Wednesday, December 31, 2008

SALAMAT, 2008 !!!

It was a very good year... sabi nga sa isang awit ni Frank Sinatra.

Good or bad, half-full or half-empty, nasa tumitingin daw iyan.

Ito ang nasa isipan ko ngayon, sa pagtatapos ng taong 2008, at sa sandaling ito na halos ilang oras na lamang at sasapit na ang bagong taong 2009. Dahil I feel good, I feel wonderful! I am thankful for all the blessings that came my way this past year, for the answered prayers, yes! and even for the prayers answered, no, not this time, maybe never! Kasi, I don't see the whole picture. May higit na nakaaalam kung ano ang mabuti para sa akin. And I accept that.

Sa taong darating, 2009, inihahanda ko ang aking sarili sa patuloy na pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan sa inyong lahat na mambabasa sa blog na ito, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aking mga likhang kwento. Dasal ko't hiling - ang makapagdulot ito ng kaaliwan sa inyo, lalo na iyong mga nasa malalayong lugar.

Sa inyong lahat, isang Mapayapa, Masagana at Masayang Bagong Taon!



Thursday, December 25, 2008

SALAMAT PO SA ISANG TAONG PAGSUBAYBAY!!!



Kleng, Kleng, Kleng!




Heto na! Heto na!
Ang Paskong masaya
Nalalanghap ko na
Ang suma't bibingka
Mayro'ng tumutugtog
Mayro'ng kumakanta
O halina kayong lahat
At tayo'y magsaya.

Kleng! Kleng! Kleng!
Klang! Klang! Klang!
Anong tuwa't saya
O kayo'y tumugtog na't
Kami ay kakanta. Hey!
(sa himig Jingle Bells)

Tao po! Namamasko po!
Maligayang Pasko po!
At salamat po...
sa pagsubaybay ninyo po...
sa aking blog po...


Wednesday, December 24, 2008

CHRISTMAS SHARINGS – Kasunod na Henerasyon


Ang naaalala ko sa Pasko nung maliit ako ay--


paggamit ng itim na medyas ni Papa para isabit sa sofa;
apples sa medyas;
yung Pasko na ang laruang baril na ang bala ay may suction sa dulo;
pagpunta sa Malolos para mamasko dun sa bahay na may higanteng baboy;
ang bigay lagi sa amin ay kendi at bente-singko;
pagtayo sa labas ng Immaculate Conception church para sa midnight Mass;
pag-uwi sa bahay ay nakahain ang pulang mga tasa na minsan lang isang taon ilabas;
tsokolate e at hamong maalat at ensaymada.

Simbang-Gabi Namin... Ngayon...


Masses in Northern VA have started in earnest, often celebrated in several parishes each night. As with most Filipinos in the area, and perhaps even in the Philippines, attending all nine Masses is a goal. After all, it is a novena, and there is a petition attached to the effort. But many people go because it is the Pinoy thing to do.

For me, it is a connection to home. I recently exchanged emails with a friend, who also aims to make all nine Masses this year. Separated by oceans, but joined by faith and culture, we aim to accomplish the same thing. That's what I want my girls to experience and remember long after they leave my house --that we trekked out on cold, rainy, and perhaps snowy evenings to attend Mass, to join others in a salu-salo, and to sing Pasko na Naman as a recessional hymn. Based on how they beg me each night, and how often they make promises, simply to be allowed to attend Mass, I know that the Simbang Gabi is getting into their blood.

But what is Simbang Gabi? I often think of it as a cultural thing. And I forget that it's also, and more importantly, a celebration of faith. Each night, we attend a Mass, a complete celebration in itself, and not simply a part of a series to be completed. Each Mass is celebrated in the Advent season, a season to prepare for Christmas. For most of us, it is already difficult to remember that it is not yet Christmas. We Filipinos are fortunate to have this built-in reminder, of nine evenings requiring extra effort on our part, that brings us closer to the big day.

The girls are excited about the going out, meeting Paaralang Pinoy teachers and classmates, eating pansit and puto. I am glad that they're getting the cultural part of it. I am even gladder that their excitement is not about presents and Santa, but about going to church. Then they see the empty mangers in the churches, reminding them that even with all our nightly partying, the grand celebration has not happened yet.


CHRISTMAS SHARINGS - Ibiang




PASKO NG ISANG MUSMOS



Saan ba ako noong mga panahon ng aking kamusmusan? I hate to admit it but I think my mind is so immature (like kulang sa buwan nang ipinanganak o talaga lang bobo) na I could not recall Pasko while a youngster……………..but, I do remember going from house to house specially sa kamag-anak to magmano and of course to see how much money will be handed in return. At saka kung mag-alok ng pagkain, kunyari ayaw pero pagnasulyapang hindi ordinaryong pagkain, sugod agad…lalo na kung pastilyas o ubas or kastanyas…..wala kasi kaming handang ganoon.

Sa eskaparate (glass paneled cabinet ba yon?) may dalawang manika na Japonesang Geisha and Madre as in NUN (na my father takes out kung Pasko lang for us to play with, otherwise, hanggang tingin lang the rest of the year). Kinda odd to think about it but whoever gave those dolls to us (Ate Layli and me) must have looked into my sis future adult life kasi mistulang madre yon sa pagkapanatiko sa kanyang religion….ni hindi nga nag-asawa. O ako naman, ika mo Geisha ako?....aywan, hulaan mo! Hindi ako mananayaw, ni hindi nagbilang ng mga nobyo, ano nga kaya?

While growing up, my association w/ Christmas…eh ‘yon bang I’m waiting for a new dress to wear for the occasion, w/ new shoes na come to think of it, parang every 3 years lang kung mangyari, kasi being the youngest of 2 girls, ako yong sumasalo ng HAND ME DOWN... ‘wawa naman ako.
I have missed the experience of SIMBANG GABI, eh sabi na ngang isip bata….mantika kung tumulog , eh wala pang perang pang puto bongbong….ikaw ba gaganahan kang magsimba? Those were our foolish motivation in going, not paying particular attention as to what it’s really meant for. If only I could, I would do it now, but have not found any Parish Church here that goes to the motion. At saka hindi authentic Pilipino custom…eh walang puto bongbong dine na gagawa.

All in all I think we have shared a happy celebration of Pasko. And each generation will share their memorable Pasko too.

MALIGAYANG PASKO AT MANIGONG BAGONG TAON SA ‘YO N Family.



(Ay, salamat, ‘Insan! Yours is an authentic Pasko ng isang Musmos… ng isang walang malay… ng ating kapanahunan. You captured it, I could almost visualize it. The expectation of a new dress and shoes (Gregg ba?) na kung hindi napalaki ang sukat sa pagbili, para bumilang ng taon sa paggamit, e, napaliit naman, kasi, kumukob ang big toe nang nagsusukat. Nangyari tuloy, iika-ika na habang panhik-panaog sa mga bahay na pinamamaskuhan. At paltos ang pobreng sakong, naglintos pa kamo. Hu, hapdi…

At tama ka, pag inaalok ng pagkain, ayaw pa kunyari. I remember the suspiros and gelatine with pineapple na laging pamiryenda ng mga taga-Mistiso (Ka Angeling Lomotan). Medyo asiwa akong mamasko doon, kasi, teacher natin sa Biology sa high school, e, pinsang makalawa ko pala!

If you missed attending the Simbang-gabi, hindi ka nag-iisa. Going over all the sharings in this December “issue” of my blog, marami kang ka-soulmate. Na parang mantika kung matulog. O napunta man sa simbahan ay nagyuyukayok naman.

At kung from West VA ay lilipat ka sa VA, pwede ka pang magsimbang-gabi. Just read on…)


CHRISTMAS SHARINGS – Rollie




SIMBANG-GABI, SIMBANG-TULOG




Kung may tinatawag na promdi, ako nama’y orihinal na promding-promdi, sa maniwala kayo’t hindi. Ang kabataan ko’y nahati sa dalawang lugar: sa bukid at sa bayan. Ang nanay ko ay taga-Kapitangan, sa Paombong; ang tatay ko ay taga-Katmon, sa Malolos.

Natira kami sa Kapitangan (early elementary years). Malayo iyon sa kabayanan. Kaya’t ang Pasko bagama’t maituturing na isang espesyal na araw, ay di naman gaanong ipinagdiriwang na gaano. No big deal, ika nga. Sa totoo lang, may mga Pasko ngang hindi man lamang kami nakasisimba (sabi na ngang malayo kami sa bayan, e!).

Para sa gayak ng aming bahay, sapat na ang isang parol na nakasabit sa bintana . Ako ang gumagawa ng parol: kukuha ng kawayan: kakaliskisan, gagawa ng baskagan at ikokorteng parol na gamit ang ilang pakong-bakya. Tapos didikitan ng papel de hapon sa pamamagitan ng kanin. Lalagyan ng buntot at presto, estrella na. Di naman malagyan ng ilaw – wala pang koryente – at di naman pwede ang kandila dahil masusunog.

Ang aming pagkain sa araw ng Pasko: nilagang manok saka palitaw o kaya’y kalamay hirin. Hindi uso sa kabukiran – noon --ang media noche. Sapagka’t malamig, masarap pa ang matulog!

Fast forward: High school years na. Kung Pasko, ang pangarap ko’y makabuo ng nobenaryo ng simbang gabi. May indulhensya daw kasi, kaya nasa puso ko ang determinasyon. Ang simbahan namin ay ang Barasoain Church. Sa loob ng siyam na sunod-sunod na araw, maaga pa lamang – dakong alas-tres ng madaling-araw -- may banda ng musiko na gumagala sa mga lansangan at tumutugtog nang malakas sa kalye, parang sinasabing “Hoy, magsigising na kayo, simbang gabi na!” Siyempre, sa unang araw, babangon ako. Magbibihis, pupunta sa simbahan. Maraming tao. Kumakanta ang koro sa saliw ng organo, castanets at tambourines.
.
Noon, nakatalikod pa ang paring nagmimisa. Ang misa ay sa Latin pagka’t matagal pa bago nangyari ng Vatican II Council. Ang sermon niya ay sa pulpito na kung bakit naman ay tila tuksong nanghihikayat na matulog nang nakaupo (na kung minsa’y tutulo pa ang laway.) Sa madali’t sabi, matatapos ang misa na ako’y yukayok nang yukayok o dili kaya'y nakasandal sa katabi.

Ang mga sumunod na araw ng simbang-gabi ay malubhang pakikibaka sa antok. Malamig kasi ang hangin at ang banig. Daraan ang musiko. Sa loob-loob: Babangon na ako. Para ka lang nananaginip o isip mo lang na bumangon ka na, pero hindi. O dili kaya’y sasabihin sa sarili: ten minutes pa, babangon na ako talaga. Lumipas ang mga minuto: sampu . . . naging dalawampu . . . naging kalahating oras. At babangon nga ako, pero halos sikat na ang araw. Paalam, simbang gabi. Sa totoo lang, sa kabataan ko’y hindi ako nakabuo ng simbang-gabi.

Kung araw ng Pasko, magsasalu-salo kaming mag-anak sa nilaga – hindi na manok kundi karneng baka na ang pagkaluto ay parang bulalo. Sarap ng bone marrow! (Na sa katandaan ay pinagbayaran ko sapagka’t na-bypass ako!) Ang himagas ay halayang ube at leche flan (karamihan ay bigay ng kapitbahay at mga kamag-anak pagka’t di pa namin afford). Paminsan-minsa’y nasisingitan ng mansanas at Sunkist. Pagkatapos ay mamamasko sa Ninong, Ninang, Lolo, Lola, Tiyo, Tiya. Maabutan ka ng singko o kung magkaminsa’y diyes. Isa ng kayamanan ng mga panahong iyon.

Noon, asenso na ang estado ko, sapagka’t tumira na nga kami sa bayan.. Hindi na ako promding-promdi. Promdi na lang! (And I’ll let you in on a secret: ang palayaw kong Rolan sa bukid ay naging Rollie sa bayan. Ano’ng sey n’yo?)



(Salamat sa iyong sharing, Rolan, e, Rollie pala! Ang iyong sharing, eka nga’y, plakang-plaka, kumbaga sa kanta. Ibig sabihin, ganyan-ganyan talaga ang senaryo ng mga batang magsisimbang-gabi sana… sana… noon! Simbang-tulog sa loob ng simbahan, kung nakarating pa ng simbahan. Kadalasan nga’y naghihilik pa rin sa banig, panaginip lang pala ang pag-aakalang bumangon na at nagpunta sa simbahan.

Mansanas at Sunkist! They bring back memories talaga Pero di naman Sunkist ang tawag natin noon dito. Orange, di ba? Oreng pa nga sa matatanda, kung minsan. Saka, ang mansanas noon, iyong delicious apple, unang kagat pa lamang, ang katas-katas, saka, iba talaga ang lasa. Ngayon, parang iba…

Ang pari noo’y nakatalikod, ngayon ay nakaharap na. Ang sermon noon ay sa pulpito. Fire and brimstone. Ngayon, may kasama pang joke kung minsan. Lumalakad ang panahon. Nag-iiba ang lahat. May mabuti at mainam. May ilang “nakaiilang” na pagbabago.

Sabi nga, "heaven and earth shall pass away, but My words shall not pass away," at sa ating panahon ay marami pang pagbabagong magaganap, ngunit, lalagi, hindi mawawala ang Pasko at ang Ugat ng lahat ng ito – the Baby born in a Manger.)

Tuesday, December 23, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Rene



SIMBANG-GABING BIBINGKA AT PUTO-BUMBONG


Oo nga. Pasko Na naman! Kaya umaasa kami ng isang magandang istoryang pamasko. Eve, siguro lalong maganda kung ang isusulat mo ay ang pasko noong kabataan natin at hindi na ang pasko ng mga sr. citizens (he-he) Tama ka palagay ko isa ako sa mga nagpupunta sa simbahan noon para lang kumain ng mainit na bibingka at tsaa para hindi ginawin habang nakikipagkuwentuhan sa barkada.

Ang isa ko pang suggestion kung iyong mamarapatin? Sana ilagay mo sa balag… by blog pala ang isa sa mga istorya mong na-publish sa Liwayway. Ikaw pala ang writer na si Evelyn Estrella na nalaman ko lang sa utol ko na si Mie na classmate mo, class 53.

Kung pwede isama mo na rin sa Website ang sinulat mong istorya nang ikaw ay manalo at tumanggap ng golden plaque of appreciation/citation as the “Most Outstanding Story Writer in Pilipino.”

O sige kung iyon naman ay pwede lang. Siguro naman ay naitago mo ang kopya sa baul ninyo. Ang nakikita kong isang problema ay pagta-type noon sa computer kasi masyadong busy na sa Newszette kayo at mahirap na sa ating matatanda ngayon ang masyadong napapagod. Nauunawaan naming kung hindi mailalagay sa balag ng alanganin ….. sa blog pala (ha-ha)


(Thanks, Rene sa marami mong suggestions. Kaya lang, iyong paglalagay sa balag… (blog pala!) ng mga kwento kong nalathala sa Liwayway ay noon pang Pebrero, 2008 ko ginagawa. Naisip ko lamang na siguro, hindi mo napansin na nakalagay sa last line ng bawat kwento na posted sa blog ang petsa ng pagkalathala nito sa Liwayway. Halos twenty to thirty years ago nang na-published ang mga ito. Inuuna kong i-post sa blog ang mga lumang-luma nang kwento.

Correction lang din, dahil baka may makabasang iba nito. Wala namang golden plaque of appreciation/citation akong natanggap, as the Most Outstanding Story Writer in Pilipino. Ang Palanca Awards for Literature ay isang yearly contest at kung swertihin na ang
submitted manuscript mo ang nagustuhan sa taong iyon ng panel of judges, ikaw ang mapipili. Although, konswelo rin sa mga nagtamo ng unang gantimpala, may taon na kung walang deserving, hindi sila nag-a-award ng first prize.

One of these days, I will publish these winning kwentos, promise. Actuallly, one is included in an Anthology, another was published in Likhaan, a literary magazine published by the University of the Philippines and which was also published in a coffee table book, Our Own Voice, by the Philippine Women’s University. Right now, let us just enjoy the sharings of Christmases past by our friends.

As you can see, lahat ng mga Christmas Sharings mula sa mga “tagasubaybay” ng aking blog ay pawang reminiscences ng Pasko ng ating kabataan, as you wished. Tiyak kong makaka-relate ka nang husto doon sa mga nagsisimbang-gabing bibingka at puto-bumbong lamang (joke only!). Ngayon nga, sabi ng ibang kabataan, simba-bae lang daw nga…

CHRISTMAS SHARINGS - Rufina (Baby)



WALANG SEKRETONG HINDI NABUNYAG!


Tuwing magpapasko, ang mga karanasan ko ng mga “Pasko”, ng aking kabataan ay lagi kong naaalala. Natatandaan ko, minulat kami ng mga magulang ko sa tradisyong Katolika. Mayroon kaming kaugaliang pampamilia na itaguyod ang siyam na araw o novena na madaling araw na Simbang Gabi. Kaming limang magkakapatid, ang Inang Onor ko, Lola Iska, Ka Banang na pinsan ko at Sisang katulong ang sabay-sabay na sumisimba.

Malaking problema ang gisingan dahil 4:00AM ang misa, kasarapan nang tulog naming mga bata. Pati sa pagbibihis, nagkakandatulog ako. Bunso ako sa babae at spoiled kaya pilit akong binibihisan habang ginigising at labag na labag sa kalooban kong sumamang magsimba. Mas gusto kong matulog, pero hindi pwede kasi ang family deal, kailangan kaming limang magkakapatid ay sabay-sabay sisimba para pagkatapus ng misa, ibibili kami ng bibingka na may itlog at keso sa Ka Siding sa kanto. May libreng mainit na tsaa.

Ang hirap, hindi ko mapigil ang antok ko. Lagi kaming pumupwesto sa unahan, malapit sa altar. Inilalatag ng lola ko ang tapis niya para luhuran dahil laging akupadong lahat ang luhuran kung dumating kami. Pinagdadayo kasi ang Barasoain Church, lalo na kung simbang gabi. Ang naaalala ko lang ay ang umpisa at hulihan ng misa. Natutulog daw ako sa gitna ng misa. Hindi ako nahahalata ng Inang Onor at Lola Iska dahil tinatakpan ako ng mga kapatid ko na umaasa sa bibingka paglabas ng simbahan. Anim na taon ako noon. Hanggang dose anyos ganoon ang nangyayari mula ika-labing-anim ng Disyembre, na simula ng simbang gabi hanggang Noche Buena.

Pag Noche Buena, naliligo ako nang matagal para hindi ako antukin dahil inaabangan ko si Santa Claus. Pero hindi ko matiempohan. Nakakatulog din ako. Ni isa sa aming magkakapatid, hindi nahuli ang talagang Santa Claus na naglalagay ng regalo sa big stockings namin. Labing-tatlong taon ako nang malaman ko na ang Ama’t Ina ko pala ang nagreregalo sa amin.

Mahusay at malinis silang trumabaho. Pero tutuo ang kasabihan, “Walang secreto sa mundo.” Isang araw kailangan ko ng gunting. Humiram ako sa kay Inang. Kunin ko raw sa kwarto nila. Naiwanang bukas ang closet. Nakita ko ang rolls ng Christmas wrappers, chocolate, toys at iba pang mga item na kamukhang-kamukha ng mga regalong natanggap naming magkakapatid kay Santa Claus. Nagduda ako. Ikinuwento ko sa mga kapatid ko ang nakita ko. Akala ko naka-scoop na ako. Alam na pala nila, pero hindi nagpapahalata. Baka raw humintong magregalo sina Mr. and Mrs Santa Claus, sila daw ang mapupurnada. Ipinagpatuloy namin ang tradition, wala namang nawala at masaya naman.

We keep the legacy and pass it to the next and the next generations, with some alterations and adaptations. Isa sa mga modifications is, we ask our grandchildren to make a wish list to be sent to Santa, a month before Christmas, without limit nor restrictions. They list up what they really need and want in two columns. I pass the list to my children who shop for them, my husband and I do the wrapping and putting them in Santa’s stockings. Another difference of our generation with today’s generation is, they knew who Santa Claus (s) is/are.

Alam nating lahat ang real message of Christmas and the Greatest Gift given on,” The First Christmas”. Jesus Christ-The Messiah. God the Father gave us His only begotten Son to redeem the whole human race from the original sin, our first parents, Adam and Eve committed and all the sins men committed then, now and in the future. Christmas is the holiest of all holy days. It’s the season to rejoice.

(Salamat, Baby. Katatapos ko lamang makausap ang aking anak at napag-usapan namin ang mga sharings ng Christmas experiences na nasa aking blog. Naalala niya ang isang regalong tinanggap nilang magkakapatid noon kay Santa. Isang portable phonograph. Isang record player na pwedeng patugtugin ang mga plakang may sukat na 45 at 33 (wala na iyong 78, na panahon pa ng kopong-kopong).

Tuwang-tuwa sila dahil big deal na sa kanila ang magpatugtog ng plaka. Kasama sa record player ang isang 45 na plaka, single, na ang tugtog ay ang usung-uso noon na “Give Love on Christmas Day”. Sinasabayan pa nila ito sa pagkanta. Hanggang sabi ng aking anak, sa pagkuha niya ng kung anong bagay sa drawer namin, nakita niya ang resibo nang pagkabili rito. Noon niya nalaman kung sino si Santa Klaus.

Katulad mo rin, inilihim muna nila ito sa pinakabunso nilang kapatid.

Simbang-gabi! Santa Klaus! Bibingka at puto-bumbong! Mga alaala ng Pasko ng ating kamusmusan. Na masarap balik-balikan, lalo na at malayo sa bayang pinagmulan.)


Monday, December 22, 2008

SHARINGS - Ruby



May Paskong Malungkot


Ang mga Pasko ko ay parang naiiba sa Pasko ng ibang bata. Limang taon pa lamang ako, mahilig na akong bumarkada sa mga "manang" ng simbahan. Sila yung maituturing na mga lola dahil sa kanilang katandaan. At malaki ang naging impluensiya nila sa aking kabataan.

Pagsapit ng December 15, magbibilin na ako sa "yaya" namin na gisingin ako at 4:00 in the morning. Na kadalasan naman ay hindi nangyayari dahil bago pa sumapit ang oras na iyon ay tumatawag na ang aming kapitbahay na "manang" para yayain na akong magsimba. Pangalawa ako sa panganay pero ako lamang ang masipag na magsimbang gabi. Kung minsan, ang Kuya Toy ko ay sumusunod. Para tulungan akong magdala ng basket ng bibingka at puto bumbong na araw-araw ay dinadaanan namin kay Ka Sitang. Pinipilit kong mabuo ang simbang gabi para makuha lo ang indulhensiya na galiing dito. Iyon ang sabi sa akin ng Nanay ko. Kaya kahit nakapikit ang mga mata ko sa paglakad, akay naman ako ni Manang, sigi lang.

Puno ang simbahan at ang mga awiting pang simbang gabi ay nagbibigay saya. Si Diko Ben yata ang kumakanta. Pinsang buo ko siya at tenor ang boses niya. Bukod sa magaling na magorano, siya pa rin ang soloista at musical conductor ng choir. Duon marahil nagsimulang mahubog ang hilig ko sa pagkanta.

Tig-iisang bibingka at tig-kakalahating puto bumbong ang almusal namin. Ako, lagi, me kasamang mainit na gatas ng kalabaw na inirarasyon tuwing umaga at inilalagay sa basket na nakasabit sa may tarangkahan.

Ang Christmas tree namin, as early as November 1, inihahanda na. Si Nano, yung yaya namin ay uutusan ng Ate ko na pumutol ng isang branch na kailangan ay i-approve niya na tamang gawing Christmaw tree. Hindi lamang dalawa o tatlong beses bago ma-approve yung sanga. Kaming magkakapatid, sa pamumuno ng Ate ko ay isa-isang bibigyan ng bulak para balutin ang sanga na karaniwang ang taas ay 5 feet. Ang Kuya ang bahala sa pagtatayuan nito na isang lata ng biskit na binalutan ng puting papel de japon. Magiging abala kami sa pagkayas ng kawayan para putulin ng Ate para gawing parol. Ilang beses na natatampal ng Ate ang kamay ko dahil sa mali o pangit na pagkadikit ng pula, puti at berdeng papel. Si Ate ang tagagawa ng palawit, at siya rin ang nagtatali nito sa buntot ng parol. Hindi kami puedeng tumayo hanggang hindi tapos ang mga parol. Sunod dito, ilalabas na ni Ate ang mga lumang Christmas cards, gugupitin at isasabit bilang palamuti ng Christmas tree. Ang bituin ay siyang huli niyang ilalagay, sisipatin, ipapasipat sa amin kung pantay na at ayun, puede na kaming maglaro.

Ang Nanay naman, pagsapit ng December 24, abala na sa paggiling ng galapong na kadalasan, ako ang presentadang magsubo ng bigas. Parang laro sa akin. Sa kaniya ko natutuhan kung pa'no gumawa ng puto, palitao, haleang ube at leche flan, na siya lamang ang nagluluto. At siempre, yung manok na alaga ng kung ilang linggo o buwan yata, ay sesentensiyahan na. Tinola, na maraming repolyo, patatas, manibalang na papaya, dahong sili, lengua estofada, ang paborito ng Amang ko, at piniritong manok na gustong gusto naman ng Kuya.

Matagal na ring hindi ako nakakatikim nang tulad ng luto ng Nanay. At miss ko siya, lalo na kung Pasko. Hangga ngayon.

Hindi lahat ng Pasko ko ay masaya.

Araw ng Pasko nang iwanan kami ni Inay. At malayo ako sa kanya. Ni hindi nga ako nakauwi dahil ang Kuya Toy, namatay ng August 31. Umuwi kami ng kapatid kong si Del at gitna na ng September nang bumalik kami sa America kung saan kami parehong naninirahan.

Kaya't nang biglang ma- heart attack ang Nanay ng December 25, pareho kaming hindi nakauwi. Masakit, malungkot, at hangga ngayon, matindi pa rin ang dating sa akin ng mga pangyayari, sa kabila ng marami nang nagdaang taon. Seguro, talagang ganyan ang buhay. Ang mga dating ng dagok, hindi natin alam kung kailan at kung gaano kabigat.

Marami akong natutunan sa Nanay na magagandang bagay tungkol sa buhay, sa Pasko. Lahat halos ay naibahagi ko naman sa aking mga anak. Una sa lahat ng ito ay ang matinding pananalig sa Diyos. Ang pagbibigay ng walang sawang pasasalamat sa Diyos at ang pagbalikat sa kahit ano pang pagsubok sa buhay na aniya ay "ibinibigay sa iyo dahil kaya mo"

Marami pa ring Pasko ang nagsusumiksik sa aking alaala, masaya, at masayang malungkot. Seguro Eve, sa susunod na lang, medyo tinamaan yata ako ng recollection ko.


(Salamat sa pagpapaunlak, Ruby. Tunay na ang buhay ay hindi napupuspos ng tuwa lamang. Nakaguhit nang minsan, isang panahon, masasalitan ito ng lumbay. Dahil lahat tayo ay may hangganan ang buhay, darating ang oras na lilisanin natin ang daigdig na ito. Naalaala ko tuloy ang isa nating kamag-aral. May dinalaw silang kaiskwela nating babae na namatay ang asawa. Inaaliw nila ito (panay sila mga lalaki na dumalaw noon sa lamay). Sabi niya: “Talagang ganyan ang buhay, una-una lamang tayo . Pero, mauna na kayo, ayoko pa!” Na ikinahalakhak ng mga kaharap, kasama na nang namimighating biyuda.

Ang unang lumisan sa aming pamilya ay ang aking kapatid sa gulang na 30. Binata. Matagal ring naratay. Naalagaang matagal, kumbaga’y napaglingkurang mabuti ng aking Inang. Ang aking ama ay nasa destino noon, wala sa aming bahay. Disyembre 10 ang petsa. Kwento ng aking Amang nang tanggapin niya ang telegrama, hindi pa niya nabubuksan at nababasa ang nilalaman nito, nag-init na ang kanyang buong katawan (sapagkat siya ay nasa Baguio at lamig na lamig siya).

First death in the family. Napakalungkot ng Pasko, ngunit higit sa lungkot namin ay ang pighati ng aking Amang. Higit pa marahil sa sakit ng loob ng aking Inang na habang may karamdaman ang aking kapatid ay naibigay naman niya rito ang lahat ng pag-aalaga.

Ang hindi ko malilimutan ay ang Christmas Eve ng taong iyon, 1958. May tsokolate, keso at hamon na pagsasaluhan. Sabi ng aking Amang, “mauna na kayo” at umakyat siya sa ikalawang palapag ng aming bahay. Kumain kami, pero, para kaming nahihirinan.

Nang ang katahimikan ng buong paligid ay pinunit ng makabagbag-damdamin, pinipigil, ngunit nakahulagpos pa ring panangis ng aking Amang. Gumuguhit, umiiwa sa paligid. Sandali lamang iyon, ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa nalilimutan. Kaagad kaming nag-ayawan sa pagkain, umakyat ang aking Inang at pinuntahan ang aking Amang.

Disyembre 6, 1983, sumakabilang-buhay ang aking ama sa gulang na 85.. Ngunit sa pagkakataong iyon, ginawa namin ang lahat upang mapasaya ang aking Inang. Ang lungkot ay iwinaksi, lahat ng masasayang sandali ang ginunita. Noon nabuo ang desisyong tuwing araw ng Pasko idaos ang reyunyon ng lumalaki na naming pamilya. Dati, Disyembre 30 ang petsa ng pagsasalu-salo, sa kung kailan maluwag ang kalendaryo ng lahat. Ngunit sa pagkamatay ng aking Amang, ginawa na naming Pasko ang aming family reunion.

Wala na rin ang aking Inang. At nagre-reyunyon pa rin kami tuwing Pasko.)


Sunday, December 21, 2008

SHARINGS - Manggagamot



CHRISTMAS IS ABOUT BEING WITH PEOPLE


natawa naman ako sa comment mo about the nursery rhyme. but when you think about it, most nursery rhymes are a bit morbid: jack and jill fell off the hill and actually had a skull fracture. and need we mention poor old humpty dumpty.

but going back to the topic of christmases - ang aming staple ay ham na ginawa ng mommy ko with ingredients which we would later learn are carcinogenic. but since lahat naman kaming magkakapatid ay matataba ngayon - siguro di tumatalab ang carcinogenic substances sa sikmurang sobrang gutom .

we had a small silver christmas tree made of palara that came up to my knee when i was 6 years old. kaya ngayon na medyo may kaya na kaming magkakapatid - palakihan naman kami ng puno. but what you said is true - christmas should be about the people that you care for. kaya kahit medyo "evolved" na ang aming christmas and we now have a proper tree and nutritious ham, we make it a point that beyond the gift giving our kids know that the true highlight of the celebration was being with each other.

(Thanks, Doctor! A voice from the next generation. I plead guilty also of preparing ham with such “substance”. We didn’t know any better, then. Ngayon siguro, later on, you and I will find ourselves in the same boat, when we learn that all the “healthy” vegetables and food we serve our family now are all GMO. And what do we know about them now?

Yes, Christmas is about being with each other. And about being with other people, too. True, it begins with ourselves, that’s just human. Even the giving to others, if analyzed further, goes back to the giver, what he wants to give, what he can give.

Only, when we grow a bit older, more mature, perhaps, we begin to think of giving in terms of what the others want, or need or will enjoy receiving. It takes time, but we learn. And when we get to that point, even if the things we give aren’t something material, we are truly celebrating the true meaning of Christmas.)

SHARINGS – Nina



GIVE LOVE ON CHRISTMAS


In our household, ito ang scenario pag malapit na ang Pasko, noon. For Christmas décor, instead of fake green tree, we had fake white tree with multi colors decor made by the children in addition to cheap colorful balls. Panay ang patugtog ng Christmas carols especially. the long album by the Carpenters.

For SImbang gabi, our barkadas would clap near our windows to wake us up and off we’d go. Couldn’t afford to buy bibingka so hanggang tingin at amoy lang kami but we were having the best of times.

Day before Christmas is our mother’s birthday and our parents’ wedding anniversary. thus, a big celebration is held on that day. In the early days, simple lang ang handa, basta meron one queso de bola and one leg of ham from Chinatown. At midnight, we open our gifts. We get new dress to wear the following day. Kaming siblings, we exchange gifts - suklay, chocnut or bubblegum.

Christmas day is the big day we spend always in Proj 8 with the rest of the cousins. To this day, I always remember the menu particularly my two favorites: chicken curry and macaroni salad. We get gifts from aunts but the excitement of them all were cash gifts from Tita Encar and Tita Doris - brand new one peso bills !!!

Nang medyo meron na kami, the season became a season for giving sa mga parents ko. They have gifts for all ages that they give away day after Christmas. They also prepare food for these less fortunate relatives and friends who come to the house. The joy in my parents faces - hindi ma-drawing, kasi happy and proud sila to provide joy and share blessings with these people. We normally help wrap the gifts - tshirts, pantulog, groceries, chocolates for the kids - tapos may konting pera pa for pamasahe. We also help serving them food.

Christmas has always been a very happy season but it saddens me a bit to remember that my parents are no longer with us. Miss na miss ko talaga sila.....

Cannot wait for your longer Christmas issue. May God bless us all and may we be able to give back just like what my parents did during their lifetime.


(Thank you, Nina. Natutuwa ako sa mga sharings na tinatanggap ko. Aside from the nostalgia bit, marami pa rin akong natututuhan, and at the same time, mga personal na prinsipiyo sa buhay na naba-validate.

Yes, like, giving back… or something like paying it forward. That is, in our own little way. Iyon lamang kaya natin at iyong maluwag sa ating kalooban. Kung minsan, ang sharing ay hindi lamang sharing material things, but also, sharing yourself, your time, your attention, your ideas (unsolicited advice? Heh, heh… huwag naman…)

Tulad sa household namin ngayon. Nang bago kaming dating sa Marikina, pagtuntong pa lamang ng Disyembre, halos kasabay ng pagsindi ng christmas light na isinasabit ko sa may puno ng yucca sa harap ng aming bahay, heto na ang sandamakal na mga bata na nagkakaroling. Sa simula ay nakatutuwa silang bigyan, ngunit kalaunan, ubos na ang aking pambigay. Kaya, naisipan naming pagsabihan ang mga ito na bumalik na lamang ng araw ng Kapaskuhan. Kaya sa hilera ng mga bahay sa kalye namin, sa gate namin siguro marami ang kumakatok upang mamasko sa araw mismo ng Pasko.

Ang kartero na umulan at umaraw ay nagdadala ng sulat sa amin, ang magdidyaryo, na bukod sa pagdedeliber ng peryodiko ay nababayani pang makatulong mag-garden kung minsan, ang labandera nang wala pa kaming washing machine, ang tagadala ng Time MagazIne at Reader’s Digest, ang tagabigay ng bill ng Meralco, Nawasa (Manila Water na ngayon), credit cards, ang taga-Waste Management (basura), ang tagagupit ng mga damo sa gilid ng kalye, mga suki sa palengke, ang kargador, teller sa bangko --- ito at ang marami pang iba ay kasama sa mga inaalala pagdating ng Kapaskuhan. Pwera pa ang mga kamag-anakan at kaibigan.

Kung iisipin, bakit ba natin ginagawa ito? Ang totoo’y masarap tumulong. Ang hirap ay limited lamang ang ating resources na makatulong. Kaya siguro, kung dumarating lamang ang Kapaskuhan, na medyo lumuluwag, wika nga, nagkakaroon ng pagkakataong gawin ito.

Ang isipin natin siguro ngayon ay kung ano ang mayroon tayo, inherently, na pwede nating ibahagi sa iba. A gift given to us by God which we can share with others. A sort of a talent, perhaps that could benefit others who are interested. Parang paying it forward na rin ito.

For me, siguro, like this blog.

For whatever benefit others may find in it…

Reading it to “kill” time…

To reminisce…

To learn something of the “good, old days”…

Or whatever (sabi nga ng mga bata ngayon)...


Saturday, December 20, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Paeng




RAFAEL YABUT, Ushering Christmas in September



Napakarami nang pasko ang lumipas and many of those images of past christmases were starting to dim in memory, but here are a few that seem to glisten back when christmas is being talked about:

When I was much younger around ante-teen years, our family always attended the midnight mass at the poblacion church. The church was always full every christmas eve and arriving late would mean one and half to two hours of leg punishment standing at the side aisles or back of the church. The wall of the church with "lapida" of some dead person soon became the restful place of tired and sleepy shoulders. My mother and sisters saw to it that we were early and even seating at the last pews were blessing enough. Being young and senseless yet, my ear to music was so keen. The choir at the upper floor level at the far end of the church, without any amps, rendered the "Gloria in Excelsis Deo" soprano style and made me feel so afloat and soon asleep. No amount of tugging from my sister could wake me. One of my sisters would pinch me before the big rush to exit the church.

Being the youngest and only boy in the family with 4 sisters, it dawned on me to be responsible for making the yearly lantern - the 5 star "parol". Nothing fancy but colorful enough when hanged at our front window. My parol was not lighted but complete with ribbonetes along the edges of the star and the halo holding of the 5 pointed rays. There were three tails hanging at the bottom 3 rays resembling the travelling night stars in the dark sky. Making parol was even more inspiring and at times urgent when Rafael Yabut excites us all to christmas celebration with his audacious carols of "Silent Night" and "Jingle Bells" in as early as the first few weeks of September.

I am sure everyone remembers the early morning "misa de gallo". I remember my sister Belen waking me up early and we trekked to church located in Poblacion about a kilometer away from us. It's chilly but by the time we reached church we were all warmed up and I am fully waken. At times being young my body like sleeping and that became unavoidable. On the way home, we stopped at a panaderia to buy my favorite "bonete" bread. After I got enrolled for two years of my high school at St James Institute, my misa de gallo took different aspect - like a Sunday obligation with no more napping and snoring at the pew.

Thank you Eve for asking. It is "pasko na nga."


(Ako ang dapat magpasalamat, Paeng! Yes! Noong araw, basta tumuntong na ang buwan na may “ber” sa huli, tulad ng September, maririnig na natin sa radyo, kay Rafael Yabut, ang mga awiting pamasko. Noon, halos wala pang OPM or tagalog na Christmas carols. Pawang ingles pang lahat. Feel na feel natin ang “Silent night, holy night, all is calm, all is bright…” Kahit pa nga walang snow sa Pilipinas, sige pa rin tayo sa pagkanta ng “dashing thru the snow, in a one-horse open sleigh, o’er the fields we go, laughing all the way…” Ang maganda ay ito – “I’m dreaming of a white Christmas, just like the ones I used to know, where the treetops glisten and children listen…” as if naman, alam natin kung ano ang snow o ano ang feeling ng may snow!

Of course ngayon, marami na sa atin ang nakaranas nang maglakad sa snow… lalo na ang mga OFW na naghahanap-buhay sa malalamig na bansang tulad ng Canada at USA. Sila naman, ayon sa kanila, ang nangangarap ng lamig ng simoy Pasko na naiibsan ng isang hindi kakapalang pangginaw o balabal, simbang-gabing ibinabando ng isang lumilibot na musikero, mainit na tsaa at masarap na bibingka’t puto bumbong, at mga reyunyon ng pamilya. Mapapalad ang nakakauwi ng Pilipinas upang makapiling ang mga naiwang kaanak. Ang iba naman na kasama na ang pamilya sa paninirahan sa ibang bansa, ang pinagbabalikan na lamang ay ang alaala ng mga Paskong nagdaan ng kanilang kamusmusan, ng kanilang kabataan, nang ni wala sa hinagap na isang araw, ang Pilipinas ay kanilang lilisanin.

Sa ganitong pagkakataon, halina at tayo ay maglunoy na muli sa batis ng mga gunita.)


CHRISTMAS SHARINGS - Emma



REUNION WITH THE CLAN




My entire childhood was spent believing there is a Santa Claus. Why should I doubt it when older cousins attest to the fact that they've seen him coming in through windows bearing gifts. True enough, on Christmas day, there were gifts under our beds with answers to our letters of requests for gifts (which our parents made us write) and admonishing us to be good, obedient kids.

On Christmas eve, I remember my mother would have something special for our salu-salo. On Christmas day, after attending mass, we would then proceed to Caingin in San Rafael to be with our Veron grandparents, aunties, uncles and cousins. "Lechon" is the featured item in these celebrations with actual roasting being done in the yard. Another featured staple is the "Menudo" cooked by the self-proclaimed "best cook" in the family - my aunt Rosita (the mother of Kuya Pabling, Ate Lina and Dicheng Lita). Undoubtedly, her talent must have been honed while raising 13 children.

After lunch, we would then proceed to the "Kabayanan" of San Rafael to be with the Dulay relatives. This was where our father would take us from house to house in the neighborhood where all relatives lived and where we would get aginaldos usually in cash. Come to think of it, I think my father was afraid we haven't bonded with the Dulays as closely and as tightly as with the Verons. At times, we would even spend Christmas night with the Dulay grandparents which we dreaded. Why? It's because we had to pray the entire rosary on our knees complete with the Litany! This was at a time when some of the prayers were in Latin - "Vendito, alabado,cia santissimo (?)".....Till the end of their lives, both my grandparents were daily communicants and I am almost sure that when they died, they must have gone straight to heaven!

December 31 was a big day for us - not only to usher in the New Year but more so because it was my mother's birthday. We usually had "Noche Buena" close to midnight amidst the sound of firecrackers that we had to close the windows to ward off the smoke. This celebration we manage to continue to observe to this day - though I no longer adhere to the practice of jumping as high as I could when the clock struck midnight in the belief it would make me taller. After several attempts and all in vain, can you blame me?

(Thank you, Emma. As I read your sharing, I tried to visualize our Math teacher as a doting mother. I couldn’t help it, she was the strict one, along with Miss de Leon, but they were the good ones, too. To digress a little, I could not remember how I fared in her subject, but what I remember was what my younger sister told me when she found herself under her in Math. Your mother said, “So, you are the sister of Evelyn. Magaling siya. Pareho ba kayo?” That as a basis, “magaling” pala ang pagkatanda niya sa akin. Okey ngarud, sabi nga ng mga Ilokano.

Christmas means reunion with kamag-anak. And if both maternal and paternal relatives come from the same town, both must be given the same amount of time and attention. I can relate to that, my siblings can relate to that, for our respective spouses are all from Malolos. Kailangang ilapit ang damdamin ng mga anak sa parehong partido, dahil sa ayaw at sa gusto, hindi maiaalis ang magkaselosan. Siempre, ang mga lolo at lola, gustong maging malapit sa kanilang mga apo. Sabi nga ng isang bata na bunga ng magkababayang magulang at napagod na siguro sa palipat-lipat ng bahay ng mga lolo at lola: Can’t we just stay in one house? Ang situwasyong ito ay napakaraming kakabit na kwento na saka na lamang natin pagkwentuhan, kung magkakaharap na tayo at nagkakape sa Eurobake sa Guiguinto. Pero, ang o-orderin ko ay halo-halo, hindi ako nagkakape.

Tama pa rin ang sinabi sa akin ng mga Kaka sa tapat ng aming bahay. Si Santa Klaus ay sa MacArthur Highway nagdaan, galing sa Norte. Pagdating siguro sa may kapitolyo ng Bulacan, ay napaliko sa kaliwa at napagawi sa may Bulacan Provincial Hospital, e, malapit ang bahay ninyo doon. "May swing sa harapan," sabi siguro ni Santa. "Ito ang bahay nina Emma." At papasok na siya. Kaya, all the time, may Santa Klaus ang iyong kamusmusan. Galing!)

Thursday, December 18, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Mon

CHRISTMAS CELEBRATION OF THE GOOD OLD DAYS



Tuwing dumarating ang Pasko, bumabalik sa aking alaala ang kapaskuhan noong panahon ng aming kabataan. Natatandaan ko na bago dumating ang Pasko, nangangalap na ako ng mga patpat na kawayan, papel de hapon at cellophane na iba’t-ibang matitingkad na kulay para gawing parol. Gawgaw ang gamit kong pandikit. Ang parol ay isang simbulo ng kapaskuhan na isina-sabit sa harapan ng bahay simula ng simbang-gabi. May ilaw sa loob at mahahabang palawit. Sa ngayon, for the last 25 years, wala na akong nakikitang parol, kung mayroon man, ang mga ito ay gawa sa kapis - high-priced commercial na. Not the same feeling na ikaw mismo ang gumagawa - nawala na yung joy of personal accomplishment.

Nine days before Christmas ay simula ng simbang gabi. May banda ng museko na tumutugtog habang naglilibot para manggising sa may nais magsimba ng madaling-araw. Sa patyo ng simbahan, naroon ang mga nagtitinda ng masasarap na puto bumbong, bibingka at mga kakanin. The best of the Christmas season of the good old days.

Day before Christmas, natatandaan ko na ang aking Lolo or Ingkong ang nagpe-prepare or nagpapakulo sa hamon. Mga dalawa o tatlong beses pinakukuluan ang pata ng hamon. After the last pakulo, ilalagay ito sa isang malaking bandehado, lalagyan ng brown sugar sa ibabaw at susunugin ang brown sugar by pressing an almost red hot flat cooking utensil (syense) sa surface ng hamon. With pineapple slices and syrup, ito ang main course ng noche buena, served with hot pandesal, keso de bola, tsokolate o kape, and a lot of times, with tinolang manok or arroz caldo. We are missing the good old style noche buena.

Sa araw ng Pasko, naglilibot kami para mamasko sa mga kamag-anak, panay ang mano sa mga Lolo/Lola, Tiyo/Tiya, Ninong/Ninang, naghihintay kung ano or magkano ang ibibigay na pamasko. Ito at marami pang ibang kaugalian noong araw ang aking hinahanap-hanap ngayon.

Iba na ngayon ang Pasko, too commercialized na at nagiging sensitive issue sa ibang grupo. Nowadays, some say happy holidays instead of saying merry christmas, as a way of greeting. Department store displays "Happy Holidays", instead of "Merry Christmas". How sad. I hope and I pray that we have the tradition of the good old days BACK ! !

(Dear Mon, hindi ikaw lamang ang nakaka-miss ng Christmas of the good old days, nang simpli pa ang buhay… nang ang panahon ay payapa at tiwasay… nang dalisay pa ang tubig na umaagos sa batisan at ginintuan ang sikat ng araw… (Remember these lines? Lifted from KAMI ng Aklat ng Ginintuang Alaala ng ating Klase!)

But life goes on. Kaya alam mo ba? Isang Pasko, minsan, ang inihanda ko ay nilagang manok at pata ng baboy at saka morcon. I was trying to recapture the taste and smell of my childhood’s Christmas. Pero, mas gusto ng mga anak ko ay sotanghon, fish salad at roast chicken sa Pasko.

Pati nga iyong chinese ham. Nabanggit ko noon sa aking personal sharing ang uwing mga hamon ng aking Amang. Ganoon nga lutuin iyon. Pakukuluang mabuti, itatapon ang pinagpakuluan at hindi dapat ibahog sa kaning ipapakain sa aso, gagalisin ang mga ito. Pakukuluang muli nang kung ilang ulit, hanggang sa pinakahuli, na palalambutin sa pineapple juice na may kasamang mga spices. Tandang-tanda ko pa rin ang napakainit na siyense na talagang pinagbabaga, parang sa panday, na idinidikit sa taba ng pata ng hamon na binudburan ng asukal na pula. Sasagitsit naman ito. Gusto ko ang tunog nito. Saka ang amoy ng nasusunog na matamis (oy, di ba, ang tawag natin sa asukal ay matamis, sabi nga ni Bert Marcelo, e, taga-Bulacan kasi siya, me punto…) At minsan nga, bumili ako ng Chinese ham, na luto na, ready to eat na raw. Sa gayon ding kadahilanan, ibinabalik ko ang Pasko ng aking kabataan. Nakupo, ang tigas ng hamon, ang alat, medyo makati pa kamo. Ay, the following year, balik na lang ulit kami sa Fiesta Ham. Buti ngayon, Majestic na.

Pero sa isang dako, tayo naman ngayon ang humahabi ng bagong alaala na dadalhin sa gunita ng ating sariling pamilya, ng ating mga anak, kalaunan, ng ating mga apo. Kung tatanungin ko ang mga anak ko ngayon, natitiyak kong marami na silang masasabi tungkol sa Pasko ng kanila namang kabataan. Naiiba sa atin, pero, iyon naman ang gusto nilang babalik-balikan, kalaunan, sa kanilang pagtanda.

Happy Holidays? Ano ang masasabi ko rito? Ano ang magagawa ko rito? Ito lamang. Between the two of us, between your family and mine, between you and me and our friends of the good old days, ganito pa rin ang magiging batian: MALIGAYANG PASKO AT MANIGONG BAGONG TAON !!!)

CHRISTMAS SHARINGS - Cora

MALALIM NA KAHULUGAN NG PASKO



Matagal akong nag isip kung paano ang Pasko nung maliit pa ako pero parang wala akong masyadong matandaang exciting na happening kasi tag-hirap nuon at liberation. parang wala si Santa Claus.

Nung medyo high school na ako at nung tumugtog na si sister sa simbahan ay kaming dalawa lang ang barkada bukod dun sa mga tagakanta sa koro ng simbahan. Kasama na run ang pagkain ng puto bumbong at bibingka at tsaang mainit. Minsan, may baon kaming itlog na maalat na bago magmisa ay idadaan na namin sa bibingkahan para kukunin na lang pagkamisa Wala talagang barkada in the true sense of the word.

Nung nakagraduate na ng college, pinayagan na kami ng mga old na sumama sa mga lakaran natin kasi kilala nila ang mga magulang ng kasamang mga dalaga at binata. (Alam mo naman ang pagka-conservative ng aming mga magulang, sumalangit nawa ang kanilang mga kaluluwa.)

Pag araw ng Pasko ay nagmamano lang kami sa mga kamag-anak at parang wala namang aginaldong binibigay. Minsan, pinakakain o kaya kendi ang bigay, okay na rin. Ang aking mga ninong at ninang ay di ko na rin nangakilala kasi nasa Caloocan sila at umuwi na kami sa Malolos nung magkasakit si Itay. Malungkot pala ang mga Pasko ko nung maliit pa ako, di kamukha ng mga bata ngayon, masyadong maraming regalo , toys , damit ,etc.

Yung lang ang natatandaan kong karanasan ng kapaskuhan nung araw. Pero, kung sa pag-celebrate ng Pasko nun at ngayon ay ibig ko lang na malaman mo na kahit nga walang maraming mga material na bagay nun kasi taghirap ay mas malalim naman ang meaning ng christmas, para sa akin. Kasi, mas dama ko ang sarap ng magkakasamang pamilya kahit ano lang ang pinagsasaluhan sa noche buena. Hindi gaya ngayon, masyadong commercialized na, sa tingin ko.



(Salamat, Azon – tawag ko sa iyo ng wack-a-doo years natin! Sa Christmas sharings natin sa isang taon, pwede mo nang isulat ang mga Pasko ng ating barkadahan. Nang pinapayagan na kayo ng Inay na sumama sa barkada, dahil magkakakilala ang ating mga magulang.

Tama ka. Wala nga si Santa Klaus noong kamusmusan natin, liberation. Sabi nga ng mga Kaka sa tapat ng aming bahay, sa MacArthur Highway nagdaan ito, hindi biyaheng-Bulacan. Kung galing sa Norte, hindi kumanan sa krosing. Dahil kung lumiko ito, madadaan sa may Barasoain at tiyak, madadaanan ang bahay ninyo at mareregaluhan ka sana. Pareho lang ang kapalaran natin noon.

Pero, sabi mo nga, kung magkakasamang nagsasalu-salo ang pamilya, kahit tag-hirap, higit na malalim ang nagiging kahulugan ng Kapaskuhan. Noon, dalawang kapatid ko ang nakahiwalay sa amin dahil may kani-kaniya na silang pamilya. Isa ay nasa Cagayan de Oro at ang isa ay nasa Maynila (malayo na ang "Menila" sa akin noon na bago ko marating ay sangkaterbang baligtad muna ng sikmura at duwal sa labas ng bintana ng Pambusco ang nagaganap).

Pagpasok pa lamang ng Disyembre, panay na ang kanta ko ng “I’ll be Home for Christmas” kahit ako ang nasa bahay at sila ang aking hinihintay. Ganoon mag-isip ang mga musmos noon. At may pinagsasaluhan man kami, ang natatandaan ko ay ang kasiyahan at katuwaang sumasapuso ko dahil sa pagkikita at pagsasama-sama ng aming pamilya at ng kinasasabikang mga pamangkin. Malalim din, di ba?)

Wednesday, December 17, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Claire

BAGONG KULOT NA BUHOK SA PASKO



Ang masasayang alaala ng Pasko ay naganap sa maikling panahon ng aking kamusmusan; nang ako’y nasa elementary school pa lamang. Siguro mga tatlong taon yun, na tuwing araw ng Pasko, gawi na naming mag-anak ang gaygayin ang Mambog, Taal at Look para mamasko sa mga kamag-anak duon. Wiling-wili kami dahil sa dami ng iba’t ibang kakaning inihahain sa amin sa bawat bahay na aming pinamamaskuhan. At may pabaon pa nga. Bukod sa pagkain, may bigay pang pera. Pagdating namin nang bahay ay kwentahan na kaming 3 magkakapatid kung sino ang may pinakamaraming tinanggap na aginaldo. Karaniwan ay pare-pareho lang, at kaya lang lumamang ang isa ay kung natyempuhan ang kanyang ninong/ninang na may malaki-laking bigay sa kanya bilang inaanak.

Dagdag pa sa aking kasayahan ang magkaroon ng bagong damit at sapatos . Bagong kulot pa rin na nangyayari lang tuwing Pasko. Kung Bagong Taon naman dinadala ako ng Ninang ko sa karnabal sa bayan at doo’y nanunuod ng mga palabas at sumasakay kami sa tyubibo (Ferris wheel).


(Salamat, ‘Mare. Sabi mo, wala kang maalaala sa mga Pasko mong nagdaan. May sinabi ka roon na Paskong-Pasko ang dating sa akin. Iyong “nagpapakulot” tayo ng buhok pag darating na ang Pasko. Ang totoo’y bago pa magpista ng bayan (Disyembre 08), iniiskedyul na ako ng Inang ko na magpakulot kay Hule o Julie na may parlour sa may sineng luma. Dalawa ang sine sa Malolos noon, di ba? Sineng luma at sineng bago. Iyong una ay Cine Malolos at ang ikalawa ay Cine Estrella (heh, heh, heh, akala nung iba, kami ang me ari noon! Pero, libre kami doon, kasi kaibigan ng Amang ko si Dr. Crisostomo. At libre pa rin kami sa sineng luma, kasi, kamag-anak namin ang Nana Cancion, na asawa ng Tata Felix, at sila ang may-ari noon. Galing-galing, di ba?)

Anyway, takot akong magpakulot. Kasi, hindi pa uso ang coldwave noon. Ang sistema, matapos gupitin nang tamang igsi ang buhok na kukulutin, ay nilalagyan ito ng gamot na pag nasingkot mo ay pagkabaho-baho, nanunuot sa ilong. Sunod ay binabalot ito ng manipis na papel, saka iniikot sa tinatawag nilang curler. Tapos, iipitin ito ng parang nakakukob na pang-ipit na may kuryenteng nakakabit sa may ulunan mo, habang nakaupo ka sa isang silya. Minsan, amoy na amoy mo na parang nasusunog na ang buhok mo. At napapaso ang iyong tainga at batok. Naku, laking sakripisyo para magpaganda. Kaso, kapag lumampas sa oras, e, kingke naman ang labas. Daig ko pa ang ita, bakit madilim na nga ang kulay ko, kaya, tuksuhang umaatikabo pagdating ko sa bahay. Sasabihin ng Inang ko, di ba, sabi ko, sabihin mong “hilaw lamang, ayan nakingke tuloy!” At magtatawanan na ang mga kapatid ko.

Oo nga, bukod noon sa bagong sapatos kung may pambili, o bagong damit kung papayag pa ang modista na isingit ang patahi mo, tayo ay nagpapakulot pagdating ng Pasko.

At nasabi mo iyang tyubibo (ferris wheel), bago pa magpista ng bayan ng Malolos ay mayroon na iyan at lumuluwas na ang mga taga-baryo at taga-lati (Kalero, Pamarawan at iba pa) para makasakay dito. Daming tao sa patyo ng simbahan. Nariyan ang beto-beto. Ang babaing isda (sirena raw!). Ang taong halimaw (ang daming buhok sa katawan!). At ang lagi kong gustong-gustong makita (pero may kahalong takot, ewan kung bakit), ang pinakamaliit na tao raw sa mundo! Halos wala pang dalawang piye (2 feet) ito. Ang tangos ng ilong, parang singkit ang mga mata, tanda ko’y madalang ang buhok. Hindi ko maubos-maisip na may ganoon kaliit na tao. Na matanda na rin sa gulang. Nasa hitsurang may edad na. Proportional ang sukat ng kanyang katawan. Hindi tipong unano, pareho ni Tuti, iyong ewan kung empleyado sa sineng luma, pero doon ko siya associated, sa sinehan.

Oo nga, bukod sa pagpapakulot, kasama rin ang pagsakay minsan sa tyubibo kung Pasko.)

CHRISTMAS SHARINGS – Pete

PAMAMASKO AY PAGMAMANO



Sariwa pa sa aking alaala ang pagdiriwang ko ng pasko nuong bata pa ako. Ika-tatlo pa lamang nang umaga ay gising na ako upang magsimbang gabi at pagkatapos ng misa ay tuloy naman sa pagkain ng puto bungbong.

Pagdating naman ng araw ng Pasko ay simula nang mamasko sa mga kamag-anak. Natatandaan ko na pinaaalahanan kaming magkakapatid ng aming magulang na huwag tatanggap ng pera na aginaldo lalo na sa mga mahirap na kamag-anak. Ang mahalaga daw ay kami ay magmano.

Siempre, mayroon din akong pinadadalhan ng christmas card na isang kababata ko na unang nagpatibok ng puso ko. Subali’t malupit ang tadhana at kami ay nagkalayo nang kami ay nasa kolehiyo na. Natatandaan ko pa rin na kami ay nag ka-karoling ng aming barkada at ang kinikita ay ginagamit ng barkada sa pista ng bayan .Masaya ang karoling sapagkat nakakapiling mo ang iyong mahal, maski na nagsusulyapan lamang kayo .Ito ang maligayang alaala ko nuong bata pa ako.

(Thanks, Pete. As I go over the sharings sent to me, one thing stands out. Ito ay ang kaugalian natin na Pamamasko. Na ang pinakapangunahing dahilan ay ang makapagbigay-galang sa matatandang kamag-anak. Makapagmano. Kahit walang iabot na aginaldo. Na kung may iniaabot man, lalo’t alam na hikahos naman sa buhay, ay magalang na tanggihan. Siempre, sa alam na nakaaangat naman, excited na ang mga bata sa pag-asam sa tatanggapin.

Pero ang nakatutuwa ay ang pangalawa mong ikinuwento. Iyong pinadalhan mo noon ng christmas card. Since ang mga tinatanggap kong sharings ay pawang tungkol sa Pasko ng kanilang kamusmusan, naisip kong sa isang taon, ang hihingin ko namang ibahagi ninyo ay ang Pasko ng inyong “kabataan”, as in the adolescent years, the teen-age years, high school years, mga crushes, first love, etcetera.

Kaya, gusto kong isipin, na ang pagpapadala mo ng christmas card noon na isang kababata, ay naganap nang ikaw ay nasa elementarya pa lamang, nangyari nang ikaw ay nakakorto pa lamang, isang musmos na bago pa lamang ginigising ng tawag ng pagsinta.

Wala mang nangyari rito, tulad nang kapalaran ng halos lahat ng mga unang pagtibok ng puso, nakatutuwa pa ring ito’y pagbalikan sa isip.)

Tuesday, December 16, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Vi


PASKO NAMIN SA MARIKINA, NOON…



Japanese time na nuon pero hindi pa nagbobomba ang mga Kano sa amin. Normal pa ang takbo ng buhay namin sa Marikina.

Pag malapit na ang Pasko ay excited na kaming magpipinsan. Sa aming tahanan ako ang pinakamatandang bata sa gulang na 7. Ang pinsan kong lalaki, si Ponciano ay 6, at ang kapatid niyang babae, si Baby ay 4.

Araw ng Pasko, gayak na kaming tatlong magpipinsan. Bago lahat ang suot na pang-itaas, pants at sapatos, galing sa "olds". Pagkaagahan, hatak na kaming tatlo ng aking Tia Itsay (Felisa Mallari dela Paz). Mula sa bahay na mga limang bahay ang layo sa simbahang Romano Katoliko, sa Baryo Sta. Elena, ay iisa-isahin namin ang mga bahay papuntang Baryo Sto. Nino, along C. Cruz Street.

Nagtataka ako na bawa't bahay na aming panhikan ay kilala ng aking Tiya Itsay at kamag-anak daw. Gulat ako dahil lahat yata ay lolo, lola, tiyo o tiya namin, eh kay haba ng kalsada at kaliwa't kanan ang bahay. Malamang talagang kamag-anak o nagtuturingan lamang.

Anyway, ang mga pinamamaskuhan namin ay waring nakabasta na ang mga barya at samalamig.

Ang hindi ko malimutan ay ang paraan ng pagbati ng matatanda sa aming mga bata. Halimbawa, pagmano ko sa lola, sasalubungin ako ng: "ang damuhong batang ire ay malaki na", sabay abot ng singko. Bale ba ang punto ay Marikinang-Marikina. Iyon bang sa simula ay monotone o pantay ang tono hanggang sa pangalawa mula sa huli ay biglang taas at sa dulo ay biglang baba. Mayroon namang bati na ganito: "ang mga walanghiyang ito ay napasyal!" Eto ang matindi: "ang mga putang-ina ire ay pagkaganda at pagka-guguwapo."

Iyon yata ang kaugalian ng mga matatanda, na to stress a point ay nagagamit ang mga mura - saliwa sa turo ng katon at Katekismo ni Lola Tindeng (Matilde Santos Mallari) sa amin.


(Dakal pong salamat, Kuya Vi. Galing talaga ng recollection mo, hindi lang visual, parang may audio pa. Kahit “immigrants” lang kami sa Marikina at lahing Bulakan, ay may kamag-anak rin kaming taal na taga –Marikina. Ito ay ang mga Tata Cirilo na taga-San Roque na ang isang anak ay nakapag-asawa ng Samson. At ang pinsan mo na ang naging kapalaran ay pinsan naman namin. Kaya masasabing, taga-Marikina na rin kami, (at magpinsan na rin tayo), not only by virtue of having chosen the place (or has it chosen us? which is another story), to be our home. Ay, naku, kapag kausap ko ang mga taga-Marikina, ay napapa-punto na rin ako. Lalo pa at ang mga kausap ko sa palengke ay taga-Marikina rin. Saka ang mga mommy ng kaiskwela ng mga anak ko sa iskwelahan sa may Marikina Heights at Rancho ay may mga punto rin.

Iyang “mura”, wika nga, kung galing sa mga bibig ng matatanda, ay bulaklak lamang ng dila. Para bang endearment, kahit sabi mo nga ay labag sa mga turo sa atin nang tayo ay lumalaki.

Ang pamamasko o pagmamano sa mga nakatatandang kamag-anak ay masasabi nang “given” noong panahon natin. Hindi maaaring hindi pumunta sa mga ito upang magmano, may aginaldo man o wala silang ibibigay. Dahil ito ang kaugaliang katangi-tangi sa mga Pilipino: ang pagbibigay-galang sa mga kamag-anak. Dito rin patuloy na nagkakakila-kilala ang magkaka-angkan. Kapag sa iisang “pusod” ka nagmula, ibig sabihin, isang tao ang pinagmulan ng kahit ilang magkakapatid, na ang mga anak ay naging magpipinsang-buo, na ang mga naging anak ay magpipinsang-makalawa, na ang mga anak naman ay naging magpipinsang-makaitlo… ad infinitum… hanggang nasa DNA mo ang DNA ng kanunununuan mo, noon… magkamag-anak pa rin kayo.

Ngayon, nakalulungkot isipin kung minsan, na ang magkakalapit na lamang magkakamag-anak ay ang magkakapatid at ang kanilang mga anak, at salamat kung pati ang sumunod na mga anak nito ay magkakalapit pa rin.

Marahil, ito ang isang kaugaliang dapat buhayin at panatilihing buhay ng pamilyang Pilipino ngayon. Di ba, pinsan?)

Monday, December 15, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Bining

PASKO: Panahon ng Hapon

Sa dami ng mga Paskong nagdaan sa aking buhay, ang mga huling buwan ng Disyembre noong decada ’40 ang hindi ko malilimutan. December 8, l94l nang lusubin ng mga Hapon ang Pearl Harbor. 1942 nang sakupin tayo ng mga Hapon at napasailalim ang ating gobyerno under the Japanese occupation until 1944 with Jose P Laurel as President. We were liberated by the Americans in 19 45 and in July 4, l946 we achieved our independence and Manuel Roxas became the first President of the newly formed Republic of the Phillipines.

Hindi ko maiaalis na hindi banggitin ang panahon at pangyayaring naganap noon sa ating bansa. Ito’y isang malaki at mahalagang bahagi ng ating kasaysayan bagama’t malungkot at mapait na bahagi ito. Noo’y isa akong batang musmus tulad ng marami na kabilang sa Class ‘54. Ang totoo, ako noo’y kinikilik pa ng aking ina nang ang pamilya namin ay tumakbo sa sitio Babanato sapagkat dumating na ang mga Hapon sa bayan ng Malolos. Hanggang sa tuluyan nang sakupin ng mga Hapon ang buong Luzon at dinala naman kami ng aking ama sa Sitio Bubug, isang bukirin na sakop ng nayon ng San Isidro na sakop ng bayan ng Paombong.

Mula sa taong l942 hanggang l944 ang panahong napasailalim tayo ng Japanese occupation. Sa panahong ito, sa gitna ng konting kapayapaan , nagkaroon ng hugis sa aking kamalayan ang tunay na kahulugan ng Pasko.

Noon ang Pasko , para sa akin ay isinasaad ng sagot sa tanong na: “What do we have in Christmas which we don’t have in any other day of the year?” Sagot: “Of course, Christmas Day.” Ito’y parang isang ordinaryong araw lang sa buwan ng Disyembre. Totoong ito ang kapanganakan ni Jesus. Ngunit sa isang batang musmus na tulad ko, ito ang payak na kahulugan ng Pasko.

Noon sa isang simpleng pamilya , sapat na sa amin ang magsama-sama para magsimba, bumati sa bawat isa ng isang “Maligayang Pasko”, gayundin sa mga kamag-anak at inaanak ng aking mga magulang at dumulog sa isang medyo masaganang tanghalian. At kinabukasan ay harapin sa unang hakbang ang paghanap na muli ng ikabubuhay.

Ang gawa ng aking ama ay ang patuloy na pagtitinda ng iyantok diliman sa palengke ng Malolos, Hagonoy, Calumpit at Bulakan. At ang aking Kaka (tawag sa pinakamatandang kapatid) ay sa kanyang pagtitinda ng apog, ikmo, bunga, at tabako. Ito ang mga sangkap sa nginangatang itso o nganga ng mga may edad nang babae at lalake. Bukod dito ay may tinda rin siyang gogo - ang best known shampoo noon ng mga kababaihan. Ang akin namang ina ay abala sa pagpupukpuk ng balat ng niyog (coconut husk) na ginagawang cushion ng mga silya at upuan sa bus at jeep, pagkatapos na ito’y patuyuin sa init ng araw. Bukod dito ay gumagawa rin ng balisasa (hinabing dayami ng palay) na ginagamit naman bilang foam sa mga bote ng alak na iniluluwas sa Maynila.

Ang alakang itoy matatagpuan sa nayon ng Kanalate. Kung hindi araw ng palengke, ang aking ama ay nasa aming silong at abala sa pagsusukong ng iyantok na ginagamit sa pag-aatip ng bubong ng bahay, para sa mga gumagawa ng basket, bilao,salakab at suwike. Ang aking Kaka naman ay bising-bisi sa pagbibistay ng apog buhat sa nilutong kabibi. Bukod sa nganga, ang apog ay ginagamit din bilang galagala (glue) sa pagkakabit-kabit o pagtatagpi ng lunas (sahig) ng bangka at kasko.

Kung panahon ng tag-ani, ako ay kasama ng aking ina sa pamumulot ng palay, dayami at taeng kalabaw (tuyo na). Ang huli ay gamit para sa pagluluto ng kabibe para maging apog. Kasama-sama rin ako ng aking ina sa pangunguha ng apulid sa bukid. Bukod dito, tinutulungan ko rin siya sa pag-aalaga ng itik, na kung saan ang itlog nito’y ginagawang penoy at balot. Ako at ang sinundan kong kapatid ang naghahatid ng mga panindang iyantok at diliman. sa palengke ng Malolos o sa estasyon ng bus na Pambusco.

Kaya noon ang aking boyhood was spent mostly with my mother and at home. Bunso ako sa pitong magkakapatid at sa dami ng gastos sa bahay at malaking gugulin sa pag-aaral ay bahagya na akong makalasap ng konting ginhawa o aliw sa buhay. Pasko lang kung ako’y magkaroon ng bagong damit o sapatos. Pasko rin nang ako’y magkapera na galing sa aking sariling sikap. Ito’y noong Pasko l946 at l947 nang ako’y magtinda ng ice drop na gawa ng may-ari ng Botica Avenue na matatagpuan sa may kabayanan ng Malolos.

Ngunit hindi dito nagwakas ang patuloy kong pagsusumikap na makatulong sa aking pamilya lalo na sa aking mga magulang na walang humpay at puspusang ginagawa ang lahat upang kami’y makaahon sa kahirapan at maisulong ang kanilang layuning kami’y makapag-aral tungo sa magandang kinabukasan.

At nagwakas ang dekada ’40 at nagsimula ang dekada ’50 at nag-enrol ako M H del Pilar High school.

(Salamat, Bining. Alam kong marami sa babasa ng mga sharings na ito ay nabibilang sa henerasyong kinabibilangan natin dahil sila ang orihinal na imbitadong bumisita rito. Ngunit ang mga inilahad mong karanasan ay magbubukas sa mga mata ng mga kabataang “napapasyal at mapapasyal” sa aking blog (sana'y maisipan nilang i-print ito at ipabasa sa mga kilala nilang "seniors"). Magkakaroon sila ng ideya, kung wala pang nakapagkukwento sa kanila ng mga nangyayari noong panahon ng Hapon, na parang kay tagal na, kay layo na…

Ako’y natutuwa sa binanggit mong Babanato. Pamilyar sa aking pandinig ito, naririnig sa matatanda: Kami ‘eka ay tumakbo sa Babanato! Ay, naku, naalaala ko tuloy, kami, e, tumakbo raw (raw, dahil kinikilik pa rin ako noon) una sa Kalero, sunod ay kung ilang araw o linggo sa Kulis. O Pulong Ita. O Ita-itahan, di ko na matandaan ang pangalan. Hanggang makapagtayo ng tirahan sa may bukana raw ng Wawang Kurus. Pero, mahabang kwentuhan ito, kung tayo ay magkaharap…

Nasabi mo Iyang apog, ikmo at bunga, naalaala ko tuloy na minsang may tumubong butlig sa aking bukung-bukong ay binugahan ito ng nganga dahil may kulebra daw! Aba’y gumaling naman! Mind over matter? A, those were the days…

Dahil tabing-ilog ang tinakbuhan namin noong panahon ng Hapon, naging pamilyar din sa akin ang salakab na gamit ng aking Amang Puten sa panghuhuli ng damuko (tama ba ako o mali ang pagkatanda ko na sinasalakab ang damuko?). Pero gustung-gusto kong sumama sa mga nangangabibe, maraming tulya sa Liku-liko, dahil mababaw lamang ang lugar na iyon at nakapagtatampisaw ako sa tubig. Pero nang bumalik na ang pamilya namin sa aming baryo, ang natatandaan kong kakabit ng mga gunita ng pananakop ng Hapon ay ang mga air raid shelter sa ilalim ng bahay at ang tanim na bataw ng aking Amang na ang mga bunga ay itinitinda sa may kanto at ang pinagbilan ay sangkaterbang Japanese money. Saka ang mga sundalong Hapones na doon nakatira sa Plaridel Temple sa tapat ng Malolos Central.

Tinanong ko ang panganay kong kapatid kung ano ang pagkatanda niya sa Pasko noong panahon ng Hapon. Labing-anim na taon siya noon. Malabo ang mga alaalang naiwan sa kanya, ayon sa kanya at higit pang malinaw ang gunita ng mga Pasko noong Peacetime, o before the war. Nabubuo raw niya ang siyam na madaling-araw na pagsisimba dahil kasama siyang kumakanta sa koro ng simbahan. At may crush sa kanya ang piyanista na isang biyudo, na daan nang daan sa harap ng aming bahay, kaya napansin na kalaunan ng aking Inang. Ni hindi na niya maalala kung ano ang pangalan nito, napaka-musmos pa niya noon. At ang Pasko ng kanyang kamusmusan, in contrast to mine (panlima ako sa anim na magkakapatid kung saan siya ang panganay), ang kanyang medyas na isinasabit tuwing bispera ng Pasko ay punung-puno ng mga kendi, kastanyas, mansanas at laruan kinaumagahan. Panahon kasi ng Hapon nang ako’y lumalaki at siguro, si Santa Klaus ay nahuli ng sentry ng Hapon, kaya hindi nakararating lagi sa akin.

Nakatutuwa itong pagbabalik-tanaw. Kawing-kawing ang mga gunita. Sigurado akong kung tayo’y magkakaharap, gagabihin na tayo sa kwentuhan na nagsimula sa kung paano ang Pasko natin noon, pero, nauuwi sa mga karanasan ng panahon ng Hapon.)

Friday, December 12, 2008

Smiley in Marikina Sky


She looked up at the clear night and saw this... and her heart was full of wonder and amazement.

CHRISTMAS SHARINGS - Pons

Ang Sarap Umuwi…

Sino man, o alin mang nilalang na may buhay at damdamin, ay may natural at sapilitang udyok ng puso na bumalik o umuwi sa pinanggalingan. Dalawang salitang malalim at makabuluhan ang nilalaman. Dumadalo tayo sa mga party, kasalan, binyagan, outing at piknik, minsan pa ay out of town, tulad ng tours, excursions, upang magsaya at makakita ng ibang lugar, makakain ng ibang putahe, magkaroon ng ibang kakilala ngunit ang pinaka masarap madinig ay….umuwi na tayo…..tara na, umuwi na tayo.

Kung mayroong time machine na masasakyan upang lumipat ng panahon, pasulong man o pabalik…..sasakay ako pabalik. Sa ngayon ay alaala na lamang ang sasakyan na magagamit…

Naaalaala ko noon, kapag malapit na ang Pasko ay excited ako sa paggawa ng parol, naghahanap ako ng kawayan, tinitilad nang maliliit, pinapakinis at ginagawang katawan ng parol, at pagkatapos ay dinadamitan ng makulay na papel,…..luntian , pula, dilaw at puti ang pangkaraniwang gamit kung pasko.
Kandila ang nagpapaliwanag na maingat na inilalagay sa loob upang di masunog ang damit ng parol.

Isa lang ang parol na isinasabit ko. Maliit ang bahay namin, mababa, at lima lang ang baytang ng hagdan, pawid ang bubong, kawayan ang sahig na may mga silat pa doon at dine.

Ang sarap umuwi…

(Thank you, Pons. Your sharing which was the first one I received, set the tone of our Christmas recollections. Tunay na napakasarap ang mga salitang “umuwi na tayo… tara na… umuwi na tayo…” Ang nalalarawan sa ating isipan kapag sinasambit ito ay isang tahanang naghihintay sa ating pagdating. Bukas ang mga durungawan, may mukhang nakasungaw na dagling sisilayan ng ngiti kapag tayo ay natanaw. At gayon ang mga gunitang ating binabalikan. Parang yapos ng mga bisig ng isang inang nagmamahal sa isang anak na dumadalaw… Dahil in essence, ganoon ang ginagawa natin ngayon. Tayo ay namamasyal, not through a time machine, but through the wings of memories.

At dahil nabanggit ang “pag-uwi”, naalaala ko ang isang phenomenon na nakita namin kamakailan. Si Smiley o Isang “smiling face” sa pisngi ng langit. Nanonood kami ng telebisyon nang ipakita ito sa news. Kaagad kaming tumakbo sa labas ng bahay at tumingala sa langit. At doon ay nakita nga namin ang dalawang maningning na planetang Jupiter at Venus na nagmistulang mga mata at ang first quarter moon na nagsama-sama in such a way na waring sila ay isang nakangiting mukha. Kaagad naming kinuhanan ito ng larawan, inilagay sa computer at ipinadala sa isang kaanak na nasa abroad with the caption – Smiling Face in Marikina Sky.

In this connection, narito naman ang kwento ng aking anak na nasa East Coast na tumanggap ng nasabing larawan ni Smiley. Inutusan raw niya ang kanyang seven-year old daughter to bring some goodies to their neighbor playmates. Her daughter saw the extraordinary brightness of the stars, but not as smiley, but in a sort of inverted position. Either it was too early in the evening that she was out, or it was how the phenomenon was seen at the other side of the globe. Nevertheless, her daughter just couldn’t stop talking about it, full of wonder and amazement, till she showed her daughter the picture of Smiley as it appeared in the Marikina sky.

That was when my granddaughter, born in USA, wistfully exclaimed: I wish we were going home!

Intrigue by the little girl’s pronouncements, I asked my daughter what her daughter meant by “home”. Marikina is never a home to her, just some place in the Philippines she has visited three times before.

This was my daughter’s explanation. A few weeks before, for “Mama time”, she and her daughter did some errands, picked up some books in the library and went malling in a place that felt familiar with an almost overpowering smell of Chinese food wafting from the basement food court and which reminded my daughter of Glorietta 4 and SM. This was where my own daughter kept exclaiming, "oh, this reminds me of home", every so often. She also kept asking her daughter, "doesn't this remind you of SM?"

Home. That's probably what triggered the little girl’s pronouncement . Between the smells, the smiling heavens, and some pictures from Marikina, the little girl’s heart beats for home.

Her Mama's home. My daughter’s home!

At pagsapit ng Kapaskuhan, kahit saang lupalop ng daigdig tayo naroroon, hindi maitatatuwang, sumisingit, naliligaw, umaagaw ng kaunting sandali, ang damdamin ng pag-uwi.)


Sunday, December 7, 2008

ANG PASKO AY PARA SA LAHAT NG MGA BATA


ANG PASKO AY PARA SA LAHAT NG MGA BATA



SA bookstore unang nakita ni Loida ang babae. Nagkasabay sila sa pagdampot ng isang coloring book. Ngunit ang nakatawag ng pansin ni Loida ay nang kumuha pa ang babae ng mga labinlima sigurong iba’t ibang kopya ng coloring book, gayon din karaming kahon ng krayola, mga sampung mumunting sketch pad, at gayon ding bilang ng kahon ng craypas.

Nahuli ng babae ang kanyang pagkatingin at nginitian siya nito. “Mahilig sa art ang mga anak ko. Magaling magdrowing. Lalo na ang aking bunso.”

Lalo na ang aking bunso. Parang may kung anong humalang sa lalamunan ni Loida. Naghabol siya ng paghinga. Napatingin ang babae sa kanya. “Ano’ng nangyayari sa iyo? May sakit ka ba?”

Umiling si Loida. “Wala ho. Para lang akong nahilo.”

Napatango ang babae. “Napakarami kasing tao. Alam mo naman tayong mga Pilipino, napakahilig sa last minute shopping. Kung kailan nariyan na ang Pasko, saka makikipagsiksikan. O sige, magpahinga ka muna sandali riyan bago ka maglakad.”

Last minute shopping. Pasko. Hinabol ng tanaw ni Loida ang papalayong babae. Pasko na nga sa makalawa at hindi na magkamayaw ang mga yao’t dito sa bangketa, ang akyat-manaog sa mga escalator, ang mga nakapila sa cash register, ang siksikan sa pagsakay sa mga bus at dyip, ang mga nanghihingi ng abuloy na taga-salvation army, ang nagkakaroling na mga batang pulubi na matayo ka lamang saglit sa daan ay kakantahan ka na agad ng we wish you a Merry Christmas, sabay lahad ng kamay.

Parang si Aimee. Kaagad natutong maglahad ng kamay. Give me five, itinuro ng mga kapatid.



DATI, natatapos pa lamang ang Agosto ay masaya na sa kanilang bahay. Kasi, kasunod ng Agosto ay Setyembre. At katapusan lamang ng Nobyembre, magpapalit na si Manang ng kurtina sa buong bahay, pati damit ng kutson ng sala set na rattan. Ilalabas na ni Mike ang kalas na evergreen tree at sa tulong ng mga bata ay i-a-assemble na sa gitna ng sala. Kani-kaniya nang sabit ng christmas balls, candy cane, gold and silver stars, mga ulo ng anghel at Santa Klaus. Dadamitan naman niya ang parol ng pulos puting papel de hapon.

Gagawa na rin ng listahan ang mga bata. Ito ang turo niya simula’t sapul. Aniya’y para huwag malito si Santa Klaus. Ilagay aniya ang regalong pinakagustong matanggap sa Pasko at ilagay rin ang tatlo pang mumunting bagay na maaaring ipalit sa una kundi iyon maibibigay ni Santa. Kadalasan ay iyong tatlong mumunti at higit na murang bagay ang regalong dala ni Santa.

“Wise ka rin naman,” biro ng kanyang asawa.

“Paano, mahirap ang Santang naka-assign sa kanila,” sagot niya.

Prep na si Richie at kinder si Arvin nang dumating sa kanilang buhay si Aimee, ang pinakamimithi niyang anak na babae. Ang Paskong iyon ang isa sa pinakamaliligaya nilang Paskong mag-aanak. Sa unang pagkakataon, tinanggap nina Richie at Arvin ang pinakagusto nilang regalo. Bisikletang pambata at fire engine.

Tawa nang tawa si Mike. “Iyan naman ang gusto ko sa iyo,” sabi nito. “Very fair ka sa mga anak mo.”

Ngumiti lamang siya. Kasi, ibinili niya ng walking dolll si Aimee, kahit baby pa lamang ito at ni hindi pa malay maglaro ng manika.

Gayon din kasasaya ang sumunod pa nilang mga Pasko. Hanggang may nangyari. Ang taksing sinasakyan nilang mag-ina ay naaksidente. Nagtamo siya ng mga pasa at sugat ngunit si Aimee ay hindi niya naging kasing-palad. Patay na ito nang idating sa ospital. Para siyang tinakasan ng katinuan. Gusto na rin niyang mamatay.

Si Mike. “Loida, please, tibayan mo ang loob mo.”

Luha lamang ang kanyang panagot. Luha ang kanyang kaulayaw sa mga gabing hindi siya makatulog. Luha ang kanyang kasama sa mga oras na sina Arvin at Richie ay nasa iskwela at si Mike ay nasa opisina. Hinahalik-halikan niya ang mga damit ni Aimee. Hinihimas-himas ang mga laruan nito. Kinakalong at dinadama ang lambot ng unan na yakap ng anak sa pagtulog.

Wala nang Aimee na susunud-sunod sa kanya habang siya ay nagliligpit sa bahay. Aimee na ang maliliit at matatabang bisig ay mahigpit na pupulupot sa kanyang leeg at walang tigil na hahalik sa kanyang pisngi at bibig, habang siya ay iwas nang iwas dahil sa laway nito. Wala na si Aimee at tunay na parang ayaw na niyang mabuhay. Pitong buwan na itong namamatay ngunit kahit bahagya ay hindi pa naghihilom ang nilkhang sugat ng pagkawala nito sa kanyang buhay. Gusto na nga niyang maghinanakit kay Mike. Waring kaydali nitong nagamot ang sarili.

Minsan hindi niya napigilang itanong. “Naaalaala mo pa ba si Aimee?”
.
Nagbuntung-hininga si Mike. “Kung oras ng hapunan na walang tumatawag sa akin ng Daddy, kakain na. O kung umagang walang pasok sa opisina, nariyan na siya’t sumasampa sa kama, ginigising ako.”

Siya naman ang nagbuntung hininga.

“Bakit?” tanong ni Mike.

Nadama niya ang paggiti ng kanyang luha, ang pagkabasag ng kanyang tinig. “Akala ko kasi, nalimutan mo na siya.”

Nagtiim ng bagang si Mike. “Loida, kung gaano kasakit ang pagkawala niya sa iyo ay gayon din kasakit sa akin. Ina ka, babae ka, tanggap ng lahat ang makita kang lumuluha. Ngunit akong ama, isang lalaki, inaasahan ng lahat na magiging matatag.”

Niyakap niya ang asawa. “Sorry Mike, miss na miss ko lang siya. Kaya hindi ko mapigilan ang hinanakit sa iyo.”

Napahinga nang malalim si Mike. Tumingin sa malayo. “Nabanggit mo ang hinanakit. Loida, may nais sana akong sabihin.”

Hinawakan niya sa bisig ang asawa. Nilingap siya nito. “Gusto ko na ring maghinanakit sa iyo. At kung marunong lamang magsalita ang ibang anak mo, makaririnig ka na rin sa kanila. Napapabayaan mo na kami, Loida.”

Parang kinurot ang kanyang puso sa narinig kay Mike. Dahil totoo ang sinabi nito. Tamad na siyang magluto ng miryenda kung Linggo at Sabadong ang lahat sa pamilya ay nasa bahay. Ayaw na rin niyang namamasyal o nanonoood ng sine. Ni ayaw niyang nakaririnig ng masasayang tugtog sa radyo at madalas niyang mabulyawan ang mga anak kung ang mga ito’y nagsisigawan sa paglalaro o paghahabulan.

Totoo ang sabi ni Mike, ngunit wala siyang ginawa. Hindi siya nagbago o alalaon baga’y nagbalik sa dati niyang ugali. Pati nga sa mga gabing nilalapitan siya ni Mike, kaydalas niyang magdahilan.

Hanggang dumating ang Disyembre, ang unang Disyembre na wala si Aimee. Nagpalit ng kurtina si Manang. Inilabas ni Mike ang Christmas tree. Tulung-tulong na ginayakan ng mag-aama. Nagkulong lamang siya sa kuwarto habang nagkakagulo ang mga ito sa sala. Habang panay ang kanta nina Richie at Arvin. Pasko na naman o kay tulin ng araw, paskong nagdaan tila ba kung kailan lang…

“Ang parol, hindi mo ba dadamitan?” tanong ni Mike.

Nakadapa siya sa kama, nakasubsob sa unan, sa unan ni Aimee nang mapasukan siya ng asawa. Umiling siya. Hindi niya makapa ang kanyang tinig. Iniwan siya ni Mike.

Ngunit kinagabihan ay kinausap siya nito. “Malapit na ang Pasko, Loida. Hindi ka pa namimili. May nakalagay nang listahan ang mga bata para kay Santa Klaus.”

“Alam ko,” sagot niya. Matagal na niyang nakita ang nakapaskel na listahan sa pinto ng refrigerator.

“May gusto lang akong ipaalaala, Loida,” seryoso si Mike. “May iba ka pang anak, bukod kay Aimee.”

May impit na hiyaw na humulagpos sa kanyang lalamunan. “Alam ko, alam ko…” at humagulgol siya nang iyak.

Niyakap siya ni Mike, hinimas-himas sa likod, sa ulo. Saka niya napansin, lumuluha rin ang asawa.



MULI, nakita ni Loida ang babae.sa toys department. Kayraming pinamimili. Stuffed dolls, stuffed animals, mga plastik na trak at kotse. Samantalang siya, ni isa’y wala pang napipili sa kabila ng listahang dala-dala. Alam niya, kailangan na niyang bumili. Totoo ang sabi ni Mike, wala na nga si Aimee, ngunit nariyan pa sina Richie at Arvin. Kaya lang, talagang mabigat pa rin ang kanyang loob.

Sa canteen ng department store, walang maupuan si Loida. Nilapitan niya ang wari ay nag-iisang kumakain sa isang mesa. “Puwede hong maki-share?”

Tiningala siya ng kumakain. Ang babae. “Sure. Teka, hindi ba ikaw iyong nahilo doon sa bookstore?”

Ngumiti siya. “Ako nga ho. Tapos na ba kayong mamili? Ang dami yata ninyong pinamili,” wika niya nang mamataan ang maraming plastik bag sa katabing upuan nito.

Sinalubong ng babae ang mga mata ni Loida. “Marami akong nireregaluhan kapag Pasko. Marami akong anak,” ngumiti ito. “At alam mo naman. Ang Pasko ay para sa mga bata.”

Tumango siya. Ang Pasko ay para sa mga bata. Tulad ni Aimee. At wala na si Aimee. “Ilan ba ang anak ninyo?” tanong niya.

Saglit na tumingin sa malayo ang babae. Bahagyang kinagat ang labi. “Apat. Dalawang babae, dalawang lalaki,” ang sagot sabay tingin kay Loida.

“Malalaki na ba sila?” naupo na si Loida sa bakanteng silya sa tabi ng babae.

Hindi inalis ng babae ang mga mata sa pagkakatingin kay Loida. “Fourteen, eleven, eight at five.”

“Ang lalaki na pala,” naalala ni Loida sina Richie at Arvin. At si Aimee.

Ibinalik ng babae ang tingin sa kinakain. “Pero, wala na sila…”

Wala na sila! May bumundol na kung ano sa dibdib ni Loida. “Ano… ano’ng ibig ninyong sabihin?” Wala sa loob, natutop ni Loida ang kanyang dibdib.

May ulap na tumabing sa mukha ng babae. Ipinilig nito ang ulo na waring may iwinaksing gunita. “Wala na sila,” ulit nito. “Kasama ang kanilang Papa, lumubog ang barkong sinasakyan nilang pauwi sa aming probinsiya. Noon. May malakas na bagyo. Inabutan sila sa laot… Akala ko’y mababaliw ako… Napakasakit. Ayoko nang mabuhay…”

Napasinghap si Loida, waring nalulunod. Tinapik-tapik ng babae ang kanyang bisig.

“Ngunit sa tulong ng Diyos at ng mga kamag-anak, mga kaibigan, nadala ko rin ang pasaning ito.”

Uminom ng tubig ang babae. Sinalubong ang mata ni Loida, ngumiti. Sunod ay ibinaling ang mga mata sa isang papel sa ibabaw ng mesa.

List. Nabasa ni Loida. “Listahan?” .

Tumawa ang babae. “Ito’y listahan ng mga regalong pinamili ko.”

Nagtatanong pati mga mata ni Loida. “Pero, para kangino?”

Nagliwanag ang mukha ng babae. “Hindi ba ang Pasko ay para sa mga bata? Gusto kong idugtong, ang Pasko ay para sa lahat ng mga bata. Ang mga regalong binibili ko’y ibinibigay ko sa isang bahay-ampunan. Taun-taon. Tiyak, hindi mawawalan doon ng isang batang katulad ng aking bunso na mahilig magdrowing. Hindi ba?”

Dahan-dahan, napatango si Loida. At naalala niya si Aimee. At sina Richie at Arvin. At si Mike.

Tumayo ang babae. “Mauuna na ‘ko sa iyo. Merry Christmas…”

“Merry Christmas din ho,” nahagilap niyang sagot.

Malayo na ang babae, halos hindi na matanaw sa naglisaw na mga taong namimili ay hindi pa rin iniiwan ito ng tingin ni Loida. At waring isang pamamaalam na dasal sa kahanga-hangang babaing waring sinadyang makatagpo niya ng araw na iyon, God bless you, kanyang nasambit sa sarili.



Liwayway, Disyembre 19, 1988