Monday, September 29, 2008

HIWALAY, KUNG HIWALAY!

HIWALAY, KUNG HIWALAY!

May kasabihan ang matatanda noon, ang mag-asawa’y hindi biro, di tulad ng kaning isusubo, iluluwa pag napaso!

Natural, sasabihin mo, kapag napaso ka, iluluwa mo. Pero isipin mo, kung ikaw ay nasa isang punsiyon (social function), kaharap ay mga tao, kasalo sa isang hapag, siguro, di mo iluluwa ang iyong isinubo, kahima’t sobra ang init nito. Ngingiti ka pa siguro (upang ikubli o camouflage ang ngiwi). Ibig lamang sabihin, titiisin mo ang init ng pagkapaso sa iyong dila o ngala-ngala. Nagluluha ka na, pero, sige pa rin ang ngiti. Kung may nakapuna sa iyo, magbibiro ka pa, talagang ganyan ang aking mga mata, teary-eyed. May kakilala ako noon, ang ganda ng mga mata, kumikislap, para kasing may luha, pero hindi naman malungkot ang dating, masaya pa nga. Kaya, ganoon ang istilo kumbaga, para makalusot.

Noong araw, at to a certain extent, and to some people ngayon, ganoon ang pag-aasawa. Nagtitiis, kahit pasung-paso na, halos magpaltos na ang loob ng bibig, hindi pa rin iniluluwa ang mainit na isinubo. Sa maraming kadahilanan.

Una, alang-alang sa mga bata. Mahirap lumaki sa isang broken family. Walang father figure, kung walang tatay sa bahay. O walang nanay, na mas bihirang mangyari na ang mga bata ay sa ama naiiwan. Pero, ang tanong ay ito: kung laging nag-aaway, nagbabangayan, nagsisigawan, hindi nagkikibuan – kung ito ang kapaligiran o atmosphere na kalalakhan ng mga bata, healthy ba ito? Nakatutulong ba ito sa kanilang development? Kaya, alang-alang sa mga bata, patuloy na nagsasama ang isang mag-asawa, dahil pa rin sa pagsunod sa “ang pinagsama ng Diyos ay hindi mapaghihiwalay ng tao” na isang matibay na idinadahilan noon, at kahit na ngayon.

Iba pa rin naman iyong walang ama o ina na kapiling sa bahay dahil sa paghahanap-buhay sa malayong lugar. Sa ganitong kaso, iba ang dahilan, iba rin ang nagiging problema, at iba rin ang mga solusyon.

Pride, isa pang dahilan, lalo na sa mga babai na ayaw masabing hindi successful ang kanilang marriage. Lalo pa siguro kung bago siya napakasal ay marami nang nagpayo na huwag iyan ang piliin mo, o huwag muna, e. matigas ang kanyang ulo… Kaya, di bale nang magtiis. O depende sa level ng pamumuhay, front na lang, o expediency. To maintain faces sa harap ng lipunang ginagalawan. Noon at ngayon, nangyayari ito.

Financial reasons. Paano naman kung hindi naghahanap-buhay o walang alam si nanay, paano niya masusustentuhan ang kanyang mga anak? Noon, marami ang ganitong situwasyon, kasi, humihinto sa pag-oopisina ang maraming maybahay kapag nagpamilya. Pareho ko noon, tumigil magtrabaho. Buti na lang at mabait akong asawa, e, mabait pala ang asawa ko, walang naging dahilan para kami maghiwalay ng landas (knock on wood, heh, heh, heh!) Sabi ko pa noon, kapag dumating ang ganoong situwasyon sa akin, ibibigay kong lahat ang mga anak ko sa kanilang ama at bahala sila sa buhay nila! Kung magagawa ko ito kung nangyari man iyon, that is the question. Parang to be or not to be, that is the question. Whether it’s nobler in the mind to suffer the slings and arrows of outrageous fortune or to take arms against a sea of trouble and by opposing, end them! Na dalawang klase ang pakikipaglaban. Sagupain ang problema at hanapan ng solusyon. O talikuran at iwanan ang sanhi nito.

Sa madali’t sabi, noon, nagtitiis ang aggrieved party sa isang pag-asawahan kapag dumarating ang ganoong problema sa kanilang buhay. Pero, ngayon, naiiba na ang ihip ng hangin.

Wala nang martir. Kaya nga naghihiwalay ang iba ay dahil na nga sa mga bata, alang-alang na nga sa mga anak. Basta maganda ang paghihiwalay, nagkakasundo, nagkikita-kita pa rin, may communication, parang mas healthy sa mga bata. Lalo at nagdaan sila sa mga counselling at naipaintindi sa kanila ang mga dahilan kung bakit nangyari ang paghihiwalay. Lalo at alam nilang hindi naman sila ang rason ng break-up.

Nagagamot ang pride. Hindi naman ikaw lamang ang hiwalay, ang dami na riyan. Matataas na tao. Mga artista. At mga ordinaryong tao, mga kakilala. Parang wala nang batik na nakakabit sa katauhan mo, nakipaghiwalay ka man. Signs of the times? Hindi ko sinasabing mainam o maganda ito. Sinasabi ko lamang na ito’y nangyayari ngayon. Na di ko pa rin ninanais na mangyari sa aking pamilya.

At ang mga mag-asawa ngayon ay kapwa na naghahanap-buhay. Kapwa na kumikita. May kani-kaniyang pera. Malakas na ang loob ni Mommy, dahil hindi na siya umaasa sa suweldo ng asawa.

Iyan ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit wala sa bokabularyo ng mag-asawa noon ang pakikipaghiwalay at ilang dahilan rin kung bakit kaya na nila itong gawin ngayon.

Ngunit bakit naghihiwalay ang mag-asawa? Marami ring dahilan kung bakit nag-aaway ang mag-asawa na nauuwi sa paghihiwalay. Ilan diyan ang third party. Ang seven-year itch daw. Ang midlife syndrome. Ang paksang magiging tampok sa aking susunod na kwento para sa buwan ng Oktubre ay isang dahilan ng pag-aaway na totoo at karaniwang nangyayari sa kasalukuyan. Na higit na nakikita ngayon, kaysa noon.

May kakilala ba kayong ganito?

Abangan…

Monday, September 22, 2008

ROMANTIC SEPTEMBER, MY SEPTEMBER...

ROMANTIC SEPTEMBER

Parang pinagtiyap, serendipity o synchronicity, mayroong mga pangyayari na naganap ngayong buwan ng Setyembre, na sabi nga’y nagkatugma-tugma. Una sa lahat, ito ang wedding anniversary month ko.

September Song… September in the Rain… mga classic at all time favorites na awitin. September! I like the sound of it. Aside from the fact na siguro noon, ito ang time na ready na kaming tumugpa sa buhay may-asawa, physically, mentally, financially, parang romantic ang dating ng September. Kaya, sa buwan ngang ito kami napakasal. Sa awa ng Diyos, still going strong pa rin naman ang aming union.

Ngayong September, nagdaos ng kanilang ika-50 anibersaryo ng kasal ang isang malapit naming kamag-anakan. Limampung taon! May joke nga rito. Isang husband daw ang nagtatalumpati sa isang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo. I’ve been married for forty long years… and I’ve been very happy (at nag-pause pa sandali ang pilyo, saka isinunod)… for the first ten years! Theirs (ang kamag-anak namin) is not a perfect union. They had their ups and downs, financially and emotionally. Ngayon, they could look back and admit and accept kung anuman ang kanilang pinagdaanan. And proudly, they announced to all of us who attended the celebration, that because they had each other during those trying times, they survived and could now claim theirs is a happy and lasting marriage. Keyword: they had each other.

Kamakailan, kapapasok ng buwan ng Setyembre, may nag-text sa akin. She’s been thinking of me daw, matagal na kaming hindi nagkikita o nagkakausap. She belongs to the generation of my daughter but somehow, she and I developed a kind of confidant/listener relationship. She confides, I listen. I put in my cent’s worth of opinion, she listens, though not necessarily agreeing to what I say. We discuss things, family and relationships and all that. There was a time that we burn the wire talking in the phone. She, just to unwind and I, just to listen. Somehow, she feels good afterwards. Then, later, she made her decision. Their decision. After much soul-searching and counselling. They went their separate way and household. But still, they arrived at a certain arrangement where a semblance of a family life is maintained for the sake of the children. It saddens me for they are both close to me. But up to now, this is still the situation. Naisip ko lang, here’s a text about this estranged couple and here’s an invitation to a 50th wedding anniversary celebration.

Pero hindi rito natatapos ang September affair. Before the end of the month, I will be attending another occasion. A wedding. The second time around. Don’t start singing “love is lovelier the second time around”, because it is not so. This young lady is marrying for the second time after she had her first marriage annulled. She did not stop after separating from her husband. She went on with her life, pursued a career, and somehow, somewhere, she met another guy. After sometime, she decided she is now ready to take again the plunge. I don’t know how true this is that the two met at the office of the annulment lawyer both were consulting, but I just hope and pray that whatever mistakes they did in their past relationships, they now should avoid to make a success of this one.

Young couples separating… remarrying… and one couple celebrating a milestone… how romantic can the month of September be!


My September!

Tuesday, September 16, 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS – September 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS – September 2008

PAGKALIPAS NG BAGYO

Medyo kakaunti ang tinanggap kong feedback ngayon, bagaman at ayon sa account login and control panel ko ay marami naman ang naging bisita sa nakaraang mga araw.

Ilan sa sampung top keywords and referrers na ginamit sa kani-kaniyang search engines ay ang sumusunod:

1. Banda ng musiko ng Hagonoy, Bulacan – Mayroon sigurong naghahanap ng impormasyon tungkol sa banda ng musiko sa google at nadaan siya sa Estrella, e, nagandahan siya sa pangalan ko, nagklik siya. At napunta siya sa aking blog. At binasa na tuloy ang “Karugtong ng Isang Mayo” kung saan may banda ng musiko na lumilibot sa karsada.

2, Simbahan ng Barasoain – Isa pa itong naghahanap ng impormasyon tungkol sa simbahan ng Barasoain, bumagsak sa aking blog. Nabanggit ko kasi ang simbahang ito sa “Sino Ba ‘To?” na isang posting tungkol sa sino ba ako.

3. Plamenco – Ito ang masaya. Nagulat ako. May naligaw sa aking blog dahil nagse-search siya siguro tungkol sa mga Plamenco. Agad akong nag-google ng Plamenco at doon ay nakita ko si Vice-Gov. Rely Plamenco, saka ang Brooklyn specialist, primary care doctor and internist na kapatid niya, si P. Plamenco. So, nag-scroll ako at hinanap ko kung paano may napunta sa aking blog. Aha! May comment pala si Doc tungkol sa “Tampuhan” ni Luna, na nagustuhan ng kanyang mahal na esposa. Iyon ang nagturo sa kung sinuman iyong nagsa-surfing para makabisita sa aking “bahay”…e… blog pala.

4. Santakrusan, singkaban, sangkutsa, nangangasera – ito ang mga hinahanap nilang impormasyon, for whatever purpose, sila lamang ang nakaaalam, pero, naligaw tuloy sila sa aking bahay. And they are most welcome.

5. Si Regina at Ako – ay isang kwento na nanalo sa Palanca marami nang taon ang nakalilipas. Ito ay kwento ng buhay. Ang balak ko dito ay sa isang koleksiyon ng mga iba ko pang kwento isama. Sa isang koleksiyon na ipalilimbag ko for a bigger audience, kumbaga. For publication.

Napansin ko rin sa mga bumisita ng nakararaang araw na hindi lamang ang current posting ang kanilang binabasa. Nagpupunta sila sa Archive at sa mga nakaraang posting, tulad ng Iskolar, Karugtong ng isang Mayo, Sino ba ‘To., Pag-ibig ni Dalisay, Labinlima Lamang, ibig nang Mag-asawa… at iba pa.

Sa mga visitor countries naman, may nakita akong nakatutuwa. Although public blog ito, ang originally invited readers ko na binubuo ng mga classmates, relatives at friends, ay karaniwang nanggagaling sa Philippines, USA, Canada at Australia. Pero, may mga bisita ako na nagmumula sa Italy, UAE, Spain, Saudi, Malta, Germany at iba pa na nalimutan ko na, kasi, after a while, nabubura na ang lista nila at ang mga current lamang ang nakalagay. Ang nakatutuwang parte nito ay kung paanong muli at muli kong nakikita ang mga visitor countries na ito. Na ibig sabihin, umuulit sila. Latest pruweba nga ay ang visitor from Germany na isang bookmarker na! Nakatataba ng puso, totoo po. Sana, dumami pa sila.

Narito ang ilang comments na natanggap ko:

-Thanks. I enjoyed very much. From RP

-Maganda ang story at nagustuhan ko ang ending. Lagi kong ina-abangan ang susunod na story. From M.

(Salamat po sa inyo. Huwag kayong madadala sa pagbasa at pagsasabi kung nagustuhan ninyo. Kasi, kumbaga sa halaman, ang feedback na tinatanggap ko ang nagsisilbing “pataba” o “tubig na dumidilig” upang manatiling masigla at ganado ako sa aking ginagawa. Pasensiya na po, tao lamang po ako, kailangan pa rin ng “stroking”. Alam n’yo na, nabasa ko iyon sa “I’m OK, you’re Ok”.

-Hay, salamat naman at nang matapos ang bagyo ay lumiwanag naman ang relasyon nila Tony at Nidia. Sabi nga ay palaging may mabuting dinudulot ang kahit na anong pangyayari sa buhay kahit na ito ay sakuna o kalamidad o kahit anong masama mang event. Tunay na tunay na nagaganap ang mga ganito sa buhay ng tao. Aabangan ko uli kwento mo. Regards and God bless. From C.

(Yes! Di nga ba everything happens for a reason. Minsan, parang the end of the world, pero, after a while, or a long while, lumiliwanag ang lahat. Kaso, tayo ngayon, nakikita na agad natin ito. Dahil siguro, mahaba na ang nalakaran nating buhay. Pero noong bata pa tayo (na kamakailan lamang, heh heh heh), masyado tayong impatient at agad nagre-react sa mga situation. Sana, ang mga bata ngayon, kung makababasa sila ng ganito, may matutuhan sila.)

-I enjoy reading your stories. I wish I could share it with my eldest sister, Generosa V. Castillo in the Philippines who was a short story writer in Liwayway when she was still physically healthy. You met her at Kuya Crispin's birthday party. She's the lady on the wheelchair that I brought in late. I remember her everytime I read your story and I can't help myself to stop my tears flowing. I can't really believe that my eldest sister who I knew as the smartest and the best writer in my family that I admire most can't even walk and move herself now. Gone were the days when she would ask me whenever I reached home from school, " How was your day, Baby?" I was the most madaldal in my family, then. I would tell everything that happened to me. She would refine my stories and add them to her collection, many of those were published in Liwayway and she used to give me balato. Piso.

She is the main reason why I always need to go home on Christmas.
I know we live only once and life is too short, we don't know when is the end of that gift of life the Almighty Father gave us. It seems I'm getting too emotional. Sana mai-share mo sa kanya ang mga obra mo. That will make her surely happy and I will surely feel happy to know she is happy because I love her so much.

A million thanks for sharing us your stories, From R.

(I took the liberty of posting in full your email. A million thanks to you also for your time, reading and enjoying my stories. Sana, we could still find a way to have your sister get access to my blog, thru any of your relatives’ email. Malapit na ang December. Shall we see each other again? Perhaps, sing with Crispin again? This coming October, my ka-duet is coming home from California. Abangan!)

Tuesday, September 9, 2008

PAGKALIPAS NG BAGYO – Katapusan



PAGKALIPAS NG BAGYO – Katapusan

HINDI lamang kasama ni Tony! Kundi katabi pa! Kaakbay sa upuan ang isang babae. Bata. Maganda. Seksi. Sa pagkakaupo’y nakasiksik kay Tony.

Hindi sana niya ito makikita kundi lamang inino ng kasakay niya sa bus. S’yado namang babae, wika nito. At sa sarili ay umayon siya. S’yado nga. At nalapit sila’t nahinto ang sasakyan at nakilala niya ang lalaki. Si Tony. At sa pagtingala nito at sa pagtingin niya ay nagkasalubong ang kanilang tingin. Hindi niya alam kung paano siya nakauwi sa Marikina. Kung paanong ni hindi tumulo ang kanyang luha sa pakikipag-usap kay Tony nang ito’y umuwi.

“Nais kong magpaliwanag…” sabi ni Tony.

Hindi siya kumibo.

“Biruan lang ang simula,” paliwanag ni Tony. “Bagong empleyada siya sa isang opisina. Sa gusali namin. Nagkatuksuhan. Siya … ang uri na tinatawag ng mga lalaki na…. na palaban. Game. At hindi man nagbabago ang damdamin ko sa iyo ay natukso rin ako. At lumawig ang aming relasyon… lihim sa aking mga kasama.”

“Alam ba niyang may asawa ka?” Patag ang kanyang tinig.

Tumango si Tony. “Hindi ko ipinagkaila. Ngunit iyo’y waring hindi niya ikinabahala.”

Siya naman ang napatango. “Kaya wala kang problema. Alam niya ang tungkol sa akin. Hindi ko alam ang tungkol sa kanya.”

Matapat si Tony. “Ang gayong situwasyon, para sa isang lalaki ay talagang katuksu-tukso. Inaamin kong ako’y naging marupok. Ngunit alam mo naman, marahil, na ang nangyari ay hindi isang reflection ng ating pagsasama.”

Napailing siya. Ang sinabi ni Tony ay hindi niya matanggap. “Ano’ng balak mo ngayon?”

“Kakausapin ko siya. At ipinakikiusap ko lamang, Nidia, bigyan mo ako ng pagkakataon.”

Sinalubong niya ang mga mata ni tony. “Tiyakin mo lamang ang iyong damdamin. Dahil… dahil ang pasiya ko sa bagay na ito ay matagal ko nang nasabi sa iyo. Noon pa man…”

Si Tony ay matagal na natigilan.

BIGLA ang pagliliwanag ng panginorin. Lumabas si Tony ng bahay. At si Nidia ay sumilip sa bintana. Ang araw ay waring nais pang sumikat, parang nagpupumilit maisingit ang liwanag sa tumatabing na makapal na ulap. Nawala ang angil ng malakabayong hangin na dala ng bagyo. Tumila ang ulan. Nasa mata sila ng bagyo.

Pinulot, itinabi ni Tony ang bumagsak na sabitan ng ilaw ng poste. Itinayo ang gumulong na basurahan. Sa ibayo ng sapa, natanaw ni Nidia ang mga maybahay na namumulot ng lumipad na yero. Nagtatabi ng mga nagibang dinding. Nagsusuhay ng mga bahay pang nakatayo upang ihanda sa darating na balik ng bagyo. Sa kanyang likuran. Ang tinig ng katulong. “Kain na muna, Ate.”

Muli, sa ulo ng hapag, naupo si Tony. Ngunit ito’y walang kibo. Waring nakikiramdam. Sa kanya. Katulad noon, nang mangyari ang bagyo sa kanilang buhay.

Nakipagkasira si Tony sa babaing iyon na nakita niyang kasama nito. Bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay. Muli, sa pagkain ng hapunan, madalas nilang makasabay si Tony. Ngunit wari, lagi silang walang kibo. Parang walang mapag-usapan. Parang kulang. Hindi kay Tony. Kundi sa kanya.

Damdam na damdam niya. Lalo na kung gabi, sa kanilang pagtulog ni Tony, kung ang bisig nito’y dadantay, pupulupot sa kanyang baywang, maghahanap at matatagpuan ang hinahanap, may nadarama siyang kakulangang gumagapos sa kanya, upang ang halik ay gantihan ng halik, ang init ng kapwa init. Wala. Wala. At siya ay nagpasiya.

“Makabubuti marahil na tayo ay maghiwalay.”

Nabigla si Tony. “Sa anong dahilan? Wala… wala na siya.”

Umiling siya. “Ako ang dahilan. Alam ko ring totoo ang mga sinasabi mo sa akin.”

“Kung gayon ay bakit? Sa kabila noon… hindi nagbago ang pagtingin ko sa iyo.”

Tumango siya. “Alam ko. Ngunit ako ang nagbago. Ang nangyari sa atin ay waring hindi ko matanggap. May kung anong nawala sa aking sarili. Kailangang mabalik sa akin iyon upang maging buo ang ating pagsasama. “

Sila ay naghiwalay. Tumira sa isang kapatid si Tony. Dumating, kinausap, pinakiusapan siya ng kanyang mga magulang, mga biyenan. Umiling siya. At nagpaliwanag din. “Kaya nga ho kami naghiwalay ngayon ay upang mapanatiling buo ang aming pagsasama. Upang matagpuan ang nawawala naming mga sarili. Upang maging normal ang aming relasyon.”

At pinagkasunduan nila ni Tony na dadalaw na lamang ito sa mga bata.

Nagpatuloy ang daloy ng buhay. Sa isang kamag-anakan na may negosyo, namasukan siya upang huwag mainip sa bahay. Ang isang maghapon ay kabagut-bagot kung walang asawang hinihintay pagdating ng hapon. At hindi naman niya mahihintay ang isang asawa na ang mga halik ay nais niyang tanggihan.

Natuto siyang mag-isa. Tumayong walang sinasandigan. Minsan, pumutok ang plantsa. Kinuha niya ang screw driver. Tinanggal-tanggal ang mga turnilyo. Ang naputol na kawad sa loob ng plantsa ay ikinabit. Simpli lamang pala. Nang muling uminit at magamit ang plantsa, may kasiyahan siyang nadama. Kaya kong mag-isa.

Maraming mumunting bagay ang natutuhan niyang gawin. Na hindi niya dating ginagawa. Kundi si Tony. Ang pumutok na fuse ng switch ng kuryente. Ang bisikleta ni Noel na natanggalan ng gulong. Ang nagbarang lababo. Ang pagtatrangka ng mga pintuan kung gabing bago matulog. Ang pagdakang gising kapag may narinig na kaluskos sa bakuran. At sa gabi, ang pagtulog nang mag-isa. Walang katabi.

Ang pagdalaw ni Tony ay isang okasyong pinakahihintay ng mga bata. Ngunit alam nilang iyon ay isang pagdalaw lamang. Hindi maaaring magtagal. Kaunting kuwentuhan. Saglit na paglalaro. Miryenda. At babay na, Noel… Rowena…. Cynthy. Kiss sa Daddy. Patuloy ang buhay sa pag-iisa. Sa pagpupumilit na makatindig na mag-isa. Walang pag-ibig na sinasandigan. Sukling kataasan sa nasaktang damdamin.

WALA pang kalahating oras sila sa panananghalian nang bumalik ang hangin. Sa pakiramdam ni Nidia, ibayo ang bilis, ang taglay na lakas. At walang kasamang ulan. Napatingin siya kay Tony. Nakatingin si Tony sa kanya. Tinging nagpahupa sa nagsisimulang alon ng pangamba sa kanyang dibdib. Naramdaman na lamang ni Nidia, pinisil ni Tony ang kanyang kamay. At ninanamnam pa niya ang tamis na nadama nang biglang tumayo si Tony. At malakas na nag-utos. “Dali kayo… labas diyan sa kusina. Nidia… ang mga bata! Lumipat kayo riyan sa kabila!”

Takbo si Nidia. Hila sa kamay si Cynthy. Sumusunod sina Noel at Rowena. Dala ng katulong ang isang silya na pagdaka’y isinandig sa tabi ng bakod. Unang sumampa si Nidia. Isa-isa namang kinuha ni Ester ang mga dumarating. Wala nang tanungan. O salitaan.

Pinapayapa ni Nidia ang mga anak, na nangangatog sa magkasamang takot at ginaw, nang maalala niyang bigla si Tony na nasa loob pa ng kanilang bahay. At nanganganib. Tumakbong pabalik si Nidia. Mabilis na pumakabila ng bakod. Bago siya nakapasok, narinig niya ang isang malakas na ingit. Ng ayaw na bumigay na kahoy. Haligi, dinding, kisame ng bahay. At hindi na siya nakapasok ng bahay. Dalawang matitipunog bisig ang kumulong sa kanyang katawan. Kinabig ang ulo niya. Isinubsok ang kanyang mukha sa dibdib. Hindi niya nakita, ngunit kanyang narinig. Tinangay ang bubungan ng kanilang munting bahay. Bumagsak ang kisame. Nabuwal ang mga dinding.

Wala na ang bagyo. Malamig, ngunit mahinhin ang dapyo ng hangin sa balat ni Nidia. Ang mga bituin ay waring ibinudbod na buhangin sa aliwalas na langit. Siyang nagsisilbing ilaw sa karimlan ng paligid. Itinuun ni Nidia ang ilaw ng hawak na flashlight sa kanyang dinaraanan. Bubog ng mga nabasag na plato, tasa, bote, bintanang salamin. Basang diyaryo at magasin. Pinulot ni Nidia ang isang nasalisod na kuwaderno. Ang writing notebook ni Rowena. Buhat sa likuran, narinig niya ang kanyang pangalan. “Nidia….”

Si Tony. At ang mag-asawang Bert at Ester. “Tayo na, Nidia…”

Ang init ng kape ay gumuhit sa sikmura ni Nidia. At wari, siya ay nagising. Bigla ang panginginig ng kanyang mga laman. Ang paghigpit-pagluwag ng kanyang lalamunan. At ang luha ay agos na hindi niya napigil. “Diyos ko, Diyos ko…. Bakit nangyari ito sa amin?

Naramdaman ni Nidia ang hagod ng palad ni Tony sa kanyang likod. Ang pisil sa balikat. Ang tinig ni Bert. “Napakalakas ng bagyo. Napakaraming nasira.”

Si Ester. “Ipagpasalamat na lamang natin na walang nasaktan. Diyan sa kabila ng sapa ay may namatay raw. Marami ang nasugatan.”

S Bert. “Ang bahay namin ay para sa inyo. Hangga’t hindi naaayos ang nasira sa inyo. O kung anuman ang iyong balak, Tony, sabihin mo lang, baka ako makatulong.”

Nahinto sa kalagitnaan ng likod ni Nidia ang humahagod na kamay ni Tony. “Malaki ang naging kasiraan. Ang kailangan namin ay isang panibagong loan. Kailangan ay malaking halaga…” may nanulay na kawalang-pag-asa sa tinig ni Tony.

“Maraming bagong bahay sa phase 2, dito rin sa atin.…Kung…kung ipagbili kaya…” alanganin ang tinig ni Ester, nais lamang kalamayin ang kanilang loob.

“Ipagbili!” Nagulat pa si Nidia sa lakas ng kanyang tinig. “Ayokong ipagbili. Mahalaga sa akin ang bahay at loteng iyan. Diyan lumaki ang mga bata. Iyan ang kauna-unahan naming pag-aari. Isang palatandaang nakatatayo kami sa sarili. Diyan namin ibinuhos ang lahat ng maibibigy namin. Salapi… at panahon….”

“At pag-ibig,” halos pabulong na sambit ni Tony. Naramdaman ni Nidia ang kasabay na pisil sa balikat ni Tony.

Humihingi ng paumanhin ang mga mata ni Nidia na itinuun kay Ester. “Masakit ang nangyari sa amin. Ang mapagayon na lamang sa isang saglit, wasakin ng bagyo ang lahat ng ari-ariang sinisinop mo, ay talagang nakasisira ng loob. Ngunit naisip ko, pagkatapos ng isang kalamidad… sunog, lindol, baha, bagyo… ang pinakamainam na marahil na magawa ng isang sinawing-palad ay ang pagyamanin ang natira niyang kabuhayan.”

Nilingon ni Nidia ang asawa. At nginitian. “Upang buuin. Ang nasira ay kumpunihin.”

Talos ni Nidia na alam ni Tony na hindi lamang bagyong sumira sa kanilang bahay ang nasa kanyang isip nang siya’y nagsasalita. Kundi pati ang nakaraang bagyo na gumawa ng guwang sa kanilang buhay.

“Bukas….magtatanung-tanong na ako tungkol sa bagong loan na maaaring kunin.” Masigla na ang tinig ni Tony. “Saka, maaaring itigil muna ang pagpapabayad ng amortization sa mga nasiraang may utang. Hindi kaya?”

Nagpatuloy sa pakikinig ang mag-asawang Bert at Ester. Sa pagsasalita at pagbuo ng mga balak ni Tony. At sa bawat sabihin ni Tony, siya’y tumatango. Oo. Tama. Kung mahalaga ang nasira ay kailangang muling pagyamanin.

At narinig ni Nidia, sumasalit sa madalang, mahinahong pagsasalita ni Tony, ang pukpok ng martilyo sa ulo ng pako…

sa mga tinatabingang dinding na nasira at sa nilipad na yero…

sa mga mumunting dampang sinalanta ng bagyo…

sa kabila ng sapa at sa kapaligiran.

Liwayway, Pebrero 22, 1971.

Monday, September 1, 2008

PAGKALIPAS NG BAGYO - Unang Labas



PAGKALIPAS NG BAGYO - Unang Labas

SA likod ng kurtina, sa siwang ng salaming bintana, hinagod ng tingin ni Nidia ang kanyang munting hardin. Yukayok na ang mga punong rosas. Buwal ang Lady’s corn. Bali ang Japanese umbrella. Nagkalat ang mga dahon ng mga San Francisco. At sa isang siwang ng tarangkahang bakal, nasilip niya, gugulung-gulong sa kaharap nilang lansangan ang basurahang dram. Itinumba ng malakas na hangin. Dala ng malakas na bagyo.

Tumiyad si Nidia at tinanaw ang sapa na kaagapay ng lansangan sa harap ng kanilang bahay. Apaw na ang sapa. Lubog na ang munting tulay na tabla na siya nilang tawiran patungong highway ng Sumulong, sakayan ng traysikel. Papuntang kabayanan at palengke ng Marikina. At bigla, napapikit si Nidia. Ang maliit na bahay sa may puno ng tulay ay kitang-kita niyang parang laruang inihiga ng dumadambang hangin. Buhat sa kung saan, may bubungang lumipad. Kasunod ang dinding. Mga yero. Parang alpombra ng mga mahikong sumisisid sa papawirin. Sa kinakaliwa ng kanilang bahay, ilan pang dampa ang napaluhod. Napaupo. Napahiga. At bago nahila ni Nidia ang hawak na kurtina upang isara ay nakita na niya nang bumagsak ang malaking ilaw sa posteng nakatayo sa kanilang harapan. At sa tunog lamang ng mga nabasag at tumilapong salamin niya nalaman na ang ilaw ay may tinamaan. May bagay na binagsakan.

Sa muling pagsilip ni Nidia, nakita niya ang isang lalaki. Bumababa sa isang kotseng nakaturo sa kanilang tarangkahan. Ang kotse ay sa kanila. Ang lalaki ay si Tony. Umuwi si Tony. Sinagasa ang bagyo upang tingnan sila. Siya. Ang kanilang anak. Ang kanilang tahanan. Napasandal sa dinding si Nidia. Mariing napapikit.

GINISING si Nidia ng tunog ng masinsing patak ng ulan sa bubungang yero. At ng balita sa radyo. Malakas ang bagyo. Ang babala bilang dalawa ay nakababa sa Maynila at mga karatig. Kasama ang Marikina sa karatig.

Sa pag-aalmusal katabi nila ang radyo-transistor. Walang pasok ang mga mag-aaral. Pumalakpak si Noel. At si Rowena. Pati si Cynthy na hindi naman pumapasok sa eskwela. Inilingan ni Nidia ang mga anak. “Malakas ang bagyo,” aniya. At ang mga bata ay natahimik.

Sa siwang ng bintanang jalousies ay sinilip ni Nida ang kapaligiran sa labas ng kanilang tahanan. Lumalakas ang ulan. Lumalamig ang hihip ng hangin. Sa kanyang likuran ay narinig niya ang tinig ng katulong. “Papasok ka pa ba, Ate?”

Kinagat ni Nidia ang dulo ng kanyang hintuturo. “Iniisip ko pa…”

Sa tarangkahan ng bakuran ay may sumigaw. Diyaryo! Lumabas si Nidia at kinuha ang diyaryong nakapatong sa ibabaw ng pader na bakod. Tinunghayan at hinanap ng mga mata ang putul-putol na guhit na naghihimatong ng daan ng bagyo. Ikalawa ng hapon sa Lucena. Kung tutuloy ng Lucena. Kapag lumiko’t nagbago ng landas ay ikalawa ng hapon, o maaga pa, sa Maynila. Tinatayang higit na mapaminsala ang dumarating na bagyo. Pinapag-iingat ang lahat.

At si Nidia ay nakaramdam ng pangamba. Pangamba sa pag-iisa. Walang kasamang maaasahan. Ang kauna-unahang pangambang nadama niya, mula nang sila ay maghiwalay ni Tony. Kung narito sana si Tony.

“Hindi ako papasok sa opisina,” sabi niya sa katulong. “Ang dalawang dram ay linisin mo’t punuin ng tubig. Lahat ng maaaring sidlan ng tubig ay lagyan mo. Tiyak na mawawalan ng kuryente at hindi gagana ang water pump ng village.”

Hinalungkat ni Nidia ang kabinet na lalagyan ng groseri. At siya’y nagbihis. “Mamimili ako. Diyan lang. Ang mga bata….” habilin niya.

Sa labas ng bahay, higit ang lamig ng hangin. Higit ang lakas. Makabutas-payong ang patak ng ulan. Sa groseri ng village ay namili si Nidia ng mga pangunang gamit sa bahay na kakailanganin pagdating ng bagyo. Karagdagang gas, kandila, baterya para sa flashlight, mga de-lata, pan-amerkano sa dahilang tiyak na hindi magrarasyon ng pandesal ang magtitinapay, itlog, gulay.

Nang dumating si Nidia sa bahay, ang babala bilang tatlo ay ibinaba na sa Maynila at mga karatig. At hindi pa naiaayos ng katulong ni Nidia ang kanyang mga pinamili ay nawalan na ng kuryente.

Lumabas si Nidia sa bahay, nilibot ang munting bakuran. Ang mumunting puno ng mga rosas ay sinuhayan, itinali ang matataas na sanga sa rehas ng bintana. Sa kabilang bahay, narinig niya ang kanyang pangalan. “Nidia…”

“Hindi ka pala pumasok.” Si Ester ang bumati. Kaibigan at kapit-bahay.

Ikinibit ni Nidia ang kanyang mga balikat. “Mahirap itong nag-iisa.”

Hindi kumibo si Ester at itinuloy ni Nidia ang ginagawa. Sa pintuan sa kusina ay nasalubong niya ang kanyang katulong, dala ang kalderong saingan. “Butas pala’ng sisidlan ng gas ng ating kalan, Ate. Makikiluto na lang ako dyan kina Ate Ester.”

Ang kalang pang-emerhensiya na iniwanan ng katulong ay hinarap ni Nidia. Binomba’t nilagyan ng pressure. Ssssttttt…. Buhat sa kung saan, lumalabas ang hangin. Ang apoy sa kusinilya ay namamatay. Saglit, nag-isip si Nidia. Pagkuwa’y kinulapulan ng bula ng sabon ang tanging butas na maaaring labasan ng hangin ng kalan. Ito’y ang takip sa butas sa buhusan ng gas. Muli, binomba niya ang kalan. Ang bula ay lumaki’t pumutok. Aaa…. Ang butas ay nasa takip. Ang gomang washer sa takip ay kanyang pinalitan. Ang kusinilya ay muling sinindihan, Tskk tskk tskk… huni ng apoy na nagbabadyang ito’y nasa ayos. Ang kasiyahan ay namuno sa dibdib ni Nidia. Kaya kong mag-isa…

Sa may pintuan, ang katulong ay sinigawan ni Nidia. Ngunit ang kanyang tinig ay hindi marinig sa kabilang bahay. Nilulunod ng malakas na angil ng dumaraang hangin. Ng tunog ng patak ng ulan sa bubungang yero. Ang pinto ay kanyang isinara.

MAY dugo sa noo at sa kamay si Tony. Nagsigawan ang mga bata. “Daddy!”

Naningkayad si Tony. Tinanggap at ginantihan ang yakap at halik ng mga anak. “Kumusta? Kumusta kayo? Wala bang…”

Iniwasang salubungin ni Nidia ang mga mata ni Tony. “Mabuti kami. Ikaw? May sugat ka…” tinungo ni Nidia ang medicine cabinet. Kumuha na alkohol, bulak, merthiolate.

Kasunod niya si Tony. “Sa kotse bumagsak ang ilaw ng poste. Nabasag ang windshield. Buti’t naagapan kong takpan ang aking mukha.”

Kasunod ni Tony ang mga bata. Ang madaldal na si Cynthy. “Daddy… Daddy…. Di ka na aalis? Dito ka na titira?”

Hindi sumagot si Tony. At ang malaki nang si Noel, ang wari’y nakauunawa nang si Noel, ang nagsalita. Sumaway sa bunsong kapatid. “Tigil na, Cynthy. Dumadalaw lang si Daddy, di ba, Daddy?”

Nang dampian ni Nidia ng bulak na basa ng alkohol ang nasugatang noo ni Tony ay nagtagis ang mga bagang nito. Nagngalit ang ugat sa may pilipisan. At alam niyang iyo’y dahil sa hapdi ng sugat. Hindi ng noo. Kundi ng damdamin.

Kung may higit na dapat masaktan ay ako. Hindi siya. Ang kanya’y reaksiyon lamang sa aking reaksiyon. Tumatakbo ang isip ni Nidia. Pabalik sa nakaraan. Isang taon, mahigit, ang nakalillipas, nagkasala si Tony sa kanilang pagsasama. Ang pinakamabigat na kasalanan na magagawa ng isang lalaki sa kanyang asawa. Ang magkaroon ng ibang babae sa kanyang buhay.

Nang dalaga pa siya’t binata si Tony, nang ang pag-ibig nito ay kanyang tinugon, kasama niyang sinabi ang kanyang paniwala tungkol sa bagay na ito. ‘Girlfriend mo na ‘ko ngayon, Tony. At magiging girlfriend mo hanggang sa maging asawa mo ako… kung patutuluyan mo ako.”

Sagot kaagad si Tony. “Kung gusto mo’y pakasal na tayo ngayon.”

Pormal niyang tiningan ang katipan. “Huwag kang napakabilis. Iyan nga ang gusto kong iwasan sa relasyon nating dalawa. Alam mo’y hindi ako naniniwala sa whirlwind romances.”

“Ibig mong sabihin,” at nanlaki ang mga mata ni Tony, “whirlwind pa itong romansa natin? Dalawang taon kitang niligawan, puwera pa iyong panahon ng pagiging magkaibigan natin?”

“Hindi nga,” sagot niya. “Dahil ayaw ko nga nang mabilisan. Dahil ayaw ko nang sisihan sa dakong huli.”

“Wala akong dapat pagsisihan,” Nanunuot ang kataimtiman ng tinig ni Tony. “Ewan ko lang ikaw.”

Maagap siyang sumagot. “Tiyak ko ang aking damdamin. Kung sakaling hindi tayo magkatuluyan, hindi sa akin magmumula. Sa iyo lamang.”

Umiling si Tony. “Hindi sa akin. At kung hindi sa iyo, wala tayong dapat ikabahala. Tayong dalawa ang magiging magkapalaran.”

Tumango siya. Sana nga. Kaya lang, kung sakali at sa panahon ng ating pagiging magkasintahan, ay madama mong nag-iba ang iyong damdamin para sa akin, huwag kang mag-atubiling lumapit. Sabihin mo sa akin nang tapatan. Talagang ganoon ang tao. Kung minsan ay nagbabago.”

Ang tututol na si Tony ay sinansala niya. “Ipinakikiusap ko lamang, Tony, huwag mong gagawin sa akin ang karaniwang ginagawa ng mga lalaking nais iwanan ang kanilang girlfriend. Ang paggawa ng mumunting dahilan upang pagsimulan ng away. Tulad nang hindi pagdating kung inaasahan. Pagkalimot sa mga importanteng lakad o okasyon. Ang pambabaligtad. Siya na ang may ibang nagugustuhan, ay ang babae pa ang pagbibintangan. Prangka ako. Tony. At marunong namang makinig sa katwiran. Isa pa, ang pagkawala ng pag-ibig ay hindi na dapat pangatwiranan. Kung wala’y ano ang magagawa natin? Sabihin mo lang.”

Panay ang iling ni Tony. “Hindi mangyayari sa atin iyon. Ngunit tama ka. Dapat tayong maging matapat. Kaya ikaw rin, sabihin mo lang, kung ayaw mo na rin sa akin.”

Ang kanilang pinangambahan ay hindi dumating sa kanilang buhay. Isang taon, matapos ang usapang iyon, ikinasal sila ni Tony. Isang tahimik, munting kasalan, na sinundan ng pulutgata sa isang pangunahing otel sa Baguio. Ngunit sa gitna ng kaligayahang dulot ng katuparan ng kanilang pag-ibig, nakuha pa rin niyang ungkatin ang tungkol sa bagay na iyon.

Sa pagitan ng mga halik ni Tony, pinilit niyang magsalita. “Tungkol du’n…”

Halik si Tony. “Saan?”

“Sa usapan natin. Nu’n…”

Halik na muli. “Na ano?”

Tinukop niya ng palad ang mga labi ni Tony. At ito’y natigil ng paghalk sa kanya at sinabi niya ang ibig niyang sabihin.

“Iyon?” Nangunot ang noo ni Tony. “Naiisip mo pa ang bagay na iyon? Ngayon? Kasal na tayo.”

Umiling siya. “Walang ipinagbago ang mga pangyayari. Higit nga lamang na lumubha kung may magbabago ng damdamin sa ating dalawa. Dahil tayo’y mag-asawa na ngayon. At sa pagkakaroon ng anak, malaking kumplikasyon.”

Nagsindi ng sigarilyo si Tony. “Ngayon?”

Yumakap siya kay Tony. “Kung dumating ang panahong mawala ang pagtingin mo sa akin, tulad nang nasabi ko na’y lumapit ka lamang sa akin. Magtapat ka. Masakit man sa akin, ibbigay ko ang iyong kalayaan.”

“Hindi mo na ipaglalaban ang iyong pag-iobig? Ang iyong karapatan bialng asawa ko? Ina ng aking mga anak?” Nanunulay ang hinanakit sa tinig ni Tony.

Hinigpitan niya ang yakap sa nakatalikod na si Tony. “Mula pa nang sagutin kita’y ipinaglalaban ko na ang aking pag-ibig. Sa pamamagitan ng pag-aalaga sa ating pagsasama. Sa pamamalaging maganda at kaakit-akit ako sa iyo. Kausap at tagapakinig. Kaibigan at kasintahan. Katapatan at hingahan ng mga nasasaloob….”

Hinarap siya ni Tony. Ang sigarilyong hawak ay idinuldol sa sinisera. Mahigpit siyang niyakap. “Hindi mangyayari sa atin iyon. Alam kong hindi magbabago ang damdamin mo sa akin. At ipinangangako kong hindi mag-iiba ang pag-ibig ko sa iyo. Ikaw lang, Nid.”

Ang yakap ng asawa ay ginanti niya nang higit ang higpit. “Gagawin ko ang lahat upang ako lamang ang iyong ibigin. Ako lamang. At kung sakaling sa kabila niyon ay iiwan mo pa rin ako, matitiyak kong talagang wala ka nang pagmamahal sa akin. Wala na. At kung wala na’y marapat lamang na kita’y pawalan. Masakit man sa akin. Ikamatay ko man. Dahil… dahil hindi kita maaaring pigilin. Hindi ako magiging pulubi…”

Umiyak siya noon at ang kanyang luha ay tinuyo ng halik ni Tony. Na may kasamang bulong. Hindi… Hindi…. Hindi….

NARAMDAMAN ni Nidia na nananakit ang kanyang kamay. Saka lamang niya napansin at nagulat siya, mahigpit na hawak ni Tony ang kanyang kamay. “Bakit?”

Binitiwan ni Tony ang kanyang kamay. “Natigilan ka. Matagal. Kaylalim ng iyong iniisip.”

Ang mga ginamit sa panggagamot ay iniligpit ni Nidia. “Nakatatakot ang bagyo.”

Lumapit si Tony sa may durungawan at sumilip sa siwang ng kurtina. Sinindihan ni Nidia ang kalang de gas at nagsalang ng sinaing. Dagdag sa niluluto ng katulong sa kapit-bahay. Sa mga pinamili ay kumuha siya ng isang latang corned beef. At patatas, kamatis, maraming sibuyas. Paboriting pagkain ni Tony. Liberation baby daw kasi ito, pamalita sa kanya.

At siya’y magtatawa. Kung di ko pa alam, tapos ka na ng high school nang dumating ang mga Hapones.

Oy, naku, hindi po! Hindi pa ako nag-aaral noon.

Hindi raw, kaya pala, pag dumadaan kamo kayo sa sentri ng Hapones, abot sa lupa ang yukod mo.

Baka hindi ako iyon. Baka ikaw. Sabi mo pa nga’y tinuruan kayo ni Miss Reyes ng its ni san si go rok sits hats.

Aba, ba’t mo alam? Akala ko ba’y 1945 ka ipinanganak. Yun pala’y 1935.

Hoy, anong ’35. Para thirty kuwan lang naman, e…

Anong saya nila noon ni Tony. Ang unang taon ng pagsasama. Sa isang apartment sa Quezon City. At natuto silang mamahay nang sarili. Huminto siya sa pagpasok sa opisina. Inasikaso niya ang kanilang bahay. Kailangang maayos, iyon ang gusto ni Tony. Ang mga gamit ay nasa kanya-kanyang lalagyan para madaling makita pag kailangan. Nag-aral ng mga mga lutong gusto ni Tony. Basta at tungkol din lamang sa bahay, walang mairereklamo si Tony. Areglado. Pati badyet. At pati naman siya ay areglado rin. Bahagya lamang ang inilaki ng baywang. Bagay lamang sa laki ng balakang. Maayos sa pagbibihis. Mabango. Lagi. Lalo na’t gabi sa pagtulog, katabi ni Tony. At si Tony ay inspirado. Tuloy ang asenso sa trabaho. Ang taas ng suweldo. Sa pagitan nina Noel, Rowena at Cynthy, nakakuha sila ng bahay sa Marikina. Nakabili ng kotse. Maligaya sila. Hanggang dumating ang bagyo. Ang kauna-unahang bagyo.

Ang simula ay ang bowling tournament sa opisina. “Kailangang naroon ako,” sabi ni Tony. “Mga tao ko ang lumalaro.”

Iyon lamang pala. Bale-wala sa kanya iyon. Sige lang. Hanggang matapos ang tournament at patuloy na ginagabi, sa pag-uwi si Tony. “Maraming trabaho..”

Maaari. Sa pwesto ni Tony sa Sales, laging marami ang trabaho. “Baka kung mapano ka,” paalala pa niya. Ang pagiging mabuting maybahay ay ipinagpatuloy niya. Maayos sa bahay. Intelehenteng kausap, mabango lalo na kung dumarating si Tony. At habang lumalaki ang kanyang mga anak, naging mabuti pa rin siyang ina..”

Hanggang isang araw, hindi nakaplano, may kung anong inasikaso siya sa Maynila, nakita niya si Tony, nakasakay sa isang taksi, hindi sa kanilang kotse, at may kasama.

(Sabi sa isang kanta, into each life some rain must fall, ang hirap lang, sa iba ay bagyo ang dumarating sa buhay ng mag-asawa. Ang totoo ay marami namang klase ang bagyo. Nariyan ang bagyong financial, Like, nawalan ng trabaho ang breadwinner ng pamilya. Mga reversal of fortunes, nalugi ang negosyo. O malubhang pagkakasakit. Aksidente. Addiction. At iba pa. Dito pumapasok kung ano tayo. Kung paano ito haharapin. At dadalhin. Kung padadala tayo sa simbuyo ng damdamin. Talo agad kapag ganito. Pero, sabi nga, anumang advice ng sinuman, e, easier said (or listened to) than done! Tayo pa rin ang makapagpapasiya ng hakbang nating gagawin. Kadalasan, it takes time. Or see things happen. But, we get there….

Abangan ang katapusang yugto ng PAGKALIPAS NG BAGYO.)