Wednesday, February 4, 2009

ISANG POOK, DALAWANG PANAHON



ISANG POOK,
DALAWANG PANAHON




NANAY, dadalaw kang madalas…
Minsan isang buwan.
Bakit kasi ayaw mong kina Tita Celia ako tumira.
Hindi sa ayaw, anak. Malayo ang Paranaque. Mahirap sumakay. Siksikan. Lalo’t rush hour.
Pero, dormitoryo!
Katapat ng UE. Walking distance sa FEU. At UST. Isang sakay sa diyip papuntang Quiapo at Divisoria.
Ewan ko…
A home away from home. Maniwala ka, anak. Kalaunan ay magugustuhan mo rin. Tulad ko, noon…



ANG dormitoryo. Ang korteng kahon ng sapatos na dormitoryo na ang mga bintanang lagpi ay may basag na salaming ang tanging naghahawak ay ang nakadikit na adhesive tape. Ang pagkapangit-pangit, walang ka-class-class, ang tumutulo kung tag-ulan at parang impiyerno kung tag-araw na dormitoryo. Na minsan, isang panahon ay naging tahanan ko.

Yaon ay isang pook. Hinahangga ng Centro Escolar, San Beda, Holy Ghost at iba pa sa makababa ng tulay ng Mendiola. Nang magkatabing simbahan sa dakong Bustillos. Hanggang UST sa Espana. Kasama ang kahabaan ng Azcarraga. Umaabot sa Divisoria na siyang istasyon ng mga bus na pauwi sa probinsiya. Sa Avenida Rizal ay mumulan sa Scala, pabalik sa Plaza Sta. Cruz. Tuloy sa Escolta na bukambibig ng mga empleyada sa bangko. Sa simbahan sa Quiapo na nilalakaran nang paluhod kung malalay ang grado sa iskwela. Sa Central Market sa tapat ng FEU, na kilala’t hindi ipinagtatanong. Sa Raon na pasyalan ng mga naghahanap nang mabibiling plaka. Sa R. Hidalgo na shortcut mula San Sebastian patungong Quiapo. At sa Luneta na kapag binanggit ay may lihim at ibang pakahulugan.

Yaon ang pook. Ang puso ay ang dormitoryo. Kabuuang daigdig ng mga katulad naming bagong galing sa probinsiya, bagong salta sa Maynila. At ang bawat araw na dumaan sa aming buhay, sa paggalaw sa munting daigdig na iyon, ang panahon.



NANAY, dito ka rin ba tumira noon?
Hindi. Ito’y bago na. Pati namamahala. O, ano’ng tingin mo?
Masikip. Pero, pwede na rin…



MATAGAL na pinagmasdan ng Tiya ang gusali. Tumangu-tango. Kumibot ang mga labi. Pwede na, ang sabi. At hawak ang kamay ko, pumasok kami ng pintuan ng patahian na siya ring entrada ng dormitoryo. Tinungo ang mataas na hagdanan na nasa likod ng eskaparate ng nakadispley na manikin. Ang mga mananahi ay nasa mezzanine. Ang hagdanan ay hugis letrang U. Nasa paliko nito ang munting plataporma na kinaroroonan ng isang hapag na kinapapatungan ng isang kuwaderno. Dito isinusulat ang oras ng paglabas at tinatayang oras ng pagdating ng mga nakatira sa dormitoryo. Nasa ibabaw rin ng hapag ang munting kampanilya na panghudyat ng pagtatapos ng oras ng pagdalaw. At nasa upuan sa likod ng hapag, ang maitim, may edad na at walang kangiti-ngiting receptionist.

“Magandang umaga po,” bati ng babae. “May kailangan ba sila?”

Malumanay ang tinig, ngunit malayo, di matanaw ang ngiti. Masungit, pagdaka’y naisaloob ko. Sumagot ang Tiya. “Nais naming makausap ang may-ari o tagapamahala. Dito siya titira.”

Pinatuloy kami, pinaupo sa silid-tanggapan na hindi kalakihan. May isang piyanong nakapwesto sa tabing-dingding. Isang malaking kuwadro na may larawan ni Sta. Cecilia ang nakatunghay sa piyano. Ang kinauupuan namin na pinakamalapit sa hagdan ay isang mumurahing set na plastik ang upholstery. May isang sopang lundo na ang sulihiyang upuan, nakatabi, pasandal sa durungawan. Sa gilid ng piyano ay may dalawang silyang sulihiya rin, magkaharap, pinapagitanan ng isang mesitang napapaibabawan ng isang plastik na plorera na puno ng mga plastik na bulaklak ng rosas na ang ibang talulot ay lagas na. Marahil ay napaglaruan ng mga malilikot na daliri ng mga taong umid ang mga labi.

Sa dingding na kaibayo ng kinaroroonan ng piyano ay nakasabit ang isang kuwadro ng Ina ng Laging Saklolo, may nakaalay ring mga bulaklak na plastik at dalawang kandelito sa isang tanging patungan. Sa bahaging ito nang pagmamasid ay napatangu-tango ang Tiya, isang kinamihasnang gawi kapag may nakitang tama sa gusto. “May loobin sa Diyos,” ang wika.

Totoo nga. “Ang buwan ng Oktubre ay buwan ng Sto. Rosario at lagi kaming nagdarasal dito,” paliwanag ng tagapamahala. “Ang mag-asikaso sa napakaraming dalaga ay isang napakahirap na trabaho. Ang paghingi ng tulong sa Mahal na Birhen ay hindi ko nalilimutan.”

Ang may-ari’t tagapamahala ay isang dalagang ang taglay na mga taon ay wala sa maayang bukas ng mukha, ngunit nasa anyong humihingi ng paggalang. Sa mga kamay nito’y iniwan ako ng aking ale.

Dinala ako sa unang silid, kaliwa, sa puno ng pasilyo. “Dito ka, iyon ang iyong katre. Ito naman ang iyong locker.”

Ang naiwang impresyon sa akin ng silid ay tagni-tagning larawan ng mga nakasabit na damit, nakasampay sa tabi-tabinging tibar ng katre na ang mga ilalim ay kinaroroonan ng mga maleta’t bag at walang ayos na salansan ng mga kahon ng sapatos na may iba’t ibang marka: Gregg, Helen Harper, Siegel, Sabrina, Turian. Nakakalat sa sahig na ilang pares ng sinelas. Kabiyak ng isang itim, mataas ang takong na sapatos na nakatayo sa ibabaw ng isang locker, katabi ng isang basong kinapapalooban ng isang sepilyo ng ngipin at isang munting tubo ng Colgate. Mga aklat sa kama: Accounting ni Finney & Miller, Economics ni Samuelson. At isang dalagang naka-bra at half-slip, nasa anyo ng pagbibihis.

Itinuro rin sa akin ang iba pang silid. At walang bagay na nadaanan ang aking mga paningin na hindi natala sa aking isip. Room Two na kaabay ng Room One at kapwa nakaharap sa Azcarraga. Room Three sa kanan ng pasilyo, katapat ng Room Four sa kaliwa. Room Five na katabi ng Room Six, ang pansariling gamit ng tagapamahala. Nasa loob ng huling silid na ito ang telepono. Pinabasa sa akin ang nakapaskel na paunawa sa dingding na kinasasabitan ng telepono: Five minutes only. No call after 9:00 PM.

Kahuli-hulihan ay dumako kami sa komedor. Na tulad sa isang tersera klaseng restoran ay may tersera klaseng upuan at hapag na natatakpan ng bulaklaking plastik na mantel. May murang berdeng venetian blind sa durungawan at pantay-taong salamin sa dingding. Ipinasilip sa akin ang kusina. Kaagad kong napuna ang maruming lababo at nanggigitatang pugon. Ang mga banyo ay madilim. Mapanghi.

Nagreklamo ako sa Tiya. Sa halagang singkwenta pesos isang buwan, katapat ng iskwelahang papasukan, ang sagot sa akin. Ulila ako’t pinag-aaral, hindi na ako kumibo. Ang lahat ay buung-buong nasulat sa aking talaarawan, buong lalim na natanim sa aking gunita.



NANAY, ang sama!
Anong sama?
Ang dormitoryo, magulo. Masama ang pagkain. Mapanghi ang banyo. Mainit, walang bentilasyon. Kakausapin nga namin ang may-ari. Hindi kami makatatagal nang ganoon ang serbisyo.
Pero, ang tingin ko, tumataba ka yata.
Iyan ay sa katatawa. Masaya, maraming bagong kakilala.



YAON ang panahon ng pakikipagkaibigan. Mga Kristiyano’t mga Muslim. Bisaya’t Ilukano. Kapampanga’t Bikulano. Tagalog-Bulakan. Tagalog-Nueva Ecija. Tagalog-Batangas at Tagalog-Mindoro. Ang mga bokabularyo ay lumago sa mga bagong aral na salita. Mekeni, mangan tamo, buhat sa kabaleng taga-Candaba. Eku bisa, may sasagot na hanggang doon lamang ang alam. Kapag nauubusan ay bibirahan nang kantang atin cu pung singsing. Ang lamyos ng ambot ng mga Ilonga ay tatapatan ng ungol na ngarud ng mga Ilukano. Pilipit na ang dila ay sige pa rin sa ay, ayatenca, napintas ka ading, kayat ko ti arimbuken, na ang kauuwian ay hagalpakang umaatikabo. Penge ngang sa-u-kan, umiindayog ang tinig ng taga-Paombong. Sa-hu-kan? May sisingit. Baka ibig mong sabihin ay til-ti-lan, ibibira ng taga-Cabanatuan. Dumais siya’t kami ay nagsiping sa taksi, balita ng taga-Candelaria. Ang siping sa amin ay iba ang kahulugan, paliwanag ng taga-Bulakan. Ang bigla ay kabud, ang luka-luka’y berat sa Nueva Ecija. Ang nalaglag ay nagpatak, ang batang magulo’y batang maligalig sa Quezon.



NANAY, may bago akong roommates,
Tagasaan?
Taga-Negros sa Bisaya. Dalawang taga-Mindanao, mga Muslim. Anim na kami ngayon sa kuwarto. Ako. Isang taga-Baguio. At isang taga-Cagayan sa Norte.
Aba, halos buong Pilipinas na pala kayo. Iyan ang inam nang tumitira sa dormitoryo, maraming nagiging kakilala. At natututunan. Kaya ako mapilit na diyan ka tumira.
Marami na nga akong alam, Nanay. Mga bagay na hindi mo mababasa sa peryodiko. Tulad nang dinaranas na gutom sa Negros. Sabi nga ni Joyce, pagputok ng balitang ito, magigimbal ang buong daigdig. Sabi naman ni Shirley, baka magising tayo isang araw na wala na ang Mindanao, nakahiwalay na sa Pilipinas.
Walang ganyang balita sa diyaryo.
Mga tuta ni Macoy.
Wala nang martial law. May freedom of the press na, di ba?
Kuno, Nanay. Kuno.
Sina Joyce at Shirley, aktibista ba sila? Left-leaning. Baka NPA sympathizer..
Nanay, aware lang sila. Bukas ang mga mata. At mga tainga. Tulad ko na rin. Ngayon.
Ha?
Sina Joyce at Shirley, Nanay, mababait sila.



BAWAT mukha, isang kasaysayan. Si Bella, ang batang taga-Cebu na isang stowaway. Napakupkop sa dormitoryo. Naglilinis, naghuhugas ng mga pinggan, kapalit ay pagkain at higaan. Si Bella, sa tiyaga ay nakatapos ng high school. At pananahi sa vocational.

Si Mona. Ang dormitoryanang hindi alam ng marami kung tagasaan. Na natutulog kung umaga’t pag-alis sa hapon ay gabi na kung dumating. Akala’y isang istudyante. Hindi pala. Laking tsismis.

Si Rose, taga-Holy Ghost, tagapagtanggol ng mga pare at madre. Si Manang Remy, binabatikos pati si Father Delaney. Ang mga inosente at mapangarapin. Si Liwliwa. Si Thelma. Sina Lolly at Puring.. Si Lor, si Chabeng at si Uding. Nag-aaral, magtatrabaho, mag-aasawa. Si Nena at ang kanyang boyfriend na si Freddie. Si Sol at si John. Si Elsie at si Tony. Saka si Rita at si Vic. At ako.

Ako ang unang nakakilala kay Vic. Pagkikilala, istilong dormitoryo. Sa pagkakatayo ko sa durungawang nakaharap sa Azcarraga, isang tanghaling tapos na akong kumain at nagpapalipas na lamang ng panahon sa pamamagitan nang panonood ng mga nagdaraang sasakyan, (kapag nakasandaang bilang raw ng kotseng kulay dilaw at sa katapusan ay makakita ng isang babaing nakadamit ng kulay ube, matatamo raw ng nakakita ang hinihiling ng puso), aking napuna ang isang lalaking nakatayo rin sa tabi ng durungawan, sa isa sa mga apartmen sa mataas na gusaling nasa ibayo ng lansangan. Tuwing natatapunan ko ito ng tingin, ngumingiti ito. Ibubuka nang bahagya ang mga labi na wari bagang nagsasabi at bumabati ng hi!

Maluwang ang lansangang nakapagitan sa amin at naisip ko, ano iyong makipaglokohan. Kaya, ngumiti ako at kumaway. Iyong bigay na bigay na kaway. May kasama pang yu-hoo!

Kitang-kita ko ang transpormasyon. Mula sa pagkakasandig, biglang tumuwid ang katawan. Saglit pa munang lumingap-lingap at nang matantong siya lamang ang tao sa durungawang iyon, at walang dudang siya ang aking kinawayan, ay biglang nagliwanag ang mukha, muntik nang mag-abot ang mga labi’t tainga sa luwang nang pagkangiti. Yu-hoo, ang bigay na bigay rin niyang kaway.

Ako naman ang lumingap-lingap. Nang makatiyak akong libre, walang dormitoryanang nakakakita, muli akong kumaway. Ngunit ang sagot sa akin ay iba. Senyas ng mga daliri. Alphabet? Ano nga iyon? Ang bilis naman. Ulitin mo. Ulitin mo.

Hintuturo’t hinlalato. Letrang N. Nakadakot na mga daliring pinapatungan ng hinlalaki. Letrang A. Hintuturo, hinlalato at palasinsingan. Letrang M. A, alam ko na. Name. Itinatanong ng kalog ang pangalan ko.

Ano kaya? Sabihin ko ang totoo? A-L-M-A. Ang totoo ang napagpasiyahan ko. V-I-C, ang sagot niya.

Tumawag sa telepono si Vic. “Salamat at ikaw lamang ang Alma riyan sa inyo. Kung itinanong ang apelyido mo ay tiyak na nabuko ako.”

“Bakit ka tumawag?” tanong ko.

“Nais kong maging magkaibigan tayo, Alma. Hindi sa durungawan lamang.”

Nag-iisa ako sa kinaroroonan ng telepono. Ang sagot ko ay may laman. “Mukhang maganda lamang ako sa malayo, Vic. Mabibigo ka sa malapitan.”

“Kung ako ba’y pangit, hindi ka na makikipagkaibigan sa akin?”

Nasukol ako ni Vic. “Kung gayon, e, di mamaya na lang, paglabas ko sa iskwela,” wika ko.

“Diyan sa harap ng dorm ninyo. Sa may puno ng akasya,” kinumpirma naman niya.

Ang puno ng akasya sa harap ng aming dormitoryo ay malaki, malabay ang mga sanga’t malago ang mga dahon. Bago ko nakilala si Vic, ang nasabing puno ay isa lamang ordinaryong puno para sa akin. Isang puno na bihira naming tapunan ng sulyap, lalo’t malalim na ang gabi’t madilim ang paligid. Ito, aming napag-alaman sa tinagal-tagal ng aming pagkatira sa dormitoryo, ay isang ekspidyenteng puno para sa mga sex maniac na naglisaw kung gabi sa mga kapaligirang malapit sa tirahan ng mga babae. Dito nila ibinibilad ang kanilang mga itinago. Isa ito sa maraming bagay na natutuhan ko tungkol sa kalikasang sosyal ng mga tao. Na ito’y isang uri ng sakit. Kasama nang pagkatuto ko sa pamamagitan nang pakikinig sa marami ang kaibhan ng petting at necking. Anila’y mula sa baywang pababa, ang una, at mula sa baywang pataas, ang huli. Ang lesbian ay isa ring bagong natutuhang salita, pabulong kung sabihin. At ang ispirikitik ay salitang dormitoryo na may sariling kahulugan.

Si Vic lamang ang lalaking nakatayo sa ilalim ng punong akasya nang lumabas ako sa gate ng UE. Bago ako tumawid ay pinagmasdan ko muna siyang mabuti. Guwapo pala. Bigla, nagkaroon ako ng palpitasyon. Crush kaagad.

Hinagod ko muna ang aking maluwang na paldang bulaklakin at inayos ang kuwelyo ng aking blusa bago ako tumawid. Tuluy-tuloy ako sa kinatatayuan ni Vic. Buhat sa sulok ng aking mga mata ay kitang-kita kong nakatayo sa may tabi ng iskaparate ng talyer ang tagapamahala ng dormitoryo. Tiyak ang ginawa kong pagbati kay Vic.

Ang kislap ng mga mata ni Vic nang magtama ang aming mga paningin ay naghatid ng init ng kasiyahan sa aking buong katawan.

Kami ay sabay na pumanhik sa mataas na hagdanan. At para sa akin ay natapos sa estadong pagiging ordinaryo ang hagdanang dinaanan namin. Bawat baitang ay nagkaroon ng kahulugan. Panibagong kahalagahan. Dito yumapak si Vic. Sa baitang na ito siya tumigil, waring nag-alanganin, nagtanong. Alma, wala bang magagalit? At sa baitang na ito ako sumagot, umiling. Wala. Wala.



NANAY, naluwas kayo?
Madalas raw ang gulo rito. Laging may martsa sa Mendiola.
Natural lang ‘yon, Nanay. Gising na ang mga tao. Pagkatapos nang nangyari kay Aquino…
Baka sumasama ka sa mga rally…
Lahat na’y sumasama sa mga rally…
Baka kung ano ang mangyari…
Mapayapa ang mga demonstrasyon, Nanay. Ang mga mag-aaral, tiyak ang kanilang mga hiling. Tulad nang paglilipat ng pondong militar sa edukasyon. Ang pagtutol sa pagtataas ng matrikula. Ang dapat na pagtataas ng sahod ng mga guro at kawani. Hindi pagpapasa sa mamamayan ng krisis pangkabuhayan.
Natatakot ako, anak. Kaya ka narito sa Maynila ay para mag-aral. Makatapos ng propesyon. Makapagtrabaho. At pagdating ng tamang panahon, kung gusto mong mag-asawa…
Naku, Nanay, huwag kayong mag-alala. Okey ako dito.
Maiba ako, e, sino ba ‘yong dinatnan kong papaalis mong bisita?
A, si Ronnie iyon. Isang bagong kaibigan.
Saan mo naman nakilala?
Dito sa dorm, nanay. May rally ang mga istudyante. Kung saan-saan nanggaling. Punung-puno ng mga tao ang Recto at Legarda hanggang sa puno ng tulay ng Mendiola nang magpasabog ng teargas ang militar. Nagkagulo, Nanay. Takbuhan ang lahat. Pati kami ay naapektuhan. Mahapdi sa mata. Parang dinadalirot. Walang tigil ang pagluluha. Nagsara kami ng bintana. Pati pinto sa ibaba. Ang kaso, hindi namin matiis ang mga kumakatok. Nagmamakaawa sila. Humihingi ng tubig.
At isa doon si Ronnie!
Isa si Ronnie sa maraming pinatuloy namin. Napuno ang lahat ng baitang ng hagdanan ng dormitoryo ng nakaupong istudyante. Hindi sila makahinga. May nasusuka. Pero, lahat halos sila ay naiiyak sa matinding galit sa ginawang pagbanat sa kanila. Mapayapa naman sila, Nanay. Sabi nga ni Ronnie, mayroong mga kinatawan sila na nakahandang humarap at makipag-usap sa mga nasa kapangyarihan. Nais lamang nilang ihain ang pagtutol sa lumalalang krisis pang-ekonomiya. Wala naman silang armas. Kapit-bisig lamang. Samantalang ang militar, armado.
Ganoon kayo nagkakilala.
Ganoon nga, Nanay.



ANG pinili kong upuan namin ni Vic ay ang dalawang silyang magkaharap at pinapagitanan ng mesitang kinapapatungan ng plorerang may bulaklak na plastik. Ang tingin ko’y basa pa ng hamog ang mga rosas (bagong hugas pala ang mga ito). Bago nakapagsimulang magsalita si Vic ay tatlong talulot ng rosas ang kaniya munang nalagas. At ang nasa piyano ay nakadalawang ulit nang pagtugtog sa paboritong awit ni Leila Benitez ng Student Canteen. I don’t know why I love you like I do, I don’t know why I just do…

“’Kakatuwa ‘yung kanta, ano?”

“Alin, ‘yung kanta? A, oo. Ikaw, mahilig kang kumanta?”

“Kumanta?” tumikhim si Vic. “Aba, oo. Gusto mong marinig?”

Tumawa ako. “Huwag masyadong malakas. Baka sila umalis,” tinapunan ko ng sulyap ang ibang panauhin sa silid-tanggapan.

Tumikhim na muli siVic. Yumuko at inayos ang suot na medyas at ang lupi ng pantalon. At bahagya ko nang narinig, umawit siya. Immaculate Mother, we come at thy call…

“Uy, marunong ka pala niyan,” ang tukso ko.

Seryoso ang mukha ng kalog. “Aba, oo. Kung Miyerkoles, nagnonobena ako diyan sa Bustillos.”

“Bustillos? Doon din ako nagnonobena,” sambot ko naman.

“Hayun naman pala, e, di sabay na lang tayo,” anyaya niya.

At pumayag ako. Kaya nang sumunod na Miyerkoles ay sinundo ako ni Vic sa dormitoryo. Mula sa punong akasya, tinawid namin ang Azcarraga. Nilakad ang kahabaan ng bangketa sa ilalim ng mga gusaling Underwood at Laperal. Lumiko sa Legarda. Bawat daanan ay bahagi na ng aming kasaysayan. Sa Little Quiapo sa Espanya kami nagmiryenda pagkatapos ng nobena. Halo-halo lang naman. Ngunit ang Little Quiapo ay isa nang pangalang nasulat sa serbilyeta, katabi ng mga pangalang Vic at Alma. Serbilyetang nalagay sa kailaliman ng isang iniingatang kahon ng mumunti, mahahalagang bagay sa buhay ng isang dalaga.

Ang mga rekwerdo ay naragdagan. Pilas na tiket ng isang sine sa Avenida Rizal. Balutan ng kending Van Heuten at Trebor. Natuyong bulaklak ng rosas. Imbitasyon sa fraternity ball. Valentine at Christmas cards. Marami pang serbilyetang may nakasulat. Mga tiket sa bus. Mga makinilyado, piling tula.



NANAY, huwag kayong mabibigla sa sulat kong ito. Gusto ko lang na malaman ninyong may boyfriend na ako. Kilala ninyo. Si Ronnie. Pero, huwag kayong mag-alala, Nanay. Magtatapos muna akong mag-aral. Malayung-malayo pa sa aming hinagap ang salitang pag-aasawa. Sabi nga ni Ronnie, ang pag-aasawa ay pagpapamilya, at hindi niya maaatim na isilang ang kanyang mga anak na baon sa utang at lalaki sa ilalim ng diktadurang rehimen at tambalang Estados Unidos at Marcos. Ay, Nanay, hindi na yata matatapos ang suliranin ng ating bansa. Suliranin naming mga istudyante sa pagtaas ng matrikula. Nang mga tsuper at pasahero sa pagtaas ng pamasahe. Nang mga guro at kawani sa hindi tumataas na suweldo. Isama mo na ang hinaing ng mga magsasaka. Talagang ang dapat baguhin ay ang bulok na sistema. Kung minsan ay nawawalan na ng pag-asa si Ronnie. At ako’y nahahawa na sa kanya…



DALAWANG taon na kaming magkasintahan ni Vic nang dumating sa aming buhay si Rita. Ayon kay Vic, game si Rita. “Anong game?” tanong ko.

Kumumpas si Vic. “Masarap makipag-usap. Prangka. Walang malisya. Isipin mong hindi niya ako kilala. Bago lamang siya sa dormitoryo. Nang dumating ako nang maaga at wala ka pa ay kinausap niya ako. Para huwag daw mainip.”

Hindi ko nagustuhan ang ginawa ni Rita ngunit hindi ko siya nagawang sawayin. Matalino si Rita at pinangunahan kaagad ako. “Nagseselos ka ba, Alma, kung kinakausap ko ang boyfriend mo?”

“Ang nagseselos ay iyong mga hindi nakatitiyak,” sagot ko.

“At nakatitiyak ka?” ang tanong.

Bata sa akin ng dalawang taon si Rita. Magtatapos na ako ng kolehiyo ngunit siya ay nasa ikalawang taon pa lamang. Bata si Rita ngunit sa pakiwari ko ay higit na maalam sa takbo ng buhay kaysa akin.

Sa pagkasukol, ako ay umalpas. “May bagay bang tiyak sa ibabaw ng daigdig, Rita? Ang lahat ay nagbabago. Everything changes but change, ang sabi nga. Kung magbago si Vic, isa lamang ang ibig sabihin noon. Hindi kami ang talagang magkapalaran.”

Wala ako sa dormitoryo, nasa lalawigan at nagpapalipas ng semestral na bakasyon nang may nangyari kina Vic at Rita. Walang abog na dumating si Vic sa bahay ng aking Tiya, kasama ang isang nakatatandang kapatid. Nais mamanhikan. Ngunit hindi ako napatangay. Ang kutob ng aking loob ay aking pinakinggan.

Nagtapat si Vic. “Nang wala ka’y siya ang tumatawag sa akin sa telepono. Lalake ako at siya ay pinagbigyan. Ngunit lubha siyang napakamalapit sa akin. Mapagpaubaya. Ngunit hindi ko siya mahal, Alma. Alam mong ikaw lamang ang talagang mahal ko. At pakakasalan.”



NANAY, nawawala si Ronnie!
Anak, dumito ka. Huwag kang aalis. Ako na ang luluwas. Ako na ang bahala sa mga gamit mo sa dormitoryo.



NANG bumalik ako sa dormitoryo ay wala na si Rita. Umalis na rin sina Vic sa apartmen sa tapat ng aming dormitoryo. Kung sila ay napakasal ay hindi ko na nalaman. Ang bigat ng aking mga yabag ay narinig sa bawat bagsak ng aking mga paa sa baitang ng mataas na hagdanan. Ang hinagpis na nadarama ko ay nasa aking tinig sa pagsagut-sagot sa pagrorosaryo sa harap ng kuwadro ng Ina ng Laging Saklolo, sa may silid-tanggapan. Nasa tamilmil na pagkain sa komedor. Sa walang kibong pagsasarili sa silid. Sa pagnonobena sa Baklaran, hindi na sa simbahan sa Bustillos. Nasa pagpunit-punit nang pagkaliliit ng mga balutan ng kendi at serbilyetang may sulat, sa mga tiket sa sine at makinilyadong tula.

Hanggang dumaan ang maraming araw. Mga bagyo, baha at tag-ulan. Ang punong akasya sa harap ng dormitoryo ay pinutol. Tinungkab ang aspalto, sinemento ang lansangan, mula sa puno ng Mendiola hanggang sa dulo ng Divisoria. Naging Claro M. Recto ang Azcarraga.



NANAY, babalik ako sa dormitoryo.
Magulo pa ang panahon.
Ngunit kailan lilinaw? Kung ako at ang iba pang mga katulad ko ay magmumukmok sa isang tabi, maaawa sa sarili? Iba na ang ihip ng hangin, Nanay. Lumalabas na sa kalye ang mga tao. Lumiliban na sa silid-aralan ang mga mag-aaral. Tinututulan nila ang kinalabasan ng nakaraang eleksiyon. Maging bahagi man lamang ako ng kilusang ito. Alang-alang kay Ronnie. At sa iba pa niyang kasamahang biktima ng karahasan ng maykapangyarihan.



HINDI na kami nagkitang muli ni Vic. Nakatapos akong mag-aral at nakapagtrabaho. Muli, may nakasabay akong yabag sa pagpanhik sa hagdanan. Sira na ang sulihiyang upuan. May bago nang kapalit ang sopa. Marami pang mga yabag. Marami pang mga sopa. Ang lahat ay nagbabago. Pati ang kabuuang larawan ng dormitoryo ay nagbago na rin. Higit na matanda’t higit na gusgusin. Ang dusing sa kusina ay naragdagan. Dumami ang surot sa pagitan ng sulihiya ng mga katre. Tanging ang uri ng pagkain ang hindi nagbago, o nagbago man ay sumama pa sa rati. Paksiw na galunggong at ginisang munggo pa rin kung Biyernes. A, nagkakurus-kurus na ang adhesive tape sa basag na salamin ng bintana. Papasama ang buhay sa dormitoryo, hindi papabuti. Kailan iinam, tanong ng isang kasama. Hindi sa panahon natin, sagot ko.



NANAY, kay rami nang nangyari sa ating bayan. Wala na ang diktador. Lansag na ang barikada sa Mendiola. Maaari ka nang mamasyal sa Malacanang. Bago na ang gobyerno, iba na ang mga nagpapagalaw rito. Tagumpay ang pangulo sa plebisito at sa pambansang halalan ng mga senador at kinatawan. Ngunit kung minsan, Nanay, parang patuloy pa rin akong nawawalan ng pag-asa. Malimit ko tuloy maala-ala si Ronnie.

Sa kabilang dako, sabi naman ni Erwin, isang bagong kaibigan, umuulit lamang daw ang kasaysayan dahil ang mga tao’y hindi natututo sa aral nito. Ngunit naiiba raw ang mga Pilipino. Pagkatapos raw ng rebolusyon sa EDSA, hindi na tayo babalik sa ating pinagmulan. Oo, magkakaroon pa rin daw ng mga katiwalian sa pamahalaan. Mga nakawan sa kabang-yaman ng bayan. Mga pagdanak ng dugo sa labanan ng Pilipino sa kapwa Pilipino. Mga rally, demonstrasyon at protesta ng mga istudyante, manggagawa, magsasaka at taong-bayan. Ngunit ang lahat raw ng ito ay bahagi na lamang ng huling hakbang bago tayo lubusang makaahon. Natatanaw na raw ang liwanag. Huwag lamang tayong magpapabaya. Ay, Nanay, gusto kong makilala mo at makaharap si Erwin. Pagkatanggap mo ng sulat kong ito ay dalawin mo naman ako. Ha, Nanay? Tiyak na magkikita kayo ni Erwin. Madalas siya rito sa dormitoryo.



ANG dormitoryo. Ang huling baitang sa pagtugpa namin sa naiibang buhay. Ang kumakatawan sa lahat ng mga bagay na iiwanan namin sa buhay-dalaga. Ang dormitoryo at ang lahat ng pook na narating namin paglabas dito, ay ang kahapon. Ang panahon ng kawalang-malay at pakikipagkaibigan. Ang panahon ng mga unang pag-ibig at mga unang kasawian. Nang mga tuwa’t halakhak at ng mga pigil na hikbi sa unan.

Ang dormitoryo. Isang ordinaryong dormitoryo na sa pagyapak ng isang nilikha ay naging langit, sa pagkawala nito’y naging libingan. Na sa pagdating ng isa pang nilikha ay muling nagkabuhay.



Evelyn Estrella Sebastian
Unang Gantimpala, Maikling Kuwento
Palanca Awards for Literature Contest
01 Setyembre 1987

Tuesday, February 3, 2009

ANG DORMITORYO


ANG dormitoryo. Ang korteng kahon ng sapatos na dormitoryo na ang mga bintanang lagpi ay may basag na salaming ang tanging naghahawak ay ang nakadikit na adhesive tape.

Pinatuloy kami, pinaupo sa silid-tanggapan na hindi kalakihan. May isang piyanong nakapwesto sa tabing-dingding. Isang malaking kuwadro na may larawan ni Sta. Cecilia ang nakatunghay sa piyano. Ang kinauupuan namin na pinakamalapit sa hagdan ay isang mumurahing set na plastik ang upholstery. May isang sopang lundo na ang sulihiyang upuan, nakatabi, pasandal sa durungawan.

Monday, February 2, 2009

“HOME AWAY FROM HOME”


“HOME AWAY FROM HOME”


Halos sampung taon akong tumira sa dormitoryo. Dumating ako rito na wika nga’y isang “uhugin”, bagong salta, walang-alam, na sa lengguahe ngayon sa Pilipinas ay “promdi” at umalis, day before I got married, na kilala ng lahat, lalo ng mga bagong promdi at uhugin, as “oldtimer”, “stockholder” at dating presidente ng dorm’s association (hehheh, siempre naman, sa tagal ko ba naman doon at hindi pa na-elect na presidente, ewan ko na lang!)

Opo, ganoon ako katagal tumira sa dorm. Buong panahon ng aking pag-aaral sa UE at buong panahon ng pag-oopisina sa may Pennsylvania Avenue sa Malate, Leon Guinto na ngayon, at sa Carriedo sa isang film exchange na background ng isa kong kwento. Remember Iskolar?

Sampung taon akong kumain ng pritong itlog sa umaga at paksiw na galunggong at ginisang munggo tuwing Biyernes. Siguro, espesyal ang pagkain sa dormitoryo tuwing Linggo, kaso, every weekend ay umuuwi ako sa aming probinsiya. Na lalo namang espesyal ang nakakain ko. Luto ng aking Inang.

Ang aming dormitoryo ay nasa university belt. Maraming kwento ang nahabi ko sa mga buhay na aking nakita sa pagtira rito. Nailalarawan ko pa nang malinaw ang hitsura nito. Nasa tabi ng San Sebastian College. May punong akasya sa harapan. May patahian sa may entrada. Para ko pang nakikita ang matarik na hagdan. A… kung makapagsasalita lamang ang mga baitang nito! Mga sweet nothings ng magkasintahan. O tampuhan. Hagdan na paminsan ay istambayan ng ilang walang magawa, kumakalabit sa ukulele, nagkakantahan – it’s not the island spell that is calling to me, it’s not the balmy air nor the tropical sea, but it’s a little brown gal in a little grass skirt in a little grass shack in Hawaii… na sinasabayan pa nang pakendeng-kendeng ng isang dormitoryana.

Ang silid-tanggapan ng dormitoryo! Saksi ng maraming romantikong eksena kapag walang nakatingin (pero may nakasilip). Komentaryo nga ng isang Kuya na dumalaw sa nakababatang kapatid na nakatira rito: Huwag kang gagaya diyan sa mga kasama mong nakikipag-alisan ng tinga sa nobyo nila! Ibig sabihin: Huwag kang makikipag-lip to lip sa likod ng kunwari ay binabasang nakabukas na peryodiko.

Nakatutuwang pagbalikan ang buhay-dormitoryo. Sa panahon ng aking pagtira rito, nasa Room 4 ako, ewan kung proud ako or medyo dyahe, na sabihing very notorious ang Room 4. Kasi, pinakamarami kami rito, labinlima! Halu-halo ang edad, mula sa 16 hanggang sa liyebo tres o kwarenta siguro, noong panahong tin-edyer kami. Pinakamaraming bisita ang aking kama, dito sila nagko-converge, kumbaga. Kasi, marunong akong tumugtog ng ukulele at mahilig kaming kumanta. Noon ay maalam din akong magbasa ng handwriting at baraha at guhit ng palad. Kaya, kapag may sigawan at halakhakan sa kuwarto namin, susungaw na sa pinto ang aming “dean” na tinatawag naming Ate “Ne… at damontres, sasabihin niya, ano ba ‘yan? Kasi, pagdating niya sa kuwarto namin, nasa kani-kaniya na kaming kama at wari ay natutulog o nag-aaral ng leksiyon!

Nagmula kami sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas. Doon ako natuto ng mangilan-ngilang salita ng ibang dialects. Doon nabawasan o nawala ang mga regional biases dahil sama-sama ang mga Ilokano at Bisaya, Bikolano at Tagalog. At Muslim. Nang bago akong dating rito na sa Room 2 unang napadpad, apat na Muslim ang aming kasama sa kuwarto, taga –Jolo. Prinsesa pa at anak ng sultan ang dalawa.

Bukod sa mga kwentong-dormitoryo, na ilalagay ko rin dito sa blog sa darating pang panahon, ang buhay rito ay na-immortalize ko na rin sa ginawa kong nobela sa Liwayway noong 1989-1991. Dalawang magkaibigan mula sa pagkabata na iisa ang tipo ng lalaking nagpapatibok sa kanilang puso! Pero sabi nga, "Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban" --- na siyang titulo ng nasabing nobela na balak kong isa-aklat pagdating ng araw. Abangan ninyo.

Sa ngayon, tunghayan ninyo sa susunod na posting ang buhay-dormitoryo sa nagwagi kong kwento noong 1987 sa Palanca.

Isang Pook… Dalawang Panahon…