi naging kasindali ng aking pag-aakala. Ang pamumuhay nang mag-isa sa isang banyagang kapaligiran ay nagpatindi sa nadaramang pangungulila. Ang pag-aasikaso ng sariling damit at pagkain. Ang suweldong dolyar na kanino ibibigay matapos maipadala ang sustento sa anak na iniwan. Nagpista ang aking mga mata sa sari-saring prutas na itinitinda. Malalaki, mapupulang mansanas. Kung narito sana si Liza. Ang unang kagat sa peach ay para sa kanya. Ang grapefruit ay parang suha, mas maliit lamang at higit na malambot ang liha. Naalaala ko si Liza sapagkat ayaw niya ng suha. At naalaala ko rin siya sapagkat gusto niya ng tsokolate at mura at masasarap ang mga kending tsokolate na itinitinda.

Naalaala ko si Liza nang bilhin ko ang aking kauna-unahang kotse. Ang minimum na takbo sa mga freeway sa estadong kinaroroonan ko ay sitenta. Tiyak malulula si Liza. At damang-dama ko ang matinding habag sa sarili nang unang mapasama sa piknikang bigay ng kompanya para sa aming mga empleyado, kasama ang aming pamilya. Nag-iisa ako.

Ngunit sa katagalan ay pumupurol ang talim ng pangungulila. Bumababaw ang sugat, natatabunan ang mapapait na alaala. Ang Pasko ay hindi na parol at simbang gabi. Ito ay maputing niybe. At marami ring Pilipinong nag-iisa, katulad ko.

Katulad ni Thelma.

“Biyudo ka?”

“May isang anak.”

“Isa lang? Puwede na.”

Si Thelma ay tulad ni Liza kung mangusap. Tapat. Lumapit ang loob ko kay Thelma at naging magkasintahan kami.

“Akalain mo, biyudo pa ang natagpuan ko,” ang tawa ni Thelma. “Sapagkat ako’y nars, ang inaasahan kong masilo rito ay doktor.”
Hawig ang tawa ni Thelma kay LIza. At kung bakit nakati-katihan kong sabihin.

Umiling si Thelma. “Hindi ka pa lubusang magalling sa kanya.”

At naghiwalay kami. Ngunit mayroon pang iba. Marami pang sumunod. Sa marami pang mga taon. Kamukha ng mga mata ni Liza. Kahawig ng ngiti ni Liza. Kasingkatawan ni Liza. Mapangaraping tulad ni Liza. Mga ugnayang nauwi sa wala. Hanggang abutin ako ng pagkahapo, sa puso, at sa isip, at naisipan ko ang pag-uwi. Ang pagkabigo, mapait man, ay aking tinanggap. Hindi ko pa nalilimot si Liza. Ngunit si Liza ay wala. Hindi na babalik.



FASTEN your seatbelts…

Unti-unting lumapag ang eroplano. Ang mga papeles ko ay nakahanda na. Lahat nang kailangang ideklara ay ayos na.

Ito pa lang ang una ninyong pag-uwi, may nagtanong.

Tumango ang sinusundan ko.

Bakit hindi ninyo naisipang sumabay sa balikbayan?

Ang tanong na di naman patungkol sa akin ay sinagot ko. Sa sarili. Nais kong mapag-isa. Ako’y bigo.

Sa labasan, sa dulo ng munting pasilyong daanan ng mga dumarating, namataan ko agad ang matatanda ko nang mga magulang. Ang Tatay. Ang Nanay. At isang dalagita.

Si Liza?

Ang ngiting napigil sa mga labi ay kislap na naglaro sa mga mata. At dagling naglaho. Ang halik sa aking pisngi ay kimi. At malamig.

Anak.. ang luha’y ay wala sa aking mata. Nasa aking kaibuturan.

Sa kabuuan ng mahabang paglalakbay mula sa airport hanggang sa lalawigang kinalakhan namin ni Liza, matamang pinagmasdan ko ang nakadakot na kamay, ang pagsusumping ng mga daliri. Natatakot siya Liza. Pinabayaan ko siya, Liza…

Ang katahimikan ay binasag ko. “Dalaga ka na pala. Mabuti at hindi ako nakapag-uwi ng walking doll.”

Matipid ang ngiti. Anino lamang ang kislap. “Marami na kayong naipadalang manika sa akin.”

“Dapat pala’y makeup ang pasalubong ko,” patuloy kong tukso.

“Hindi ho ako mahilig sa makeup,” ang sagot, mailap.

“Hindi?” ang ulit ko. “E, ano ba ang hilig mo?”

“Mangarap,” ang sumagot ay ang aking ama, nanunukso rin.

Si Liza?

“At manalamin sa buwan, magbantay sa papalubog na araw,” dugtong ng aking ina.

Napahinga ako nang malalim. “At siguro…” may gatol ang tinig ko, “ siguro’y naghahanap ka rin ng mutya ng saging at engkantadong bato.”

Umiiwas ang mga matang tumingin sa labas ng sasakyan. At nadama kong kaylawak ng agwat sa aming pagitan. Waring di ko matatawid.

Labinlimang taon pagkatapos na ako ay lisanin ni Liza, muli ko siyang natagpuan. Kung pakalilimiin ay hindi siya umalis. Kung tutuusin ay ako ang nawala. Ang nagsayang ng panahon. Nang ipinid ko ang aking puso sa aking anak ay kasamang tinalikuran ko ang pagkakataong pagbabalik na sinabi ni Liza. Sa kanyang paraan. Isa sa marami't libong pamamaraan ng pagpapadamang muli ng pagmamahal. Isang sanggol na bunga ng aming pagiibigan. Ano pa?

Isang pangarap sa ngayon. At isang pananalig. Na ako’y maunawaan at matanggap ng aking anak. Kung ikukuwento ko marahil ang kasaysayan ng isang batang ang pangalan ay Liza. Kung paano kami lumaki. Kung paano kami nagmahalan. Marahil…



Liwayway, Marso 4, 1974





Saturday, May 2, 2009

They bring the flowers that bloom in May...

TAG-ULAN NA...


TAG-ULAN NA


Mayo na ngayon. Paulan-ulan, dala ng namumuong bagyo sa ibang panig ng bansa. Hindi na ito matatawag na April shower. Na nakagawian ko, kapag pumatak ang ulan sa buwan ng Abril, lagi kong kinakanta iyong isa sa natutuhan ko sa Women’s Club nang nag-aaral pa ako sa UE (kasamahan ng Desert Song), na ang nagturo ay si Prof. Remedios Bosch Jimenez, na sa pagkakaalam namin noon ay isang opera singer.


When April showers will come your way
They’ll bring the flowers that bloom in May
So, if it’s raining have no regrets
For it isn’t raining rain, it’s raining violets…

Medyo uplifting iyong kanta. Kasi, kapag umuulan, na kulay abuhin ang paligid, parang ang lungkut-lungkot. Lalo na sa mga batang hindi pinapayagang makapaglaro o maligo sa ulan. Tulad ko noong araw. Nakapanungaw lamang ako sa aming bintana at tinatanaw ang mga kalarong nagtatampisaw sa tubig na naipon sa mga lubak-lubak ng kalsada. O sumasahod sa malakas na buhos ng tubig na nagmumula sa bubong ng bahay, na sa mga alulod nagdaraan. Naalala ko tuloy ang kanta ng Apo Hiking.

Pumapatak na naman ang ulan sa bubong ng bahay
Di maiwasang gumawa ng di inaasahang bagay
Laklak ng laklak ng beer magdamagan
May kahirapan at di maiwasan
Mabuti pa kaya, matulog ka nalang at baka sumakit ang tiyan

E, bata pa ako noon, saka di naman ako umiinom ng beer, ang nangyayari, nagkakasya na lamang ako sa pagbili ng inilalakong binatog, o inihaw na mais ni Candeng. O bagong lutong bitsu-bitsu ng Nana Asyang sa katabing bahay namin. Tapos ay ang pagpapaanod ng bangkang papel na gawa sa pinilas na pahina ng Liwayway, sa umaagos na kanal sa magkabilang gilid ng kalsada paghinto ng ulan. Kung saan umaabot ang aking mga bangka ay di ko alam. Ngayon yata, nakararating sa Malakanyang ang mga bangkang papel na ipinaaanod… nalagay ito sa diyaryo noon…

Pero, ngayon, kung talagang walang magawa, saka nakaupo ka sa inyong balkon (may balkonahe pa ba ngayon ang mga bahay sa probinsiya?), o nakapamintana (kung nabubuksan pa ang mga bintana at hindi natatabingan ng screen at grills o venetian blind o kurtina), o nakaupo sa dahilig o tumba-tumba o monobloc na silya sa patyo ng inyong bunggalo, habang pinapanood ang masinsing patak ng ulan sa kalsada, sa eskinita, sa hardin, sa semento --- ang kinauuwian ay ang hindi maiiwasang pagmumuni-muni.

Ano ba ang buhay? Saan ba ako papunta? May nangyari ba sa loob ng kung ilanpungtaong narito ako sa mundo? May maiiwan ba akong may halaga materyal man o iba pa? Sino ba ako talaga?

Mga isiping may haplos ng lungkot. At pagkabahala.

May isang tulakis (ito ang tawag ko sa mga tula-tulaan na aking nahabi sa mga sandaling ginaganahan, kumbaga, na parang sumusuma sa aking nadarama sa mga ganitong tipo ng panahon, lalo na kung kumakagat na ang dilim…

Anino ng dahong nangagsayaw-sayaw
At perlas na hamog sa lulot ng rosal
Bakit sa isip ko ang dala mo’y panglaw
Ano’t sa puso ko’y may hatid kang lumbay?

Ikaw ba ang dahon na siyang tatabon
Sa hinuhukay kong puntod ng kahapon?
Ang perlas bang hamog ang luhang dadaloy
Kapag sumapit na ang takdang panahon?

Siga’n na ang dahon na nangalalaglag
Isama sa usok ng tuwa at galak
Pailanlangin na, isapi sa ulap
Pagbalik sa lupa ay ulang laganap.

Anino ng dahong nangagsayaw-sayaw
At perlas na hamog sa lulot ng rosal
Sa mata ng puso’y kay gandang pagmasdan
Dahil sa gunitang babalik-balikan.

Malungkot, ngunit sa dakong huli, may kasiyahan pa ring taglay. Katulad ng mga alaala ng nakaraang panahon, na maya’t maya’y napag-uusapan.,, ulit-ulit na sinasariwa… kahit minsan ay may hatid itong kirot…

Na katulad rin ng ulan, buwan man ito ng Abril pumatak. O sa mga buwan ng tag-ulan. Dala nito’y tubig ng buhay, para sa bukirin, sa mga halaman, sa mga inuming dadaloy sa mga gripo sa mga tahanan.

Ang kahalagahan ng ulan ay nasa mga matang tumitingin. Ulan man itong tunay o ulang pumapatak sa buhay ng isang nilalang.

Abangan ang kwento ng buwan ng Mayo, IBUKAS MO LANG ANG IYONG PUSO na nalathala sa Liwayway noong Marso 4, 1974.