Monday, October 27, 2008

TODOS LOS SANTOS



TODOS LOS SANTOS

“Kung kami po’y lilimusan, dali-daliin po lamang

Baka kami mapagsarhan ng pinto sa kalangitan…”

Isa sa mga masasayang sandali sa paglaki ng mga kabataan noon sa probinsiya ay ang obserbasyon ng Todos Los Santos o Undas o Undras (tawag dito sa ibang lugar). Bata pa kami noon at ang karaniwang dinadalaw sa mga puntod ay ang mga nalibing na impo o ingkong, lolo o lola, na ang karamihan ay hindi na nagisnan, alalaon baga’y matagal nang namayapa. Halos wala pang namamatay na malapit na kapamilya namin noon, kaya, ito ay nangyayaring parang isang masayang okasyon. Isang pagkakataon para sa barkada na magkasama-sama, maglibot sa mga pantiyon, magkatuwaan, magkainan, magkaingay. Na tuloy ikinagagalit ng mga matatanda. (O, kay tagal na ng panahong yaon, tayong mga kabataan noon ang siyang matatanda na ngayon!)

“Kaluluwa kaming tambing, sa purgatoryo nanggaling…”

Kinagisnan rin namin ang mga nangangaluluwa. Grupo ito ng mga kabinataan o may asawa man na sa kinagabihan ng Undas ay nananapatan sa bahay-bahay at kumakanta (parang dito hinango ang pagka-carolling tuwing Kapaskuhan na hindi naman uso sa Pilipinas noon at ang gumagawa lamang ay mga Glee Club ng iskwelahan o koro sa simbahan to raise funds for whatever projects, pero ngayon ay talamak na; napakatalamak nang tunay na sa bawat kantong hihintuan ng sasakyan dahil sa red light, ay may bata nang aawit ng jingle bell; minsan nga, naranasan ko sa Baguio, nakatayo lang ako, may kumanta na sa tabi ko ng Joy to the World).

“Kaluluwa kaming dakma, isang manok na mataba…”

Kaya lang, kung sakali at ang maybahay na tinatapatan ng grupo ay nagtutulug-tulugan, o nagkataong wala sa bahay, ay, sori na lang, paalam na sa alagang inahin sa pugad na nasa silong ng bahay, na hindi na magigisnan kinabukasan, sampu ng mga itlog na hinahalimhiman! Ang kahahantungan nito ay masarap na arroz caldo na may hiwa-hiwang dugong pinatulo sa bigas, kung magaling ang gumigilit ng leeg ng manok, na sinangkutsang mabuti sa bawang, luya, sibuyas at patis Malabon, saka lalagyan ng murang dahong sili. Na tatambalan pa ng kutsinta o putong puti kapag nilalantakan na! Ay, those were the days…

Pero, hindi lamang iyan ang kwento nito! Noon, na uso pa ang pagtatanan sa mga magkasintahan, lalo’t may tutol sa mga partido, kasabihan na iyong “nakaluluwa ang dalaga” ng Ba Inggo, kapag kinabukasan, magigisnang wala na ang anak, sumama na pala sa nobyo.

Noon… karamihan sa mga nasa Maynila na nag-aaral pa ay hugos na sa pag-uwi sa probinsiya. Kami ay sugod na sa dakong Divisoria para sumakay sa La Mallorca, o Pambusco o Halili, depende kung saan dako ng Bulacan uuwi. Pero, kapag sinabing sa Philippine Rabbit sasakay, medyo class ang dating mo. Kasabay mo rito ay mga taga-Pampanga at dahil wala pang NLEX (expressway) noon, sa MacArthur Highway ang daan at ang baba namin ay sa krosing ng Malolos. Tandang-tanda ko pa nang una pa lamang akong lumuluwas at umuuwi, ang palatandaan ko ay ang mga tower ng USIS (United States Information Service) na nakatirik makalampas ng kapitolyo ng Bulacan. Kapag nakarating daw ako doon, lumampas na ako ng krosing. Mula krosing ay sasakay naman ng diyip (diyes ang pamasahe) pakaliwa, papuntang bayan ng Malolos. Mula sa bayan, traysikel naman pauwi sa bahay namin.

Siksikan ang mga taong umuuwi. Bitbit ay mga bagong biling kandila at bulaklak. Noon, kapag ang mga bulaklak na nakaalay sa libingan ay mga calla lilies at baby’s breath, at may koneksiyon pa ng kuryente kaya naiilawan ng bombilya ang puntod, mayaman o may sinasabi ang nakalibing. Saka noon, uso pa ang bulaklak ng azucena na pang-alay sa patay. Mabango ito, pero masyadong associated sa mga libing. Wala na akong nakikitang azucena ngayon (pag sinabing asocena ngayon, iba ang kahulugan). Bihira na rin ang mga korona na noon ay gawa sa mga bulaklak ng calachuchi na mabango rin. Kaya nga lang, kapag naamoy ito, papasok agad sa isip, patay!

Todos Los Santos! Araw ng pagbabalik-gunita sa mga yumaong minsan, nakasama natin, nakasalamuha, naging bahagi ng ating buhay. Ngayong Undas na ito, muli na namang makikita ang senaryo ng mga taong nagdarasal, nagbabantay, nagkukwentuhan sa puntod ng kanilang minamahal. Kung sila kaya ay makapagsasalita ngayon, ano ang kanilang sasabihin?

Narito ang isang tula sa aking koleksiyon ng mga samu’t sari, which I googled at nalaman ngayon na katha pala ni Christina Georgina Rossetti (1830-1894)

When I am dead, my dearest, Sing no sad songs for me;
Plant thou no roses at my head, Nor shady cypress tree:
Be the green grass above me with showers and dewdrops wet;
And if thou wilt, remember, And if thou wilt, forget.

I shall not see the shadows, I shall not feel the rain;
I shall not hear the nightingale sing on, as if in pain:
And dreaming through the twilight that doth not rise nor set,
Haply I may remember, And haply may forget.

Abangan ang kwentong pang-Todos Los Santos ngayong Nobyembre.

Sunday, October 19, 2008

COMMENTS & FEEDBACKS – OCTOBER 2008



COMMENTS & FEEDBACKS – OCTOBER 2008

PS (Pahabol sa “Pagkalipas ng Bagyo”

-Sorry kung I have not made any comments on yur Blog site…..I’m always in AWE after reading yur stories, wala akong masabi…in other words, my alibi for my KATAMARAN.

Continue the good works…..kaya lang no money gain when u send it by email, sayang naman yong pagod mo. Tho’ u reached the starving American Flip na baluktot na kung minsan yong tagalog namin. I am re-learning some of the tagalog words I have not used na. At siempre, may natututuhang ang katutuhanang aral ang mga istoria. Tenks again. From Kasin I.

(Hindi katamaran, ‘insan. Mas tama ang “kasipagan”. Alam ko kung gaano kayo ka-busy diyan abroad. Idagdag pa ang “apostolic” na trabaho ninyo, ay, naku, wala na talagang panahon.

Nabanggit mong walang money gain. Ang totoo’y kumita na ang mga ito nang malathala sa Liwayway noon, bagaman at tunay na ang bayad ay pambili lamang ng half gallon na ice cream dine sa atin, yung regular, hindi yung flavor of the month.

I just want to share at fulfilled na ako na binabasa ninyo ang mga ito, at sabi mo nga, may natututuhan pa. Bonus na iyon.)

-Parang kahapon lamang, natatandaan ko pa ang husay mong orator. (Ay, may nakakaalala pa rin pala!) At, nagagamit mo ang husay mo sa tagalog sa pagsulat ngayon. Inumpisahan kong basahin ang mga sinulat mo. Nakakatuwa at nakakaaliw. Congrats....

Agree ako sa yo, rewarding talaga, lalo pa at dumadating sa gulang na ang gusto na lang natin ay makagawa ng magbibigay saya sa atin at sa ibang tao.

Kasi ganyan din kami sa Munting Nayon monthly magazine. 20 taon na ginagawa, walang suweldo, madalas galing pa sa bulsa namin ang maraming gastos. Pero, sa nabibigay naman self satisfaction at para na ring binabalik namin ang mga biyayang nakuha namin sa buhay - gaya ng mabubuting kaibigan at maayos na buhay. Hindi nga milyonaryo, pero hindi naman naghihikahos, tama lang makapag-"enjoy" paminsan-minsan, gaya ng pagdalaw diyan sa atin.

Buti naisipan ni Eddie maglagay ng "website" ang Munting Nayon. Ang daming nakatuntun at nag-e-mail ng mga kaibigan namin noong unang panahon at pati na ang mga kilala at classmates nitong mga kapatid ko, gaya mo. At di lang kami, pati ang mga "contributors" namin ay natutunton ulit ng mga dating kaibigan, karamihan 30 taon at sobra pa ang nakaraan. Di ba nakakaligaya ng puso ito! Kumusta sa iyo at pamilya mo. From Q.

(Sa mga tanong kung bakit tayo gumagawa nang ganito, maliwanag mo nang nasagot. Noong una akong magsulat, nang kauna-unahan kong maramdaman na gusto kong magsulat, ang damdaming nag-udyok sa akin nito ay ang “mailabas” o mabigyang-katuparan ang aking nadarama: na gusto kong magsulat! Ito ang nararamdaman ko sa aking kaibuturan. Kung bakit, ewan. It is a feeling. It is like love. I just have to express it.

Kamakailan, may nagkomentaryo na kaya ako nagsusulat ay dahil sa recognition na tinatanggap ko sa mga nagbabasa ng aking kwento. Very far from the truth. Like it or not, recognition comes, depende sa klase o husay sa pagsulat. Tunay na may galak na nadarama ang isang bagong manunulat kapag nakita niya ang kanyang byline, ngunit hindi ito ang pangunahing dahilan ng pagsisimula niya sa pagsulat.

Sa isang nagsisimulang sumulat, ang nabanggit na recognition ay malayo pa sa hinagap. Ang kailangan niya ay ang “recognition” ng publisher na pagindapating ilathala ang kanyang kwento. Na ang kanyang kwentong hinabi at pinagtahi-tahi sa kanyang isipan, na ewan naman kung saan nagmula, gusto lamang makawala, ay makita na niya sa pahina ng isang magasin. Sa Liwayway? Ang baduy naman, sasabihin ng iba. Ngunit nang panahong iyon, na ang mga babasa at hihimay ng mga isinusumiting kwento ay mga batikang manunulat at Palanca Awardees na sina Benjamin Pascual, Benigno P. Juan, Bienvenido Ramos, at editor nilang si Mang Gervacio Santiago, mapalad akong nahasa sa kanilang patnubay.

At katulad nila, ang kasunod na hakbang? Carlos Palanca Awards for Literature Contest!

At ngayon, bakit natin ginagawa ito? Dahil ibinabalik lamang natin ang kasiyahang dulot ng regalong bigay sa atin ng Maykapal.)

- Sa buhay ng mag-asawa ay maraming bagyong dumarating, kung minsan, hurricane pa, subalit kung matibay ang pundasyon ng pagmamahalan, hindi kayang matangay ng hangin at mananatili pa rin nakatayo ang kanilang matibay na pagtingin sa isa’t isa. From Pp.

(Sa mga henerasyong nagdaan, sa panahon ng ating mga magulang hanggang sa atin, marami na akong nakita at nabalitaan o naikwento sa akin mismo, na ganitong mga pangyayari. Dumaranas ng unos ang pagsasama, ngunit napagtatagumpayan pa rin nila itong malampasan. Sana, ang leksiyong ito ang matutuhan ng mga sumusunod na henerasyon. Na di dapat maging pabigla-bigla sa mga pagpapasiya. Pag-isipang mabuti. Bigyan ng panahong luminaw ang lahat.)

I read the first part at nalungkot ako. But was glad it was happy ending, after reading the last part. I don’t like… (text missing) From W.

(I have an idea kung ano iyong missing sa text mo. Na ayaw mo ng malulungkot na ending. Ako rin, gusto ko sana, laging “happily ever after” ang lahat ng kwento ng buhay, kaso, dahil storyteller nga ako, true to life ang mga napipili kong topic, at madalas tuloy, may kirot sa dibdib, kumbaga. But don’t you worry, may darating ding masasaya.)

HIWALAY – Oktubre, 2008

-masayang katapusan - all is well that ends well. bahala na nga, tama si Maila. – From C.

(‘Mare, sobrang laki ng font mo. Tama nga si Maila. Dapat na lahat ng mga paraan ay subukin muna upang maisalba ang pagsasama. Noong araw, given na talaga ang option na ito. Hindi karaka-rakang nagpapasiya ang mag-asawa na maghiwalay. Nagtitiis muna, heh heh heh! Levity aside, kailangang exhaust muna ang lahat ng mga solusyon, bago ang pinal na desisyon.)

-Totoong nangyayari ang ganitong situation. Itong story mo ay maganda ang ending, hindi pinagana ni Maila ang pride na kaya na nyang mag-isa kahit nalulungkot din. Madalas may Professional Jealousy sa mag-asawa at whether they admit it or not ay nauuwi sa hindi magandang pangyayari. I like the ending and I hope to read some more stories. I'll be waiting. Regards to the family....... From Wackadoo A.

(Yes, professional jealousy ay isang factor kung minsan. Kung parehong artista at laging Famas o Urian awardee ang isa, medyo nai-insecure ang asawa, kaya nauuwi sa paghihiwalay. Buti na lang, hindi kami artista…)

-Bitin ang kwento! From R.

(Aha! Gusto mo talagang malaman kung babalik si Maila at kung bumalik naman, ay mananatili sa piling ng asawa! Noong araw, may kwento akong ganito ring “bitin”… marami yatang ganito. Tinawagan ako mismo sa telepono ng isang nakabasa, nasa dorm pa ako noon, at pilit tinanong kung ano ang nangyari. Ang tawa ko lang. Buweno, sabihin na lang nating nakipag-ayos si Maila kay Roy. Pero depende kung makatutupad sila kapwa sa kani-kanilang kondisyones, doon nakasalalay kung tuluyan na silang magsasama, “till death do us part”. ‘eka nga…)

-“Our pain is the breaking of the shell that encloses understanding.” From G.

(Thank you for the quotations you send from time to time… na tunay namang may relevance sa mga kwento sa blog.)

-Hi Tita! High school friend po ito ni Diane. Bibisitahin ko ang blog nyo; nagsusulat din kasi ako ng fiction sa Tagalog. Tumigil na po akong sumali sa Palanca dahil hindi pa nananalo--haay! Buti pa kayo--naging Hall of Famer din po ba kayo? From M.

(Ay, naku, wish ko lang… kaso, matagal na ring hindi ako nakakasali. Malimit kasing natatapat sa mga high school reunion activities namin, kaya bisi. Pero, malay natin, at malay mo rin, tiyaga lang at tiyak, may nilaga kalaunan. Suerte lang na first and subsequent attempts ko ay naging mapalad, kaya naging inspirado, kahit ang mga sumunod ay bigo. Try and try lang…

By the way, I visited your blog. You have a gift. Follow your bliss…)

-I just read the stories. Sabi ko nga ba - nakakaiyak ang mga kwento mo! Para bang nasusumbatan pa ang bumabasa kapag ang kwento ay nahahawig sa kanyang buhay o naging buhay! From B.

(Batu-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit. Alam mo, experience ko na, na ang marami sa mga kaibigan ay humihiling na isulat ko ang kanilang buhay at pag-ibig. Kung pwede ang kanilang istorya, may hinuhugot akong ideya sa mga ito at dagdag dine, bawas doon, naigagawa ko rin ng kwento. Kamakailan, may nagbiro sa akin na isulat ko raw ang tungkol sa pag-ibig niya, hati kami sa bayad –nakupo, e, di isang pint na lang ng ice cream ang mabibili ko pag naghati pa kami! Sagot ko naman, alam mo ikako, ako ang binabayaran ng mga nagpapasulat sa akin ng kanilang buhay.

Ang totoo, as much as possible, sa mga malalapit na kakilala, ayokong kinukwentuhan ako ng kanilang buhay. Kasi, gusto ko ay wala nga akong alam, para malaya akong makapagsulat ng temang gusto ko, kahawig man ito ng kanilang buhay. Ang mga ideya o paksa ng mga kwento ay ulit-ulit nang naisulat, halos wala nang masasabing orihinal. Nasa pagsusulat na lamang, o kung paano ang treatment ng kwentista o storyteller – doon nagkakatalo. Sabi nga ni Liwayway Arceo, doon nakikilala ang ipinanganganak na manunulat. Ehem… wala naman akong ibig sabihin!)

Monday, October 13, 2008

HIWALAY – Katapusan



HIWALAY – Katapusan

IDOL niya ang kanyang Tita Gracia. Maliit pa siyang bata ay tinitingala na niya ito. Gusto niya ang ugali nitong prangka, matapang at hindi takot na mapaiba ang opinyon. Pinag-isipan niyang mabuti ang sinabi nitong magtrabaho siya. Nang makapagdesisyon ay kinausap niya si Roy.

“Paano ang mga bata?” tanong nito.

“Bahala si Nanay. Maiintindihan naman siguro nila,” sagot niya.

“Mabuti kung pumayag,” nagdududang balik nito. At sa sagot ni Roy ay alam niyang nalunsad na ang kanyang career. Dahil sabi nga ng kanyang tita, selling is a career.

Unang araw pa lamang ng seminar ay nakadama na siya nang malaking pagbabago sa sarili. Parang bigla siyang nabuhay. Naging hamon sa matagal nang napahinga niyang utak ang pag-intindi sa pasikut-sikot ng insurance underwriting. At enjoy siya sa mga pep talk, sa mga positive reinforcements at affirmations. Hindi niya malimutan ang sinabi ng isang lecturer: from the moment of your conception, you are already a winner. Kaya paggising niya sa umaga at pagharap sa salamin, binabati niya ang sarili ng hello there, winner! I love you!

Sa unang limang taon, nasiyahan na siya sa takbo ng kanyang underwriting career, ito ang tawag ng kanyang Tita Gracia rito. Marami na siyang hawak na kliyente. Steady na ang komisyong dumarating sa kanya. Pwede nang panghulog sa isang segunda manong kotse.

Ngunit sabi ng kanyang unit manager. Bakit second hand, Maila? Think brand new. Think big. At naisip niya, aba, tama ito. Ang 10,000 ay dagdagan ng isa pang zero para maging 100,000. ang 100,000 ay maging 1,000,000.

At naging agresibo siya sa paghahanap ng maiseseguro. Networking is the key, narinig niya sa kanyang tita. Humingi siya ng referral dito. At nang makapagbenta siya ng isang seven-figure coverage at sumapalad niya ang komisyon buhat dito ay hindi na siya lumingon. Natanto na niya kung saan siya pupunta, kung saan niya gustong makarating.

Sa loob ng mga sumunod na taon, ito ang naging pokus ng kanyang buong buhay. Bunga nito’y tinanghal siyang top producer ng kanilang unit. Sunod ay ng buong kompanya. Nang kung ilang beses. At pinarangalan siya, kasama ng mga katulad niya. Napalagay ang larawan sa diyaryo. Tumanggap ng mga premyong out of town holiday for two, di kasing kasama niya si Roy. May Baguio, may Davao, may Boracay. Sunod, abroad na. Natuto siyang magmaneho, brand new ang kanyang kotse. May sarili na ring kotse si Roy, hinuhulugan nito, pero siya ang nagbigay ng down payment. Nakatira rin sila sa hinuhulugang house and lot sa isang magandang subdibisyon.

Habang lumalaki ang kita ay lumalaki rin ang gastos. Hindi na ang needs ang pinag-uusapan, kundi ang wants. Ang blouse at sapatos na dati ay sa ordinaryong department store binibili ay sa boutique na ngayon hinahanap. Nadadalas ang kain sa mahal na restoran. Kaya kailangang kumayod. Dis-oras na ng gabi ay nasa labas pa siya kung sa oras na iyon maluwag ang prospective client. Nagreklamo si Roy. Nagpaliwanag siya. Muli at muling nagreklamo. Muli at muli siyang nagpaliwanag ngunit may kahalo nang inis. Para sa atin ito, diin niya. Hindi na ito kumibo

Saka niya napansin, gabi na siyang umuwi ay mas gabi pa ito. Alas kuwatro y medya ang labas sa opisina nina Roy at hindi niya maintindihan kung bakit ito ginagabi. Sabihin mang umasenso na rin ito sa pinapasukan. Kung bakit hindi pwede sa paminsan-minsang pangangailangan ng mga bata. Siya pa ba ang lahat? Mga bata. Bahay. Trabaho pa rin.

Ngunit bisi nga siya at hindi na niya nasundan ang mga kilos ni Roy. Sa kabila ng kanyang trabaho, tinitiyak pa rin niya na masubaybayan ang kanyang mga anak. Alam niya ang pitfalls ng mga working mothers, napapabayaan ang mga anak na nagugumon tuloy sa drugs, napapasama sa masamang barkada. Sinikap niyang hindi ito mangyari.

Maliit lamang ang Makati. Hindi kalayuan ang Maynila at Quezon City. Ang mga karatig pook. Hindi miminsang nagkatagpo sila ni Roy. Lagi, may kasama itong babae. Ngitngit siyay walang magawa, lalo’t may kasama siyang kliyente. Ayaw naman niyang mapabalita na kayod siyang magtrabaho’y panay naman ang gudtaym ng kanyang asawa.

At nagsimula ang kanilang away. Araw araw. Walang pinipiling oras. Hanggang hamunin nga siyang maghiwalay. Hamong tinanggap niya.

NAGUGULUHAN si Maila. Kung kailan siya naging malayang kumilos, walang Roy na magrereklamo sa ginagabing pag-uwi, saka niya natagpuan ang sarili na umuuwing maaga. Na isinasaayos ang mga appointment para maging libre para sa mga anak. O kung may dapat gawin sa bahay, o puntahan kung weekend. Hindi niya maunawaan ang kanyang sarili kung bakit sa kabila nang matinding galit sa asawa ay hinahanap-hanap pa rin niya ito. Upang kwentuhan ng mga nangyari sa kanya sa buong maghapon, sa pakikipag-usap sa mga potensiyal na kliyente, sa mga naganap na pirmahan ng kontrata.

At kung gabi…

Kinagalitan ni Maila ang sarili. Sa karupukang nadarama. Pinuntahan niya ang kanyang Tita Gracia. Dito niya nalaman na sa kanyang nanay nakatuloy si Roy.

“Ano’ng ibig niyang sabihin? Ano’ng gusto niyang palabasin?” Muling nagsiklab ang kanyang galit kay Roy.

“Simpli lang,” sagot ng kanyang tita. “Na kung ang base ng inyong pag-aaway at paghihiwalay ay ang supposedly pambababae niya, e, nagkakamali ka. Dahil hindi siya uuwi sa partido mo kung guilty siya.”

“O makapal ang mukha niya,” mainit niyang sambot.

“Mahal mo pa ba siya,” bigla, paibang tanong ng kanyang tita.

Kumunot ang noo ni Maila, “Ano’ng kinalaman n’un sa nangyari o sa mangyayari pa?”

“D’un nakasalalay ang lahat, Maila. Ang hinaharap ng inyong pamilya.”

“Wala na ang aming pamilya, Tita. Single parent na ako. Nag-iisa. In a way, parang ikaw. Kaya pareho na tayo. And though you refrain from saying it, ako na, Tita ang magsasabi. Tama ka. Tama ka nang tutulan mo ang pagpapakasal namin ni Roy, noon.”

“Ow, cool it, Maila,” agaw ng kanyang tita. “Before you get the wrong signal, pakinggan mo muna ako. Tumutol ako noon, dahil bata pa kayo. You have your lives before you. Hindi pa ninyo kilalang lubusan ang isa’t isa. At higit sa lahat, ang inyong mga sarili. Hindi pa ninyo nahuhulo ang inyong mga pontensiyal. Tulad mo ngayon. Iisipin mo bang magiging successful ka sa sales? That you’ve got the knack, the charisma, the drive to be number one?”

“Dahil gusto ko lang makatulong. Tulad nang sabi mo,” mahinay na wika ni Maila.

“Pero in the process, may napabayaan ka…”

“Mga anak ko?” sunud-sunod ang iling ni Maila.

Tiningnan lamang siya ng kanyang tita. Hindi kumibo.

“Si Roy?” tanong ni Maila at sa nakitang ekspresyon sa mukha ng kanyang tita ay idinugtong, “bakit, alagain ba siya?”

“Everyone needs stroking. Ikaw, ako, at sa kaso ninyong mag-asawa, lalung-lalo na si Roy?”

“At bakit?”

“Baka na-insecure sa iyo.”

“Bakit?” Hindi makapaniwalang tanong na muli ni Maila. “Trabaho lang ito. Di ba dapat matuwa siya na magaling ako? Na kahit drop-out ay may narating din. Ibig bang sabihin, kung nagtapos ako ng kolehiyo at umabante sa aking propesyon, he’ll take it against me?”

“Ikaw ang makasasagot niyan. Higit mong kilala si Roy kaysa sa akin. Pero, may lalaking ganyan…”

“It’s so unfair,” himutok ni Maila. “Ibig sabihin, lahat ng ginawa ko’y balewala.”

Umiling ang kanyang Tita Gracia. “No, Maila. Remember that you did what you did, not only for your family, but also for yourself. Na sa proseso ng paghahanap-buhay ay nakilala mo ang iyong sarili. Natuklasang may itinatago kang talino. Na kapag binuo mo sa iyong loob na makamit o marating ang isang bagay, nagagawa mo ito. Hindi ba masarap ang ganitong pakiramdam. That you’re making use of your God-given talents?”

“Ewan Tita, ewan,” malungkot na sagot ni Maila.

Inakbayan si Maila ng kanyang Tita Gracia. “May babaing kayang mag-isa. Tulad ko, Maila. Tinanong mo na ako n’ung araw kung bakit hindi ako nag-asawa. Sagot ko’y not for lack of opportunities. Hindi rin sa masyado akong mapili, na wala na sa lugar. Kaya lang, hindi kami nagkatagpo ng sa palagay ko’y tama para sa akin. Iyong mga nakilala kong tama na, ayon sa tingin at pakiramdam, ay hindi naman pwede, dahil nakatali na. May ilang masugid, pero ang mga personality ay too laid back for me. Ayoko kasi n’ung parang kayan- kayanan ko, sunud-sunuran sa akin. Well, ito ang istorya ng aking buhay, at kaya ko lamang ikinuwento ay upang ipaunawa sa iyong magkaiba tayo ng situwasyon. Dalaga ako. Mayr’on kang Carlo at Leah, Joel at Gemma. At mayr’on kang Roy…”

Nilingap ni Maila ang kanyang tita. Mayr’on kang Roy, wika nito. At wari, may nahagip siyang lungkot na nanulay sa tinig nito. Nagkatagpo ang kanilang mga mata. Nakangiti ang kanyang Tita Gracia. Nanunukso. Guni-guni lang ba ag lungkot na nadama niya sa tinig nito?

“Mag-usap kayo, Maila. Kailangan lamang ninyong magkaliwanagan,” patuloy ng kanyang tita. “Mahal pa ninyo ang isa’t isa, alam ko. At alam mo rin. Kalimutan na n’yo ang nakaraan. Ang mga leksiyon na lamang ang tandaan ninyo. Magsimula kayong muli. Dahil… mahirap ang hiwalay. Mahirap ang mag-isa. Ang kalayaang ibinibigay ng ganitong situwasyon ay isa lamang ilusyon.

May naalala si Maila sa narinig sa kanyang tita. Isang nabasa sa kung saan: na sa kabila raw ng lahat, maraming babae ang bihag pa rin ng dating panahong nagbabadya kung saan ang dapat kalagyan ng mga ito. Bukas ang hawla, ngunit hindi pa rin makalabas. Parang turuang ibon na paminsan-minsa’y lumilipad at namamayagyag, pero muli’t muling bumabalik sa loob ng kinagisnang hawla.

Nang lisanin ni Maila ang kayang Tita Gracia, alam niyang susundin niya ang mga sinabi nito. Dahil ito rin ang nasasaloob niya. Alam niyang muli silang magkakasama ni Roy. Isang panahong muling liligaya. Hangang marahil, mag-away na muli. At kung hindi mag-uusap ay muling maghiwalay. Ewan niya. Sana’y hindi. Dahil sabi nga ng kanyang Tita Gracia, mahirap ang hiwalay. Mahirap ang mag-isa. Siya at ang mga katulad niya ay hindi pa handa at ewan niya… ewan niya… kung kailan magiging handa.

LIWAYWAY, Hunyo 2 at Hunyo 9, 1997

Monday, October 6, 2008

HIWALAY-Unang Yugto

HIWALAY-Unang Yugto

“Hinamon n’ya ko, Tita,” kwento ni Maila sa kanyang Tita Gracia. “Sabi ko, e, di sige, hiwalay kung hiwalay. Sa loob-loob ko lang, ako’ng tatakutin n’ya. Kaya kong buhayin ang aking sarili. Kaya kong buhayin pati mga anak namin,” sinalubong ni Maila ang mga mata ng kanyang tita, inabangan ang inaasahan niyang maririnig dito.

Ngunit iba ang namulas sa mga labi nito. “Ano’ng ginawa ni Roy?”

Kumunot ang noo ni Maila. Nagdilim ang mukha. “Ano pa, e, di nag-impake siya noon din. Nang gabi ring iyon, umalis.”

“Ano’ng sabi mo sa mga bata?”

Napabuntong-hininga si Maila. Muli, nadama niya ang kirot sa kanyang dibdib. “Malalaki na sila, Tita. Disisais na si Carlo. Kinse na si Leah. Kinausap ko agad sila. Iyong dalawang maliit ay tulog na noon. Saka ko na lamang ikako paliliwanagan.”

“Anong reaksiyon n’ung dalawang malaki?”

.

Hinarap ni Maila ang kanyang Tita Gracia. “Alam naman nilang lahat ang nangyayari, Tita. Iyong pag-aaway namin ng daddy nila. Iyong pag-uwi-uwi ng hatinggabi, madaling-araw. Iyong pagkukulang sa kanila. Mga pangakong hindi natutupad. Dapat sunduin sila’y hindi darating. Maputi nang mga mata at panghal na sa kahihintay, ni anino’y wala. Birthday nila’y nalilimutan. Di bale na ako, Tita. Yun na lang mga anak ko. Sabi nga ng matatanda, apaw na, dapat nang kalusin.”

Saglit na hiningal si Maila sa silakbo ng damdaming nadama. Nang sulyapan niya ang kanyang Tita Gracia ay mataman itong nakatingin sa kanya. “Ano ngayon ang balak mo?”.

Nagkibit ng balikat si Maila. “Life goes on,” nginitian niya ang kayang tita, isang pilit na ngiti.

Tumango ang kanyang tita. “Yung mga anak mo ang alalayan mo. Sila ang magdadala ng lahat. I trust you do understand that,” pagdidiin nito. At naisip niya, talagang nakabibilib ang kanyang tita. Natukoy agad ang kanyang problema.

Si Leah. At ang mga tanong nito. Saan matutulog si Daddy? Paano siya kakain?. Sinong mag-aayos ng kanyang mga damit? Akala niya, kampi sa kanya ang kanyang mga anak. Pero, hindi, iyong ama pa rin ang naaalala. Ngani-ngani na niyang pagtaasan ng boses si Leah, ngunit nakuha pa rin niyang magpakahinahon. “Hindi ako ang naghamong maghiwalay, Leah. Ang daddy mo,” sabi niya. “At huwag kang mag-alala kung saan siya matutulog. Marami siyang matutuluyang bahay. Sa lola mo sa Quezon City. Sa uncle mo sa Mandaluyong. Sa mga kaibigan niya…” at sa sarili niya, sa kanyang girlfriend.

Waring napanatag naman ang loob ni Leah sa kanyang mga sagot. Kaya lamang, hindi siya handa sa tanong ni Carlo. “Mommy, s’an ba nag-umpisa ang mga away n’yo ni Daddy. Di naman kayo dating ganyan.”.

Matagal siyang hindi nakahuma. Saan ba nagsimula ang lahat? Totoo ang sabi ni Carlo, hindi sila dating ganito. Nag-aaway sila, madalas din, pero sino bang mag-asawa ang hindi nag-aaway. O di nagkakasamaan ng loob. O hindi nag-iimikan ng kung ilang oras o araw. Sa samu’t saring dahilan. Mga biruang nauwi sa pikunan. O nagkukuwento iyong isa’y hindi pala nakikinig iyong kinukuwentuhan na tuloy ang pagbabasa ng diyaryo o tutok ang mga nata sa telebisyon.

Huminga siya nang malalim bago sumagot. “Ulit-ulit ko na ring tinanong ang aking sarili kung bakit, ano nga ba ang dahilan…”

“Si Daddy, tinanong mo ba?” singit ni Leah.

Napatingin siya kay Leah at sa isang sandaling pagtatama ng kanilang mga paningin ay kumislap sa kanyang isipan ang hindi na maitatatuwang katotohanan na nalulungkot ito. Miss na ang umalis na ama. At nakadama siya ng sakit sa dibdib dahil nasaktan niya ito. At si Carlo. At kung ang mga itong malalaki na ay ganito ang nararamdaman, ano pa ang magiging damdamin ng dalawa pang nakababata niyang anak. Binalingan niya si Carlo. Naghihintay pa ito ng iba niyang sasabihin.

“Malalaki na kayo, nakakaintindi na,” sa kaibuturan ng kanyang sarili ay ito ang hangad niya, ang siya’y mantindihan. “Sa panahong ito, malungkot mang tanggapin, parang nagiging ordinaryo na ang paghihiwalay ng mga mag-asawa. Sa iba’t ibang dahilan. Pero isang bagay lamang ang natitiyak ko,” pinalipat-lipat niya ang tingin kina Carlo at Leah, saka mariing idinugtong, “walang kinalaman, walang kasalanan ang mga anak sa ganitong pangyayari. At inuulit ko, itong paghihiwalay namin ng inyong daddy… has nothing to do with you, absolutely nothing.”

Nagkatinginan ang magkapatid at nagpatuloy siya sa higit na mahinahong tinig. “Sa amin ng inyong daddy, siguro, ay dahil maaga kaming nag-asawa. And for the wrong reason.”

LABIMPITO siya noon. Nasa unang semestre ng ikalawang taon sa kolehuyo. At buntis. Iniyakan niya si Roy. “Paano ngayon?”

Labingsiyam si Roy. Nasa unang semestre ng ikatlong taon sa kolehiyo. Parang batang umiling ito. “Ewan.”

Napalakas ang kanyang iyak. “Sabi mo, walang mangyayari. Sabi mo, alam mo.” Kahit dalawang taon lamang ang pagitan ng kanilang edad ay ganoon ang dating nito sa kanya, dahil ganoon kataas ang tingin niya kay Roy noon. Na mature ito. Maalam na sa lakad ng mundo.

“Paano mo nalaman. Paano mo natiyak,” usisa pa ni Roy..

“Nahuli ako ni Manang, suka ako nang suka sa banyo. Sinita ako. Alam niya. Nanganak na siya. Sasabihin raw niya kay Nanay. Kay Tatay. Roy, anong gagawin natin?”

Parang hindi nakahinga si Roy. “Ano, ano?” untag niya.

“Nag-iisip ako,” sagot nito.

Nang araw na iyon ay hindi sila pumasok sa iskwela. Kinagabihan ay hindi na rin umuwi sa kani-kanilang bahay. Dinala siya ni Roy sa lolo at lola nitong taga-Valenzuela.

Sa tanong na bakit, ang sagot nila’y kailangan.

Nagpulung-pulong ang pamilya, hindi siya kasali, siya ang pinag-uusapan. Alam din niya, kahit pigil, narinig pa rin niya, kinagalitan si Roy ng tiyuhin nito. Sabi ni lola, tama na, nariyan na ‘yan. Ang isipin ay kung anong gagawin.

Nang panahong yaon, ganoon pa rin ang kalakaran. Lalo’t laki’t namumuhay sa probinsiya. Buntis pala, dapat pakasalan. Ganoon ang takbo ng isipan ng partido, nina Roy. Ito’y mabuting balita sa kanyang nanay at anumang init ng galit sa kanyang ginawa ay dagling nasubhan. Dahil ligtas na ang mga ito sa kahihiyan. Pakakasalan naman. Hindi naman tinatakbuhan.

Isa lamang ang tutol sa napagkayarian. Ang kanyang Tita Gracia. Bunsong kapatid ng kanyang nanay. Bakit ipakakasal, ang tanong. Ang babata pa ng mga yan. Hindi pa alam ang buhay na papasukan. Kaya maraming naghihiwalay kalaunan, e, dahil sa sistemang iyan…

At hinarap siya. Ikaw, Maila, matalino ka. Honor ka nang nag-gradweyt sa high school. Dean’s list ka pa nung first year sa college. Sabi ko nga, aba, inspirado si Maila, pero ngayon, ganyan ang nangyari. Ang tanong ko’y ito. Iyang pagpapakasal ba lamang ang alam mong solusyon sa iyong situwasyon ngayon?

“Ano.. anong ibig mong mangyari, Tita?” sa isip niya’y naglaro ang isang solusyon na kauna-unahang pumasok sa kanyang utak nang malaman niyang buntis siya. Na kaagad niyang napagpasiyahang huwag gawin. Dahil labag ito sa batas, at malaking kasalanan sa Diyos. At patawarin siya na sa isang sandali ng karupukan ay kinonsidera niya itong gawin.

“At ano ang ibig mong sabihin, Gracia?” usig naman ng kanyang nanay sa kanyang tita.

Nagkatinginan sila ng kanyang tita. Wala siyang nabasa sa mga mata nito. Binalingan nito ang kanyang nanay. Sinulyapan ang kanyang tatay. Saka mahinahong nangusap. “E, maano kung buntis. E, di manganak. Anong masama dun. Nagkamali, magdusa. Matuto ng leksiyon. Kaysa naman ipakasal at magsisi kalaunan.?

Pero sino ang makikinig sa kanyang tita, na sabi nga ng kanyang nanay ay masyadong moderno, liberated, matanda na’y ayaw pang mag-asawa, may nanliligaw naman, ewan. Saka ito iiling na parang nahahabag sa bunsong kapatid na hindi masakyan ang takbo ng isip.

Kaya nakasal sila ni Roy. Simple, madaliang kasal. Pero, nag- walk down the aisle pa rin siya. Nakatrahe pa rin, di pa naman halata ang tiyan. Kung ilang pares pa ang ninong at ninang. At sa isang Chinese Restaurant ginawa ang reception. Na masaya rin naman.

Sa bahay nila sila tumira ni Roy. Mas may espasyo sa kanila. May kapatid kasi si Roy na may asawa na, na sa pamilya nito nakapisan. Itinuloy nito ang pag-aaral. Tumigil na siya. Sa bahay na lamang, kasama ang kanyang nanay. Linis, luto, burda-burda ng mga lampin at bigkis na tinahi nito para makatipid. At walang katapusang hintay sa pagdating ni Roy. Hindi naman laging ginagabi si Roy sa pag-uwi. Minsan nga lamang ay nagkakayayaan ang barkada, kuwento nito. Pero sa kanyang kalagayan ay hindi na siya maka-relate sa mga balita nito. Sa pakiramdam niya’y walang-wala na siya sa sirkulasyon ng buhay.

Kulang sa buwan at patay ang sanggol nang kanyang isilang. Sayang, sabi ng kanyang nanay. Maganda pa naman. Sayang, sabi ng lahat nang nakakita, ang tangos ng ilong. Sayang, ang sabi ni Roy, na mahilig yata sa bata.

Ngunit sa kabila ng kanyang lungkot sa pagkamatay ng kanilang sanggol, ibang uri ng panghihinayang ang nadama niya sa kanyang kaibuturan. Parang buhay niya ang nasayang.

Si Roy na lamang ang nagpatuloy at nagtapos ng pag-aaral. Nagsunud-sunod ang kanyang panganganak. Si Carlo ay sinundan agad ni Leah. At sa loob ng isang taon ay nagkita sina Joel at Gemma.

Nang ipanganak niya si Gemma, noon sinabi ng kanyang tita. Ano ba, Maila, magkukural ka ba ng anak?

Wala siyang maisagot at inilingan siya nito. Wala ka bang balak magtrabaho, ang tanong. Sayang, patuloy pa. matalino ka pa naman. Ba’t di ka mag-seminar. Sa insurance underwriting. O real estate. There’s money in sales. At lista ka. Kayang-kaya mo. Para mabago ang buhay mo. Ninyo. Makatutulong ka pa kay Roy. Apat ang anak ninyong pag-aaralin, sunud sunod nitong wika.

Iisipin ko, napilitan niyang sagot.

(Ang situwasyon ni Maila ay nangyari na nang maraming beses. Sa kaibigan natin, kakilala ng kaibigan, kamag-anak, kapamilya. Noon, na higit na simpli ang buhay, hindi masyadong masuliranin ang ganito. Sa bahay lamang ang nanay, nag-aalaga ng mga anak, at siguro, mas responsible ang mga tatay. O dahil iba na ang mundo ngayon, higit na marami ang nagkalat na tukso, kaya naiiba ang dynamics, wika nga. Isipin na lamang na noong kabataan natin, mga beer garden lamang ang nagkalat na pagkakalibangan ng mga lalaki, may asawa at wala. Pero ngayon, mga karaoke o ktv, mga live shows, mga malls, daming sinehan, mga resort – ang nag-aanyaya sa lahat, babai at lalaki. Talagang dapat na matibay ang pagsasama ng isang pag-asawahan upang mapaglabanan ang halina ng lahat ng ito. Kung maagang lumagay sa “tahimik” na “magulo” pala ang mga kabataang tulad nina Maila at Roy, paano na? Naroon ang problema na pinansiyal. Kung ito ang maisipang lutasin ni Maila, ano naman ang kakabit nitong suliranin?

Abangan ang katapusang yugto ng kwento.)