Tuesday, June 24, 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS - BIYENAN AT MANUGANG

COMMENTS AND FEEDBACKS - BIYENAN AT MANUGANG

Itong nakaraang linggo, nakasama ko ang ilang dating kaibigan sa dormitoryo sa isang tanghalian sa Dad’s sa Megamall para sa isang balikbayang taga Queens, New York. Natural na napag-usapan ang aking blog at tema ng latest posting nito na tungkol sa biyenan at manugang. Nakatutuwa ang sharing ng isa sa grupo na may manugang sa kaisa-isang anak na lalaki. Ang kanyang asawa ay nag-iisa ring anak na lalaki na paborito ng nanay nito, kaya ganoon na lamang ang dinanas niyang “hirap” ng loob sa panahong pinagsamahan nila.

Ngayong biyenan na ako, naisip kong hindi pala naman kataka-takang ganoon ang pakitungo sa akin ng biyenan ko noon. Nauunawaan ko na siya ngayon. Pero, sa abot ng aking makakaya, masasabi kong lahat ay aking ginagawa ngayon para maging mabuting biyenan!

Lakas nang tawa naming mga nakaaalam ng kwento (hindi pa ito nababasa ng nag-share). Komentaryo ng isa: Kaya para na lang boarder sa bahay ninyo ang manugang mo!

Napunta tuloy ang “sharing tungkol sa bahay: Aba, naku, ako ang lahat sa bahay! Alaga ng apo, hatid sa eskwela, sundo sa eskwela, punta sa palengke, luto, tapos, pag nasigawan ko ang katulong, magsisialis at ang dahilan ay malakas daw ang boses ko! Sabi ko, hindi ko sila kinagagalitan, talagang likas na malakas ang boses ko, kasi ay ¼ na lahi akong Kapampangan (totoo ba ito? Di kaya nasa genes ito? Kasi marami akong kakilala, di naman taga-Pampanga, ang lalakas ng boses pag nag-uusap!)

Marami pa siyang sinabi tungkol sa pakikisama sa katulong, pero doon ko na lamang ilalagay sa aking kwento tungkol sa katulong. Ang kwento kong ito na isinali ko sa Palanca Awards for Literature contest noon ay tungkol sa akin at sa sarili kong katulong.

Balik sa biyenan at manugang. Sa telepono, may nag-share sa akin. O, kumusta ang relasyon ninyong mag-biyenan, tanong ko. Ang sagot: A, okey naman. Pinatay ko agad! From R.

Ibig sabihin lamang pala, hindi pa nagtatagal silang magkasama, ay sumakabilang-buhay na ito. Di kaya sa kunsimisyon namatay?

Mula naman sa mga text messages: Very true. It’s what usually happens when focus is on being good in-law than being a responsive one or being other-centered. At dahil single siya and a successful career woman, kanyang idinugtong: I suppose having a hipag or bayaw na lang ma-experience ko. Or having stepkids! He he he J From A.

A, may kwento ako tungkol diyan sa mga stepkids, abangan…

Another text: I didn’t post any comment as you asked cuz I didn’t want to incriminate myself! Hehehe J From Name Withheld upon request.

Understood, hehehe rin. J

Sa sinabi kong I welcome sharing pero hindi ko naman ilalagay ang pangalan ng nag-share, sa isang personal na nagse-share sa akin noong wala pa akong blog, heto ang sagot niyang text: Iisipin ko po. From N.

Again, understood.

From email sharings:

-Isa na namang paksa ang tatalakayin ng iyong panulat - biyenan at manugang - mga karanasan at kaugalian na nagiging tuksuhan at katatawanan sa mga umpukan. Sa aking karanasan, masasabi kong pinagpala ako at mababait ang aking mga biyanan, lalo na ang aking biyanang babae. Maaring hindi ako ang tipo ng manugang na nais nila para sa kanilang anak - iyan ang hindi ko alam dahil hindi nila ipinaramdam o ipinakita sa akin. From M.

Ang alam ko, ikaw ang tipo ng maraming “dalaginding” noong panahon natin. Pero sa palagay ko, wala na silang makikita pang katulad mo para sa kanilang anak. Totoo po.

-Itong latest story mo, wala naman akong problem sa mga biyenan ko kasi botong boto sila sa akin ( di nila alam ang mga kalokahan ko). Mabait naman ako, di ba? Ha,ha,ha, ako na rin bumuhat ng bangko ko. From A.

Magna cum laude ba naman, ewan ko na lang…

-Ewan ko kung ano ang ikukuwento ko tungkol sa biyenan ko kasi hindi ko siya nakasama …hanggang bawian siya ng buhay noong 2005 sa probinsya nila. Pero dumadalaw siya sa amin paminsan-minsan ng kami ay sa Maynila pa nakatira. But frankly speaking, madali raw pakisamahan ang manugang na lalake kaysa babae. Tutoo ba (tinatanong mo ang asawa ko)? Pero hindi naman siguro lahat ng manugang na babae ay may problema sa kanilang biyenan. Tulad mo ... siguro hindi kayo nagkaroon ng problema), di ba? From R.

Totoo po. Tingin ko nga ay favorite nila ako. Kasi, napapatawa ko sila at nabibiro. Minsan nga, napag-usapan ang nunal. May nunal sa may hingahan (pagitan ng ilalim ng ilong at nguso) ang aking biyenang babae. Sabi niya, sabi ng iba, swerte raw ang may nunal dito, pero bakit wala naman akong makitang swerte ko. Sagot ko naman: Ay, Inang, ang swerte nga ninyo. Ang gaganda ng manugang ninyo! Na sinabayan ko pa ng posing na maganda. Ang lakas ng tawa niya.

-Both of us didn't get the chance to live with biyenan nor with manugang. Right after the wedding, we declared, " Independence Day". Our children did the same. Once a week we have a family day and special occasions that we always excitedly anticipate. Lagi kaming nagkakasabikan, never nagkakasawaan.There are always respect and concern that all of us have to each other. We are curious to know how others deal with their in-laws. Maybe we could learn from them. From RJ.

Hindi ko alam kung may leksiyon kang mapupulot sa mababasa mong mga comments and feedbacks dito. Pero, natitiyak kong mapapangiti ka. Tulad mo ay marami rin dito sa Pilipinas na nakahiwalay agad sa mga biyenan at magulang. Kaya lamang, dahil “maliit lamang ang daigdig” sabi nga, kahit paano ay madali pa ring magkaalaman ng mga buhay-buhay.

-PARANG KILALA KO ANG TATLONG IYON : LORETA, DODONG AT LINDA. VERY FAMILIAR NAMES.

Bagong kasal pa lang kami. Talagang hindi ako marunong magpatay ng manok. hindi alam ito ng biyenan ko. Ibinili ba naman ako ng buhay na native na tandang na pagkalaki-laki at patayin ko raw para iluto at kakainin naming mag-asawa. Tapos umuwi na siya (biyenan) sa probinsya..

Hala, tinapik- tapik ko na sa leeg (ganon ang natatandaan ko eh), tapos binunutan ng balahibo at ginilit ang leeg para pumatak ang dugo. Then babanlian ko sana. Naku, nakahulagpos ang tandang at nagtatakbo. Habulan kami! Hindi ko mahuli. hanggang sa binalibag ko ng sangkalan, kaya ko lang inabutan. Pawis na katakut-takot...natapos ko ring patayin. at ang pagkatilad ko'y mali-mali. Nagtiyaga na lang ang asawa ko...ang nasa isip ko lang: puro trabaho at aral ang aking pagkadalaga, kaya dapat excused ako...mali ba? From C.

Ang tawa ko nang mabasa ko ito! At ‘Mare ko, na hindi ka marunong noon ay hindi mali. Pero kung ngayon ay hindi ka pa rin marunong, ay hindi pa rin mali. Bakit kamo? Kasi, kahit saang palengke magpunta ngayon, dressed na ang chicken, kaya, no problemo!

-WALA KAMING NAKASAMA SA BAHAY NA BIYENAN, KAYAT HINDI NAGING PROBLEMA SA AMING SAMAHAN. SA KARAMIHAN NG MAG-ASAWA,NA MAY KAPISANG BIYENAN, ANG NADIDINIG KO AY NAGKAKAROON NG HIDWAAN AT HINDI COMPORTABLE ANG ISA’T ISA. From P.

May mangilan-ngilang kwento pa rin akong naririnig tungkol sa ganitong pagsasamahan. Pero, malaki na ang ipinagbago ng relasyong biyenan at manugang.

-I will share my "experience" with you pag nagkita tayo. We did not have the chance the last time that we were there. From R.

Mukhang mahabang kwentuhan ito. Kailan ba ang uwi mo?

-Mangyari pang lahat ng mga kuwento mo dito ay binabasa ko. Mula doon sa una hanggang dito sa pinakahuli na tungkol sa manugang at biyenan. Gustong-gusto ko ang mga paksa, lalo na ang estilo ng pagsulat mo.

Naalaala ko tuloy ang isang joke tungkol sa manugang at biyenan . . .(Sana di mo pa alam.)

Nag-uusap ang magkaibigan.

Kaibigan 1: Pare ko, saan ka ba nanggaling at ganyan ang hitsura mo?
Kaibigan 2: Pare, nakipaglibing ako sa biyenan ko!
Kaibigan 1: Pero bakit gulong-gulo ang ayos mo at may mga kalmot ka pa sa mukha?
Kabigan 2: Pare, nanlaban ang bruha habang ibinabaon ko sa hukay . . .

He-he.
From R.

May alam din akong joke. May nahuli daw speeding ang pulis, pero ang tagal bago niya inabutan. Nang mag-abot, sabi raw ng pulis, give me one good reason kung bakit ganyan ka kabilis magpatakbo at hindi kita titikitan. Ang rason ng driver ay tungkol sa biyenan. Ang kaso, nalimutan ko kung ano ito, hehehehe! Pasensiya na po…

Komentaryong Nakatataba ng Puso:

-Lagi akong nag-aabang ng iyong kwento. Nakalilibang , ito’y real na nangyayari sa maraming tao. Pagkatapos kong basahin, ikinikwento ko naman kay Oscar. From L.

-I have been reading your articles kaya nga lang hindi pa ako makapag-comment. But what can I say? Nasabi na ng iba kasi. Except para kang alak (wine) na habang nagkaka-age (nagiging mature) lalong sumasarap -- ikaw lalong gumagaling! Keep up your good work. I love it.
From H.

Sa aking text na sinabi kong “hope you enjoy reading…” -Do not hope anymore. Talagang enjoy ako sa mga kwento mo! From V.

Tuesday, June 17, 2008

PARA SA OFW? PINOY IMMIGRANTS ABROAD? HENERASYON NG DEKADA CINCUENTA? SISENTA?



PARA SA OFW? PINOY IMMIGRANTS ABROAD? HENERASYON NG DEKADA CINCUENTA? SISENTA?

BAKIT MO GINAGAWA ITO? May nagtanong sa akin.. Kamakailan lamang. Ano raw ang dahilan ng pagsulat ko sa blog? Paglalathala ng mga kwento dito. Mga kwentong tungkol sa pag-ibig, sa pamilya at kung anu-ano lamang. Kumbaga, e, mababaw lamang naman. Ano ba ang aking napapala?

Sa mga unang blog postings na nasa kailaliman nito (Enero/Pebrero), may inilagay na akong dahilan na siyang tunay na nag-udyok sa akin para gawin ito. Para sa susunod na henerasyon ng aking pamilya at sa mga iba pang interesadong makabasa nito. Pagdating ng panahong nais nilang masilip kung sino ba ako.

Hindi na raw ba ako magsusulat sa Liwayway? Ang tanong pa. Naisip ko, bakit hindi? Marami pa akong paksa at ideyang pinaglalaruan sa aking isip. Kaya nga lamang, nasimulan ko ito at nasisiyahan naman ako sa kinalabasan, sa mainit na pagtanggap ng mga imbitado kong mambabasa. Pumapasok dito ang ego trip, pasensiya na. Alalaon baga, may feedback sa kanilang nabasa. E, sa tinagal-tagal ng pagsusulat ko sa Liwayway, wala pa yatang sampu ang sumulat upang sabihin na nagustuhan nila ang kwento ko. Bagaman, kahit saan ako makarating, kapag nalaman nila ang aking pangalan, sasabihin na nilang gustung-gusto nila ang aking mga kwento at “ikukwento” nila sa akin ang aking kwento, Kaya lamang, napansin ko sa aking mambabasa, hindi sila ang tipong sumusulat para sabihin na gusto nila ang ginagawa ko. Okey… Sabihin na nating ang aking mga “tagahanga” ay “a breed apart”.

Uso ang blog, at sa totoo lang, ang mga anak ko ang nagtulak sa akin na sumulat nito. Isulat mo ang nasa isip mo, ang nasasaloob mo! Pero, parang hindi ko magawa ang ibukas ang aking sarili. Kaya naisipan ko, bakit hindi iyong mga dating kwento na nalathala sampu, dalawampu, tatlumpong taon na ang nakararaan, ang ilagay ko rito? Bakit nga hindi? At sa dami noon, hindi pa kasama ang nobela, aba, e, magbibilang ako ng taon bago maubos ito.

At kasunod kong naisip, tamang-tama na ang iimbitahin kong bumasa nito ay ang mga kamag-anak at kaibigan na ngayon ay nasa abroad. Sila ang sigurado kong hindi nakabasa ng kwento ko sa Liwayway noon, ngunit laki naman sila sa mga sambahayang bumibili nito. At hindi lamang ito, kundi pati, Bulaklak, Sinagtala…Silahis… at Tiktik? Heh, heh, heh, ewan…

At ganoon nga ang nangyari. Ikalimang buwan na ito ng pagsusulat ko sa blog at nakalimang kwento na ako. Ang nakatutuwa ay ang natuklasan ko sa aking blog statistics kung saan ko nakikita ang total visitors, daily and hourly visitors, top ten pages visited, top ten keywords kung bakit bumisita, visitor countries at kung anu-ano pang detalye.

Paboritong oras ng pagbisita sa aking blog (Singapore/Manila time ang gamit ko) ay 6:00 A.M. at 10 P.M. Ibig sabihin, pagkagising nila at bago matulog. How nice naman.

Kamakailan, ang top ten keywords ng mga bumisita ay: ano raw ang ibig sabihin ng nasubhan (nasa kwentong Labinlima Lamang, ibig nang Mag-asawa); picture ng batang nagmamano sa magulang (sa writeup tungkol kay Robi Domingo, ang Atenista at PBB 2nd place winner na nag-interview sa akin noon, at nagmano sa akin!); sino ang punong-lungsod ng Marikina at santakrusan (intro sa kwentong Karugtong ng isang Mayo); kwento ng pagmamahal (lahat halos ng kwentong nalagay sa blog ay mga kwento ng pagmamahal); at Robi Domingo, Pulilan, Bulacan (write-up tungkol kay Robi).

Karamihan sa mga gumamit ng keywords ay iyong mga bumisita na hindi imbitado. Na ang ginamit ay mga yahoo/aol/google search engines.

Ang mga suki kong countries ay United States, Canada, Australia at Philippines. Pero marami nang naligaw at umuulit naman na taga Italy, Germany, Saudi at Malta.

Naisip ko lang, sana, mas maraming bumisita rito. At ang nasa loob ko ay iyong mga kababayan na nasa ibayong dagat – OFW, IMMIGRANTS ABROAD, HENERASYON NG DEKADA CINCUENTA, SISENTA, ETC. na nais pa ring magkaroon ng kaugnayan sa anything Pinoy. At mayroon pa bang masasabing Pinoy na Pinoy, kundi mga kwento sa Liwayway? Kasing-Pinoy ng adobo, tinikling, awit na Bayan Ko, Barong-tagalog, Wowwowwee at Eat Bulaga?

Bumalik tayo sa unang tanong: bakit ko ginagawa ito, sa totoo lang?

Gusto ko sanang isagot, ‘la lang (ibig sabihin, wala lang, sa lengguahe ng mga bata ngayon). Partly, totoo ito. ‘La lang. Pero, sa aking kaibuturan, naisip ko, gift ito sa akin. Ang makasulat, ang makalikha. May nabasa akong minsan, ang talent daw ng tao ay gift ni God sa atin. How we use our talent is our gift to God.

Kaya, kung ang kakayahang magsulat ay isang talentong regalo sa akin, ang ibahagi ito sa iba ang tanging magagawa ko naman bilang pagpapasalamat sa Nagbigay.

Kaya… ako ay naririto!

Wednesday, June 11, 2008

BIYENAN AT MANUGANG - Katapusan

BIYENAN AT MANUGANG

Katapusan

Mabait naman ang pamilya ni Ben. Kaya lang…

Kaagad siyang naglihi sa panganay nila ni Ben. At sa paglilihi, ang pagsama ng pakiramdam ng katawan, pagiging maramdamin, matamarin, pagkaiyakin.

“Ate, bangon na raw,” sabi ng kanyang nakababatang hipag.”

“Masama ang katawan ko,” sagot niya.

“Sabi ng Nanay, tuturuan ka raw niyang magluto. Tanghali na raw.”

Masama ang loob, mangiyak-ngiyak, susunod siya. At naroon ang kanyang biyenan, na nadiskubreng hindi pala siya marunong magluto. Dahil nang dalaga pa ay patulung-tulong lamang siya sa kanila, hindi lubos na napag-isa.

At ang sabi pa sa kanya. Bawa’t nangungusina, kani-kanyang pamamaraan. Ganito ang gusto ko. Ganito ang hiwa ng kamatis, ganire ang hiwa ng sibuyas. Iba ang hiwa ng patatas sa torta, iba ang hiwa sa picadillo. At ang isinasarap ng ginigisang baboy o manok o karne ay nasa sa pagsasangkutsa. Ano ba ang sangkutsa? Taga-probinsiya ka, hindi mo alam. Ang totoo’y alam naman niya.

Ipinanganak niya ang kanilang panganay ni Ben. Aakalain ba niyang wala siyang maipasusuong gatas, gustuhin man niya, sangkamaw mang sabaw na puno ng dahong malunggay ang kanyang higupin araw-araw.

Iiling ang kanyang biyenan. At sasabihin. Kaya iba ang singaw ng mga kabataan ngayon, hindi gatas ng ina ang nasususo. Mahina ang mga tiyan. Madaling magkurso. Maraming singaw sa katawan. At ano bang kalintikan ‘yang DPT at anti-polio inoculation na ‘yan? Nu’ng panahon namin, pupurgahin lang ng kinatas na murang dahon ng ampalaya, iige na ang bata.

At sa bawat kilos niya: Hindi ganyan ang pagtitiklop ng lampin. Hindi ganyan ang paglalagay ng bigkis. Ano ba ‘yang cereal na ipinakakain mo? Ba’t di maglugaw ka na lang at iyong am ang iyong ibigay. Mas masustansiya pa.

Kalaunan. Ikukula mo ang puti. Bakit namamanhid ang iyong pinalantsa. Bilasa ang nabili mong isda. Matigas ang iyong pagkapirito. Paksiw ba ito o sinigang, karaming sabay. Nadami’ng suka ng iyong adobo, kaasim. At ganito at ganoon.

Hindi na siya nakatiis. Nagreklamo siya kay Ben. Sinabi niyang nais niyang mag-opisina o magturo, umalis ng bahay, dahil naiinip siya. Ang totoo, hindi lang niya masabi, baka siya maluka sa kunsumisyon sa ina nito. Aakalain ba niyang nakatagpo agad siya ng trabaho at nakakuha agad ng katulong. Niyaya niyang humiwalay si Ben. At pumayag ito. Kaya lang, sa isang apartment na malapit sa kanyang biyenan.

Heto na. Iba naman. Sabi ng kanyang biyenan. Ang tamad ng katulong mo, tuturuan mo. ‘Oy, Loreta, laging may sipon ‘yang anak mo, napapabayaan. Kasunod ang iling, ‘yan ang hirap sa nagtatrabaho ang ina. Walang wawa ang pamamahay.

At ganito at ganoon ulit. Hanggang ipanganak niya ang isa pang babae at ang bunsong si Dodong. Hanggang makapagpatayo sila ng sariling bahay na malayo sa kanyang biyenan. Hanggang bawian ng buhay ang mga ito, at si Ben ay na-stroke nang nasa haiskul si Dodong.

Mabait naman kung tutuusin ang kanyang biyenan. Marami siyang natutuhan dito. Kaya lang… maraming mga luha, hinanakit, sama ng loob, pagdaramdam ang tiniis niya sa pakikisama rito. Wala siyang nasilip ni katiting na pagtingin nito sa kanya. Si Ben lamang ang tinitingnan nito. Isa siyang estranghero. Hindi kapamilya. Bakit kailangang maging ganoon?

Noon pa lamang, nabuo na ang kanyang pasiya. Kapag dumating ang sandali ng pag-aasawa ni Dodong, hindi siya magiging masamang biyenan sa kanyang manugang.

Alam niya: matapos makasal, gusto ni Linda na magsarili sila ni Dodong. Kung tutuusin ay di naman siya magiging problema. Katagal nang niyayaya siya ng dalawang anak na babae na bumisita sa Amerika. Tumira dito. At kapag nagustuhan niya, ipe-petisyon siya. Lalo nang iplano ang pag-aasawa ni Dodong. Sunud-sunod ang sulat ng mga ito. Dear mother-in-law to be: It’s time to pack your bag. Iwanan ninyo sina Dodong at Linda. Remember, iyong mga kuwento mo sa amin tungkol sa biyenan at manugang. Kaya nga kami narito sa Amerika. Dito na kayo sa amin… okey ka naman sa aming mga husbands….

Ngunit ayaw niyang umalis. Nais niyang ipakita sa lahat, at higit sa kanyang sarili, na siya ay magiging huwarang biyenan.

Kapuwa nagtatrabaho sina Dodong at Linda. Kaya nagulat siya isang umaga nang magisnan na niya sa kusina si Linda, kausap ang kanilang katulong.

“Aga mo, iha,” kanyang bati.

Ngumiti si Linda. “Ihahanda ko ho ang almusal natin. Ang gusto pala ni Dodong ay…”

Hinawakan niya sa bisig ang manugang. “Bumalik ka kay Dodong. Ang aga-aga pa. Ako ang bahala sa gusto ni Dodong. Sige…” pagtataboy nito.

At hindi niya pinabayaang magtrabaho si Linda. Hindi niya pinayagang magsilbi ito kay Dodong. Ako ang bahala. Sige lang kayo riyan.

Minsan, itinatanong ni Linda kung paano ang pagluluto ng asadong dila, ang weakness ni Dodong. Saka ko na ituturo, ang sambot niya.

Hindi niya akalaing mag-aral magluto ng cakes and pastries si Linda. Dahil sa paboritong chocolate cake ni Dodong. Tulad nang dapat asahan, ang unang chocolate cake ni Linda ay malabo, sumasabog kapag tinusok ng tinedor. At nakahihirin.

“Nakakahiya,” sabi n Linda.

“Talagang ganyan,” pang-aaliw naman niya. “Kalimutan mo muna ang pagbe-bake. Ako na ang bahala rito.”

Humanap ka man ng biyenan, wika nga’y magpagawa ka man ng biyenan, wala ka nang makikitang katulad niya, kanyang naisaloob. Hindi pinagagawa ang manugang. Hindi pinipintasan ang maling nagawa ng manugang. Aba, parang boarder si Linda sa kanila. Walang iniintindi.

Wala siyang tangkang makinig. Ngunit parang umiiyak si Linda, waring nagsusumbong kay Dodong. Para akong boarder dito. Walang ginagawa. Parang tau-tauhan. Walang iniintindi.”

Tinig ni Dodong. “Ganoon lang ang Mama. Gusto lang niyang makatulong.”

“Hindi,” mariing wika ni Linda. “Babae ako at naiintindihan ko siya. Gusto niyang masabing mabait siyang biyenan. Oo. Mabait nga siya. Pero, maling kabaitan. She’s doing it all wrong. Nang dumating ako rito sa inyo;, nakahanda akong mahalin siya, sapagkat mahal kita. Alam ko ang kasabihan tungkol sa biyenan at manugang, and I came prepared. Ang Mommy ko at biyenan niya, magkasundo. At aral ako sa Mommy ko. Pero nasisira ako sa Mama mo. Ayaw niya akong bigyan ng pagkakataong maging anak o manugang o kasambahay. Para akong boarder… Ni hindi ko alam kung ilan ang pantalon mo. Kung paano tiklupin ang mga sando mo. Kung ano ang sukat ng gagawing polo mo. Panay siya ang bahala. Siya. Siya. Siya. Ako’y walang silbi! Ako’y walang bilang!”

Napahagulgul ng iyak si Linda. Ang maganda, marunong, katangi-tanging si Linda. Maalam tumugtog ng piyano at gitara. Ngunit ang tanging gusto ay ang makapaglingkod sa asawa. Maging bahagi ng pang-araw-araw na buhay nito.

Nagmamadaling tumalilis si Loreta. Iniwan niya ang umaalong tinig ni Dodong. Sa kanyang puso, nais lamang niyang maging mabuting biyenan. Taliwas sa kanyang sariling biyenan. Nakalulungkot, ngunit inaamin niya, ngayon, na mali ang kanyang pamamaraan.

Naalaala niyang bigla ang katatanggap na sulat buhat sa Amerika. Ang pagsang-ayon na lamang raw niya ang hinihintay para maayos ang mga papeles. Naisip niya, bakit hindi? Kay tagal na niyang hindi nakikita ang dalawang anak at ang mga apo rito. Masarap siguro sa Amerika.

Bakit nga ba hindi?

Liwayway, Mayo 19, 1986

Monday, June 2, 2008

BIYENAN AT MANUGANG

BIYENAN AT MANUGANG

Unang Yugto

Nasisiyahang pinagmasdan ni Loreta ang chocolate cake sa loob ng oven. Natitiyak niyang ekselente na namang lalabas ito. Katamtaman ang pagkaalsa, pino ang texture at talagang moist as a chocolate cake should be. Hindi dry at nakahihirin. At hindi malabo na sumasabog kapag naduro ng tinedor. Naisip niya. Matutuwa na naman si Dodong. Paborito nito ang chocolate cake. Mula pa nang ito’y isang batang paslit, lagi nang may chocolate cake siyang ginagawa tuwing kaarawan nito. At kaarawan ngayon ni Dodong. Dalawampu’t limang taon na si Dodong. Nais nang mag-asawa.

Natatandaan niya, sinabi nito. “Gusto kong makita mo siya, Ma.”

Tumawa siya. “Upang makilatisan?”

Inakbayan siya ni Dodong. “Nakilatisan ko na siya, Ma. At pinili.”

Ang himig ng pagkasalita ni Dodong ay may inihatid na kaba sa kanyang dibdib. Sinong babae ito na napili na ng kanyang anak? Na wari, wala nang makahahadlang.

“Kilala mo naman siya, Ma. Madalas ko nang maikuwento sa iyo. Si Linda.”

Si Linda. Bukambibig ni Dodong. Sinong Linda ito na di pa man, ay waring naglalagay na ng guwang sa pagitan nilang mag-ina?

“Maganda ba siya?” tanong niya.

Kumislap ang mga mata ni Dodong. “Nakita mo na siya sa larawan ng grupo namin. Maganda. At di lamang maganda, dahil marunong pa rin. Masarap na kausap. Wide reader. Mahilig sa arts. Tumutugtog ng piyano. At classical guitar.”

Ang kaba ay nagbinhi ng takot. Si Linda. Wari ay isang formidable daughter-in-law to be. Ang takot ay iwinaksi, dinaan niya sa biro. Aba, si Dodong ko naman ay guwapo, cum laude nang magtapos sa kolehiyo, kasama sa top ten sa Board, up-and-coming executive sa kompanya, mahusay na swimmer at… at…”

“Matakaw!” agaw ni Dodong.

Nagtawanan silang mag-ina. Nang bigla, naalaala niyang itanong. “Magaling ba siyang magluto?”

Doon, nagbibirong itinirik ni Dodong ang mga mata. Ang kasiyahang nadama niya ay hindi na niya pinagkaabalahang unawain.

At ito si Linda. Ang kanyang mamanugangin. Maganda, matalino, ngunit hindi marunong maglutong katipan ni Dodong. Inasikaso niyang mabuti ito sa pagkain. Panay ang abot niya ng asadong dila.

Weakness ito ni Dodong, aniya.

Nginitian nito si Dodong. At kinindatan ito ni Dodong. Sa pakiramdam ni Loreta, nag-iisa siya sa harapang iyon. Ngunit ang naligaw na kirot ay iwinaksi niya. At muli, inabutan niya ng ulam si Linda. “Ito’y sinigang na ulang sa kamyas. Resipe ito ng biyenan ko.”

Nang waring nag-atubili si Linda ay kaagad niyang sinabi. “Hindi ka ba kumakain ng lutong probinsiya?”

Na hindi nito sinagot. Sa halip, kumuha na lang ito ng inialok niya.

Nang umalis sina Linda at Dodong ay inihatid niya ang dalawa hanggang sa pagsakay sa kotse. At inunahan na niyang niyakap si Linda, hinagkan sa pisngi, at kanyang sinabi. “Natutuwa akong ikaw at si Dodong, Linda…”

Niyakap rin siya at hinagkan ni Linda. Ngunit wala itong sinabi. Maliban sa pasasalamat sa isang masarap na hapunan.

Matalino si Linda. At babae. At sapagkat kapuwa sila babae ay kapuwa nila talos ang tunay nilang nadarama para sa isa’t isa. Para kay Linda, siya ay isang karibal sa pagmamahal ni Dodong. Iba man ang pagmamahal sa ina, para dito, siya ay isa pa ring kaagaw. Si Dodong ay nag-iisang anak na lalaki. Marami nang taong ulila sa ama, kaya ang pagmamahal ay buhos na buhos sa kanya. Kung paanong buhos na buhos ang loob at pag-aasikaso niya rito. Ang dalawang kapatid na babae ni Dodong na nakatatanda rito ay kapuwa nasa Amerika at may kanya-kanya ng pamilya.

At para naman sa kanya, ina sa kaisa-isang supling na lalaki na sula ng kanyang mga paningin, ano? No woman is good enough for her son. Kahit na kasing-ganda at kasing-talino ni Linda. Ngunit sa kabila nang lahat, alang-alang kay Dodong, siya ay nakahandang magmahal at tumanggap sa isang babaing magiging kahati niya sa pagmamahal at atensiyon ni Dodong.

Kanyang napagpasiyahan. Siya, si Loreta, ay magiging isang mabuting biyenan. Isang ulirang biyenan. Isang huwarang biyenan. Hindi siya magiging katulad ng kanyang sariling biyenan. Gunita na lamang nito ay may ginigising pang hinanakit at sakit ng loob sa kanyang kaibuturan.

Noon. Bagong katatapos nila ng pag-aaral ng ama ni Dodong nang sila ay magtanan. Ang kanyang biyenan. Sa mahinay na pagsasalita. Bahagya pang nakangiti. “Saan ninyo balak tumira?”

Wala pang hanap-buhay si Ben. Kasalukuyan pang naghahanap. “Gusto sana ni Loreta… sa kanila muna…”

Tumaas ang kilay ng kanyang biyenan. “Sa probinsiya? Paano ang paghahanap mo ng trabaho?” Naroon pa rin ang malumanay na pagsasalita.

Tumingin si Ben sa kanya. “Uuwi sa hapon. Malapit lang ang kanila.”

Umiling ang kanyang biyenan. “Mapapagod ka. Baka ka pa magkasakit. Dumito kayo at walang problema.

Kiming nakisagot siya. “Kasi ho, may offer na trabaho sa akin sa probinsiya. Isang teaching job. Sayang naman kung palalampasin namin.”

Ngumiti ang kanyang biyenan. Inakbayan siya. “Iha, dumito muna kayo. Hayaan mo na ang offer na trabaho sa iyo. Si Ben ang kailangang magtrabaho. Siya ang lalaki. Siya ang padre de pamilya. At saka masamang hitsura na ikaw pa ang susuporta sa aking anak, lalo’t hindi kaagad siya makakuha ng mapapasukan. Gusto mo ba iyong parang bumababa ang kanyang pagkatao?’

Kinagat niya ang kanyang labi. Umiling siya. Hindi. Ayaw niyang mangyari iyon kay Ben. Mahal na mahal niya si Ben. At tumango siya. Oo. Pumapayag na siya. Doon muna sila ni Ben.

Sa piling ng kanyang mga biyenan.

At hipag at bayaw.

(Ano kaya ang karanasang naghihintay kay Loreta sa piling ng kanyang biyenan? Upang mapagpasiyahan niyang maging uliran, huwarang biyenan pagdating ng panahong siya naman ang malalagay sa katayuang ito? Nangyari ba ito sa ilan sa atin? Mabait ba ang naging biyenan ninyo? Come on share… at abangan ang katapusang yugto ng kwentong ito!