Thursday, January 29, 2009

COMMENTS & FEEDBACKS – January, 2009

COMMENTS & FEEDBACKS – January, 2009


Ngayon… sa Pagharap sa Bagong Araw

-I enjoyed so much reading your first story in 1961. I guess some men or maybe more than some can relate to that story. I like the ending...it leaves so much to the imagination.

I also enjoyed your Celebrity story. I have my small share of meeting celebrities, presidents, royalties, etc. in the USA, Canada and Asia but I guess I will just keep that to myself for revealing it maybe construed not in a way flattering.

Have a happy, healthy and prosperous new year to all. (From G.)

(Thank you na patuloy ka pa ring sumusubaybay sa aking mga kwento. Tama ka na more than some can relate to the said story. Kung paanong you were able to relate to more than one of my stories published before in Liwayway, yet unpublished in the blog. Thank you again for the wealth of ideas I got from your exploits!)

-Nabasa ko na po pero di ako maka-relate. Hindi ko kasi sinasagot ang mga wrong number. (Text from M.)

(I texted back: that is just to show the text/email generation now how we were then. Yes, inaanak, ganoon kami noon, kung paanong ganito kayo ngayon, o kundi man ikaw, ay ang mga ka-henerasyon mo. Pero, alam mo, exciting iyon. May kasama ako sa dorm na nagkatuluyan sila ng kanyang ka-phone pal.)

-Hehehe! Tawag po namin diyan ay “eyeball” kapag makikipagkita sa mga “online friends”. (From M. again)

(E, ikaw ba, kailan makikipag-eyeball?)

-Isa rin hong Maligayang Pasko at Mapayapang Bagong Taon sa inyo at sa inyong pamilya!
Patuloy ho akong sumusubaybay sa inyong mga kwento. Bagama't di ako nakakapag-'e-mail' ay nais kong ipaalam sa inyo na ako'y nasisiyahan sa pagbabasa ng inyong kwento.
Hangad ko ang inyong magandang kalusugan at ang patuloy ninyong pagsulat.
Hindi nakakalimot… (From D.& Gil & family)

(Nasisiyahan akong kayong sumusubaybay ay nasisiyahan naman pala.
Siempre, kapag napasyal kaming muli diyan, makikipagkita kami sa inyo.)

-Maligayang Pasko din po at Maligo kayo este Manigong Bagong taon sa inyong lahat! Kailan po ba kayo uli mamamasyal dito sa Virginia? Isa po sa inyong masugid na tagasubaybay. (From G. Boyet & Lorenz)

(Ikaw, ha, gusto mo pang maligo ako! I am glad that you are among my masugid na tagasubaybay. Sabihin mo rin sa mga kasama mong Pinoy na mahilig sa kwento na basahin ang aking blog.)

-THANKS FOR THE GREETINGS AND ALL THE PRAYERS AND GOOD WISHES, NOTHING CAN SUBSTITUTE FOR THE PLEASURE OF READING YOUR SHORT STORIES, IT IS ONE OF MY RELAXATION ACTIVITIES AFTER A HECTIC DAY. (From J. & C.)

(I get inspiration from the likes of you. Patuloy akong magsusulat hangga’t nalalaman kong may tagasubaybay akong katulad ninyo. Siempre, patuloy ang prayers.)

Wednesday, January 28, 2009

Sa Ugoy ng Duyan

ENERO, 2009

ENERO, 2009

Magtatapos na ang unang buwan ng taon ngunit hindi ko pa naililigpit ang mga Christmas decorations ko sa bahay. Nakatayo pa rin si St. Nicholas sa itaas ng aking ginagamit na computer at nakatunghay sa akin. Ang mga bulaklak na poinsettia sa flower vase ay kukunday-kunday pa rin tuwing tinatamaan ng hangin ng umiikot na bentilador (umiinit na kasi ang panahon). Nakasabit pa hanggang ngayon ang mga munti kong parol sa may patio ng aming bahay at ang tampok na dekorasyon ng Kapaskuhan, ang Belen o Nativity Scene ay nakadispley pa rin. Sa totoo lang, tatlo ang aming maliliit na Belen at ang dalawa ay forever na nakalagay sa mga shelves na nakikita araw-araw.

Sabi nga ng aking munting balikbayan nang makita ang mga ito: Anda, it’s not Christmas anymore, why do you still have decorations.

Na sinagot ko nang: Because you’re here, it’s forever Christmas to me!

Ang nakatutuwa, nang minsang mamasyal ito at inabot ng gabi at nakita ang marami pang Christmas decorations sa mga buildings na nadaraanan, nagkomentaryo ito nang: It’s still Christmas because we are here!

Ang musmos ring ito ang sumigaw ng Anda sabay takbong pasalubong sa akin nang ako’y makita niya sa arrival area ng NAIA. The sweetest sound, sabi ko sa inyo. Ito ang musmos na kaagad nagtanong sa akin nang pauwi kami ng bahay mula sa airport, aren’t you glad you see your daughter now? Na ikinangiti ng kanyang ina.

Ito ang musmos na yakap nang yakap, halik nang halik sa akin, sabi nang sabi ng I love you, Anda, pero kapag nagsawa na sa pakikipaglaro ay nagsasabi rin ng I want my mama now. I don’t want you anymore.

Ito ang nagsabi ng I like Tata (her uncle), he is my very, very best friend. Tinanong ko tuloy, am I your best friend, too? Aba, e, nag-isip pa nang matagal, saka sumagot, well, you are a friend… but… not my best friend!

Nakatutuwa ang mga musmos. Kung ano ang naiisip o nadarama, sinasabi, ginagawa. Ganito pa ba tayo sa ngayon… sa kasalukuyan nating edad?

For your information, ang ikinukwento ko ay ang balikbayan kong apo na nasa amin ngayon at nagbabakasyon, kaya medyo delayed ang posting sa aking blog. Pero, siempre, tulad nang naipangako ko, sa susunod na buwan, abangan ninyo ang kwentong una kong ipinanalo sa Palanca. Sana’y magustuhan ninyo. Sana’y may kilitiing gunita ang mga eksena rito sa nakaraan ninyo. Mababasa rin dito ang ilang bahagi ng ating contemporary history, ang panahon ng EDSA Uno.

Abangan…

Wednesday, January 7, 2009

NGAYON… SA PAGHARAP SA BAGONG ARAW

NGAYON… SA PAGHARAP SA BAGONG ARAW



NGAYON… SA PAGHARAP SA BAGONG ARAW



“MADALI kang makalilimot,” walang bahid ng pagdaramdam ang kanyang tinig. Wala rin akong mabakas na hinanakit sa kanyang mukha. Nakangiti siya, bagaman at sa kanyang sarili ay may isa at sanlibong damdaming naghahari. Alam ko ito, kaht na napagtagumpayang di ipagkanulo ng malalamlam niyang mga mata.

Nais kong tutulan ang kanyang sinabi. Nais kong gagapin ang kanyang palad. O kaya’y hawakan siya sa mga balikat at sabihing hindi ko siya malilimot kailanman. Ngunit waring naglaho ang aking tinig. Nanuyo ang aking lalamunan at tila may isang kawan ng bubuyog na naghunihan sa aking tainga at siyang lumunod sa lahat ng aking sasabihin. Nakaramdam ako ng panghihina at wala akong nagawa maliban sa ipilig ang aking ulo. Isang piping pagtutol sa kanyang sinabi.

Isinalang ng tagapagsilbing babae ang dalawang tuhog na karne sa barbecue pit. Sumagitsit ang apoy na natuluan ng katas nito. Pumailanlang ang maputing usok, kasama ang mabangong samyo ng nalulutong karne. Nasumpungan ko na lamang ang aking sarili na nagpapalipat-lipat ng tingin sa baga, sa karne at sa usok. Baga. Karne. Usok. Usok. Karne. Baga.

Marahil ay nabadha sa aking mukha ang pagkainip sapagkat tumawa siya. “Mainit ang ulo mo, ano?”

Umiling ako. Ngumiti siya. Ngiting naghatid ng kirot sa aking puso. At naisip ko, kung sa halip na ngiti ay galit sana ang ipinakikita niya sa akin, marahil ay iba ang damdaming mamamayani sa aking katauhan.

Sumenyas ang tagapagsilbing babae. Sandali na lamang. Malapit nang maluto ang aming hiningi. Tumango ako.

“Gutom ka na ba?” baling ko sa kanya.

Hindi siya umimik. Walang kakurap-kurap ang mga mata sa pagkatitig sa basong lalagyan ng serbilyeta sa ibabaw ng hapag.

“Talagang maganda ang iyong mga mata,” biro ko. Nais ko siyang patawanin. Nais kong makita nang harapan ang malimit kong ilarawan sa aking isipan na pagkislap ng kanyang mga mata, kapag naririnig ko siyang tumatawa nang malutong at nakahahawa.

“Hindi naman,” tutol niya, at tila walang anumang tumitig sa akin. Saglit na nanikip ang aking paghinga. Ang maiitm niyang mga mata ay nagpaalala sa akin ng dalawang balon. Ng kawalang-malay? Hindi. Manapa’y ng balon ng kahiwagaan.

“Pero gusto ko,” giit ko pa rin. “Lalung-lalo na ang iyong mga pilikmata.”

“Tuwid nga, e…” tumawa siya nang marahan. At muling tumitig sa basong lalagyan ng serbilyeta sa ibabaw ng hapag. Napailing ako.

Buhat sa kung saan ay may isang teleponong tumunog. Kkkrrnngg. Kkkrrnngg. Biglang nagkaugnay ang aming mga tingin. Ang sa akin ay nag-aalala. Umuunawa. Ang sa kanya’y waring napasasagip sa pagkakalunod. Tumakas ang lahat ng kulay sa kanyang mukha. Isang alanganing ngiti ang namilaylay sa kanyang mga labi.

“Telepono,” mahina niyang badya. Halos di ko narinig.

Hinanap ng aking mga mata ang tagapagsilbing babae. Kailan pa ba maluluto ang barbecue? Sumenyas bilang sagot ang tagapagsilbi. Sandali na lang ho. Sandali na lang.

Huminto sa pagkuliling ang telepono. Marahil ay may sumagot na. Marahil ay sinabi rin niya ang pangalan ng palamigang kinaroroonan namin. Tulad ko, kapag may tumatawag sa aming opisina. Tulad noon.



“TORRES & Associates, good morning,” malamig ang aking tinig. Mababa. Lalaking-lalaki, sabi nga nila

“Torres & Associates?” Nagtataka ang malambing na tinig sa kabilang dulo ng kawad.

“Torres & Associates nga po. May maipaglilingkod ba kami sa inyo?” Nagbibiro kong sagot. Halos hindi ko na iniisip ang aking sinasabi. Bahagi na iyon ng aking mga pagsagut-sagot sa telepono.

“Kung gayo’y wrong number pala ako,” nalulungkot niyang sabi. “Sorry, ha?”

“Sorry?” Talagang napakalambing niyang magsalita. “Teka muna,” naghahabol ako ng hininga. At hindi lamang hininga, kundi pati sandali. Baka pagsarhan niya ako ng telepono. “Ano bang number ang iyong tinatawagan?”

“Three… nine… one… two… one….

“ 3… 9…1… 2…1… ito,” paliwanag ko.

“Bakit ganoon?”

“Anong bakit ganoon,” tanong ko.

“Kasi, ganito. Ang pagkakaalam ko’y hindi naman Torres & Associates ang 39121. Teka, nariyan ba si Joe?”

“Sinong Joe?” di ko naunawaan ang damdaming biglang nagpasikip sa aking dibdib.

“Kaibigan ko.”

“Kaibigan lang? Kuwan mo siguro, ano?”

Nagtawa siya. “Nakatutuwa ka, oo.” Malutong na malutong ang kanyang halakhak.

“Sige, tumawa ka. Kung katabi lang kita…” banta ko sa kanya.

“Tse, at sino ka!” di ko inaasahang sagot niya.

“Ako si Luis,” pagpapakilala ko. “Ikaw naman?”

“Si Kurdapya,” muli siyang tumawa.

“Pilya ka, Kurdapya,” ang biro ko. “Ano bang number ang telepono mo?”

“Bakit?”

“Tatawagan kita. Gusto kitang maging kaibigan.”

“Ayoko nga.”

“Sige na…”

“Ayoko. “

“Please naman…”

“E…”

“Sige na naman…” at bumilang ako sa sarili, natatambak ang trabaho ko sa mesa. Isa, dalawa…hanggang tatlo lamang. Ibababa ko na ang telepono. Dalawat kalahati…

“Ay naku, sige na nga.”

Sinabi niya nang isa-isa ang bawat numero ng teleponong kanyang ginagamit. At maingat kong isinulat iyon sa isang dahon ng aking talaarawan.

“Sige diyan ka na,” bulong niya sa telepono. “Narito na ang boss ko.”

“Aba, teka muna. Ano nga pala ang talaga mong pangalan?”

“Edna,” at ibinagsak niya ang telepono.



“KINAKAUSAP mo ba ako?” nagtatanong pati ang mga mata ni Edna. Hindi ko namalayang nailakas ko ang pagbigkas sa kanyang pangalan.

Umiling ako. Nilingap ko ang tagapagsilbing babae. Umaaso pa ang tinuhog na karne na dala nito patungo sa aming hapag.

Kamuntik nang malaglag ang isinusubo kong isang pirasong karne nang muli kong marinig ang kuliling ng telepono. Sinulyapan ko si Edna, ngunit waring wala siyang narinig. Wlang kaalis-alis ang pagkakatitig niya sa baso ng pampalamig sa ibabaw ng hapag. Tila wala sa sarili.



“ANO ang ginagawa mo ngayon?” tanong ko sa kanya nang muli akong tumawag nang hapon ding iyon.

“Wala na. Tapos na ang mga gawain ko. At saka halos alas singko na. Isa pa’y wala na ang boss ko. Medyo nagbabasa-basa na lang ako ng leksiyon.”

“Leksiyon? Bakit, nag- aaral ka pa ba?”

“Hindi, nagre-review na lang.”

“Saan?”

“CPA.”

“Uy, bigatin ka pala, ha…”

“Bigatin na ba ‘yon. Hindi pa naman pasado.”

“Alam kong papasa ka. Magaling ka, e.”

“Owww…”

“Totoo. Alam ko ring maganda ka. Kasingganda ng iyong tinig.”

“Diyan ka nagkakamali. Pangit na pangit ako.”

“Hindi ako naniniwala,” tutol ko.

“Kung ayaw mo, di huwag.”

“Di naman sa ayaw kong maniwala. Gusto ko lang mapatotohanan ang iyong mga sinasabi,” may paghamon ang aking tinig.

“‘Yun lang pala, di sige.”

“Payag ka?”

“Oo. Papaano?”

“Magkita tayong dalawa paglabas sa opisina. Pupuntahan kita riyan.”

“Ayoko. Ayoko. Ayoko.”

Bumagsak sa aking tainga ang kanyang telepono.

Ang pakikipagniig kay Edna ay naging isang magandang karanasan sa akin mula noon.

Sa aking pag-iisa ay malimit kong pagbalikan sa alaala ang mga mumunting bagay na aming napag-usapan. Napapahalakhak ako kung sumasagi sa aking isipan ang pabalang-balang niyang pagsagot. Ang mariing hindi at ayoko kapag may nasasabi akong di niya nagugustuhan. Ang salitang tse na waring sadyang nakakabit sa dulo ng kanyang dila, na sa bahagyang pagkainis ay isinasatinig. Ang pagbagsak-bagsak ng telepono. Ang walang kapararakang ungol kung siya’y nakikipag-usap. Malambing ngayon. Galit sa susunod.

Ang unang larawan ni Edna sa aking diwa ay unti-unting napawi at nahalihan ng iba.

Ang nakikita ko’y isang batang walang-malay. Mga matang mabibilog. Nagtatanong. Kumikislap. Mga labing hindi maiguguhit. Laging nakasimangot. Nasusuya. Naiinis. Masiglang katawan. Mga paang mabibilis sa paglakad. Kung minsa’y nanghihimamad.

Mahigit nang anim na buwan kaming nagtatawagan sa isa’t isa nang una kaming magkita. Binalaan ko lamang na pupuntahan siya sa tinutuluyan niyang dormitoryo kung di siya makikipagkita sa akin, kaya siya napahinuhod.

Madali ko siyang nakilala sa suot niyang murang rosas na damit. May paniniyak ang aking tinig nang siya’y aking tawagin. Edna.

Bigla siyang huminto sa mabilis na paglakad. Namimilog ang mga matang tumitig sa akin.

“Ikaw ba. Ikaw ba si Luis?” may pagkabigong nalarawan sa kanyang mukha.

Naalangan ang aking pagngiti “Ako nga.”.

Kumibot ang kanyang mga labi. At maliwanag kong nabasa ang kahulugan nito.

“Matanda na ako, ano?” tumawa ako, kasabay ang sumingit sa isipan… at dahil matanda na… gumitaw na ang alinlangan… “Ngunit mga walong taon lang siguro. O baka pito lang,” hula kong pabiro.

Ngumiti siya nang pilit. “Sige, uuwi na ako, ha…” nakikiusap pati ang kanyang mga mata.

“Aba, kakain muna tayo. Saka, ihahatid kita sa inyo,” sabi ko.

“Aba, hindi maaari,” tutol niya.

“Di ba iyon ang pinag-usapan natin noon?” paalala ko sa kanya.

“Ayoko na,” nagdilim ang kanyang mukha. Tumigas ang kanyang tinig.

“Bakit naman ganoon?” mahina kong tanong.

“Wala naman,” biglang humina ang kanyang pagsasalita. “Wala naman.” At ngumiti siya. Hindi isang pilit na ngiti, kundi isang malungkot na ngiti.

Ang sumunod na mga araw ay lubhang nakapanlulumo . Lagi siyang matamlay sa pagsagot sa telepono. Laging may kasalit na buntung-hininga ang kanyang mga pagsasalita. Laging may ginagawa. Laging naroroon ang boss. Laging walang panahong tumawag.

Hanggang isang araw, may naiba sa kanyang mga sagot. Ang aking mga pag-aalaala sa kanya’y di na binibinigyan ng halaga. Kumain ka na ba? Hindi pa. Bakit hindi pa? Gusto ko nang mamatay. At mawawalan ako ng kibo, gusto ko mang itanong kung bakit.

Kung umulan at pinaalalahanan ko siyang magdala ng payong at pangginaw ay iisa ang sagot. Gusto kong magkasakit. Di bale nang hindi makapasa, isinasagot niya tuwing kukumustahin ko ang kanyang pagrerepaso. Hindi ko na siya nakausap nang mahusay. Takot naman akong magtanong. Minsan lamang.

“Bakit ka nagkakaganyan? Ano ang kasalanang nagawa ko sa iyo?” Lumuluhog ang aking tinig.

“Bakit, hindi mo ba alam?”

“Wala akong nalalaman.”

“Nakapagtataka namang di mo malamang may asawa ka!”

Saglit akong hindi nakahuma. “At kailan ako nagkaasawa?” mahinay kong tanong.

“Aywan ko,” at ibinagsak niya ang telepono.



PINULOT ni Edna ang nalaglag na tinedor. “Kakain ka ba? O titingnan mo lamang ang iyong barbecue.”

Itinulak ko sa gitna ng hapag ang aking pinggan bilang pagsagot sa kanyang tanong. “Ano ngayon ang gagawin mo?”

“Ano ang gagawin ko?” ulit niya sa aking tanong. “Mamayang gabi’y iiyak ako,” at tumawa siya nang mahina. Nagpasikip sa aking dibdib ang nadama kong kawalang-buhay ng kanyang tawa.

Ikinibit niya ang kanyang mga balikat. “Pero makalilimot din ako. Bakit hindi. Pinaghihilom daw ng panahon ang lahat ng sugat. Unti-unti nga lamang ang paggaling. Dahan-dahan ang pagbabago ng damdamin. Hinay-hinay,” biglang bumaling siya sa akin. “Magiging madali sa iyo ang paglimot. Dating wala ako sa buhay mo,” tumawa siya. “Dati ring wala ka sa buhay ko.”

Edna… aywan ko kung saan nanggaling ang aking tinig. Talos kong ang katapatan lamang ng kanyang mga sinasabi at ang kawalang-pagkukunwari ng kanyang pagsasalita ang nag-udyok sa akin upang magtanong. “Papaano, Edna. Papaano mo na…” kumipot ang aking lalamunan at di ko nakuhang tapusin ang aking sinasabi.

Walang kakurap-kurap na tumitig sa akin si Edna. “Kailangan pa bang ipaliwanag kung papaano? Hindi pa ba sapat na lumitaw ang katotohanan?” hinintay niya akong sumagot, ngunit hindi ako kumibo.

Pagkuway nagkibit siya ng balikat. “Talagang hindi naililihm ang katotohanan. Di ako nag-aksaya ng panahon nang kausapin niya ako. Tinawagan kaagad kita. Upang magkaharap tayong mag-usap. Bagama’t kung tutuusin, ano ba ang katotohanan sa ating dalawa, maliban sa pagiging malapit na magkaibigan, na ni hindi naman nagkikita nang harapan. Ngunit sa pagdaraan ng panahon… ay nagkakawilihan. Na siyang hindi dapat mangyari sa harap ng katotohanan. Masakit ang katotohanan, Luis, ngunit masakit lamang ito sa isang ayaw tumanggap. Sa ngayo'y masasabi ko lamang na tinanggap ko ito sapagkat kailangan kong tanggapin. Masakit, Luis, ngunit kailangan. Mahirap ngunit nararapat. Sa aking kalagayan, ano ang gagawin ko? Magpatuloy at maging maligaya?” napailing siya. “At anong uri ng kaligayahan ito. Panandalian.”

“Kahanga-hanga ka, Edna,” nasambit ko.

“Alin ang kahanga-hanga? Ang inilalahad kong katwiran? Marahil nga’y kahanga hanga, sapagkat marapat at wasto. Ito ang aking unang suliranin at ayaw kong magkamali sa pagbibigay ng kalutasan. Ito pa rin ang unang karanasan ko sa buhay. Unang pagtataas ng noo at pagsasabing hindi ako nagkamali. Wala akong pagsisisihan. Mahirap, Luis. Sinasabi ko lamang ang mga ito subalit iiyak din ako mamayang gabi. At hindi lamang mamaya, natitiyak ko. Kaya ayaw kitang padalawin sa kinatitirahan ko noo’y natatakot akong mawili sa pakikitungo sa iyo. Kaya mabuti na ngang ngayon na… na kakaunti pa ang ating lilimutin.”

Kakaunti? Mga mumunting pag-uusap lamang sa telepono? Na matapat at walang pagkukunwari? Araw-araw na kumustahan. Batian. Alalahanan…

“Makalilimot ka rin, Edna,” taimtim kong nasambit. Bata ka pa. Ako’y isang yugto lamang sa buhay mo.

Tumayo siya. Hinawakan ko siya sa bisig nang kami’y nasa labas na ng palamigan. Sinundan niya ng tanaw ang aking kamay ngunit hindi siya nagtangkang kumawala sa aking pagkakahawak. Tiningala niya ako. Pilit kong inaninaw sa kanyang mga mata ang kawalang-malay na dati ay nakakintal doon. Tinitigan ko siya at pilit kong pinagbalikan sa alaala ang aming unang pagkikita. Mga matang nagtatanong. Kumikislap. Mabibilog na mga mata. Mga matang malulungkot.

Humigpit ang pagkakahawak ko sa kanyang bisig. “Dinaramdam ko, Edna,” nangangatal ang aking tinig.

Dumantay ang palad niya sa kamay kong nakahawak sa kanyang bisig. “Luis, huwag mong damdamin ang pagkakaroon ng isang asawa at anak.”

At siya’y tumalikod sa akin.



LIWAYWAY, Pitak ng Bagong Dugo, Enero 9, 1961

Sunday, January 4, 2009

Celebrity Status



Celebrity Status


How does it feel to be a celebrity?

Gusto kong isipin na sa buhay ng bawat tao ay naranasan niya ang maging isang celebrity. Maaaring sa isang maliit na paraan. At sa isang munting kapaligiran. Mayaman man o maralita, kung nag-iisa siyang supling ng isang pag-asawahan, celebrity siya sa kanilang pamilya. Kung tanging babae sa maraming kapatid na lalake, o tanging lalake sa maraming kapatid na babae, isa siyang celebrity. Kung sa isang barkadahan ay siya ang pinakamatangkad, o marunong kumala-kalabit ng gitara, o medyo nakakakanta, celebrity na siyang maituturing. Bukod-tangi o karaniwan man ang katangian, ang pagiging celebrity ay nasa tumitingin. O sa nakadarama.
.
Sa aking buhay, naranasan ko na rin ang maging celebrity. Limang taon ang pagitan namin ng sinundan kong kapatid. Anim kaming lahat, panlima ako. At sa aking pakiramdam, paborito ako ng aking mga magulang. Feeling celebrity? Pero, bakit ‘ika mo? Dahil ako… ang pinaka-tuksuhin sa lahat. Pinaka-kayumanggi (pinaganda ko lang ang termino). Kaya, kumbaga, alalay sa damdamin ko ang atensiyon ng aking mga magulang. Nakatatawa nang pagbalikan ito sa isip ngayon, bagama’t noon, may kirot ang mga panunukso.

Ngunit sa totoo lamang, nangyari nang nadama ko ang maging celebrity noong araw, sa tunay na kahulugan nito. Ito ay noong ako ay sampung taon. Balagtas Day. Ako ang napili ng aming gurong si Miss Villegas na maging representative ng aming elementary school sa isang oratorical contest sa Pilipino. Lahat ng mga mababang paaralan sa buong Malolos ay kasali rito. Tandang-tanda ko pa ang aking oration – ang isinatagalog na talumpati ni Carlos P. Romulo na I Am a Filipino.

“Ako’y Pilipino. Tagapagmana ng isang maningning na lumipas at bihag ng isang di tiyak na hinaharap…”

Nanalo ako sa paligsahan ng talumpatian na ito. Tumanggap ako ng tropeo para sa eskwelahan at tatlong aklat – Noli Me Tangere, El Filibusterismo at Urbana at Felisa – para sa akin. At bigla, parang lahat ng mga nag-aaral sa aming mababang paaralan ay nakilala ako. Bawat makasalubong ko, grade one pupil man o grade six (grade five ako noon), ako’y binabati sa aking pangalan. Evelyn! At hindi lamang sa aming paaralan nangyayari ito. Kahit sa aming baryo, ang mga magulang na aktibo sa Parent-Teacher’s Association ay kilala na rin ako. Heto na si Ako’y Pilipino, ang kanila namang bati. At may dala itong kasiyahan sa akin.

Hindi ko ito alam noon, feeling celebrity na pala ito.

Sa high school naman ay iba. Kahit wala ka pang ipinapanalo, basta at marunong ka, o maganda na tipong pang-Musa ni Balagtas, Mutya ng Kudyapi, Junior or Senior Sweetheart, celebrity ka na. Sa kasamaang-palad, wala akong pag-asang bumagsak sa mga nasabing kategorya. Sa maikling salita, bagsak nga!

Hanggang magkaroong muli ng isang oratorical contest. Kaarawan ni Marcelo H. del Pilar, bayaning tubo sa Bulacan. Napili akong muli na mag-represent ng aming high school sa paligsahang sinalihan ng mga public high schools sa buong Bulacan. Swerteng ipinanalo ko itong muli. May iniwan na naman akong tropeo para sa high school, Marami na namang nakakilala sa akin. Iyong iba, hanggang ngayon ay natatandaan pa ito.

Feeling celebrity na naman ako.

After college, unang taon ng pagtatrabaho ko sa opisina, noon nakawala o nakahulagpos ang hindi na mapigilang nasa na makapagsulat ng kwento. Self-study o self-help, dahil accounting ang background ko, at ni hindi nga naging typist ng The Republic, ang aming high school organ noon, ang una kong pagtatangka sa pagsulat sa pamamagitan ng pagsusumiti ng kwento sa Pitak ng Bagong Dugo sa Liwayway ay isang tagumpay.

A… iba ang feeling na ito. Ibang klaseng tuwa. Nag-uumapaw. Iyong puntong naging celebrity rin, hindi lamang sa dormitoryong aking tinutuluyan, kundi pati na sa mga dating kaiskwela sa high school, mga kapit-bahay, mga kamag-anak, ay parang icing on the cake na lamang. Ang kasiyahan kasing nadama ko sa pagkalathala ng aking unang kwento ay nagmumula sa aking kaibuturan. Isang validation ng aking kakayahan at katuparan ng isang pangarap.

At nang magkasunud-sunod ang mga kwentong nalalathala sa Liwayway, sa kabila ng mga nasasalit na rejection slips, unti-unti, nadama kong ang aking sarili, na dati ay parang may hinahanap, may kahungkagang naghihintay ng kaganapan, noon ay unti-unti nang nabubuo. Ang mumunting pirasong dati ay hiwa-hiwalay ay dahan-dahan nang nagsasama-sama, nagkakabit-kabit, nagiging isa.

Hanggang may nakakwentuhan ako sa pasulatan ng Liwayway tungkol sa Carlos Palanca Awards for Literature Contest. At inudyukan akong sumali. Na inilingan ko, hindi ko kaya. Subukan mo, ang sabi. At naisip ko kalaunan, bakit hindi? Nothing ventured, nothing gained. No pain, no glory.

Sa tinamong unang gantimpala sa kauna-unahang pagsali sa paligsahan ng Palanca, ito lamang ang masasabi ko: Naranasan na ba ninyo ang lumakad na parang nakalutang sa ulap? Sanlinggo akong ganito, bago muling tumapak sa lupa ang aking mga paa.

Feeling celebrity?

Ay, naku, sabi nga isang artista, todo na ’to !!!


(Ngayong Enero, abangan ang unang kwento ng taong 2009: ang aking kauna-unahang kwento na nalathala sa Pitak ng Bagong Dugo noong 1961. Para sa buwan ng Pebrero, huwag kaligtaan ang kauna-unahan ko namang kwentong isinali at nanalo sa Palanca Awards for Literature Contest noong 1987.)

Friday, January 2, 2009

ROBI DOMINGO: My Brush with a Celebrity

ROBI DOMINGO:
My Brush with a Celebrity



Bagong Taon, Enero 1, 2009, may tinanggap akong text message: Tune in sa channel MYX. Robi Domingo there as VJ Announcer..

Kamakailan, may tumawag naman sa akin sa telepono. Excited ito. Ang sabi: Ate Evelyn, nakita kita sa television.

Sagot ko, paungol pa: Bakit ako mapupunta sa television.

Sagot sa akin: Oo. Du’n kay Kris. At kay Boy Abunda.

Sagot ko ulit, hindi naniniwala: Bakit ako mapupunta kay Kris?

Heto ang sagot na nagpaliwanag sa lahat: May interview sila kay Robi Domingo. Nagpakita ng mga pictures at naroon ka. Kasama mo si Robi!

Ayyy, talaga? At totoong natuwa ako. Akalain ko bang sa dinami-dami nang maipakikitang pictures si Robi, e, isinama pa ang picture naming dalawa! Aba, e, sikat talaga.

Kaagad akong nagtext sa pamangkin ko na ang comment: Showbiz ka na, ha!

Siempre, kwento ko rin agad sa aking pamilya. Ang sabi ng mga ito: Siguro, hinihingan ng pictures ang mga kamag-anak ni Robi, pero, ayaw magbigay dahil hindi mga showbiz, kaya iyong picture ko raw ang ibinigay. Sabi siguro, ito na lang, tiyak gusto nitong ma-telebisyon!

May nagdugtong pa: Baka naman kamukha mo lang!

Pero, kahit ano pa ang aking marinig, ang bottomline, ipinakita ang picture kong kasama si Robi Domingo. At ito ang gusto kong paniwalaan. Saka isang kapit-bahay na nakasama ko sa isang sosyalan ang nagsabi rin sa akin: Oy, nakita kita sa telebisyon. Sabi ko nga sa sarili, kilala ko ‘to. Si Evelyn!

Heto pa ang isang kaiskwela ko na taga-Pulilan mismo, nakita ko sa isang reyunyon namin sa haiskul. Ang sabi: Nakita kita, Eve, sa tv. Kasama mo si Robi, iyong anak ni Doktora …

I rest my case.

Halos mag-iisang taon na ang nakalipas nang magkakurus ang aming landas ni Robi. Dahil lamang sa isang takdang aralin niya sa Ateneo na requirement sa kanilang senior year sa high school. Naikwento ko na ito sa isang posting before. At matapos mangyari ito ay nalimutan ko na naman.

Hanggang may nabasa ako sa internet tungkol sa pagkasali niya sa Pinoy Big Brother at kung saan isinama rin ang picture naming dalawa. Ito ay upang ma-highlight lamang ang pagiging mabuti niyang istudyante na magaling mag-interbyu. Siempre, nang malaman ko ito ay sinubaybayan ko na ang Pinoy Big Brother at totoong nanghinayang ako nang pumangalawa lamang siya (although, naisip ko, okay lang. Mas gusto ko siyang maging doktor.) Pero, life goes on at nalimutan ko siyang muli. Unless may nagpapaalala sa akin: Uy, si Robi, nasa diyaryo, may write-up! Na nakita ko rin naman kasi, pareho kami ng diyaryo. At ikinatuwa ko ang mga nabasa rito na tuloy siya sa pag-aaral. Napag-usapan namin noon na magme-medisina siya. At sa bagong iskwelahan nga ng Ateneo sa tabi ng Medical City siya mag-e-enrol.

Dumating rin ang balitang ito sa akin. Hoy, yung favorite mong si Robi, nanalong VJ …( o MTV VJ yata. ewan, hindi ako nagagawi sa channel na ito Minsan lang siguro, nang panoorin ko ang Mojofly at ang animated music video nila ng “Tumatakbo” na ang anak ko ang gumawa) Nakatatawa na ang mga kakilala kong napagkwentuhan ko noon na ang sikat na housemate ng Pinoy Big Brother na si Robi ay ininterbyu akong minsan ay lagi nang nagrereport sa akin, everytime na may narinig sila tungkol kay Robi.

Nakatutuwa at nakatatawa talaga ito. Kilig tayo kapag may kakilalang celebrity. At kahit hindi deretsong kakilala. Kahit by association lamang, ganoon na rin ang suma’t tutal, sabi nga ng matatanda. Kilig pa rin. Tulad halimbawa nito:

Si Dolphy? Very proprietary ang feeling namin kay Dolphy, dahil si Dolphy ay pamangkin ng Ka Picang na asawa ng Ka Jose na anak ng Amang Puten na kinalakhan naming parang kamag-anak sa Malolos. Ang Ka Picang ay taga-Bigaa, ngayon ay Balagtas na, at tagaroon ang kalahian ni Dolphy! Lumaki akong laging si Dolphy ang takbuhan ng tagaroon sa amin kapag kailangan ang mga magpapalabas sa stageshow tuwing katapusan ng santakrusan. Kaya sikat ang lugar namin noon sa dami ng mga artista. Isa pa, ang mga anak ni Dolphy ay laging nagbabakasyon noon sa Ka Picang at kalaro pa ng aking pamangkin (na niligawan pa yata noong isa!)

Si Nonoy Zuniga? Tandang-tanda ko ito, nakaburol ang aking Amang sa aming bahay. Nagkataong nasa kabilang bahay lamang si Nonoy, may dinalaw yata. Agad siyang isinama sa amin upang dumalaw at makiramay. Ay, ang nangyari, nagka-kodakan! I still have the picture, na ang background pa nga ay mga bulaklak ng korona…at nakangiti kaming lahat!

Si Rogelio dela Rosa? Si Roger, tulad nang tawag sa kanya noon, ay kumpare ng aking Tata Tenteng, na pinsang-buo ng aking Amang. Inaanak niya ang Ka Lily, na pinsan ko rin at kumare pa at kalapit-bahay. Liberation noon at maliit pa ako, pre-schooler, laging nagbabakasyon ang magkakapatid na dela Rosa (pati si Africa) sa bahay ng Tata Tenteng. Ang natatandaan ko lamang ay nang minsang magpunta sa bahay namin si Rogelio at nakita niya ang aso naming si Darling, puti ang balahibo nito na may spots na itim. Magandang aso si Darling at nagustuhan niya, itinanong kung papayag kaming ipagbili. Siempre, sabi ng kapatid kong panganay na siya niyang kausap, na hindi ito ipinagbibili. Kung bakit siya nagpunta sa bahay namin, that is another story.

Si Ernani Cuenco? Si Ernani ay taga-Malolos. Kapatid siya ni Marina na kaiskwela ko sa haiskul, at siya naming maestra sa aming alumni choral group ngayon. Kaya, ang mga una naming kanta ay ang “Gaano ko ikaw kamahal” at ang “Kalesa”…

Sino ang iskultor na gumawa ng UP Oblation? Ng Monumento sa Caloocan? Sino pa, e, di si Guillermo Estrella Tolentino!

Si Cory Aquino? Kung huhuklatin ang kalahian ni Cory na nagmula sa Cojuangco, makikitang ang unang Jose Conjuangco na nanggaling ng Tsina ay nagkaasawa ng isang Andrea Estrella ng Malolos.

Ibig lamang sabihin, mababaw ang kaligayahan natin. Though, we do not take these things seriously, kung nagkakakwentuhan, eka nga, ay nakatutuwang banggitin ang mga ito.

Kaya, kung muling naligaw sa aking blog ang posting tungkol kay Robi Domingo, e, dahil lamang sa isa na siyang celebrity ngayon. Sabagay, alam ko na ito nang sumali pa siya sa Pinoy Big Brother, pero hindi ko alam kung gaano na siya ka-celebrity, hanggang isang araw, galing kami ng Makati, nakatuwaan kong tingnan ang mga billboards along EDSA, kung sinong artista ang may pinakamaraming ads at bumulaga sa aking paningin ang pagkalaki-laki niyang larawan Ay, si Robi, bulalas ko!. Bihira kasi akong magawi sa EDSA at hindi ko pa nakitang muli ang nasabing billboard. Iniisip ko ngayon, si Robi nga ba iyon? O isang artistang kamukha lamang niya?

Tulad rin nang pag-iisip ko, nang may dumating ulit na balita sa akin, na sa Wowwowwee, ay may binati si Robi ng: Hi, Tita Evelyn!

As if ako lamang ang Evelyn sa buhay ni Robi! Saka, ang tawag niya sa akin ay Mrs. Sebastian.

Pero, tulad nang nasabi ko na, gusto kong isipin na ako na nga iyon… kahit hindi naman…