Tuesday, August 26, 2008

PAGASA KOMIKS ni Eve

Si Neneng at ang Bagyo - Illustrated

SI NENENG AT ANG BAGYO

SI NENENG AT ANG BAGYO

Si Neneng at ang Bagyo. Si Neneng at ang Bulkan. Si Neneng at ang Lindol. Ito ay titulo ng isang komiks na ginawa ko para sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), Department of Science and Technology, noong 1989. I was commissioned to write a sort of an illlustrated script about disaster preparedness, using a human interest story (fictional) that will hold the interest of the readers, so they may read on. At that time, it was their experience that giving handouts about disaster preparedness did not entice the people to read on. So they wanted a comics, na parang telenobela ngayon, na susubaybayan o tuluy-tuloy na babasahin para malaman ang katapusan.

And so, I did some research on all the subjects. Then, you could ask me anything about typhoon and I could answer it, complete with statistics: kung ilang bagyo ang karaniwang nabubuo taun-taon (22), kung ilan ang karaniwang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (19), at kung ilan ang karaniwang tuwirang tumatama sa bansa (9). Na noon (nagkaroon na ng pagbabago ngayon), may apat na grupo ng mga pangalang karaniwan nang nagtatapos sa ing, tulad ng Ibiang, Huling, Pining, na ginagamit sa bagyo na inuulit lamang tuwing ikaapat na taon; Na kapag lubhang mapaminsala ang isang bagyo, kinakaltas na ang pangalan nito at hindi na muling ginagamit upang matandaan ng mga tao ang nasabing bagyo, tulad nang bagyong Dading noong Hunyo, 1964. At marami pa akong natutuhan tungkol sa bagyo, kasama na rito ang pagkakaiba ng storm surge at tsunami.

Panahon na nga ng bagyo sa Pilipinas ngayon. Kaaalis lamang ni Karen. Ngunit ang isang bagyo na natatandaan kong mabuti ay ang napakalakas na bagyong nagbuwal ng malalaki at matatanda nang punong-kahoy at poste ng kuryente, nagbaklas ng mga dingding ng bahay, nag-alsa at naglipad ng mga bubungan. Nakita ko ang malaking pinsalang dulot nito.

Ang susunod kong kwento ay tungkol sa bagyo. Pisikal na bagyo na may taglay na hanging sumisira ng mga bahay at pananim. At ang uri ng bagyo na minsan ay dinaraanan ng mga mag-asawa sa kanilang buhay. Ang bagyo na kapag hindi napagtagumpayang lampasan ay sumisira sa pagsasama, tulad nang kalawang sa bakal. Na kung hindi ganoon katibay ang pagmamahal sa isa’t isa, ay napapatangay sa damdaming nasaktan. Naalaala ko tuloy ang isa kong paboritong sonnet ni Shakespeare.

Let me not to the marriage of true minds
Admit impediments. Love is not love
Which alters when it alteration finds,
Or bends with the remover to remove:
O no! it is an ever-fixed mark
That looks on tempests and is never shaken;
It is the star to every wandering bark,
Whose worth's unknown, although his height be taken.
Love's not Time's fool, though rosy lips and cheeks
Within his bending sickle's compass come:
Love alters not with his brief hours and weeks,
But bears it out even to the edge of doom.

If this be error and upon me proved,
I never writ, nor no man ever loved.

Dumaraan ang bagyo, ang tempests
sa buhay ng mag-asawa,
Kung paano nila ito
harapin nakasalalay ang tagumpay
at tagal ng kanilang pagsasama.

Abangan ang kwento para sa buwan ng
Setyembre na nalathala sa Liwayway
noong Pebrero, 1971.
 
 
 
 
 
 
 

Monday, August 18, 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS – AUGUST 2008



COMMENTS AND FEEDBACKS – AUGUST 2008

ANG ULAN SA BUHAY NI LETY

Ang unang komentaryo na tinanggap ko sa kwento ni Lety ay isang pintas. Tama! Isang pintas. Ang taong ito, laging ganito ang kanyang feedback, pintas! Pinaiiyak daw siya ng aking mga kwento. Naluluha siya kapag binabasa niya ang mga ito. And he’s very much a macho man, totoo po.


-Read your latest kwento on Pepito, Lety and Zeny. Very well written and provided instant recall – scenes and feelings kapag umuulan, how it is to go through the episodes your characters go through. Isang pintas lang: Nakakalungkot!” Pero isinunod naman niya by way of explanation: Perhaps it is because memories from one’s life can come rushing back. But then, that is one of the gauges for the quality of literary pieces like yours. More power to you..
From B.

(Na naantig ko ang iyong damdamin, I consider it a compliment, thank you. Talaga namang ang ulan ay karaniwan nang may dalang lumbay sa ating buhay, kahit na nga walang dinanas na karanasan na tulad ng kay Lety sa kwento. Pero ang naaalaala ko sa ulan ay ang resulta nitong baha. Noon sa Malolos, kapag malakas ang buhos nito, sigurado na ang pagbaha sa dakong Liang sa Barasoain, sa Caingin, sa Sabitan. At dahil sabik ako sa tubig, malayo kami sa ilog, kapag baha nang ganito ay maglalakad na kami pauwi buhat sa haiskul at sa Liang kami nagdaraan. At habang naglalakad, pumapangos kami ng tubo na binili namin sa may pagbaba ng tulay ng Catmon. Sunod ay nagsho-shortcut kami sa paraang may tulay palabas sa San Vicente at palengke, na pinagkakatakutan namin dahil may kapre daw. Wow, memories!)

-Nabasa ko na ang katapusan ng kwento mo. Madali namang nakahanap ng kapalit ni Lety si Pepito. Naalala ko tuloy yung dorm mo. Wala na yata yun ngayon , ano. Parang kahapon lang nang dinadalaw ka ng love mo dun, hay........ Those were the days, my friend.....From C.M.

(Oo nga, pero talagang nangyayari iyon. Bibilib ka rin naman doon sa ipinalit ni Pepito kay Lety. She took a chance on love. Uy, kanta yata ng Abba ito sa Mamma Mia. Balita ko’y ipina-a-annul naman talaga iyong unang kasal ni Pepito, hindi lang makahintay si Lety. Ayyy, ano ba itong ikinuwento ko? Kathang-isip nga lang pala iyon :-))

-Memories of your dorm came rushing… From A.C.

(Nang sulatin ko ang kwentong ito ay Nobyembre, 1970. That was 38 years ago. Talagang sariwa pa sa aking alaala ang buhay-dormitoryo. Tumira ako sa dorm ng kulang-kulang sa sampung taon. Kaya, tunay na I breathe dormitory life, circa fifties/sixties. Ang buhay-dormitoryo ay buung-buong nailarawan ko sa first novel ko na inilathala ng Liwayway in the late eighties. God willing, I intend to publish this in book form. Abangan!!!)


- Masuerte si Lety sapagkat ulan lamang ang dumating sa buhay niya. Iyong iba nga bagyo at siyam siyam ang dumarating sa buhay. .Bukod sa maganda ang mga istorya, ,nahahasa rin ang aking tagalog. From P.

(Totoo ‘yan. At sabihin mo, pagkatapos naman ng ulan, lumilitaw ang bahag-hari. I am sure, sinuman ang nakakatulad ni Lety sa tunay na buhay, maligaya na siya ngayon.

Salamat din at hindi lamang pala nakaaaliw basahin ang aking mga kwento kundi nakatutulong pa in some ways. Dalawang text messages ang tinanggap ko along this vein.)

- Am one of ur before bed and upon waking up fans. Salamat sa iyong kwentong inuulan ng prinsipyo! Gagamitin ko cya sa sexuality class ko. Will keep u posted on feedback. From A.

(Mula sa isang isla sa Mindanao, ito ang text message ni A, isang idealistic and nationalistic young doctor na piniling mag-praktis ng kanyang propesyon sa piling ng mga karaniwang mamamayan sa baryo. Ang concern niya ay reproductive health ng mga babae at saludo ako sa kanyang ginagawa. Kung siya ay before-bed-and-upon-waking-up fan ko, ako naman ay her forever fan!)


Another text message came from a former staffer of Liwayway who is now in the teaching profession. She said she would endorse my blog to her students in Creative Writing for additional readings. Sana rin makatulong ito. Caveat ko lang, bear in mind na whatever I have written, then and now, ay bunga lamang ng sarili kong pag-aaral at pananaliksik at kumbaga, writing by ear (oido) lang. In this connection, I would like to reprint a comment by Liwayway Arceo, ang batikang manunulat ng Liwayway na in charge ng Pitak ng Bagong Dugo (new writers) noon, kung saan ako masasabing graduate in a way.

Pitak ng Bagong Dugo, Enero 9, 1961 – Liwayway Arceo


Lagi naming ipinapayo sa mga nagsisimulang sumulat na kung gagamitin ang unang panauhan sa isang kuwento, higit na mabisa na ang pangunahing tauhan, na nagsasalaysay ay kabaro ng awtor. Ngunit sa kuwentong handog namin sa inyo ngayon, ang panuntunang iyon ay sinira – at naging mabisa rin ang kuwento.

Ito’y nagpapatunay lamang na sadyang napakahirap magbigay ng pangkalahatang panuntunan sa pagsulat ng maikling kuwento. Sa katapusan nito, ang sariling pamamaraan ng awtor, ang kanyang kakanyahan sa paglalahad ng mga pangyayari, ang nagbibigay din ng buhay. Ang kuwentong ito ay tumuturol din sa isang paksang lumang-luma na – ang tatsulok sa pag-ibig – ngunit sa sariling pamamaraan ng sumulat, sa kanyang matipid at matimpi at naiibang paraan, ay nagawa niya itong bago… tila ngayon lamang mababasa.

Aywan lamang namin kung si EVELYN L. ESTRELLA, ay mulat sa katotohanang ginawa niya ang isang napakalaki at napakataas na pamantayang pansarili sa kanyang akda. Mangyari pang maghahanap kami ng nakahihigit dito… sa ibang araw…

Ang komentaryong ito ay kasama sa aking unang-unang kuwento na inilathala ng Liwayway sa kanilang pitak ng mga baguhang manunulat. Ang kasunod na komentaryo ay kasama naman sa ikalawang kuwento na aking isinumite sa kanila.

Pitak ng Bagong Dugo, Mayo 6, 1961 – Liwayway Arceo


Maraming nagtatanong sa amin: Ipinapayo ba ninyo sa mga nagsisimulang sumulat na gawing huwaran ang tinatawag na formula story?

Ang aming sagot: Hindi. Ang lagi naming sinasabi ay maging kayo kayo sa pagsulat; sa pagpili ng paksa at sa pamamaraan. Dito namin nasisinag ang mga tunay na manunulat, ang mga isinilang na manunulat, at ang mga naghahangad lamang na maging manunulat.

Isang halimbawang aming maibibigay, nang wika nga’y hindi man lamang kailangang kumurap, si Evelyn Estrella, na sa kanyang ikalawang kuwento ay nailipat namin sa dahon ng Inang-Liwayway. Sa kanyang unang kuwento pa lamang ay nagpakita na siya ng kakanyahan: ang kanyang pangunang tauhan ay lalaki, ngunit ang pangyayaring sinulat niya ang kuwento sa unang panauhan ay hindi man lamang nakabawas sa bisa ng katha. Sa mga manunulat na may sariling kakanyahan at katangian, ang mga patakaran ay hindi mailapat.

Hanggang ngayon, tuwing mababasa ko ang mga komentaryong ito ni LAA, sa itinago kong sipi ng lumang Liwayway, tumataba ang aking puso. Ito rin ang nagsisilbing inspirasyon sa akin sa mga panahong tinatamad na akong magsulat. Natatandaan ko pa ang una naming pagkikita nang harapan at ito ay nang tanggapin nila ang aking ikalawang kuwento. Pointblank niya akong tinanong kung ako ang sumulat noon. Sabi ko’y oo. Nagkataon namang may kausap siya noon na taga-Malolos, si Mabini Centeno, na kilala ang aming pamilya. Si Benny ang nagpatunay na nakatitiyak siyang ako nga ang sumulat, na sa palagay ko ay ibinatay lamang niya sa taglay kong apelyido.

Huli kaming nagkita ni Aling Lily sa Gabi ng Parangal sa mga nagwagi sa Carlos Palanca Awards for Literature noong 1998.

Lahat nang ito ay naisipan ko lamang balikan dahil sa nabanggit nga ng dating taga-Liwayway na i-endorso niya ang aking blog sa kanyang mga istudyante for additional readings. The honor is mine, pero dahil hindi naman base sa aking napag-aralan ang aking pagsusulat, baka magkaroon ng conflict somewhere. Alalaon baga’y, wala naman pala akong “K” – sabi nga. Muli kong inuulit, sabihin na lamang nating isa akong “storyteller”.

ISKOLAR – Pahabol na feedback

-Salamat at walang pangalang Eve, Maria, Clara, Tony, Amor o Rufing sa kwento mo! From RC.

(Heh, heh, ayaw mo ba noon, bida kayo. Ano kaya ang magandang titulo?
Driver’s Lounge?)

-Enjoy ako sa kwento mong Iskolar. Ang setting at mga nangyayari ay pawang totoo sa marami. Happy ending naman at hindi ako naiyak. From LE.

(Alam kong pamilyar sa iyo ang Recto at UE. Teritoryo natin iyon noon.)


-Marami akong mga kababata na nagkaroon ng mga Iskolar. Dalawang kababata ko na parehong mayaman, na sumakabilang buhay na. Ang istorya ay nang nakaburol ,may nakipaglibing na pamilya na hindi kilala ng mga tunay na pamilya ng mga pumanaw. Mga iskolar daw ito na …(ang naging bunga ay panibagong pamilya). Sa kahirapan, lalo na ngayon, palagay ko mas madalas pang mangyari ito. From P.

(Nangyayari pa rin nga…)


-Baka gusto mo namang isulat ang mga “iskolars” ng aming klase. Umpisahan mo kay P, ang then go to M. From B.

(Naku, baka bumangon si P. Si M naman ay hindi iskolar, mga pamangkin iyon…o apo!)

Monday, August 11, 2008

ANG ULAN SA BUHAY NI LETY - Katapusan


ANG ULAN SA BUHAY NI LETY - Katapusan

Napansin ni Zeny ang pagkawala ng kanyang sinsing. At ang pagkakaroon ng kapalit. Isang hugis kobra na ang ulo ay batong jade. “Talagang tuloy na,” anito.

Matipid ang kanyang ngiti. “Strictly platonic.”

Platonic. Isang mabuting pakikipagkaibigan, malapit na pagsasamahan, na ang pangunahing katangian ay ang kawalan ng damdaming seksuwal. Iyon, ang sabi niya kay Zeny. Ngunit ang totoo. Bawat tingin, bawat titig ni Pepito, ang mga di-sinasadyang paghahawakan ng kamay, pagbubungguan ng balikat, ang dampi ng palad sa kanyang bisig kapag inaalalayan siya sa pagtawid-tawid sa lansangan o pagbaba sa sasakyan… ang mga ito ay may hatid na kakaibang sikdo sa kanyang dibdib. At alam niya, gayon din ang nararamdaman ni Pepito.

Hanggang isang araw, sinundo siya sa opisina ni Pepito, niyaya siyang manood ng sine, at siya ay nagpaunlak. Madilim sa balcony. Ngunit panatag ang kanyang kalooban. Alam niya ang kanyang ginagawa. At husto na ang kanyang pag-iisip.

Nasa kalagitnaan sila ng pelikulang pinanonood nang hawakan ni Pepito ang kanyang kamay, gagapin nang mahigpit ang kanyang palad… at hagkan. Matagal, mariin. Saka ito nagyayang umuwi.

Sa dormitoryo, sa silid-tanggapan, sa paborito nilang sopa sa tabi ng piyano, may ipinagtapat si Pepito. “Tandaan mo, Lety, tapat ang aking hangarin sa iyo, kaya ko sinasabi ito. Maaaring maglihim ako, lokohin ka. Ngunit mahal kita. Nakahanda akong paligayahin ka, sa abot ng aking makakaya. Kung matatanggap mo ang isang lalaking katulad ko. A man with a past.”

Hindi na niya matandaan kung paano ang pagkalahad ni Pepito sa isang bahagi ng buhay nito na siyang pinakamahalaga sa relasyon nilang dalawa. Ilang taon na ang nakalilipas, isang babae ang dumating, nagpabago sa takbo ng buhay ni Pepito. Umibig ang babae rito. Marubdob. Ngunit walang katugon. Hindi marunong tumanggap ng pagkabigo ang babae. Si Pepito ay pinilit, pinikot. A, ang panahong iyon…

“Walang nangyari sa aming dalawa.”

Walang kakurap-kurap ang mga mata ni Pepito.

Hindi siya sumagot. May kung anong nakabara sa kanyang lalamunan. Lagus-lagusan ang kanyang tanaw sa dingding na kinasasandalan ng katapat nilang mga silya. Sa silid-tulugan, sa kabila ng dingding na iyon, doon ang kanilang munting daigdig nina Zeny. Bakit si Zeny ang nasa isip niya habang nagsasalita si Pepito. Ewan ko, sabi ng kanyang kaibigan, sa pakiramdam ko, si Pepito ay may ipinaglilihim sa iyo.

“Walang nangyari,” mariing ulit ni Pepito. “Hindi ko pinakisamahan ang babae. Nakasal lamang ako sa kanya, Lety, that much, nangyari sa amin. Ngunit ako’y malaya sa tunay na kahulugan ng salitang ito..."


A, ang panahong yaon... ang panahong yaon! Kay lalim ng kanyang buntong-hininga.


Si Pepito. "Wala siyang bahagi sa aking pag-ibig, sa aking pag-iisip. Ang katawan ko’y akin. At kung mamarapatin mo… ikaw ang makikilalang asawa ko. Buong puso kang tatanggapin ng aking pamilya. At hindi niya tayo gagambalain, ipinapangako ko. Matagal nang panahon, tinanggap niya ang katotohanang hindi naipipilit ang pag-ibig."

Umiling siya. Sunud-sunod. “Hindi. Hindi…”

Huminto na siyang makiharap sa pagdalaw ni Pepito sa dormitoryo. Ang tawag sa telephone ay hindi na niya sinagot. Ang mga sulat ay hindi tinanggap. Hanggang isang araw, hindi na dumating, hindi na dumalaw, hindi na tumawag o sumulat, si Pepito.

Iniyakan niya ang kaibigan. “Pinikot daw siya. Pinilit. Kung talagang ayaw niya, hindi mangyayari iyon…”

“Maraming dahilan, Lety. Hindi natin alam ang buong pangyayari. Ipagpasalamat mong siya ay naging matapat. Ang pagpapasiya ay ibinigay niya sa iyo.”

“Mahal na mahal ko siya. Ngunit hindi matanggp ng aking kalooban…”

“Sapagkat ikaw ay taong may prinsipyo sa buhay!”

Pinahid niya ang kanyang luha. “Talaga! Anong hinaharap ang makakamtan ko sa piling ng isang lalaking kasal na sa iba? Anong kinabukasan ang maibibigay ko sa aking magiging anak? A, mamatamisin ko pa ang tumandang dalaga’t tumira na lang habang buhay rito sa dormitoryo.”

Nagtawa si Zeny. “Bata ka pa, Lety. Ang nangyari ay isa lamang sa mga kalokohan ng mga tulad nating nakatira sa dormitoryo. Pakikipagkaibigan sa mga istranghero. Pakikipagsapalaran. At marami pang darating. Higit pa kay Pepito.”

“Kung makakalimutan ko siya…” malungkot niyang wika.


TILA NA ANG ULAN. Unti-unti, kumilos ang mga tao sa bangketa. Nagmamadali, kumaway si Pepito sa kanya. “Sige, mauna na ‘ko.”

Tumango si Lety. Balik na siya sa ngayon mula sa ilang saglit na balik-gunita sa kahapon. Saka niya napansin, may sinalubong si Pepito na babaing tumatawid, may akay na batang lalaki. Asawa? Anak? Lumingon si Pepito. Itinuro ang babae, ang bata. Ngumiti siya. Alam niya. Nauunawaan niya.

Pinara ni Lety ang dumarating na bus. Puno, hindi huminto. Nagsisimula na namang umulan. Papalakas. Malalaki ang patak.

Naisip ni Lety. Nadama niya sa kanyang kaibuturan. Hindi na yata aaraw, wala nang katapusan ang tag-ulan, sa kanyang buhay.

Muli, binuksan niya ang kanyang payong. At itinalaga ang sarili: Kay lapit ng dormitoryo ay gagabihin na naman siya sa pag-uwi.

Liwayway, Nobyembre 16, 1970

Monday, August 4, 2008

ANG ULAN SA BUHAY NI LETY – Unang Yugto



ANG ULAN SA BUHAY NI LETY – Unang Yugto

UMUULAN. Malalaki ang patak.

Pinagmasdan ni Lety ang suot na medyas. Basa, may tilamsik ng putik, naninikit sa binti. Nakisiksik siya sa mga taong nasa bangketa. Kumanlong sa nakabukas niyang payong.

“Payong n’yo, Miss…”

Pabiglang nilingap ni Lety ang nagsalita. Ang tinig na iyon, ang mga salitang iyon.

Isang maliit na lalaki, hindi hihigit sa dalawang dali ang taas sa kanya, maitim sa kayumanggi, balbaro, mabibilog ang mata, malalantik ang pilik.

Ikaw! Ang salita ay inihugis ng kanyang mga labi.

Saglit lamang natigilan ang lalaki. Pagkuwa’y kumislap ang pagkilala sa mga mata. “Lety! Kumusta?”

“Mabuti, mabuti.” Ngumiti si Lety. Sa pakiramdam niya, kumikinig ang sulok ng kanyang mga labi.

“Saan ka ngayon? Ilan na ang … ang baby mo?”

Tumawa si Lety.

Isang punuang bus ang huminto sa tapat ng bangketa. Hugos na bumaba, tumakbo at sumingit sa masikip nang bangketa, ang halos kalahati ng sakay. Umurong nang ilang hakbang si Lety. Naramdaman niya, may nakatapak sa kanyang sapatos. Nilinga niya ang kausap. Napalayo ito sa kanya, apat, limang tao ang pagitan nila. Lumingon ito. Nagtama ang kanilang mga paningin. Sabay, ngumiti sila.

Hinapit ni Lety sa kanyang dibdib ang dala-dalang handbag, ang basa, nakatiklop nang payong. Buhat sa kanyang kinatatayuan, ang tingin niya ay maputing-maputi ang masinsing patak ng ulan. Akalain mo, naisip niya.

Anong taon nga noon? 1958 ba? O 1959? Ilang taon na nga ang nakalilipas? Kalalabas nila ni Zeny, kaibigan at kasamahan sa dormitoryo, mula sa panonood ng sine (si Elvis Presley, tandang-tanda pa niya), nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sandali lamang, nagkatubig na ang gilid-gilid ng bangketa sa panulukan ng Avenida Rizal at Azcarraga na kinaroroonan nila. Azcarraga pa nga ba o Claro M. Recto na?

Tumayo at nakisiksik sila ni Zeny sa mga tao sa bangketa. Nanganlong sa nakabukas na payong. Nang humina ang ulan, bumaba sila sa dakong walang tubig upang tumawid. Itinaas niya ang kanyang…

“Payong ‘yo, Miss…”

Isang maliit na lalaki, hindi hihigit sa dalawang dali ang taas sa kanya, maitim sa kayumanggi, balbaro, ang nalingapan niya. Parang ipinako ito sa pagkakatayo sa gitna ng ulan, tutop ng kamay ang kanang mata!

Bigla, hinawakan niya ang bisig ng lalaki, ibinaba ang kamay na nakatakip sa mata. Ikinurap-kurap ng lalaki ang nasaktan, nagluluhang mata.

“Sorry…”

Hinila siya ni Zeny. Saka lamang niya napansin, nagpalit na ng ilaw ang trapiko. Hindi na sila makatatawid. Hinawakan niyang muli sa bisig ang lalaki. “Tena kayo…”

At bumalik sila sa bangketa.

Pepito ang pangalan ng lalaki na ang mabilog, malantik ang pilik na mata ay kanyang nasundot ng payong. Si Pepito ay kasabay na nilang umuwi sa dormitoryo ni Zeny. Para mapatakan ng eye-mo, pamimilit niya.

Binata pa kaya?” tanong niya kay Zeny, nang makaalis ito.

“Mukhang may edad na,” sagot nito.

Dalawampu’t limang taon si Pepito. Ang tamang edad na mayroon nang kasintahan. O kung maagang nakapag-asawa ay mayroon nang anak. Binata pa nga kaya si Pepito?

Kinabukasan ng dakilang aksidente, ayon nga kay Zeny, dinalaw siya ni Pepito sa dormitoryong tinutuluyan. Siya ay nabigla. Natuwa. Kinabahan.

“Napasyal ka?” bungad niyang bati.

“Gusto kong lumawig ang ating pagkikilala.”

Deretso, walang paliguy-ligoy kung magsalita si Pepito.

“Lumawig?” ulit niya.

“Gusto kong maging magkaibigan tayo.”

Ang katapatan ay nabasa niya sa mga mata ni Pepito. At ang kanyang sasabihin ay hindi na niya naisabibig. Kung binata ka, oo…

Araw-araw, pagdating niya buhat sa opisina, dinaratnan na niya si Pepito sa dormitoryo. Tahimik na nakaupo sa isang sulok ng silid-tanggapan, sa sopa na nasa tabi ng piyano. Isang buwan, dalawa, umabot hanggang tatlo, araw-araw siyang dinadalaw ni Pepito.

“Kung siya’y may asawa, hindi niya magagawa ang dumalaw araw-araw sa akin,” wika niya kay Zeny.

“E, kung ang asawa niya ay nasa probinsiya?” tanong naman nito.

At sa dahilang siya ay nagdadalang-hiya, kahit pabiro, hindi siya makapagtanong. Lumawig, lumawig, ang kanilang tumatamis, tumatamis na pagtitinginan.

Minsan, sinabi ni Pepito. “Gusto kong makilala ang iyong mga magulang at kapatid.”

At sinabi niya kay Zeny. “Kung siya ay may asawa, bakit niya nanaising makilala ang aking pamilya?”

Sa unang pagkakataon, walang maisagot ang kanyang kaibigan. Matagal na nag-isip. Kalaunan ay nagtawa. Bumulong sa kanya. “Nagtapat na ba sa ‘yo?”

Tatlong buwan na ngang singkad na dumadalaw si Pepito sa kanya ngunit wala naman itong sinasabi na nauukol sa pag-ibig. Kung anu-ano lamang ang kanilang pinag-uusapan. Marami itong kuwento, palibhasa’y palabasa. At mapagbiro. Walang nakaiinip na sandali sa piling nito.

Kung ang pagbabatayan ay ang dami at lawak ng mga kuwento tungkol sa sarili, na nasabi na sa kanya ni Pepito, masasabing wala nang lihim sa kanilang dalawa. Bukas nang aklat ang kanilang buhay sa isa’t isa.

“Sa aming bayan, isa kami sa mga pinagpipitaganan. Hindi sa dahilang kami’y makuwarta. Wala kami niyan. Iyong mga ninuno ng mga ninuno ng mga ninuno namin ang talagang mayroon…” nagtawa pa si Pepito.

“Ang sabi raw ng isang opisyal na kastila na naging kaibigan ng aking kauna-unahang lolo: Amigo, sumakay ikaw sa caballo, an malibot mon lupa, iyo!”

Hinagikgik siya ng tawa. “E, di maghapong naglibot ang lolo mo?”

“Sabi ko sa iyo,” tumawa rin si Pepito.

“E, ngayon?”

Umiling si Pepito. “Nasingitan kami ng isang henerasyon ng mga sugarol. Ang natira na lamang sa amin ngayon ay ang aming pangalan. Na sabi ko nga sa iyo ay pinagpipitaganan.”

Ang sabi ni Zeny. “Kung ako ikaw, Lety, ipagtatanong ko iyang si Pepito. Kilala pala namang pamilya. Kung bakit lamang sa nilaki-laki nitong dormitoryo ay wala ni isa man na tagaroon sa bayan nila. Mabuti na iyong nakatitiyak.”

Tumawa siya. “Ano ang dapat tiyakin? Magkaibigan lamang kami.”

Mapilit si Zeny. “Ano bang talaga ang natapos ni Pepito? At saan siya nagtatrabaho? Mahirap iyang ganyang klase ng pakikipagkaibigan. Aksidente lamang. Hindi mo talaga kilala.”

Nagkibit siya ng balikat. “Ang kinuha raw niya’y AB, pero hindi siya natapos. Hindi siya nag-oopisina dito sa Maynila. May kaunting negosyo siya sa kanila. Kaya siya narito sa Maynila ay dahil lamang daw sa ipinaaasikasong mga papeles ng kanyang ama.”

“Ama? O asawa?”

Nainis siya kay Zeny. Naisip niya. Bakit kailangang usisain ko ang kanyang buhay, wala namang namamagitan sa amin. Magkaibigan lamang kami. At kung totoo mang may asawa siya…

Pinung-pino ang kirot na naramdaman niya.

Isang araw, hiniram ni Pepito ang kanyang class ring. “Patingin lang…”

Ibinigay niya. Itinaas ni Pepito ang sinsing, sinipat sa liwanag. Ibinaba, tinunghayan. University of the… ang sinsing ay isinuot ni Pepito sa kanang palasinsingan. Hanggang pangalawang buko lamang. Ibinago. Isinuot sa kalingkingan. Kasya. Humalikipkip ito. “Akin na.”

“A, huwag!” tutol niya.

“Bakit? May nagmamay-ari na?” ang pagkabigo ay lumarawan sa mga mata ni Pepito.

Umiling siya. “Wala. Wala naman.”

“Sa akin na,” ulit ni Pepito. At hindi siya nakakibo.

(Halatang may pag-ibig si Pepito kay Lety. At sa hindi pag-imik ni Lety sa ginawa ni Pepito, para na rin niyang ipinahalata na may pagtingin siya rito. Pero, sino si Pepito?

Sa dormitoryo na tinuluyan ko noong araw, mahigit na limampu kaming nakatira. Bawat isa, may sariling kwento ng buhay. Ang buhay ng karakter ni Lety ay isa lamang composite. Na natitiyak kong totoo ring nangyari sa iba pang dormitoryo noon. At ngayon.

Abangan ang katapusan sa susunod na blog posting.)

Saturday, August 2, 2008

ULAN SA ATING BUHAY



ULAN SA ATING BUHAY

RAIN, rain, go away, come again another day! Paborito nating tula ito noong araw. Gusto nating maglaro, pero ayaw payagang lumabas ng bahay. Masisipon! Uubuhin! Sasabihin ng matatanda.

Nang tin-edyer naman, lalo at may iskedyul na sayawan sa venue na open air, siempre, walang bubong, panay na ang dasal natin. Diyos ko, Diyos ko, huwag po sanang umulan. Sayang naman ang bagong pagawang bestido na kay luwang ng palda at kay kapal ng pansusong petticoat! Na sumusunod pag-ikot sa pagsayaw ng waltz. O boogie. Sayang din naman ang bagong biling tru-venized, tawag sa polo shirt na ang mahabang manggas, ay maingat na itinutupi, hapit na hapit sa braso! At ang itim na sapatos na mapananaliman sa kintab ng pagka-shine, e, matatapakan lang naman ng kasayaw!

Ito rin ang dasal natin kapag may okasyong tulad ng Katapusan ng Santa Krus de Mayo. Na ang mga sagala at konsorte ay artista (wala pa noon o bihira pa ang may telebisyon sa probinsiya, kaya sabik ang lahat na makakita nito). At ang magpapalabas sa stage show ay ang grupo nina Georgie Quizon, Bayani Casimiro, at kung sinu-sino pa, at kung saan magpapakita at babati lamang si Dolphy, sikat na sikat na siya noon, at mabalitaan lamang na darating siya ay hugos na ang mga taong manonood.

Bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang karanasan na may kinalaman sa ulan. Lalo at higit nang tayo ay sumapit na sa panahong mayroon na tayong itinatangi. Ngunit wala namang katugong damdamin? Crush natin, pero hindi naman tayo crush? Lab natin, pero di naman tayo lab? Saklap, talaga. O minsan, kung nagkaroon na nga ng relasyon, ito’y naging biktima naman ng mga pangyayaring hindi napagtagumpayang harapin! Ay, naku, tunay namang tag-ulang-tag-ulan sa buhay natin, kaya dinaan na lamang ang panahong ito sa pakikinig ng malulungkot na kanta. O sa pag-awit na rin, ala Judy Garland, kahit medyo sintunado…

I'm always chasing rainbows,
Watching clouds drifting by,
My dreams are just like all my schemes,
Ending in the sky.
Some fellows look and find the sunshine,
I always look and find the rain.
Some fellows make a winning sometime,
I never even make a gain, believe me,
I'm always chasing rainbows,
I'm watching for a little bluebird in vain.

O ng awit ni Jerry Vale sa jukebox….

Just walking in the rain getting soak and wet
Torturing my heart by trying to forget
Just walking in the rain so alone and blue
All because my heart still remembers you
People come to windows they all stare at me
They shake their heads in sorrow saying who can this fool be
Just walking in the rain thinking how we met
Knowing things have changed somehow I can't forget.

Tulad din ni Lety, ang bida sa susunod kong kwento sa buwan ng Agosto, na buwan ng tag-ulan sa Pilipinas. Always chasing rainbows nga ba siya? At just walking in the rain?


Abangan!